Kabanata 2
April 9, 2017
Kasabay ng pagsapit ng bukang-liwayway, itinaas ang mga bandilang asul at pula sa iba't-ibang lugar sa Pilipinas, sa mga eskuwelehan, munisipyo, at pati na rin sa Palasyo ng Malacañang. Patuloy ang pagwagayway ng watawat kasabay ng hangin at puno ng otoridad. Ginugunita ngayon ang Pitumpu't-limang anibersaryo ng Araw ng Kagitingan. Kahit na ito ang araw na isinuko ang Lungsod ng Bataan sa mga manlulupig, muling isinapuso ng ilang Pinoy ang hindi matatawarang kagitingan at kabayanihan ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo na matapang na nakipaglaban sa mga mala-barbarong Hapon. Nakakalungkot na sa panahon ngayon, bibihira na lamang ang nagbibigay-pansin sa mahalagang pangyayaring ito, itinuturing na lamang nila itong isang karaniwang holiday tulad ng iba. Sa kasalukuyan, abala na ang mga tao sa maraming bagay na lubhang naiiba sa nakaraan. Ang mabilis na pag-usad at pag-unlad ng teknolohiya ang isa sa mga pangunahing rason. Abala na ang mga kabataan ngayon sa paggamit ng kanilang mga gadgets, sa pag-update ng kanilang mga status sa Facebook, pag-upload ng kanilang mga pictures sa Instagram at pagsunod sa kung ano ang uso o trending sa makabagong mundong kanilang ginagalawan. Sa kanilang mabilis at abalang mundo, hindi na sila tumitigil kahit na sandali upang bigyang oras at pansin ang mga makabuluhang pangyayari sa kasaysayan na humubog sa kinalalagyan nila ngayon.
***
Narating ni Joel at Mico ang Home For The Aged sa Quezon at matagumpay silang nakapasok sa loob ng nursing home nang idahilan ni Mico na dadalaw lang siya sa kanyang lolo, hindi naman mahigpit ang seguridad kaya naman nakapasok sila agad.
Sa loob ng center, pinagmasdan ng dalawang binata ang kanilang paligid. Sakto lamang ang lawak nito para pamahayan ng mga matatanda. Malinis at organisado naman ito ng mga Nurse. Umaga pa lamang ng marating nila ito ngunit sumaklob sa kanila ang singaw ng klima. Maraming electric fan ngunit para bang apoy na ang binubuga nito sa kanila. Narating nila ang isang mahabang mesa kung saan nakahilera ang mga matatanda sa kanilang kinauupuan at sila'y inaasikaso ng kanilang mga tagapangalaga. Ipinaghain nila ng sopas ang kanilang mga alaga, bagong luto ito at umuusok pa sa init. Hinipan ito ng mga hindi pa ganoong katandaan at dahan-dahang hinigop ang masarap nilang almusal. Ang iba namang hindi na kayang kumain ng mag-isa ay inaalalayan at sinusubuan ng mga tagapangalaga, pagkatapos unti-unti rin nilang pinapainom ng tubig at pinapaypayan ang mga matatandang pinagpapawisan sa init ng sabaw at ng panahon.
Tinignang isa-isa ni Mico ang bawat matandang nag-aalmusal, "sino naman sa kanila ang ating kakausapin?"
Sumagot si Joel, "Basta, ako na ang bahala."
Habang sila'y kumakain, ilang matanda ang naihi at nadumi sa kanilang salawal. Inasikaso sila ng mga nurse at pinalitan ang kanilang lampin. Kumatas sa semento ang maitim at may kalaputang ihi ng isang matandang lalaki at umalingasaw sa buong kwarto ang panghi ng kanilang ihi pati na rin ang alingasaw ng kanilang dumi. Nakakapanlumo ang amoy gaya ng sa ospital.
Ang amoy ng sakit at katandaan.
Hindi man komportable sa paligid, may buong paggalang pa rin si Joel sa mga matatanda. Mahina at limitado man sila ngayon, puno pa rin sila ng karanasan, may mga buhay na pinagdaanan. May mga kwentong ngayon ay nalalapit na sa katapusan. Sa isang banda, napapaisip rin ang binata, magiging ganito rin kaya siya sa kanyang pagtanda kung siya ay papalaring umabot sa kanilang edad?
Hindi na nakatiis pa si Mico at tinakpan niya ang kanyang ilong na may pandidiri, "ang baho naman dito, Tol, baka pagkauwi ko ganyan na rin ang amoy ng tae ko."
"Ano ka ba pre? Daig mo pa babae." sinita ni Joel ang kaibigan.
"Eh kung magtanong na kaya tayo sa isa sa mga nag-aalaga?"
"Sa wakas, may naitulong ka rin, Tol."
Sakto namang pumasok ang isa sa mga nurse, tulak-tulak ang wheelchair ng isa sa mga matatanda. Nagtungo si Nurse Anne sa mesa at inalalayan niya si Lolo Juan.
Agad na pumukaw sa pansin ni Mico ang magandang dalagita, tinignan niya ito mula ulo hanggang paa habang siya'y nakatalikod at nag-aasikaso sa mga alaga.
"Tignan mo yun, sinuswerte nga naman tayo," itinuro niya sa kaibigan ang magandang nurse na may paninigla sa kanyang mata. "Mukhang anghel ang nurse na yan, napakaganda pa ng hugis ng katawan, ang sexy."
Siniko ulit ni Joel ang kaibigan, "nandito tayo para gumawa ng project, hindi para magmanyak ng nurse."
"Sa kanya tayo magtanong."
Napalingon si Nurse Anne sa nagbubulungang binata at siya'y lumapit sa kanila.
"Sir, may maitutulong po ba ako sa inyo?"
Nagkatinginan si Joel at Mico, pareho silang nablangko sa tanong ni Anne sapagkat hindi nila alam paano nila ito sasagutin at dahil natulala na rin sila sa ganda nito.
"Napansin ko kasing kanina pa kayo naglilibot dito, may hinahanap ba kayo, may dadalawin? Sabihin niyo lang kung may maitutulong ako."
Itinulak ni Mico si Joel palapit sa Nurse upang siya na ang makipag-usap.
"Sorry po, Nurse, sa totoo lang wala po kaming dadalawing kamag-anak. Joel Trinidad po at siya naman po si Mico Alvarez."
Itinuro niya ang kaibigan at kahit na siya ay nahihiya nagawa pa rin niyang alukin ng hand shake ang nakahahalinang Nurse at pinagbigyan naman niya ito. Nakipagkamay naman ito ng ilang segundo sa kanya. Walang kasing lambot ang kanyang palad.
"Kami po ay mga Business Management student sa Pamantasan ng Maynila. Nagpunta po kami para sa isang project na binigay ng Prof namin as final requirement. Ngayon po ay Araw ng Kagitingan. Gusto niya pong humanap kami ng isang War Veteran na pwede naming ma-interview. Humihingi lang po kami ng kaunting oras, makikipagkwentuhan lang po kami sa kanya at idodocument lang po namin yung mga experience niya bilang isang sundalo noong World War 2. Mayroon pa po kayong alagang nasa edad 90 plus na?"
Taimtim na napaisip si Nurse Anne at pasimpleng napasulyap kay Lolo Juan sa mesa.
"Bibihira na lamang ang mga alaga naming umabot sa 90. Karamihan sa aming mga inaalagaan nasa edad 60-80 plus lang, marami sa kanila hindi na naabutan ang giyera at kung meron mang nakaabot sobrang bata pa nila noon."
"Ganun po ba, baka po mayroon pa kayong kahit isang alagang nakaabot sa panahon ng mga Hapon?" Nakiusap si Joel.
"Sa katunayan, mayroon," napilitang sagot ni Anne, nag-aalangan sa kanyang gagawin. "Nakita niyo ba ang matandang inalalayan ko kanina?"
"Siya po?" itinuro ni Mico si Lolo Juan mula sa kalayuan.
"Oo siya nga. Siya si Lolo Juan Miguelito Garcia. Ipinanganak siya noong 1920. 96 na siya at mag 97 na sa September. Lagpas 5 years na siya dito mula nang dalhin siya ng apo ng kanyang pinsan. Sa ngayon, siya na ang pinakamatandang inaalagaan namin dito."
Tinuon ni Joel ang mata niya sa matanda, nakatulala si Lolo Juan sa kanyang kinauupuan at tila malalim ang kanyang iniisip habang siya'y nakatingin sa bintana.
"Sa tingin niyo, pwede pa po ba namin siyang makapanayam?" .
"Kahit na may katandaan na siya, mas malinaw pa ang pag-iisip niya kumpara sa iba, kahit na minsan kung ano-ano na ang kanyang ikinukuwento tungkol sa buhay niya noong araw at kung sino-sino na ang pangalang nababanggit niya."
"Lumaban ba siya sa mga Hapon noong giyera?" tanong ni Mico.
"Oo," nanamlay ang tono ni Nurse Anne, "alam ko, dahil ilang beses na siyang nananaginip sa gabi tungkol sa pakikipaglaban niya sa mga Hapones, malamang nagkaroon ito ng matinding impact sa kanyang pagkatao. Papayagan ko kayong makausap si Lolo Juan, pero ipangako niyong maghinay-hinay lang kayo sa mga sasabihin niyo at hanggang maaari huwag niyo na muna mabanggit ang tungkol sa mga Hapon."
Napangiti ang dalawa sa pagpayag ni Anne, "maraming salamat po."
Inasikaso sila ng Nurse at sila ay pinaupo sa tapat ni Lolo Juan. Sa malapitan lalong nahalata na ni Joel na may katandaan na talaga ito.
"Magandang umaga po, Lolo Juan."
"Magandang umaga rin...iho," mabagal ngunit maayos ang pagsagot ni Lolo Juan.
"Ako po si Joel."
"At ako naman po si Mico."
"Naririto po kami para makausap kayo, kahit sa sandaling oras lamang," nag-iingat si Joel sa kanyang mga sinasabi, "Ngayon po ay Araw ng Kagitingan at nautusan po kaming gumawa ng project tungkol sa mga beteranong sundalo na nakipaglaban noong World War 2. Hihingi lang po kami kahit kaunting impormasyon tungkol sa buhay nyo noong araw bilang isang sundalo."
Nakatigil ang tingin ni Lolo Juan kay Joel at hindi niya matiyak kung narinig ba niya ang sinabi ng binatilyo o natulala lang siya.
"Itatanong lang po namin kung paano kayo nakipaglaban," tumirada ng salita si Mico, "kung gaano kalakas ang mga bomba, kung ilan ang napatay niyong mga Hapon!"
Bahagyang nandilat ang maliliit na mata ni Lolo Juan at napanganga nang marinig ang salitang Hapon, maging si Joel at Nurse Anne ay hindi inaasahan ang biglaang pagsabat ni Mico.
"Tol!"
Nagsisigaw ulit si Lolo Juan na gumambala sa buong kwarto. Mga Hapon! Nasaan ang mga Hapon? Papatayin ko sila!"
"Lo, huwag kayong matakot," pinakalma ni Anne ang alaga, "wala pong mga Hapon."
"Mga Hapon!"
Agad siyang pinainom ng tubig ni Anne. Hinarap niya na may nagngingitngit na labi ang dalawang binata, "anong ginawa niyo? Ang sabi ko sa inyo, maghinay-hinay kayo at huwag na huwag niyong babanggitin iyon sa kanya? Tignan niyo nangyari! Nagkakaroon siya ng PTSD tuwing naririnig niya ang salitang iyan!"
"Sorry po," humingi ng tawad si Joel, "sorry po, talaga, Lolo Juan, Sorry po."
Tumayo si Joel at hinatak niya ang kaibigan sa isang sulok.
"Ano ka ba, Mico? Bakit mo ba ginawa iyon? Hindi mo ba ginagamit ang isip mo?Tignan mo tuloy ang nangyari kay Lolo?"
"Aba malay ko bang magkakaganyan siya," depensa ni Mico sa kanyang sarili.
"Paano kung may nangyari kay lolo? Konsiyensiya pa natin."
Maya-maya lumapit si Nurse Anne sa dalawang binata.
"Kamusta po si Lolo Juan?" tanong ni Joel na may pag-aalala.
"Napakalma ko na siya."
Nakahinga ng maluwag si Mico sa kanyang sinabi, "buti naman po, akala ko may nangyari na sa kanya."
"Pasensya na, ayoko sanang maging bastos sa mga bisita pero alang-alang sa kapakanan ng pasyente ko, mas makakabuti siguro na umalis na kayo. Hindi makakabuti kay Lolo Juan na alalahanin ang pangyayaring ito ng kanyang buhay. Matanda na siya at may trauma siya sa mga nangyari noong giyera, baka hindi na niya kayanin. Ilang taon na ko dito at napamahal na sa akin si Lolo. Itinuring ko na siyang pamilya. Ayokong may mangyari sa kanyang masama, Maghanap na lang kayo ng ibang kakausapin."
Napailing ang magkaibigan nang marinig ang sinabi niya.
"Pakiusap, Nurse..."
"Anne," pagpapakilala niya.
"Pakiusap, Nurse Anne," Kinapalan na ni Joel ang mukha niya, "si Lolo Juan na lang po ang pag-asa namin para makagraduate, kapag po hindi naipasa ang project na to, babagsak na po kami sa History class at uulit pa kami ng isang sem, pakiusap po, hayaan niyo pong makausap namin si Lolo Juan at pangako, hindi na po kami magbabanggit ng kahit anong makakapagdulot ng stress sa kanya. Tatahimik na po tong kasama ko."
"Promise po, Nurse Ganda, zizipper ko na po yung bibig ko," pangako ni Mico.
Gaya ni Katakutan, nakaramdam rin ng awa si Nurse Anne sa maamong pakiusap ni Joel, napatingin siya ulit kay Lolo Juan at muling nagtalo ang kanyang isip.
"Ang sabi niyo, minsan kung ano-ano ang ikinukuwento niya tungkol sa buhay niya. Hahayaan lang po namin siyang magsalita at isusulat namin ang sasabihin niyang may kaugnayan sa aming project. Hinding-hindi na po kami magbabanggit ng kahit na anong bagay na ikatatakot niya, lalo na po ang mga Hapon at ang giyera. Pakiusap, hayaan niyong magawa namin ito para makapagtapos na kami."
Huminga nang may kalaliman ang dalagita, "sige, pero isa pang marinig ko ang salitang Hapon, palalabasin ko na kayo."
Sumenyas si Mico at izinipper ang kanyang bibig.
Bumalik si Joel at Mico sa kanilang kinauupuan, naging maingat sila at pinakiramdaman ang matanda ngunit agad namang nag-iba ang timpla ni Lolo Juan nang makita ulit ang dalawa.
"Kayo na namang mga sugo ng Hapon. Umalis na kayo, wala akong maitutulong sa inyo. Nurse, paalisin niyo sila."
Hinimas ni Anne ang braso ng kanyang alaga, "Lo, huminahon po kayo, pakinggan po muna natin sila. Mababait po sila."
Tanging si Nurse Anne lamang ang may kakayahang mapakalma ang iritable at nag-uulyaning matanda.
"Lolo Juan, paumanhin po kung natakot namin kayo kanina," sabi ni Joel, "hindi po namin sinasadya. Ang gusto lang po namin makapanayam kayo at malaman ang kwento ng inyong buhay noong araw, kung ano pamumuhay niyo dati, sino ang mga taong nakilala niyo, ang mga pinagdaanan nyo at kung ano ang tunay na kahulugan ng Kagitingan para sa inyo. Lo, huwag kayong mag-alala, hindi po namin kayo pipilitin na ibahagi ang mga bagay na nakapagpapabigat sa kalooban nyo. Alam ko pong hindi madali ang inyong mga naranasan, at walang salitang makapagpapaliwanag sa sugat at sakit sa inyong puso. Hindi niyo po ito kailangang ikwento sa amin. Naintindihan ko po. Limitado lang po ang mga bagay na aming hihingin sa inyo, kaunting impormasyon lang tungkol sa inyong buhay, isipin niyo pong magkukuwento lang kayo sa isang kaibigan."
Nangingilid ang mga luha sa maliliit na mata ni Lolo Juan, "matagal na panahon ng nangyari ito at ayoko nang balikan pa, pero sige..."
"Sigurado po kayo?" tanong ni Nurse Anne.
"Oo, matanda na ako..." sagot niya. "Marami akong bagay na pinilit ikubli sa aking kalooban. Sasandali na lamang ang aking ilalagi sa mundo...bago ako mawala...nais kong...magbalik-tanaw...sa aking nakaraan...nang sa ganoon, maayos ko ang mga kailangan kong ayusin sa aking pagkatao...mailabas ko ang lahat ng nagpapabigat sa aking kalooban sa loob ng maraming taon...para maghilom na ang sugat ng nakalipas... patuloy nang gumaan ang aking kalooban at magkaroon na ng katahimikan ang aking puso...iyon ang gusto ko bago ako mamaalam. Handa na ako. Handa na ko para sa aking huling gunita."
Sinenyasan ni Joel si Mico at kumuha siya ng isang notebook at ballpen, nakahandang isulat ang ilalahad ni Lolo Juan.
"Ako si Juan Miguelito Garcia, ipinanganak ako noong ika-7 ng Setyembre, taong 1920 sa Intramuros..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro