Kabanata 18
April 10-11, 2017
Isang araw matapos ang kanilang madamdaming panayam kay Lolo Juan tungkol sa kanyang naging karanasan noong ikalawang digmaang pandaigdig, sinimulan ng gawin ni Joel at Mico ang kanilang proyekto. Ito ang magsisilbing final requirements nila sa History Class ni Professor Katakutan at dito nakasalalay kung sila ba ay makakapagtapos na o uulit pa ng isang semester.
Binuksan ni Joel ang kanyang laptop upang gawin ang documentation habang si Mico naman ay nagrent sa Computer Shop kung saan ang lahat ng naroroon ay maingay at abala sa paglalaro ng DOTA, Counter Strike at iba pang Computer Games, gayunpaman, hindi ito naging sagabal para tapusin ni Mico ang proyektong iniatas sa kanya. Dinedma niya lang ang ingay ng mga kabataan sa paligid at nagpursige sa pagtatype ng kanyang document, kalahating oras pa lamang ang nakalipas pero umabot na sa pitong pahina ang nagawa niyang documentation, sa kanyang pagkagulat. Buong buhay niya bilang estudyante ngayon lamang siya nagsumikap ng ganito sa isang proyekto. Siguro nga, ginising ni Lolo Juan ang katiting na kasipagan sa kanyang pagkatao. Ipinagpatuloy niya ang kanyang paggawa ng biglang tumunog ang notification ng kanyang cellphone. Tinignan niya ito at nakita niya ang chat ng isa niyang tropang si Andrew.
"Tara pare, inom tayo sa bar, sagot ko na, sasama rin si Marc at Sean."
Sumagot si Mico sa message ng kanyang tropa, "sige pre, kayo na lang muna, may importante akong ginagawa ngayon eh."
"Wow ah, sipag natin ah," sagot ni Andrew, "himala, anong nakain mo, sige sa susunod na lang."
Napangisi siya sa pagkamangha ng kaibigan, "sige, ingat kayo."
Ibinalik niya sa kanyang bulsa ang cellphone at nagpatuloy sa paggawa.
Gaya ni Mico, naging abala rin si Joel sa paggawa ng kanilang project, tumutok siya sa pagtatype at hindi niya namalayang lumipas na pala ang mga oras at nakaligtaan na niyang kumain ng meryenda. Sa kanyang pagtatapos, umabot sa dalawampung pahina ang ginawa niyang documentation.
"Siguro naman papasa na to kay Sir Katakutan," sabi niya sa sarili.
Maya-maya dinalhan siya ng kanyang ina ng tinapay at kape, "ito anak magmeryenda ka na muna, subsob na ang ulo mo kakagawa ng project."
"Salamat po, Ma," maligayang ininom ni Joel ang mainit-init na kape at tinapay.
April 12, 2017 (Holy Wednesday)
Alas-siyete pa lamang ng umaga, sa araw ng Miyerkules Santo, masigasig na nagtungo si Joel sa Unibersidad ng Maynila upang ipasa ang kanilang special project, maya-maya dumating na rin Mico sa faculty.
"Tol kamusta?" tanong ni Mico. "Natapos mo?"
"Oo naman," sagot ni Joel, "ikaw?"
"Siyempre, umabot nga ng 17 pages tong akin," pagmamalaki ng kaibigan.
"Sa akin nga 20 pages," saad ni Joel.
"Nalamangan mo na naman ako tol," pabirong sinabi ni Mico, "siguradong pasado na tayo nito. Sure ball na to. Nasaan na nga pala si Sir?"
Sumilip si Joel sa Faculty, iilang Profesor pa lamang ang naroron at hindi kabilang doon si Katakutan. Sumulyap sila sa paligid at sila pa lamang ang mag-aaral na nasa waiting area.
"Napaaga ata tayo," napagtanto ni Joel.
"Ayun na siya," itinuro ni Mico si Prof.Katakutan habang siya ay papasok sa silid.
Sinalubong ni Joel at Mico ang kanilang Profesor, dala-dala ang kanilang project na nakalagay sa isang clearbook.
"Sir, Sir magsusubmit na po kami ng project," pagtawag ni Mico.
Tila nabigla si Katakutan, hindi niya inaasahang ang dalawang ito ang una niyang makakasalubong sa faculty ngayong araw.
"Aba, gugunaw na ba ang mundo? Maaga kayo, totoo ba to?" Pagbibiro niya na may pag-uuyam.
"Opo Sir, magpapasa na po kami," inabot ni Joel at Mico ang kanilang documentation sa guro.
Binuklat ni Katakutan ang kanilang project ngunit hindi niya muna ito binasa, "sigurado ba kayong inayos niyo ang paggawa dito? Walang daya, hindi kinuha sa internet?"
"Hindi po, Sir," sagot ni Joel, "nakahanap po kami ng isang War Veteran sa Home For the Aged, tignan niyo po, may picture pa po kami at may pirma pa po yung nurse niya."
"Sige, sige," seryoso pa rin ang mukha ni Katakutan pero nakumbinsi naman siya sa sinabi ni Trinidad. "Ako na ang bahalang humatol kung makakagraduate kayo o uulit pa ng isang semester. Nawa'y hindi na. Sawa na rin ako sa pagmumukha niyo, sige balikan niyo na lang ako sa lunes at doon niyo malalaman kung pasado ba kayo."
"Sige po," sagot ni Mico.
"Salamat po, Sir," masayang saad ni Joel.
***
Kinagabihan ng araw na iyon, nagpasya si Katakutan na basahin ang ginawang documentation nina Joel at Mico. Umupo siya sa kanyang desk, binuksan ang lampshade at sinimulang buklatin ang clear book. Una niyang siniyasat ang gawa ni Joel, pagkatapos naman ang kay Mico.
Sa kanyang pagkamangha, detalyado ang paglalarawan ng kanyang dalawang estudyaante tungkol sa buhay ni Lolo Juan mula sa kanyang buhay sa Intramuros bago ang giyera, hanggang sa digmaan at martsa ng kamatayan sa Bataan pati na rin ang pananatili niya sa Camp O'Donnell sa Capas, Tarlac. Malinaw rin ang eksplanasyon ng dalawa ukol sa tunay na kahulugan ng kagitingan na kanilang hinango base sa mga salita ng matanda.
Habang nagbabasa, hindi maiwasan ni Katakutan ang pagpatak ng kanyang luha, tumagos rin sa kanya ang karanasan ni Lolo Juan at para bang dinala siya nito pabalik sa nakaraan.
April 17, 2018
Pagsapit ng lunes, pumunta si Joel sa paaralan na mabilis pa sa Alas-kwatro, ngayon na ang araw na makukuha nila ang kanilang grado at magpapapirma ng clearance para sa kanilang nalalapit na pagtatapos.
Napangiti si Joel nang makita niya ang gradong ibinigay sa kanya ni Katakutan sa kanilang History class, pagkatapos siya ay nagtungo sa iba't-ibang departamento ng eskwelahan upang magpapirma ng clearance. Hindi nagtagal nakumpleto na niya ang mga pirma at opisyal na siyang napabilang sa mga magtatapos sa taong 2017.
Nakasalubong niya ang kaibigang si Mico habang siya ay naglalakad palabas ng unibersidad, nakangiti ito at kitang-kita sa kanyang aura ang pagkagalak.
"Tol, kamusta?" tanong ni Joel sa kanya.
"Ayos na ayos, tol," abot tenga ang ngiti ni Mico, "magandang balita, gagraduate na ko, tapos na ako sa clerance!"
"Buti naman, ako rin cleared na."
"Salamat at pinasa tayo ni Sir Katakutan," maligayang sambit ni Mico, "ano nga palang grade mo? 2.75 binigay niya sa akin."
"2.5 naman sa akin," ipinakita ni Joel ang kanyang grado sa kaibigan. "Pwede na to, buti nga pinagbigyan pa niya tayo."
"Sa wakas, makakagraduate na rin tayo," hindi maikakaila ang ligaya ni Mico sa kanilang pagpasa.
"At iyon ay dahil kay Lolo Juan," pagpapaalala sa kanya ni Joel, "utang natin sa kanya kung bakit tayo nakapasa."
"Tama ka, Mr. Trinidad," pagsingit ni Prof. Katakutan, hindi namalayan ng dalawa na nasa likuran lang pala nila ang kanilang Profesor. "Dapat ngang pasalamatan niyo siya."
"Sir, kayo pala," binati ni Mico ang Profesor.
"Maraming salamat po sa pagpasa niyo sa amin, Sir," taos-pusong sinabi ni Joel.
"Walang anuman," sagot niya, "natutuwa ako at talagang nagpursige kayo sa inyong proyekto, at ngayong malapit na kayong magtapos, sana ipagpatuloy niyo ang pagsusumikap niyo sa buhay."
Sabay na napatango si Joel at Mico sa kanya.
"Sa totoo nga, umantig sa puso ko ang napakagandang kwento ni Lolo Juan, siguro dapat ko rin kayong pasalamatan dahil naging daan kayo sa pagbabahagi ng kanyang kwento."
Nagkatinginan ang magkaibigan sa sinabi ng kanilang guro, "ano pong ibig niyong sabihin?"
"Napagpasyahan kong ipamahagi ang buhay ni Lolo Juan sa aking mga mag-aaral, ang kanyang buhay ay isang kwentong nararapat lang na ipamahagi sa iba nang sa ganoon ay maraming makatuklas ng kanyang kagitingan at katapangan noong panahon ng giyera. Naniniwala akong kapupulutan ito ng aral at inspirasyon para sa mga kabataan. Balak ko itong simulan sa susunod na semester."
"Magandang balita po iyan, Sir," natutuwang sinabi sa kanya ni Joel.
"Mr. Trinidad, hihingi sana ako ng pabor sa inyong dalawa," saad ni Katakutan sa malumanay at tila nahihiyang tinig. "Gusto ko sanang makita ng personal at makapanayam si Lolo Juan, sigurado akong marami kaming mapapag-usapan, pwede niyo ba akong samahan?"
Nagkatanguan si Joel at Mico.
"Siyempre naman, Sir," walang pag-aalinlangan na sagot ni Mico, "bakit naman hindi."
"Nagbabalak po talaga kaming bumisita kay Lolo Juan pagkatapos ng graduation namin," paglalahad ni Joel.
"Sige, itext niyo lang ako kung kailan tayo pupunta," sa wakas ay napangiti rin nila ang seryosong mukha ni Prof. Katakutan.
***
Matapos matanggap ang magandang balita tungkol sa kanilang pagtatapos, isinapuso ni Mico sa kanyang sarili ang mga pangaral sa kanya ni Lolo Juan na huwag niyang sayangin ang kanyang oras at pagtuunan niya ng pansin ang mga bagay na tunay na mahalaga, habang abala ang iba nilang kaklase sa inuman sa bar bilang selebrasyon, napagdesisyunan niya na lamang na manatili sa bahay at tumulong sa kanyang nanay sa gawaing bahay. Kasalukuyang naglilinis ng kabinet ang kanyang ina sa kanilang silid.
"Tulungan ko na kayo dyan, ma," pagpresinta niya.
"Aba aba, nakakapanibago naman," pagbibiro ng kanyang ina, "o sige, nakikita mo ba yung banga na iyon sa itaas? Pakibaba mo nga, pipiliin natin kung ano pa ang maaaring itago at itapon dyan."
Itinuro niya sa anak ang bangang nasa pinakatuktok ng kabinet. Inabot ni Mico ang bangang yari sa kahoy na may kabigatan at nababalutan ng alikabok. Sinauna ang nasabing banga at bahagyang nahirapan ang mag-ina sa pagbukas nito.
Sari-sari ang laman nito, mga lumang damit, sumbrero, sulat at iba pang antigong kagamitan.
"Ano po ba ang mga ito?" usisa ni Mico sa ina.
"Mga memorabilia ng lolo at lola mo," sagot ng kanyang ina, "bilis tulungan mo kong piliin ang mga ito."
Iniisa-isang inilabas ni Mico ang mga lumang blusa,palda, barong at iba pang mga kagamitan nang mapansin niya sa kailaliman ang ilang piraso ng mga lumang papel na na naninilaw na sa katandaan.
Pumukaw sa pansin ng binata ang nakasulat sa lumang sobre, nanlalabo na ang tinta sa katandaan ngunit naaaninag pa rin niya ang nakasulat rito. Ang pangalang 'Alicia.'
Habang naghahalugkat ang kanyang ina, binuksan ni Mico ang sobre at binasa ang nakasulat rito:
Mahal kong Alicia,
Kamusta ka na? Ikaw ba ay galit pa sa akin? Nawa'y maunawaan mo kung bakit kailangan kong umalis ng pansamantala, nalalapit na ang pagsalakay ng mga Hapon dito sa Pilipinas at nangangailangan ng maraming sundalo para makidigma sa Bataan. Huwag kang mag-alala sa akin, sapagkat kasama ko naman si Frederico at ang iba ko pang mga kaibigan, at sa tuwing ikaw ay aking maaalala, dala-dala ko ang imahe mo upang maibsan ang aking pangungulila sa'yo. Huwag ka ng malumbay, babalik rin ako at magkakasama rin tayo, panghawakan mo ang pangakong ito at ang pag-ibig ko sa'yo.
Nagmamahal, Rodolfo
Nanlaki ang mga mata ni Mico nang mabasa niya ang nilalaman ng lumang liham. Naalala niya ang kwento ni Lolo Juan tungkol sa kasamahan nitong si Rodolfo at ang kanyang kasintahang si Alicia. Naalala niya rin niya ang pangalang Frederico na matalik na kaibigan ni Rodolfo na siya ring nabanggit sa sulat nito sa kanyang kasintahan.
"Ah Ma, sino nga pala tong Alicia at Rodolfo na nakalagay sa sulat na ito?" tanong niya sa ina.
"Iyan ba? Siya ang Lola Alicia mo, ang nanay ng Lola Ofelia mo," paglalahad ng kanyang ina, "iyan naman ang sulat ng kanyang unang pag-ibig na si Rodolfo bago ito umalis patungo sa giyera, siya ang unang lalaking minahal ng iyong lola, dapat nga ay magpapakasal na sila, kaya lang sumiklab ang digmaan at hindi na sila nagkita pang muli, hanggang sa makilala niya ang lolo mo at sila na ang nagkatuluyan."
Napaisip ng taimtim si Mico sa ikinuwento ng ina, natandaan niya ang kwento ni Lolo Juan tungkol sa kasamahan nitong si Rodolfo. Namatay siya bago pa ang Martsa ng Kamatayan nang hablutin niya ang litrato ng kanyang iniibig na si Alicia. Napagtanto ni Mico na namatay si Rodolfo ng dahil sa pagmamahal nito sa kanyang Lola Alicia at malamang hindi na ito nalaman pa ng kanyang lola. Nalulungkot siya sa kinahinatnan ng kanilang pag-iibigan pero sa isang banda, napagtanto rin niya na kung hindi ito nangyari, malamang ay nagkatuluyan sila ni Rodolfo, hindi na nakilala ni Alicia ang kanyang lolo sa tuhod at wala sila ngayon sa kanilang kinaroroonan, ang kanyang Lola Ofelia, ang kanyang ina at maging siya.
Isiningit ni Mico ang liham sa kanyang bulsa upang hindi ito maisama sa mga gamit na itatapon.
***
Nakahanda na ang hapunan nang makarating si Joel sa kanyang tahanan, ang ina niya lamang ang kanyang kasama sapagkat nagtatrabaho ang kanyang ama bilang OFW sa Saudi Arabia.
Pagkabukas niya ng pinto, napansin ng kanyang ina ang pagkadismaya sa kanyang ekspresyon.
"Joel, kamusta anak? Nakuha mo ba yung grade mo?"
Hindi umimik si Joel.
"Nakapasa ka na ba sa History subject mo?"
"Ma..." tumigil si Joel ng ilang saglit habang ang kanyang ina naman ay naghihintay ng kanyang sagot, "pasado po ako. Gagraduate na po ako!"
Biglang sumaya ang tinig ni Joel at siya ay ngumiti ng abot-langit.
"Buti naman anak," niyakap siya ng ina, "salamat at makakapagtapos ka na, kapag may trabaho ka na, makakatulong ka na sa amin ng iyong Papa at hindi na niya kailangan pang magtrabaho sa ibang bansa."
"Opo, Ma, ginagawa ko ito para sa inyo ni Papa."
"Tara na at kumain na tayo, lalamig ang pagkain," alok ng kanyang ina.
Hindi maiwasan ni Joel na magkuwento ng magkwento sa kanyang ina habang siya ay kumakain.
"Sobrang natuwa po yung Prof namin sa ginawa naming project ni Mico kaya pinasa niya kami."
"Mabuti naman kung ganun, ano nga pala yung project na pinagpaguran niyong gawin?"
"Inatasan po kami na humanap ng isang matandang War Veteran noong World War 2, idinocument po namin yung buhay niya noong araw, noong giyera at tinanong namin sa kanya kung ano ang tunay na kahulugan ng kagitingan."
Napangiti ang kanyang ina sa kanyang sagot, "ah iyon pala, alam mo gustong-gusto ko rin ang paksang iyan. Tandang-tanda ko pa noong mga bata pa kami, noong buhay pa ang Lola Evelyn mo, palagi niya kaming kinukwentuhan tungkol sa buhay nila noong panahon ng giyera."
"Talaga po?" may pagkamanghang usisa ni Joel. "Ano po ang mga ikinukwento niya?"
"Marami, kung paano sila nagtago sa mga Hapon, kung paano nag-iba ang buhay nila matapos ang digmaan pero isa ang pinakatumatak sa aming magpipinsan. Ang tungkol sa kanyang love life bago pa magsimula ang digmaan, o masasabi rin natin na Puppy Love dahil napakabata pa ng lola mo noon, mga 16 years old lang ata siya. Ang sabi niya sa amin, minsan silang nagkamabutihan ng isang Amerikanong Sundalo noon, isang Mediko na nadestino rito sa Pilipinas, sabi ni Lola, guwapo raw ito, maamo ang mga mata, magalang at mahal niya ang ating kultura. Nang madestino ito sa kanilang bayan, naging magkaibigan sila at tinuruan niya ang kano kung paano magsalita ng Tagalog."
"At natuto naman po siya?" tanong ni Joel.
"Sabi ni Lola mabilis raw itong natuto, hindi nagtagal nagkamabutihan sila at nanligaw ang Mediko sa kanya, pero dahil sa dalagang Filipina ang iyong Lola Evelyn, hindi niya agad sinagot ang Amerikano kahit na may nararamdaman na siya para sa kanya. Nagpatuloy ang kanilang suyuan at ipinagpalagay ng Kano na kasintahan na niya ang lola dahil nararamdaman nito ang pagmamahal niya. Nagbago ang lahat ng taong 1942 nang maassign sa Bataan ang Mediko at hindi na sila muling nagkita. Siguro kabilang siya sa mga nasawi noong digmaan. Hindi siya nakalimutan ni lola. Hanggang sa kahuli-hulihang sandali ni Lola Evelyn, tandang-tanda niya pa rin ang pangalan ng banyagang iyon, paulit-ulit pa nga niyang sinasabi sa amin."
"Ano pong pangalan niya?" taimtim na tanong ni Joel, umaasa na tama ang kanyang hinala kung sino ba ang Medikong ito.
"Kung hindi ako nagkakakamali, Woods ang apelyido niya," sagot ng ina, "yung first name niya nagsisimula sa 'J ', Jordan ba o Joseph?"
"Jason po ba, Ma?" pagtatama ni Joel.
"Aba oo nga anak, tama ka, Jason nga ang pangalan niya, Jason Woods," paninigurado niya, "paano mo nahulaan?"
"Ma, kilala siya ng matandang nakapanayam namin," sambit ni Joel, "kasamahan niya sa Bataan ang Jason Woods na ito. Ilang beses silang iniligtas nito sa kamatayan at marami siyang natulungang sundalo sa Bataan."
"Talaga ba anak?" Namangha si Aling Jena sa inilahad ng anak. "Alam ba niya kung ano ang nangyari sa Jason Woods na to?"
"Nakaligtas po siya sa labanan at Death March kaso bumigay rin po sa pagod, gutom at hirap ang katawan niya. Binawian po siya ng buhay sa Camp O' Donnell. Namatay po siyang bayani."
"Diyos ko po, sayang at hindi ito nalaman ng Lola Evelyn mo, sigurado ako ipagmamalaki niya si Jason kung nalaman niya ang ginawa niyang pagsagip sa mga Sundalo."
"Oo nga po," sagot ni Joel, "pero napag-isip-isip ko na ang lahat po ng bagay ay itinadhana, hindi po nakatakda na makatuluyan ni Lola Evelyn si Jason dahil siya po ay nakatadhana para kay Lolo at malamang ganoon ang nangyari sapagkat nakatakdang makilala ko si Lolo Juan sa panahong ito."
"Tama ka, anak," sumang-ayon sa kanya si Aling Jena, "talagang mapagbiro nga ang ikot ng tadhana."
***
Pagkatapos kumain, agad na tinawagan ni Joel ang kaibigang si Mico sa kanyang Cellphone.
"Hello, Tol, napatawag ka," pagsagot ni Mico.
"Mico, may importante akong ikukuwento sa'yo, kita tayo bukas."
"O sige, hindi lang ikaw, mayroon rin akong ikukuwento sa'yo, mamamangha ka."
"Baka mas magulat ka sa sasabihin ko," sagot ni Joel, "basta kita tayo bukas sa school, tetext ko rin si Sir Katakutan. Mas okay kung nandun siya."
"Sige, Joel, kitakits na lang bukas," sabi ni Mico.
Late April 2017
Mula nang mailabas ni Lolo Juan ang lahat ng saloobin niya sa dalawang binatilyo, tila nakaramdam ng kaginhawahan at katahimikan ang kanyang pusong naging bato sa paglipas ng panahon. Napansin ni Nurse Anne na malaki ang kanyang naging improvement. Nakakakain siya ng maayos, malinaw ang kanyang pananalita at palaging maganda ang timpla ng kanyang mood. Mas naging responsive rin siya kaysa dati at madali niyang nasasagot ang kanyang mga tagapangalaga kapag mayroon silang tinatanong sa kanya.
Ang buong akala nila, magtutuloy-tuloy na ang pag-ayos ng kanyang kondisyon, pero lingid sa kanilang kaalaman, minsan ang kaginhawahan ay sinusundan ng mas matinding suliranin.
***
Dahan-dahang inalalayan ni Nurse Anne ang kanyang alaga pahiga sa kanyang malambot at komportableng kama.
"May kailangan pa bo kayo, Lo?" malambing na tanong sa kanya ni Nurse Anne.
"Wala na, iha," sagot ni Lolo Juan sa mahinahon at kalmadong tinig, "sige na at magpahinga ka na rin."
Pinatay ng nurse ang ilaw, pagkatapos ay sinara ang silid para makatulog na ang lahat ng matatanda sa Nursing Home.
Mahimbing na nakatulog si Lolo Juan kasama ang iba pang matatanda, makalipas ang ilang oras, isang nakakarinding ingay ang bumingi sa tenga ni Juan habang malayo na ang itinutulog niya, ito ay ang malakas na putok ng mga baril, tangke at mga bomba.
Gaya nang nangyari sa kanya dati, isang bangungot ng nakaraan na naman ang gumagambala sa kanyang alaala, bumalik sa kanyang gunita ang pagsabog ng bomba sa kanilang mansyon sa Intramuros, ang pagkamatay ni Aling Maria, Juliana at Judith. Sumunod rito ang pakikipaglaban niya sa mga Hapon sa lungsod ng Bataan, ang sunod-sunod na pagkamatay ng kanyang mga kasamahan sa kamay ng mga Hapon, ang malaimpyernong Martsa ng Kamatayan, ang paghihirap nila sa Camp O'Donnell at ang mga mababagsik na mga Hapon habang pinapatay nila ang mga Pilipino at Amerikanong Sundalo. Nagpabalik-balik ito sa gunita ni Juan na parang isang plakang pinapatugtog ng walang humpay. Tumatagos sa kanyang pagkatao ang ingay ng kanilang mga bomba, ang pagratrat ng kanilang mga baril, ang matalas na hiwa ng kanilang bayoneta. Ang buong akala niya matatapos na ang lahat ng ito sa oras na ipamahagi niya ang kanyang saloobin at hinaing, ngunit nagkamali siya.
Mga Hapon! Ano pa ba ang kailangan niyo sa akin? Bakit hindi niyo na lang ako patahimikin?
Narinig sa silid ang isang malakas na ungol mula sa pinakamatandang nanunuluyan sa Nursing Home.
Pumasok si Nurse Anne at nakita niyang walang tigil ang pag-ungol ni Lolo Juan, pawis na pawis ito at hindi mapakali sa kanyang kinahihigaan.
"Lolo, lolo," malumanay na ginising ni Nurse Anne ang matanda ngunit hindi ito mahimasmasan. "Lo, nananaginip na naman po kayo."
Dahan-dahang kinalog ni Nurse Anne ang balikat ng matanda at unti-unting dumilat ang kanyang maliliit na mata.
"Lo, ako po to," paninigurado ni Nurse Anne, "nananaginip lang po kayo."
"Ang mga Hapon..." saad niya habang ninenerbyos, "naririto sila..ayaw nila akong patahimikin."
"Lo, huwag po kayong matakot, panaginip lang po iyon, wala po sila rito, ligtas po kayo hanggang naririto ako."
Ihiniga ni Lolo Juan ang kanyang ulo kay Nurse Anne, sa lahat ng kanyang tagapangalaga tanging sa kanya lang siya kumakalma tuwing magkakaroon siya ng panic attacks na dulot ng PTSD.
Napagtanto ng Nurse na mamasa-masa at manilaw-nilaw ang kama ng kanyang alaga, "naihi na naman po kayo sa takot."
Pinagtulungan nilang mga nurse na ilagay sa wheelchair ang matanda at nilinis ni Nurse Anne ang namantsahang bed sheet, pagkatapos ay pinalitan nila ito ng bago. Maya-maya ay kumalma na rin si Lolo Juan at nakatulog sa kanyang wheelchair.
"Nag-aalala ako para sa kanya," saad ni Anne sa kanyang mga kasamahan, "akala ko pa naman magiging maayos na ang lahat...ngayon, bumabalik na naman yung mga panic attacks niya. Hindi ito makakabuti sa kanya, lalo na sa edad niya."
"Wala tayong magagawa, Anne," sagot ng isang Nurse sa kanya, "ganyan talaga, sa katandaan na iyan, lahat tayo daraan din dyan, kailangan na lang nating ihanda ang ating sarili sa mga maaaring mangyari."
***
Lumipas ang mga araw at mula noon nagsimula ng lumala ang kondisyon ni Lolo Juan, hindi na siya binabangungot at nagpapanic attack ngunit siya naman ay nagmistulang isang matandang punong kahoy, tulala, malayo ang tingin at hindi na nagsasalita. Hindi na siya umiimik sa kanyang mga tagapangalaga kahit na sa paborito niyang si Nurse Anne, napapaisip tuloy sila kung ano ang nasa loob ng matanda, kung nakakaintindi pa ba siya o kung alam pa niya ang nangyayari sa paligid. Ipinagpapalagay ng ilan na marahil dulot na ito ng kanyang katandaan at maaaring nasa mga huling sandali na siya ng kanyang pananalagi dito sa mundong ibabaw. Ang panahon kung kailan nasa malayong lugar na ang kamalayan ng isang tao.
Hindi siya sinukuan ni Nurse Anne at patuloy siyang nagtyatyaga sa pag-aalaga sa kanya. Madalas siyang naiihi at nadudumi sa kanyang salawal, palaging naroroon ang kanyang tagapangalaga para linisin ang kanyang dumi at palitan ang kanyang suot. Maging ang pagpapakain sa kanya ay naging isang malaking hamon, wala ng gana sa anumang pagkain at inumin ang matanda, at napapakain lamang siya ng maayos tuwing nakanganga ang kanyang bibig, minsan nga isa o dalawang subo lang kanyang nakakain sapagkat karamihan dito ay kanyang niluluwa at nahuhulog ng hindi niya namamalayan.
Isang araw, lumipas ang maghapon na di pa nalalagyan ng pagkain ang sikmura ni Lolo Juan, kahit anong pamimilit ni Anne, ayaw niyang buksan ang kanyang namumutlang bibig.
"Lo, kain ka na po kayo para lumakas kayo," itinapat niya ang isang kutsara ng kanin at ulam pero ayaw pa ring buksan ni Lolo Juan ang kanyang bibig.
"Kain na po kayo, mamaya po ipapasyal ko kayo sa labas, gusto niyo po iyon di ba?" Nanatiling nakasara ang bibig ng matanda.
Napailing si Nurse Anne sa pagkabigo niyang mapakain ang alaga. Pinagmasdan niya ang matanda na nakatulala at malayo ang tingin sa isang sulok ng pader. Bigla namang may naisip na ideya ang nurse kung paano niya makukumbinsing pakainin ang alaga.
"Juan, kumain ka na, ako ito si Angelita," saad niya sa maamong boses.
Para bang nabuhayan si Lolo Juan ng marinig ang pangalang Angelita, bahagyang nagbago ng direksyon ang kanyang mga mata, bumuka ang kanyang mga bibig at siya ay nagsalita sa tinig na kasing hina na ng bulong.
"Ang...helita..."
"Oo, ako nga si Angelita, ngayon kumain ka na," sinakyan ng nurse ang maling akala ng matanda dahil ito na lamang ang tanging paraan upang siya ay mapakain.
Walang pag-aalinlangan na sinubo ni Lolo Juan ang pagkain, ninguya ito ng dahan-dahan bago lunukin.
"Salamat...Angelita..."
Napangiti si Nurse Anne sa matagumpay niyang ideya at ngayon alam na niya kung paano niya mapapasunod si Lolo Juan.
***
Kinagabihan, nang ipinagpalagay nilang magiging ayos na ang lagay ng pasyente, gumulat kay Nurse Anne ang init na nagmumula sa katawan ng matanda, hinipo niya ang kanyang noo at ito ay maihahalintulad sa init ng kumukulong tubig.
"Lo, ang taas po ng lagnat niyo," saad niya.
"Angelita...hinahabol nila ako...papatayin ako...ng mga Hapon," bulong niya sa tagapangalaga.
"Huwag po kayong matakot, naririto lang po ako. Si-si Angelita," muling nagpanggap si Nurse Anne na siya ang dating kasintahan ng matanda sa kagustuhang mabawasan ang takot na nararamdaman niya.
"Angelita...huwag kang aalis...dito ka lang..."
Niyakap ni Lolo Juan ang babaing inaakala niyang si Angelita.
"Pangako dito lang ako, hindi kita iiwan."
Nadadala na si Nurse Anne sa pinagdaraanan ng matanda ngunit hindi niya ito pinapahalata.
Hindi nagtagal ay nakatulog na rin ang nanghihinang matanda, pinunasan siya ni Nurse Anne sa braso at nilagyan ng mamasa-masang towel sa kanyang noo para mawala ang kanyang lagnat.
***
"Gagawin mo talaga ang lahat para kay Lolo Juan," saad ng isang Nurse pagkalabas nila ng silid.
"Oo naman, mula nang magtrabaho ako rito si Lolo Juan na ang inaalagaan ko, OJT ko palang natirito na siya kaya napalapit na ako sa kanya," sagot sa kanya ni Angelita. "Kahit nahihirapan na ko pagtyatyagaan ko pa rin siyang alagaan."
"Anne hindi naman sa pinangungunahan ko, pero ano na ang gagawin mo kapag tuluyan ng nawala si Lolo?"
"Ayoko munang isipin yun," sagot ni Nurse Anne, "siyempre masasaktan, sigurado malulungkot ako kapag dumating na ang araw na iyon, napamahal na sa akin si Lolo Juan."
"Kailangan nating maging handa," paalala ng kanyang kausap, "lalo na ngayon at humahabol ang edad ni Lolo sa kanya. Wala na siya sa tamang pag-iisip at nasa mga huling sandali na siya ng kanyang buhay. Alam kong napamahal na siya sa'yo pero hindi lang siya ang matandang darating dito at ating aalagaan, marami pa tayong makikilala at magiging alaga, kaya masakit man para sa'yo, kinakailangan na rin natin siyang bitawan at pakawalan kapag dumating na ang kanyang oras."
Napabigtong-hininga si Nurse Anne, "siguro nga tama ka, pero sa totoo lang, higit sa ating lahat, si Lolo Juan ang nangangailangan nito, hindi pa niya binibitawan at pinapakawalan ang sugat ng kanyang nakaraan kaya hanggang ngayon siya ay nagdurusa dahil dito."
***
Kinabukasan, lumipas ang maghapon na nakaratay sa kama si Lolo Juan, buong araw siyang tulog at nagising na lamang siya pagsapit ng gabi.
"Nurse...Anne."
Palabas na sana ang tagapangalaga nang marinig niya ang pagtawag sa kanya ni Lolo Juan. Nagulat siya sapagkat unang beses ito sa mahabang panahon na nakuha ng matanda ang kanyang totoong pangalan.
"Opo Lo, may kailangan po kayo?" tanong niya sa alaga.
"Oo, iha, maaari mo ba akong alalayan papunta roon," itinuro ni Juan ang rocking chair malapit sa may bintana, "gusto kong pagmasdan ang mga bituin."
"Sige po," dahan-dahang inalalayan patayo ni Nurse Anne ang matanda patungo sa may rocking chair, nangangatog na ang kanyang mga paa at maihahalintulad ito sa mga umuugang kawayan kaya naman kinakailangan siyang alalayan.
Nang siya'y makaupo sa rocking chair isang malalim na bugtong-hininga ang kanyang pinakawalan.
"Kamusta na po kayo?" magalang na usisa ni Anne.
"Mainam naman...iha," sagot niya.
"Natatandaan niyo na po ba ako?" muling pagtatanong ng nurse.
"Oo...ikaw yung palaging nag-aalaga sa akin di ba?" unti-unting lumalakas ang tinig ni Lolo Juan.
"Opo, Lo," napangiti si Nurse Anne, nagagalak siya at bumabalik na sa tamang kaisipan ang matanda.
"Siguro hirap na hirap ka na sa pagtyatyaga sa akin, pasensya na iha kung mahirap akong asikasuhin...matandang kuluban na eh..."
"Wala po iyon, Lo," paninigurado ni Nurse Anne, "masaya po ako na inaalagaan ko kayo."
Isang ngiti ang pumorma sa mukha ni Juan ngunit agad rin itong naglaho at nabahiran ng kalungkutan.
"Patawarin mo ko at pati ikaw ay nahihirapan dahil sa akin...bakit pa kasi hindi pa ko mamatay-matay...wala namang halaga ang buhay ko."
"Huwag niyo pong sabihin iyan, Lolo Juan," tinutulan siya ng dalaga, "hindi po totoo iyan."
"Wala naman akong naging silbi dito sa mundo," mabilis ang tumulo ang mapapait na luha sa kanyang nangungulubot na pisngi.
"Nagkakamali po kayo, malaki po ang naging kontribusyon niyo sa ating bansa," ipinaalala sa kanya ng nurse, "isa po kayo sa mga magigiting na bayaning lumaban sa Bataan para sa kalayaan ng Pilipinas."
"Hindi iyon naging sapat," tugon ng matanda.
"Lo, malaki po ang naging papel niyo sa buhay ng iba, alam niyo man o hindi," pagpapatuloy ni Nurse Anne, "tumawag po sa akin si Joel nung isang araw, nang dahil po sa inyo, makakapagtapos na sila ni Mico ng pag-aaral at patuloy na ang pagbabago ng kanilang buhay. Balak pa nga po nilang dalawin kayo pagkatapos ng graduation kasama ang Prof nila. Iminulat niyo po ang mga mata nila na pahalagahan ang kanilang mga buhay."
Napaisip si Lolo Juan sa sinabi ng kanyang tagapangalaga.
"At hindi lang po sila ang nabago niyo ang buhay, pati na rin po ako," pagbabahagi ni Anne, "lumaki po akong walang lolo at lola dahil maaga pong naulila ang mga magulang ko pero ng dahil po sa inyo, para pong naranasan ko ng magkaroon ng isang lolo at kayo rin po ay napamahal na sa akin. Parang naging pamilya ko na po kayo, sa loob ng limang taon, nagkaroon po ako ng isang mapagmahal na lolo, at iyon po ay sa pamamagitan niyo kaya huwag na huwag niyo pong iisipin na wala kayong halaga o pakinabang, sa maliit na paraan marami po kayong buhay na nabago at napasaya."
Humagulgol si Lolo Juan sa mga sinabi ni Nurse Anne, ngayon niya lamang napagtanto na mayroon nga siyang misyon dito sa mundo at ito ay napagtagumpayan na niya ng hindi niya namamalayan.
"Tama ka, iha...tama ka...pero bakit hanggang ngayon mabigat pa rin ang kalooban ko? Bakit nagdurusa pa rin ako sa bangungot ng nakaraan? Ang gusto ko lang naman ay ang katahimikan bago ako mamatay...ngayon, alam ko malapit na ang oras ko..."
Buong buhay ni Juan matapos ang giyera, siya ay nagpabilanggo sa nakaraan, ginawa niya itong sentensya at kahit kailan hindi niya pinalaya ang kanyang sarili. Hindi niya hinayaang paghilumin ng panahon ang kanyang mga sugat.
Lumuhod si Nurse Anne sa harap ni Lolo Juan upang siya ay mas maaninag nito, nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata.
"Hindi ko man po kayang pigilan ang inyong pagkawala, gagawin ko po ang aking makakaya upang maibsan ang sakit na inyong nararamdaman, na mabigyan ko kayo ng kaunting kapayapaan at katahimikan kahit sa huling sandali ng inyong buhay."
Hinawakan ni Nurse Anne ang kamay ni Lolo Juan na nangungulobot sa dami ng ugat.
"Sa tagal ko kayong inalagaan, alam ko na po kung ano ang nagpapahirap sa inyong kalooban, ilang beses ko na po itong nasaksihan tuwing binabangungot kayo. Lolo Juan, kailangan niyo na pong bitawan ang nakaraan, pakawalan niyo na po ang inyong sarili. Tapos na ang lahat ng iyon."
Lalong naluha si Lolo Juan sa kanyang suhestiyon, "kung alam mo lang, ilang ulit ko nang sinubukang ibaon sa limot ang nakalipas ngunit paulit-ulit ako nitong binabalikan."
"Dahil marami pa po kayong pinanghahawakan at kinikimkim," paliwanag ni Anne. "Mga bagay na hindi niyo kayang tanggapin."
"Ang mga Hapon, sila ang may kagagawan ng lahat ng aking paghihirap at kasawian, hanggang ngayon kinamumuhian ko pa rin sila, sila ang bangungot na palaging umuusig sa akin."
Bumitaw siya sa pagkakahawak ni Anne at isinara niya ang kanyang kamao.
"Lo, ang galit at takot niyo sa mga Hapon, ito ang paulit-paulit na bumabagabag sa inyo, bitawan niyo na po ito. Patawarin niyo na po sila."
Hindi alam ni Lolo Juan kung ano ang kanyang isasagot sa tagapangalaga.
"Hindi ko alam kung kaya ko," ito na lamang ang kanyang isinagot sa dalagita.
"Alam ko pong kaya niyo, kung ang Diyos nga po nagpapatawad, tayo pa bang mga tao lang? Hanggang hindi kayo nagpapatawad, hindi magkakaroon ng katahimikan at kapayapaan ang inyong puso at kaluluwa."
"Kung ganoon lang sana kadali..."
"Tutulungan ko po kayo," muling hinawakan ni Anne ang mga kamay ng alaga. Umaagos ang luha sa kanyang makinis na pisngi "Habang hawak niyo po ang mga kamay ko, ipikit niyo po ang inyong mga mata."
Ginawa ni Juan ang kanyang sinabi at ipinikit nga niya ang kanyang mga mata.
"Ngayon, isipin niyo po na isa ako sa mga Hapong nakalaban niyo sa Bataan, pagkatapos ilabas niyo lang po ang lahat ng inyong saloobin, hinanakit at hinaing na nasa inyong kalooban. Subukan niyo pong ibigay sa akin ang inyong kapatawaran."
Taimtim na sinunod ni Juan ang ipinapagawa ng tagapangalaga at sa isang iglap bumuo siya ng isang imahe sa kanyang kaisipan, nakita niyang nakahawak sa kanya ang isang bagitong Hapon na tumulong sa kanya sa Bataan at sa kanilang paligid, nakatayo ang lahat ng Hapon na kanyang nakasagupa, taas-taas nila ang kanilang mga bayoneta at matalim ang kanilang mga tingin sa kanya. Lahat sila ay nakakumpol sa bawat sulok at pinapaligiran nila si Juan at ang binatang Hapon sa gitna, kung saan lamang may sinag ng liwanag.
"Mga Hapon," nagsimula si Lolo Juan, "hanggang ngayon galit na galit ako sa inyo, kayo ang naging sanhi ng aking kasawian at kabiguan. Kayo ang dahilan kung bakit nawala ang pamilya ko, ang mga kaibigan ko at ang lahat ng bagay na mahalaga sa akin. Gusto ko kayong patayin isa-isa ngunit sa isang banda, kayo rin ang pinakakinatatakutan ko. Paulit-ulit niyo akong pinaparusahan, pinapaalala sa akin ang nakaraan. Sa loob ng pitumpung limang taon, inipon ko ang lahat ng poot at takot ko sa inyo...at ngayon handa na kong bitawan ang lahat ng ito...handa na kong pakawalan ang aking sarili at pakawalan kayo sa aking buhay. Tapos na, lumipas na ang nakalipas. Panahon na para kalimutan ko ang lahat...oras na para maghilom ang aking mga sugat...panahon na para patawarin ko kayo..."
Lalong napatangis si Nurse Anne sa kumpisal ni Lolo Juan, nakapikit ang matanda at sa kanyang kaisipan, nakikita niyang nakangiti sa kanya ang binatilyong Hapon na nakahawak sa kanyang palad.
"Pinapatawad ko na kayong lahat...pinapatawad ko na kayong lahat."
Halos mabasag na ang tinig ni Lolo Juan sa pagluha.
Tumango sa kanya ang binatilyong Hapon, tumingin siya sa kanyang paligid at nakita niyang ngumiti sa kanya ang mga mababagsik na Hapon habang ibinababa nila ang kanilang mga bayoneta.
"Pinapatawad ko na kayo..."
Unti-unting bumitaw sa kanya ang bagitong Hapon, at kasabay ng kanyang pagbitiw kay Juan, lahat sila ay naglaho na parang mga bula sa isipan at buhay ni Juan. Tuluyan na siyang nakawala sa hawla ng nakalipas patungo sa inaasam niyang kapayapaan at katahimikan.
Idinilat ni Juan ang kanyang mga mata at nasilayan niya ang maamong mukha ni Nurse Anne na namumula sa kanyang pag-iyak. Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay matapos ang giyera nakaramdam siya ng kakaibang kaginhawahan na ngayon niya lamang ulit nadama.
"Kamusta po kayo?" tanong ni Nurse Anne.
"Ang ayos ng pakiramdam ko...para akong nakalutang sa ulap."
Natawa si Nurse Anne sa ligaya, "nagawa niyo po Lolo Juan, nakapagpatawad na kayo at napakawalan niyo na ang inyong sarili."
"Oo nga," napagtanto niya, "hindi ko ito magagawa kung hindi dahil sa'yo. Maraming salamat, iha."
"Wala pong anuman, napakasaya ko po para sa inyo," sagot sa kanya ng tagapangalaga.
Tumayo siya at niyakap niya ng mahigpit ang kanyang mahal na alaga.
"Ngayon, pwede na akong magpahinga," tugon sa kanya ni Lolo Juan.
"Gusto niyo na po bang bumalik sa kama?" tanong ni Anne.
"Hindi na, nais kong dito ako magpahinga habang nakatingin sa mga bituin," sagot niya sa kalmado at mapayapang tinig.
"Sige po, Lo, iwan ko na po kayo para makapagpahinga na po kayo."
Hinagkan niya sa noo ang matanda.
"Maraming salamat ulit, Anne," muli niyang sinabi ng taos sa kanyang puso.
Napatango si Anne habang nakangiti, pinagmasdan muna ni Lolo Juan ang kalangitan bago niya ipikit ang kanyang mga mata. Bago niya lisanin ang silid, sinulyapan ng tagapangalaga ang matanda na mapayapang nakaupo sa rocking chair malapit sa may bintana.
***
Ang pagpapaalam ni Nurse Anne at ang pagmasid niya sa mga bituin sa kalangitan ang huling pangyayari na natandaan ni Juan, pagkatapos, ipinikit na niya ang kanyang mga mata upang magpahinga, nakasilip sa kanya ang mga bituin sa kalangitan at sininagan nito ang kanyang maaliwalas na mukha.
Tulad ng karaniwang pahinga, sinundan ito ng kawalan ng kanyang kamalayan, pagkatapos, sa kanyang pagkamangha, isang nakakabulag na liwanag ang bumalot sa buong kapaligiran at nilamon nito si Juan.
Ilang saglit lamang, naglaho ang nakasisilaw na sinag at natagpuan ni Lolo Juan ang kanyang sarili sa isang lugar sa kanyang kabataan, sa isang lugar na lubos na pamilyar sa kanya. Ang Bundok Samat ng Bataan kung saan naganap ang sakripisyo ng mga Sundalong nagbuwis ng buhay para sa bayan. Minsan na niyang nakita ito sa kanyang guni-guni, noong siya'y nag-agaw buhay. Pinagmasdan niya ang lugar at siya ay nagulumihanan.
Tahimik at mayapa ang lugar, taliwas kung paano niya ito huling nasilayan ilang dekada na ang nakalipas, maasul-asul ang kalangitan at ang paligid ay punong-puno ng mga masasaganang bulaklak at mga berdeng damo.
Hindi lang iyon ang bumigla sa kanya, maging ang pakiramdam niya habang nasa lugar na ito ay kamangha-mangha, kung gaano katiwasay ang kabundukan, ganoon rin ang katahimikang kanyang nararamdaman, wala sa kalingkingan nito ang kaginhawahang kanyang natamasa noong siya'y bumitaw at kumawala. Dito para bang napakagaan ng lahat, para bang siya ay nakalutang sa pinakamataas na sulok na kalangitan ngunit noong siya'y tumingin sa baba, nakasayad ang kanyang mga paa sa kalupaan ng Samat.
Naglakad siya at napatid sa isang bato, pero wala siyang naramdamang ni katiting na sakit at walang kahit kapirasong gasgas ang kanyang binti. Sa isang iglap, nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kaligayahan nang mapagtanto niyang hindi na siya nasasaktan. Isang kakaibang lakas ang nananaig sa kanyang kalooban at siya ay tumakbo ng walang kasing tulin dito sa lugar kung saan walang nakakaramdam ng poot, takot, lumbay at sakit at ang tanging madarama ay ang walang humpay na ligaya at katiwasayan.
Sa pagtakbo ni Juan, dahan-dahang tumuwid ang kanyang postura, unti-unting naglaho ang mga pilekis sa kanyang pisngi, maging ang kanyang mga nangungulobot na balat ay nagsimulang mahatak at mabanat pabalik sa dati nitong kinis at anyo. Tumubo ang kanyang mga nawalang buhok at ang mga namumuti ay bumalik sa pagkaitim. Ang kanyang mukha ay humulma pabalik sa kanyang dating anyo halos pitong dekada na ang nakalipas.
Nagpatuloy siya sa pagtakbo na walang nadaramang pagod at hingal, napatigil lamang siya ng mapangtanto niyang nagbalik sa dating anyo ang kanyang katawan, siya ay natawa at nagtatalon sa pagkagalak.
Nasaan na ba ako? Totoo ba to o isa lang panaginip? Buhay pa ba ako o patay na?
Pagkatapos, nakarinig siya ng tapak ng mga paa, naaninag niyang may mga taong naglalakad paakyat sa tuktok ng bundok. Mga taong kumikinang dahil sa puti nilang kasuotan.
Napagpasyahan ni Juan na sumunod kung saan sila patungo, at siya ay naglakad ng naglakad pataas sa tuktok kasing liksi ng ibon na lumilipad. Nang marating niya ang tuktok laking gulat niya ng makita niya ang libo-libong taong nakasout ng puti. Karamihan sa kanila ay mga kalalakihan. Pinagmasdan ni Juan ang bawat isa sa kanila, nagulantang siya ng makita niyang sama-samang nagsasaya ang mga Flipinong Sundalo kasama ang iba't-ibang lahi na naging kakampi at kaaway nila noong World War 2. Magkakasama sila ng mga Amerikano at mga Hapon at lahat sila ay nagtatawanan at nagsasaya, taliwas sa kaguluhang namagitan sa kanila noong digmaan. Nadiskobre rin niyang pamilyar ang kasuotan ng mga ito, kahalintulad nito ang unipormeng pandigma na kanilang isinuot noong giyera ngunit sa pagkakataong ito, purong puti ang kulay nito at wala silang hawak na anumang armas o sandata. Napagtanto ni Juan na ang mga ito ay ang kaluluwa ng lahat ng nakidigma sa Bataan. Filipino man o Amerikano, Kano man o Hapon.
"Juan!" narinig niya ang sabay-sabay na tinig na tumawag sa kanya, nakilala niya kung sino ang mga ito.
Lumingon siya sa kanilang direksyon at nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Nasulyapan niyang nakatayo sa isang sulok ang lahat ng naging kaibigan at kasamahan niya sa Bataan.
Matulin siyang tumakbo patungo sa kanila at sinalo nila ang yakap na handog ni Juan. Muli niyang nakita ang magkapatid na Alfredo at Maximo, na masaya at walang inggitan at tampuhan, si Benito at Gabriel na kasing bata noong sila ay pumanaw, si Frederico, Rodolfo, Raul, Cito at Eusebio na kasing tikas ng kanyang pagkakaalala, at si Jason na ngayon ay lalong nagmukhang anghel sa kanyang puting kasuotan. Kasama rin nila si Sgt. Bal at Sgt. Robles na malamang ay may nakalaan ng posisyon sa kabilang mundo at pati na rin si Antonio na kabilang rin sa mga magigiting na sundalo. Lahat sila ay nagkumpulan kay Juan, masaya sa pagsalubong sa kanilang hinihintay na kaibigan.
Habang sila ay nagtatawanan sa muli nilang pagsasama-sama, muling nagliwanag ang paligid at isa na namang mahal sa buhay ang kanyang muling nasilayan: Ang kanyang Inang si Maria, ang Ate niyang si Juliana at ang kaibigang niyang si Onat.
"Ina, Ate, Onat!"
Niyakap niya ng mahigpit ang kanyang Ate Juliana. Pinupog niya ng halik ang mahal niyang ina. Isang maligayang yapos rin ang ipinambati niya sa kababatang si Jonathan.
Hindi na maipaliwanag ang sayang naranasan ngayon ni Juan, sa isip niya wala ng hihigit pa rito hanggang sa...
"Tito Juan!"
Narinig ni Juan ang maligayang tinig ng kanyang mahal na pamangkin, lumingon siya at muli niyang nakita si Judith na isa nang ganap na Anghel, nakasuot sa kanyang ulo ang isang eleganteng puting laso.
Sa tabi ng bata, nakahawak sa kanya ang isang dalagitang minahal niya ng walang kapantay, ang kanyang una at huling pag-ibig na si Angelita, na ngayon ay isa na ring ganap na Anghel.
"Judith...Angelita."
Tumakbo si Juan patungo sa kanila, sinalo niya si Judith sa kanyang palad at kinalong niya ang mahal na pamangkin, "Tito Juan, masaya po kami at kasama ka na namin ngayon, ang tagal ka po naming hinintay."
"Judith," tumulo ang purong luha ng kaligayahan, "hindi niyo alam kung gaano ako kasaya ngayon at nagkasama na tayong muli."
Tumawa si Judith, pagkatapos ay sinundo niya si Angelita at ipinaghawak niya ang kanilang mga kamay.
Nag-uumapaw ang kagandahan ni Angelita, higit pa noong huli niya itong nakita sa mundong ibabaw.
"Angelita," isang mapagmahal na yakap ang kanyang ibinigay sa babaeng iniirog, pagkatapos, hinagkan niya ito ng matamis sa kanyang magandang labi, sabay tumulo ang luha ng walang kapantay na kasiyahan. "Sa wakas at kapiling na ulit kita. Totoo ba ang lahat ng ito?"
"Oo, mahal, magkakasama na tayong lahat at kahit kailan hindi na tayo maghihiwalay," sagot ni Angelita.
Walang katumbas ang kaligayahang ipinagkaloob ng Diyos kay Juan, higit pa sa kanyang hinihiling noon. Sandali man niyang nakasama sa mundo ang mga mahal niya sa buhay, ngayon habang buhay na silang magkakasama. Hindi na siya muling malulungkot at mangungulila. Sabay-sabay na sumalubong sa kanya ang lahat ng naroroon sa kabundukan. Nagagalak sila sa pagdating niya sa kanilang bagong mundo. Dito sa mundong tahimik at mapayapa. Dito sa mundong kailanman ay hindi magkakaroon ng digmaan, sa mundong hindi na nangangailangan pa ng Sundalo, kung saan limot ang karahasan at patayan. Sa mundong tanging pag-ibig at katiwasayan ang umiiral, kung saan ang Diyos ang tunay na naghahari.
***
WAKAS.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro