Kabanata 17
Mid-September 1942
Ilang linggo pagkatapos ang pagpanaw ni Jason, isang magandang balita ang pumukaw sa pansin ng mga bihag sa Camp O' Donnell, ipinaalam sa kanila ng mga Hapon na mula buwan ng Setyembre, sila ay unti-unti ng magbibigay ng Parole sa mga nakaligtas na Sundalo. Sari-sari ang naging reaksyon ng mga bilanggo sa balitang kanilang natanggap, ang iba ay nagalak at ang iba naman ay hindi napigilang mapaluha, marahil ay dahil na rin sa tuwa at pasasalamat na nalagpasan na nila ang paghihirap sa kamay ng mga mananakop at kaunting tiis na lang ay makakauwi na sila sa kanilang mga tahanan at mga pamilya.
Gaya ng karamihan sa kanila, ikinatuwa nila Juan, Maximo at Antonio ang balitang ito, tinatagan na nila ang kanilang loob sapagkat sila ay malapit na ring makaalis sa impyernong kanilang kinaroroonan.
Sa unang batch, libo-libong Sundalo ang napalaya ng mga Hapon, wala pang ni isa sa kanila ang napasama sa listahan ng mga palalayain, gayunpaman, hindi pinanghinaan ng loob si Juan.
"Maghintay lang muna tayo, alam ko mapapasama rin tayo sa listahan," payo niya sa dalawang kasamahan.
Lumipas ang buwan ng Setyembre ngunit hindi pa rin napasama ang kanilang mga pangalan sa listahan ng inaasam nilang kalayaan. Pagsapit ng Oktubre, sa kanilang pagkaligaya, sa wakas ay napasama na ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga bihag na papakawalan ng mga manlulupig.
"Sa wakas, makakalaya na tayo," walang tinag ang pagtulo ng luha ng kaligayan sa mga mata ni Maximo, "totoo ba to o nananaginip lang tayo?"
"Totoo ang lahat ng ito, Max," paninigurado sa kanya ni Juan, "sinabi ko naman sa'yo matatapos rin ang paghihirap natin. Ang mahalaga buhay pa tayo at makakauwi na."
Hindi nagtagal, sila ay pinaghanda na ng mga bantay para sa kanilang nalalapit na paglaya, tinawag ang pangalan ng mga bihag na pakakawalan at sila ay pinapila ng mga Hapon. Ang lahat ng palalayain ay pipirma sa isang kasulatan na magsisilbi bilang oath na sila ay hindi sasali o makikipagsabwatan sa mga Guerilla at ang kanilang mga Alkalde ang magiging responsable sa kanilang mga kilos.
Unang pumirma si Antonio, sumunod sa kanya si Max na walang nagawa kung hindi pumirma kahit na labag ito sa kanyang kalooban, huli namang pumirma si Juan.
Pagkatapos nito, binuksan na ang gate para sa mga lalaya at iniapak na nila ang kanilang mga paa palabas ng Kampo.
"Saan ka na pupunta ngayon, Antonio?" tanong ni Juan sa kasama.
"Uuwi na ako kina Inang at Amang," sagot niya.
Niyakap ni Juan ang kaibigan. "Salamat sa lahat, Antonio."
"Mag-iingat ka," pamamaalam ni Antonio sa kanila, "ikaw rin Max."
"Maraming salamat," sagot sa kanya ni Maximo.
Pagkatapos siya ay naglakad na patungo sa ibang direksyon at naiwan sina Juan at Maximo.
"Juan, ano ng gagawin mo ngayon?" Si Maximo naman ang nagtanong sa kanya. "Saan ka tutungo?"
Isang bugtong-hininga ang pinakawalan ni Juan, may kalungkutan ang mukha niya ngunit ito ay umaaliwalas sa bagong pag-asang kanyang natatamasa, "babalik ako ng Maynila, at doon hahanap uli ako ng rason para ipagpatuloy ang buhay, babalikan ko si Angelita, siya na lamang ang tanging liwanag sa buhay ko ngayon."
"Masaya ako para sa'yo," sagot ni Maximo, "ako naman ay uuwi na kay Inay at Itay...nawa'y...magkaroon ako ng lakas ng loob na ipagtapat sa kanila ang nangyari kay Kuya."
Nagsisimula ng pumorma ang luha sa kanyang mga mata.
"Kaya mo iyan, ikaw pa, isa ka sa pinakamalakas na taong nakilala ko," pagbibiro ni Juan, "tignan mo, nandito ka pa ngayon, nakatayo, buhay na buhay."
Umiiyak na niyapos ni Maximo si Juan bago sila magkanya-kanya ng landas.
"Mag-iingat ka, kaibigan," wika ni Juan sa kanya.
"Ikaw rin, Juan, maraming salamat sa lahat," umiiyak na sagot ni Maximo. "Sana ay magkita pa tayong muli."
"Iyan rin ang hiling ko," saad ni Juan.
Nagtungo na sila sa kani-kanilang mga daan at bago pa tuluyang mapalayo ang magkaibigan, sila ay nagkasulyapan pa, nakangiti sa isa't-isa.
***
Present Day- April 2017
"Iyon na ang naging pagtatapos ng aming paghihirap mula ng makipaglaban kami," paglalahad ni Juan habang nagkukuwento sa dalawang binatilyo.
Nakatitig lamang sa kanya si Joel at Mico habang taimtim na nakikinig sa kanyang pagsasalaysay, maging si Nurse Anne ay seryoso ring nakikinig sa kwento ng matanda.
"Iyon na rin ang huling beses na nakita ko sina Maximo at Antonio..."
Oktubre 1942
Bandang Oktubre, pagkatapos ng halos isang taong pagdurusa, matagumpay na nakarating si Maximo sa kanilang tahanan. Tanghali nang marating niya ang kanilang bahay, abalang nagwawalis ang kanyang ina sa kanilang bakuran nang maaninag niya ang kanyang pinakamamahal na anak.
Binitawan ni Aling Karlota ang kanyang walis at sinalubong niya ng mahigpit na yakap ang kanyang bunsong anak. Sakto namang lumabas rin si Mang Alfonso.
"Anak, salamat sa Diyos at nakauwi ka na,"pinupog siya ng halik ng kanyang ina, "hindi mo alam kung paano kami nag-alala para sa inyo. Nasaan ang kuya mo?"
Napayuko si Maximo, hindi niya alam kung ano ang kanyang isasagot sa kanyang ina. Nakutuban ni Aling Karlota na mayroong nangyaring hindi maganda kay Alfredo at ito ay natigilan.
Nilapitan ni Mang Alfonso ang anak na mahinahon pa sa isang tupa, "Maximo, anak, masaya kami ng iyong inay at nakauwi ka na, pero nasaan si Alfredo? Nasaan ang kuya mo?"
Bumuhos na ang emosyon ni Maximo sa pag-uusisa ng kanyang itay, siya ay umiiling na napatangis sa kanyang ama at ito ay niyakap niya.
"Patawarin niyo ko, itay," umiiyak niyang iwinika.
Napagtanto ni Mang Alfonso na wala na si Alfredo, pero imbes na magalit siya kay Maximo, niyakap niya na lamang ng mahigpit ang bunsong anak, sa pagkabigla nito. Noong mga panahong iyon, naramdaman ni Max kung gaano siya kamahal ng kanyang ama. Niyapos ni Karlota ang kanyang mag-ama at ipinagluksa nila ang pagkamatay ni Alfredo.
Present day- April 2017
"Wala na akong nabalitaan pa tungkol kay Antonio," pagpapatuloy ni Juan, "pero kay Maximo, nabalitaan kong pagkauwi niya, umanib sila ng kanyang ama sa mga Guerilla sa kabundukan, marahil ginawa nila ito para maipaghiganti si Alfredo. Pagkatapos noon, wala na akong nabalitaan tungkol sa kanila. Hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanila, kung nakaligtas ba sila sa giyera o hindi. Nanatili na lamang itong palaisipan sa akin, sa isip ko mas nanaisin kong ipagpalagay na nakaligtas sila."
Nagmistulang mga istatwang walang imik sina Joel at Mico sa pagbabalik tanaw ni Lolo Juan sa kanyang huling gunita.
"Hanggang ngayon nakikini-kinita ko pa rin siya, at pati na rin ang lahat ng kasamahan ko, hindi ko pa rin sila nakakalimutan," inilabas ni Lolo Juan ang isang litratong naninilaw na sa kalumaan, kuha ito noong giyera at nandito ang lahat ng kanyang kasamahan.
"Ito ako," itinuro niya kay Mico at Joel ang kanyang sarili sa litrato, "sa katabi ko naman sa gitna si Sgt. Bal. nasa kanan si Frederico, Rodolfo at ang kanilang mga kasamahan, sa kaliwa naman si Maximo, Alfredo, Jason, Gabriel, Benito at Eusebio."
Taimtim na tinitigan ng dalawa ang litrato. Kahit na matanda na si Juan, marunong pa rin siyang makiramdam sa mga tao sa kanyang paligid.
"O natahimik ata kayo?" napangiti ang kanyang nangungulubot na pisngi. "May problema ba mga iho?"
"Wala naman po," paninigurado ni Joel sa kanya, "nadala lang po siguro kami sa mga ikinuwento niyo."
"Ngayong tapos na kong magkwento, pag-usapan na natin ang sadya niyo, ano nga ba yung tinatanong niyo sa akin kanina?"
Nagkasukyapan ang magkaibigan, sumenyas si Joel kay Mico na ito naman ang kumausap sa matanda.
"Ah lo, gusto lang po namin malaman kung ano po ang tunay na kahulugan ng kagitingan para sa inyo," nahihiyang sumagot si Mico, nag-iingat sa kanyang sasabihin.
"Iyon pala..." tila natigilan si Lolo Juan ng ilang saglit na para bang lumalangoy ang kanyang pagkatao sa isang malalim na kaisipan, "paano ko nga ba sisimulan? Ito, apo, isipin niyo na lang ang lahat ng aming pinagdaanan sa Bataan. Tiniis namin ang lahat, kinaya namin ang lahat, sa loob ng ilang buwan naninirahan kami sa kagubatan, nakipagsapalaran kami sa mga baril, granada at bayoneta ng mga Hapon. Pagkatapos naming sumuko, isang panibagong laban ang aming hinarap, tiniis namin ang gutom, uhaw, init at pagod sa Martsa ng Kamatayan at pati na rin sa Kampo, sa kabila ng lahat ng aming pinagdaanan, iisa lamang ang tumatak sa kasaysayan, hindi ang aming hirap, hindi ang aming sakripisyo, kundi ang aming pagsuko. Nakilala ang ikasiyam ng Abril bilang ang araw na sumuko ang mga Filipino at Amerikano sa mga Hapones. Ginawa pa nga nilang tayutay ang pagsuko namin sa Bataan, kung sa bagay, hindi rin namin maikakahiya ang aming pagsuko, para lang kaming mga pusang nakipaglaban sa mga tigre. Kinalaban namin ang pwersang higit na malakas kaysa sa amin at kami ay natalo."
Huminga ng may kalaliman ang matanda bago niya ipagpatuloy ang kanyang pananalita.
"Sa lahat ng naranasan ko, isang bagay ang napagtanto ko. Ang tunay na kahulugan ng kagitingan ay hindi base sa lakas ng pangangatawan ng mga mandirigma o sa dami ng laban na kanilang naipanalo. Ang tunay na kagitingan ay ang hindi matatawarang tapang at katatagan ng loob sa kabila ng matinding panganib para ipaglaban kung ano ang tama, kung ano ang sa atin, kung ano ang makakabuti para sa ating mga kababayan at sa ating lupang tinubuan. Kagitingan ang ginawang sakripisyo ng libo-libong sundalo sa Bataan, walang takot nilang inalay ang kanilang mga buhay dahil sa pag-ibig nila sa bayan. Hindi napunta sa wala ang mga dugong dumanak sa kanila. Sila ang mitsang nag-alab sa puso ng mga Filipino at Amerikanong Sundalo para ipaglaban ang Pilipinas laban sa mga Hapon, ang kanilang pagbagsak ang nagdala sa kanila sa tagumpay. Sumuko man kami, hindi kami natalo ng tuluyan, naipanalo namin ang laban ngunit hindi sa paraang aming inaasahan at inaasam."
Isinulat ni Mico kung ano ang kaya niyang isulat sa mga sinabi ni Lolo Juan habang si Joel naman ay nakatulala lamang sa isang tabi, maraming kaisipang tumatakbo sa kanyang utak at marami siyang bagay na napapagtanto ngayon lang.
Naaalala niya ang mga panahong hirap na hirap siya sa kanyang buhay, kung paano siya magreklamo kapag marami siyang kailangang aralin para sa kanyang mga exams, kapag marami siyang gagawing projects ng sabay-sabay at kapag marami silang aasikasuhin sa thesis. Bumalik rin sa kanya ang kanyang pagrereklamo kapag kailangan niyang maglakad ng malayo kapag wala siyang masakyan at kapag naiinitan sila sa sinag ng araw. Ang lahat ng ito ay nagmistulang sisiw kung ikukumpara sa hirap at pagdurusang pinagdaanan ni Lolo Juan at ng lahat ng Sundalo sa Bataan. Ang lahat ng bagay na mahirap para sa kanya dati ay naging madali na lamang noong marinig niya ang kwento ni Juan. Naisip niyang wala na siyang karapatang magreklamo sa kaunting hirap na kanyang nararanasan sa pang-araw-araw na buhay eskwela, dahil wala ito sa kalingkingan ng naranasan ng mga kabataan noong panahon ng giyera. Ngayon niya lamang nababatid kung gaano siya kaswerte at hindi siya nabuhay sa panahong iyon. Ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na siya palalalamon sa katiting na hirap ng buhay.
"Grabe po pala ang naranasan niyo noong giyera," may pagkamanghang isinagot ni Joel kay Lolo Juan, "kung ako po ang nandoon, hindi ko po alam kung makakaya ko ang mga nalagpasan niyo, binago niyo po ang pananaw ko sa salitang 'kagitingan' at 'paghihirap.' "
Napansin ni Nurse Anne na ilang pahina na ang naisulat ni Mico sa kanyang dalang notebook.
"Ayos na to tol, mayroon na tayong maipapasa kay Katakutan, ano tara na?"
"Agad-agad? Siguro ba kayo na wala na kayong nakalimutang itanong kay Lolo?" Natatawang tinanong ni Nurse Anne sa magkaibigan.
"Oo nga, Mico," sumang-ayon si Joel sa kanya, "hindi pa tayo aalis, may mga bagay pa kong gustong malaman kay Lolo Juan."
"Ano iyon, iho? Handa akong sagutin," paninigurado ng matanda.
"Lo, wala na po tong kinalaman sa project namin, pero nacucurious po kasi ako. Gusto ko pa pong malaman kung ano ang nangyari sa inyo pagkaalis niyo ng kampo, nakauwi po ba kayo ng Maynila? Nagkatuluyan po ba kayo ni Angelita? Nagkaroon po ba kayo ng pamilya?"
Naglaho ang ngiti sa mukha ni Lolo Juan at bumalik uli sa kanyang gunita ang mga nangyari na para bang kanina lang ito naganap.
***
Oktubre 1942
Sa parehong araw kung kailan nakauwi si Maximo sa kanyang pamilya, iyon rin ang araw na nakabalik si Juan sa kanyang tahanan, ang dakilang lungsod ng Maynila na ngayon ay napapaligiran na ng mga mananakop na Hapon sa bawat sulok ng paligid. Tinignan ni Juan ng may pagkasuklam ang mga manlulupig na kung umasta ay parang sa kanila ang Pilipinas. Kung mayroon lang siyang baril, malamang ay pinagbabaril na niya ang mga ito sa sobrang pagkamuhi.
Nagpasya si Juan na magtungo na lamang sa bahay ng kanyang minamahal na si Angelita, iniwasan na niyang pumunta pa sa Intramuros, sapagkat wala na siyang babalikan doon, natupok ng bomba ang kanilang mansyon at ayaw na rin niyang sariwain pa ang trahedyang nangyari sa kanyang pamilya. Ngayon, si Angelita na lamang ang nasa isip ni Juan, plano niyang alukin na ng kasal ang kasintahan pagkatapos niyang magpahinga nang sa ganoon ay magkaroon na siya ng bagong buhay.
Matapos ang ilang minutong paglalakad sa nasakop na bayan, narating ni Juan ang bahay ni Angelita, kumatok siya sa may gate ngunit walang nagbukas ng pinto, akala niya walang tao sa bahay. Kumatok siya ulit at sa pagkakataong ito, may nakarinig sa kanyang mga katok. Bumukas ang gate at sumalubong kay Juan si Lola Ester.
Dahil sa ipinayat ni Juan, tila hindi siya nakilala ng matanda, pinaliit niya ang kanyang mga mata upang siyasating maigi kung sino ang kanyang panauhin.
"Lola Ester, ako po to, si Juan," pagpapakilala niya sa matanda.
"Juan!" napalakas ang tinig ni Lola Ester na parang siya ay mahihimatay na, "apo, ikaw ba yan? Anong nangyari sa iyo, iho?"
Hinawakan niya ang hulpak na mukha at maputlang pisngi ng binata, "halos hindi na kita nakilala, napakapayat mo. Diyos ko, anong ginawa nila sa iyo? Ayos ka lang ba?"
"Ayos na po ako Lola," sagot ni Juan, "tapos na po ang paghihirap ko, pinakawalan na po ako ng mga Hapon."
"Salamat sa Diyos at hindi ka niya pinabayaan sa mga animal na yun."
"Binigyan niya po ako ng lakas, Siya at si Angelita," tugon ng binata.
Nabalutan ng lumbay ang mukha ni Lola Ester nang marinig niya ang pangalan ng apo.
"Nasaan po si Lita? Siya po talaga ang sinadya ko dito, sigurado po akong matutuwa siya kapag nalaman niyang nakaligtas ako ng dahil sa kanya."
Hindi nakaimik si Lola Ester at napapikit siya sa sinabi ng binata.
"Lola Ester, may problema po ba?"
Bumuhos ang emosyon ng matanda at niyakap niya ng mahigpit si Juan, "patawarin mo ko, iho... wala na si Angelita, wala na ang apo ko!"
Natigilan si Juan habang siya ay yakap-yakap ni Lola Ester, "ano pong sinasabi niyo la? Paanong wala na si Angelita? Hindi ko po kayo maintindihan?"
"Mga hayop sila! Binaboy nila ang katawan ng apo ko! Wala silang konsiyensiya! Pinaslang nila ng walang awa si Angelita, ang apo ko!"
Napagtanto ni Juan na wala na nga si Angelita, wala siyang nagawa kundi yakapin ang matanda at lumuha kasama niya.
***
Nang mahimasmasan na si Lola Ester, sinamahan niya si Juan sa isa sa mga libingan sa Maynila kung saan nakahimlay ang mga labi ni Angelita. Para kay Juan, hindi pa rin totoo ang lahat ng ito hanggang hindi niya nakikita ang libingan ng kanyang kasintahan, maaaring nananaginip lang siya o guni-guni niya lamang ito, pero ang lahat ng iyon ay napatunayan niyang mali nang masilayan mismo ng kanyang mga mata ang nakaukit na pangalan ng babaeng iniibig sa kanyang lapida. Nanginig ang kanyang labi sa pagpipigil niya ng kanyang emosyon.
"Kailan pa po nangyari ito?" tanong ni Juan, sapagkat hindi nakalagay sa lapida ang araw ng kanyang kamatayan.
"Magkakalahating taon na," sagot ni Lola Ester, "siguro mga kalagitnaan ng Abril."
Tinantsa ni Juan ang mga araw, napagtanto niyang namatay si Angelita noong mga panahong sila ay nasa Martsa ng Kamatayan.
"Si Mang Marceng nasaan po siya?" tanong niya ulit sa matanda.
"Ipinagluksa ni Marceng ang pagkawala ni Angelita, malaki ang naging epekto nito sa kanya," paliwanag ng matanda, "noon, gusto na niya kaming isama sa kabundukan para umanib sa mga Guerilla ngunit tumanggi si Lita dahil hinihintay niya ang pagbabalik mo, Juan. Gusto niya nandito siya kapag bumalik ka na, isa pa, tapat siya sa kanyang tungkulin sa mga pasyente niya sa ospital. Sa huli inalala pa rin niya ang mga taong nangangailangan ng tulong niya."
"Ganyan naman po talaga si Lita," sagot ni Juan habang pinupunasan ang kanyang mga luha, "kahit kailan hindi niya inuna ang sarili niya sa iba."
"Ilang araw lang pagkamatay niya, naglaho na lamang ang aking anak na si Marceng, pagkatapos noon lumaganap na ang paglusob ng pwersa ng mga Guerilla sa Maynila at maraming Hapon ang napatay nila. Hinala ko, tuluyan ng sumanib sa kanila si Marceng sa kagustuhan niyang bigyan ng katarungan at hustisya ang pagpatay nila kay Lita. Kaya lang kahit ang mga inosenteng Hapon na walang kinalaman sa pagkawala ni Angelita ay pinagdiskitahan nila. May kakilala kaming isang mabuting Kapitan, si Kapitan Matsuda, tinulungan niya ako isang beses at naging mabuti siya sa amin ni Lita, kaso pati siya ay nadamay sa hagupit ng mga Guerilla, pinugutan nila ng ulo ang kapitan at ang iba niyang kasamahan, pagkatapos ay isinabit nila ang mga ito sa kanilang mga bayoneta para makita ng publiko. Wala man akong pruweba, malakas ang kutob ko na kasama si Marceng sa mga pumaslang sa kanya. Inakala siguro nila na may kinalaman si Kapitan Matsuda sa kalapastanganang ginawa sa apo ko, pero masisiguro ko na hindi siya ang Hapon na gumahasa at pumaslang kay Angelita. Naniniwala akong malaya pa rin ang gumawa nito sa kanya."
"Kung sino man ang gumawa nito, sana mapagbayaran niya ang kahayupang ginawa niya sa babaeng mahal ko," galit ngunit mahinahon ang tinig ni Juan.
"Sana nga, iho, iyon rin ang hiling ko," sumang-ayon si Lola Ester sa kanya, "paano, maiwan muna kita."
Lumisan si Lola Ester bilang pagrespeto kay Juan ng sa ganoon ay maipagluksa ng sarili ang babaing iniirog.
"Angelita..." Tumatangis na hinawakan ni Juan ang kanyang lapida, "patawarin mo ko. Patawarin mo ko at wala ako sa tabi mo para iligtas ka noong mga panahong pinagsasamantalahan at binababoy ka ng mga Hayop na iyon. Hinintay mo ko pero binigo kita. Hindi mo na ako naabutan. Wala ako noong mga panahong lubos mo akong kinakailangan. Namatay kang hindi mo nababatid na lumalaban ako para mabuhay ng dahil sa pag-ibig ko sa'yo. Angelita, ikaw na lamang ang natitirang ilaw sa madilim kong mundo. Iniwan na ko ng pamilya ko, nawala na rin si Onat at ang lahat ng kaibigan ko, bakit pati ikaw kailangang lumisan? Bakit pati ikaw, kailangan mo kong iwanan? Marami pa kong plano at mga pangarap para sa atin. Ang ikasal tayo, bumuo ng ating sariling pamilya, tumanda habang lumalaki ang ating mga anak..."
Napagtanto ni Juan na ang lahat ng iyon ay sa pangarap na lamang niya matutupad. Humagulgol sa paghihinagpis si Juan at napahiga siya sa libingan ni Angelita sa pagbuhos ng kanyang matinding pangungulila.
"Angelita, nais ko lang na malaman mo na ikaw ang pag-ibig ng buhay ko, wala na akong ibang babaing iibigan pa kagaya ng pag-ibig ko sa'yo. Ang pagkamatay mo, isa itong sugat na habang buhay ay hindi na maghihilom, wala ka man sa aking piling ngayon, habang buhay kang nakatatak sa puso ko...hindi ko alam kung paano pa ako mabubuhay, ikaw na lamang ang natitira sa akin, ngayon tunay ngang ako'y nag-iisa na lamang, mananatili akong mag-isa mula ngayon hanggang sa araw ng aking pagkamatay."
***
Bago pa lumubog ang araw, bumalik na si Juan sa tahanan ni Lola Ester upang doon muna magpalipas ng gabi, marami pa ring Hapon na nagbabantay sa bawat kalsada pero sa kabutihang palad, wala namang ni isa sa kanila ang humarang o pumuna sa kanya.
Pagkapasok niya sa loob ng bahay, isang babae ang nakita niyang kausap ni Lola Ester. May kabataan pa ang nasabing babae, malamang ay nasa tatlumpu pa lang ang kanyang edad.
"Juan, buti naman at nakabalik ka na," sinalubong ni Lola Ester ang binata.
"May bisita po kayo?" tanong ni Juan.
"Ah oo, ito si Gracia," itinuro ng matanda ang babae, "ang sabi niya mayroon siyang nalalaman tungkol sa pagkamatay ni Angelita, maging ako nga rin ay nagulat ng sabihin niya ang kanyang sadya."
***
Inusisa ni Juan at Lola Ester si Gracia tungkol sa kanyang nalalaman.
"Totoo ba ang sinasabi mo na may alam ka sa pagkamatay ni Angelita?" masinsinang pagtatanong sa kanya ni Juan.
"Oo," sagot ni Gracia sa isang mahinahon na tono, "kilala ko ang mga Hapon na gumahasa at pumatay sa kanya."
"Sino sila?" naaatat si Juan na malaman ang pangalan ng mga ito.
"Si Takeshi Kumori at ang dalawa niyang kasamahan," paglalahad ni Gracia.
Takeshi Kumori
Tinandaan ni Juan ang pangalang iyon.
"Iha, paano mo naman nasabing kilala mo ang mga Hapon na ito, at paano mo naman nalaman na sila nga ang pumatay sa aking apo?" pag-uusisa ni Lola Ester.
"Kilala ko po siya dahil dati akong nagtatrabaho sa kanya bilang translator ng ating wika, madalas niya akong sinasama tuwing siya ay naglilibot sa Maynila nang sa ganoon ay maintidihan niya kung ano ang sinasabi ng mga tao sa paligid. Dati po akong nag-aral sa Japan, natutunan ko ang kanilang wika at dahil doon kaya ako naging isang tagapagsalin. Noon pa man ay marahas at malupit na si Takeshi lalo sa mga hindi nila kalahi, kinaiinggitan niya si Kapitan Matsuda sapagkat mas mataas ang ranggo nito sa kanya at palagi siyang hinahampas nito kapag mayroon siyang inaalipustang Pilipino. Nag-isip siya ng paraan kung paano siya makakaganti sa Kapitan at nakaisip siya ng isang ideya ng makita niya ang apo niyo..."
Natigilan si Gracia sa kanyang paglalahad, halos maluluha na.
"Sige lang, Gracia, ipagpatuloy mo," inudyukan siya ni Lola Ester.
"Isang gabi, sinundan ko sila ng palihim sa ospital, nakita kong sinusundan nila ang isang babae, si Angelita. Sinubukan niyang manlaban gamit ang kanyang kutsilyo ngunit pinagtulungan siya ng mga ito at hindi na siya nakapalag, winasak nila ang kanyang uniporme hanggang sa siya ay magkuhabad-hubad na, pagkatapos ginahasa nila siya isa-isa ng kanyang mga kasamahan.Sumigaw siya para humingi ng tulong, pero sa tuwing siya'y magpupumiglas at humihiyaw, sinusuntok siya ng mga ito sa mukha. Hanggang ngayon naririnig ko pa rin ang paghingi niya ng tulong, ang kanyang mga ungol sa tuwing siya'y sinasaktan at pinagsasamantalahan, ilang buwan na kong hindi makatulog sa pag-uusig ng aking konsiyensiya."
Tumangis si Lola Ester sa pagsasalaysay ng saksi, habang si Juan naman ay napapailing sa kanyang mga ibinunyag.
"Pagkatapos gahasain ng dalawa si Angelita, si Takeshi naman ang gumalaw sa kanya, halos wala ng lakas ang dalagita at hindi na siya nakalaban sa kanya, hindi nakuntento si Takeshi, kumuha siya ng electric wires, kinuryente siya may dibdib, pagkatapos siya ay pinagsasaksak sa sikmura. Gumawa siya ng kwento na si Kapitan Matsuda ang may kagagawan sa karumal-dumal na krimen, kumalat ito sa kabayanan kaya naman siya at iba pang inosenteng mga Hapon ang napagbuntungan ng Guerilla habang si Takeshi at ang kanyang mga kasama ay malaya pa. Nakuha niya ang kanyang gusto, ang gumahasa ng isang magandang Pilipina at ang mawala si Kapitan Matsuda."
Dinamayan ni Juan si Lola Ester na halos hindi na makahinga ng maayos sa pag-iyak, napakasakit para sa kanila ang pagdetalye sa ginawang paglapastangan kay Angelita.
"Naroroon ka ng maganap ang krimen," sumama ang mukha ni Juan at nagsimulang mag-iba ang kanyang tono, "pwedeng-pwede mo siyang tulungan pero wala kang ginawa, pagkatapos ngayon mo lang sasabihin ang lahat ng ito sa amin?"
"Patawarin niyo ako, Juan, Lola Ester," umiiyak niyang isinagot, "gusto ko siyang tulungan ng mga panahong iyon ngunit di ko nagawa dahil natakot ako...natakot ako na baka pati ako ay patayin nila. Ilang beses na rin akong pinagkatuwaan at ginahasa ni Takeshi at ng kanyang mga kasamahan, natakot ako na baka sa pagkakataong ito, tuluyan na rin nila akong patayin..."
Tila nawala ang galit ni Juan sa ipinagtapat ni Gracia at siya ay huminahon.
"Juan, hayaan muna natin siyang magsalita," tugon ni Lola Ester.
"Wala akong kinalaman sa pagpatay kay Angelita, pero alam kong may pananagutan rin ako dahil ilan buwan kong inilihim ang katotohanan sa inyo, hindi na po kinaya ng konsiyensiya ko. Kung di ako magsasalita, marami pang kababaihan ang mabibiktima ni Takeshi at ng iba pang mga Hapon, sa muli, patawarin niyo po ako, Lola Ester."
Hinawakan ni Lola Ester ang kanyang kamay, "galit na galit ako sa inyo noon dahil mas pinili niyong pumanig sa mga Hapon, at hindi ko nagustuhan ang ginawa mong paglilihim sa totoong pumatay sa apo ko, gayunpaman, ako ay humahanga sa iyong katapangan na harapin ang pagsubok na ito at sabihin sa amin ang katotohanan, hindi mo na kailangang humingi ng tawad, sa huli ginawa mo ang tama at pinapatawad na kita. Alam kong habang hawak ng mga Hapon sa leeg ang Pilipinas, hindi pa mabibigyan ng hustisya ang aking apo, ipinapanalangin ko na lamang na ang Diyos ang magbigay ng katarungan sa kanya sa panahong kanyang itinakda."
"Salamat po, Lola Ester," niyakap ni Gracia ang matanda, "maraming salamat po."
Napalingon siya kay Juan at ito ay napangiti sa kanya, senyales na napatawad na rin niya ito.
***
Ihinatid ni Juan at Lola Ester palabas si Gracia palabas ng bahay, napatigil ang babae ng may maaninag siya sa isang kanto.
"Anong problema?" tanong ni Lola Ester.
"Nandito sila..."nababala niyang ipinaalam sa dalawa sa tinig na malakas lang ng bahagya sa bulong, "nandito si Takeshi at ang kanyang mga kasamahan, ayun sila."
Sinundan ni Juan at Lola Ester ang kamay na ipinanturo ni Gracia, at nasilayan nila ang mga Hapon na pumatay kay Angelita.
Pinagmasdan ni Lola Ester ang mga Hapon at nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkabigla, "kilala ko siya, siya ang Hapon na sumampal sa akin noon, Diyos ko po! Sila ang pumatay kay Angelita."
"Opo," pagsang-ayon ni Gracia, "hindi nila ako maaaring makita, ilang buwan ko na silang pinagtataguan, sigurado akong pinaghahahanap na nila ako,"
"Naku, kung ganoon ay magpalipas ka na muna dito ng gabi, manatili ka muna sa bahay habang naririto sila."
Tinitigan ng may pagkamuhi ni Juan ang tatlong Hapon, lalo na ang kanilang pinuno.
Ikaw pala si Takeshi Kumori! Ang demonyong pumatay kay Angelita.
Sumara ang kanyang kamao sa galit at poot.
***
Sa paglipas ng mga araw, hindi nilubayan ni Juan si Takeshi at ang kanyang mga kasamahan, minanmanan niya ang tatlo para malaman kung ano nga ba ang kanilang pagkatao. Napatunayan niyang totoo nga ang ibinunyag ni Gracia tungkol sa kanila, malulupit nga ang mga ito. Hinahampas at pinagsasampal nila ang mga Pilipinong hindi bumabati at rumerespeto sa kanila, pasikreto silang sinundan ni Juan saan man sila pumunta at napag-alaman niyang palagi silang tumatambay malapit sa ospital na dating pinagtatrabahuhan ni Angelita, kung saan naganap ang pagpatay. Palagay niya, naghahanap ulit sila ng bibiktimahin, kumukuha lamang tyempo si Juan para isagawa ang kanyang binabalak.
Isang gabi, binuntutan ni Juan ang tatlo, dala-dala ang kutsilyong pasikreto niyang pinuslit mula sa bahay ni Lola Ester, handa na siyang pagbayarin ang mga kriminal sa kanilang ginawa.
Namataan niya ang tatlo sa kanilang pwesto sa Ospital na tila may inaabangan, ilang saglit lang, isang dalagitang nurse ang dumaan sa harapan nila, napansin ni Juan na nagbulungan ang tatlo, pagkatapos ay sinundan nila ang babae. Hindi na pinalagpas ni Juan ang pagkakataon at nagmadali siyang tumakbo patungo sa sulok ng ospital.
Maya-may, isang kagimbal-gimbal na hiyaw ang umalingawngaw sa paligid, napagtanto ni Juan na sigaw ito ng babaeng nurse na kanilang bibiktimahin at siya ay nagtungo sa direksyon kung saan nagmula ang sigaw.
Sa kanilang kinaroroonan, nakahandusay ang dalagita at siya ay pinagtutulungan ng hubaran ng dalawa habang si Takeshi naman ay nakatayo sa hindi kalayuan.
"Pakawalan niyo ko!" sigaw ng babae. "Tulong! Tulungan niyo ko!"
Inilapit ng Hapon ang kanyang mukha upang halikan ang dalagita nang biglang tumagos sa kanyang leeg ang kutsilyo mula sa likuran, nagulat ang dalagita, bumagsak malapit sa kanya ang walang buhay na Hapon at siya ay natalsikan ng kanyang umaagos na dugo.
Agad na umaksyon ang ikalawang Hapon, nagpaputok siya sa taong sumaksak sa kanyang kasamahan ngunit maliksi ito at matagumpay niyang naiwasan ang lahat ng kanyang tira. Sinuntok ni Juan sa mukha ang Hapon at hinablot niya ang kanyang baril. Kinalabit niya ang trigger at tinamaan niya ito sa mukha.
Napagtantong patay na ang dalawa niyang kasama, lumabas mula sa dilim si Takeshi Kumori at hinampas niya si Juan sa likuran.
"Boke! (fool!)" ininsulto siya ng marahas na Hapon.
Bumagsak si Juan, nasilayan niyang itutusok na sa kanya ni Takeshi ang kanyang bayoneta at inilagan niya ito na parang isang mailap na hayop. Naglaho ito na parang isang bula. Tumingin ang Hapon sa paligid, hinahanap ang naglahong kaaway. Sumigaw ng malakas si Juan at sinunggaban ang kinamumuhiang Hapon.
Sinuntok niya ng walang humpay si Takeshi sa kanyang mukha hanggang siya ay mahilo at bumagsak. Sinamantala ni Juan ang pagkakataon at inagaw niya ang bayoneta sa kalaban.
"Hayop ka!" nanggagalaiting sigaw ni Juan habang hablot-hablot ang kanyang ulo, "kilala mo ba si Angelita, ang dalagang pinatay at pinagsamantalahan niyo?"
Hindi naunawaan ni Takeshi ang kanyang sinabi ngunit napansin ni Juan ang pagbabago ng kanyang reaksyon nang marinig ang pangalang 'Angelita.'
"Siguro di mo ko naiintidihan," saad ni Juan, "you remember Angelita? The woman you murdered!"
"I'm sorry, I'm sorry," umiiyak na sinabi sa kanya ni Takeshi, "prease don't kirr me!"
Nanggigil ang mukha ni Juan sa galit.
"Magbabayad kang demonyo ka!" itinusok niya sa katawan nito ang bayoneta at sinaksak niya ng paulit-ulit ang mamamatay-taong Hapon.
Nabigyan ko na ng hustisya ang pagkamatay mo, Angelita.
Matapos paslangin ni Juan ang tatlong Hapon, napansin niyang nakatayo malapit sa kanila ang dalagitang nurse na kanyang tinulungan, nakatulala siya sa mga Hapon at hinihingal. Lalapitan siya ni Juan ngunit siya ay lumayo.
"Huwag kang matakot, ligtas ka na," paninigurado ni Juan, "hindi ka na nila masasaktan."
Nang matauhan ang dalagita, dahan-dahan siyang naglakad palapit kay Juan. "Maraming salamat, ginoo, utang ko sa iyo ang buhay."
"Walang anuman, basta ipangako mo lang na wala kang pagsasabihan sa nangyari ngayon."
"Hindi po ako magsasalita," sagot ng dalagita. "Pangako ko."
"Sige na, umuwi ka na," pag-uudyok ni Juan, "ako na ang bahala rito."
Tumango ang nurse pagkatapos iniwan na niya sa Juan kasama ang mga pinaslang na Hapon.
***
Kumalat ang balita sa Maynila tungkol sa naganap na pagpatay kay Takeshi at sa kanyang mga kasamahan, at pinaghahahanap na ngayon ng mga Hapon ang mga Guerillang pinaghihinalaan nilang gumawa nito. Nanatili pa ng ilang linggo si Juan kina Lola Ester bago niya mapagpasyahang magtungo na sa kanyang Tiyang Celia sa Meycauyan, Bulacan. Alam niyang anumang oras maaaring matuklasan ng mga Hapon ang ginawa niyang pagpaslang sa kanilang mga kalahi at mapanganib na para sa kanya na manatili pa sa Maynila. Inempake niya ang kanyang mga gamit at nagpaalam kay Lola Ester.
"Siguro ka bang aalis ka na, Apo?" nalulungkot na tanong ni Lola Ester.
"Opo, la," sagot niya, "nabigyan na po ng hustisya ang pagkawala ni Angelita, sapat na sa akin iyon, wala na po akong rason para manatili pa sa Maynila."
"Kung si Marceng man ang gumawa nito, nagtagumpay na siya, napagbayad na niya ang mga pumatay sa kanyang anak."
Lingid sa kaalaman ni Lola Ester na si Juan ang pumatay sa kanila, ayaw na itong ipabatid sa kanya ng binata sapagkat alam niyang hindi sasang-ayon sa kanyang pamamaraan ang matanda.
"La, baka po gusto niyong sumama na lang sa akin sa Bulacan," pagyayaya ni Juan, "mag-isa na lang po kayo rito."
"Naku apo huwag na," sagot ng matanda, "magiging pabigat lamang ako sa Tiyang Celia mo at isa pa, sanay naman ako na mag-isa, dito ako sa Maynila ipinanganak at gugustuhin ko na rin na dito ako mamatay. Mag-iingat ka palagi, Juan. Alagaaan mo ang iyong sarili."
Niyakap ni Juan ang matanda, "mag-iingat rin po kayo, la. Maraming salamat po sa lahat."
Pagkalabas ni Juan sa tahanan ni Lola Ester, pinagmasdan niya sa huling sandali ang Lungsod ng Maynila, ang kanyang kinalakihang tahanan, ang lugar ng kanyang unang pagkasawi at ang himlayan ng kanyang nakaraan.
***
Present day- April 2017
"Iyon na ang huling araw ko sa Maynila at ang huling pagkikita namin ni Lola Ester, wala na ko noong Manila Massacre ng taong 1945 at kung nakaligtas ba doon si Lola Ester, hindi ko na alam ang sagot," pagbabahagi ni Juan sa kanyang mga panauhin.
"Pagkatapos noon nanirahan na ako kay Tiyang Celia sa Bulacan, kaming lahat na nabuhay sa panahon ng digmaan, binago kami ng giyera, bumalik kami na hindi na namin kilala ang aming mga sarili. Tulad ng ikinuwento ko sa inyo, si Angelita na lamang ang natitirang liwanag sa aking buhay, nang mawala siya, nawala na rin ang ilaw na nagbibigay pag-asa sa akin upang ipagpatuloy ang buhay.Nawalan ng kulay ang aking buhay at namuhay ako sa mundong madilim at malamig. Hindi ko na ipinagpatuloy ang aking pag-aaral, hindi ko natupad ang aking pangarap na maging isang inhinyero, ako ay nagtrabaho na lamang bilang isang karpentero. Nagtrabaho na lamang ako hanggang sa kaya pa ng aking katawan, sa loob ng limang dekada. Inabot ko pa ang ikaapat na henerasyon ng angkan ni Tiyang Celia."
Nangingilid ang luha sa kanyang mga naniningkit na mga mata.
"Marami akong nakasamang kamag-anak sa loob ng mga dekada, minahal nila ako pero wala akong minahal sa kanila ng gaya ng pagmamahal ko kina Inay at Ate Juliana, marami akong nakilalang mga kasamahan sa trabaho pero wala akong naging kasangga tulad ni Onat at ng mga kasamahan ko sa Bataan, marami akong babaeng nakita pero walang bumihag sa aking puso gaya ni Angelita. Maraming bata ang dumating at tumanda sa pamilya ngunit walang tumatak sa akin kagaya ni Judith. Nabuhay ako sa bangungot ng nakaraan, ipinagluksa ko ang mga mahahalagang bagay na nawala sa akin hanggang sa kumulubot na ang aking balat at ako'y naging isang matandang kuluban.Matagal ang inilagi ko sa mundo ngunit ako ay nabuhay sa kawalan. Kawalan ng pag-asa, kawalan ng puso para umibig at makipagkaibigan, kawalan ng pananalig sa Diyos at kawalan ng pagpapahalaga para sa aking buhay at sa mga taong nasa aking paligid. Hindi ko pinahalagahan ang mga kamag-anak na nagpatira sa akin at nalaman ko lamang ang halaga ni Tiyang Celia noong wala na siya, lumayo ako sa anumang pakikipag-ugnayan sa mga tao, nakalimutan ko kung paano umibig at makipagkaibigan. Higit sa lahat, kinalimutan kong magdasal at kausapin ang Diyos, naglaho ang paniniwala ko sa kanya sa nakalipas na pitumpung taon. Napagtanto ko lamang ang lahat ng ito noong ipinadala ako rito ng apo ng aking nakababatang pinsang si Melchor. Napakatanda ko na, ilang ulit ko ng hiniling na ako ay mawala na dito sa mundong ito pero pati ata si kamatayan ay takot sa akin."
Sa tuwing hinihiling ito ni Juan, mas lalong humahaba ang kanyang buhay at nadadagdagan pa ang kanyang mga taon. Hindi nga niya alam kung bakit hindi pa siya mamatay-matay, wala namang kwenta ang kanyang buhay para sa kanya.
"Iisa lang bagay na napagtanto ko," nanginig ang kanyang tinig na parang siya ay paiyak na, "Hindi tayo namamatay sa oras na tumigil ang pagtibok ng ating puso at ipinikit natin ang ating mga mata, namamatay lamang tayo ng tuluyan kapag kinalimutan nating maging masaya at pahalagahan ang buhay na ipinagkaloob sa atin. Ang tunay na pagkamatay ay ang pagpanaw ng ating mga puso at kaluluwa sa ating kalooban kahit na tayo ay humihinga pa."
Hindi alam ni Joel at Mico kung ano ang kanilang isasagot sa matanda, naririnig ni Joel na sumisinghot na ang kaibigan na para bang naiiyak na rin ito.
"Maaaring nakaligtas nga ang katawang lupa ko sa pagpapahirap at kalupitan ng mga Hapon, pero ang puso't kaluluwa ko ay namatay sa Bataan kasama ng mga kaibigan ko. Iyon ay masahol pa sa kahit anong pisikal na pagkamatay."
Tuluyan ng tumulo ang luha sa nagungulubot na pisngi ni Lolo Juan, "siyamnapung anim na taon akong nanatili sa mundo pero hindi ko masasabing nagkaroon ako ng nag-uumapaw na buhay, wala akong narating, wala akong nagawa at wala akong naging silbi dito sa mundo. Kung tutuusin, mas higit pa roon ang maikli ngunit makabuluhang pamumuhay, marami akong nakilalang sasandali lang ang inilagi sa mundo ngunit sila ay namatay ng masaya, kuntento, mapayapa at may halaga."
Tinitigan ni Juan ang dalawang binatilyo at napagtanto niya kung gaano pa sila kabata kung ikukumpara sa kanya ngayon.
"Mga apo, ito lang maipapayo ko sa inyo, huwag kayong gumaya sa akin, huwag niyong sayangin ang buhay na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos, mga bata pa kayo, matagal pa ang ilalagi niyo sa mundong ibabaw. Sa tuwing mararamdaman niyo na wala na sa inyo ang lahat, huwag kayong magpapadala sa inyong emosyon, imbes na kayo ay malugmok sa kalungkutan, piliin niyong maging masaya at pahalagahan niyo ang mga bagay na natitira sa inyo tulad ng pamilya, kaibigan, pagmamahal at buhay. Maaari silang mawala sa iyo sa isang iglap na parang mga bula, gayunpaman hindi ka tuluyang nag-iisa, palaging may nandyan sa paligid na maaari mong maging bagong kaibigan at kapamilya. Magmahal kayo, pahalagahan ang inyong mga pamilya, makipagkaibigan kayo sa ibang tao at higit sa lahat, huwag na huwag niyong kakalimutang magpasalamat sa Diyos para sa buhay na kanyang ibinigay sa inyo. Hindi ko nagawa ang mga bagay na ito, kaya ayokong matulad kayo sa akin. Tama ba ako mga iho?"
"Opo, Lolo Juan," napatango si Joel sa kanya.
"Oh paano, ito na ang kabuuan ng aking kwento," humikab si Lola Juan bago ituloy ang kanyang sinasabi, "nawa'y kahit papaano ay mayroon akong aral na naibahagi sa inyo."
"Marami po Lo," paglalahad ni Joel, "dahil po sa inyo, nag-iba na ang persepsyon namin tungkol sa tunay na kahulugan ng buhay at kamatayan. Ang mga ibinahagi niyo sa amin, tumagos po ito sa aming pagkatao."
"Mabuti naman kung ganoon, pero paano naman ang kasama mo?" Itinuro ni Lolo Juan si Mico na nagpupunas ng luha sa kanyang mga mata.
"Tol, umiiyak ka ba?" tanong ni Juan sa kasama.
"Ah hindi," iginiit ni Mico habang siya ay nagpupunas ng kanyang luha, "siguro napweng lang ako, o baka naman may naghihiwa lang ng sibuyas."
Sa totoo, lubhang naapektuhan si Mico sa paglalahad ni Lolo Juan sa kanyang buhay. Hindi man pareho ang kanilang sitwasyon, nakakarelate pa rin siya sa kanyang kwento. Kung si Lolo Juan ay nalumbay sa pagkawala ng mga bagay na mahalaga sa kanya, siya naman ay nagliliwaliw sa mga bagay na wala namang katuturan at kabuluhan. Naisip niya ang mga panahong babad siya sa Computer Shop kaka DOTA, ang mga panahong hindi sila nag-aaral ng mga kaklase kaka Mobile Legends at ang mga oras na sinayang niya kakagimik sa inuman. Iyon ang naging dahilan kung bakit wala siyang natutunan sa kolehiyo at ilang beses na siyang muntikan ng bumagsak. Ngayon niya lamang napapagtanto na tulad ni Lolo Juan, sinasayang rin niya ang kanyang buhay.
"Tama po si Joel," kinausap ni Mico si Lolo Juan, "binuksan niyo po ang aming mga mata para malaman namin kung ano po ang tunay na mahalaga sa buhay. Thank you po, lo."
"Walang anuman, iho, ipagpatuloy niyo lang ang pagbibigay ng direksyon sa inyong mga buhay. Ang oras, hindi na ito naibabalik pa, para itong isang ilog na palaging nag-iiba ang tubig. Huwag niyong sayangin ang inyong mga panahon."
Humikab ng malakas si Lolo Juan at pumungay ang kanyang mga mata.
"Inaantok na ata si Lolo, tara na at baka nakakaabala na tayo sa kanila," pagyayaya ni Juan sa kasama.
"Kunan ko muna kayo kasama si Lolo, baka kailangan niyo," suhestiyon ni Nurse Anne, pinahiram ni Joel ang kanyang cellphone at sila ay nagpakuha ni Mico sa tabi ni Lolo Juan bilang remembrance.
"Huwag niyong kakalimutan yung mga kailangan niyo sa project,"paalala sa kanila ng tagapangalaga.
Kinuha ni Mico ang kanyang notebook, pagkatapos ay nilapitan niya si Lolo Juan at niyakap sa kanyang wheelchair.
"Aalis na po kami Lolo Juan, maraming salamat sa pagbabahagi niyo sa inyong huling gunita, masalimuot man po ang mga naging karanasan niyo, napakaganda pa rin po ng kwento ng inyong buhay."
"Wala iyon iho," nakangiting saad ng matanda. "Nais ko ring magpasalamat sa inyo, kung hindi kayo dumating, hindi ko mailalabas ang lahat ng hinanaing ko at hindi gagaan ang pakiramdam ko gaya ng nararamdaman ko ngayon."
Sunod namang yumakap sa kanya si Joel, "Lo, maraming salamat po, marami kaming mga bagay na natutunan mula sa inyo, huwag niyo po sanang isipin na wala kayong pakinabang sa mundo, Naniniwala rin po ako sa sinabi ng lola ko, na lahat po raw tayo ay mayroong misyon dito sa mundo, gaaano man po ito kalaki o kaliit, lahat po tayo ay konektado sa isa't-isa, maaaring sa ngayon hindi niyo pa lang po napapagtanto ang halaga niyo, pero alam ko pong may dahilan ang Diyos kung bakit niya kayo binigyan ng mahabang buhay. May misyon po kayo, gaano man kasimple ito, nawa po ay matuklasan niyo bago kayo mawala."
"Sana nga apo," hiling rin ni Lolo Juan, "maraming salamat rin sa pagbabahagi, mag-iingat kayo at bisitahin niyo ko ulit."
"Babalik po kami," pangako ni Joel. "Paalam po, Lo."
"Paalam mga apo."
"Hatid ko lang po sila," pagpapaalam ni Nurse Anne.
Habang ihinahatid ni Nurse Anne palabas ang dalawa, nakangiting pumikit si Lolo Juan. Sa loob ng lagpas 70 taon mula ng maganap ang digmaan, naging palaisipan para kay Juan kung bakit siya binuhay ng Diyos ng ganitong katagal, sa kabila ng lahat ng hirap at pagdurusang naranasan niya, pero ngayon tila nagiging malinaw na sa kanya ang lahat, marahil binuhay siya ng Diyos ng matagal upang makilala ang dalawang binatilyong ito at ipamahagi sa kanila kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay. Siguro nga ang misyon niya'y imulat ang kanilang mga mata at itama ang kanilang mga pagkakamali sa buhay. Ngayong naisakatuparan na niya ito, maaari na siyang mamayapa ng bukal sa kanyang puso at ng may katahimikan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro