Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 16

Isang nakagigimbal na senaryo ang nagpabigla sa taumbayan sa ospital ng Maynila. Nagkukumpulan ang mga tao sa isang sulok at sa paglipas ng mga minuto, mas dumarami ang nakisawsaw at nakikibalita kung ano nga ba ang nangyari.

Ang pinagmamasdan ng lahat ay ang bangkay ng isang dalagita na halos hubad-hubad na ang duguang katawan na tadtad ng mga saksak sa sikmura. Malapit naman sa kanyang dibdib, nanginigitim ang kanyang balat na para bang siya ay kinuryente ng electric wires. Hindi lamang ang katawan niya ang nagtamo ng pinsala, maging ang kanyang mukha. Duguan ang kanyang labi at kulay ube na ang kanyang pisngi sa dami ng kanyang pasa. Wasak-wasak ang kanyang suot na damit gayunpaman, ito ay madali pa ring makilala, ito at maihahalintulad sa uniporme ng isang Nurse. Ang lahat ng nakakita ay walang nagawa kundi mapailing at mahabag sa sinapit ng kaawa-awang dalagita.

"Kaawa-awang bata," napapailing na saad ng isang ginang. "Sino naman kaya ang hayop na gumawa nito sa kanya?"

"Sino pa ba, alam na naman natin kung sino," pabulong na sagot ng isang tinderong lalaki sa kanya, "sigurado ako nakrusanadahan iyan ng mga Hapon, ginahasa pagkatapos pinatay para hindi sila maisumbong."

Habang abala ang lahat sa pagmamasid sa bangkay, isang Hapon ang sumingit sa nagkukumpulang mga tao upang siyasatin kung ano ang naganap.

Ito ay si Kapitan Akiro Matsuda, sumingit siya sa mga tao at siya ay natigilan nang masulyapan niya ang bangkay. Agad niyang namukhaan ang kaawa-awang dalagita, hindi siya maaaring magkamali, nagkakilala sila nito isang araw pa lamang ang nakakalipas.

Hindi nagtagal, isang Hapon ang muling sumingit sa mga tao, "doke! (get out of the way)"

Sa lakas ng kanyang tinig, natakot ang ilan at ang iba ay nag-alisan na lang.

Ito ay ang aroganteng Hapon na sumampal kay Lola Ester. Tinignan niya lamang ang mga labi, pagkatapos isang pasikretong sulyap ang binigay niya kay Captain Matsuda.

Wala pang nakakakilala sa nasabing babae, pero ang lahat ng taong nakakita sa kanya ay nahabag sa karumal-dumal na sinapit niya sa kamay ng mga taong lumapastangan sa kanya.

***

Mid April, 1942- Capas, Tarlac.

Angelita.

Ito ang pangalang binubulong ni Juan sa kanyang sarili habang siya ay muling nagmamartsa kasama ang buong hukbo patungo sa kanilang Prison Camp.

Kaunting tiis na lang at makakaraos na rin ako, makakauwi rin ako sa Maynila at makikita kitang muli.

Katabi niya sa huling pagmamartsa ang mga natitira pa niyang kasamahan. Tanging si Maximo at Jason na lamang ang natitirang buhay sa kanilang Squad sapagkat wala na rin sina Gabriel, Sarge Robles at Raul na pumanaw habang sila ay nagbabyahe sa sasakyan ng kamatayan. Hindi pa matukoy ni Juan kung ano ang ikinamatay nila, maaaring dahil ito sa hirap, gutom, uhaw at pagod na dulot ng martsa, pwede ring dulot ito ng sakit, o kaya ay dahil sa init sa loob ng sasakyan at sila ay doon na nilagutan ng hininga. Siguro ang lahat ng ito ang naging sanhi ng kanilang pagkamatay. Hanggang ngayon, nakapinta pa rin sila sa imahe ni Juan, kung paano sila nakapatong na wala ng buhay kasama ang iba pang mga nasawi. Iyon ay isang bagay na kailanman ay hindi na mabubura sa kanyang kaisipan.

***

Matapos ang lagpas isang linggong pagmamartsa mula Bataan patungo sa Tarlac, narating na ng lahat ng POW's ang kanilang destinasyon, ang Camp O' Donnell na magsisilbing prison camps para sa lahat ng sumukong Sundalo.

"I think we're here," saad ni Jason sa kanila.

"Oo, Jason, nakarating na tayo," sagot ni Juan sa kasamahan.

Pinapasok ng mga Hapon ang libo-libong mga Sundalo sa loob ng Kampo, pinagmasdan ni Juan, Maximo at Jason ang buong lugar. Malawak ang nasabing kampo, kung tatansahin ito ay mahigit dalawang daang hektarya, mayroon itong mga nakahilerang kubo na yari sa kawayan kung saan ito ang magiging pansamantalang tahanan nila. Sa bawat sulok, may mga bakod at barbed wires kung sakaling may magtatangkang tumakas sa kanila.

Naatasan ang mga guwardiyang Hapon kung kaninong pulutong sila magbabantay at dinala nila ang kanilang mga bihag sa kanilang mga kubo. Halos 70,000 ang bilang ng mga nakaligtas na Sundalo sa Martsa ng Kamatayan. 60,000 ang bilang ng mga Filipino at 10,000 libo naman ng mga Amerikano, hindi inaasahan ng mga Hapon na ganitong karami ang bilang ng mga Sundalong kanilang magiging bihag. Pang 10,000 lamang ang kapasidad ng Kampo kaya naman wala silang nagawa kundi pagkasyahin sila sa bawat kubong kanilang tutuluyan.

Narating ni Juan, Maximo at Jason ang kanilang kubo, kasama nila ang maraming nanghihina at maysakit na mga sundalong Filipino at Amerikano na hanggang ngayon ay pagod na pagod pa rin sa martsa.

Humiga ang tatlo sa matigas na kawayang sahig ng kanilang kubo, kahit na hindi ito kasing labot at komportable ng isang kama, sila ay nakaramdam pa rin ng kaunting ginhawa sa kanilang kinahihigaan.

"Sa wakas makakapagpahinga na tayo," saad ni Maximo pagkatapos niyang humikab.

"Its not as comfy as a bed but at least we can rest," sagot ni Jason.

"Tama ka, buhay pa tayo, iyon ang mahalaga," sumang-ayon si Juan, pagkatapos ipinikit na niya ang kanyang mga mata at nagpahinga.

Ang lahat ng sundalo ay agad na bumulagta at humandusay sa pagod at hirap, hindi pa man nagtatagal ang kanilang pamamahinga ng araw na iyon, sila ay ginising na ng mga Hapon at inatasang tumayo at gumawa ng linya. Nagsitayuan si Juan at ang kanyang mga kasamahan at sila ay pumila, naiwan naman ang ibang sundalo na nakahiga at walang malay. Siniyasat sila ng mga Sundalong Hapon at padabog na ginising, ngunit hindi na humihinga ang ilan sa kanila. Napagtanto nilang wala ng buhay ang mga ito.

Nagbigay ng utos ang kanilang guwardiya at tinulak sila ng mga Hapon sa mga bangkay.

Nakuha ni Juan kung ano ang nais iparating ng mga bantay, ang akayin nila palabas ang mga bangkay at ilibing. Binuhat ng mga nakaligtas ang mga bangkay ng kanilang mga kasamahang nasawi, sa isang bakanteng lote sa kampo, humukay sila ng isang Mass Grave at doon nila ibinaon ang mga sundalong namatay sa hirap, pagod at sakit.

Hila-hila ni Juan ang ilang sundalong Filipino at Amerikano na wala ng buhay, pinagmasdan niya ang mga ito at siya ay nanghihinayang para sa kanilang mga nasayang na buhay. Karamihan sa kanila ay mga bata pa tulad nila. Inakay naman ni Jason ang ibang mga labi at dahan-dahang ipinatong kasama sa ibang mga bangkay. Nang mailagay na nila ang lahat ng namatay, agad nila itong tinabunan ng lupa at inilibing. Nag-alay ng dasal ang ilang Sundalo para sa ikatatahimik ng kanilang mga kaluluwa.

Sa unang araw nila sa Kampo, daan-daang Sundalo agad ang binawian ng buhay. Maaaring nakaligtas sila sa labanan, sa martsa at sa byahe ng kamatayan, ngunit ang kanilang matinding paghihirap ang nagpabigay sa kanilang mga katawan.

Maya-maya, ang lahat ay naatasang pumila para sa pagkain, ilang sundalo ang nagluto ng mga makakain para sa kanilang lahat.

Matapos ang pagpila, kinain ni Juan at ng kanyang mga kasamahan ang kanilang pagkain: Kanin na may kaunting piraso ng karne at sinabawang gulay.

Kumain ang lahat malapit sa kani-kanilang mga kubo. Sa sobrang gutom ni Maximo, nilaklak niya kaagad ang kanyang pagkain na parang isang gutom na baboy, ganoon na rin si Juan at Jason. Wala pang ilang minuto, ubos na agad nila ang kanilang tanging pagkain sa araw na iyon.

Kahit na papaano ay napunan na ang kanilang kumakalam na sikmura, gayunpaman, hindi pa rin maiwasan ang pagkulo ng tiyan ni Juan, "siguro, gutom pa ko."

"Gutom pa talaga, kulang na kulang pa ang binigay nila sa atin," pagrereklamo ni Maximo, "hindi na ba tayong pwedeng bumalik?"

"Max, para sa ibang sundalo na ang natitirang pagkain," paliwanag ni Juan, "napakarami natin dito at tiyak na magkakaubusan sa pagkain, ipaubaya na natin sa kanila, magtiis na lamang muna tayo, ang mahalaga nakakain na tayo."

Napatango ang nagugutom na binata.

Tyempo namang isa sa mga Sundalong nagluto ng putahe ang nakarinig sa kanilang usapan. Nilapitan niya si Juan at Maximo.

"Ito, kunin mo na," inalok niya ang kanyang hawak na pagkain.

"Hindi na po, Ginoo, salamat na lang," saad ni Juan.

"Huwag na kayong mahiya," pagpapatuloy ng Sundalo, " gutom pa ang kasama mo at kailangan pa niyang kumain, sige na, sanay na naman akong magutom."

Walang pagdadalawang-isip na kinuha ni Maximo ang kanyang putahe at ito ay inubos niya ng mabilis pa sa alas-kwatro.

"Salamat," namumualam na sinabi niya sa Sundalo.

"Walang anuman," napangiti ang kanyang hulpak na pisngi, "ako nga pala si Antonio Vergara."

"Ako si Juan," pagpapakilala niya, "Juan Garcia, ito naman si Maximo Sandoval."

Itinuro niya ang nakababatang kasamahan.

"At siya naman si Jason Woods."

Napatingin si Antonio sa Amerikano.

"It's a pleasure to meet you," nakipagkamayan si Jason sa Sundalo.

"Ikinagagalak ko ring makilala kayong lahat," saad ni Antonio.

Pagkatapos nito, sila ay nagsibalikan na sa kanilang mga kubo para matulog.

***

Kinabukasan, hindi pa man nagbubukang-liwayway, gumising sa kanilang napapagod na kamalayan ang mga magagaspang na tinig ng mga Hapon at sila ay sapilitang nagbangunan, kagaya ng unang araw, maraming mga sundalo pa rin ang nalagas at hindi na muling nagising pa. Lagpas 100 daang sundalo ang kanilang inilibing, pagkatapos sila ay ipinaghain ulit ng kaunting piraso ng kanin na walang ulam at mga piraso ng kamote bilang kanilang pagkain sa maghapon.

"Pasensya na at ito lang ang pagkain ngayon," nahihiyang saad ni Antonio. "Naubusan tayo ng karne."

"Hindi mo kailangang humingi ng pasensya," sagot ni Juan, "naiintindihan namin."

Habang sila ay nagtatanghalian, dalawang sundalong Filipino ang nangahas na umakyat sa mga bakod para tunakas, namataan sila ng mga nagbabantay na guwardiya at habang pataas na ang pag-akyat ng Sundalo, siya ay agad na pinaputukan sa ulo, bumagsak siya at nagkalat sa lupa ang pira-piraso ng kanyang utak.

Tumalikod na lamang si Juan at Jason at ipinagpatuloy ang kanilang pagkain, samantalang si Maximo naman ay nakatulalang nakatitig sa bangkay, pagkatapos siya ay napaduwal at nasayang ang pagkaing dapat ay nasa sikmura na niya.

"Max, huwag mo na lang silang tignan," payo ni Juan sa kanya at muli siyang bumalik sa pagkain.

Dinakip ng mga bantay ang ikalawang Sundalo at siya ay pinagsisipa at pinaghahampas ng kanilang mga rifle.

Namilipit sa sakit ang sundalo at isang umaalingawngaw na sigaw ang kanyang pinakawalan.

Kinuha ng bantay ang kanyang bolo at itinapat ito sa kanyang ulo.

"Parang awa niyo na, huwag!" iyak ng kaawa-awang Sundalo.

Inugay ng bantay ang kanyang bolo at narinig ni Juan at ng iba pa ang tunog ng isang ulong humiwalay sa katawan.

Hindi man nila ito direktang nakita, halos nawalan na rin sila ng ganang kumain kahit na sila ay gutom na gutom na.

"Sigurado akong mga Koreano iyan," saad ni Antonio sa kanila.

"Paano mo naman nasabi?" tanong ni Maximo.

"Hindi marunong makipaglaban ang mga iyan," paliwanag niya, "hindi sila pinagkakatiwalaan ng mga Hapon sa bakbakan kaya sila na lang ang ginagawang guwardiya at tagabantay, iyon nga lang masyadong mataas ang tingin nila sa sarili nila at ginagawa nilang libangan ang pagpaslang ng mga bihag."

***

Pagsapit ng hapunan, nagtungo si Antonio sa kubohan nila Juan at sinaluhan niyang kumain ang tatlong magkaibigan, naging palaisipan para kay Juan ang sinabi niya kaninang hapon tungkol sa pagkakaiba ng mga Hapon at mga Koreano.

"Antonio, yung sinabi mo kanina tungkol sa mga Hapon at Koreano, paano mo nalaman ang tungkol doon?"

"Nabihag kami ng mga Hapon, ilang buwan na ang nakalipas," paglalahad niya, "napatapat kami sa isang Kapitan na may prinsipyo at awa, kaya lang kami ay pinabantayan niya sa mga sakang na guwardiya na napag-alaman naming mga koreano pala. Pinagkatuwaan nila kami, pinahirapan at pinagmalupitan ng lingid sa kaalaman ng kanilang kapitan. Isang araw habang sinasaktan nila kami, nahuli sila nito at agad silang pinalitan ng Kapitan. Pinabantayan niya na lamang kami sa mga kalahi niya at hindi na sa mga mapang-abusong sakang. Galit na galit ako sa mga Hapon ng mga panahong iyon pero ikinagulat ko kung paano niya kami pinagtanggol sa kanyang mga tauhan kahit na kami ay mga bilanggo nila. Isa nilang ang napatunayan ko sa aking karanasan, hindi masama ang lahat ng mga Hapon, sila ay mayroong disiplina, paggalang at respeto, iyon nga lang minulat ang kanilang mga Sundalo na gumamit ng bakal na kamay lalo na sa kanilang mga bihag, kaya ang ginagawa ng ibang sundalo nila sa atin, para sa kanila ay makatao pa rin ito."

Taimtim na nakikinig si Juan pati na rin si Maximo sa kanyang pagkukuwento.

"Ang mga kasamahan mo? Nasaan sila?" tanong ni Maximo.

"Nandoon sila sa kabilang kubo," sagot niya, "marami sa amin ang hindi pinalad, kakaunti na lang ang natira sa aming 21st division."

"21st division?" napaisip si Juan sa kanyang sinabi, sumagi sa isip niya ang sinabi ng kanyang kaibigang si Onat noong huli nilang pagkikita, natandaan niyang doon ring departamento napapabilang ang kanyang kababata.

"Kilala mo si Onat?" tinanong niya si Antonio ng walang paligoy-ligoy.

"Onat? Si Jonathan Medrano?" binalik niya ang tanong kay Juan.

Napatango si Juan sa kanya, "siya nga."

"Oo, isa siya sa mga kasamahan ko," pagbubunyag ni Antonio, "magkakilala rin kayo?"

"Magkababata kami at siya ang pinakamatalik kong kaibigan," pagsasalaysay ni Juan, "huli ko siyang nakita noong katapusan ng Disyembre bago magdigmaan, ang sabi niya naatasan kayo sa bayan ng Porac-Guagua para pigilan ang mga Hapon at mabigyan kami ng oras para makaurong sa Bataan. Pagkatapos noon, wala na akong nabalitaan. Kamusta siya? Ayos lang ba siya?"

Nanlalaki ang itim sa mga mata ni Juan, mapapansin sa kanyang pananalita na siya ay nananabik ng makita muli ang kanyang kaibigan.

Nabalutan ng kalungkutan ang mukha ni Antonio at siya natigilan ng ilang segundo bago niya masagot ang tanong ni Juan.

"Patawarin mo ko, Juan," malumanay niyang isinagot, "wala na siya."

Bumilog ang mga mata ni Juan sa kanyang narinig at naramdaman niyang tumindig ang kanyang balahibo, "wala? Anong ibig mong sabihin?"

"Hindi siya nakaligtas, kabilang siya sa mga nasawi," muling pagsasalaysay ni Antonio, "natalo kami ng mga Hapon sa Layac Junction...si Medrano...nasabugan siya ng isa sa mga howitzers, napuruhan siya ng mga kalaban."

Habang siya ay nagkukuwento, unti-unting namumuo ang mga luha sa mata ni Juan.

"Nalapnos ang kalahati sa kanyang mukha at katawan, ililigtas ko sana siya pero paparating na ang mga Hapon, wala na kaming nagawa at napilitan kaming iwanan siya. Kitang-kita ng aking mga mata kung paano tumusok sa kanyang katawan ang bayoneta ng mga Hapon. Hinding-hindi ko iyon makakalimutan."

Pinipigil na lamang ni Antonio ang pagbagsak ng kanyang mga luha habang siya ay naglalahad.

"Pagkatapos noon, nahuli na rin kami at ginawang mga bihag."

Hindi na pinakinggan ni Juan ang huling sinabi ni Antonio, nakatulala lamang siya at sa isang iglap, nabuo sa kanyang kaisipan ang imahe kung paano namatay si Onat base sa nalaman niya sa kanyang kasamahan. Para bang nakini-kinita niya ang buong pangyayari kahit na hindi niya nasaksihan, kung paano nasabugan ang kaibigan, ang kanyang nalapnos na pisngi at kung paano siya pinagsasaksak ng mga bayoneta sa kanyang nalapnos na katawan. Hindi niya napansin na umaagos na ang mga luha mula sa kanyang mata patungo sa kanyang nakatulalang mukha.

"Juan," pagtawag ni Maximo, "ayos ka lang? Nakikiramay kami para sa kaibigan mo."

Ibinaba ni Juan ang kanyang pagkain, nawalan na siya ng gana sa kanyang mga natuklasan. Tumayo siya sa kanyang kinauupuan.

"Ipagpaumanhin niyo, pero kailangan ko munang mapag-isa," saad niya bago siya lumabas ng kubo.

"Where is he going?" tanong ni Jason.

"Hayaan niyo na muna siya," sagot ni Antonio, "sigurado ako nabigla siya sa nalaman niya, lalo na at matalik na kaibigan niya si Medrano, naiintindihan ko siya. Nawalan din ako ng kaibigan."

***

Tumakbo si Juan palabas ng kubo patungo sa pinakamalapit na punong kanyang nakita, isinandal niya ang kanyang ulo, tumangis at doon niya ipinagluksa ang namayapang kaibigan.

Nang gabing iyon, hindi pinatulog si Juan ng kanyang kamalayan, paulit-ulit na bumabalik sa kanya ang pagkamatay ni Onat sa kamay ng mga Hapon na parang isang plakang paulit-ulit na pinapagana sa kanyang utak, ngayon pa lamang tumatagos sa kanyang buong pagkatao ang sakit ng pagkamatay ng isang taong napakalapit sa kanya, ng isang taong itinuring rin niyang kapatid at kapamilya. Tila bumalik ang paghihinagpis na kanyang naramdaman noong mawala ang kanyang buong pamilya.

Bumangon siya sa kanyang kinahihigaan at muling tumulo ang mapapait niyang mga luha. Hindi siya napansin ni Maximo at Jason sapagkat ang lahat ay himbing na sa pagtulog.

Onat, aking kaibigan, napakabuti mong tao, hindi ka dapat namatay sa ganitong paraan, lubos akong nahahabag sa iyong kinahantungan, sana tahimik at payapa ka na kung nasaan ka man.

***

Kinabukasan nagpatuloy ang buhay sa Kampo ng kamatayan, humigit limampung sundalo na naman ang kanilang inilibing, araw-araw ganito na lamang ang kanilang ginagawa, ang maglibing ng mga Sundalong binawian ng buhay. Nakasanayan na nilang maglibing ng kanilang mga kasamahang patay, pagkatapos sila ay paghahainan ng kakarampot na kanin at sabaw na pinagkakasya nila sa buong maghapon.

Akala ng karamihan ay makakaraos na sila pagkatapos ng digmaan at martsa, ang hindi nila alam, panibagong laban na naman ang kanilang haharapin sa kampo. Naging abala ang mga Hapon sa kanilang misyon na sakupin ang buong bansa kaya naman hindi nila binigyan ng pansin ang pangangailangan ng mga bihag na sumuko sa kanila. Kinapos sila sa pagkain, tubig, panuluyan at medisina para sa mga nanghihinang sundalo. Walang maayos na mapagkukuhanan ng tubig at sila ay kumukuha lamang sa isang creek kaya naman bibihira na lamang silang makaligo at makapaglinis ng kanilang katawan. Ang iba ay humahanap na lamang ng lugar na maaari nilang gawing palikuran, minsan ay doon na lamang sila umiihi at dumudumi sa kanilang tinutuluyan, nang dahil dito dumumi ang kampo, nagkalat ang mikrobyo at lalo itong nagdulot ng sakit sa mga kahabag-habag na sundalo. Talamak ang malaria, dysentery, diarrhea at iba pang nakakahawang sakit. Dumami ang bilang ng mga namatay at ganoon na rin ang mga maysakit.

Dahil dito, napagpasyahan ng mga Hapon na utusan ang kanilang mga bilanggo at itinalaga ang mga malalakas sa gawaing pisikal. Sila ay inutusang gumawa ng tubo at poso ng tubig para sila ay makaligo at magkaroon ng palikuran. Ang iba naman ay inutusang gumawa ng ospital sapagkat masyado ng masikip ang kanilang mga kubo at kinakailangan ng mga may sakit ng bukod na kwarto para hindi na mahawa ang iba pang mga bilanggo. Hindi lang iyon ang pinagawa ng mga Hapon sa kanila, pinatrabaho rin nila ang lahat ng kailangang gawin sa kampo.

Kasama sila Juan, Maximo, Jason at Alfredo sa mga naatasan sa construction ng pansamantalang ospital, sila ay pinagbuhat ng mga kahoy, pinaglagare at pinagmartilyo habang binabantayan ng kanilang mga bantay. Dito natututo si Juan kung paano gumawa ng bahay at maging isang karpentero. Nagtulung-tulungan sila upang mapabilis ang trabaho nang sa ganoon ay guminhawa sila kahit papaano sa oras na buo na ang mga ito.

Ang sinumang babagal-bagal sa pagkilos ay hinahampas at pinagsasampal ng mga Hapon. Ilang beses ring may nabaril ang mga bantay sa tuwing mayroong tumitigil para magpahinga. Ang sinumang tutulong sa mga nanghihina ay pinaparusahan rin nila.

Habang sila ay nagpapako, walang humpay sa pag-ubo si Jason at nang tinakpan niya ng kamay ang kanyang bibig, napansin niya sa kanyang palad na dugo na pala ang lumalabas sa kanyang mga ubo.

"Jason, ayos ka lang?" tanong ni Juan.

"Oo, Juan," sagot niya, "I'm fine, don't worry about me."

Bumalik sila sa pagtatrabaho at tumitigil lamang sila kapag kumakain at matutulog na. Minsan nga inaabot sila ng magdamagan sa trabaho.

Nagpatuloy ang ganitong sitwasyon sa kampo. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sila ay gumigising lamang para magtrabaho, mag-asikaso ng mga maysakit at maglibing ng mga patay. Lumipas ang mga linggo at natapos nila ang ipinapagawang palikuran at mga ospital. Hindi nagtagal, sumuko na rin ang isla ng Corregidor sa pwersa ng mga Hapones, lalong dumami ang mga bilanggo at pinalipat-lipat nila ang ilan sa iba pang kampo. Nanatili naman sila Juan at ang kanyang mga kasamahan sa Camp O'Donnell.

September 1942

Lumipas ang limang buwan, nagawa man ang mga ospital at palikuran, hindi pa rin nabawasan ang paghihirap ng mga Sundalo. Nadagdagan lalo ang mga maysakit sa ospital dulot ng pagod sa maghapong pagtatrabaho ng walang humpay. Nagpalala rin sa kanilang kalagayan ang kakulangan sa pagkain, sa loob ng ilang buwan, nagtiis silang lahat sa kanin, sabaw at kamoteng nabubulok. Kada buwan, bibihira na lamang silang makakain ng kanin na may ulam, at tuwing sila ay bibigyan, pira-pirasong karne lamang ang kanilang pinagsasaluhan sapagkat pinagkakasya ito para sa lahat. Wala ng sustanysa ang kanilang mga pangangatawan at ang lahat ay nanghihina dahil sa Malnutrisyon.

Napansin ni Juan kung gaano na silang kapayat lahat sa lumipas na limang buwan, nagmistulang mga naglalakad na kalansay ang mga lahat ng mga bilanggo.

***

Isang araw, inatake ng matinding ubo si Maximo at Jason sa kanilang kubo, sila ay lantang-gulay na, magkakalahating taon na silang nagdurusa sa digmaang ito, sakop na ng Hapon ang buong bansa at hindi nila maintindihan kung bakit ayaw pa silang pakawalan ng mga mananakop.

Isang nakapangingilabot na putok ang maririnig sa pag-ubo ni Maximo.

"Max, ayos ka lang?" pagtatanong ni Juan.

"Hindi ko na kaya, Juan," napaluha na ang kanyang kasamahan.

"Anong sinasabi mo?"

"Hirap na hirap na ko, di na ko tatagal sa lugar na ito!"

"Kayanin mo," payo ni Juan, "kung naririto si Alfredo, nanaisin niyang magpakatatag ka. Naniniwala akong malapit ng matapos ang paghihirap natin. Ilang buwan na tayo dito sa giyerang ito, napagdaanan na natin ang pinakamalalang maaari nating maranasan, kaunting tiis na lang, may katapusan rin ang lahat, kahit ang ating pagdurusa."

Napailing si Maximo sa kanya, tila hindi nakatulong sa kanya ang mga sinabi ni Juan.

"Iyan rin ang sinasabi ko sa aking sarili, pero hanggang ngayon naririto pa rin tayo, hawak ng mga Hapon, at sa tuwing akala ko naranasan ko na ang pinakamalalang maaari kong maranasan, dumarating sila, hinihigitan nila ang kanilang sarili sa pagpapahirap sa atin at palagi kong napapatunayang mali ako. Juan, habang nasa puder nila tayo, palagi nating sasapitin ang mas mas malala pa sa kalagayan natin ngayon, nakalimutan mo na ba? Ang mga taong ito, sila rin ang pumatay kay Sarge Bal, sa lahat ng ating mga kasamahan...sa kaibigan mo...kay kuya."

Natahimik si Juan at hinayaan na lamang niyang maglabas ng hinaing ang nalulugmok na kasamahan.

"Minsan hindi ako makatulog sa gabi," pagpapatuloy ni Maximo, "natatakot ako na baka...hindi na ko sikatan ng araw, na baka kinaumagahan, isasama niyo na lang ako sa mga bangkay na ililibing niyo."

"Max..."

Hindi na natapos ni Juan ang kanyang sinasabi, naantala ito ng umubo ng napalakas si Jason malapit sa kanila.

"Jason," nagulantang si Juan, nakita niyang dugo na ang lumalabas sa bibig ng kanyang kaibigan.

"Kailangan na natin siyang dalhin doon sa ospital," suhestiyon ni Antonio.

Agad nilang pinagtulungan ang maysakit na banyaga at isinama siya sa mga Sundalong maysakit. Karamihan sa kanila ay hindi pa nagagamot dahil sa kakulangan sa suplay ng mga gamot at medisina, ipinangako ng mga Hapon na kukuha sila ng mga gamot para sa mga maysakit pero tila napako ang kanilang mga pangako. Hindi masikmura ang amoy sa loob ng ospital, sa paligid makikita ang mga ipot na mula sa diarrhea, pati na rin ang mga suka at nagkalat na dugo ng mga maysakit.

Ihiniga nila ang Amerikano sa kamang yari sa kawayan, inalis nila ang kanyang suot na damit, pinunasan ni Antonio ang kanyang namumutla at nangayayat na katawan, sa sobrang payat niya, bakat na bakat na ang buto sa kanyang tadyang, hinipo ni Juan ang kanyang noo at siya ay halos mapaso na sa taas ng kanyang lagnat.

Hulpak na ang kanyang pisngi, malamlam na ang kanyang mga mata at wala ng kulay ang kanyang namamalat na labi. Hindi na makakailala na malubha na ang kanyang karamdaman.

"Huwag kang mag-alala, gagaling ka," pinapalakas ni Juan ang kanyang kalooban.

Ngumisi si Jason sa kanya, "It won't be long now, I'm going to die, right?"

"Hindi!" napalakas ang tinig ni Juan. "Hindi ka pa mamamatay. Makakabalik ka pa ng Amerika."

"Huwag ka ngang magsalita ng ganyan, mabubuhay ka," nangingilid ang luha sa mga mata ni Maximo,"nangako ka kay Kuya hindi ba? Kung wala ka, sino na ang magpoprotekta sa akin ngayon?"

"You're a strong man, Max," mamaos-maos na ang nananamlay niyang tinig, "you proved it to us lots of times. You can handle yourself, you'll last longer than me."

Tila alam na ni Jason na hindi na niya mapapanindigan pa ang pangako niya kay Alfredo.

Mangiyak-iyak si Maximo sa sinasabi ng mediko. Ngayon lang may nagsabi sa kanya na siya ay malakas at kaya niya ang kanyang sarili.

"I've been thinking," pagpapatuloy ni Jason.

"Anong iniisip mo?" tanong ni Juan.

"My parents...what do they think of me...did I make them proud...or...did I disappoint them?"

May panginginig sa kanyang naghihinang boses, ramdam nilang lahat ang lumbay sa kanyang mga mata at ekspresyon, batid nilang nananabik na rin siyang makauwi sa kanyang tahanan at sa kanyang pamilya.

"Hindi ko man kilala ang mga magulang mo...pero isa lang ang masisigurado ko sa'yo," sagot ni Juan sa kanya, maging siya ay nagpipigil na lamang na umiyak, "kapag nalaman nila ang lahat ng ginawa mo, ipagmamalaki ka nila. Kung hindi dahil sa'yo, wala na ako ngayon. Utang ko sa'yo ang buhay ko. Utang namin iyong lahat sa'yo. Isa kang bayani, napakarami mong natulungan. Dati kami ang palagi mong ginagamot at inililigtas, ngayon oras na para kami naman ang gumamot at magligtas sa iyo. Hindi kami titigil hanggang hindi ka namin napapagaling, gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para mabuhay ka. Kulang pa itong kabayaran sa lahat ng kabutihan at malasakit mo sa amin."

"That means so much to me," nakangiting saad ng mediko, "maraming salamat sa inyong lahat."

"Sige na, magpahinga ka na muna," pinunasan ni Juan ang luha na hindi mapigilang tumulo mula sa kanyang mata.

Isang mapayapang ngiti ang pumorma sa pisngi ni Jason, bago siya pumikit para magpahinga.

Nang siya'y nakatulog na, iniwanan na muna siya ni Juan, Maximo at Antonio at sila ay bumalik sa kani-kanilang mga kubo.

***

Kinabukasan, maagang nagtungo sina Juan at Maximo sa ospital para bisitahin ang maysakit na kasamahan, may dala silang mga pagkain at mainit na sabaw para sa kanya.

Pagkadating nila, wala pang malay ang malubhang mediko, nakahiga lang siya sa kanyang kama.

"Tulog pa siya," bulong ni Maximo kay Juan.

"Jason, gising na, may dala kaming mainit na sabaw para sa'yo," nakangiting pagtawag ni Juan.

Hindi nagising si Jason sa kanyang pagtawag.

"Gising na, Jason," si Max naman ang tumawag sa kanya.

Hindi natitinag ang amerikano sa kanyang kinahihigaan.

"Jason?" patanong na pagtawag ni Juan.

Nagtaka si Juan at sila ay nagkasulyapan ng saglit, ibinigay niya muna kay Max ang mangkok ng sabaw, hinawakan niya ang braso ni Jason. Malamig at naninigas na ang kanyang braso. Napagtanto niyang wala na ang kanilang kasamahan.

Nabasa ni Maximo ang aura sa mukha ni Juan, umaasang nagkakamali lamang siya, agad niyang nilapitan ang kaibigan at kinalog niya ang kanyang braso para gisingin ito.

"Jason! Jason! Gumising ka! Magpapagaling ka pa di ba? Gumising ka! Jason! Jason! Gising! Hindi mo pwedeng gawin sa amin ito!"

Lumakas ang tinig ni Maximo na parang siya ay pasigaw na at napatingin sa kanya ang mga pasyente at mediko sa ospital.

Paulit-ulit na tinatawag ni Max ang pangalan ng taong nagsilbing pangalawang kapatid niya, ngunit hindi na siya sasagutin pa ng yumaong kasamahan.

Kinalog niya ng malakas ang kanyang walang buhay na katawan, sa sobrang lakas, kinailangan na siyang pigilan ni Juan, "Max, tama na, wala na siya."

Humagulgol sa pag-iyak si Maximo, hindi niya matanggap na wala na ang taong naligtas ng kanyang buhay at nagprotekta sa kanya mula ng mamatay ang kanyang Kuya Alfredo. Nadama niya ulit ang sakit na kanyang naramdaman noong nawala ang kanyang kuya. Niluhuran niya ito at tumangis sa kanyang piling.

Inilapat ni Juan ang kanyang kamay sa balikat ng naghihinagpis na kasamahan, hindi niya magawang tignan ang maputla at payat na mukha ng namaalam na kaibigan.

***

Ibinalot nila ang mga labi ni Jason sa kanyang puting kumot, pagkatapos, naghukay si Antonio ng malilibingan, dahan-dahan nilang ibinaba si Jason pati na rin ang iba pang pasyenteng namatay, pagkatapos, tinabunan nila ito ng lupa at inilibing.

Paalam, Jason, isa ka sa pinakamabuting taong nakilala ko. Salamat sa pagligtas mo sa aking buhay at sa pag-aalaga mo kay Maximo. Kahit na ikaw ay dugong banyaga, ikaw ay may puso ng isang tunay na Filipino at walang pag-aalinlangan mong inialay ang iyong buhay para sa Pilipinas, kabilang ka sa mga magigiting na bayani. Ngayon, nadagdagan na naman ang mga anghel sa langit, nawa'y gabayan mo kami, magpahinga ka na, mahal kong kaibigan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro