Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 15

Kung ang Bataan ay ngayon pa lang lumuhod sa mga Hapon, sa Maynila naman ay unti-unti ng nararamdaman ang hagupit at bagsik ng mga mananakop. Nagmistulang isang gabing walang liwanag ang dakilang lungsod sa pinakamadilim na kabanata ng kasaysayan. Apektado ng digmaan ang bawat aspeto ng pamumuhay, bata man o matanda, lalaki man o babae.

Napasailalim ng Kempeitai (hukbo at kapulisan ng mga Hapon) ang buong Maynila at sapilitan nila itong pinasunod sa kanilang mga alituntuning marahas at hindi makatao. Dahil puno ng mga Hapon ang bawat paligid at sulok ng kalsada, naging obligasyon ng mga Filipino na batiin at magbigay respeto sa kanila. Ang sinumang hindi sumusunod ay kanilang sinasampal, hinahampas at sinisigawan anuman ang kanilang edad, kasarian at estado sa buhay. Iniinspeksyon nila ang mga kubo at kabayahan sa iba't-ibang lungsod at walang awa nilang sinusunog ang mga hindi rehistradong kabahayan lalo na ang mga nakitaan nila ng mga kahina-hinalang radyo na pinagsususpetsahan nilang ginagamit ng espiya upang makipagkomunikasyon sa mga Amerikano. Pinadadakip nila ang mga taong pinaniniwalaaan nilang mga collaborators ng mga Amerikano kahit wala naman silang matibay na pruweba at sila ay ipinapatapon sa mga simbahan at kabahayang ginagawang prison camps at concentration camps kung saan isinasagawa nila ang sari-saring pamamaraan ng torture upang mapaamin ang mga bihag kung saan nagpupugad ang dumaraming bilang ng mga Filipino, Amerikano at Intsik na Guerillang patuloy na sumasalakay laban sa mga Hapon. Sila ay binibitin ng patiwarik at hinahampas ng dos por dos na kahoy hanggang sa magkulay ube na ang kanilang sugatang katawan sa tinamong pinsala, ang iba naman ay kinukuryente sa kanilang tagliran hanggang sila ay mapaamin, karamihan ay umaamin na lamang kahit wala silang alam na impormasyon maibsan lamang ang sakit na kanilang nararanasan. Sa Fort Santiago, hindi mabilang ang mga bihag na namatay sa matinding hirap at pagdurusa na kanilang hinarap sa mga dayuhan, hanggang ngayon nananatiling animo'y isang malabong anino ang kanilang mga mukha sa kasaysayan.

Bukod sa mga taong konektado sa mga Guerilla, sumapit rin ng matinding hirap at pagdurusa ang mga kababaihan sa mga mananakop. Ang sinumang matipuhan ng mga Hapon ay ipinapadakip palayo sa kanilang mga pamilya. Pinapaalis ng mga Hapon ang mga may kayang pamilya sa kanilang mga kabayahan at doon nila dinadala ang mga kababaihang kanilang napupusuan. Nagsisilbi itong brothel at tinatawag nila itong "Comfort Station." Ang mga kahabag-habag na kababaihan ay tinaguriang "Comfort Women", sila ay nagsisilbing Sex Slave sa mga Sundalong Hapon at sila ay sapilitang ginagahasa ng paulit-ulit at ng iba-ibang lalaki. Karamihan sa kanila ay 18 anyos pababa at sila ay ginagamit ng mga Hapon bilang panandaliang kasiyahan. Marami sa kanila ay hindi na nakabalik pa sa kanilang mga pamilya.

Lumaganap rin ang krimen sa buong Kamaynilaan dahil sa pagbaba ng ekonomiya at marami ang sinamantala ang pagkakataon para makapagnakaw nang sa ganoon ay mapunan nila ang kanilang kumakalam na sikmura. Ang kasamaan ay nagbubunga rin kasamaan at maraming Filipino ang napariwara at nabuhay sa pamamagitan ng krimen at dahas.

Tunay ngang naging malupit at brutal ang mga Hapon sa mga Filipino at sila ay kinamuhian ng sambayanan. Taliwas sa paniniwala ng nakararami, hindi naman lahat ng Hapon ay naging masama at marahas. Mayroong mga Hapon na maayos ang pakikitungo sa mga Filipino, hindi lamang puro kasamaan ang ipinakita nila, nangingibabaw rin ang kanilang mga nakagawiang prinsipyo tulad ng paggalang sa nakatatanda, katapatan at pagrespeto sa kapwa tao. Karamihan sa kanila ay ang mga Hapon na nakakaintindi ng Ingles at Tagalog. Sinasabi ng ilan na mababait ang mga Hapon at ang mga sundalong hindi makapagtimping dungisan ng dugo ang kanilang mga bayoneta ay walang iba kundi ang mga Sundalong Koreano na isinama ng mga Hapon bilang mga guwardiya at bantay. Sila raw ang mga sakang na walang awang pumapatay sa mga sanggol at kabataan. Naniniwala ang iba na sila ang higit na mas marahas kaysa sa mga Hapon, gayunpaman, walang naging matibay na patunay sa mga ito at hindi rin masabi ng ilan kung ito ay totoo nga sapagkat magkakahalintulad sa pisikal na anyo ang mga Hapon at Koreano. Sa panahon ng digmaan, nakita ng mga Filipino ang pinakamasama at pinakamabuti sa mga dayuhan.

***

Isang umaga, lumabas si Lola Ester upang walisan ang kanilang bakuran kagaya ng nakasanayan niyang gawin bago pa man sumiklab ang digmaan. Isa ang bahay nila sa mga nainspeksyon ng mga Hapon at sa kabutihang palad, isa rin sila sa mga nakaligtas sa pagsunog, kahit na ang anak niyang si Mang Marcelo (mas kilala sa tawag na Marceng) ay may kumpareng ngayon ay sumali na sa mga Guerilla sa kabundukan.

Habang abala ang matanda sa pagwawalis, isang Sundalong Hapon ang nagpapatrol sa mga kalsada, taas noo siya at nakataas rin ang kanyang hawak na bayoneta. Ang lahat ng Filipinong nakasalubong niya ay yumuyuko ay bumabati sa kanya ng "Arigato" sa takot na baka mapagbuntungan sila nito.

Pumukaw sa pansin ng Hapon si Lola Ester na abalang nagwawalis, naglakad siya patungo sa kanyang kinaroroonan at tinignan ng maigi ang matanda. Napansin ni Lola Ester na pinagtuunan siya ng pansin ng Hapon, tinignan niya lamang ito ng may pagkasuklam, pagkatapos siya ay tumalikod at ipinagpatuloy ang pagwawalis sa kanyang paligid.

"Oi! Oi! Kusobabaa! (Old lady)" pagtawag ng Hapon sa kanya, tila hindi niya nagustuhan ang ginawang pagdedma sa kanya ng matanda.

Kunwari hindi narinig ni Lola Ester ang kanyang pagtawag, nagpatuloy ang Hapon sa pagsigaw, hindi naiintindihan ng matanda ang kanyang sinasabi ngunit alam niya ang ibig niyang iparating sa kanya, nais nitong bumati siya at magbigay respeto sa kanya.

Nagtungo ang Hapon sa harap ng matanda, pagkatapos, isang malutong na sampal ang tumama sa mukha ng matanda at siya ay bumagsak sa kanyang kinatatayuan.

"Boke! (Stupid)" nanggagalaiting sigaw ng Hapon.

Narinig ni Angelita ang pagbagsak ng kanyang lola at agad siyang lumabas ng bahay.

"Lola!"

Tyempo namang may isang Hapon na may mataas na katungkulan ang nakakita sa ginawa ng kanyang kasamahan at agad niya itong nilapitan.

Hinampas niya ng malakas ang aroganteng Hapon at ito ay napabagsak rin sa sahig.

"Baka! (Idiot)" sigaw niya sa mapansamantalang kasamahan. "Shinjimae! (Go to hell)"

Bumangon sa kanyang kinatatayuan ang mayabang na Hapon, pagkatapos tinignan niya ng masama ang humampas sa kanya bago siya umalis.

Dahan-dahang itinayo ni Angelita si Lola Ester.

"I'm so sorry," humingi ng tawad ang Mataas na Hapon sa kanila. "This wirr not happen again."

"Salamat, iho," sagot ni Lola Ester sa kanya.

Hindi naintindihan ng Hapon ang sinabi ng matanda pero siya ay napangiti sa kanya.

"My grandma says 'Thank you' ," nahihiyang saad sa kanya ni Angelita.

"You're wercome," sumagot siya kay Lola Ester, "I have a grandmother too, back in Japan."

Pagkatapos, napalingon muli siya kay Angelita. "I'm Captain Akiro Matsuda. What's your name?"

"I'm Angelita," sagot niya, "this is my Lola Ester."

"Happy to meet you two," umabot sa tenga ang ngiti ni Captain Matsuda. "Sayounara."

Tumango si Angelita habang paalis na ang Kapitan.

"Bakit niya kaya tinawag na 'baka' yung mayabang na sumampal sa akin?" Nagtatakang sinabi ni Lola Ester kay Angelita, "siguro dahil mukha siyang baka."

Napailing na natawa si Angelita sa pagtataka ng kanyang lola.

Habang sila ay papasok ng bahay, hindi nila napansin na masamang nakatitig sa kanila ang aroganteng Hapon mula sa kalayuan.

***

Kinabukasan, nag-ayos si Angelita papasok sa Ospital, kahit na talamak na ang panganib sa presensiya ng mga manlulupig, pinili pa rin ng dalaga na gawin ang kanyang tungkulin bilang nurse.

Bago siya umalis, nakita niya ang amang si Marceng na hinahaplos ang kanyang Lola Ester habang siya ay natutulog. Napasarap ng tulog ang matanda ngayong araw.

Pagkalabas niya ng kwarto, nakita niyang papaalis na si Angelita patungo sa kanyang trabaho.

"Anak, papasok ka na?" tanong niya.

"Opo, Itay, marami-rami pa po akong gagawin sa Ospital ngayon," sagot niya.

Napabugtong-hininga si Mang Marceng sa kanyang isinagot.

"Lita, hindi naman sa nangingialam ako sa gusto mong gawin, pero hindi ba makakabuti na huwag ka na lang pumasok sa trabaho, habang nagkakagulo pa."

"Bakit naman po, Itay?" tanong niya sa kanyang ama.

"Alam mo naman ang nangyayari ngayon, hindi lang sa bansa natin kundi sa buong mundo," sagot ni Aling Marceng. "Kaguluhan at karahasan ang nagpapaikot ngayon sa mundo. Kahit saan wala ng ligtas na lugar at higit akong nag-aalala para sa'yong kaligtasan. Maraming kababaihan ang kinukuha at pinagsasamantalahan ng mga Hapon, hindi ako mapapakali na lumalabas ka habang nandirito sila sa paligid."

"Ano pong nais niyong gawin ko?"

"Anak, sumali na sa mga Guerilla ang Ninong Eleazar mo, hindi niya natanggap ang pagsunog ng mga Hapon sa kanyang mga ari-arian, ngayon nasa kabundukan na siya, ligtas at malayo sa puder ng mga Hapon. Napag-isip-isip kong sumali na sa kilusan at isasama ko na kayo ni Inay sa kabundukan."

Nabigla si Angelita sa plano ng kanyang ama, maaaring kay Mang Marceng ito ang ligtas na paraan, pero para sa kanya, mas lalo lamang nila itong ikapapahamak.

"Itay, hindi ba mas lalo tayong manganganib kung gagawin niyo yun, kilala niyo ang mga Hapon, malulupit sila, hindi nila pinapalagpas ang sinumang nakikipagtulungan sa mga Guerilla, paano pa ang mga kasali sa kanila? Ayokong mapahamak kayo. Kung sasama kami ni Lola sa'yo sa kabundukan at nahanap nila ang ating taguan, papatayin rin nila tayong lahat. Itay, alam kong nag-aalala kayo para sa kaligtasan natin, pero kayo na rin ang nagsabi, wala ng ligtas na lugar. Kahit saan nasa panganib tayo. Ano ang ipinagkaiba kung aalis tayo? Sa ngayon, ipinagpapasadiyos ko na lang ang lahat, ipinagdarasal ko na gabayan niya tayong lahat at nawa ay walang mangyaring masama sa atin. Hindi ko po maaaring iwan ang ospital, lalo na po ngayon at mas maraming kababayan natin ang nangangailangan ng tulong. Tungkulin ko pong tulungan sila, at si Juan, kailangan naririto ako kapag bumalik na siya. Hindi ko po siya maaaring iwanan, pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanya."

"Pero anak, inaalala ko lang ang kaligtasan mo," nag-aalalang sambit ni Mang Marceng.

"Huwag kang mag-alala, Itay," dumukot sa kanyang bag si Angelita at ipinakita sa ama ang isang matulis na kutsilyo, "mag-iingat ako, hindi ako malalapitan ng sinumang Hapon."

Hindi na nakapagsalita pa si Mang Marceng, nagulat siya sa armas na dala-dala ng anak at bago pa niya ito mapigilan, siya ay lumabas na patungo sa ospital.

"Huwag ka ng mag-alala, Marceng," saad ni Lola Ester, napakinggan niya ang usapan ng mag-ama, "matatag ang anak mo, walang mangyayaring masama sa kanya."

***

Kinagabihan, natapos ang shift ni Angelita. Naging mahaba ang araw na ito para sa kanya, marami siyang pasyenteng inalalayan at ginamot pero kuntento at masaya siya sa kanyang trabaho.

Sa kanyang paglalakad paalis sa ospital, sinulyapan niya ito at bumalik sa kanyang alaala ang huling pagbisita sa kanya ni Juan, Jonathan at Judith bago pa umusbong ang giyera. Masaya pa sila noon at walang kamalay-malay sa mga magaganap, pero ang pinakanaaalala niya sa lahat ay si Juan, ang kanyang pagsorpresa sa kanya sa ospital habang siya'y nagtatrabaho at ang mga bulaklak at pasalubong nito para sa kanya.

Hindi niya mapigilang mapangiti habang naaalala ang mga ito. "Magkakasama rin tayo, Juan. Kaunting tiis na lang."

Wala siyang kaalam-alam na may mga Hapon ng nakaabang at nagmamasid sa kanya sa likuran. Nagpatuloy siya sa paglalakad at sinundan siya ng mga ito.

Nakarinig siya ng mga yabag ng paa mula sa kanyang likuran at nakutuban niyang sinusundan siya ng mga manlulupig.

Bumilis ang kabog ng kanyang dibdib, dahan-dahan niyang kinuha ang kutsilyo sa kanyang bag, pagkatapos ay bigla siyang tumakbo ng matulin patungo sa sulok ng ospital upang iligaw sila.

Nagtago siya sa may dingding, pinakiramdaman niya muna ang paligid, tumahimik at nawala ang mga yabag ng paa at nakahinga siya ng maluwag.

Lumabas siya sa kanyang pinagtataguan at biglang bumulaga ang mga Hapon na humahabol sa kanya.

"Sige!" sigaw niya, ipinambanta niya ang kustilyong hawak, "subukan niyong lumapit sa akin, isasaksak ko ito sa inyo!"

Nagkatawanan lamang ang dalawang Hapon, na malamang ay walang naunawaan sa kanyang sinabi.

Nilapitan nila ang dalagita at mapangahas niyang isinaksak sa braso ng isang Hapon ang kanyang kutsilyo, namilipit sa sakit ang kanyang nasaksak.

Gumanti ang kanyang kasama at hinambalos niya ng malakas si Angelita sa mukha, napabagsak siya sa sahig, duguan ang kanyang labi sa bigat ng kanyang kamay. Tumalsik sa hindi kalayuan ang kutsilyo ng dalagita. Tatayo na siya nang bigla siyang sikmuraan ng matangkad na Hapon at siya ay muling napabagsak sa pamimilipit.

Nakita niya ang kanyang kutsilyo, kukunin na niya ito, pero muli siyang nakarinig ng yabag mula sa kanyang harapan. Sa kadiliman, isang Hapon ang nakatayo, nababalutan ng dilim at hindi maaninag ang anyo ng kanyang mukha. Inilayo ng kanyang paa ang kutsilyo at sinipa ito sa kalayuan upang hindi ito maabot ng dalaga.

Nagsalita ang dalawang Hapon at kinausap ang misterysong Hapon sa diliman. Sa pagkakaunawa ni Angelita, patanong ang tono ng dalawa.

Naaninag niyang tumango ang kanilang pinuno.

"Yatte (do it)" sagot ng boses niya mula sa dilim.

Sinunggaban ng dalawa si Angelita at ipinatong ang kanilang katawan sa kanya, pagkatapos, unti-unti nilang pinagwawasak ang kanyang uniporme.

"Anong ginagawa niyo?" Umiyak na ang dalagita. "Bitawan niyo ko! Mga hayop kayo! Bitawan niyo ko!"

Unti-unti niyang nararamdaman ang kalapastanganang ginagawa sa kanya, "maawa kayo!"

"Urusai! (Shut up)" sigaw nila habang patuloy ang ginagawa nilang pananamantala.

Wala ng nagawa pa si Angelita, nang gabing iyon, isang nakapangingilabot na sigaw ang dumagundong sa Ospital ng Maynila.

***

Patuloy ang Martsa ng Kamatayan sa kanyang destinasyon, walang humpay ang paglalakad ng mga Sundalong hanggang ngayon ay may natitira pang katiting na lakas upang ipagpatuloy ang laban para sa buhay. Libo-libo na ang bumigay sa sakit, pagod, uhaw pati na rin sa mga bayoneta at bala ng mga Hapon, pero marami pa rin ang tumitindig.

Kasama sa mga buhay si Juan, si Jason na akay-akay ang nalugmok na si Maximo, si Gabriel na inaalalayan ang nanghihinang si Benito at pati na rin si Raul. Buhay pa rin si Sgt. Robles na gumagabay sa kanila para manatili sa linya.

Lingid sa kanilang kaalaman, maglalagpas na sa isang linggo ang kanilang martsa mula ng sila ay sumuko sa mga Hapon. Sa mga nagdaang araw, marami na ang nalagas sa kanilang squad. Wala sina Sgt. Bal, Cito, Rodolfo at kumakailan lamang ay sina Alfredo, Frederico at Eusebio ay pumanaw na rin.

Iba-iba ang takbo ng martsa depende sa mga Hapon, may mga panahong kailangang mabilis ang kanilang paglalakad at marami-rami ang napag-iwanan sa linya, mayroon ring pagkakataon na mabagal ang pag-usad nila at halos lahat ng sundalo ay matutusta na sa matinding init ng araw na kumakapit sa kanilang mga ulo at balat.

Sa kanilang hanay, sinisikap ni Gabriel na alalayan sina Benito at Raul, pareho silang bumibigay na ang pangangatawan. Pagaling na sana si Benito sa kanyang sakit, ngunit nang dahil sa martsa, naantala ito at siya ay unti-unti ng nanghihina, ganoon rin si Raul na nabubulok na ang sugat dahil siya ay hindi nagagamot.

"Gabriel," mahinang pagtawag ni Benito sa kaibigan, nanginginig ang tono ng kanyang tinig at siya ay mamaos-maos na sa hirap, "makikita ko pa kaya si Inay?'

Nabahala si Gabriel sa sinabi ng kaibigan pero hindi niya ito pinahalata, "oo naman, makakauwi pa tayo."

Isang matamlay na ngiti ang pumorma sa maputlang labi ni Benito, "mayayakap ko pa si Inay, magpapasko kasama siya at matitikman ulit ang mga putaheng kanyang niluluto."

"Oo, kaya kailangan mo pang mabuhay," pinapalakas niya ang loob ng kaibigan, "magpakatatag ka lang."

Pagkatapos, lumingon naman si Gabriel sa kaliwa kung saan nakakapit sa kanya si Raul na nakapikit at nakayuko sa hirap.

"Raul, buhay ka pa dyan?"

"Oo," pabulong niyang isinagot.

"Mabuti naman, huwag kang maglalakas-loob na mamatay habang nakakapit sa akin," nagbibiro na lamang si Gabriel upang maging postibo sa kabila ng unos.

Sa likuran nila, nakaalalay naman si Jason kay Maximo, na nanghihina hindi lamang pisikal pati na rin emosyonal. Hanggang ngayon mabigat pa rin sa kanya ang pagkawala ng kanyang Kuya Alfredo at sa kanyang pagkawala, nawala na rin ang lahat ng lakas at determinasyon niyang makaalis ng buhay sa puder ng mga Hapones.

Ilang araw na siyang inaalalayan ni Jason gaya ng ipinangako niya sa yumaong kasamahan, napapansin niyang napapagod na rin ang banyaga sa pag-aasikaso sa kanya, namumutla na ang kanyang balat at matindi na ang putok ng kanyang plema tuwing siya ay inuubo, nararamdaman na rin niya ang hingal at paghahabol nito sa paghinga.

"Jason, hayaan mo na muna ako, kaya ko ng maglakad mag-isa," suhestiyon niya sa mediko.

"Ako pangako sa Kuya mo, ako bahala sa'yo," sagot niya, "if I don't look after you, he'll probably haunt me for the rest of my life."

Bahagyang napangiti si Max sa sinabi niya. Lumingon ang Amerikano sa kanyang likuran at naroroon si Juan, na naglalakad mag-isa malapit kay Sgt. Robles.

"Juan, you need some help?" tanong niya.

"Ayos lang ako," saad ni Juan, "mas kailangan ka ni Max ngayon."

Napatango ang mediko sa kanya.

Sabihin man ni Juan na ayos lang siya, sa totoo ay maging siya ay hirap na hirap na rin, kung tatantsahin, ilang balde na ng pawis ang nauubos sa kanya. Inilalabas na ng pawis ang lahat ng tubig na mayroon ang kanyang katawan at hindi pa ito napapalitan sapagkat halos hindi na siya nakakainom ng tubig sa buong martsa at nagkakaroon lamang sila ng pagkakataon na mapawi ang kanilang pagkauhaw tuwing sila ay patitigilan sa mga sapahan upang sila ay magpahinga ng saglit. Doon lamang sila nakakainom ng tubig. Walang pakialam ang mga Hapon kung mauhaw silang lahat, isang araw nga ay nakita ni Juan na kinuha ng isang Hapon ang tubigan mula sa isang sundalo at ipinainom ito sa kanyang kabayo.

Naglalakad ng dahan-dahan si Juan nang bigla siyang makaramdam ng matinding kirot malapit sa kanyang dibdib kung saan siya nabaril noon, napansin ito ni Sgt. Robles.

"Juan, ayos ka lang?" tanong niya.

"Opo Sarge," hawak-hawak niya ang kanyang puso, "siguro kumikirot lang ang sugat ko."

"Tiisin mo na lang muna, anak," payo ng Sarhento sa kanya,"lilipas din ang lahat ng ito."

***

Makalipas ang ilang oras, nagmamartsa pa rin ang sumukong hukbo, magtatanghali na at lahat sila ay kumakalam ang sikmura sa gutom.

"Gutom na gutom na ko," saad ni Benito.

"Ako rin, Benito," sagot sa kanya ni Juan.

"Sa sobrang gutom ko, makakakain ako ng isang buong baka," pagpapatuloy ng maysakit na binata.

"Kung ganun e kailangan nating kumain," dagdag ni Gabriel.

"Hindi..." paninindigan ni Benito, "nangako ako kay Sgt. Bal na magkakaroon ako ng disiplina sa pagkain."

"Kung nandito siya, mas gugustuhin niyang kumain ka kaysa mamatay," sagot ni Gabriel.

"Kung si Hesus nga, nakayanan niyang hindi kumain ng apatnapung araw sa disyerto," mahina niyang isinaad.

"Pero hindi ka, Diyos," pagpapaalala sa kanya ni Juan, "tao ka lang, at tayong mga tao ay nagugutom, kailangan nating kumain para mabuhay."

"Ano naman...ang...makakain natin dito sa gitna ng daan?" tila mahihimatay na si Benito sa hirap.

Napatingin sina Juan at Gabriel sa paligid at namataan nila ang isang hilaw na mangga sa lupa, nilalangaw na ito, ngunit maaari pa ring kainin.

"Benito, tignan mo," itinuro ni Gabriel ang mangga gamit ang kanyang ulo sapagkat nakaalalay ang kanyang kabilang kamay kay Raul.

"May mangga," saad ni Juan.

Kaunti lamang ang distansya nila dito at malamang ay hindi sila mapapansin kung aalis sila sa linya.

"Kukunin ba natin?" tanong ni Benito.

Napalingon si Juan at nakita niyang hindi sa kanila nakatingin ang Hapon na nagbabantay malapit sa kanila.

"Oo, kailangan mong kumain, ito na ang pagkakataon natin, hindi sila nakatingin," pabulong na sinabi ni Juan.

Tinitigan ni Benito ang mangga na may pagnanasa at pagkatakam.

Balak ng kuhanin ni Juan ang mangga para sa kaibigan, "ako na ang kukuha para sa-"

"Ako na," nangahas na tumakbo si Benito paalis sa linya, bago pa matapos ni Juan ang kanyang sinasabi, sa sobrang gutom ng binata, pinangunahan niya ang kasamahan.

Pinulot niya ang mangga at siya ay napaluhod at napatigil ng sandali para sa kainin ito. Tyempo namang napalingon sa kanya ang isang bantay na Hapon, napansin niyang wala ito sa linya, agad niyang kinuha ang kanyang rifle at itinapat ito kay Benito.

Nanlaki ang mga mata ni Juan nang makita niya kung ano ang gagawin ng Hapon.

"Benito!" sigaw niya.

Bago pa makalingon si Benito, pinakawalan ng Hapon ang kanyang tira. Tinamaan sa ulo ng maysakit na binata ang bala at tumalsik ang kanyang hawak na mangga.

"Benito!" nakakapangilabot na isinigaw ng kanyang matalik na kaibigan na si Gabriel.

Bumagsak si Benito sa kalupaan na wala ng buhay, umaagos ang kanyang dugo sa ulo na parang isang boteng natapon ang laman.

Natulala sina Juan, Sgt. Robles, Maximo at Jason sa nangyari.

"Mga hayop kayo!" nanggagalaiting sigaw ni Gabriel. "Mamatay na kayong lahat!"

Nagpaputok ng ilang ulit sa ere ang Hapon na bumaril kay Benito at ito ay bumingi sa tenga ng mga nagmamartsa.

"Gabriel, tama na iyan," sinaway ni Sgt. Robles ang naghihinagpis na binata at hinatak ito papalayo para ituloy ang martsa. "Gusto mo bang sumunod kay Benito?"

Humagulgol si Gabriel sa sinapit ng kanyang matalik na kaibigan, samantalang si Juan naman ay muling nakaramdam ng pangangatog sa kanyang buong katawan.

Patawarin mo ko, Benito, patawarin mo ko. Nang dahil sa akin wala ka na, hindi na kita dapat inudyukang kunin ang mangga, kasalanan ko ito. Pananagutan ko ang dugong dumanak mula sa iyo, patawad, kaibigan.

***

Ilang araw ang nagdaan at lalong gumuguho ang pangangatawan ng mga Bayani ng Bataan, marami na namang mga Sundalo ang iniligpit ng "Clean-up Crew", pinaslang nila ng walang pagdadalawang-isip ang mga maysakit, mahihina at napapag-iwanan sa martsa, sa kabutihang palad, wala pa silang napapaslang kila Juan at sa mga natitira niyang kasamahan.

"Mula pagkabata magkasama na kami ni Benito," paglalahad ni Gabriel sa nanghihinang si Raul, "magkapatid na ang turingan namin, tuwing may kalokohan siya, palagi akong naririto para tulungan siya at palagi rin siyang nandyan para ibahagi sa akin ang kanyang mga pagkain, kahit na tatamad-tamad at batugan ang tingin sa akin ng iba, hindi niya ko hinusgahan at siya lang ang taong tunay na nagtitiwala sa akin, ngayon ay wala na siya, pinatay ng mga walanghiyang Hapon."

"Alam ko ang...pakiramdam," sagot ni Raul, "nawalan rin ako ng mga kaibigan, wala na rin si Cito, Rodolfo at Frederico. Malamang susunod na rin ako sa kanila. Nararamdaman kong hindi na rin ako magtatagal."

"Hindi tayo pwedeng mawalan ng pag-asa," pinapalakas ni Gabriel ang kanilang mga sarili, "may mga kaibigan pa tayo, ang isa't-isa. Huwag kang susuko, magtitiis akong alalayan ka hanggang sa matapos ang lahat ng ito."

Napangiti si Raul, bago siya muling pumikit at nagpahinga. Hindi nagtagal, tuluyan na siyang nawalan ng malay at bumagsak sila ni Gabriel sa kasagsagan ng martsa.

"Raul! Raul..." hangin na lang rin ang lumalabas sa bibig ni Gabriel sa pagkapaos, sinubukan niyang tumayo para tulungan ang bumagsak na kasamahan, ngunit maging siya ay nawawalan na ng lakas, namamanhid na ang mga paa at wala ng lakas para tumayo.

Bago pa man sila makita ng mga Hapon, inalalayan silang bumangon ni Sgt. Robles at inakbay niya sa magkabilang balikat ang mga braso ng dalawang nanghihinang sundalo.

"Lumaban kayo," nangingiyak na udyok ng Sarhento sa kanila.

***

Nang dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng kanyang mga kasamahan at sa pag-usig ng kanyang konsiyensiya sa pagkawala ni Benito, nanghina na rin ang pag-asa at pananalig ni Juan na makakaligtas pa siya sa unos na ito. Wala ng lakas hindi lang ang kanyang pisikal na katawan kundi pati na rin ang kanyang kalooban. Durog na ang kanyang puso at nilamon na ng kawalan ang lahat ng pag-asang pinanghahawakan ng kanyang kaluluwa.

Manhid na sa ngalay at pagod ang kanyang mga paa, nauubusan na siya ng tubig sa katawan, kumakalam na ang kanyang nagmamakaawang sikmura at kumikirot sa hapdi ng pawis ang kanyang sugat sa dibdib.

Pinagmasdan niya ang kanyang mga kasamahan sa harap, abala na sa pag-alalay si Sgt. Robles kay Gabriel at Raul, habang si Jason naman ay nakaagapay kay Maximo. Ilang ulit na siyang sinubukang alalayan ng mediko ngunit tumatanggi siya sapagkat alam niyang mas kailangan ni Maximo ang kanyang tulong.

Unti-unting nanlabo ang kanyang paningin at bago pa niya mamalayan, siya ay napabagsak na sa kalupaan at nadaan-daanan ng mga sundalong nagmamartsa, ilang talon na lang ang pagitan niya sa bangin ng kamatayan nang bigla niyang naramdaman na may isang taong umakay sa kanya patayo sa kanyang kinaroroonan.

Napalingon siya at sa kanyang pagkabigla, hindi isang Filipino o Amerikano ang umalalay sa kanya pabalik sa kanyang linya, bagkus kabilang ito sa mga nagpapahirap sa kanila, isa siyang Hapon.

"Don't worry, I'rr help you," saad ng Hapon na may maamong mukha at tinig.

Namukhaan siya ni Juan, siya ang mabait na Hapon na nagbigay ng tinapay sa kanila, ilang araw na ang nakalipas.

Inalalayan niya si Juan sa pagmamartsa at nagmistulan siyang si Simon ng Cyrene na inaalalayan si Kristo sa Krus ng Kalbaryo. Isang matamlay na ngiti ang isinagot sa kanya ni Juan bilang pasasalamat.

Ilang minuto pa lamang ang nakakaraan, nasulyapan ng isang Hapon na may mataas na ranggo ang ginagawang pagtulong ng isa sa kanilang bagitong sundalo sa kanilang bihag.

Sumigaw ito ng may otoridad at may magaspang ngunit malaking tinig at sinampal nito ang Hapon na tumulong kay Juan. Sa takot nito sa kanyang superyor, nabitawan ng bagitong sundalo si Juan at muli itong bumagsak.

"Doke! (Get out of the way!)" sigaw sa kanya ng mataas na Hapon, bago siya lumisan, napalingon muna siya kay Juan, nahahabag sa kanyang pinagdaraanan.

Kita ni Juan na may takot at pangamba sa kanyang mga mata, alam niya ito dahil ganito rin ang nakita niya sa kanyang sarili at sa kanyang mga kasamahan. Napagtanto niyang marahil ay tama nga si Jonathan at Sgt. Bal na hindi lahat ng mga Hapon ay masama. Ang iba sa kanila ay tulad rin nila, mga binatang nagsisimula pa lamang mabuhay na bigla na lamang nadamay at napasali sa digmaang hindi naman nila ginusto, malamang ay mayroon rin silang pamilya, kasintahan at mga kaibigan, pero alang-alang sa kagustuhan ng kanilang Emperador, napilitan silang lumaban at makipagdigma kahit na labag ito sa kanilang kalooban.

Matapos noon, hindi na niya muling nakita pa ang nasabing Hapon.

Pinilit ni Juan na bumangon ngunit hindi niya magawa, tinutok sa kanya ng nanitang Hapon ang kanyang rifle at bayoneta, handa nang siya ay ligpitan.

Noong mga panahong iyon, nasa bingit na ng pagsuko si Juan, pero bigla niyang naalala ang babaing kanyang sinisinta, si Angelita. Naaalala niya ang sinabi nito bago siya umalis upang makidigma.

"Pangako mong babalik ka."

Tumingin siya sa baril na nakatutok na malapit sa kanyang ulo.

Hindi lang ang mga baril at bayoneta niyo ang magpapabagsak sa akin, kailangan kong mabuhay para kay Angelita! Naghihintay siya sa akin. Kailangan kong makabalik sa kanya.

Bago pa maiputok ng Hapon ang kanyang tira, bumangon si Juan na may panibagong lakas ng loob at siya ay nagpatuloy sa pagmartsa.

***

Di nagtagal, narating na ng mga nakaligtas na Sundalo ang San Fernando Rail Station sa Pampanga kung saan sila isasakay sa mga sasakyan patungo sa Capas, Tarlac.

"Nasaan na tayo?" tanong ni Juan.

Naaninag ni Sgt. Robles ang pangalan ng istasyon ng tren, "nasa San Fernando, Pampanga na tayo."

Pinagmasdan nila ang lugar at napagtanto nilang isa itong istasyon ng tren.

"Nandito na tayo, tapos na ang ating paghihirap," saad ni Juan.

Napangiti si Gabriel, Raul, pati na rin Maximo at Jason.

"Nararamdaman ko, pagkatapos nito, giginhawa na tayo," kasing hina na ng bulong ang tinig ni Gabriel.

Gumaan na ang kanilang mga kalooban, buong akala nila sasakay na sila sa mga tren at tuluyan na silang makakapagpahinga.

Ilang minuto lang, ihinelera sila ng mga Hapon patungo sa kanilang sasakyan.

"Nasaan na ang mga tren?" pagtatakang tanong ni Maximo sa mga kasamahan.

Sa kanilang pagkagulat, hindi ordinaryong tren ang sumalubong sa kanilang mga paningin, kundi anim o pitong pirasong boxcars na mas una pa sa kanilang panahon.

Binuksan ito ng mga Hapon at agad silang pinagtutulak papasok sa mga nasabing boxcars, pumasok sina Sarge Robles, Gabriel at Raul sa loob, sumunod naman sila Juan, Jason at Maximo. Sinisigawan ng mga Hapon ang mga sundalo upang sila ay pumasok at pinagpilitan nilang pagkasyahan sa loob ng bawat isang sasakyan ang daan-daang katao kahit na pang limampu lamang ang kapasidad nito. Isinarado ng mga Hapon ang pintuan ng sasakyan.

Nagkasiksikan sa loob ng 7 boxcars ang libo-libong, sugatan, pagod at maysakit na mga sundalo. Sa sinasakyan nila Juan, nagsiksikan silang lahat na parang sardinas na pinagkasya sa isang lata. Sa sobrang sikip, imposible ang paggalaw sa loob, walang mauupuan ang kahit isa sa sumakay kaya naman nagtiis na lamang sila ng nakatayo. Napakainit noong araw na iyon at umaabot sa 43 °C ang temperatura, madilim ang sasakyan at walang hangin na malalanghap, kaya naman ang iba ay nahihirapan ng huminga. Ang ilan ay naihi at nadumi sa kanilang kinaroroonan.

Bukod sa sikip at init, isa pang nakadagdag sa kanilang paghihirap ay ang hindi masikmura at umaalingasaw na amoy sa loob ng sasakyan. Naghalo-halo ang sari-saring amoy ng mga nagdurusang sundalo sa loob. Nagsama-sama ang amoy ng kanilang mga pawis, dumi, panghi ng ihi, lansa ng kanilang mga dugo, amoy ng kanilang mga nabubulok na sugat at iba pa. Kung ikukumpara, ito ay mas malala pa sa amoy ng mga nabubulok na basura at mga patay na hayop.

Ang iba ay hindi na kinaya ang paghihirap sa loob ng sasakyan, doon na sila nahimatay, nawalan ng malay at binawian ng buhay habang sila ay siksikang nakatayo. Namatay ang karamihan na walang sahig na babagsakan.

Kinakapos na ng hininga si Juan at ang kanyang mga kasamahan sa loob ng boxcars, napakadilim sa loob at hindi na niya makita kung sino ang mga katabi niya at kung nasaan ang mga kasamahan niya. Wala ng ni isa ang nagsasalita sa loob at ang tanging maririnig na lamang ay ang ang pag-ubo, hingal at ungol ng mga nagdurusang sundalo.

Makalipas ang isang oras sa byahe ng kamatayan, narating nila ang Capas, Tarlac kung saan muli pa silang magmamartsa patungo sa Camp O'Donnell na magsisilbing Prison Camps para sa mga sumukong Sundalo.

Binuksan ng mga Hapon ang boxcars at nagsilabasan ang mga nakaligtas na Sundalo, lumuwag ang sasakyan kaya nagkabagsakan at nagkapatong-patong ang mga bangkay ng mga Sundalong inabutan ng pagkamatay sa loob.

Lumabas si Juan na hingal na hingal, kasunod niya sina Maximo at Jason na naghahabol rin ng hininga.

"We made it," hinihingal na saad ni Jason.

"Oo, Jason," nakangiting saad ni Juan, "Sarge, Gabriel, Raul tara na." Pagyayaya ni Juan. "Naririto na tayo."

Napalingon siya sa kanyang likuran at nakita niyang nakahiga sina Sarge Robles, Gabriel at Raul, kasama ang mga nasawing sundalo. Nasa gitna ang sarhento at nasa magkabilang tabi naman niya si Gabriel at Raul. Hindi na gumagalaw ang tatlo, wala silang malay at hindi na sila humihinga. Nakadilat pa ang mga mata ni Gabriel at nakanganga ang kanyang bibig. Napawi ang ngiti sa mukha ni Juan.Napagtanto Maximo at Jason na wala na sila. Hindi na nila nakayanan ang hirap na dinanas sa byahe. Marupok na ang kanilang laman at sila ay tuluyan ng bumigay.

"Sarge...Gabriel...Raul," naiiyak na pagtawag ni Juan.

Bago pa niya malapitan ang tatlong yumaong kasamahan, hinarangan siya ng isang barumbadong Hapon at hinatak sila nito kasama si Maximo at Jason palayo sa boxcars.

Nilingon ni Juan sa huling pagkakataon ang mga labi ni Sarge Robles, Gabriel at Raul na nakapatong kasama ang mga bangkay ng mga sundalong pumanaw.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro