Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 14

April 10, 1942- Ang Martsa ng Kamatayan

Isang araw matapos ang makasaysayang pagsuko ng mga Filipino at Amerikano sa Hapon, isa sa na namang makasaysayang araw ang magaganap, hindi dahil sa kagitingan at katapangan ng mga Sundalo, kundi dahil sa pinakamatinding paghihirap at pagdurusang mararanasan nila sa kanilang buong buhay. Ang martsang magdidikta sa kanilang kapalaran.Ang Martsa ng Kamatayan.

Pinagkumpol ng mga Hapon ang libo-libong sundalong kanilang nabihag at inatasan silang bumuo ng linya, apat na katao sa bawat linya. Dahil sa takot sa mga manlulupig na may hawak na ng kanilang mga buhay, wala ng nagawa ang mga Sundalo kundi sundin ang kanilang mga utos. Sila ay bumuo ng linya kahit na hindi nila alam kung bakit nila ito kailangang gawin.

Luminya si Juan, Sgt. Robles, Alfredo at Maximo, sumunod naman sa kanila sila Gabriel, Benito at Jason at nasa likuran nila sina Frederico, Raul at Eusebio.

"Ano kaya ang gagawin natin?" tanong ni Benito kay Gabriel.

"Hindi ko rin alam, basta sundin na lang natin kung ano ang iuutos nila, ito lang ang paraan para mabuhay tayo."

Hindi nagtagal, lumapit ang isang mataas na Hapon at siya ay sumigaw sa mga Amerikanong opisyal na nasa pinakaunahan ng linya.

"Wark! March!"

Sumunod ang mga bihag na Amerikano at sila ay nagsimulang maglakad sa direksyon kung saan patungo ang mga Hapon, nagsimulang magsunuran ang libo-libong POW's at opisyal ng nagsimula ang Martsa ng Kamatayan.

Lumipas ang ilang minuto at sa pagsisimula ng Martsa, nanatiling maayos at tahimik ang lahat.

"Saan kayo tayo pupunta, Sarge?" nagtatakang tanong ni Juan.

"Hindi ko rin alam, Juan," sagot ng Sarhento, "pero sa tingin ko mas makakabuti pang hindi na lang natin malaman."

Habang nagmamartsa muling pumasok sa isipan ni Juan ang nangyari kay Rodolfo.

Kung hindi lang siya nanlaban, buhay pa sana siya ngayon, kung nakatiis lang sana siya sa kanyang kasintahan, malamang may pag-asa pa siyang makasama itong muli, pero ano nga ba ang alam ko?Kung ako ang nasa katayuan niya malamang ginawa ko rin ang ginawa niya, siguro nawawalan na siya ng pag-asang makakasama pa niyang muli si Alicia kaya ang litrato na lang niya ang talagang pinanghawakan niya.

Ang mga minuto ay naging oras at nagsisimula ng kumapit sa kanilang mga balat ang init at sinag ng araw sa kasagsagan ng Tag-araw.

"Saan ba talaga tayo pupunta?" tanong ni Frederico. "Gaano kalayo pa ba lalakarin natin?"

"Magtiis ka na lang muna, Frederico," sagot ni Alfredo sa kanyang harapan, "maya-maya lang siguro mararating na natin ang ating pupuntahan."

Wala silang kaalam-alam na aabot ng lagpas 100 kilometro ang kanilang tatahakin at ang kanilang destinasyon ay patungo pa sa Bayan ng Tarlac.

Nadaanan nila ang mga kabayanan sa Bataan at gumimbal sa kanilang paningin ang mga kabahayang sinunog ng mga Hapon, ang iba rito ay naabo na at ang iba ay umuusok pa, ni walang isang tao ang makikita sa binulabog na bayan.

Nagpatuloy ang kanilang pagmamartsa at ganoon na rin ang paglipas ng mga oras, unti-unti ng nakakaramdam ng pagod, gutom, uhaw, init at panghihina ang mga sundalo sa ilang oras nilang paglalakad.

Tumutulo na ang maaalat na pawis sa mata ni Juan at pati na rin ang iba niyang kasamahan, naliligo na sa kanilang mga pawis ang kanilang uniporme at sila ay nakakaramdam na ng paghahabol sa hininga, matindi ang init na taglay ng araw at wala silang kahit anong proteksyon sa kanilang ulo sapagkat kinuha ng mga Hapon ang kanilang mga helmet.

Ang nangangayayat na si Benito ay nakakaramdam na ng gutom, humihilab na ang kanilang sikmura sa ilang oras na paglalakad.

"Nagugutom na ako," saad ni Benito.

"Ako rin, gutom na gutom na," dagdag ni Raul.

"Ako rin, kuya," saad ni Maximo sa kanyang kuya, "hindi ba tayo pwedeng kumain."

Napalingon si Alfredo sa isang Hapon na naglalakad malapit sa kanila, mayroon siyang hawak na tinapay sa kanyang kamay. May kabataan pa ang nasabing Hapon at tila napansin niyang nakatingin sa kanya ang mga bihag na sundalo.

Nakatuon ang tingin ni Benito sa tinapay, pakagat na ang Hapon sa kanyang pagkain nang mapansin niya ito. Hindi nila inaasahan ang kanyang susunod na gagawin, lumapit siya sa mga bihag, hinati niya ang tinapay at iniabot ito kay Benito.

"Here," hindi tulad ng ibang Hapon, kalmado ang kanyang tinig at maamo ang kanyang ekspresyon.

Hindi alam ni Benito kung ano ang kanyang gagawin, natatakot siyang baka patibong lamang nila ito.

"Don't worry," pagpapatuloy ng binatang Hapon. "I wirr not kirr you."

"Kunin mo na," inudyukan siya ni Eusebio sa kanyang likuran.

Maingat itong kinuha ni Benito, pagkatapos napangiti ito sa kanya at naglakad palayo.

"Totoo ba ang nakita ko?" nagtataka si Frederico at ang iba pa. "Naawa ang Hapon sa atin."

"Tulad nating mga Filipino, iba-iba rin ang mga Hapon," saad sa kanya ni Sgt. Robles. "May mabuti at may masama."

Maging si Juan ay nagulumihanan sa malasakit na ipinakita ng isang Hapon. Akala niya pare-pareho lang ang mga Hapon, malulupit, mararahas at asal hayop, ngunit taliwas ito sa ipinakita ng Hapon na nagbigay ng pagkain kay Benito.

Kumagat si Benito sa tinapay pagkatapos, hinatian niya sina Maximo, Gabriel at Raul.

"Gusto niyo?" Alok niya kay Alfredo.

"Hindi na, Benito, mas kailangan niyo yan," sagot niya.

Umabot na sa ilang oras ang kanilang paglalakad ng walang pahinga at marami na ang pagod. Hindi na nakatiis ang mga nanghihina at sila ay tumigil sa paglalakad para magpahinga, hingal na hingal at pawis na pawis.

Namataan ng mga matataas na Hapon na mayroong naiiwan sa linya. Sumigaw ito ng malakas, pagkatapos nilapitan nila ang mga Sundalong nagpahinga at pinagbubugbog nila ang mga ito.

"Mga hayop kayong mga Hapon!" sigaw ng isang sundalong Pilipino habang siya ay pinagbubugbog. "Mamatay na kayong lahat!"

Kinuha ng Hapon ang kanyang mahabang itak at inugay ito sa leeg ng Pilipinong nangahas, tumalsik ang kanyang ulo malapit sa kinaroroonan nila Juan at sila ay nangilabot.

Nanginginig sa takot ang mga nahuling nagpapahinga, umiyak sila at lumuhod sa mga Hapon.

"Maawa na kayo sa amin, nagpahinga lang po kami sandali, pagod na pagod na kami."

"Huwag niyo po kaming patayin!' dagdag pa ng isa.

Hindi sila pinakinggan ng mga banyaga, kinuha nila ang kanilang bayoneta at pinagsasaksak ang mga ito ng walang awa.

Nakita ito ng ilan at sa takot, sila ay kumalas sa linya para tumakas, hindi sila nakalagpas sa pagmamatyag ng mga mananakop at sila ay niratrat na parang mga hayop.

"Risten, arr of you!" sigaw ng mataas na Hapon. "You stay out of rine, you rest, you die!"

Ngayon, nalaman na ng lahat kung ano ang sasapitin ng mga titigil sa paglalakad at tatakas. Kung sino man ang nagpaplanong tumakas, siguradong hindi na sila mangangahas na gawin ito kundi sila ay pupugatan, sasaksakin at babarilin.

Napatingin si Frederico sa mga Hapon at nakita niya ang mga tangke at trak na kanilang sinasakyan, mayroon ring naglalakad kasabay nila pero pwedeng-pwede silang magpahinga at sumakay sa kanilang sasakyan tuwing sila ay napapagod.

"Tignan niyo ang mga iyan," pagtuturo ni Frederico, "kaya lang sila nakakapagbanta dahil malaya silang magpahinga anumang oras, hindi tulad natin. Sila kaya ang magmartsa ng ilang oras!"

Marami-rami ang bilang ng mga Sundalong sugatan at maysakit, lalong nagpalala sa kanilang kalagayan ang walang tigil na paglalakad, ang ilan sa kanila ay tuluyan ng nilamon ng paghihina, nahimatay sila sa hirap at sakit. Walang nagawa ang kanilang mga kasamahan, nais man nilang balikan at alalayan ang mga ito, hindi nila magawa sapagkat natatakot silang paslangin ng mga Hapon kapag sila ay umalis sa kanilang linya. Wala ng buhay ang karamihan sa mga bumagsak, ang ilan naman ay nahimatay lang o kaya ay naghihingalo pa. Pinagtutusok ng mga Hapones ang mga ito at ang iba naman ay sinagasaan nila ng kanilang mga tangke at trak.

Matapos ang ilang oras, pinahinto ng mga Hapon ang martsa.

"Sa wakas, makakapagpahinga na tayo," saad ni Gabriel.

Agad na napawi ang kanilang tuwa ng sila ay paupuin sa pwestong tirik ang sinag ng araw. Kasasapit pa lamang ng tanghali kung kailan napakainit at napakatindi ng init na taglay ng araw. Pakiramdam nila ay nakaupo sila sa araw. Nagmistulan silang mga itlog na niluluto sa mainit na kawali.

Hingal na hingal na si Juan sa kanyang kinauupuan, nararamdaman niya ang pagkapit ng nakapapasong init sa kanyang balat kahit na siya ay nakasuot pa ng uniporme. Sila Benito at Gabriel naman ay tila hihimatayin na sa hirap, masyadong mahirap ang init na dala ng araw para sa kanila at halos hindi na sila makahinga.

Nang makita ng mga Hapon na ang lahat ay nahihirapan, mas lalo nilang dinagdagan ang kanilang paghihirap, hinubaran nila ang ilang sundalong amerikano at pinahiga sa mainit na kalupaan, hindi na nakatagal ang iba at doon na sila nilagutan ng hininga.  

Napailing si Juan sa pagkahabag, hindi nila alam kung nasaan na sila at kung gaano na kalayo ang kanilang hinahakbang, kung nasa Bataan pa ba sila, ang alam lang nila, tumigil sila malapit sa isang ilog.

Pagkatapos nito, pinaghile-hilera ng isang Opisyal na Hapon ang ilang daang Sundalong Amerikano at pinaluhod sila sa may ilog.

Kinuha nila ang kanilang mga armas at tinapat ito sa kanila. Nagsiluhuran ang mga Amerikano, umiiyak at nagmamakaawa.

"No, please don't kill us!" pagmamakaawa ng isa.

"Have mercy!"

Nagbigay ng utos ang mataas na opisyal at sabay-sabay nilang pinaputukan ang lahat ng ito at nagmistulang ilog ng dugo ang nasabing ilog pagkatapos ng paslangan.

Naiyak sina Benito at Gabriel sa kanilang nasaksihan.

"Ganito rin ba ang gagawin nila sa atin?
Papatayin rin nila tayo."

"They're worst than animals!" galit na sinambit ni Jason nang makita ang bangkay ng kanyang mga kababayan.

Iniwan ng mga Hapon ang mga bangkay sa ilog at sila ay bumalik sa pagmamartsa.

***

Hindi nagtagal nadaanan nila ang isang kabayanan, taliwas sa naunang nadaanan, maraming taong nakaabang at nakatingin sa mga kaawa-awang mga sundalo, makikita mo ang habag sa kanila ng mga kababayan, lalaki o babae, bata man o matanda.

Pasimpleng naglakad ang isang batang babae at inabot kay Jason ang isang pagkaing hindi pa gaanong pamilyar sa kanya.

"Thank you," gayunpaman siya ay nagpasalamat.

"That is called Bibingka," saad sa kanya ni Juan,

"Ah Bibingka," pag-uulit ng Amerikano, tinikman niya ito at siya ay nasarapan, "meserep."

Nagsimulang maghagis ang mga taumbayan ng mga kakanin at mais sa mga nagmamartsang sundalo at ito ay kanilang sinalo, nag-aagawan pa ang iba para sa pagkain.

Nakita ito ng mga Hapon at sila ay nagpaputok sa ere, natakot ang taumbayan at sila ay nagtakbuhan palayo, pinagbabaril ng mga Hapon ang iba at kabilang sa mga nabaril ay ang batang babaeng nagbigay ng bibingka kay Jason. Sumigaw ang kanyang ina sa paghihinagpis at hindi mapigilan ni Jason na maawa sa kanila.

***

Sumapit na ang gabi at patuloy pa rin ang kanilang pagmamartsa, kung magpapahinga sila, ito ay bahagya lamang at hindi pa napapawi ang kanilang mga pagod, kailangan na nilang maglakad muli.

Sa mga sumunod na araw, nagpatuloy ang kanilang kalbaryo, sila ay nagmamartsa mula sa isang bayan patungo sa kasunod, sila ay pinagpapahinga sa arawan, pinapaslang ang sinumang mabagal, naghihina at napapag-iwanan, binubugbog ang mga Sundalong tingin nila ay naghihina na at halos hindi na kumakain ang karamihan sa kanila. Hindi sila itinuring na POW's ng mga Hapon, hindi naging makatao ang kanilang trato sa kanila at malamang ay gumaganti sila sapagkat marami ring kababayan nila ang napatay ng mga Sundalong Filipino at Amerikano sa tatlong buwang bakbakan.

Hindi na alam nila Juan kung nasaan na ba sila, kung gaano na kalayo ang kanilang nilalakbay at kung ilang araw na sila nagmamartsa, tinatantsa na lang nila sa pagsikat at paglubog ng araw. Lingid sa kanilang kaalaman, magtatatlong araw na silang naglalakad, walang kain, at walang pahinga.

Lalong nangayayat si Benito at hindi mo na siya makikilala sa laki ng pinagbago ng kanyang itsura, hindi lamang siya ang namayat, halos lahat ng sundalong nagmamartsa ay tila mga kalansay na naglalakad dahil sa kawalan ng pagkain at tubig. Ang iba naman ay lalong nanghihina dahil hindi nagamot ang mga sugat na kanilang tinamo sa labanan, kabilang na rito si Alfredo at Raul na naimpeksyon na ang sugat sa pawis.

Nanghihina na ang nakatatanda sa magkapatid na Sandoval, inalalayan ni Maximo ang kanyang kuya upang hindi siya mapag-iwanan.

"Maximo..." Kasing hina ng bulong ang nananamlay na tinig ni Alfredo. "Mukhang...hanggang dito na lang...ako."

"Kuya, huwag mong sabihin iyan," nangingilid na ang luha sa mga mata ni Maximo, "nangako tayo kila Inay at Itay di ba? Makakauwi pa tayo, kailangan mo lang magpakatatag, malakas ka, Kuya. Mas malakas ka pa nga sa akin."

Isang matamlay na ngiti ang pumorma sa hulpak na mukha ni Alfredo, "pangako mo, alagaan mo sila...pakisabi sa kanila...mahal...na mahal ko sila."

Nararamdaman ni Maximo na unti-unti ng gumuguho ang kamalayan ng kapatid, "kuya, kuya, huwag kang bibitaw, kumapit ka lang sa akin! Makakaligtas ka!"

Bumagal sa paglalakad ang magkapatid, agad namang tumulong sa pag-alalay si Jason sa kanila.

Napatingin sa kanya ang nanghihinang si Alfredo. "Jason...ikaw na bahala sa kapatid ko...pangako mo."

"I promise," sagot ni Jason, "I'll take care of your brother. You have my word."

Isang ngiti ang muling pinakawalan ni Alfredo, pagkatapos tumirik ang kanyang mga mata at siya ay tuluyan ng bumitaw sa pagkakahawak ng kapatid, bumagsak siya sa kalupaan.

"Kuya!" sigaw ni Maximo.

Napansin ng mga guwardiyang Hapon na sila ay tumigil sa kanilang pwesto.

"Come on, Max!" hinatak ni Jason si Maximo papalayo pero hindi niya maalis ang tingin sa kapatid niyang nakahandusay sa lupa.

Napalingon si Juan at nakita rin niya ang walang malay na si Alfredo, namataan rin niya na may paparating na trak malapit sa kinaroronan ng bumagsak na kasamahan.

Alam na niya kung ano ang mangyayari kay Alfredo, "Max, tara na."

Hinatak nila palayo ang naghihinagpis na kapatid at sila ay bumalik sa linya.

"Ang kuya ko! Kuya!" sigaw niya na parang isang batang inagawan ng laruan.

Napansin nilang papalapit na kay Alfredo ang dambuhalang trak.

"Max, talikod," sinigurado ni Juan na hindi makikita ni Maximo ang kahihinatnan ni Alfredo.

Pagkatalikod nila, gumalabog ng malakas ang trak at sa mga panahong iyon, alam na ni Maximo na wala na ang kanyang Kuya Alfredo.

Humagulgol si Maximo sa piling ni Juan, hindi mapapantayan ng anumang sakit ang mawalan ng isang mabuti at mapagmahal na kapatid, dati rati galit na galit siya sa kanyang Kuya, ngunit ngayon handa na siyang ibigay ang lahat, makasama niya lang ito muli.

Walang nagawa si Juan kundi yakapin at damayan ang nangungulilang kapatid.

Alfredo, isa kang napakabuting kapatid at kaibigan, sana ay nasa tahimik ka na ngayon, hinding-hindi kita makakalimutan. Huwag kang mag-alala, sisiguraduhin kong makakaligtas si Max.

***

Pagsapit ng hapon, habang sila ay nakaupo sa may arawan, tulala pa rin si Maximo sa nangyari sa kanyang Kuya Alfredo. Maging sina Frederico, Benito, Gabriel at Eusebio ay nalungkot rin sa pagkawala niya.

"Hindi ko akalaing wala na si Alfredo," saad ni Frederico.

"Siya ang tumayong kuya namin," sagot ni Benito.

"Maaasahan siya sa anumang bagay," naluluhang sinabi ni Gabriel.

Nakatuon naman ang pansin ni Juan sa nalugmok na kasamahan.

"Max, ayos ka lang ba?" tanong niya.

"Ayos? Kahit kailan hindi na ako magiging maayos." sagot niya na may manhid na tinig.

"Huwag kang mawalan ng pag-asa, makakaya natin to," pinapalakas niya ang loob ng binata.

"Namatay na ang lahat ng pag-asa ko noong namatay si Kuya," sagot niya, "kung alam ko lang na mawawala na siya, sana naging mabuti akong kapatid, sana hindi ko na siya inaway ng ilang taon. Ngayon wala na siya, hindi na ko makakabawi sa kanya."

"Max, alam ko kung ano ang nararamdaman no, alam ko ang pakiramdam ng mawalan ng mahal sa buhay. Isipin mo na lang nasa tahimik na ang kuya mo ngayon, malayo sa kaguluhang ito at sigurado akong nasaan man siya, gagabayan ka niya sa pagsubok na ito."

"We're here for you, Max," dagdag pa ni Jason, "I promise your brother that we will take care of you."

***

Apat na araw na ang lumipas mula ng magsimula ang martsa pero lagpas na sa sukdulan ang pagdurusang dinanas ng mga Sundalo sa Martsa ng Kamatayan.

Hirap na hirap na ang lahat sa pagod, uhaw at gutom. Libo-libong sundalo na ang namatay sa pagod at sakit pati na rin sa mga bala at bayoneta ng mga kalaban. Sa dami ng kanilang sinaksak, niratrat at pinugutang mga bihag, tila nasaksihan na ni Juan at ng kanyang mga kasamahan ang mga bagay na tunay ngang nakapangingilabot at kailangan munang makita ng isang tao bago nila paniwalaan. Nakakita sila ng paghiwalay ng maraming ulo sa katawan, nakakita sila ng mga piraso ng lamang loob mula sa bayonetang isinaksak sa isang bihag, nakakita sila ng mga katawan na nagkagutay-gutay sa dami ng balang tumama. Nakakita sila ng mga Sundalong walang kalaban-laban na binubugbog at dinudukutan ng ngipin. Ang ibang mga sundalo ay nasanay na sa ganitong senaryo at para bang normal na lang sa kanila ang makakita ng mga kasamahang pinupugutan at pinagtututusok.

Ilang araw ng kumakalam ang sikmura nila Frederico, Eusebio at Raul. Hulpak na ang kanilang mga mukha at sila ay tinutubuan na rin ng mga piksa at kurikong sa ilang araw na sila ay walang linis at ligo.

Pinatigil sila ng mga nagbabantay na Hapon sa arawan, nagutom ang mga mananakop, naglabas sila ng mga pagkain at kumain sa harap ng kanilang mga bihag para inggitin ang mga ito.

Tinitigan ni Juan, Maximo, Benito, Gabriel, Eusebio at Frederico ang tinapay na kanilang kinakain na para bang ito na ang pinakamasarap na putahe sa buong mundo, habang kumakain ang mga Hapon, muli nilang naramdaman ang pagkulo ng kanilang mga sikmura.

"Gutom na gutom na talaga ako," pabulong na sinabi ni Benito.

"Ako rin," saad ni Juan.

"Lahat naman tayo," sagot ni Frederico, "ako nga mamamatay na sa gutom, isang beses lang nila tayo binibigyan sa buong araw at kulang na kulang pa iyon sa pagod natin sa paglalakad, habang sila nakakakain sa tamang oras."

"Kung kaya ko lang, hahablutin ko na iyang kinakain niya," natutuksong sinabi ni Eusebio.

"Alam mo kung ano ang mangyayari sa oras na gawin mo iyon," babala ni Juan.

"Papatayin nila ako," sagot ni Eusebio, "ano bang ipinagkaiba, mamamatay rin naman tayo kapag di tayo kumain."

"May punto si Eusebio, hindi na ko tatagal ng ilang araw kapag hindi pa ko kumain, pero tama si Juan," sabi ni Frederico, "kailangan natin maging maingat, dyan lang kayo, papakiusapan ko sila, baka maawa sila sa akin."

"Totoo ba yan, Frederico?" nagtatakang tanong ni Raul sa kaibigan. "Ikaw papakiusapan mo sila? Magpapakumbaba ka?"

"Wala na kong magagawa, gusto ko pang mabuhay at para mabuhay kailangan nating kumain, wala ng oras para ako ay magmataas. Kung kailangan luhuran ko sila ng parang pulubi gagawin ko."

"Mag-iingat ka, kaibigan," inakbayan ni Juan ang dating katunggali.

"Salamat," sagot ni Frederico, "pagkabalik ko, may makakain na tayo."

Buong tapang na naglakad patungo sa dalawang bantay na Hapon si Frederico, namataan siya ng mga ito pero nanatili lang silang kumakain sa kanilang pwesto.

Lumuhod si Frederico sa kanila at nagkasenyasan ang dalawa, "mga ginoo, maaari bang bigyan niyo kami ng makakain kahit kaunti lang, gutom na gutom na kami, pakiusap, hindi kami tatakas, kaunting pagkain at tubig lang ang hinihingi namin, pakiusap."

Hindi namalayan ni Frederico na tumutulo na ang kanyang mga luha. Sa ikalawang pagkakataon, natagpuan niya ang kanyang sarili na nagmamakaawa sa mga taong kinamumuhian niya, una sa kanyang ama, ngayon naman sa mga tiranong Hapon.

"What?" hindi naintindihan ng isang Hapon ang kanyang mga sinabi.

"We are so hungry and thirsty," nagingles na si Frederico kahit na hindi siya gaanong bihasa, "will you give us some food and water, just a bit. Please, we will not escape. I promise."

Sumagot ang isang Hapon sa kanyang lengguahe, hindi ito naintindihan ni Frederico pero umaasa siyang naawa sa kanya ang mga ito.

Kumuha ng kapiranggot na tinapay ang Hapon, aabutin na ito ni Frederico, pero imbes na ibigay ito sa kanya, ihinulog ito ng Hapon sa lupa pagkatapos ay tinapakan. Itinapon rin nila ang tubig na iniinom sa lupa.

Kinuha ito ni Frederico sa kanyang palad at ininom ang tinapong tubig.

"Please give us some food!" humagulgol na nagmakaawa si Frederico sa kanila. "I'm begging you!"

Pagkatapos, narinig ang pagputok ng baril, natigilan si Frederico sa kanyang kinatatayuan, tumagos sa kanyang dibdib ang balang ipinutok ng ikalawang Hapon sa kanyang likuran, lumabas ang dugo mula sa kanyang bibig at ito na ang huling nalasahan niya bago siya bumagsak sa lupa at lagutan ng hininga.

"Frederico!" sigaw ni Juan at ng iba niyang kasamahan, lahat sila nasaksihan ang pagbaril ng Hapon sa kanilang kaawa-awang kaibigan.

Nagkaroon pa ng gana ang Hapon na pumatay kay Frederico na uminom ng tubig sa harap ng kanyang pinaslang.

"Mga hayop sila!" sigaw ni Raul.

Hindi na nagawang makapagtimpi pa ni Eusebio, sa pagkabigla sa ginawa nila kay Frederico, nangahas siyang umalis sa kanyang kinauupuan.

"Eusebio!" pagtawag ni Sgt. Robles. "Anong gagawin mo?"

Walang pag-iingat siyang lumundag sa umiinom na Hapon upang agawin ang kanyang iniinom na tubig, nagtagumpay siya at nanumbalik ang kanyang pagkaganid, bago pa siya makainom ng tubig mula sa inagaw na lalagyanan, tumagos sa kanyang sikmura ang mahabang bayoneta na sinaksak ng unang Hapon sa kanyang katawan. Tinanggal nila ang bayoneta sa katawan ni Eusebio at umagos ang kanyang dugo sa inuminan na kanyang inagaw. Nakadilat pa ang kanyang mga mata.

"You foors! You wirr have no food! No water!" Kasing talas ng kanilang mga bayoneta ang kanilang mga tinig.

Hindi nagtagal sila ay pinabalik na sa kanilang linya para ipagpatuloy ang pagmamartsa, habang naglalakad, napalingon si Juan sa dalawang nasawing kaibigan. Ang isa ay nasawing nagpapakumbaba at ang isa naman ay napaslang dahil sa ganid.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro