Kabanata 13
April 7, 1942
Apat na araw matapos ang pinakamatinding bakbakan laban sa mga Hapon kung saan siya ay malubhang nabaril at nilisan ng kanyang kamalayan, idinilat ni Juan ang kanyang nananamlay at nanlalabong paningin. Nakapaligid sa kanya ang ilan sa kanyang mga kaibigan na hindi maikakaila ang saya sa kanilang mukha sa kanyang muling paggising.
"Kamusta ka naman, anong nararamdaman mo?" tanong sa kanya ni Frederico.
Tinignan lang siya ni Juan at hindi ito sumagot sa kanyang katanungan, nanatili lang siyang nakatulala sa kanyang kinahihigaan. Ang lahat ay naghihintay ng sagot mula sa kanya ngunit wala pa siyang ganang magsalita at makipag-usap kahit sa kanyang mga kaibigan.
"Let him rest," suhestiyon ni Jason sa kanila, "I think he's still in shock, its normal for him to act like this."
Sumang-ayon ang magkakaibigan, magtutungo na sana sila sa kanilang hihigaang trintsera nang...
"Anong nangyari?" saad ni Juan sa tinig na namamaos at nanghihina.
Binalikan siya ng kanyang mga kaibigan nang marinig ang kanyang pag-uusisa.
"Matapos kang mabaril, ilang araw pang nagpatuloy ang digmaan laban sa mga Hapon," paliwanag ni Frederico.
Pinagmasdan ni Juan ang gubat na kanilang kinaroroonan, "nasaan tayo? Ligtas na ba tayo? Napanatili ba natin ang linya?"
May pagkalumbay na nagkatinginan sina Maximo at Eusebio sa kanyang tanong, walang kamalay-malay si Juan sa mga nangyari habang siya ay nag-aagaw buhay.
"Juan, wala na ang linya," saad ni Eusebio.
"Sa tindi ng pag-atake ng mga Hapon, tuluyan na nilang napilayan ang ating pwersa, saad ni Maximo, "marami ang nasawi, marami rin sa atin ang tumakbo at tumakas palayo sa digmaan, kami naman ay walang nagawa kundi umurong at humanap ng lugar na matutuluyan, buti na lang inalalayan kami ni Sgt. Robles, nakahanap siya ng ligtas na lugar sa kagubatan kaya tayo nandito ngayon."
Napatango si Juan sa pagsasalaysay ni Maximo, pinagmasdan niya ang kanyang mga kaibigan at napansin niyang iilan lamang sila na nakapaligid sa kanya.
"Nasaan si Alfredo, Benito at si Raul?" tanong niya.
"Huwag kang mag-alala. Nagpapagaling na sila," sagot ni Gabriel. "Ginamot na sila ni Jason."
"Ako...nabaril ako noong susugurin ko ang mga Hapon," napagtanto niya at bumalik sa kanyang gunita ang mga pangyayari, "papaano ako nakaligtas?"
"Binuhat kita," paglalahad ni Frederico, "sinigurado kong maisasama ka namin sa pag-urong at magagamot ka. Sobrang lubha nga ng tama mo, akala namin hindi ka na mabubuhay, sumapit na ang Pasko ng Pagkabuhay pero hindi ka pa rin nagigising, buti na lang ginamot ka ni Jason."
Napalingon si Juan sa mediko na may hindi maipaliwanag na ekpresyon sa kanyang mukha. Taliwas ito sa reaksyon ng sinumang sundalong iniligtas sa digmaan.
"I did everything in my power to save you, brother," nakangiting saad ng Amerikano, "thank God you're alive, its a miracle."
Napansin ni Juan ang swerong nakakabit sa kanyang kamay, imbes na matuwa, kumulo ang dugo niya sa sinabi ng Mediko. Matatapos na sana ang kanyang paghihirap, lilisanin na sana niya ang mundo at makakasama si Judith at ang kanyang pamilya, pero dahil sa pagliligtas at paggagamot nito sa kanya, hindi naisakatuparan ang mga iyon.
Nanggagalaiting hinablot ni Juan ang uniporme ni Jason at hinatak ito papalapit sa kanya, ang lahat ay nabigla sa kanyang inasta.
"Hey! What the..."
"Bakit mo ginawa iyon? Bakit mo pa ako ginamot? Bakit hindi mo na lang ako hinayaang mamatay?"
"I did it to save you," sagot ng mediko na lubos na naguguluhan sa kanyang reaksyon, "I don't want you to die. Its my duty to save lives!"
"Juan!" napalakas ang pagtawag ni Frederico sa kanya, "bitawan mo siya! Ano bang nangyayari sa iyo? Niligtas ka niya, utang mo sa kanya ang buhay mo."
"At sinong nagsabing gusto ko pang mabuhay?" nanginginig ang mga labi ni Juan habang nagtatanong. "Hirap na hirap na ako! Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay sa impyernong ito!"
Hindi na nakapagtimpi pa si Rodolfo at siya ay sumabat na, "akala mo ba ikaw lang ang nahihirapan? Hindi lang ikaw ang nagdurusa rito, Juan! Habang lumilipas ang mga buwan, mas lalo akong naghihirap, gustong-gusto ko ng umuwi at makita si Alicia, iwanan ang digmaang ito pero hindi ko magawa. Pare-pareho lang tayong nahihirapan."
"Hindi niyo alam ang nararamdaman ko!" Pagbwelta ni Juan. "Palibhasa may mga pamilya pa kayong uuwian, ako wala na! Susunduin na sana ako ni Judith, sasama na dapat ako sa kanya kung hindi niyo lang ako niligtas. Sana hindi na lang ako nabuhay! Sana pinabayaan niyo na lang akong mamatay!"
"Tumigil ka nga, Juan!" Sinaway ni Frederico ng pasigaw ang nanlulumong binata, "alam mo pa ba kung ano ang sinasabi mo? Sa totoo nga napakawerte mo at binigyan ka pa ng pagkakataong mabuhay. Isipin mo na lang ang iba nating mga kasamahan, lahat sila gusto pang mabuhay pero karamihan sa kanila hindi pinalad na makaligtas sa labanan. Isipin mo na lang si Cito at Sgt. Bal, binuwis nila ang kanilang mga buhay para sa bayan! Napakahalaga ng buhay nila para sa kanila pero sa huli, ito ang kanilang naging kabayaran para sa kalayaan ng Pilipinas. Tapos ikaw hinihiling mo pa na sana namatay ka na lang? Hindi mo ba alam kung gaano ka kapalad, kahit sinong Sundalo, itataya ang lahat ipagkaloob lang sa kanila ang isa pang araw para mabuhay, pero sa dinami-rami nila sa'yo ito ibinigay, Juan. Pahalagahan mo, pasalamatan mo!"
Bumuhos ang luha ni Juan sa mga sinabi ni Frederico sa kanya, binitawan niya si Jason at nagpatuloy na umiyak.
"Patawad," saad niya, "patawad sa inyong lahat, hindi ko na alam kung anong nangyayari sa akin. Sana maunawaan niyo ko."
"Nauunawaan ka namin, Juan," sagot ni Maximo, "masyado lang masakit sa'yo ang lahat."
"Si Sgt. Bal at si Cito, hindi dapat sila namatay, wala akong nagawa para iligtas sila, lalo na ang Sarhento, iniligtas niya ang buhay ko, para sa akin dapat ang balang tumama sa kanya, namatay siya ng dahil sa akin at wala man lang akong nagawa para suklian iyon."
"Hindi mo kasalanan, Juan," pinagagaan ni Frederico ang kanyang kalooban, "hindi natin hawak ang kanilang mga buhay, gawin na lang nating inspirasyon ang kanilang kabayanihan, paghawakan natin to para tayo ay lumaban."
***
Kinagabihan, habang nagpapahinga si Juan at nagpapagaling ng kanyang sugat, nagtungo sa kanya si Alfredo, Benito at Raul. Ang tatlong nasagutan sa kanyang mga kasamahan, nakabenda si Alfredo sa braso, ganoon na rin si Raul.
"Juan," yumuko si Alfredo at niyakap ang kaibigan, "salamat sa Diyos at buhay ka."
"Salamat, kaibigan," tugon ni Juan.
"Kamusta ang tama mo?"
"Malapit sa aking puso, milagro nga na gumaling pa ako."
"Hindi ka pinababayaan ng Diyos at ng iyong pamilya, sigurado ako sila ang sumagip sa iyo."
Tumango si Juan kay Alfredo.
"Kamusta ang braso mo?" siya naman ang nangamusta sa kanya.
"Ayos naman," sagot ni Alfredo, "medyo masakit pa pero malayo naman ito sa bituka, hindi ko ito ikamamatay."
"Mabuti naman," pagkatapos, si Benito naman ang kinausap niya, "Benito, ikaw, kamusta? Hanggang ngayon, payat at numumutla ka pa rin. Ayos ka lang ba?"
"Oo naman, Juan, ang sabi ni Jason sa akin unti-unti na ang aking paggaling, minsan sinasamaan pa rin ako ng katawan pero hindi na kasing lala ng dati," paninigurado ng binata.
"Masaya ako sa paggaling mo, sana magtuloy-tuloy na," hiling niya para sa nakababatang kasamahan. "Raul, nakikiramay ako para kay Cito."
"Salamat, Juan," malungkot na sagot ni Raul, "hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na wala na sila ng Sarhento."
"Ako rin, Raul, ako rin."
***
Pag-alis ng tatlo, lumapit naman kay Juan ang isang matikas na Sundalo na karanggo ng yumaong Sarhento.
"Kamusta naman ang lagay mo?" tanong niya sa malaking tinig ng isang sundalo.
"Mainam na naman po, Sir," sagot ni Juan.
"Ah oo nga pala, hindi pa ako nagpapakilala sa'yo," napagtanto ng Sarhento, "ako nga pala si Sgt. Robles, naatasan akong pamunuan ang pulutong niyo. Matalik akong kaibigan ni Sgt. Baldomero Asuncion. Nanghihinayang ako sa kinahinatnan niya."
"Iniligtas niya po ang buhay ko," pagkukuwento ni Juan, nangingilid ang mga luha sa kanyang mata. "Hinding-hindi ko po siya makakalimutan."
"Noon pa man, handa na siyang ibigay ang kanyang buhay para sa kanyang mga tauhan," pagpapatuloy ni Sgt. Robles, "likas na sa kanya ang pagiging magiting at hanggang sa huli, nanindigan siya para sa bayan. Huwag kang mag-alala, Juan. Poprotektahan ko kayo gaya ng pagprotekta niya sa inyong lahat. Makakaasa ka."
"Salamat po."
"Sige, baka naaabala ko na ang iyong pagpapahinga, magpagaling ka. Kaunting tiis na lang at matatapos na rin ang labanang ito."
April 9, 1942
Dumating na ang araw na tatatak sa kasaysayan, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo, ang araw kung kailan habang buhay na gugunitain ang mga magigiting at matatapang na Sundalo sa Bataan.
Ang Araw ng Kagitingan
Alas-onse ng umaga, nagtungo si General Edward P. King sa kampo ng mga Hapon upang makipag-usap. Isang araw bago ito, nagkaroon ng mahalagang pagpupulong si King kasama ang iba pang mga Commanders at Chief of Staff, pinagdiskusyunan nila ang tungkol sa lumalalang sitwasyon sa Bataan, naging taimtim ang naganap na pagtitipon. Sa kanilang pagsusuri, hindi na nila mapipigilan ang pagpunta ng mga Hapon sa Mariveles at pagbagtas nila sa Corregidor, marami na ang namatay sa mga Sundalong Amerikano at Filipino, marami na rin ang tumakas at marami na rin ang sugatan at maysakit. Sa pagkakataong ito, wala na silang maaaring gawin kundi ang sumuko at tanggapin ang pagkatalo sa mga Hapones kahit na mahigpit na bilin ni General McArthur na huwag na huwag silang susuko.
Nakipag-usap ang Amerikanong Heneral kay General Nakayama tungkol sa gagawin nilang pagsuko, hiniling ni King na ipatigil na ang patuloy na pagbobomba ng mga Hapon sa Bataan, ngunit hindi ito pinayagan ni Nakayama sapagkat may misyon pa ang kanilang mg hukbo hanggang hapon. Inaalala ang kapakanan ng mga maysakit at sugatan, muling nakiusap si King na kung maaari ay hayaan ng mga Hapon na makaalis ang kanilang mga hukbo sa pamumuno ng mga naitalaga nilang officers nang sa ganoon ay ligtas silang makaalis ng Bataan at makauwi sa kanilang mga pamilya. Hindi pumayag si Nakayama sa hiling ng heneral. Nais nilang sumuko mismo sa kanilang pwersa ang buong hukbo.
"Will our troops be well treated?" Nais makasigurado ni King na wala ng masasaktan sa kanila.
"We are not barbarians. Wirr you surrender unconditionarry?" Sagot ni Nakayama at ng iba pang mga Hapon.
Pinanghawakan niya ang mga pangakong binitawan ng nga Hapon na wala ng masasaktan sa mga sundalo basta sumuko lang sila ng mapayapa. Napagtanto ni Gen. King na wala na siyang iba pang pagpipilian, mas makakabuti pang sumuko na sila kaysa patuloy na dumanak ang dugo sa Bataan.
Bandang Alas-dose imedya ng tanghali, sumang-ayon ang Heneral sa kanilang naging kasunduan at tuluyan ng isinuko ang Bataan sa mga Hapon. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang armas sa mga Hapon at siya ay nagpahuli kasama ang kanyang mga tauhan bilang mga bilanggo. Ito ang naging marka ng pagtatapos ng Digmaan sa Bataan.
***
Ilang saglit lamang matapos ang pagsuko ni General King, nakatanggap ang lahat ng commanders at officers ng balita tungkol sa nangyari, nagbigay ng huling utos ang Heneral na magmartsa ang lahat ng natitirang sundalo sa Silangan at doon maghintay ng iba pang habilin.
Nalaman na ni Sgt. Robles ang tungkol sa magaganap na pagsuko ngunit hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob para sabihin ito ng diretso sa kanyang mga tauhan.
"Magsipaghanda kayo, naatasan tayong lahat ng Heneral na magmartsa sa Silangan," saad niya.
Nagtaka sila Juan pati na rin ang iba sa kanila pero lahat sila ay tumayo sa kanilang kinahihimlayan at sumang-ayon sa Sarhento.
"Sir Yes, sir."
"Tapos na," ibinulong ni Sgt. Robles, hindi niya alam narinig siya ng kanyang mga tauhan. "ito ang tatandaan niyo, anuman ang mangyari, magpakatatag kayo."
Bumilis ang kabog ng didbib ng bawat isa sa kanila, nararamdaman nila ang pag-aalangan ng kanilang bagong sarhento, nararamdaman nilang mayroong hindi magandang mangyayari, habang ang iba naman ay umaasa na baka tapos na nga ang tatlong buwang digmaan at nanalo na ang Pilipinas laban sa Japan.
***
Nagmartsa ang libo-libong sundalong Filipino at Amerikano patungo sa Silangan, narating nila ang lugar na sinasabi ng Heneral, sa kanilang pagkagulat, namataan nila ang mga Sundalong Hapones na nakapaligid at nakaabang sa kanilang lahat.
Nilapitan nila ang buong USAFFE na parang mga buwitreng nakahanap ng pagkain, itinutok nila ang kanilang mga baril at bayoneta sa kanila at sumigaw sa kanilang lengguahe na hindi nila maintindihan ngunit mauunawaan sa kanilang mga kilos. Pinapasuko na nila ang buong hukbo.
Pagkatapos, nakita nilang nakagapos si General King pati na rin ang kanyang mga tauhan bilang mga POW's.
Nang panahong iyon, napagtanto na ni Juan at ng kanyang mga kasamahan na sila ay hawak na ng mga Hapon.
Lumapit at ang ilang mababagsik na Hapon sa kanila, itinutok ang kanilang mga bayoneta sa kanila at inatasang sumuko.
"Down!" sigaw ni Sgt. Robles kung sakaling may Hapon na nakakaintindi ng ingles, "that's an order."
Lumuhod ang Sarhento at itinaas ang kanyang mga kamay bilang pagsuko. Sinundan ni Juan, Alfredo, Maximo, Benito, Gabriel, Eusebio at Jason ang kanyang halimbawa at sila rin ay lumuhod at itinaas ang kanilang mga kamay. Si Frederico, Rodolfo at Raul naman ay nanindigan sa kanilang kinatatatayuan ngunit sila ay napasunod na rin nang makitang nagsisiluhuran na ang lahat ng mga kasamahan.
Pagkatapos nilang sumuko, muling nag-utos ng pasigaw ang mga Hapon at itinuro ang kanilang mga kasuotan.
"Pockets!" sigaw ng isang Hapon na nakapagsasalita ng Ingles.
Tila naunawaan ni Robles ang nais mangyari ng mga Hapon, dumukot siya sa kanyang bulsa at ibinigay sa kanila ang kanyang pitaka na may lamang pera, agad itong kinuha ng mga Hapon.
Inilibas ni Eusebio ang wallet na ibinigay sa kanya ni Jason at agad itong hinablot ng mga Hapon. Nagagalak sila tuwing nakakakuha ng pera mula sa mga sumukong kalaban.
Kinuha ng bawat sundalo ang mga kanilang mga gamit na nakatago sa kanilang kasuotan at bulsa. Kinapkapan ng mga Hapon ang mga sundalong ayaw maglabas ng kanilang mga gamit at dinukot nila ang lahat ng kanilang makukuha mula sa kanila.
Isinuko nila sa mga manlulupig ang kanilang mga bibliya, rosaryo, relo, sigarilyo, pagkain, kuwintas, kutsilyo, baril, granada at iba pang mga kagamitang maaari nilang pakinabangan. Natutuwa sila tuwing makakakuha sila ng mga pera at alahas mula sa kanilang mga bihag. Nanggagalaiti naman sila tuwing makakakuha sila ng mga kagamitan at perang panghapon, pinagpapalagay nilang ninakaw ito sa mga namatay nilang kasamahan at walang pagdadalawang-isip nilang binabaril at sinasaksak ang mga sundalong nakuhanan kahit na sila ay magmakaawa pa.
Itinuro si Juan ng isang Sundalong Hapon, dahan-dahang dinukot ni Juan sa kanyang bulsa ang mga bagay na nagsisilbing alaala ng kanyang pamilya: Ang kanilang litrato at ang sunog na laso ng kanyang pamangking si Judith.
Pagmamasdan pa niya sana ito sa huling pagkakataon kaya lang agaran itong hinablot at kinumpiska ng mga Hapon sa kanyang kamay. Maluha-luha si Juan na mawalay sa kanya ang mga alaalang ito.
Paalam na sa aking pamilya.
Ang lahat ay nagbigay na ng kanilang mga kagamitan sa mga Hapon bukod sa isa, si Rodolfo. Hindi niya kayang ibigay sa kanila ang litrato ng kanyang pinakamamahal na si Alicia.
Nasulyapan siya ng isang Hapon at itinuro nito ang kanyang bulsa. Nang dahil sa takot sa mga mananakop, labag sa kalooban na dinukot ni Rodolfo ang imahe ng kanyang kasintahan.
Mabilis itong kinuha ng isang Hapon, tila natipuhan niya ang litrato ng magandang dalagita at tinawag niya ang kanyang kasamahan. Itinuro niya ang litrato sa kasama at sila ay sabay na nagtawanan habang pinagmamasdan ito.
Nakita ni Rodolfo ang pagnanasa ng dalawa sa kanyang mahal na kasintahan, nandilim ang kanyang paningin. Tumayo siya paalis sa kanyang linya at nilundagan ang dalawang Hapon upang bawiin ang imahe.
"Hayop kayo! Akin na yan!" sigaw niya.
Matagumpay niyang nabawi ang litrato nang biglang tumunog ang tira ng baril. Binaril siya ng isang Hapon sa likuran.
Napabagsak si Rodolfo hawak-hawak ang litrato, nilapitan siya ng Sundalong bumaril sa kanya, pagkatapos muli niya itong niratrat ng kanyang rifle.
Nagtalsikan sa kanyang mukha ang dugo ni Rodolfo. Bumulwak ang kanyang umaagos na dugo at nalagyan nito ang imahe ni Alicia. Namatay siya na hindi man lang nakikita ang babaing minamahal.
Kinilabutan ang lahat sa ginawang pagpatay ng mga Hapon sa kanilang kaibigan. Nanghina ang buong katauhan ni Juan pati na rin si Alfredo, Maximo, Gabriel at Benito. Naiyak naman si Frederico at Raul sa sinapit ng kaibigan nang dahil sa pag-ibig.
Hindi pa man nagtatagal ang kanilang pagsuko, isa na namang kaibigan ang nalagas sa kanila.
Tumindig ang mataas na Sundalong pumaslang kay Rodolfo. "You foors! Act rike him and you die!"
Pagkatapos nito, wala nang nangahas na kumalaban sa mga Hapon. Noong araw na iyon, 76,000 na Sundalong Filipino at Amerikano ang sumuko sa mga Hapon, ang pinakamarami sa kasaysayan ng Amerika mula pa noong Civil War. Tumagal ang labanan sa Bataan sa loob ng 93 na araw, ang Pilipinas ang pinakamatagal na sumuko sa mga Hapon sa buong Timog Silangang Asya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ipinapakita lamang rito kung gaano katatag ang pagmamahal ng mga Flipino para sa kanilang bansa.
***
Hindi nagtagal pagkatapos isuko ang Bataan sa mga Hapon, ipinahayag ni Third Lieutenant Reyes ang naganap na pagsuko sa "Voice of Freedom" Radio Broadcast:
"Bataan has fallen. The Philippine-American troops on this war-ravaged and bloodstained peninsula have laid down their arms. With heads bloody but unbowed, they have yielded to the superior force and numbers of the enemy.
The world will long remember the epic struggle that Filipino and American soldiers put up in the jungle fastness and along the rugged coast of Bataan. They have stood up uncomplaining under the constant and grueling fire of the enemy for more than three months. Besieged on land and blockaded by sea, cut off from all sources of help in the Philippines and in America, the intrepid fighters have done all that human endurance could bear.
For what sustained them through all these months of incessant battle was a force that was more than merely physical. It was the force of an unconquerable faith—something in the heart and soul that physical hardship and adversity could not destroy. It was the thought of native land and all that it holds most dear, the thought of freedom and dignity and pride in these most priceless of all our human prerogatives.
The adversary, in the pride of his power and triumph, will credit our troops with nothing less than the courage and fortitude that his own troops have shown in battle. Our men have fought a brave and bitterly contested struggle. All the world will testify to the most superhuman endurance with which they stood up until the last in the face of overwhelming odds.
But the decision had to come. Men fighting under the banner of unshakable faith are made of something more than flesh, but they are not made of impervious steel. The flesh must yield at last, endurance melts away, and the end of the battle must come.
Bataan has fallen, but the spirit that made it stand—a beacon to all the liberty-loving peoples of the world—cannot fall!"
Nang marinig ito ng mga Sundalong naitalaga sa Corregidor, hindi nila napigilan ang kanilang emosyon para sa mga bumagsak na kababayan, gayunpaman, nagpatuloy pa rin ang kanilang ginawang pagbabantay sa Corregidor.
Nagbigay rin ng pahayag si General Douglas McArthur sa naganap na pagsuko ng Bataan sa mga Hapon:
"The Bataan Force went out as it would have wished, fighting to the end its flickering, forlorn hope. No army has done so much with so little, and nothing became it more than its last hour of trial and agony. To the weeping mothers of its dead, I can only say that the sacrifice and halo of Jesus of Nazareth has descended upon their sons, and that God will take them unto Himself."
Nabalita sa buong Pilipinas ang pagbagsak ng Bataan sa mga Hapon, sa Maynila, ito ang naging paksa sa kwentuhan ng mga tao habang patuloy na sinasakop ng mga Hapon ang Ginintuang Siyudad, marami ang nalungkot sa nasabing balita, kabilang na rito ang kasintahan ni Juan na si Angelita, na sa kabila ng mga nangyayaring kaguluhan ay patuloy pa rin ang pagtatrabaho sa Ospital.
"Juan, Onat, sana naman ay makabalik kayo rito ng ligtas," saad niya sa kanyang sarili.
***
Sa Mariveles at Bagac, pinaglinya ng mga Hapon ang mga sumukong Sundalo bilang paghahanda sa kanilang Martsa mula sa Bataan hanggang sa Capas, Tarlac. Karamihan sa mga sundalo ay walang kaalam-alam kung saan sila papunta at kung gaano kalayo ang kanilang lalakbayin, sinunod na lang nila kung ano ang ipinapagawa sa kanila ng mga Hapon.
Luminya sila Juan at ang iba niyang kasamahan kasama ang iba pang mga sundalo, walang kaalam-alam sa kanilang sasapitin at kahihinatnan.
Tumabi si Maximo sa kanyang Kuya Alfredo, natatakot siya ngunit lumalakas ang kanyang loob tuwing kasama niya ang kapatid.
"Ano kayang mangyayari sa atin, Kuya?" tanong niya. "Makakabalik pa kaya tayo kina Inay at Itay?"
"Oo naman, Kapatid," bumugtong-hininga si Alfredo, nais niyang maging postibo para palakasin ang loob ng kapatid, ngunit sa totoo lang, hindi niya rin alam ang sagot sa kanyang katanungan. "Makakauwi na tayo pagkatapos nito, tapos na ang labanan, nakaligtas tayo."
Totoo ngang natapos na ang digmaan laban sa mga baril at armas ng mga Hapon pero hindi nila alam na mayroon pa silang kakaharapin na panibagong laban: Ang laban para mabuhay at ang pakikipagsapalaran laban sa Martsa ng Kamatayan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro