Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 12

April 3, 1942 (Good Friday)

Biyernes Santo, ang araw kung kailan isinakripisyo ng Anak ng Diyos ang kanyang buhay para sa sanlibutan, ang araw kung kailan iaalay ng Anak ng Bayan ang kanilang mga buhay para sa Pilipinas.

Dumadagundong ang buong Bataan sa pagsabog ng mga bomba at pagputok ng mga baril na siyang yumayanig sa Bundok Samat. Sa itaas ng kabundukan, nakahanda na ang mga bagong dating na sundalong Hapon, dala-dala ang kanilang mga bagong baril, artilerya, tangke at howitzers. Sa himpapawid naman, maririnig ang nakakabinging ingay ng kanilang mga eroplano kasabay ng mga putukan at bombahan. Pumwesto sila sa kataas-taasan ng kabundukan upang madaling maaninag ang linya ng USAFFE, sa ganitong paraan, makakalamang ang mga Hapon at malaya silang tirahin ang mga kalaban nang hindi sila nakikita habang inuubos nila ang mga ito.

Sabay-sabay na pinaputukan ng mga manlulupig ang mga Sundalong Filipino at Amerikano sa kanilang pormasyon, hindi naman nagpatinag ang mga magigiting na sundalo at buong tapang nilang hinarap ang mga Hapon na nagsasagawa ng Banzai Attacks.

Dahil sa awit at mga pangaral ni Sgt. Bal, muling nagkaroon ng lakas ng loob ang kanyang Squad na labanan ang kanilang mga kalaban, gaano man kalala at kapanganib ang kanilang sitwasyon sa mga oras na ito. Buhay man nila ang maging kapalit.

Inasinta nila Juan, Alfredo, Maximo at Frederico ang mga Hapon na tila nagpapatiwakal at walang pag-iingat na lumulusob, nakipagmano-mano ulit si Sgt. Bal sa mga mapangahas na kalaban, ang ilan sa kanila ay pinakain niya ng alikabok sa kanyang liksi at husay sa pakikidigma.

Masigasig na pinapuputukan ni Gabriel ang bawat Hapon na kanyang namamataan, hindi inaalintana ang nakabubulabog na putukan ng mga bomba sa paligid. Kahit na siya ay maysakit at nananamlay, inalala ni Benito ang turo ng Sarhento na isa siyang sundalo at dapat siyang lumaban, kinuha niya ang kanyang rifle, tumayo kahit na pasuray-suray at pinaputukan ang mga kalaban. Nakapatay siya ng ilan bago siya bumagsak sa lupa sa panghihina na dulot ng Malaria.

"Benito!"

Inalalayan ni Gabriel ang maysakit na kaibigan, ihiniga ito sa kanyang likuran habang siya ay patuloy sa paggamit ng kanyang artilerya. Kaunti na lamang ang natitira sa kanyang mortar shells pero para sa kanya tuloy pa rin ang laban.

Nagpaputok ng kanilang mga rifle mula sa kalayuan ang mga nakatagong Hapon at umulan ng bala sa bawat sulok ng kabundukan, natamaan ang marami sa mga natitirang Sundalo ng USAFFE, sa bawat pagputok ng bala, buhay ang nakikitil.

Walang humpay ang pagtira ng mga bala ngunit hindi nila alam kung saan ito nagmumula sapagkat nakaharang ang mga puno at halaman sa kagubatan at nagsisilbi itong proteksyon ng mga katunggali. Walang nagawa ang mga sundalo kundi hanapin at pakiramdaman kung saan nagmumula ang mga bala at sa isang iglap, sila'y walang kalaban-laban na tinamaan sa kanilang kinatatayuan, tumatagos ang mga bala sa kanilang mga ulo at katawan. Napagpasyahan ni Juan at ng kanyang mga kasamahan na maghanap ng maaari nilang taguan habang patuloy ang paghagupit ng kanilang mga bala. Nagtago si Gabriel sa likod ng kanyang artilerya, matagumpay nilang nailagan ang mga ligaw na bala, ngunit marami-rami rin ang hindi pinalad. Byernes Santo ng maganap ang pinakamatinding pagtutous ng dalawang magkalabang pwersa. Kasabay ng paggunita sa sakripisyo ni Hesus sa krus ng kalbaryo, naganap ang dakilang sakripisyo ng mga bayaning sundalo na nagbuwis ng kanilang mga buhay sa puso ng Bundok Samat.

"Gabriel," pabulong na pagtawag ni Benito sa kasagsagan ng digmaan, "mukhang hindi na tayo makakaalis sa lugar na to."

"Huwag mong sabihin iyan," naluluhang sinaway ni Gabriel ang kaibigan, "makakaalis tayo dito ng buhay!"

Titira pa sana si Gabriel ngunit napagtanto niyang wala ng bala ang kanyang artilerya, nagpasya siyang umurong na muna kasama ang nanghihinang si Benito, bahagyang iniiwasan ang mga granada at bombang sumasabog sa paligid.

Maraming maysakit na sundalo ang sinubukang makidigma ngunit wala silang laban sa lakas ng mga bagong dating na reinforcements ng mga Hapon, bumagsak silang nanghihina sa kabundukan, at sinamantala ng mga manlulupig ang pagkakataon at pinagtutusok nila ito ng mga bayoneta at ang iba naman ay pinagbabaril sa ulo.

Nang makita ni Frederico ang pagpaslang nila sa kanyang mga kakabayan, kumulo ang kanyang dugo sa pagkamuhi, "wala na tayong magagawa, sugurin na natin ang mga animal na iyan!"

"Tara sugurin na natin sila!" pagyayaya ni Cito.

Lumabas si Frederico sa kanyang pinagtataguan at siya'y sinundan nila Rodolfo, Eusebio, Raul at Cito.

Sinalubong nila ang mga Hapon na para silang sumalubong sa rumaragasang ilog, pinagnaratrat nilang lima ang mga kalaban, hindi natatakot sa kung ano man ang mangyari sa kanila.

Nagpalitan ng bala ang magkabilang panig, nalagasan nila ang kalaban at matagumpay na naiwasan ang kanilang pagbwelta, tinodo ni Raul at Cito ang kanilang pagpaslang sa mga Hapon.

"Ubusin na natin sila, Cito!" saad ni Raul.

Sa gitna ng umaatikabong bakbakan, sumulpot ang isang matangkad na Hapon at nakipagsabayan ito ng tira sa kanila. Tinarget nito ang magkaibigan at sunod-sunod ang pinakawalan niyang mga tira. Tinamaan si Cito, natadtad ang kanyang katawan at nagkagutay-gutay ang kanyang uniporme sa dami ng balang tumama sa kanya.

"Cito!" sigaw ng kanyang kaibigang si Raul, napalingon si Frederico at Rodolfo at nakita nilang natamaan ang isa nilang kaibigan, wala ng buhay ang binata bago pa siya bumagsak sa lupa, nakadilat pa ang kanyang mga mata at umaagos ang dugo mula sa kanyang katawan at bibig.

Sumigaw sa paghihinagpis si Raul at matapang niyang sinugod ang Hapon na nakapatay sa kanyang kaibigan, bago pa niya maipaghiganti si Cito, binaril siya nito sa braso.

Hinatak siya palayo ni Rodolfo habang si Frederico naman ang nakipagbarilan sa kanya, nagtago si Frederico sa halamanan nang maghagis ito ng granada, tumalon siya palayo at lumundag sa Hapon, nagpagulong-gulong sila sa malubak na kabundukan, mabilis siyang kumuha ng baril sa kanyang bulsa at ipinutok ito sa sikmura ng banyagang pumaslang sa kanyang kaibigan at napatay ito.

Sa kabilang sulok naman, nakikipaglaban sina Juan, Sgt. Bal, Alfredo at Maximo. Gumamit si Maximo ng Flamethrowers at sinunog ang mga nakapaligid na Hapon. Nakikipagbarilan naman si Alfredo sa mga kalaban nang bigla siyang maubusan ng bala, napagtanto ito ng kanyang kalaban, hindi nito pinalagpas ang pagkakataon at binaril nito si Alfredo sa braso.

"Kuya!" sigaw ni Maximo. Nilapitan niya ang nasugatang kapatid.

"Wala to, daplis lang," sagot ng kanyang kuya.

Napalingon si Sgt. Bal sa magkapatid, pagkatapos lumingon naman siya sa kanyang harapan, marami pang pasugod na mga Hapon sa kanilang hanay.

"Maximo, iligtas mo ang kuya mo! Umalis na kayo!"

Tumango si Maximo, inalalayan niya patayo ang sugatang kapatid at tumakbo na parang mailap na hayop.

Sinamahan ni Juan si Sgt. Bal sa pakikipaglaban sa mga Hapon, habang sila ay nakikipagdigma, isang nakagigimbal na pagsabog ang yumanig sa kabundukan at bumulabog sa kanilang mga pandinig. Dumating na ang mga tangke ng mga Hapon, kasama ang kanilang mga Howitzers at pati na rin ang mga eroplanong pambomba. Sabay-sabay silang nagpasabog, tinitira ang lahat ng gumagalaw sa kanilang palagid. Walang pinapalagpas na kalaban, marami ang tinamaan at hindi na mabilang ang mga nasawi, tuluyan nang gumuho ang morale ng mga Sundalong Filipino at Amerikano at sila ay nagtakbuhan palayo para tumakas. Inalalayan ni Maximo ang kapatid na si Alfredo, ganoon na rin si Gabriel at Rodolfo kay Benito at Raul, muntikan na silang tamaan ng bomba pero sa kabutihang palad, sila ay nakalayo ng ligtas sa labanan. Inalalayan naman ni Jason ang ilang sugatan at maysakit na kasamahan habang si Eusebio ay nasa kanilang likuran upang sila ay protektahan sa mga magtatangkang pumatay sa kanila sila. Sa sunod-sunod na pagsabog, nagkalasog-lasog ang katawan ng mga sundalong nagbabalak tumakas ngunit hindi pinalad. Walang humpay ang ginawang pagpapasabog ng mga Hapon sa bawat sulok, at nagmistulang impyerno at bundok ng apoy ang Mt. Samat. Natupok ng apoy ang malaking bahagi ng kabundukan, nagkalat ang mga bangkay at nagbaha ang dugo ng mga bayani sa damuhan kung saan ito ay sinisipsip ng kalupaan.

Natulala si Sgt. Bal at Juan sa kanilang nasaksihan, hindi nila akalaing ganitong kalakas ang pagbawi ng mga Hapon, tila inipon na nila ang lahat ng kanilang mga tao, pwersa at armas upang ubusin silang lahat. Pagdating sa lahat ng ito, lamang sa kanila ng malaking porsiyento ang mga kaaway. Dumating na ang araw na kinatatakutan ng Sarhento. Ang araw na tuluyan na silang matatalo ng mga kalaban. Noong mga panahong iyon, tila naubos na ang lahat ng pag-asang natitira kay Juan, lalo na ng makita niya ang mga tumatakas na kababayan na patuloy na inuusig ng mga mananakop.

Paano namin malalabanan ang kanilang pwersa? Para kaming mga pusang nakipaglaban sa mga Tigre. Wala na bang halaga ang aming pakikipaglaban? Dapat na bang tanggapin namin ang pagkatalo? Itinadhana ba kaming makipaglaban para matalo at mamatay lamang?

Napalingon siya sa Sarhento na sa kabila ng hinaharap na kapahamakan ay patuloy na pa rin na nakikipaglaban sa mga dayuhan, hindi inaalintana kung ano man ang maaari niyang sapatin.

Hindi dapat kami sumuko, kung si Hesus nga pinasan ang Krus ng Kalbaryo, kung ito ang krus na kailangan naming pasanin, sino ba naman kami para tanggihan ito.

Nagkaroon muli ng lakas ng loob si Juan at nakipagsabayan siya sa kanyang Sarhento, kahit na may bombahan at pagbagyo ng mga bala, patuloy pa rin ang Banzai Attacks ng mga Hapon.

Nakikipagsuntukan naman si Sarhento Bal sa isang Hapon na nagtatangkang tusukin siya ng bayoneta, nagpagulong-gulong sila pababa ng kabundukan at nagpapaligsahan ang magkalaban kung sino ang mangingibabaw sa kanila. Nag-isip ng paraan si Juan kung papaano niya matutulungan ang Sarhento, itinapat niya ang kanyang rifle sa kalaban ngunit nang ito'y kanyang iputok, wala na pala itong bala. Tumingin siya sa paligid at nakakuha ng ideya. Nakakita siya ng malalaking piraso ng mga bato, iginulong niya pababa ang mga ito patungo sa kalaban ng Sarhento.

"Sarge!" babala ni Juan.

Namataan ni Sgt. Bal at ng Hapon ang mga batong gumugulong pababa sa kanila at pareho nila itong inilagan, itinuon ng kalaban ang kanyang pansin kay Juan at itinapat ang kanyang rifle sa binata.

Napansin ito ni Sgt. Bal at mabilis niyang nilundagan ang Hapon para maligtas si Juan. Pumutok ang kanyang armas sa tapat ng Sarhento at siya ay tinamaan sa sikmura.

Napasigaw ang Sarhento sa sakit at siya ay bumagsak sa kalupaan, tutusukin na sana siya ng bayoneta pero binaril ni Frederico ang Hapon na nakaengkwentro niya.

"Sarge!" sigaw ni Juan.

Tumakbo siya patungo sa Sarhento upang tulungan ito ngunit napagtanto niyang papalapit na ang ilang dosenang mga Hapon.

"Juan, umalis ka na!" sigaw ni Sgt. Bal sa kanya. "Pabayaan mo na ako! Ligtas mo na ang sarili mo!"

Sa mga tinig ni Sgt. Bal, mahahalatang alam na niya ang kanyang sasapitin at tanggap na niya ito ng buong tapang.

Hindi pinakinggan ni Juan ang kanyang utos at nagpatuloy siya sa pagtakbo, sinundan naman siya ni Frederico at hinarangan.

"Juan, tara na, sundin natin ang Sarhento!"

"Hindi! Kailangan natin siyang iligtas!" paninindigan ni Juan. "Hindi tayo aalis ng wala siya."

Palapit na ang mga nagsusugurang Hapon sa kinaroroonan ng Sarhento.

"Masyadong delikado! Mamamatay tayo! Tara na!" Pamimilit ni Frederico.

"Umalis na kayo!" sigaw ni Sgt. Bal. "sige na!"

Isang Hapon ang naghagis ng granada patungo sa dalawang binatilyo.

"Takbo!" Hinatak ni Frederico si Juan palayo. Walang nagawa si Juan kundi umalis kasama ang kaibigan.

Bahagya nilang naiwasan ang pagsabog ng granada. Sumabog ito ilang hakbang lang malapit sa kanila.

Habang sila ay tumatakbo, napalingon si Juan sa Sarhento, nangungusap ang kanyang mga mata at namumuo ang kanyang mga luha, narating siya ng mga Hapon, sabay-sabay nilang pinagbabaril ang kaawa-awang Sarhento, pagkatapos itinaas nila ang kanilang mga bayoneta at itinusok ito sa kanyang tagliran upang masiguradong patay na siya, gaya ng ginawa kay Hesus ilang libong taon na ang nakalipas, bumaha ang kanyang dugo sa kanyang kinahihimlayan. Nanatili siyang nakadilat at tumulo ang huling luha ng kanyang mga mata. Ang luha ng isang bayaning nag-alay ng kanyang buhay para sa bayan.

Sa kalayuan, naaninag ni Juan ang mga Hapon na pumaslang sa Sarhento, nanaig ang kanyang poot, kumalas siya kay Frederico at hinablot ang isang baril sa kanyang bulsa.

"Juan!" sigaw ni Frederico.

Tulad ng kanyang ginawa noon, wala ng inaasam ngayon si Juan kundi paslangin ang lahat ng mga Hapon. Hindi niya maaaring palagpasin ang ginawa nila sa kanyang Sarhento.

Sumigaw siya ng may pagkamuhi at napukaw niya ang pansin ng mga mananakop, itinapat ng isang Hapon ang kanyang rifle sa pasugod na binata at siya ay nagpaputok.

Napatigil si Juan sa kanyang pagsugod, tinignan niya ang kanyang kaliwang dibdib at napagtanto niyang tinamaan siya ng bala malapit sa kanyang puso, dahan-dahan siyang napabagsak sa kabundukan, ipinikit niya ang kanyang mga mata at nilamon ng kawalan ang kanyang kamalayan.

***

Natagpuan ni Juan ang kanyang sarili, sa isang lugar na pamilyar ngunit naiiba sa kanyang pagkakaalala, sa isang kabundukan, sa Bundok Samat. Mapayapa ang kabundukan, ni walang bakas ng giyera, taliwas sa kagila-gilalas nitong anyo noong siya ay nakikipagdigma.

Ano na naman ito, isa na naman bang panaginip?

"Tito Juan," maligayang pagtawag ng isang taong napakahalaga sa kanya.

Sa tinig pa lang niya, alam na ni Juan kung sino ito. Ang kanyang mahal na pamangking si Judith.

"Judith," naluluhang saad ni Juan nang makita ang pamangkin sa may tuktok ng kabundukan, nakalaso at damit na puti, at kasing kinang ng araw ang kutis.

"Bakit ka po malungkot?" tanong ng bata.

"Ah Judith, hindi malungkot ang Tito Juan mo," sagot niya sa bata, "sa totoo nga, masaya ako dahil nakita kita ulit, at sa pangalawang pagkakataon."

"Tito Juan, malungkot ka po eh," Inosenteng sagot sa kanya ni Judith, "bakit po ba?"

"Kasi Judith..." Humagulgol na si Juan, hindi na niya napigilan pa ang pagbubos ng kanyang emosyon.

Nilapitan siya ni Judith, lumuhod si Juan sa kanyang harapan, hinawakan ng kanyang pamangkin ang kanyang balikat.

"Hirap na hirap na ang Tito Juan mo, sobrang dami ko ng sakit at pagdurusang dinanas nang dahil sa digmaang ito, mula ng mawala kayong lahat sa akin. Hindi ko na alam kung kakayanin ko pang manatili at mabuhay sa mundong puno ng gulo at paghihirap. Judith, kung maaari lang sana, sasama na ako sa iyo, gusto ko na kayong makapiling muli, isama mo na ako kung saan man kayo naroroon, sunduin mo na ako, pakiusap, mapapagbigyan mo ba ang Tito Juan?"

Taimtim na nakatitig sa kanya ang maamong mata ng pamangkin, pagkatapos siya ay nakangiting tumango sa kanya, inialok niya ang kanyang kamay sa kanyang tiyuhin.

Pinakawalan ni Juan ang isang bugtong hininga na puno ng galak, natuwa siya ng ialok ni Judith ang kanyang kamay sa kanya.

Dahan-dahang inilapit ni Juan ang kanyang kamay sa maliit na palad ni Judith, handa na siyang sumama sa kanyang pamangkin.

Sandali na lang at matatapos na rin ang paghihirap ko, pagkahawak ko sa iyong kamay, iiwanan ko na ang lahat.

Magtatagpo na ang kanilang mga kamay nang biglang gumuho ang kalupaan sa kinaroroonan ni Juan, nagkaroon ng isang malaking butas at siya ay nahulog sa kadiliman at kawalan, papalayo sa piling ng kanyang mahal na pamangkin.

***

"Hello? Can you hear me?"

Isang tinig ang muling narinig ni Juan, malabo pa ang kanyang panrinig at balot pa ng madilim na kawalan ang kanyang paningin at kamalayan. Hindi nagtagal, unti-unti niyang idinilat ang kanyang mga mata.

"Look! He's waking up!" nasilayan ni Juan si Jason na nakangiti sa kanya.

Masayang nilapitan ni Frederico, Maximo, Eusebio at Rodolfo ang sugatang binata na ngayon lang nagkamalay.

Nakatulala lamang si Juan sa kanila, tila manhid para maramdaman ang anumang emosyon, buhay man siya sa panlabas, patay naman ang kanyang kalooban.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro