Kabanata 11
Muling nagsipaghanda ang buong USAFFE sa muling pagsalakay ng mga Hapon sa kanilang huling linya ng depensa, ang linya sa Orion at Bagac.
"Sa mga susunod na araw, susunod na linggo at mga susunod na buwan nakasalalay ang kinabukasan ng Pilipinas. Ito na ang pinakamatinding pagsubok na ating kakaharapin sa giyerang ito, kailangang maging handa tayo anuman ang mangyari, kailangan nating depensahan ang Bataan sa abot ng ating makakaya."
"Huwag kang mag-alala, Sarge," taas-noong iwinika ni Juan, "gagawin namin ang aming tungkulin sa Pilipinas, kahit ano man ang maging kapalit."
"Tama si Juan, Sarge," dagdag ni Frederico, "kung magyayabang lang rin ako, gagamitin ko na sa tamang paraan, hindi kami panghihinaan ng loob, hindi kami magpasisindak ng mga Hapon at tatalunin namin sila. Hindi kami papayag na api-apihin nila tayo sa sarili nating bansa. Lalaban tayo."
Napangiti si Sgt. Bal sa sinaad ni Frederico.
***
Mabilis pa sa alas-kwatro, nagsimulang lusubin ng mga Hapones ang Orion-Bagac line, magiting na nakipagdigma ang buong hukbo ng Amerika at Pilipinas at kahit na paulit-ulit ang kanilang pag-atake, hindi nila magawang magtagumpay sa pagsakop sa Bataan, bagkus nababawasan lamang ang kanilang mga pwersa sa dami ng mga nasawing sundalo.
January 22-February 22, 1942
Sa loob ng isang buwan, nagpatuloy ang matinding sagupaan sa pagitan ng magkalabang pwersa, nag-isip ng ibang taktika ang mga Hapon para masakop ang Bataan, gamit ang kanilang mga barko, nagtungo sila sa Timog Kanluran ng Bataan upang maiwasan ang kalaban, ang hindi nila alam, nakahanda na ang buong Philippine Constabulary Units, Naval Infantry Battalion at US Army Air force, naganap ang bakbakan sa karagatan kung saan matagumpay nilang napabagsak ang mga barko ng mga Hapon bago pa man nila marating ang kanilang destinasyon. Ang iba naman ay matagumpay na nakarating sa dalampasigan ngunit panandalian lamang ang kanilang tagumpay sapagkat sila ay napatay ng Philippine Constabulary Unit bago pa man nila mapasok ang bayan at nagkalat ang kanilang mga katawan sa dalampasigan, ang digmaang ito ay binansagang "Battle of the Points."
Samantala, sa bayan ng Bagac, matagumpay na napasok ng mga Hapon ang linya ng depensa at napasakanila ang Tuol River, pinaligiran nila ang mga Sundalong Filipino at Amerikano pero hindi sila nagpasindak sa kanila. Mula Enero 23 hanggang Pebrero 17, naganap ang matinding labanan kung saan matagumpay nilang napaslang ang mga Hapon na may hawak ng linya, gamit ang kanilang mga tangke, sa kabila ng matinding putukan at pag-ulan ng mga bala. Hindi nagtagal muli nilang nabawi ang mga lugar na naging okupado ng mga Hapon at napanatili ang linya sa Kanluran sa bayan ng Bagac. Ang digmaang ito kung saan muling nagtagumpay ang USAFFE ay pinangalanang "Battle of the Pockets."
Dahil sa magkasunod na pagkabigo ng mga Hapones, nagpasya muna si Homma na pansamantalang itigil ng kanyang pwersa ang paglusob sa Bataan, napagtanto niyang oras na para mag-isip ng iba pang estratehiya.
Mid February- Late March, 1942
Nang mabalitaan ni Sgt.Bal at ng iba pang sundalo sa Linya ng Orion ang sunod-sunod na tagumpay ng kanilang hukbo sa Battle of the Points at Battle of the Pockets, sila ay nagbunyi at nagkaroon sila ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang kanilang pagdepensa.
"Tignan mo nga naman ang mga hilaw na Hapon, kahit ilang beses pa nila tayo salakayin, hindi pa rin nila magawang angkinin ang Bataan," pagmamalaki ni Rodolfo sa kanilang mga kasamahan.
"Oo nga, sa kinalalabasan ng digmaan ngayon, mataas ang pag-asa ko na sa huli tayo rin ang mananalo sa digmaang ito," sagot ni Alfredo.
"Ibig sabihin ba nito, malapit-lapit na tayong makauwi sa ating nga pamilya?" tanong ni Benito.
"Manalig ka lang, anak," maligayang itinugon ni Sgt. Bal sa binatilyo.
Masayang-masaya ang lahat na pumapabor sa kanila ang digmaan, karamihan sa kanila ay naghahanda na sa pagbabalik sa kanilang mga tahanan.
***
Isang araw, habang sila ay nanananghalian sa kanilang mga trintsera sa kagubatan, nakarinig sila ng isang nakaririnding ingay mula sa himpapawid.
"Ano iyon?" tanong ni Maximo.
Tumingala sila sa kalangitan at namataan nila ang mga eroplanong lumilipad.
"Tignan niyo!" pagtuturo ni Benito sa kanyang mga kasamahan.
Nanlaki ang mga mata ni Juan nang mamukhaan ang eroplano, Pareho ito ng eroplanong lumipad sa himpapawid ng Intramuros noong araw na mapaslang ang kanyang pamilya.
"Eroplano ng mga Hapon!" napalakas ang kanyang tinig.
"Quick! Magsipaghanda kayo!" utos ni Sgt. Bal.
Nagmadali ang lahat sa nagbabadyang panganib at kinuha ang kanilang mga armas.
Parang mga ibon na dumaan sa kanilang itaas ang mga Eroplano, pero sa kanilang pagkagulat, hindi sila tinira o pinaputukan ng mga ito, naglaglag lamang sila ng maraming piraso ng papel.
Lumagpas ang mga Eroplano sa kanila at nagpatuloy ito sa paglipad hanggang sa tuluyan na itong naglaho sa kanilang mga paningin. Nagkalat ang mga papel sa buong paligid.
"What's this?" pinulot ni Jason ang isang malaking papel. Tinignan niya ito ng mabuti at nakita niya ang iginuhit na litrato ng mga Amerikano kung saan nakasakay ang isang banyaga sa isang kalesa at ang isang Filipino ang nagsisilbing kabayo. Binasa niya ang nakasulat sa papel.
"Americans are the real oppressors."
Pinulot rin ng iba pa ang mga papel at sari-sari ang mga nakalagay na paninira ng mga Hapon sa Estados Unidos. Nakalagay rin rito ang mga katagang "Philippines is for the Filipinos. Asia is for Asians" bilang kanilang propaganda. Nais nilang mahikayat ang mga Sundalong Filipino na makipagtulungan sa mga Hapon at iwanan na ang mga kasamahang Amerikano.
Pinulot nila Frederico, Alfredo at Rodolfo ang ilang papel, ang iba ay mga litrato ng mga kababaihang Filipina na may kasamang mga sanggol at mga bata, mga dalagitang nakuhanan ng mga Hapon. Maging si Juan ay nagpulot at tinignan niya ang imahe ng isang ina na may kasamang batang babae.
"Bakit nila ito ginagawa?" tanong ni Eusebio.
"Patibong ito ng mga Hapon," taimtim na palagay ni Sgt. Bal, "hindi sila manalo gamit ang kanilang mga baril kaya ngayon, sinusubukan nilang patayin ang ating paninidigan at hikayatin na sumuko tayo sa kanila."
"Puro masama...sabi nila...sa America," saad ni Jason.
"Tama ka, Jason, iyan ang gusto nilang mangyari, ang mapasama ang Amerika at talikuran ng mga Filipino ang mga Amerikano."
"Pahagis-hagis pa sila ng litrato ng mga babae," inis na saad ni Rodolfo, "akala naman nila uubra iyan."
"Isa pa iyan," sagot ni Sgt. Bal, "lalo nila kayong pinasasabik na umuwi na sa inyong mga tahanan, sa pamamagitan ng pagpapakita ng litrato ng mga bata at kababaihan. Iniisip nila na nananabik na rin tayo sa ating mga pamilya."
"Kahit ano pang gawin nilang panghihikayat at tukso, hindi nila mababali ang ating paninindigan, hindi ba?" tanong ni Juan sa kanyang mga kaibigan.
"Oo naman," sagot nila.
"Walang talab sa amin iyan," pagmamalaki ni Benito.
"Mabuti naman," natuwa ang Sarhento, "ipinagmamalaki ko ang inyong paninindigan at lakas ng loob, mahalaga iyan para manalo tayo."
***
Sa isla ng Corregidor, nakahanda na rin ang mga hukbong naitalaga para proteksyonan ito, taimtim silang nakikinig sa kanilang radyo tungkol sa mga balita galing mismo sa Amerika.
"A mile-long convoy is on the way, just keep on holding Bataan," saad ng isang announcer sa wikang Ingles.
***
Kinabukasan, hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Sgt. Bal upang ibalita sa kanyang mga tauhan ang magandang balita.
"Magandang balita galing sa Corregidor," pag-anunsiyo niya, "paparating na rito ang reinforcement mula sa Amerika. Tutulungan nila tayo sa paglaban sa mga Hapon at higit sa lahat madadagdagan ang ating pwersa, armas at pagkain."
"Ngayon pa nga lang hindi pa tayo matalo ng mga Hapon, paano pa kaya kapag dumating na sila?" tanong ni Frederico.
"Ibig sabihin po ba nito, malaki ang posibilidad na manalo tayo?" tanong ni Maximo.
"Oo, ilang libo ang lamang natin sa mga Hapon ngayon at kapag dumating pa ang iba pang sundalo galing Amerika, wala na silang panama sa atin, nakikita ko na, ilang linggo lang, matatapos na ang digmaan sa ating bansa at makakauwi na kayo sa inyong pamilya."
"Narinig niyo iyon, matatapos na ang gyera, makakauwi na tayo sa ating pamilya!" napatalon at hiyaw si Benito sa tuwa.
Lahat sa kanila ay umabot sa tenga ang mga ngiti. Nananabik na sila na makauwi at matapos na ang kaguluhan sa bansa, maisip lang nila na magbabalik na sa normal ang kanilang mga buhay, naiiyak na sila sa tuwa.
"Sana dumating na sila kaagad," hiling ni Juan.
***
Taliwas sa kanilang inaasahan, hindi dumating ang ipinangakong reinforcements ng Amerika, pati na rin ang dagdag na armas, pagkain at gamot. Mas piniling unahin ng Estados Unidos na tumulong sa digmaan sa Europa laban kay Adolf Hitler at sa mga Nazis habang ang buong USAFFE ay nananatili sa Bataan at magiting na nakikipaglaban sa mga Hapon.
Sa paglipas ng mga araw at linggo, unti-unti na nilang nararamdaman ang paghina ng kanilang mga hukbo, nauubos na ang kanilang mga pagkain, ganoon na rin ang mga armas at gamot na kanilang kakailanganin. Lalo pang lumala ang lahat nang umalis si McArthur sa Pilipinas patungo sa Australia.
Marami ang nagkakasakit na sa pagod, gutom at impeksyon na dala ng kanilang mga sugat. Ang iba ay dinapuan na ng sakit sa tagal ng kanilang pananatili sa kagubatan, karamihan sa kanila ay inaapoy ng lagnat sa kanilang foxholes, dinapuan na ng Malaria ang mga Sundalo dahil sa mga lamok na sumisipsip sa kanilang mga dugo.
Nagtiis ang buong hukbo sa pagkain ng mga kangkong, kamote at lugaw sapagkat ubos na ang mga delata at iba pang stock ng pagkain.
Nagluto si Gabriel ng lugaw para sa kanilang squad ngunit kulang na kulang ito para sa kanila.
"Sarge, darating pa ba ang ipinangakong tulong ng Amerika?" tanong ni Frederico.
"Ilang linggo na ang nagdaan pero hanggang ngayon wala pa rin sila," dagdag ni Alfredo, "nagkakaubusan na ng pagkain, gamot at armas."
"Tatapatin ko na kayo," isang malalim na bugtong hininga ang pinakawalan ni Sgt. Bal, "hindi pa tayo matutulungan ng Amerika."
"Ano?" pagkagulat ni Juan at ng iba.
"Sinabi nilang uunahin muna nila ang pagtulong sa Europa bago ang Pilipinas," saad ng Sarhento.
"Ano? hindi naman ata patas iyon." pagrereklamo ni Frederico. "Kaya tayo nandito sa digmaan na to ay dahil sa kanila tapos hindi nila tayo uunahin?"
"Huminahon ka, Frederico," sagot niya. "Intindihin na lang natin sila, malagim rin ang dinaranas ng Europa ngayon. Tsaka nga pala, may isa pa akong balita. Nilisan na ni Presidente Quezon at General McArthur ang bansa, pero ipinangako niyang babalik siya. Sa ngayon, wala muna tayong maaasahan kundi ang buong hukbo, hawakan lang natin ang Bataan hanggang sa dumating ang tulong, iyan ang bilin nila."
Nabahiran ng lungkot ang lahat ng kanyang mga tauhan. Unti-unti nang rumurupok ang kanilang lakas ng loob.
Inabutan ni Gabriel ng lugaw ang Sarhento, "kumain po muna kayo."
"Hindi na, sa'yo na lang iyan, mas kailangan mo," sagot ng Sarhento.
Kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa pangangatawan ng mga Sundalo, karamihan sa kanila ay namayat na sa kakapusan sa pagkain, lalong-lalo na ang matabang si Benito na ngayon ay kasing payat na lang nila, malamlam na ang kanyang mga mata at maputla na ang kanyang kutis.
"Benito, siguro ngayon hindi ka namin pwedeng tawaging taba," pagbibiro ni Frederico upang pasayahin ang kanilang mga nalulugmok na kasamahan.
"Oo nga, kasing katawan na natin siya ngayon," sagot ni Rodolfo.
"Kumain ka na," alok ni Gabriel sa kaibigan.
"Gusto ko sana kaya lang-"
Sumuka si Benito sa lupa at bumagsak sa kanyang kinatatayuan, agad siyang sinaklolohan nila Juan at Gabriel.
"Ayos ka lang?" tanong ni Gabriel.
Hinipo ni Juan ang noo ni Benito at halos mapaso ang kanyang mga palad sa init.
"Ang taas ng lagnat niya," saad ni Juan.
"Kailangan niya ng tulong," sagot ni Gabriel.
Hindi nagtagal, tumulong si Jason Woods sa may sakit na binata, kahit na kapos na siya sa suplay ng medisina, maraming alam na alternatibo ang Amerikano, pinunit niya ang kanyang damit, binasa ito at inilagay sa kanyang noo, pagkatapos, gumawa siya ng iinuming gamot mula sa mga halaman at pinainom ito sa kanya.
Nang matapos siya sa panggagamot kay Benito, inasikaso naman niya ang iba pang mga sundalo na nakahilata sa kanilang mga kinaroroonan, ginamot niya hanggang sa kanyang abilidad ang mga sugatang Sundalo upang hindi kumalat ang impeksyon sa kanilang katawan.
Marami naman ang malubha nang dahil sa Malaria, inaapoy sila ng lagnat, namumutla ang kanilang mga balat at nanghihina na ang kanilang pangangatawan. Ginamot niya ang ilan pero marami-rami ang bilang ng mga nasawi dahil sa nasabing sakit, hindi na nagawang agapan pa ng Mediko ang pagkalat ng nakamamatay na sakit dahil sa kakulangan niya ng medisina.
Nagkalat ang mga bangkay ng mga nasawi sa buong paligid, naluluhang ibinaba ng mga sundalo ang kanilang mga helmet bilang pagbibigay pugay sa mga namayapang kasamahan, pagkatapos, napagpasyahan nilang gumawa ng sementeryo kung saan inilibing nila ang mga namaalam.
Sa paglipas ng mga araw, dumami pa ang mga namatay, natagpuan nilang wala ng buhay sa kanilang trintsera ang karamihan sa mga sundalo, mas marami pa ang nasawi sa pagod, gutom, impeksyon at sakit kung ikukumpara sa mga nasawi sa pakikipaglaban, malaking kawalan sa kanilang hukbo ang bilang ng mga namatay. Nawalan na ng pag-asa ang iba, at sila ay palihim na tumakas.
Dahil hindi na madalas makaligo ang mga Sundalo, nagkaroon na sila ng sakit sa balat. Dumami ang kanilang pantal, rashes at ang iba ay nagkaroon na rin ng kurikong.
Isang araw, nagtungo si Juan, Alfredo at Frederico sa may ilog para maghilamos. Tinignan ni Juan ang kanyang pisngi sa tubig at napansin niya sa kanyang pisgni ang mga namumulang pantal na dulot ng kurikong.
"Mukhang dito na tayo mamamatay lahat," sabi ni Frederico.
"Baka kami lang," sagot ni Alfredo.
"Masamang damo yang si Frederico, matagal iyang mamatay," pabirong dagdag ni Juan.
Natawa si Frederico sa sinabi ni Juan, kahit na nangingilid na ang mga luha sa kanyang mata sa kawalan ng pag-asa.
Nagtungo naman si Eusebio sa sulok upang dumumi, bumulwak mula sa kanya ang dumi na kasing labnaw ng tubig, alam niyang nagkakasakit na rin siya sa hirap na dinaranas sa Bataan.
Pagkabalik niya, dala-dala niya ang isang sako na may laman na delata at iba pang pagkain.
"Para saan iyan?" tanong ni Juan.
"Para sa inyo," inabot niya isa-isa sa kanila ang mga delata. "Itinabi ko iyan para sa sarili ko, pero ngayon mas kailangan niyo iyan. Isa para sa lahat."
Natuwa ang lahat sa ginawang pagbibigay ni Eusebio, "maraming salamat."
Salat sila sa pagkain at wala na silang dahilan para tanggihan pa ang grasyang ito. Halata sa kanilang anyo ang pagod, hirap at kawalan ng pag-asa. Napansin ito ni Sgt. Bal at siya ay nalungkot sa kinahinatnan ng giyera.
***
Kung ang buong pwersa ng USAFFE ay nanghihina, kabaligtaran naman ang sitwasyon ng mga Hapon, sa pagdating ng kanilang mga reinforcements, mas lalo nilang napalakas ang kanilang pwersa, lulan rin ng barko ang mga karadagang kagamitang pandigma, ang mga mabibigat at malalakas na armas na kanilang gagamitin tulad ng tangke, machine guns, artilerya at mga Howitzers. Sa pagkakataong ito, kampante na si Homma na magtatagumpay na sila sa pagsakop sa Pilipinas.
***
Tinipon ni Sgt. Bal ang kanyang Squad para sa isang mahalagang pagpupulong, pero hindi tulad ng isang pormal na pulong, nagtungo lamang sila sa kanilang mga trintsera at umupo.
"Alam ko kung ano ang pinagdaraanan niyo ngayon," saad niya, "alam kong hirap at pagod na kayo sa digmaang ito at nawawalan na kayo ng pag-asa."
"Totoo po Sarge," saad ni Alfredo, "habang lumilipas ang mga araw, lumilipas na rin ang aming pag-asa na maipapanalo pa natin ang digmaang ito."
"Palakas nang palakas ang mga Hapon at tayo naman ay pahina na ng pahina " dagdag ni Maximo.
"Mukha ngang wala ng pag-asa para sa ating lahat," pag-amin ng Sarhento, "pero ito ang tatandaan niyo, huwag kayong malulugmok o malulungkot kung kayo ay mamamatay sa digmaang ito, isang karangalan ang mamatay at magpapatay para sa ating bayan. Mamamatay tayong bayani, mamamatay tayong naninindigan sa ating lupang tinubuan. Nais kong bigyan kayo ng kahit katiting na inspirasyon sa kabila ng ating miserableng sitwasyon."
Nanahimik ng ilang saglit ang sarhento at nakatuon sa kanya ang tingin ng buong hukbo.
"Mayroon ba sa inyong marunong mag-Español dito?" tanong niya.
Nagulumihanan sa kanyang katanungan ang lahat, wala sa kanilang marunong mag-Español bukod sa isa.
"Ako po," nagtaas si Juan ng kanyang kamay, "kaunti lang po ang alam ko."
Tumango ang Sarehento kay Juan.
"Noong idineklara ang araw ng kalayaan sa Cavite noong 1898, naroroon ang aking ama," paglalahad ni Sgt. Bal, "bata pa siya ng mga panahong iyon, pero tumatak sa kanyang puso at kaluluwa ang martsa na sumisimbolo ng ating paglaya sa mga kastila. Ang Marcha Nacional Filipina. Pagkalipas ng isang taon, nilapatan ito ng titik ni Jose Palma, at kinabisado ito ng aking ama. Noong bata ako, itinuro niya ito sa akin at kahit hindi ako gaanong marunong mag-español, nakabisado ko ito at tulad niya, tumatak rin ito sa akin. Iminulat sa akin ng awiting ito na karapat-dapat ipaglaban ang ating bayan, na isang karangalan ang mamatay para sa Pilipinas. Sa atin ang lupaing ito at walang sinumang manlulupig ang maaring umangkin nito! Ang awiting ito ang instrumento para ako ay maging isang sundalo, at mula noon hanggang ngayon, ito na ang aking naging inspirasyon tuwing ako ay nakikipagdigma. Maaari bang kantahin ko ito? Kahit hindi niyo ko naiintindihan, nais kong ipikit niyo ang inyong mga mata at subukan niyong damahin ang mensaheng aking ipaparating sa pamamagitan ng pag-awit."
Tumango ang lahat at ipinikit nila ang kanilang mga mata kasabay ng pag-awit ng Sarhento.
"Tierra adorada
Hija del sol de Oriente,
Su fuego ardiente
En ti latiendo está.
(Bayang Magiliw,
Perlas ng Silanganan
Alab ng puso
Sa Dibdib mo'y buhay.)
Nanliwanag ang araw, sa kabila ng madilim na yugto ng ating kasaysayan.
Tierra de amores!
Del heroísmo cuna,
Los invasores
No te hollarán jamás.
(Lupang Hinirang,
Duyan ka ng magiting,
Sa manlulupig
'Di ka pasisiil.)
Nagsipaghanda ang mga Sundalong Filipino sa pakikipagdigma sa mga Hapon, dala-dala ang kanilang mga armas, rosaryo at kagitingan.
En tu azul cielo, en tus auras,
En tus montes y en tu mar
Esplende y late el poema
De tu amada libertad.
(Sa dagat at bundok,
Sa simoy at sa langit mong bughaw,
May dilag ang tula
At awit sa paglayang minamahal.)
Suminag ang nanliliwanag na araw sa tuktok ng Mount Samat, habang nagmamartsa ang mga Hapon patungo sa pakikidigma.
Tu pabellón, que en las lides
La victoria iluminó,
No verá nunca apagados
Sus estrellas ni su sol.
(Ang kislap ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning;
Ang bituin at araw niya,
Kailan pa ma'y di magdidilim.)
Sa Maynila, ibinaba ng mga Hapon at ihinagis sa lupa ang watawat ng Pilipinas. Ipinalit nila ang bandila ng Japan, gayunpaman, sinikatan pa rin ng araw sa ating mahal na bandila.
Tierra de dichas, del sol y amores,
En tu regazo dulce es vivir.
Es una gloria para tus hijos,
Cuando te ofenden, por ti morir.
(Lupa ng araw, ng luwalhati't pagsinta,
Buhay ay langit sa piling mo;
Aming ligaya na pag may mang-aapi,
Ang mamatay nang dahil sa iyo.)
Nagtagpo ang mga Sundalong Filipino at ang mga Hapon, bumagsak na walang buhay ang mga magigiting na Sundalo nang ratratin sila ng mga manlulupig. Baon-baon ang kanilang kagitingan at bagong pag-asa, sabay-sabay namang tumira si Sgt. Bal at ang lahat ng kanyang mga tauhan, nakahanda sa kanilang kahihinatnan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro