Kabanata 10
Tinahak ng buong USAFFE ang Timog ng Bataan kung saan sila bubuo ng bagong linya sa Orion at Bagac kung saan malapit ang Mt. Samat, ilang araw rin ang ginugol nila sa paggawa ng linya at paghuhukay ng mga trintsera at foxholes na kanilang magiging depensa sa mga Hapon.
Hindi pa man nagtatagal ang kanilang ginagawang pag-urong, nakatanggap na agad ng isang masamang balita si Sgt. Bal mula sa kabilang linya.
"Hindi pa natatapos ang pag-urong ng I Corps sa Bagac, nilusob na agad sila ng mga Hapon," pagkukuwento niya sa kanyang mga tauhan.
"Kamusta na po sila ngayon?" Usisa ni Juan.
"Maayos naman sila, naagapan agad ang paglusob at naging matagumpay naman ang kanilang pag-atras," paninigurado ng Sarhento, "isa lang ang inaalala ko."
"Ano po iyon, Sarge?" tanong ni Maximo.
"Ngayong nasa ibaba na tayo ng Bataan, tiyak na sukdulan na ang gagawing pag-atake ng mga kalaban sa atin, gagawin nila ang lahat maubos lang tayo, lalo na ngayon at papalapit na sila ng papalit sa inaasam nilang tagumpay."
Namuo ang pag-aalala sa mga mukha ni Juan at Maximo sa sinabi ng Sarhento.
"Kailangan nating magkaisa," paalala niya, "Maximo."
Napalingon ang binata sa kanyang Sarhento.
"Palagi mong tatandaan, mahal ka ng kuya mo, kinakailangan niyo ang proteksyon ng isa't-isa lalo na sa mga paparating na labanan."
Napatango si Maximo sa paalala ni Sgt. Bal.
"Magpahinga na muna kayo, alam kong kailangan niyo na. Makikipag-usap lang muna ako sa ibang opisyal."
***
Kinagabihan, nagsama-sama sa kanilang ginawang trintsera ang buong squad ni Sgt. Bal at sabay-sabay silang kumain ng mga delatang ulam at nagkwentuhan.Naglabas si Frederico ng ilang bote ng alak na ikinagulat ng kanyang mga kasamahan.
"Hindi ba tayo mahihirapang makipaglaban kapag puno ng alak ang ating sikmura?" tanong ni Alfredo sa kanya.
"Kaunti lang naman to," saad ni Frederico, "isa pa, ngayon lang tayo nagkasama-sama lahat na magkakaayos tayo kaya sulitin na natin, tara inuman na."
Unang lumaklak si Frederico at ang kanyang mga kasamahan, sumunod naman si Alfredo, Juan at Maximo.
Pagkatapos lumagok si Benito ng kaunti, ngayon lang siya nakatikim ng alak sa buong buhay niya at hindi pa siya sanay sa lasa nito.
Napansin nilang tahimik lang na nakatingin si Jason sa kanilang lahat.
"How about you, Pretty Boy," alok ni Frederico sa kanya, "want some?"
"No thanks," sagot ng Amerikano, "I'm good."
"Go on, try it," alok ni Rodolfo sa kanya.
Inabot nila ang alak sa kano at siya ay nakipag-inuman na sa kanila.
"Ilan na nga ba ang napatay nating mga Hapon?" pag-iisip ni Raul.
"Ilang daan, ilang libo, hindi ko na mabilang," natatawang sagot ni Frederico, "pero sigurado ako sa akin ang walumpung porsiyento."
Nagtawanan ang lahat sa pagbibiro ni Frederico.
"Hindi ka pa rin nagbabago, Frederico," sagot ni Juan, "mayabang ka pa rin."
"Tatanggapin ko iyan bilang papuri," tugon ni Frederico at nagpatuloy ang kanilang pagtatawanan.
"Ang sarap ng ganito," maligayang sinabi ni Gabriel, "lahat tayo magkakasamang nagtatawanan at nagkukuwentuhan na parang walang kaguluhang nangyayari sa ating paligid."
"Maaari naman nating gawin ito, lalo na kapag tapos na ang digmaan," dagdag ni Alfredo.
"O siya, siya tama na muna ang usapan sa digmaan, iba naman ang pag-usapan natin, bakit hindi na lang natin pag-usapan ang tungkol sa ating mga sarili para mas magkakila-kilala pa tayong lahat."
"Sige," pagsang-ayon ni Benito.
"Tama," sagot rin ni Alfredo.
"Tutal ako ang nagpasimuno, ako na ang mauuna," suhestiyon ni Frederico, "ipinanganak ako noong 1917 sa Cavite, "ang aking ama ay nagmula sa mga maharlikang Español habang ang ina ko naman ay tubong Cavite. Ang mga magulang ko...hindi sila kasal."
Taimtim na nakinig ang lahat sa pagkukuwento ni Frederico sa kanila, at napansin nila ang pag-iiba ng aura sa kanyang mukha na ngayon lang nila nakita sa kanya, may bahid ito ng kalungkutan at himutok.
"May unang pamilya ang aking ama, naging kalaguyo niya lang ang aking ina, inanakan niya lang ito ng dalawa pagkatapos iniwan na niya kami. Nabuhay akong kasama ang aking ina at nakababatang kapatid na babae. May isip na ko noong umalis siya, kaya naaalala ko pa ang kanyang mukha. Ilang beses ko siyang nakita at nilapitan ngunit kasama niya ang kanyang pamilya at nagmaang-maangan siya na hindi niya ako kilala, gayunpaman, labis pa rin ang pananabik namin sa kanya. Isang araw, dinapuan ng malalang karamdaman ang ina, at kapos kami sa pera. Wala akong magawa, katorse anyos pa lamang ako noon at masyado pa kong bata para magtrabaho, iisa lang ang naisip ko, ang puntahan si ama para humingi ng perang pampagamot, pinigilan ako ni ina, ang sabi niya huwag na muli akong magpakita kay ama sapagkat pagtatabuyan niya lang ako pero hindi ko siya sinunod. Nilunok ko ang aking dignidad, nagtungo sa bahay ni ama, lumuhod sa harap niya at ng kanyang pamilya para humingi ng tulong, pero sa huli hindi niya ako pinakinggan at pinagtabuyan niya lang ako na parang isang pulubi. Nanliit ako sa aking sarili pero kahit kailan hindi ko piangsisihan iyon. Pagkauwi ko huli na ang lahat, wala na si ina. Hindi ko man lang siya naipagamot, maaagapan sana ang kanyang karamdaman kung tumulong lang aking walanghiyang ama. Nang malaman niyang pumanaw na si Ina, dumalaw siya sa kanyang puntod at inabutan niya ko ng pera. Galit na galit ako sa kanya, nagmataas ako sa kanya at hindi ko tinanggap ang tulong niya, mula noon, iisang bagay lamang ang ipinangako ko sa aking sarili, ipinangako kong kahit kailan hindi ako hihingi ng tulong sa iba, na kaya kong maging magaling at mataas kumpara sa ibang tao, papatunayan ko iyon sa amang hindi kumilala sa akin. Natuto akong maging mapagmataas sa kahit na sinong tao, kahit sa kapatid kong babae, noong kinuha siya ng kanyang mayamang asawa, nanindigan akong hindi ako hihingi ng tulong sa kanila, ilang taon akong namuhay na taas-noo. Hindi ko alam, naging mayabang at arogante na pala ako sa taas ng aking paninidigan."
Naluluha na si Frederico habang kinukwento ang kanyang buhay ngunit pinigilan niya ito, natahimik ang lahat sa kanyang paglalahad.
"Tama na nga ito, baka maiyak pa ko at isipin niyong hindi ako tunay na lalaki," saad niya.
"Hindi namin iisipin iyon," sagot ni Juan, "hindi kahinaan ang pag-iyak, tao rin tayong mga lalaki, nasasaktan at nagdaramdam din tayo. May karapatan rin tayong ilabas ang ating nararamdaman. Ngayong nauunawaan ko na ang pinagdaanan mo, naiintindihan kita, kung bakit ka nagkaganyan at tanggap namin iyon."
"Salamat Juan sa pag-unawa," tinignan ni Frederico isa-isa ang mga kasamahang palagi niyang minamaliit at inaangasan, "sa inyong lahat, patawarin niyo ko sa lahat ng ginawa ko sa inyo, sa pagyayabang at pangungutya, Benito, Gabriel, patawad."
"Sus, wala iyon," sagot ni Gabriel.
"Kalimutan mo na iyon," dagdag pa ni Benito, "sandang-dikit na tayo ngayon."
Muli silang humalakhak sa mga banat ni Benito.
"Ako naman ang susunod," tumayo si Rodolfo upang kunin ang kanilang atensyon. "Masaya naman ang aking pamumuhay, hindi kasing salimuot ng sa kaibigan kong si Frederico. Lumaki ako sa Quezon sa maayos na pamilya. Noong ako'y nagbinata, wala akong tulad sa pambababae, kahit wala akong sineseryoso sa kanila. Isang araw,nakakilala ako ng isang napakagandang dilag, ang aking Alicia, hindi ko na pinalagpas ang pagkakataon, alam kong siya ang babaeng mamahalin ko hanggang sa pagtanda at niligawan ko siya, noong una ayaw niya sa akin pero hindi nagtagal, umibig na rin siya sa isang romantikong katulad ko. Sagad sa langit ang pagmamahal ko sa kanya, palagi ko siyang hinahanap kapag wala siya sa tabi ko at siya lamang ang laman ng aking panaginip, tulog man o gising. Isang araw, inalok ko siya ng kasal at pumayag na siya."
Naghiyawan sa tuwa ang buong platoon at inasar nila si Rodolfo, kiniliti ni Frederico sa tagliran ang kaibigan sa kilig.
"Iyon nga lang, sumiklab ang giyera at naantala ang aming kasal," pagpapatuloy niya, "bago ako umalis, ipinangako kong babalik ako at magpapakasal kami. Habang lumilipas ang mga buwan na hindi ko siya nakikita at nakakasama, tumitindi ang aking pag-aasam na makabalik sa kanyang piling, palaging nasa isip ko ang kanyang mga malalantik na mata, ang kanyang mga halik, ang magandang kurba ng kanyang katawan at ang kanyang makinis at mapuputing balat. Ang magandang imahe niya ang patuloy na nagpapahirap sa akin, kaysa sa digmaan. Sabik na sabik na akong makasama siya."
"Ah ang pag-ibig nga naman," sagot ni Alfredo.
"Juan," pagtawag ni Rodolfo, "naaalala mo pa noong inagaw ko ang litrato ng iyong kapatid?"
Tumango si Juan.
"Siguro nadala lang ako sa aking pag-aasam kay Alicia kaya iba ang napagbalingan ko, patawarin mo ko sa pagbastos sa iyong namayapang kapatid."
"Wala na iyon, Rodolfo," paninigurado sa kanya ni Juan.
May naalala si Rodolfo, dumukot siya sa kanyang bulsa at naglabas ng isang maliit na litrato, "tsaka nga pala, hindi lang ikaw ang may litratro ng iyong mahal sa buhay, ito nga pala ang aking Alicia, ang pag-ibig ko."
Inabot niya kay Juan ang litrato at tinignan ito ni Alfredo at Maximo. Larawan nga ng isang dalagang Filipina si Alicia, malamlam ang kanyang mga mata, at kahali-halina ang kanyang kulot na buhok.
"Kaya pala nananabik ka sa kanya," napagtanto ni Alfredo, "maganda nga siya."
"Kapag naiisip ko siya, tinitignan ko na lang ang kanyang litrato."
Patuloy ang paghiyaw nila Raul at Cito sa kanilang kaibigan.
"Kayo namang dalawa?" tanong ni Alfredo. "Anong kwento niyo?"
"Wala namang problema sa buhay namin," nagbahagi si Raul, "buo ang pamilya ko, nakapag-aaral naman ako ng mabuti at nasasayahan sa paumununo ng Amerika dito sa sa ating bansa."
"Sumali lang talaga kami sa digmaan kasi kaibigan namin si Frederico at Rodolfo," paliwanag ni Cito sa grupo, "magkababata kasi kaming apat, sumali lang kami para naman magkaroon ng pagsubok sa aming buhay, nababagot na kasi kami."
"Paano, tapos na maglahad ang grupo namin," tugon ni Frederico, "kayo naman, sino sa inyo ang mauuna?"
Nagkatinginan sina Juan, Alfredo, Maximo, Benito, Gabriel, Eusebio at Jason sa isa't-isa.
"Siguro si bunso na lang," unang nagsalita si Alfredo, napakamot naman sa kanyang ulo si Benito sapagkat alam niyang siya ang tinutukoy nito. Siya ang pinakabata sa grupo.
"Taba, ikaw na pala," pagbibiro ni Frederico.
"Bilis na, Taba," pamimilit ni Rodolfo.
"Sige na nga," napilitan si Benito sa kanyang pagsagot, "ako si Benito Bernal, labingsiyam na anyos, magdadalawampu sa Hunyo, alam niyo naman siguro na magkababata kami ni Gabriel Sta. Ana. Lumaki ako sa Batangas kasama ang aking mahal na ina, hindi ko na naabutan ang ama ko dahil namatay siya noong ipinagbubuntis pa lang ako ng nanay ko. Muntik na akong malaglag sa sinapupunan ng aking ina kaya naman noong ipinanganak ako, ibinuhos niya ang lahat ng proteksyon at pag-aalaga niya sa akin, palagi siyang nasa tabi ako, palagi niya akong ipinagluluto ng mga masasarap na putahe. Masarap kayang magluto ang nanay ko, hindi niya ako hinahayaang magutom, kaya ako naman ay napabayaan sa kusina kakakain kaya tumaba ako ng ganito. Sanay kasi talaga ako ng may laman ang aking sikmura, pakiramdam ko mamamatay na ako kapag gutom ako pero mula ng pumasok ako dito, natuto na ako ng tamang disiplina sa pagkain dahil sa mga pangaral ni Sgt. Bal. Hindi na ako kumakain ng sobrang dami at matagal-tagal na rin bago ako makaramdam ng gutom. Isa pa, hindi na rin ako naduduwag sa mga Hapon gaya noong unang bakbakan dahil pinalakas ni Sgt. Bal ang loob ko."
Nakangiting napatango sa kanya si Frederico at ang iba pa niyang mga kasamahan, masaya sila sa pagbabagong natatamasa ni Benito sa kanyang sarili.
"Mabuhay si Benito!" biro ni Rodolfo sa kanya.
"Mabuhay!" pag-uulit ng iba.
Ang hindi nila alam, nakaupo malapit sa kanilang trintsera si Sgt. Bal, pinapakinggan nito ang lahat ng kanilang pinag-uusapan at siya ay nagagalak sa kanila.
"Yung isang Batangeño naman ang susunod," alok ni Alfredo.
"Ako?" nahihiyang sagot ni Gabriel.
"Oo, ikaw Gabriel, sige na," panghihikayat ni Juan sa kanya.
"Ako si Gabriel Sta. Ana, tubong Batangas gaya ni Benito," pagsisimula niya, "nag-iisang anak ako ng aking ama, pumanaw na ang aking ina, ilang taon na ang nakalipas. Ano pa nga ba ang masasabi ko? Siguro ang masasabi ko lang sa aking sarili ay lumaki akong tamad. Palagi lang akong nakahiga sa aming bakuran, tamad ako sa lahat ng bagay, tamad akong mag-aral at magtrabaho kaya naman madalas akong mapagalitan ni Ama. Hindi ko alam kung bakit, siguro ganito na talaga ako, sanay na eh. Siguro ako dapat ang may pangalan na Juan dito dahil sa katamaran ko noon. Pinapasok ako ng Ama ko sa pagsusundalo para daw may magawa naman ako sa buhay ko. Sa isang banda, tama lang na pumasok ako rito. Masasabi kong malaki na rin ang ipinagbago ko, palaging pinapaalala sa akin ni Sgt. Bal na magsipag lang ako at may magandang ibubunga ito. Mula noon, nasanay na ko sa pagtatrabaho, hindi na nga ako napapagod kapag naguhukay ako ng trintsera at minsan hinahanap-hanap na rin ng katawan ko ang pagtatrabaho."
"Magaling kapatid," sagot ni Alfredo sa kanya.
"Masaya kami para sa'yo," dagdag ni Maximo.
"Sino na ang susunod?" tanong ni Rodolfo.
"Kayong magkapatid?" tanong ni Frederico, "sino sa inyo ang gustong magbahagi? Kahit isa lang. Parehas naman kayo ng buhay."
Napatingin si Maximo sa kanyang kuya Alfredo at napasenyas na siya na ang magkuwento sa kanilang dalawa, ngunit alam naman ng nakatatandang Sandoval na mas maraming mailalahad si Maximo tungkol sa kanilang kwento at ito na ang kanyang pagkakataon para mailabas na niya ang lahat ng kanyang saloobin.
"Sa tingin ko ibibigay ko na ito kay bunso," sagot niya kay Frederico habang ginugulo ang buhok ng kapatid.
Napanganga si Maximo sa isinagot ng kanyang kuya.
"Max, narinig mo ang kuya mo?" pagtawag ni Frederico.
"Ang daya mo talaga, kuya," pagbibiro ni Maximo, "kami ang magkapatid na Sandoval, matanda si Kuya sa akin ng dalawang taon, lumaki kami sa isang masaya at tahimik na pamilya, hindi kami mayaman pero hindi rin naman kami salat sa kabuhayan, maalaga ang aming ina, mahigpit at istrikto naman ang aming ama. Malapit ako kay inay habang si Kuya Alfredo naman ay malapit kay Itay. Noong mga bata kami sobrang magkasundo kami ni Kuya at palagi kaming magkasama sa lahat ng bagay, nagbago lang lahat noong nagbibinata na kami..."
Natigilan si Maximo at tila ayaw na niyang ituloy ang kanyang paglalahad. Sinenyasan siya ng kanyang Kuya Alfredo na ituloy niya ang kanyang pagsasalaysay, tumango ang kanyang kuya bilang permiso.
"Aaminin ko, nagkaroon ako ng hinanakit at inggit kay Kuya Alfredo dahil siya ang madalas puriin at kausapin ni Itay, palaging sinasabi sa akin ni Itay na wala ako sa kalingkingan ni Kuya at palagi ko siyang kakailanganin sa aking tabi kundi mapapahamak ako. Siya kasi ang mas malakas ang katawan, ang mas masipag, ang mas matapang at mas responsable. Ipinagtatanggol ako ni Inay pero alam ko sa loob niya, palagi niya rin akong inaalala at ipinagbibilin kay Kuya. Tingin ko nadidismaya rin siya sa akin kahit hindi niya sinasabi."
"Max," pagtawag ng kanyang Kuya, "huwag mong isipin iyan, mahal ka ni Inay at Itay, hinahangad lang nila ang ikabubuti mo, kaya palagi kang pinagsasabihan ni Itay at palaging maselan si Inay sa iyo, para rin sa kapakanan mo."
"Alam ko naman iyon, kuya," tumulo na ang luha sa mga mata ni Maximo, "pero lumala pa rin ang inggit ko sa'yo. Isang araw nagyaya kang lumangoy tayo sa Ilog kahit na hindi ako marunong lumangoy, dahil sa gusto kong patunayan ang sarili ko na malakas rin ako, pumayag ako at sabay tayong tumalon, iyon nga lang muntikan na akong malunod at sinagip mo ako. Natatandaan mo pa yun, kuya?"
Napaisip si Alfredo bago sumagot, "aba oo naman, pinagalitan pa nga tayo ni Itay noon at pinalo tayo ng dos por dos na kahoy."
"Ako kaya ang mas pinagalitan niya," pagtatama ni Maximo, "kahit na nangatwiran pa ako sa kanya na ikaw ang nagyaya, ikaw pa rin ang kinampihan niya, galit na galit ako sa'yo noon."
"Muntik mo na nga akong suntukin," natatawang sinambit ni Alfredo.
"Ilang taon rin akong nainggit sa'yo, Kuya, pakiramdam ako inagaw mo sa akin ang pagmamahal ni Itay at Inay pero nagkamali ako," pagpapatuloy ni Maximo, "mula ng pumasok ako rito, marami akong natutunan. Natutunan ko ang kahalagahan ng pamilya. Napagtanto kong napakaswerte ko dahil nagkaroon ako ng isang napakabait na kapatid na katulad mo, na handang isakripisyo ang buhay niya para sa akin."
Humagulgol si Maximo at niyakap niya ng mahigpit si Alfredo, "maraming salamat sa lahat, kuya. Patawarin mo ako dahil kinainggitan kita dati, mahal na mahal kita."
Naluha na rin si Alfredo sa sinabi ng kapatid, "mahal na mahal rin kita, Kapatid."
"Pangako, kuya, pagkauwi natin, babawi ako sa'yo."
Nang mga sandaling iyon, walang sinuman ang nakaimik sa grupo, nadala ang ilan sa kanila, naiyak si Frederico, Benito, Gabriel at pati na rin si Juan. Si Eusebio naman ay napatalikod dahil nahihiya siyang ipakita na umiiyak na siya.
Pinunasan ni Frederico ang kanyang luha, "sige, sige tama na ang iyakan, baka bumaha pa ng luha dito sa trintsera natin, sino na ang susunod?"
Laking gulat ng lahat nang magtaas ng kamay ang banyagang si Jason, "I guess it's my turn to tell my story."
"Okay," sagot ni Frederico, "go ahead."
"I'm Jason William Woods," pagpapakilala ng Amerikano sa kanyang sarili, "I live in New York City, I come from a family of doctors, my father is a surgeon and my mom is a registered nurse. Originally my father wanted me to follow in his footsteps, to be a suregon just like him, but I have other things in mind. My dream is to serve other people by being a soldier, so that's why I'm here. My father was disappointed in me for disobeying his wishes, he thought I'm putting myself in danger by joining the military. He always wanted me to be a doctor and he hates the idea of me being a soldier, he thought that is brutal job for his lineage, he told me that I should be saving people, not killing them. told him that I'll be a medic, that I'm not going to kill unless it is expected of me, I kept telling him that's no different from being a doctor, I'm still going to provide healthcare service to my fellow soldiers and at the same time I can help the Philippines win the war against Japan. America doesn't need help at all, it can handle itself on its own, the Philippines does, I always have a soft spot for the Filipinos, you're kind and cheerful and hospitable. I wanted to help you in any way that I can. Being a surgeon in America doesn't give a sense of purpose, maybe being a Medic in the Philippines will. I couldn't find my true calling in my own country, maybe in your country, I will."
Kahit na ingles ang ginagamit na lengguahe ni Jason, damang-dama nila ang sinseridad sa kanyang paglalahad at tila naintindihan nila ang kanyang mga sinabi, napag-alaman nilang gaya nila, mayroon ring mga pinagdaanan sa buhay ang banyagang kasamahan.
"You're very brave for choosing this kind of job," saad ni Alfredo.
"We salute you, brother," sumaludo si Juan at ang iba pa sa kanya.
Isang maamong ngiti ang pumorma sa mukha ni Jason, "thanks you guys, by the way, I have something to tell you."
Nakatuon sa kanya ang tingin ng lahat, "Marunong akong...magtagalog."
Nabigla ang lahat sa kanyang inilahad, hindi sila makapaniwala sa kanilang narinig, napababa ang panga nila Benito at Gabriel sa kanyang sinabi habang si Frederico at Rodolfo naman ay napahampas sa lupa. Lalong tumingkad ang ngiti ni Jason, inaasahan na niyang ganito ang reaksyon ng lahat.
"Ibig sabihin mula noon pa lang naiintidihan mo na ang pinag-uusapan namin?" nahihiya ngunit malakas ang tinig ni Frederico.
"Oo," hindi tuwid ang pagtatagalog ng banyaga pero kaya niyang banggitin ang mga salita.
"Ano ba yan, palagi pa naman kitang minumura dati," saad ni Frederico na namumula ang mukha sa hiya.
"Ako rin eh," dagdag ni Rodolfo.
"It's okay," sagot ni Jason.
"Since when...kelan ka natuto?" tinagalog na ni Juan ang banyaga.
"A few months back, a special someone taught me," paliwanag niya.
"Sino naman siya?" tanong ni Alfredo.
"My Filipina Girlfriend," sagot niya.
"Filipina pala ang kasintahan mo," napagtanto ni Gabriel.
"Yup."
"Ano ba naman yan," nagdabog si Benito ng pabiro, "halos dumugo na ang ilong ko kakaingles, marunong ka naman pala magtagalog."
"Sorry guys," nahihiyang sagot ni Jason, "sinusubok kow lang...kayow... Kung pano kayo kausap sakin."
"Jason, ngayong alam na namin, pwede bang magtagalog ka na lang?" tanong ni Maximo. "Pagod na kasi kami kakaingles."
"Sige," sagot ng banyaga at lalong lumakas ang kanilang pagtatawanan.
"Ngayon, sino na ang susunod?" tanong ni Alfredo.
Kinalabit ni Benito ang mahiyain at tahimik na si Eusebio.
"Eusebio, ikaw na," pamimilit ni Gabriel.
"Sige na, Eusebio," pagyayaya ni Alfredo, "para naman malaman namin kung ano ang buhay mo dati. Eusebio! Eusebio!"
"Eusebio! Eusebio!" nakisabay ang buong platoon sa pagpilit sa misteryosong binata.
"Sige na," pumayag na ang binata, "kilala niyo na kong lahat, si Eusebio Santos, likas na sa akin ang pagiging tahimik at mahiyain at iyon lang."
"Ano?" sabay-sabay na taong nila Frederico at Rodolfo.
"Kwento ka naman sa buhay mo," saad ni Raul.
"Sige na, Eusebio," panghihikayat ni Juan, "lahat naman tayo rito magkukuwento tungkol sa mga buhay natin."
"Sige," sagot ng nahihiyang binata, "nagmula ako sa isang mahirap na pamilya, dati kaming nakatira sa barong-barong sa Maynila, at dahil sa kahirapan, natuto akong mangupit at magnakaw ngunit hindi naman nagtagal iyon, dahil isang araw pinatira kami ng pinsan ng aking ina sa kanilang tahanan at pinag-aral niya kayo, gayunpaman, hindi pa rin kami naging masaya sapagkat may bayad ang lahat ng tulong na ibinibigay nila sa amin at kinakailangan ko ring kumayod at magtrabaho habang nag-aaral. Nang dahil sa aking trabaho, nagkaroon ako ng pagkakataong masunod ang aking karangyaan at luho kahit na pansamantala lamang, binili ko ang mga gamit na hindi ko pa nabibili sa buong buhay ko at hindi ako nakuntento, gusto ko kung ano ang mayroon ang iba, mas lamang ako sa kanila. Sinamba ko ang mga materyal na bagay. Dahil sa aking naging mga karanasan, tumigas ang aking puso. Walang kahulugan sa akin ang pagbibigay, palagi kong iniisip na ang akin ay akin lamang. Wala ngang tumulong sa amin ng libre, bakit ako tutulong sa kanila? Ngunit sa isang banda, napag-isip-isip ko na marami ring kapos-palad na kagaya ko na nangangailangan ng tulong at gaya ng sinabi ni Sgt. Bal sa akin, ang buhay hindi isa para isa lamang."
Napansin ni Eusebio ang pagkagulat sa mukha ng kanyang mga kasamahan, ngayon lang nila nalaman ang saloobin ng tahimik na binata. Napasulyap siya kay Jason at naalala niya ang wallet na kanyang pinulot at itinago.
"Ah Jason," dumukot siya sa kanyang bulsa at inilabas ang wallet. "Sa iyo ito, hindi ba?"
Napatayo ang Amerikano nang mamukhaan ang kanyang gamit, "my wallet. I lost that a month ago."
"Napulot ko to noong unang araw natin, nakita ko itong nahulog mula sa iyong bulsa noong panahong sakim at makasarili pa ako, ito, ibinabalik ko na sa'yo."
Kinuha ng Amerikano ang kanyang pitaka, tinitigan ito, pagkatapos inabot ulit sa kanya, "this is just my pocket money, marami pakong peyra, sayo na. You'll need it more than I do."
Nahihiyang kinuha ni Eusebio ang pitaka, "salamat."
Pagkatapos ng paglalahad, humikab na si Frederico, "mukhang tapos na ang ating pag-uusap sa gabing ito."
"Frederico, hindi pa," pagtatama ni Juan, "may isang tao pang hindi naglalahad ng kanyang kwento."
Napagtanto ni Alfredo at Frederico na tinutukoy niya ang kanyang sarili. Alam nilang masalimuot ang nangyari kay Juan kaya hindi nila ito inaanyayahang isalaysay ang kanyang kwento lalo na at sariwa pa ang lahat.
"Juan, sigurado ka ba?" tanong ni Alfredo.
"Oo nga, Juan, baka hindi ka pa handang pag-usapan ang tungkol sa mga nangyari sa'yo," dagdag ni Frederico.
"Hindi, kaya ko na," paninindigan ni Juan, "kung kayo nga nakaya niyong ikwento ang lahat ng pinagdaanan niyo sa buhay, bakit naman ako hindi?"
"O sige, Juan," sagot ni Alfredo, "basta hinay-hinay lang sa pagkukuwento at maaari kang tumigil kung ayaw mo na."
"Ipinanganak akong si Juan Miguelito Garcia noong taong 1920," panimula niya, "nagmula ako sa isang may kayang angkan, nakatira ako sa mansyon sa Intramuros na pag-aari pa ng aking lolo mula pa noong panahon ng kastila, masaya naman ang aking kabataan, kasama ang aking Ama, Ina, at si Ate Juliana. Noong pitong taong gulang ako, pumanaw ang aking ama at si Inay na ang nagpalaki sa amin ni Ate. Sobrang lungkot ko noon hanggang sa makilala ko ang aking mga kababatang sina Jonathan Medrano at Angelita Gutierrez. Sila ang naging kalaro at kasangga ko hanggang paglaki."
"Jonathan Medrano?" tanong ni Frederico na may pilit na inaalala. "Parang pamilyar ang pangalan na iyon?"
"Hindi niyo siya kilala, pero kilala siya ni Frederico," saad ni Juan.
Napaisip si Frederico, nanlaki ang kanyang mga mata ng kanyang maalala, "ah alam ko na! Siya yung kasama mo noong unang araw natin, yung nagtanggol sa'yo noong inaway kita."
"Oo, siya iyon," sagot ni Juan, "napakabuting kaibigan ni Onat, isa siyang tapat na taong may busilak na puso, kaya lang muntik na kaming magkaaway nang dahil sa isang babae. Ang kaibigan naming si Angelita, pareho kaming umibig sa iisang babae, sabay namin siyang niligawan at sa huli ako ang sinagot ni Angelita. Hindi ko nga maintindihan kung bakit ako ang pinili niya, di hamak na mas lamang si Onat sa akin sa maraming bagay, mas gwapo siya, mas matangkad, mas matalino at mas maganda ang kanyang tinig ngunit sa huli ako ang pinili ni Angelita, siguro may hinahanap siya sa isang lalaki na hindi niya mahanap kay Onat ngunit nakita niya sa akin. Matapos ang pagsubok na iyon sa aming pagkakaibigan, muling tumatag ang aming samahan at kinalimutan na namin na minsan may nangyraing komplikasyon sa aming mga relasyon."
Abal ang lahat sa pakikinig sa kwento ni Juan.
"Balik sa buhay ko, masasabi ko namang naging maayos ang buhay ko, nag-aaral ng kursong Inhinyero sa UST, pagkatapos, nakikipaglaro ako sa aking pamangkin na si Judith. Umibig si Ate Juliana sa isang Amerikanong Sundalo noon, nagbunga ang kanilang relasyon ngunit nang malaman ito ng Kano, tumakas siya na parang isang mailap na pusa at hindi nagpakita pang muli. Mula noon, ako na ang tumayong ama kay Judith. Umikot ang mundo ko sa kanya at umikot rin ang mundo niya sa kanyang Tito Juan. Napakaganda niyang bata, asul ang kanyang mga mata at napakaputi ng kanyang balat, halos lahat namana niya sa kanyang am, sa kabila nito, pusong pinoy siya. Masayahin, matulungin, magalang, mabait, para isang anghel na bumaba sa lupa. Palagi kaming namamasyal sa Maynila, inaangkas ko siya sa aking bisikleta kahit na madalas magalit si Ate Juliana sa amin. Napakasaya ng buhay namin, nagbago lang naman ang lahat nang dumating ang katapusan ng taong 1941, nang maging banta ang mga Hapon sa ating kalayaan at kaligtasan, napag-alaman namin kay Don Waldo na aming kapitbahay, kung gaano kapanganib at kabrutal ang mga Hapon, dahil doon naengganyo akong sumama kay Onat sa pakikipaglaban sa kanila para na rin sa kaligtasan nila Inay, Ate Juliana at Judith. Noong una tutol si Inay at Ate sa aking kagustuhan, nais nilang manatili na lang ako sa bahay kasama sila, hindi naman nagtagal pumayag na rin sila. Habang lumalala ang kaguluhan, nagbabalak na kaming lumipat ng ibang matitirahan subalit nagdadalawang-isip si Inay dahil sa mga magagandang alaala namin sa tahanang iyon, hindi nagtagal pumayag rin siya na makitira na muna kami sa aming Tita Celia sa Bulacan para sa kapakanan namin, lilipat na sana kami ilang araw na lang pero huli na ang lahat. Dalawang araw pagkatapos ng Pasko, binomba ng mga Hapon ang Intramuros at isa ang bahay namin sa mga tinamaan, nakaligtas ako, pero hindi pinalad si Inay at Ate, natagpuan ko silang duguan at wala ng buhay sa aming nawasak na tahanan."
Hindi na napigilan pa ni Juan ang kanyang emosyon at siya ay naluha habang nagsasalaysay. Maging si Frederico at Rodolfo ay naluha na rin sa kanyang pagkukuwento.
"At si Judith...siya ang pinakaapektado sa naganap na pagbomba, nadaganan siya ng gumuhong pader at kisame, nalapnos ang kanyang Kabilang pisngi at katawan, niyakap ko siya, pinagsisihan kong iniwan ko pa siya sa mga huling sandali, dapat hindi na lang ako lumabas ng bahay upang tignan ang mga nagaganap na pagsabog, sana nanatili na lang ako sa kanyang piling, baka naprotektahan ko pa siya at nabuhay pa sana siya. Masyado pa siyang bata para mawala, marami pa kaming pangarap ni Ate Juliana sa kanya, bakit ba kasi kailangang magkagiyera, bakit ba kasi kailangan pang madamay ang mga musmos at inosente?"
Naiyak na rin si Benito at Gabriel ng marinig ang tungkol sa sinapit ni Judith, ang iba naman ay nakatuon ang pansin kay Juan, nadarama ang kanyang mga sinasabi.
"Mula noon, isinumpa ko na sa aking sarili na paghihiganti ko ang pagkamatay ng aking pamilya, na uubusin ko ang mga Hapon, tutol dito si Onat at Angelita, ngunit desidido ako, kaya nga noong unang bakbakan, nandilim ang aking paningin at sinugod ko silang lahat. Naisip kong ito na ang pagkakataon ko para makapaghiganti pero pinigilan ako ni Sarge Bal, binuksan niyang muli ang mga mata ko kung ano ang tama sa mali, muli niyang itinuro sa akin na masama ang magpalamon sa galit at poot, ngayon, hindi na ako lumalaban ng marahas dahil sa pagkamuhi, lumalaban na ako para sa Pilipinas at sa lahat ng Filipinong umaasa sa ating proteksyon, sila ang inspirasyon ko at ang lahat ng iyon ay dahil kay Sergeant Baldomero Asuncion. Ang nagsilbing konsiyensiya, gabay at pangalawang ama ko."
Napangiti si Sgt. Bal sa kanyang narinig mula kay Juan.
"Napakabuti talaga ni Sarge," saad ni Benito, "hindi lang niya ako nilagtas, siya rin ang nagturo sa akin ng tamang disiplina at pagkontrol sa pagkain."
"Siya rin ang nagpursige sa akin na magsipag,"dagdag ni Gabriel.
"Noong mga panahong namumuhi ako kay Kuya, siya ang nagmulat sa akin kung gaano ako kamahal ng aking kapatid." Paglalahad ni Maximo.
"Siya rin ang nagturo sa akin na ang buhay ay hindi isa para isa lamang,"pagmamalaki naman ni Eusebio.
"Ako hindi ko madalas makausap ang Sarhento pero pinaunawa niya sa akin na hindi dapat tayo nag-aaway-away, na hindi tayo magkakalaban," sagot ni Frederico.
"Ang daya naman natin," saad ni Rodolfo.
"Bakit naman?" tanong ni Alfredo.
"Nagkukuwentuhan tayo dito tungkol sa ating mga buhay, hindi man lang natin sinali ang Sarhento."
"Ang alam ko abala ang Sarhento sa pagpaplano ng ating taktika," sagot ni Alfredo, "huwag na natin siyang abalahin."
"Pero nais ko rin siyang makakwentuhan," saad ni Frederico, "ano pa ba ang alam niyo tungkol sa kanyang buhay, ang alam ko lang hindi na siya nakapag-asawa dahil sa sobrang seryoso niya sa kanyang tungkulin."
"Ang alam ko, galing siya sa pamilya ng mga Sundalo, ganoon rin ang kanyang ama at lolo at gaya ko namatayan rin siya ng kapmilya dahil sa mga Hapon," sagot ni Juan. "Sa tingin ko hindi na naman natin kailangan na malaman ang lahat tungkol sa kanyang buhay para mas makilala natin siya, sa dami ng mga aral na naituro niya sa atin, kilalang-kilala na natin siya, isa siyang magiting at matapang na sundalo. Hindi mababali ang kanyang paninindigan at prinsipyo."
Naluluha na ang Sarhento sa lahat ng papuri sa kanya ng kanyang mga tauhan, bumalik siya sa kanyang pwesto at ipinikit ang kanyang mga mata na may ngiti sa kanyang mukha.
"Anong oras na nga ba?" tanong ni Benito habang humihikab.
"Sa tingin ko oras na para magpahinga," sagot ni Alfredo. "Hatinggabi na."
"Oo nga, siguro kung nasa bahay ako tulog na ko ngayon," dagdag ni Gabriel, "sabik na kong umuwi."
"Buti pa ng kayo," sagot ni Juan, "mapapalad kayong lahat at may pamilya pa kayong uuwian, ako wala na."
"Nagkakamali ka dyan, Juan," saad ni Alfredo, "may pamilya ka pa."
"Kami," sabay-sabay nilang sinabi.
"Maraming salamat sa inyong lahat," nangingilid muli ang mga luha sa mata ng nangungulilang binata.
"Kami na ang pamilya mo ngayon, Juan," pinagaang ni Maximo ang kanyang loob, ipangako natin na pagkatapos ng giyera, magkikita-kita pa rin tayong lahat, mag-iinuman, magkakainan at magtatawanan."
"Oo naman," payabang na sagot ni Frederico, "ako pa manlilibre ng alak tuwing linggo sa bahay namin sa Cavite."
Humalakhak ang lahat, pagkatapos, sabay-sabay nilang niyakap si Juan, pagkatapos humiga na sila sa kanilang trintsera at natulog ng mahimbing, saksi ang mga bituin sa nabuong bagong pamilya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro