Kabanata 1
Kumakapit sa balat ang init na taglay ng hangin. Kahit ang gabi ay pagsubok sa panahon ng Tag-init sa Pilipinas. Tatlong pahina na ang nalagas sa kalendaryo ng taong 2017. Pumasok na ang buwan ng Abril.
Ang panahong sari-sari ang reaksyon ng mga Pinoy sa pagbabago ng klima. Ang iba ay natutuwa dahil ito na naman ang oras kung saan maaari silang mamasyal at mag-outing sa iba't-ibang beach kung saan sila ay magsasaya sa pagsuswimming. Patok rin ang ibang Tourist Destination sa Pinas, lalo na ang Baguio, kung saan ang iba ay nagpapasarap sa ginaw at hamog ng hangin na hindi nila madadama sa ibang bahagi ng bansa. Marami man ang nagagalak sa pagpasok ng tag-init, ang iba naman ay kinaiinisan ito sapagkat mahirap tiisin ang ganitong panahon, ang iba ay nagkakasakit sa hirap ng paghinga at ang iba naman ay lumalagkit ang pawis na dulot ng Haring Araw. Kung ito ay pighati na sa mga bata, mas lalo pa sa mga nakatatanda.
Sa isang Home For The Aged sa siyudad ng Quezon, mahimbing ang tulog ng mga matatanda sa kanilang mga magkakahilerang mga kama. Mamasa-masa man ang kanilang mga kinahihigaaan sa pawisan nilang mga katawan at mga ihi na dulot ng balisawsaw, sinigurado naman ng mga nurse na komportable ang kanilang mga inaalagaan sa pagtutok ng mga may kalakihang bentilador sa mga matatanda. Patay na ang ilaw at ang lahat ay mapayapang natutulog, hindi inaalintana ang init ng panahon. Bukod sa mga solidong huni ng mga kuliglig, ang tanging ingay sa paligid ay ang paghilik ng mga kalalakihan sa kanilang silid na maihahalintulad sa isang generator. Tahimik ang bawat kaluluwa at kamalayan, bukod lamang sa isa.
Hindi magkamayaw sa paggalaw ang isang matandang lalaki sa kanyang kama na napawesto sa may sulok malapit sa pinto. May katandaan na siya kung ikukumpara sa iba niyang mga kasama. Mahahalata ito sa kulubot niyang mukha na parang punong kahoy, sa pisngi niyang halos lumawlaw na sa kanyang panga at sa mga itim na pekas na nakapaligid malapit sa kanyang mga mata. May kaitiman pa ang kanyang buhok na hindi natin masasabi kung natural pa ba o kinulayan na ng mga nag-aalaga sa kanya, may kakapalan pa rin ito kung ikukumpara sa iba na halos panot at ilang piraso na lang ang natitira sa kanilang mga ulo. Gayunpaman, hindi na maikakaila na may katandaan na siya. Isa lang ang masisigurado, sa kanyang anyo, malamang lagpas nubenta na ang kanyang edad.
Nanginginig ang matanda sa kanyang kinahihigaaan, naliligo na sa kanyang pawis ang kanyang ulo't-katawan, walang humpay ang paggalaw ng kanyang mga talukap kahit na siya ay nananatiling nakapikit at sa bawat minutong nagdaraan mas tumintindi lamang ang kanyang pag-ungol. Tila malayo na ang nilalakbay ng kanyang panaginip o di kaya ay isang bangungot.
Tangke...Granada...Bayoneta...
Bumalik sa kanyang gunita ang buhay niya noong araw, ilang dekada na ang nakalipas na para bang kahapon lang ito naganap. Nakikita niya ang kanyang dating tahanan sa Intramuros kasama ang kanyang pamilya, masaya at tahimik ang lahat, hanggang sa mag-iba ang ihip ng hangin. Mula sa kalangitan ng Maynila, rumindi sa kanyang tenga ang nakabubulabog na ingay ng eroplano ng mga Hapon, pagkatapos, dumagundong sa kaibuturan ng kanyang kamalayan ang malakas na pagsabog ng bomba sa kanyang tahanan, hindi niya namalayang nasa labanan na siya sa kagubatan ng Bataan, nakikipagdigma sa mga Hapones kasama ang kanyang mga kaibigan. Umuulan ng bala sa magkabilang panig, at patuloy ang mga galabog na nanggagaling sa tangke at machine gun. Napadiin at nagpatalbog-talbog ang matanda sa kanyang kinahihigaan na para bang tinatamaan siya ng bawat tira ng nasabing mga armas. Tanda pa niya ang mukha ng mga Hapon na kanyang napatay, ang mukha ng mga kasamahang namatay sa sakit, gutom at pakikidigma. Higit sa lahat, umabot sa sukdulan ang pagkabog ng kanyang dibdib nang matagpuan ang kanyang sariling nagmamartsa sa Bataan, kasama ang mga sumukong kasamahan. Bumagsak siya sa hirap, pagod at gutom, ilang segundo lang, isang nakapangingilabot na Hapones ang lumapit sa kanya at walang pag-aalinlangan nitong isinaksak ang bayoneta sa kanyang nanghihinang katawan.
Sumigaw siya na tila tumagos talaga sa kanya ang sinaksak na bayoneta, "Hayop kayo! Papatayin ko kayo! Mga demonyong Hapon!"
Nagising ang lahat sa kanyang pagsigaw at napalingon sa kanya ang mga matatandang naantala ang pagtulog.
"Pambihira naman," tugon ng isang bugnuting matanda. "Ang sarap na ng tulog ko."
Bumukas ang pinto malapit sa kanya at pumasok sa loob ng silid ang isang nurse na nagsisilibing tagapangalaga nila. Sa kanyang anyo, mahahalina ang mga kalalakihan sa kanyang mala-anghel na mga mata at mestizang balat. Maganda rin ang hubog kanyang katawan. Maaaring nasa dalawampu't-lima ang kanyang edad.
May pag-aalala niyang nilapitan ang nagwawalang matanda, "Lolo Juan, ano pong nangyari?"
Patuloy pa rin ang pagsigaw niya at tila wala pa rin sa wisyo. "Mga Hapon, nandito sila! Papatayin nila ako! Papatayin ko sila!"
"Lo, kumalma na po kayo," hinawakan niya si Juan at hinimas ang kanyang likuran. Unti-unting nahimasmasan ang matanda nang mapagmasdan ang maamong mukha ng dalagitang tagapangalaga.
"Wala pong mga Hapon, nananaginip lang po kayo, ligtas po kayo dito."
Kinuha niya ng tubig ang matanda at hinay-hinay niya itong ipinainom sa kanya, dahan-dahang nilagok ng matanda ang tubig na hawak ng kanyang tagapangalaga hanggang sa maubos niya ito.
"Huminga lang po kayo ng malalim," malumanay na payo ng nurse. "Inhale...exhale."
"Inhale."
Suminghot siya ng hangin sa direksyon nito at pinigil ang paghinga.
"Exhale."
Sabay niyang pinakawalan at huminga ng malalim. Kahit papaano ay gumaan na ang kanyang pakiramdam at bumalik na sa normal ang tibok ng kanyang puso.
"Panaginip lang pala," napagtanto ni Lolo Juan, huminahon rin ang kanyang tinig at bumalik sa tamang bilis ang kanyang pagsasalita, "akala ko totoo."
"Lo, naaalala niyo na naman po ang kabataan niyo," kumuha ng Blood Pressure ang nurse at sinuri ang presyon ng matanda, hinigpitan niya ang pagkapit nito sa kanyang braso at dahan-dahang pinakawalan ang presyon, "ang taas po ng dugo niyo. Mahiga na po muna kayo."
Inalalayan niya ng may buong pag-iingat ang matanda pabalik sa kanyang kama at nilakasan niya rin ang bentilador nang sa ganoon ay mas maginhawahan ito.
"Gusto niyo po bang bantayan ko kayo hanggang sa makatulog kayo?"
"Hindi na, Angelita, salamat," tugon ni Juan, hindi na malaman kung nakapikit ba ang kanyang mata o nakadilat sapagkat masyado na itong maliit.
Natatawang napailing ang magandang dalaga, "Nurse Anne po, Lo."
"Sige, sige, uuwi na muna ko kay Inay at Ate. Baka naghihintay na rin si Judith ng pasalubong mula sa akin."
Paminsan-minsan, hindi na maintindihan ni Nurse Anne ang mga sinasabi ng matanda. Sa kanyang katandaan, malamang nagsisimula ng mag-ulyanin si Lolo Juan gaya ng mga ibang matanda na inilagaan niya sa nursing home hanggang sa sila ay mamayapa. Karaniwan na siyang nagdadadaldal at nagkukuwento tungkol sa kanyang buhay noong kanyang kabataan. Minsan ay binabanggit niya ang pangalan ng mga taong mula pa sa kanyang nakaraan. Ilang beses na niyang natatawag na Angelita hindi lang si Anne kundi pati na rin ang iba pa niyang mga tagapangalaga sa Nursing Home.
Kumuha si Nurse Anne ng isang malinis na towel sa drawer at pinunasan niya ang pawisang mukha ng matanda, napangiti siya sa kanyang mahal na pasyente, pagkatapos, pinatay niya ang ilaw at iniwang nahihimbing si Lolo Juan kasama pa ng ibang matatandang nagbalikan sa pagtulog.
April 8, 2017
Abala ang mga mag-aaral sa Pamantasan ng Maynila. Ang lahat ay nagsisipaghanda na para sa kanilang graduation na gaganapin sa katapusan ng Abril. Sa pinaka-itaas na baitang ng paaralan, dumarami na ang ang mga estudyante sa Faculty Room na abala sa pagpapasa ng mga requirements at pagkumpleto sa kanilang mga clearance para sa nalalapit na pagtatapos. Lahat sila ay nag-aabang sa mga profesor na kanilang sadya para magpasa at magpapirma. Sila ang mga pinalad o kung nakatsamba ay sinwerte lang. Ang iba naman ay namomroblema sa kanilang mga grado at nagbabaka-sakaling sila ay makalusot at mapagbigyan pa para makagraduate, sila ang mga minalas o ang mga nagpabaya.
Isa sa mga nag-aabang ang isang binatang nagngangalang Joel Trinidad. May katangkaran ang nasabing binata, moreno ang kanyang balat at may kakisigan ang kanyang anyo. Taimtim siyang nakaupo sa waiting area, hindi mapalagay at kinukuyakoy ang kanyang mga paa.
Maya-maya, dumating ang isa pang mag-aaral at umupo ito sa tabi niya. Siya naman si Mico Alvarez, isang tamad na mag-aaral na muntikan nang bumagsak sa iba pang subjects, may kaliitan siya at may katabaan ng kaunti ang kanyang pangangatawan.
Tinanong niya si Joel, "Ano tol, nakausap mo na ba si Sir. Katakutan?"
"Hindi pa," nababalisang tugon ni Joel, "mamaya pa siguro lalabas iyon, hintayin na lang natin."
Ninerbyos na rin si Mico sa reaksyon ng kaklase. Hindi niya rin matiyak ang kahihinatnan ng kanilang pag-usapan at nagsimula siyang pagpawisan mula ulo hanggang paa.
"Sa tingin mo kaya mapapakiusapan pa natin siya?"
"Hindi ko alam pre, malamang hindi. Tayo rin naman kasi may kasalanan nito. Hindi tayo nagpapapasok sa kanya. Kung alam ko lang na dito pa ko sa PhilHis sasabit, sana pala pinasukan ko na lang kaysa hindi ako makagraduate.
"Huwag mo ng intindihin masyado. Hindi naman ganoong kahalaga ang subject na to para pasukan. Minor lang to, man."
Bumukas ang pinto ng faculty room. Lumabas ang Propesor na nais nilang kausapin at sila'y napatayo sa kanilang kinauupuan.
"Sir. Katakutan," bumati si Joel na may pilit na ngiti sa kanyang kabadong pisngi.
Tunay sa kanyang pangalan, katatakutan nga ang pagmumukha ng Propesor, noon pa lang hindi na nila malaman kung bakit hindi nito nagagawang ngumiti, tila permanente na ang kanyang walang kasing pait na mukha. Mas lalong napakunot ang noo niya nang makita ang presensiya ng dalawang mag-aaral. Humaba ang pagitan ng kanyang ilong at bibig, inayos niya muna ang makapal niyang salamin bago kausapin ang dalawa.
"Kayo na namang dalawa? Kala ko ba malinaw na ang lahat? Binagsak ko na kayo di ba?"
"Sir, hindi pa naman," pagtatama ni Mico, "ang sabi mo lang hindi mo pa kami nabibigyan ng grade. Hindi pa po bagsak iyon."
Siniko ni Joel ang kasama at sinenyasan ito sa tingin na siya na lamang ang kakausap sa kanilang Propesor. Alam niyang magkakandaloko pa lalo pag tumirada pa ang kasama.
Hinarap ni Joel si Katakutan sa tinig na mas maamo pa sa tupa. "Ah Sir, baka po pwede pa nating ayusin ito. Kailangang-kailangan po naming makapasa sa subject mo para po makagraduate na kami. Ito na lang po ang kulang at ayos na kami sa graduation."
Tumaas ang kilay ni Katakutan, "so problema ko pa yun? Kasalanan ko pa? Dapat napag-isip-isip niyo na iyan noon pa man bago niyo balewalain ang subject ko, akala nyo ba minor lang ang Philippine History? Na kahit hindi kayo pumasok makakalusot kayo? Ibahin niyo ko. Ngayon talagang katatakutan niyo ko. Ilang beses ko lang ba kayo nakita sa klase ko? Dalawa, tatlong beses lang yata?"
"Sir, mga apat naman," sumabat na naman si Mico.
Natawa ang Profesor kasabay ng pag-iling. At least nakita na nilang ngumiti ito kahit na alam nilang dahil sa pag-uuyam lamang at di dahil siya ay natuwa.
"Para namang malaki ang kaibahan ng tatlo sa apat, kinorek mo pa ako, sige hulaan ko kung kailan, tig-isang beses kada term, isa sa prelims, midterms, prefinals at finals."
"Bale walo pala," dagdag ni Mico, "kasama yung apat na beses na nag-exam kami."
"Hindi ko sinama sa attendance ang exam day, Mr. Alvarez. Ang bababa rin ng exams niyo, paano ko kayo maipapasa nyan? Sabihin niyo sa akin. Pagbibigyan ko kayo, magbigay kayo ng matinong dahilan kung bakit hindi kayo nakakapasok sa aking klase."
Nagkasulyapan ang dalawa na tila nag-iisip kung ano ang kanilang maisasagot. Sigurado silang mas mahirap pa sa karayom lusutan ang istriktong guro. Mayroon siyang ganoong reputasyon.
"Kasi po busy kami sa Thesis," sabi ni Joel. "Marami pong revisions na pinadagdag."
Napaismid si Katakutan, "busy? Ang lahat naman busy sa Thesis pero nakakapasok sila. Yung dalawa niyo ngang kagrupo, si Vince at Alvin halos walang liban."
Naubusan na ng isasagot ang dalawa, kahit anong idahilan nila, hindi sila uubra sa pambabara ni Katakutan. Mabuti pa sigurong tanggapin na lang nila na talagang babagsak na sila.
"Wala na, huli na ang lahat. Huwag niyo ng i-dahilan ang Thesis niyo para mapagtakpan ang katamaran niyo. Pasensiya na, mukhang uulit pa kayo ng isang sem bago kayo makagraduate."
Tumalikod si Katakutan at babalik na sana sa loob ng faculty nang biglang lumuhod si Mico sa kanyang harapan at hinila ang kanyang damit sa pagmamakaawa.
"Sir, maawa na kayo, kahit tres lang pwede na!" Nagkunwaring umiiyak ang binata at pumiyok ang kanyang tinig. "Ginto na ang tres!"
Napanganga si Joel sa ginawa ni Mico, kahit sinong makakita sa kaibigan, malalamang hindi siya seryoso sa kanyang pagmamakaawa, parang nanloloko lang siya, hindi niya alam kung maaawa ba siya sa kaibigan o matatawa. Sa kanyang ginawa, parang siya ang nahihiya sa lahat ng estudyanteng napatigil sa kanilang pinagkakaabalahan at napatingin sa kanila.
"Mr. Alvarez, kahit lumuha ka pa ng dagat diyan, hindi na kita mapapagbigyan," hindi pa rin natitinag ang Propesor.
"Sir," tinawag siya ni Joel, "ako na po ang nakikiusap sa inyo, pag-usapan po natin ito, kahit ano po gagawin namin, makagraduate lang kami. Kahit ano pong ipagawa niyo susundin namin, kahit tres lang po ang ibigay niyo sa amin, tatanggapin namin."
Tila mas nakuha ni Joel ang loob ni Katakutan kaysa kay Mico at nahahalata na niyang may bahid na ng awa at pagdadalawang-isip sa mukha nito.
"Totoo po ang sinasabi namin, talaga pong hindi kami nakapasok sa dahil sa Thesis, nagkamali po kami at binalewala naman ang History class, patawarin niyo po kami. Bigyan niyo po kami ng isa pang chance at aayusin namin, pangako po, magpapasa po kami kahit anong project, payagan niyo lang po kami makagraduate."
Bumuntong-hininga si Katakutan sa pakiusap ni Joel, "sige na nga, baka ireklamo niyo pa ko sa CHED."
"Pagbibigyan niyo na po kami?" tanong ni Mico, tumayo siya ng mabilis pa sa alas-kwatro at umabot sa tenga ang ngiti sa kanyang pisngi.
"Oo na," napilitan ang Propesor sa kanyang pagsagot at nananatiling mapait ang kanyang pagmumukha.
"Salamat, Sir, kayo na ang pinakamabait at pinakamagaling na prof para sa akin!"
Niyakap ni Mico si Katakutan sa harap ng ibang mga students.
Kumawala si Katakutan sa higpit ng kanyang yakap, "Sige, sige na, tama na pambobola."
"Sir, thank you po," sambit ni Joel. "Hindi po namin ito makakalimutan."
"Huwag mo pa akong pasalamatan, Mr. Trinidad, hindi niyo pa alam kung ano ang aking ipapagawa, sandali hintayin niyo ko at pag-iisipan ko pa."
Pinaghintay ni Katakutan si Joel at Mico ng kalahating oras, bumalik siya sa Faculty para pag-isipan kung ano ang ipapagawa niya sa dalawang ugok. Nang makaisip na siya ng proyekto, laumabas siya sa kinaroroonan ng dalawa.
"Anong petsa nga pala bukas?"
"Linggo po," magiliw na sagot ni Mico.
"Petsa, tol, hindi araw," pagtatama ni Joel sa kaibigan pagkatapos sinagot niya ang guro, "April 9 po."
"At ano naman ang ipinagdiriwang sa araw na iyon?"
"Araw ng Kagitingan po, Sir," sagot ni Joel na para bang hindi siya ganoong kasigurado kung tama ba siya o hindi.
"Tama, bukas ang Ika-Pitumpu't-Limang Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan," sagot ng Propesor, sunod niyang hinarap si Mico, "Mr. Alvarez, ano nga pala ang Araw ng Kagitingan?"
Nablangko si Mico, hindi maikakailang wala siyang kaalam-alam sa kasaysayan.
"Mahusay ka talaga, Mr. Alvarez," banat ni Katakutan sa kanya. "Kahit elementary alam iyan."
"Ito ang araw kung kailan sumuko ang mga sundalong Pilipino at mga Amerikano sa mga Hapon, ang araw na isinuko ang Bataan," sa pagkakataong ito kumpiyansa na si Joel na tama nga ang kanyang sinagot. Kahit papaano naman ay may nalalaman din siya sa history ng Pinas.
"Dapat po pala hindi Araw ng Kagitingan ang tawag dyan kundi Araw ng Pagsuko," pagbibirong kantyaw ni Mico.
Natawa siya sa kanyang biro ngunit natahimik nang mapansin niyang hindi natawa si Joel at ang Propesor.
"Tumahimik ka, gusto mo bang ibagsak na talaga kita?"
"Sorry po, Sir."
"Tama kayo, ito nga ang araw na sumuko ang mga Pilipino sa mga Hapon. Tulad ni Mr. Alvarez, ang tingin ng iba ito ay araw ng pagkatalo, pero bakit nga ba Araw ng Kagitingan ang tawag dito? Iyan ang gusto kong alamin niyo, iyan ang project na ipapagawa ko. Gusto kong magsaliksik kayo at humanap ng isang matandang war veteran. Interviewin niyo siya, alamin niyo kung ano ang kanyang naging karanasan noong World War 2 ng sakupin ng Hapon ang Pilipinas, itanong niyo sa kanya kung ano ang tunay na kahulugan ng kagitingan at kung bakit ito ang ipinangalan sa araw na ito. Isulat niyo ang lahat ng kanyang sasabihin at idocument niyo. Gawan nyo ng report. Nagkakaintindihan ba?"
"Opo sir," sagot ni Joel. Mas pipiliin na niyang gawin ito kung ang kapalit ay makakapagmartsa sila.
"Sir, sino naman po ang kukunin namin?" tanong ni Mico.
"Kahit sino, kahit lolo niyo, kapitbahay, o lolo ng kapitbahay niyo, wala akong pakialam, ang mahalaga, maipasa niyo sa akin iyan sa Miyerkules bago ko ma-finalize yung grades niyo. Hindi na pupwede sa Huwebes, Mahal na Araw na."
"Sige po, iyon lang pala, madali lang," kampanteng sambit ni Mico.
"Anong madali? Hindi iyan basta-basta. Halos Walumpung taon na ang nakalipas mula ng mangyari ito. Mahirap ng maghanap ng taong nakaabot pa sa World War 2. Karamihan sa kanila patay na, kaya pag-igihan niyo ang paghahanap. Isa pa, huwag na huwag kayong magtatangkang kumuha sa net, dahil malalaman ko, kailangan rin na may picture kayo kasama siya."
"Masusunod po."
"Sige, Goodluck na lang sa inyo," pumasok si Prof. Katakutan sa faculty.
***
Nagtungo ang dalawa sa library, naging kampante na si Mico sa paglalaro ng Clash of Clans sa kanyang cellphone habang si Joel naman ay seryoso at malayo ang tingin sa paligid. Nagbabasa siya ng isang History Book na kanyang hiniram. Nagbasa siya ng mga taon sa WW2 chapter ng libro.
1941, 1942, 1945.
Binilang niya sa kanyang daliri ang mga taon.
"Bakit ang tahimik mo?" tanong ni Mico, "hindi ba ipapasa na tayo? Dapat nagsasaya ka na. Tara laro tayo."
"Yari tayo nito, pre," ngayon lamang napagtanto ni Joel kung gaano kabigat at kahirap ang project na ibinigay sa kanila.
"Anong yari, pinagbigyan na niya tayo, papasa na tayo niyan, basta magpasa tayo ng pinapagawa niya."
"Yun na nga eh, binigyan tayo ng second chance kaso ang hirap, isipin mo, paano tayo makakahanap ng taong nakaabot pa sa panahon ng Hapon? 1940's pa nangyari iyon. Kung buhay pa sila ngayon mahigit 90-100 na sila e sa panahon ngayon hindi na umaabot sa ganung edad ang mga tao."
Natawa si Mico na pinagwawalang bahala ang pag-aalala ng kaklase. "Sus, madali lang iyan, e di kumuha tayo sa net."
"Di ba sabi niya, hindi pupuwede at malalaman rin niya."
"E di ibahin natin ng kaunti para hindi halata, hindi ako natatakot kay Katakutan."
"Kaya pala nagmakaawa ka na sa kanya kanina," pabirong pinaalala ni Joel sa kanya.
Natawa si Mico, "syempre acting ko lang yun, Tol. Pang-Best Actor no?"
"Seryoso to. Ano ng gagawin natin, sino naman ang matandang kakausapin natin para magpapicture?"
"Madali lang iyan, kausapin ko si Manong Berto, wala pa siyang 70 pero mukhang 90 na siya."
Napailing si Joel sa pinaplanong pandaraya ng kaibigan, "hindi, hindi pwede yan. Pinagbigyan tayo ni Katakutan tapos dadayain lang natin siya. Hindi naman na yata tama yun, Tol. Kakarmahin tayo dyan, baka lalo tayong hindi makagraduate. Hindi, gagawin natin to ng tama. Kailangan nating makahanap ng totoong war veteran sa lalong madaling panahon."
"Saan naman tayo hahanap ng matandang kuluban, aber?"
Tama siya, mas madali pa atang makahanap ng Ginto kaysa makahanap ng buhay na beterano ng giyera.
Saan nga ba makakahanap ng maraming senior citizens?
Nanliwanag ang bumbilya kay Joel. Isa lamang ang lugar na pumasok sa kanyang isipan.
"Gumising ka ng maaga bukas at pupunta tayong Quezon City."
Napakamot sa kanyang ulo si Mico, "anong pupuntahan natin sa Quezon?"
"Pupunta tayo sa Home for the Aged."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro