Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ika-Walong Kabanata: Karimlan

Marahan ang bawat hakbang ko na para bang ayaw kong makarating sa kung saan man ako patungo. Sa isang pasilyong tila walang katapusan ay natagpuan ko na lang ang aking sarili na mag-isang naglalakad.

Puti ang paligid. Malinis at payapa. Ito ay napalilibutan ng malamlam na kulay na siya pa lalong naghahatid ng bigat ng aking damdamin. Ang tanging kulay lamang na hindi nababagay sa silid na aking nilalakaran ay ang kulay ng dugo na patuloy na umaagos sa aking katawan pababa sa aking mga kamay at paa. Bawat aking daanan ay natutuluan ng pulang likido na nagmumula sa aking katawan. Ang damit kong kulay puti rin ay namantsahan na — isang mantsa na madaling tanggalin ngunit hindi ang isang ala-ala.

Halos wala na ako sa aking sarili nang ako'y umupo sa bakanteng upuan sa isang gilid ng pasilyo. Upuan na tila nilaan para sa akin. Ipinahinga ko ang hapo kong katawan, isinandal ko ang aking likuran, ipinikit ang aking mga mata at iniyukom ang dalawang kamay.

Wala na si Papa.

Inilagay ko ang aking braso sa aking mga mata at muling umiyak na parang bata. Parang dinudurog ang puso ko sa sobrang sakit ng aking nararamdaman. Hindi ko kaya ang ganitong pakiramdam.

Ako na lang mag-isa.

Ang mundo ko na nagliwanag mula nang makakita ako ay tila bigla na lang bumagsak muli sa walang hanggang kadiliman.

Patuloy ang aking paghagulgol sapagkat ito lamang ang alam kong paraan na kahit paano makakatulong sa akin para gumaan ang aking pakiramdam ngunit hindi. Hindi sapat na maubos ang luha ko upang maibsan ang sakit ng pagkawala ng aking magulang.

Masakit sa aking pakiramdam nang iwan kami ng aking ina. Pero pakiramdam ko ay mas masakit ang iwan ako ng aking ama. Masakit makita sa harapan ko mismo kung paanong nasagasaan ang aking ama at wala man akong nagawa. Kahit pa nakuha kong tumakbo upang saklolohan siya ay huli na.

Papa...

Gusto kong sumigaw at magwala. Gustong umiyak nang husto na parang bata...pero hindi ko magawa. Wala ang sakit ng sugat ko kung ikukumpara sa sakit ng kalooban ko sa oras na ito. Huminto ang lahat. Napakibilis ng pangyayari pero pakiramdam ko ay ito na ang pinakamatagal na sandali ng buhay ko.

Nagsimula nang muling umikot ang mundo. Iba-ibang tao ang nagdadaan sa aking harapan kaya't pinili kong yumuko na lang. Hanggang makita ko ang pares ng paa na nakatayo sa aking harapan. Unti-unti kong iniangat ang aking ulo upang tignan siya.

"Paumanhin pero wala na talaga." Sambit niya. Isang katotohanang ayaw kong marinig at katotohanan na mahirap tanggapin.

Wala na akong nagawa kung hindi asikasuhin ang lahat. Agad kong tinawagan si Manang dahil siya na lang ang taong masasandalan ko sa sandaling ito. Kahit anong pilit ko na pakalmahin ang aking sarili ay hindi ko magawa. Halos wala man akong mabuong maayos na pangungusap nang tawagan ko si Manang dahil sa aking pag-hikbi.

Hindi man ako naghintay ng matagal at dumating na siya at hinagkan ako. Isang mainit na yakap na kailangan ko.

~ * ~

Naayos na namin ang lahat. Bumuhos ang pakikiramay mula sa aming mga kamag-anak, sa mga kaibigan at ka-trabaho ni Papa. Ang aming bahay na iilan lamang ang nakatira ay napuno ng iba-ibang tao. Nagmistulang isang malaking pagsasama ngunit sa hindi magandang okasyon. Ilang araw na ang lumipas at wala na akong nakita kung hindi kulay itim at puti. Sa dami ng tao na dumadalo, hindi ko na alam kung sino ba sa kanila ang tunay at hindi.

"Magkape ka muna iho," Sabay abot sa akin ni Manang ng mainit na kape. Inabot ko na lang at dinama sa aking palad ang init.

"Manang, masaya kaya niyan si Papa?" Wika ko habang walang emosyon na nakatanaw sa himlayan ng aking ama.

"Iho, bakit mo naman naisip 'yan? Isipin mo na lang magkasama na ang Mama at Papa mo ngayon." Hinawakan niya ang aking palad at bahagyang pinisil.

"Ano bang maganda sa mundong ito..." Nagsimula na namang mamugto ang aking mga mata. "Nabubuhay tayo para mamatay."

Gusto kong makita si Papa pero wala. Gusto kong makita ang aking ina ngunit wala rin. Nasaan ang pakinabang ng ipinagkaloob sa akin na kakayahan kung hindi ko naman magamit kung kailan ko kailangan?

Si Cleo naman...hindi ko na siya nagawang masabihan tungkol sa nangyari dahil alam ko na kasing bigat ng aking nararamdaman ang madarama niya o higit pa kung malaman niya na nagkatotoo ang kamatayang nakita niya. Ang tanging alam niya lang...ligtas ako.

"Ano ka ba iho, binigyan tayo ng pagkakataong mabuhay para masaksihan ang ganda ng mundo." Wika niya ng buong puso.

"Pero parang mas maganda pa noong dilim lamang ang aking nakikita."

"Iho, dati kang walang paningin, 'wag mong sabihin sa akin na ngayon ka pa nabulag? Hindi lang mata ang nakakakita. Pisikal na mundo lang ang tinitignan ng ating mata, pero mas malawak ang nakikita ng puso at isip. Sa'yo na nga nanggaling, para sa'yo mas maganda ang dilim dahil no'n, puso at isip ang ginagamit mong paningin."

Hindi ako makaimik sa tinuran niya. Hindi ko matanggap. Hindi gano'n kasimple.

"Hindi ka ba nagandahan nang makita mo ang iyong ama? O hindi naman kaya nang makita mo ang mga bagay na hindi mo dating nakikita? Hindi ka ba nagalak nang unang beses mong makita ang g'wapo mong mukha?" Pagbibiro niya para lamang mapangiti ako.

"Nasasabi mo lang iyan dahil nahaharangan ng malungkot na luha ang iyong mga paningin, pero maganda ang mundo iho. Alam kong alam mo kung ga'no kagandang makita ang mga bagay na nakapiligid sa'yo. Sa tagal ko na sa pamilya niyo, nakita ko ang mangha mo sa mundo kahit pa itanggi mo."

Namangaha na lamang ako sa mga tinuran niya. Siguro nga tama si Manang at ipinagpapasalamat ko na ipinaalala niya sa akin ang mga naramdaman ko noong unang beses kong buksan ang mata ko sa makulay na mundong ito.

~ * ~

Dumating ang araw ng paghatid ko sa aking ama sa kaniyang huling hantungan. Makulimlim ang kalangitan na tila ba nakikidalamhati sa lungkot na bumabalot sa akin. Mas maraming tao ang dumating. Sa totoo lamang, iilan lamang sa kanila ang aking kilala dahil karamihan ay kasamahan ng aking ama o ng aking ina.

Puro pagbati ng pakikiramay ang aking natatanggap.

Sa oras na ito at sa huling pagkakataon, muli kong ibinuhos ang aking mga luha habang minamasdan na ibinababa ang katawan ng aking ama sa kaniyang huling hantungan.

Papa, makakasama mo na si Mama.

Gusto kong pigilan nang makita kong unti-unti na siyang tinatabunan. Naramdaman ko ang mahigpit na hawak ni Manang sa aking braso.

"Iho, sumalangit nawa ang Papa mo." Wika niya habang hinahagod ang aking likod.

Matapos ang seremonya ng libing, nawala na rin ang mga tao. Minasdan ko lang sila papalayo habang iniisip na pag-alis nila dito, babalik na ang buhay nila sa dati na para bang walang nangyari. Walang nawala. Walang nawala sa kanila.

"Manang, dito po muna ako." Pamamaalam ko.

"Sigurado ka ba iho?" Tanong niya na may halong pag-aalala.

"Opo. Ayos lang po ako." At binigyan ko siya ng isang ngiti.

"Iho, tandaan mo hindi ka nag-iisa."

"Hindi po talaga dahil kasama ko sina Mama at Papa." Tumango naman siya at nagpasya na iwan na lamang akong mag-isa upang makapagluksa.

Umupo ako sa harapan ng hantungan ng aking mga magulang. Mag-isa at tahimik na umiiyak. Bahagyang umihip ang hangin at naramdaman ko na lang ang pamilyar na init ng palad na dumampi sa aking mukha.

Pagmulat ng aking mata, sa wakas nakita ko rin.

Ang wagas na ngiti ng aking ina.

"Patawad kung maaga ka naming iniwan, pero hindi 'yon sapat para hayaan mo sarili mong lamunin ng kalungkutan."

Wikang narinig ko sa aking isip bago maglaho ng tuluyan ang imahe ng aking ama at ina sa aking sa aking munting panaginip.

* * * *

Isang araw? Dalawa? O higit pa? Hindi ko na maalala.

"Tulala ka na naman." Wika ang isang tinig na hindi ko makilala. Ipinagpatuloy ko na lang ang ginagawa ko sa aking trabaho at hindi pinansin ang nagsalita.

Kahit anong pilit kong abalahin ang aking sarili para hindi ko mapuna ang mga nangyayari sa akin ay hindi ko magawa. Sa pagsikat ng araw, sisikapin ko na ayusin ang aking sarili na para bang ayos lamang ang lahat. Sa tuwing gigising, sasalubungin ko ng ngiti ang aking pamilya na parang walang kakaibang nangyayari sa akin ngunit sa pagsapit naman ng dilim ay halos mabaliw na ako sa samu't saring eksena na nakikita ko sa aking paligid. Halos hindi na ako pinapatulog ng mga nilalang na dati'y tahimik lamang na nakatindig sa isang lugar.

"Uy, kanina pa tumutunog 'yang phone mo. Ayos ka lang ba Cleo?" Pagkuha niya sa aking atensyon matapos niya akong bahagyang sikuhin.

Hindi ko man nagawang tignan kung sino ang tumatawag at sa halip ay agad ko na lamang sinagot. Pinili kong lumabas sandali ng opisina.

"Bakit?" Pambungad kong tanong habang nakatayo sa tabi ng bintana.

Tahimik ang kabilang linya. Walang nagsasalita kaya naman tinignan ko kung sino ang tumatawag sa akin.

Sean.

"Sean?" Pagtawag ko pero wala pa ring sumagot. Laking tuwa ko ng malaman kong mabuti ang kalagayan niya at sinabing hindi nagkatotoo ang nakita ko. Pero napawi rin ang galak na iyon ng ilang araw ang lumipas ay nalaman ko na hindi totoo na siya ang mapapahamak kung hindi ay ang Papa niya.

Halos hindi ko alam kung pa'no ako haharap sa kaniya. Kagaya no'ng sa bata...kung nakita ko lang ng maayos...kung hindi lang ako pinangunahan ng takot. Kung hindi lang ako nawala sa aking sarili...baka may nagawa ako.

Hindi ko na alam ang gagawin ko para lamang mahinto ang lahat ng ito.

Pagod na ako.

"Sean..." Pag-ulit ko ngunit sa mas mahinang boses sa pagkakataong ito. "Patawad..." Sa tagal nang nangyari, ngayon lang ako nagkalakas ng loob na humingi ng tawad sa kaniya.

Kagaya kanina, tahimik pa rin. Ibababa ko na sana nang marinig ko ang tinig niya.

"Pasensya, gusto ko lang marinig ang boses mo." Panimula niya. Oo nga, ngayon lang kami ulit nagkausap. "Anong inihihingi mo ng tawad?"

"Bakit...bakit hindi mo sinabi sa'kin ang tunay na nangyari?" Matapang kong itinanong habang nakatanaw sa malaking bintana na sumasalamin sa aking repleksyon. Panandalian akong namasdan ang aking sarili. Balisa. Mapungay ang mga dati'y may buhay na mata.

"Alam mo na pala. Ayaw kong sisihin mo ang sarili mo, kagaya ng ginagawa mo ngayon. Hindi mo kasalanan." Malumanay niyang iwinika. "Kahit naman nakita mo 'yun, hindi naman ibig sabihin na may kailangan ka talagang gawin."

Pinakikinggan ko lang siya. Nakahahanga ang tibay ng loob niya. Sana ako rin.

"Higit sa lahat, may mga pangyayari na kahit anong pag-iwas natin ay mangyayari't mangyayari pa rin. Isa pa, kasama sa buhay ang kamatayan."

Natahimik ako. Hindi ko makasagot at hindi ko rin naman alam ang aking sasabihin. "Hindi rin naman iyon ang pakay ko kaya ako tumawag, gusto sana kitang makita kung ayos lang sa'yo, susunduin kita mamaya?" Paanyaya niya.

Kahit nakararamdam ako ng hiya ay pumayag ako. Siguro ang makausap ko siya ang pinakamakapagpapagaan sa aking damdamin tungkol sa bagay na nangyari.

Bumalik na ako sa aking kinauupuan at tinapos ang aking mga dapat gawin ngunit bigla na lang ako nakaramdam ng matinding pagkahilo kaya't napahawak ako sa aking mesa.

Naramdaman ko rin ang kamay na humawak sa aking braso.

"Ayos ka lang?" Tanong ng isa sa malalapit kong kasamahan. "Punta ka muna kaya sa clinic? Ang putla mo o?" Bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi. Gustuhin ko mang umuwi ay mahaba pa ang oras. Siguro nga kailangan ko lang ng sandaling pahinga.

Nagtungo ako mag-isa sa klinika. Hindi na ako nagpasama dahil kaya ko pa naman ang sarili ko. Ipinagpapasalamat ko na lang na maliwanag ang pasilyong nilalakaran ko dahil kung hindi, mas gugustuhin ko pang bumigay sa aking upuan.

Nang marating ko ang klinika, ay agad naman akong inasikaso ng company nurse at binigyan ng gamot na makapagpapagaan ng aking pakiramdam.

"P'wede ba akong humiga muna sandali? Kahit tatlumpong minuto lang." Pagpapaalam ko.

Tumango siya bilang tugon kaya naman, ginawa kong kumportable ang aking sarili sa isa sa mga higaan sa silid.

Ako'y nakatagilid, nakaharap sa blangkong pader sa silid at ipinikit ko na ang aking mata. Hindi pa man ako nagtatagal na nakahiga sa higaan ay bigla ko na lang akong nakarinig ng mga mahinang bulung-bulungan na hindi kaaya-aya sa aking pandinig.

"Mabuti na lang tulog siya ngayon. Pansin n'yo ba may kinakausap siyang hindi natin nakikita?" Narinig kong wika ng isa sa kanila. Napayukom ang aking mga kamay habang pinilit ko ang aking sarili na huwag kumibo dahil alam ko namang mali sila.

"Ssh...ang ingay mo naman baka gising 'yan." Sagot naman ng isa sa kanila.

Hindi pa rin ako tuminag at pinagpatuloy ang pagpapanggap na hindi ko sila naririnig. Sari-sari pang masasakit na salita ang kanilang walang pag-iisip na binibitawan. Mga tinig na nanlalait. Mga halakhakang nakaiirita.

Malakas ang kanilang tinig ngunit tila wala lamang sa kanila. Mga wala silang respeto.

"Ano ka ba, e ano naman kung gising siya? Wala namang magbabago." Sabay halakhak pa ng isa. Nakakairita.

"Alam naman ng lahat na kakaiba siya kung ikukumpara siya sa kanila."

Nagpunta ako rito para magpahinga pero sa ginagawa nila ay mas lalo pang bumibigat ang aking sakit ng kalooban.

Kahit anong pilit kong pagpipigil ay hindi ko na kaya, kaya naman ako agad-agad akong bumalikwas ng aking kama para harapin sila.

Ngunit tila ako nag nasorpresa...dahil walang ibang tao sa silid kung hindi ako.

"Hala ka, ayan nagising tuloy siya..." Sabay pakawala ng nakapangingilabot na halakhakan malapit sa aking tainga.

Ramdam ko ang pagtayo ng aking balahibo at para bang nanlaki ang aking balahibo. Dali-dali akong bumangon sa aking kinatatayuan at agad na tumungo palabas.

Narinig ko pang tinatawag ako ng nurse pero hindi ko pinansin. Nagsimula na naman akong makakita ng kung anu-anong eksena.

Madilim.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro