Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ika-Siyam na Kabanata: Balintataw

Madilim.

Isang walang hanggang kadiliman ang sumalubong sa aking paningin nang ako ay dumilat. Natalisod, nadapa, wala akong kahit anong bagay na makapa o mahawakan man lamang. Nabibingi ako sa labis na katahimikan ng lugar na hindi ko man lamang alam kung saan. Nababalot ito ng lubhang nakalulungkot na pakiramdam na tila humihila sa aking upang tumigil na.

May mahihina akong bulong na naririnig pero kahit saan ko man ilibot ang aking panginin ay karimlan ang sumasalubong sa aking paningin, ngunit sa isang dako ay napansin ko ang isang tao na naglalakad papalayo.

Hindi man maabot ng aking paningin ang kan'yang mukha, alam ko sa aking sarili kung sino ang babaeng nakikita ko, sa pagkakataong ito, sigurado na ako. Ang babaeng iyon ay walang iba kung hindi ako.

Ako ay nakatayo lamang habang tahimik na nakamasid sa aking sarili na naglalakad papalayo hanggang tuluyan na siyang naglaho sa aking paningin.

Nararamdaman ko ang sakit sa aking mga binti at mga paa na para bang nangangalay na. Nararamdaman ko ang bigat ng bawat hakbang. Nararamdaman ko ang bigat ng aking katawan. Nararamdaman ko ang bigat ng kalooban.

Pagod na ako. Ayoko na.

Sa isang iglap ay tuluyan nang naglaho sa aking paningin ang lahat at ang tanging nararamdaman ko lang ay masidhing kalungkutan. Nanlalamig ang aking pakiramdam, nanlalamig ang aking katawan. Ilang saglit lang ay nadama ko na ang patuloy na pag-agos ng luhang nag-uunahan sa aking pisngi.

"Cleo!" Sigaw nang isang pamilyar na tinig ngunit hindi ko malaman kung saan nagmumula. Kahit sa'n ako lumingon ay ay binubulag ang aking paningin ng walang hanggang karimlan.

"Cleo!" Pag-ulit n'ya. Isang malamig na palad ang dumampi sa aking mukha

Pamilyar ang eksenang ito.

Naghihintay ako na bumagsak sa kung ano o hindi man kaya ay magising mula sa isang masamang panaginip pero hindi.

"Cleo!" Umalingawngaw sa aking tainga ang malakas na pagsambit ng aking pangalan at naramdaman ko na lang ang mahigpit na paghawak sa aking panga.

Unti-unti nang nagliwanag ang aking paningin at sinalubong ang nag-aalalang mata ni Sean.

"Napapano ka ba?"

Natatakot ako.

Walang humpay ang pag-agos ng aking luha sa aking mata.

"Pinag-uusapan nila ako, Sean ialis mo ako rito." Pagmamakaawa ko sa kaniya.

Hindi naman siya nagdalawang-isip at inuwi ako sa amin. Ni hindi ko man lang namalayan na hindi lang pala ako tatlumpong minutong nanatili sa klinika ng aming opisina.

"Anak, ano bang nangyayari sa iyo?" Tanong sa'kin ni Papa pero pinili ko na hindi sumagot. Sa aking harapan naman ay nakaluhod ang aking ina na tila inaamo ako. Hindi ako kumibo at umiyak lang ako.

Natatakot ako...

Paulit-ulit sa aking isipan ang sarili kong tinig. Tumayo na lang ako at hinawi ang kanilang mga kamay sa akin. Naririnig ko ang kanilang tinig pero hindi ko pinansin.

Malinaw na ngayon sa akin ang lahat. Ang babae...ang tumatangis, ang walang buhay na babae ay ako. Nakakatawang isipin. Paano ko naman sasabihin lahat ng ito sa kanila? Nagkulong ako sa aking silid at tinangkang sundan ni Strace pero bago pa man niya abutin ang aking pintuan ay hinarap ko na siya.

"Pakiusap, pagod na ako." Wika ko bago ko tuluyang isinara ang pintuan ng aking k'warto.

Kinagabihan, ang tanging naririnig ko ay ang walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan. Nakatagilid lamang ako habang minamasdan ang mga patak ng ulan na nag-uunahan sa salamin ng bintana kasabay rin sa pagtulo ng aking mga luha.

Ngayon naiintindihan ko na...ang lahat ng nakikita ko ay totoo. Mahirap lang intindihin dahil ang nakikita ko ay pinaghalong realidad ko at realidad ng ibang tao. Ngayon mas naiintindihan ko na na ang aking mga mata ay nilaan para makita ang parehong kasalukuyan na hindi nakikita ng iba at ang hinaharap na nagsisilbing babala.

Pinilit kong hindi paniwalaan ang nakita ko. Ang babae na umiiyak noon sa ospital, ang babae na pilit inaabot ang aking kamay. Ang babaeng tumatangis sa pasilyo...bakit nga ba hindi ko nakilala? Na ang babaeng iniiwasan at kinatatakutan ko ay wala pa lang iba kung hindi ay ang sarili ko.

Sa pagkakataong ito...naalala ko ang matagal kong pinaninindigan at pinaniniwalaan na katulad lamang ako ng iba. Na pangkaraniwan ako kagaya ng pagkakaintindi nila sa salitang pangkaraniwan pero sa oras na ito...parang gusto ko nang maniwala na naiiba nga ako.

Nahihirapan ako. Nahihirapan akong intindihin ang nangyayari sa sarili ko. Isa ba talaga itong biyaya? O maituturing ko na talaga itong sumpa? Bago ko ipikit ang aking mata upang matulog at magpahinga, naalala ko ang sinabi ni Sean.

"May mga pangyayari na kahit anong pag-iwas natin ay mangyayari't mangyayari pa rin."

Kung ganoon wala naman na pa lang magbabago bakit ko pa tatakbuhan ang nakatakda namang mangyari. Isang matinding kirot ang naramdaman ko sa aking dibdib matapos ang isang masakit ideya na pumasok na aking isipan.

Nakaramdam ako ng masidhing lungkot nang maalala ko ang katotohanang na ito bago ko makita ang sa palagay kong huling eksena na aking maaalala at masisilayan.

Nakalulungkot. Lubhang nakakatakot.

* * * *

Nakalulungkot makita na bawat araw na lumilipas ay nawawala na ang pinsan na dati kong kilala. Bihira na siyang magsalita, o kahit man lang kausapin ako gaya ng dati pero hindi niya magawa. Hindi ko maintindihan kung bakit ngayon ay ayaw na niyang pag-usapan ang bagay na dati'y wala siyang takot i-k'wento.

Puno ako ng katanungan na hindi ko alam kung saan hahanapin ang mga sagot.

Sa tuwing umaga na lamang na makikita ko siya ay namumugto ang mga mata niya mula sa magdamag na pag-iyak sa problemang hindi niya sinasabi. Maging sa mga magulang man niya ay mailap na siya.

Naalala ko ang bagay na sinabi niya noong unang araw na dumating kami dito, may gusto siyang sabihin ngunit hindi siya sigurado. Na may higit na nakatatakot kaysa sa mga nilalang na nakikita niya.

"Wala naman, akala ko nakakatakot na ang mga multo o kung ano mang kakaibang nilalang na naglalaro sa paningin ko, may mas malala pa pala kaysa sa kanila."

Ano ang higit na kinatatakutan niya? Gusto kong malaman ngunit ngayon hindi ko na alam kung paano ko aalamin iyon kung lahat ng bagay na may kaugnayan dito ay iniiwasan niya.

~ * ~

Nakatayo ako ngayon sa harap ng kaniyang silid. Hindi ko maalala kung ga'no na katagal dahil pinag-iisipan ko kung kakausapin ko ba siya. Isang manipis na kahoy lamang ng pintuan ang nasa pagitan naming dalawa ngunit parang ang layo niya.

Sa kabilang dako ng pinto ay naririnig ko ang mahinang pag-iyak.

Gusto ko siyang makausap bago pa man kami umalis.

"P'wede ba kitang kausapin?" Sabi ko matapos akong kumatok. Nakapagtataka na agad niya naman akong pinagbuksan. Bagong hilamos siya nang buksan niya ang pintuan, malamang nag-ayos ng sarili bago ako harapin.

"Strace, sorry." Iyon ang unang salita na binitawan niya saka niya ako ngitian ng may halong kalungkutan. "Pasensya na kung nag-aalala ka pero ayos lang ako, magiging ayos lang ako." At muling gumuhit ang ngiti sa sulok ng kaniyang labi.

Ang tinuturan niyang salita ay siyang kabaligtaran ng kaniyang pinakikita. Bakas sa namamaga niyang mga mata ang masidhing lungkot.

"Alam kong hindi, ayaw mo bang magsabi bago man lang kami umalis?" Pagpupumilit ko pero wala pa rin. Umiling lang siya. Pinipilit magsalita sa pagitan ng kaniyang paghikbi.

"Wala lang ito, nilamon lang naman ako ng takot." Pagbibiro niya. Mula sa aking likuran ay lumabas ang bata kong kapatid.

"Ate Cleo..." Malambing niyang wika. "'Wag ka na pong umiyak..." Sabi pa niya sabay hawak ng aking kapatid sa kamay niya. Agad naman niyang hinagkan si Tracy bago kami tuluyang nagpaalam.

* * * *

Isang araw? Dalawa? Hindi ko na maalala.

"Tulala ka na naman." Wika ng tinig na hindi ko makilala kaya't ipinagpatuloy ko na lamang ang pagkuyakoy ang aking mga paa habang nakaupo sa kama sa isang sulok ng kulay puting silid.

Nakapako lamang ang aking paningin sa kawalang hindi ko naman matanaw. Umaalon ang paligid sa aking paningin dahil sa tindi ng sikat ng araw. Maalinsangan ang paligid.

Napatingin ako sa aking mga palad na puno ng sugat. Hindi ko narararamdamang ang hapdi. Sa totoo nga 'yan, wala akong nararamdaman.

Ilang linggo na ba? Ilang buwan?

Hindi ko na maalala.

Gaano na ba ako katagal na nakakulong sa sarili kong mundo?

Hindi ko na maalala.

Tumayo ako at kumuha ng isang pirasong papel at tahimik na gumuhit. Kagaya ng lagi kong ginagawa, hinayaan ko lang ang aking mga kamay na malayang gumalaw at iguhit ang bagay na hinahangad kong mangyari. Sa tagal ng pagkakataon, ngayon ko lang ulit naramdaman ang ngiti na gumuguhit sa aking labi habang tinitignan ang masayang larawan sa isang blangkong papel.

Naramdaman ko ang marahang pag-agos ng aking luha sa aking pisngi. Umiiyak na naman ako.

Kailan pa ba ito?

Hindi ko na maalala.

* * * *

Halos araw-araw ko siyang binibisita. Buwan na ba ang lumipas? Hindi ko na namalayan. Madalas siyang tulala at tahimik lang na nakaupo at nakamasid sa kaniyang paligid. Hindi ko na alam kung anong nangyayari sa kaniya. Ang nagpupumilit na maging matatag na babae ay hindi ko na makita bagkus ay napalitan na siya ng babaeng puno ng takot.

Parang sa isang iglap ay naging ganito na lang siya. Kinikimkim lahat ng nasa isip niya. Hindi ko alam kung bakit sa iglap ay naging mailap na siya sa lahat ng kaniyang sinasabi. Pero hindi na ako magtataka kung ang nangyayaring ito ay kaugnay sa kaniyang kakayahan.

Nakalungkot na hindi ko man lang malaman ang nakita niya kung bakit naging ganito na siya.

Bago umalis ang kaniyang pinsan ay kinausap niya ako tungkol kay Cleo. Hindi pala niya alam ang kakayahan ni Cleo na makita ang hinaharap. Bago sila umalis ay sinabi ko sa kaniya lahat.

Hindi ko kailanman malilimutan ang araw kung kailan bigla na lang nawala ang babaeng nakilala ko. Masakit isipin sa'kin na mula nang mawala ang mga magulang ko ay isinaisip ko ang sinabi ni Manang na tignan ko ang kagandahan ng mundo. Pero bakit ganito? Ang sakit sa kalooban na makita ang isa sa kagandahan ng mundo na nakikita ko ay unti-unting ding nasisira at nawawala.

Ang sabi ko tutulungan ko siya...pero ano na ang nagawa ko?

Hinawi ko ang ilang buhok na nakaharang sa kaniyang magandang mukha. Kanina pa kami magkasama pero heto siya at wala na namang imik at mukhang malalim na naman ang iniisip. Madalas nang ganito ang eksena namin, hindi ko na makita ang ngiti niya. Kung gagawin man niya, hindi na iyon kasing saya gaya ng dati.

"Kamusta?" Tanong ko at nakita kong gumuhit ang ngiti sa gilid ng kaniyang mga labi.

"Ayos naman." Maikli niyang sinabi bago bumalik ang atensyon sa labas ng sasakyan. Inaabala niya lang ang sarili sa mga bagay na nasisilayan niya.

Ipinagpaalam ko sa kaniyang mga magulang kung p'wede bang ako ang sumama sa kaniya ngayon. Noong una ay ayaw nilang pumayag dahil labis ang pag-aalala nila sa kanilang anak pero ipinangako ko naman sa kanila na magiging ligtas ang kanilang anak sa akin.

Hindi ko alam kung bakit pero napansin ko sa aking sarili na mula nang layuan ako ng tinuturing kong kamatayan ay tila nabawasan na ang kababalaghang aking nakikita. Siguro rin dahil natanggap ko na. Nawala na ang takot ko sa kanila dahil higit akong takot na mawala ang bagay na mayroon talaga ako.

"Matagal pa ba tayo?"

"Medyo malayo pa e, naiinip ka na ba?" Saka ko hinawakan ang malambot niyang kamay. Umiling siya. "Nakakaaliw naman masdan ang paligid e."

Mas maaliwalas ang kaniyang mukha sa araw na ito kung ikukumpra sa mga nakalipas. Ilang saglit pa ay nakita ko na ang mapungay niyang mga mata kaya inihilig ko ang kaniyang ulo sa aking balikat at mas lalo pang hinigpitan ang aking paghawak sa kaniyang palad.

"Malapit na tayo." Wika ko nang matanaw ko na ang aming destinasyon.

Ang ospital kung sa'n siya nagpapagamot.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro