Ika-Limang Kabanata: Salagimsim
Masyadong maliwanag, nasisilaw ang mata ko, maiinit at mabigat ang aking pakiramdam. Bahagya kong itinaas ang aking kamay upang takpan ang liwanag nang makaramdam ako ng hapdi at kirot. Nararamdaman ko rin ang pagpintig ng aking sentido dahil sa sobrang sakit ng ulo.
"'Wag ka nang gumalaw," Narinig ko ang pamilyar na boses ni Papa na sumuway sa akin.
"Pa?" Pagtawag ko pero hindi siya sumagot at sa halip ay naramdaman ko ang bahagyang paglubog ng aking kama. Dumampi ang palad niya sa aking noo at hinawi ang buhok na nakaharang sa aking mukha. Doon ko lang napansin ang swerong nakakabit sa aking mga kamay. Inilibot ko ang aking paningin sa silid at wala akong nakita maliban sa kulay puting paligid. "Ano pong nangyari? Bakit ako nandito?"
"Wala ka bang naalala? Dalawang araw ka na rito sa ospital mula nang mahulog ka sa hagdan."
"Ha? Ano po?" Habang pinipilit akong tumayo mula sa aking pagkakahiga. "Wala akong..." Napahinto ako sandali nang magbalik sa aking ala-ala ang mga nangyari.
Ang pagpilit kong makawala, ang isang hakbang na ipinilit ko para makatakas...ang habkang na naghulog sa akin sa kawalan.
"Naalala mo na ba?"
Bahagya akong tumango bilang tugon.
"Ang dami po nila..." Mahina kong wika pero sapat para madinig ng aking ama.
"Ha? Ano? Sino?" Gulong-gulo niyang itinanong sa akin.
"Papa maniniwala ka ba sa'kin kung sasabihin ko na may mga nakikita ako na hindi ko dapat nakikita?" Hindi ko mawari kung takot o pagkabigla ba ang mababakas sa mukha ni Papa matapos ko sabihin ang mga salitang tinuran ko. Ibinuka niya ang kaniyang bibig waring may nais sabihin pero hindi niya itinuloy.
"Kamusta ba ang pakiramdam mo?" Pag-iiba niya ng paksa na siyang ikinainis ko.
"P—papa, kung hindi ka po naniniwala kahit pakinggan mo na lang po ako...pakiusap." Pautal-utal kong isinagot sa kaniya dahil nararamdaman ko na sa aking sarili ang pagtangis na nais kumawala. Hinawakan niya ang aking kamay at tinignan niya ako ng diretso sa aking mga mata.
"Hindi sa hindi ako naniniwala, naniniwala ako pero..." Nginitian niya ako. "Natatakot ako." Bahagyang pinisil ng aking ama ang palad ko, sa kabila ng ngiti niyang 'yon ay ramdam ko ang takot at kaba dahil sa lamig ng kamay niya. "Natatakot akong matulad ka sa taong nakilala ko, natatakot akong lamunin ka rin ng takot mula sa kanila." Dugsong pa niya. Hindi ko naiintindihan pero isa lang ang malinaw...takot.
"Sino po?"
"Ang kapatid ng Mama nila Strace. Ang...dati kong kasintahan." Wika niya sabay ng pagguhit ng malungkot na ngiti mula sa kaniyang labi. Ang paksa na kaniyang iniiwasan. Ang paksa na iniiwasan nilang lahat. Ang taong ayaw nilang pag-usapan. "Kagaya mo, malawak din ang mundong nakikita niya. Matatag siya, oo. Hindi ko siya kinakitaan ng kahinaan kahit may takot siyang nararamdaman."
Bakas sa mukha ni Papa ang saya at lungkot pagsariwa sa alaala ng yumaong kasintahan.
"O baka hindi niya lang ipinakikita...o baka hindi ko lang nakita." Nakayuko si Papa habang nakayukom ang palad. Pahina ng pahina ang kaniyang tinig habang nagsasalita. Boses niyang may halong pagsisisi. "Ayokong maulit 'yon. Ayokong lamunin ako ng takot dahilan para hindi makita ang higit na takot na mayroon ang tulad niyo."
Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas upang magsalita. Marahil ay ayoko na maramdaman muli ng aking ama ang pagsisisi niya.
"Ang dami po nila noong nakaraan...hindi ko alam kung po saan ako pupunta, tinatawag ko po kayo pero hindi niyo ako naririnig." Nagsimula na akong umiyak. Hindi ako ganito.
Niyakap lang ako ni Papa at pilit na pinatatahan, hindi ko alam kung pinaniniwalaan niya bang talaga ako o hindi...natatakot akong malaman na hindi. Pero alam ko at sigurado akong naiintidihan niya ako dahil sa kaniyang kasintahan noon.
~ * ~
Maraming galos ang aking mga kamay at braso, ang kaliwang kamay ko ay nabali marahil sa pagkakabagsak ko sa hagdan. Nakapa ko rin na mayroon akong sugat sa aking noo at nakapagtatakang pati ang mga dulo ng aking daliri ay sugat-sugat rin at ang ilang kuko ko ay bali.
Masakit pa rin ang aking ulo at ang ilang sugat na masyadong malalim. Matapos akong patahanin ni Papa ay tiniwag niya ang nurse upang ipatingin kung ano ang aking lagay. Narinig ko rin na tinawagan niya sina Mama na umuwi saglit para kumuha ng damit.
Tinawag ko si Papa at pinakisuyo na patayin na lang ang ilaw, sa halip ay hawiin ang kurtina sa may bintana. Nagsimula nang pumasok ang masaganang sinag ng araw sa salamin ng bintana.
"Hindi ka ba maiinitan? Sa'yo nakatapat ang araw." Pag-aalala niya. Ramdam ko ang sikat ng araw na tumatama sa aking balat dahil hindi kalayuan ang aking higaan sa bintana. Malinaw ko rin na nakikita ang nakasisilaw nitong liwanag. Maaliwalas ang kapaligiran, angat na angat ang bughaw na kulay ng kalangitan, at ang mayayabong at luntiang kulay ng halaman. Napakapayapa at nakagagaan kahit paano ng pakiramadam.
"Hindi po," Pagsagot ko. Tama lang ang init na 'to para sa lamig na nararamdaman ko sa aking kalooban. Napansin ko na titig na titig si Papa sa akin at hindi ko mahinuha kung ano ang iniisip niya.
"Pa, nagugutom na ako, hindi mo po ako aalukin ng pagkain? Dalawang araw na po akong hindi kumain." Pagbibiro ko kasabay ng panlalambing ko sa kaniya, nakita ko kasi ang pag-aalala sa mukha niya at ayaw ko no'n. Mas pipiliin kong maging ayos para hindi sila mag-alala kaysa idamay ko pa sila sa nangyayari sa akin.
"Ano gusto mo? May tinapay rito, may kanin din kung gusto mo." Natuwa naman ako nang makita kong sumilay kahit paano ang mga ngiti ni Papa. Hinagkan ko siya ng mahigpit nang lumapit siya sa lamesa na katabi ng aking kama. "Naglalambing ang bunso ko?" Pagtawa niya.
"Na-miss lang po kita." Sabi ko at mas lalo ko pang hinigpitan ang aking yakap na akala mo'y batang matagal na nawalay sa magulang. "Matagal pa po ba sina Mama?"
"Kaninang umaga lang sila umuwi ni Alexa, baka bumabawi pa ng tulog. Sila ang nagbantay sa'yo kagabi." Hinawi niya at iniligpit ang ibang nakapatong sa tabi ng aking higaan. "Mga pinsan mo na lang daw ang pupunta ngayon at maghahatid ng damit." Sambit niya habang abala akong pinaghahain ng makakain.
Isinandal ko ang likod ko sa kama at ipinikit sandali ang aking mata, inaalala ang babaeng nakita ko sa pasilyo...siya iyon. Siya rin ang babaeng nagpapakita sa panaginip ko. Ang babaeng iniisip kong ako. Hindi ko nakita ang mukha kagay ng sa panaginip ko pero sigurado ako na nakita ko ang pagtangis, pighati at kalungkutan. Kung ako iyon...
Bakit?
Isang tanong na hindi ko masagot at hindi ko rin alam kung saan ko matatagpuan ang sagot na nais kong malaman.
* * * *
Nakatingin lang ako kay Tita habang inaayos niya ang mga gamit.
"Ito, makisuyo na lang Strace. Susunod na lang kami mamaya 'pag gising ni Ate Lexa niyo." Pagbibilin ni Tita sa mga gamit na dadalhin namin ng kapatid ko sa ospital.
"Sige po, mauna na kami." Pamamaalam ko sa kaniya. Ihinatid niya kami sa sakayan dahil dala ni Tito ang sasakyan. "Magpahinga rin po kayo, halatang wala pa rin po kayong tulog."
Nangangalumata na siya dahil sa puyat. Alam ko naman kung bakit kahit maayos na ang lagay ng pinsan ko e hindi pa rin sila nakatutulog ng tahimik sa pagbabantay.
"Kuya, gising na si Ate Cleo?" Tanong ng makulit kong kapatid na kanina lang ay ayaw sumama sa akin dahil sa takot siya sa ospital, lalo sa mga doktor.
"Oo, pero malamang pagod pa iyon kaya 'wag ka na mausisa at matanong." Pagsesermon ko.
Ngumiti siya pero agad rin binawi.
"Kuya, 'wag mo po ako iiwan do'n." Sabi niya habang inihilig ang kaniyang ulo sa braso ko. Iniikot ko naman ang aking kamay sa aking kapatid para akbayan siya.
"Bakit kita iiwan do'n? Ang kulit mo kaya." Sabay tawa ko. Mukhang nilukot ang mukha niya sa pagsimangot sa akin pero hindi ko naman pinansin.
"Natatakot po ako kay Ate Cleo..." Bulong na akala niya ay hindi ko narinig. Ginulo ko ang buhok niya pero hindi na siya nagsalita ulit at itinuon na lang ang sarili sa kapaligiran na nakikita niyang dinadaan ng sasakyan.
Kung anu-ano ang itinuturo niya, kung anu-ano ang itinatanong niya na para bang ngayon lang siya nakakita o ngayon lang nakalabas ng bahay.
Pagdating namin sa ospital ay naabutan ko silang masayang nagkuk'wentuhan ni Tito. Eto namang si Tracy ay nagtatago sa likuran ko na hindi ko malaman kung napapa'no ba.
"'Wag ka nga sumiksik sa likod ko, tara." Pag-akay ko sa kaniya pero nasa likuran ko pa rin siya. Ramdam ko ang mahigpit niyang hawak sa aking kamay at ang higpit ng hawak niya sa dulo ng aking damit.
"Uy," Bungad ni Cleo sabay ngiti ng wagas. Hanga rin naman ako sa kaniya e, kahit hirap, pinipilit na parang walang nangyari. Halata naman sa hitsura niya ang sakit ng mga sugat niya, ewan ko ba kung ano ang nangyari sa kaniya. "Hi Tracy!" Masigla niyang bati sa kapatid ko pero hindi pa rin siya pinansin at mas lalo pang nagsumiksik sa'kin si Tracy.
Kitang-kita sa mukha ni Cleo ang pagtataka sa inaasal ng kapatid ko.
"May sumpong." Wika ko para hindi na rin siya mag-isip ng kung anu-ano.
Matapos kong ayusin 'yung mga dala namin, umupo ako sa tabi niya samantalang si Tracy naman tahimik lang na umupo katabi si Tito. Tinapik ko sa balikat si Cleo bilang pagbati at isang malungkot na ngiti lang ang isinagot niya sa akin.
"'Musta?"
"Para kang nang-aasar." Pagsimangot niya. "Mukha ba akong ayos? Tignan mo nga hitsura ko o? Ang hapdi pa rin nga ng iba lalo dito sa braso ko." Reklamo niya habang iniikot n'ya ang paningin niya sa mga sugat niya.
"Makapagreklamo ka sa hitsura mo akala mo naman maganda ka." Pang-aasar ko pa lalo kaya naman itinulak niya ako sa kama habang tumatawa ako. "Biro lang! 'Yokong mabalian ng kamay gaya mo."
"Seryoso nga kasi,"
"Oo na, kamusta ba pakiramdam mo?"
"Ayos naman." Sabi niya ng hindi nakatingin sa akin, sa halip ay nakatuon ang pansin sa nakababata kong kapatid. "Si Tracy ayos lang ba? Ang tahimik niya yata." Kapansin-pansin naman talaga ang pananahimik ng kapatid ko. May kakulitan kasi siya. Parang hindi nauubusan ng itinatanong, hindi nauubusan ng sigla. Natatahimik lang kung may sakit talaga.
"May sumpong na naman." Maikli kong isinagot. Hindi na nagsalitang muli si Cleo pero nakatingin pa rin siya sa kapatid ko. Siguro pansin niya ang pagkailang ni Tracy, hindi ko naman siya masisisi. Bata pa at maraming hindi pa naiintindihan. "Nga pala,"
"Ano 'yun?"
Kaninang umaga ko pa iniisip kung sasabihin ko ba sa kaniya. Ayokong makipaglapit si Cleo sa isang tulad niya dahil baka ikapahamak niya lang. Lalo na do'n sa lalaking kakikilala niya lang. Ano bang alam niya sa lalaking 'yon? O ano bang alam ni Cleo sa kaniya?
Hindi ako katulad nila. Wala akong abilidad na makita ang mga bagay na hindi ko naman dapat nakikita.
Hindi ko rin naman itinatanggi na interesado akong malaman ang tungkol sa kanila o ano ba talaga ang papel nila sa mundo at bakit sila nabiyayaan ng gano'ng kakayahan. Ikinatatakot ko lang na baka hindi pala 'yun maganda, ayaw kong masaksihan 'yon sa aking pinsan.
"Pumunta si...Sean ba 'yon? Nagpunta siya kahapon, hinahanap ka."
Halata sa mukha niya ang gulat...o sabik? Hindi ko alam.
"Talaga? Bakit daw?"
"Malay ko, hindi ko naman tinanong." Walang buhay kong isinagot habang nakatingin lang sa may bintana.
* * * *
Minsan, o madalas, nakakainis lang kausap si Strace. Matapos sabihin na hinahanap ako ni Sean ay iniwan ako at tinabihan na lang si Tracy. Binato ko siya ng unan pero sa halip na mainis ay kinuha pa at humiga sa sofa katabi ng kapatid niya.
Kung tutuusin tapos na ang oras ng dalaw at hindi naman sila dapat magtatagal pero lumabas si Papa kaya sila muna ang nagsilbing bantay ko.
Nagbitaw na lang ako ng malalim na buntong-hininga. Ilang parinig na rin ang ginawa ko pero wala talaga. Wala raw siyang naririnig. B'wisit talaga!
Kahit anong pilit ko sa kaniya, kahit pa may alam siya, 'pag ayaw niya talaga ay hindi ko malalaman.
Gusto ko malaman kung bakit ako hinahanap ni Sean. Sa pagkakaalala ko, siya ang huli kong nakausap nang gabing iyon. Nakapagtataka lang na hindi ko maalala ang huli naming pinag-usapan, ang naaalala ko lang ay may mensahe siya pero hindi ko na nabasa dahil sa insidenteng naganap.
Gusto kong malaman.
Gusto ko sana kaso nga lang hindi pa maayos ang paningin ko, nahihilo 'pag masyado ko itong ituon ng matagal sa isang bagay. Mula kaninang nagising ako ay may pagkakataong nanlalabo ang paningin ko buhat siguro ng masamang pakiramdam.
~ * ~
Hapon na. Ang kaninang puting liwanag na nagmumula sa bintana ay napalitan na ng kulay kahel. Napakaganda ng kulay, hindi masakit sa mata at nakagagaan ng pakiramdam. Ninais kong matulog kanina pero hindi ako dinalaw ng antok.
Saglit ko palang naipipikit ang aking mga mata ay narinig ko ang pintuan na bumukas. Sinalubong ako ng ngiti ng doktor kaya naman sinuklian ko rin ng isang ngiti.
"May iba ka pa bang nararamdaman?" Pag-usisa niya habang itinuturok sa akin ang gamot. Ramdam ko ang sakit at ang gumagapang na kirot sa aking ugat pero hindi ko na lang ininda. Pakiramdam ko ay panandaliang nawalan ng pakiramdam ang braso ko dahil sa gamot.
"Wala naman, makirot lang 'yung ibang sugat." Sagot ko.
"A, sariwa pa rin kasi pero hindi rin naman magtatagal at gagaling din 'yan dahil hindi naman malalim at lalong hindi naman malala ang mga 'yan." Malumanay niyang paninigurado sa akin.
"Kailan po ako p'wede nang lumabas dito?"
"Bukas o sa makalawa. Depende sa mga lab tests mo."
"Sige po, salamat." Maikli kong isinagot. Napansin kong nakatayo sa hindi kalayuan ng doktor si Tracy. Marahil ay nagtataka kung ano ang ginawa sa'kin ng doktor. Musmos pa siya kaya hindi naman nakapagtatakang madaling makuha ng mga kung anu-anong bagay ang atensyon niya.
'Pag labas ng doktor ay nakatingin pa rin si Tracy pero hindi pa rin siya lumapit sa akin para magtanong o mang-usisa kaya naman ako na ang tumawag sa kaniya.
"Kanina mo pa ako hindi pinapansin Trace, mabaho na ba ako?" Pagbibiro ko sa kaniya. Tanging iling lang ang isinagot niya sa akin at hindi pa rin siya natinag sa kinatatayuan niya. Nakatingin lang din sa kaniya ang kuya niya, nag-aabang sa kung ano ba ang gagawin niya. "Lika rito, miss ka ni ate." Paglalambing ko.
Sa pagkakataong ito ay muli siyang umiling at yumuko habang nilalaro niya ang kaniyang mga daliri.
"Ate Cleo," Mahina niyang sabi.
"Bakit?" Tugon ko.
"Bakit mo po sinaktan sarili mo?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro