Ika-apat na Kabanata: Haraya
Si Mama. Wala naman akong ibang hiniling kung hindi ang makita siya, masaksihan kung pa'no niya kami alagaan ni Papa pero hindi ko inaasahan na sa pagkakataon na makakita ako, wala na siya sa mundong ginagalawan ko.
Itinago sa'kin ng aking mga magulang na may sakit siya at tumigil na siya sa pagpapagamot at mas pinili niyang ipagpalit ang buhay niya para lang makita ko ang ganda ng mundo na ikinu-kwento nila sa akin mula pa noong bata ako.
Pero sa totoo lang, nagdadalawang-isip ako kung maganda nga ba ang mundo...o masyado lang ako umasa sa k'wento nila at naghangad ng higit pa sa aking nalalarawan sa aking imahinasyon.
Ramdam ko pa rin ang malambot niyang palad na humahaplos sa aking pisngi ngunit hindi na iyon mainit kagaya ng dati. Ang kaniyang kaaliwalasan at kapayapaan ay hindi ko na maramdaman sapagkat napalitan na iyon ng isang masidhing pagod at kalungkutan.
Nakita ko siya pero hindi na siya ang aking ina. Sa kaniyang pagbalik, kasama niya na siya. Hindi ko maintindihan kung bakit ni minsan ay wala siyang ginawang kung ano sa'kin pero ga'non na lamang ang takot ko sa kaniya.
Hindi ko malimutan na siya ang unang sumalubong sa aking paningin ng una akong makakita. Sa sulok ng silid tahimik siyang nakatayo at nakamasid. Nginitian ko pa nga siya ngunit hindi ko inaasahan na isang ismid ang isusukli niya sabay lapit sa'kin at ibinulong na hindi lang isang biyaya ang pagkakaroon ko ng paningin.
Lagi lang siyang nakaabang.
Nagawa ko pang itanong sa aking ama kung sino siya pero nabigla lang ako na malaman na apat lamang kaming nasa loob ng silid. Ako, si Papa, ang doctor at ang isang nurse.
Sabi ng doktor ay dala lamang iyon ng paninibago ng akin paningin, pero mata lang naman ang nagbago sa akin hindi ang aking pandinig dahil malinaw kong narinig ang kaniyang sinabi pero hinayaan ko nalang.
Hindi naman din nagtagal, nalaman ko rin mismo kung sino at ano ba talaga siya, o mas tamang sabihin na sila.
Sa tuwing nakikita ko siya o kusang loob siyang nagpapakita ay kapahamakan lamang ang dala niya marahil iyon ang dahilan kung bakit gano'n na lang ang takot ko sa kaniya. Takot na baka sa susunod ako na ang sinusundo niya.
"Sean," Malamig na wika ng aking ina kasabay ng pag-agos ng luha sa kaniyang mata bago siya naglaho.
Iniisip ko nalang na ginagabayan niya pa rin ako kaya hindi pa rin siya tumatawid sa kabilang mundo.
* * * *
"Boyfriend mo kasama mo kanina Ate Cleo?" Inosenteng pang-uusisa ni Tracy patungkol sa kasama ko kanina habang nasa hapag-kainan kami. Para akong nahirinan sa mga salitang binitawan niya.
"Kumain ka nga ng kumain d'yan. Ang bata mo pa kung anu-ano tinatanong mo." Pasimangot naman isinagot ni Strace ang kapatid niya kaya naman natawa kami nila Mama sa kanila pero si Papa halatang hindi natuwa sa narinig niya.
"May hindi ka ba sinasabi?" Seryosong tanong ni Papa na hindi man lang nakatingin sa akin kung hindi ay sa kaniyang pinggan habang pinagpapatuloy ang pagkain. Nakaramdam ako ng kaba hindi naman dahil sa tanong kung hindi sa tono ng pananalita ni Papa. Malapit naman sa'min si Papa at hindi siya gano'n kahigpit pero marahil na rin siguro na parehong babae ang anak niya, e ganito na lang ang tono ng pananalita niya.
"Sa totoo lang..." Medyo kinakabahan akong sabihin na kanina ko lang siya nakilala lalo sa mga tono ni Papa. "Kanina ko lang po siya nakilala." Wika ko na tila ako lamang ang makaririnig. Napalunok ako saka agad na rin tumayo mula sa aking kinauupuan matapos kong kumain.
Matapos ng hapunan, nagprisinta akong maghugas ng pinggan pero nagpilit si Strace na siya nalang kaya hinayaan ko na. Sina Mama ay nasa sala at kami na lang ang naiwan sa may kusina na para bang nagpapakiramdaman.
"Bakit hindi mo sinasagot tawag ko kanina?" Nang maalala kong hindi niya ako sinundo.
"May pinuntahan kasi ako kanina, hindi ko napansin." Walang interes siyang sumagot.
"Saan?" Pang-uusisa ko habang itinutuloy ko ang larawan na iginuguhit ko kanina sa liwasan.
"Wala, kailangan ko bang magpaalam?"
"Hindi naman. Ano ginawa mo run?"
"Bakit ang dami mong tanong?"
"Bakit hindi mo masagot?" Pang-aasar ko pa. May pagka-pikon din kasi siya, ugaling namana niya sa tatay niya.
"Siya 'yung lalaking nakita natin noon?" Pagtatanong niya na sa paraan na ipinaparating na kilala niya si Sean. Hindi naman na ako nabigla kung itanong man niya iyon pero hindi rin ako kumibo. "Nasagot ba n'ya ang tanong mo?"
"Anong alam mo?"
"Wala, kaya nga nagtatanong ako." Hindi pa rin niya ako hinaharap at patuloy na naghuhugas ng pinggan. Panandaliang namayani ang katahimikan at tanging ang lagaslas ng tubig ang maririnig. Nilalaro ko lang ang labi ng basong hawak ko. "Iba pakiramdam ko sa kaniya, baka mas magandang 'wag ka nang makipagkita tutal mukhang may nalaman ka naman na." Nabigla ako sa sinabi niya, oo, alam ko naman na hindi ko ga'no kilala 'yung tao kaya hindi nakapagtataka kung may pagdududa siya.
"Ano ibig mo sabihin?" Tanong ko sa kaniya pabalik. Oo, malapit kami sa isa't isa pero hindi naman niya ako pinakikialaman.
"Hindi ko alam. Pakiramdam ko lang."
"Amm...Strace," Sa pagkakataong ito, nilingon niya na ako. "Katulad ko siya."
Maikli kong sabi. Pakiramdam ko ay nabalot ako ng malamig na hangin sa sobrang kaba na nararamdaman ko.
"Sinundan niya ako kanina sa nasakyan kong bus pero 'di kalaunan pinilit niya akong bumaba dahil lang sa nakita namin."
"Nakita na?" Hinarap niya na akong tuluyan at hinatak ang upuan sa aking harapan at saka umupo. Nakasalumbaba lang ako sa mesa habang hinihintay siyang matapos magpunas ng basa niyang kamay.
"Alam mo na," Sabay ngiti ko sa kaniya.
"Sa dami ng tao bakit kaya kayo?"
"Kami? Ni Sean?" Sinundan ko siya ng tingin ng bigla siyang tumilikod sabay wika ng...
"Iniisip mo bang kayo lang?" Pakiramdam ko ay tinayuan ako ng balahibo ng masilayan ko ang ngiting puminta sa labi ng pinsan ko. Ang ngiti na iyon...katulad ng sa nakita ko kanina.
Ngiting nagdala sa akin ng takot.
"Sige may gagawin pa pala ako. Maiwan na kita." Wika niyang muli habang tinapik ako sa balikat. Tumango nalang ako bilang pagsang-ayon.
~ * ~
Nanatili muna ako saglit sa kusina at nagmuni-muni habang tinatanaw sina Mama at Papa sa sala na masayang nagku-kwentuhan. Malungkot ang pinagmulan ng aking magulang, si Papa namatayan ng una niyang kasintahan — ang kapatid ng Mama nila Strace. Si Mama naman sa hindi ko alam na dahilan ay nawalay sa pamilya niya at nakabalik lang siya nang magpakasal na sila ni Papa. Tulad ko, marami ring nililihim ang aking magulang sa amin. Alam ko iyon. May mga bagay silang iniiwasang pag-usapan.
Pero kahit ganoon, hindi iyon naging hadlang upang hindi sila maging mabuting magulang sa'min ni Ate Alexa.
Naaliw akong tignan ang aking mga magulang, masaya, nakangiti.
Hindi ko yata lubos maisip ang lungkot na mararamdaman ko kung sakaling dumating ang araw na hindi ko na masisilayan ang mga ngiti nila. O ang ngiti nino man.
Napahinto ako sa aking naiisip nang maaalala ko ang sinabi ni Sean,
"Takot akong makakita noon, natatakot ako na baka maganda pa ang tinatamasa kong kadiliman kaysa sa tunay na kulay ng mundo."
Pa'no ko ba nakikita ang mundo? Malawak. Mas malawak siguro kaysa sa iba. Hindi ako naniniwala sa parallel na mundo na sumasalamin sa mga kasalungat ng lahat ng bagay dahil hindi sila nabubuhay sa kabilang mundo, nanatili rin sila dito. Namumuhay sila na kasama ng mga tao at siguro ng iilan lamang ang pinagkalooban ng kakayahan na makita ang tulad nila.
Kahit naman may mga nakikita akong hindi kaaya-aya ay mas angat pa rin ang nakikita kong ganda ng mundong ginalawan ko. Ewan ko. Siguro dahil itinuro sa akin ng aking mga magulang na mahalin ang mundo na ginagalawan namin.
Nagawa ko nang tanggapin ang katotohanan na hindi naman lahat ng tao na makasasalamuha ko ay maiintindihan ko o maiintindihan ako. Higit sa lahat, hindi lang naman ang paningin lang ang nakakakita ng tunay na kagandahan ng isang bagay.
Kung takot si Sean na makita ang mga bagay-bagay, takot ako sa ideya na hindi ko na masilayan ang kulay ng mundong ito. Napapaisip tuloy ako kung pa'no niya ba nakikita ang mundo.
~ * ~
Nagpalipas lang ako ng ilang saglit at umakyat na rin ako sa taas para magpahinga. Iniwan ko nalang sina Mama na masayang naglalambingan habang nagku-kwentuhan ng kung anu-ano.
Alas-d'yes palang naman ng gabi kaya nag-computer na lang muna ako, nagbasa ng kung anu-anong p'wedeng basahin. Kung ano man ang pumukaw sa aking atensyon ay 'yun ang tinutuonan ko ng pansin hanggang sa mapansin ko si Sean.
"Hi," Bati niya. Nagdadalawang-isip ako kung papansinin ko ba dahil naalala ko ang sinabi ni Strace nang muli ulit nag-message si Sean. "Pasens'ya ulit sa kanina."
Sumagot ako ng ayos lang bilang pag-galang na rin sa tao. Wala naman kasi siyang ginawang masama kahit paano, kung tutuusin ako pa nga ang nakaabala sa kaniya sa paghatid niya sa akin dito sa bahay.
Hindi pa rin naman ako pagod at medyo nababagot rin kaya nakipag-usap na lang ako sa kaniya.
Habang isinusulat ko ang sasabihin ko ay bigla ako napasapo ng aking mukha nang maalala ko ang kahiya-hiya kong ginawa nang kurutin ko siya.
Nakakahiya ka talaga Cleo.
Pinilit ko na lang kalimutan iyon at humingi na lang din ako ng tawad. Naging maayos naman ang aming usap at tila nagkakapalagayan naman din kami ng loob dahil sa pagiging magalang niya.
"Ilang taon ka na pala?" Pagkapindot ko ng send ay biglang mamatay ang ilaw sa aking k'warto. May nakikipaglaro na naman ba? Pagod ako. Sa halip na pansinin ay itinuon ko ang aking atens'yon sa aking kausap.
"23 na ako, ikaw ba?"
"Mas matanda ka pala kaysa sa akin." Pagsagot ko nang muling bumukas ang ilaw kasabay na nito ang pagbagsak ng isang libro na nasa aking tukador pero kahit napalingon ako ay hindi ko pa rin pinansin.
Patuloy akong nakipagk'wentuhan kahit pa may nararamdaman na akong hindi maganda. Nagsisimula nang bumigat ang pakiramdam ko sa aking sariling silid.
Isang oras ang lumipas, marami ako kahit paanong nalaman tungkol sa taong kausap ko. Kagaya ng tungkol sa kaniyang ina.
Napatingin ako sa gawi ng aking pintuan ng mapansin ko sa sulok ng aking mata ang bahagyang pagbukas nito. Payapa ang hangin kung kaya't imposibleng hangin ang nagtulak doon. Muli kong nilingon ang aking pintuan subalit himinto na ito sa pag-galaw kaya muli kong ibinalik ang atensyon ko sa aking ginagawa.
Maya-maya ay tuluyan nang kumalabog ang pintuan at tuluyan nang sumara.
Muling namatay ang ilaw.
Ilang saglit iyong nagpatay-sindi at sa pagitan ng sandali na iyon sigurado ako sa nakita kong nakatindig sa sulok ng aking silid. Sa bawat pagpatay ng ilaw ay kasabay nito ang pabulong niyang halinghing na tila mo ay tumatangis rin. Ramdam ko ang maingat na paglapat ng kaniyang paa sa sahig. Dinig ko ang bawat kaluskos mula sa kaniya gayon rin ang kaniyang mahinang paghikbi. Pinilit ko mang ituon ang aking atensyon sa ibang bagay ngunit huli na. Sa muling pagbukas ng ilaw ay katabi ko na siya. Gumapang sa aking katawan ang masidhing takot.
Sa isang iglap...nagdilim ang lahat.
~ * ~
Nagising ako na ramdam ang butil-butil na pawis na nag-uunahan sa pagdaloy mula sa aking mukha. Dama ko rin ang pag-ihip ng malamig na hangin na nagmumula sa nakabukas na bintana. Hindi ko man namalayan na dinalaw na pala ako ng antok habang nakaharap sa aking computer.
Hindi...hindi ako basta nakatulog lang.
Bukas pa rin ang ilaw sa aking k'warto at laking pasasalamat ko na walang sumalubong sa aking paningin sa aking pagdilat kung hindi ang mga gamit ko pa rin. Napansin ko ang chat box ni Sean na naka-ilaw ay may mensahe mula sa kaniya.
Narinig ko ang mahinang paglangitngit ng pinto, pamilyar na ang eksena. Mula sa madilim naming pasilyo ay tumama ang aking paningin sa kaniya. Nasilayan ko ang kaniyang nakapangingilabot na malapad na ngiti.
Kahit pa may kaba at takot akong naramdaman ay iwinaksi ko iyon sa aking isip. Ang diwa ko ay nasa bingit ng pagtulog at paggising kaya hindi ako magtataka na may hindi kanais-nais akong makikita.
Kung sabagay kahit naman hindi ako naalimpungatan, wala ring pinagkaiba.
Nang tuluyang magsara ang pinto, matinis nitong tunog ang aking narinig bago bumalot ang nakabibinging katahimikan.
Pinilit kong ibalik ang aking atensyon sa mensahe ni Sean, hindi pa tuluyang gising ang aking diwa kung kaya't sa aking paningin ay malabo ang nilalaman ng sinasabi niya. Tumingin ako orasan at nakita kong halos alas-kwatro na pala ng umaga at doon ko lang tuluyang napansin ang kapayapaan ng paligid.
Hindi ko alam kung dapat ba akong magtaka sa katahimikang tinatamasa ko sa mga oras na ito sapagkat ang tahanan namin ay nakatirik sa isang masiglang bayan na kahit pa sa alanganing oras ay hindi ganito katahimik. Hindi naman perwisyo, sa halip ay buhay na buhay lang dahil kahit paano ay maunlad sa aming lugar. Napakatahimik na kahit man lang ingay ng sasakyan ay wala akong naririnig na kahit ano. Hindi ko rin naririnig ang ingay na nagmumula sa hindi kalayuan kainan mula sa'min sapagkat sa ganitong oras ay gising na sila.
Tumayo ako mula sa aking kinauupuan nang bigla na lamang ako nakarinig ng isang matinis na tunog. Tunog na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Napakasakit sa pandinig na tila mababasag ang aking tainga. Panandalian akong napa-takip ng tainga at napahawak sa sandalan ng aking upuan. Nagtagal iyon ng ilang segundo bago tuluyang nawala.
Dahil sa hindi ko maatim ang kapani-panibagong katahimikan, pinili kong tignan kung ano ba ang nangyayari. Dumungaw ako sa aking bintana at nakapagtatakang walang kahit anong sasakyan nakikita sa kahit anong kanto ngunit mayroong mga tao na nakatayo lamang sa harap ng aming bahay.
Hindi ko sila mabilang. Tila naglalakad sa kawalan ang iba sa kanila. Mga walang buhay ang kanilang mukha, walang kahit anong emosyon.
Kinusot ko ang aking mga mata upang tignan mabuti at malaman na ako ay namamalikmata lamang ngunit mali ako. Nakaramdam ako ng matinding kaba. May pinagigitnaan silang kung ano at halos nanlaki ang mata ko nang makita kong burado na ang ngiti niya.
Umurong akong kaunti upang hindi nila matanaw na may gising ngunit tila huli na nang tumingala ang isa sa kanila at nakagugulat na makita ang maputi at blangko niyang mukha. Pilit kong pinigilan ang aking sarili na huwag sumigaw o gumawa ng ano mang ingay kahit pa alam kong wala naman itong magagawa laban sa tulad nila.
Dali-dali akong lumabas sa aking k'warto nang makita kong bukas ang guest room na tinutuluyan nina Strace at Tracy ngunit ang atensyon ko ay naagaw ng mapansin kong sa dulo ng aming pasilyo ay may babaeng nakatayo. Hindi ko makita ng maayos ang kaniyang mukha, nakikita kong bumubuka ang bibig niya ngunit hindi ko marining ang sinasabi niya.
Agad akong tumakbo patungo roon. Bago pa man ako makalabas sa aking silid ay hindi napalagpas ng aking tingin ang nilalang na sa sulok ay nakatayo pa rin.
Sa sulok ng aking paningin ay sari-saring anino ang naaninag kong nagsasayaw at sari-saring tinig ang aking naririnig. Ang katahimikan kanina ay wala na.
"Strace!" Pagsigaw ko at hindi ko alam kung bakit nawala ang aking kahinahunan. Habang tumatakbo ako papalapit ay lalo silang lumalayo sa akin at tila hindi nila ako naririnig dahil mahimbing pa rin ang kanilang tulog. "Tracy! Strace! Mama!" Patuloy ako sa aking pagtakbo.
Pakiramdam ko ay sobrang layo ng aming pasilyo dahil gaano man ako tumakbo ay parang hindi ko nararating ang dulo. Takbo. Sigaw. Iyak. Takbo. Sigaw. Takbo. Bumigat na ang aking bawat hakbang. Masakit na ang aking talampakan sa bawat paglapat nito sa malamig na semento. Masakit na ang aking mga binti.
Isang malamig na kamay ang naramdaman kong humatak sa aking mga paa kaya't akong dagling bumagsak. Pinili kong hindi lingunin at patuloy pa rin ang pagsigaw at pagsusumamo sa mga kasama ko sa bahay.
"Mama!" Muling pagtawag ko habang tumatangis.
Isang kamay...dalawa...padami ng padami ang humatak sa'kin. Nararamdaman ko ang matalim nilang kuko na bumabaon sa aking binti at mga braso. Mahapdi. Masakit.
"Papa..." Pag-iyak ko. Ang mga galos sa aking kamay, sa binti...mahapdi. Ang kanilang kamay ay mahigpit pa ring nakahawak sa aking katawan. Ang kanilang pagtangis at sigaw ay umaalingaw-ngaw sa aking pandinig. Nabibingi ako sa kanilang tinig.
"Tama na! Tama na! Pakiusap!" Pikit-mata akong nagsisigaw habang nagpupumiglas sa kanila. Pilit kong hinahawi ang kanilang mga kamay sa aking katawan.
Umiikot na ang aking paligid. Sari-sari ang naglalaro sa aking paningin. Nahihilo na ako.
Biglang nagdilim.
Buong lakas kong pinilit na kumawala at muling humakbang ngunit huli na nang mahulog ako sa kawalan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro