Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ika-Anim na Kabanata: Taan

"Tracy," Pagsaway ni Strace sa kapatid niya.

Natigilan ako sa itinanong niya sa akin. Ako? Sinasaktan ko ang sarili ko?

Napako ang aking tingin sa dulo ng aking mga daliri. Minamasdan ang maliliit kong sugat at ilang bali na kuko.

"'Wag mo na siyang pansinin." Wika muli ni Strace, sabay akay sa kaniyang kapatid pabalik sa kinauupuan nila.

Ngumiti na lang ako at nagkunwaring kinalimutan ang narinig. Ayoko namang gatungan pa dahil halata sa aking nakababatang pinsan na may ilang at takot siyang nararamdaman sa akin. Ngunit dahil doon, nabalot na naman ng nakabibinging katahimikan.

Inabot ko na lang aking phone sa lamesitang malapit sa aking kama at inabala ang aking sarili.

Naglaro, nagbasa at kung anu-ano pa pero wala talaga ang atensyon ko sa aking ginagawa at iniisip ang sinabi ni Tracy.

"Cleo,"

Imposible. Bulong ko sa aking isip. Talagang imposible 'yun. Malinaw sa aking alaala ang mga nangyari. Kitang-kita ko sila. Dining na dinig ko ang mga tinig nilang nagsusumamo, ang mga halong tinig ng halakhalakan at pagtangis.

"Cleo,"

Malinaw ko ring nakita ang mga ngiti nilang halos pumupunit na sa kanilang mga labi.

"Cleo!"

Halos maibagsak ko ang hawak ko nang magulat ako sa malakas na pagtawag ni Strace.

"H-ha?"

"Kanina pa kita tinatawag, wala ka sa sarili."

"Ha? Bakit? Ano 'yun?"

"Aalis na kami, si Tito nasa Nurse station lang saglit."

"A, gano'n ba? Sige. Ingat kayo." Pagsagot ko. Umiling lang si Strace bago niya ako tinalikuran, gano'n rin si Tracy. "Bye Tracy." Pahabol ko pa.

Biglang umikot ang aking paningin kaya napahawak ako sa tagiliran ng aking kama.

Bahagyang dumilim at wala akong makita. Eto na naman ang mabigat na pakiramdam. Nangangalay ang katawan ko, parang pagod at hapong-hapo.

Nang bumalik ang aking paningin, ang unang sumalubong sa aking paningin ay ang babaeng nakatayo sa aking paanan. Tumatangis. Hindi ko maaninag ang mukha niya, bukod sa siya'y nakayuko, natatakpan rin ng kaniyang kamay na tila pinupunasan ang patuloy na pag-agos ng kaniyang mga luha. Ang kaniyang mahinang hikbi ay unti-unting lumalakas na mula sa isang malumanay na boses ay nagiging magaspang.

Minamasdan ko lang siyang mabuti. Wala akong nararamdaman. Walang takot. Walang kahit ano.

Ilang saglit pa ng kaniyang pag-iyak ay marahan niyang ibinaba ang kaniyang kamay ngunit nakayuko pa rin siya. Bigla na lang ako nakaramdam ng matinding kaba nang magsimula siyang kumilos sa kinatatayuan niya.

Bawat pag-hakbang niya ay siya naman pag-urong ko hanggang sa hindi ko namalayan ay nasa dulo na pala ako ng kama.

"Ano bang kailangan mo?" Matapang kong itinanong. Dumampi ang kaniyang malamig na palad sa aking braso. At unti-unti niyang iniangat ang kaniyang mukha ngunit bigla akong nahulog sa kama.

"Cleo! Ayos ka lang?" Hangos ni Papa na kapapasok lamang ng silid. Nanginginig ang aking katawan dahil sa kilabot.

"Natatakot ako." Narinig kong wika niya bago ako bumagsak ng kama.

Ang kaniyang tinig...

Ang kaniyang mukha...

Natatakot rin ako.

Tinulungan ako ni Papa na tumayo at bumalik muli sa aking higaan.

"Ayos ka lang?" Tanong niya at tumango lamang ako bilang tugon.

"Papa, sabi mo natatakot kang lamunin ako ng takot dahil sa kanila..." Hinawakan ko ng mahigpit ang braso ng aking ama. "Nangyayari na po yata..." Wika ko kasabay ng isang pekeng ngiti.

Hinagkan niya ako at pinaramdam ang mainit niyang yakap at pagkalinga.

"Papa...parang ayaw ko na." Mga salitang gusto ko sabihin kay Papa pero parang ayaw bumukas ng aking bibig.

Sa ilang minutong katahimikan, pinag-iisipan ko kung uungkatin ko ba ang tungkol sa sinabi ng pinsan ko pero sa palagay ko ay ayos lang dahil karapatang kong malaman 'yun. Karapatan kong malaman kung ano ba talaga ang nangyayari.

Pinilit kong ayusin ang sarili ko bago ako nagtanong.

"Papa...totoo po bang ako ang nanakit sa sarili ko?"

Hindi siya agad sumagot at halatang may alinlangan.

"Papa gusto ko pong malaman ang totoo." Buong-lakas kong iwinika.

"Oo." Maikli at tuwiran niyang isinagot. Kahit pa inihanda ko na ang aking sarili sa sagot na hindi ko nais marinig ay masakit pa rin.

"Nagulat na lang kami nang biglang bumalibag ang pinto ng k'warto mo at nakita ka naming nakahandusay sa sahig. Agad-agad kang sinaklolohan ni Strace pero bago pa man siya makalapit sa'yo ay bumangon ka na." Tuloy-tuloy niyang pagku-k'wento. "Wala ka sa sarili mo. Itim na itim ang iyong mga mata at nanlilisik. 'Yang mga sugat mo," Marahang hinaplos ni Papa ang aking braso. "Ikaw ang may gawa niyan. Hindi ko alam kung bakit pero marahas mong sinasaktang ang sarili mo kahit pa pagtulungan ka naming hawakan ng pinsan mo."

Sa kanila ba ang mga kamay na pumipigil sa akin? Kina Papa ba ang mga kamay na nagpapanatili sa akin?

Hindi na ako kumikibo habang mataimtim na nakikinig. Hindi ko rin naman alam ang isasagot ko, hindi ko rin naman alam kung ano ba ang dapat kong sabihin.

"Walang ginawa ang Mama kung hindi umiyak habang minamasdan ka rin niyang umiiyak habang nagwawala ka." Si Mama? Siya? Ang babae sa pasilyo? Pero hindi...alam kong hindi si Mama 'yon.

Naguguluhan ako...ibang-iba ang sinasabi ni Papa sa mga nakita ko pero natitiyak kong may pagkakapareho. Pero...alin do'n ang totoo? Ang nakita nila? O ang nakita ko? Naguguluhan ako.

"I-iyan din po ba ang dahilan kung bakit natatakot sa akin ni Tracy?" Tanong ko ngunit umiling si Papa bago muling nagsalita.

"Hindi, natakot siya sa'yo dahil muntikan mo siyang saktan."

"Po?"

"Nang lumabas ng silid si Tracy dahil sa ingay at gulo ng gabing niyon, tinangka mo siyang itulak sa hagdan pero sa halip na siya, ikaw ang nahulog."

Si Tracy? Ang tinig na tumatangis...

"Pero pa'nong nangyari iyon Papa? Hindi iyon ang nangyari...hindi iyon ang nakita ko."

"Dahil hindi naman lahat ng nakikita mo ay totoo Cleo, hindi lahat ng nakikita ng tao ay totoo." Sabay haplos niya sa aking buhok. "Pero hindi rin ibig sabihin no'n na ang hindi namin nakita na nasakihan mo ay hindi totoo."

Magulo...sobra. Ang nakita ko...at ang hindi ko nakita ay parehong posibleng tunay at totoo.

"Magulo ba?" Sabay tawa ni Papa. Nakuha niya pang ngumiti. "Magulo talaga ang mundo, puno ng misteryo."

Sang-ayon ako. Hindi pa man gano'n kalawak ang aking kaalaman sa mundo, alam kong may mga bagay na ikinukubli ito sa ibang tao...gaya na lang ng mga nakikita ko.

Matapos ang aming pag-uusap, kahit may takot at kaba pa rin ako ay kahit paano naman gumaan na ang pakiramdam ko. Dumating na rin si Mama at halata sa mukha niya ang pag-aalala. Pagpasok pa lamang niya sa silid ay agad na akong niyakap at tinanong kung mayroon pa raw bang masakit sa akin o kung ano pa man. Natatawa na lang ako sa totoo lang pero kaakibat rin no'n ang galak. Pakiramdam ko ay muli akong naging bata na kinakalinga ng husto ng aking mga magulang.

Mas lalo pa akong natuwa nang sinabi na bukas maaari na akong lumabas.

* * * *

Binalot ng mabangong amoy ng kape ang buong bahay kasabay ng mahalimuyak na amoy ng tsokolate. Maaliwalas at tamihik ang umaga kagaya ng panahon. Hindi pa masikat masyado ang araw at malamig-lamig pa rin kahit paano ang simoy ng hangin. Dito sa beranda ko napili na mag-isang nag-aalmusal.

"Lalim naman ng iniisip mo?" Sabay tapik ng tatay ko sa balikat ko. Hindi ko namalayan na nandito pala siya sa bahay.

"Wala po kayong pasok?" Tanong ko dahil nakapagtatakang nandito siya samantalang Linggo lang siya walang pasok at Sabado palang ngayon.

"Wala naman. Company holiday ngayon. May napapansin ako sa'yo," Hindi ko naiwasan ang mapatingin kay Papa sa sinabi niya. Ano naman kaya iyon? E halos hindi naman na kami nagkikita dahil sobrang abala siya sa trabaho niya.

"Ano po 'yun?" Tanong ko sa kaniya.

"Napapadalas yata ang labas mo nitong nakaraang araw. Nung nakaraang buwan daw ginabi ka pa ng uwi sabi ni Manang."

Napaisip ako kung kailan ako ginabi. A, noong unang hatid ko kay Cleo. Oo nga, mas madalas na akong lumabas ng bahay ngayon kaysa dati. Mas napadalas pa lalo noong nalaman kong naaksidente pala si Cleo pero namalan ko lang iyon nang nakalabas na siya ng ospital.

"May bago po kasi akong nakilala na...kagaya ko." Sambit ko at halatang nagbago ang timpla ng kaniyang mukha. Mula sa kaninang maaliwalas ay napalitan ng inis. Hindi na ganoon kalapit ang loob ko kay Papa dahil nag-iba ang ugali niya mula noong nawala si Mama, at nakakita ako.

Naiintindihan ko naman na masakit talaga ang mawalan ng asawa at nagdadalamhati siya, masakit lang ang paratangan niya ako na hindi karapat-dapat sa mata ng aking ina dahil para daw akong baliw na nakakakita ng hnidi naman dapat makita ng ating mata.

Pero kahit ganoon e hindi ko naman inalis ang respeto ko sa kaniya dahil una sa lahat, ama ko pa rin siya. Alam ko rin naman na galit lang siya kahit pa kung tutuusin ay pitong taon na ang nakalipas.

"Ano? Nakahanap ka ng hibang na katulad mo?" Pagtataas niya ng boses saka niya tinabig ang mainit kong kape sa aking kamay. "Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na tigil-tigilan mo na 'yan?! Tapos ngayon naghanap ka pa ng katulad mo?!" Hinigit ni Papa ang k'welyo ko. Hindi ko siya magawang tignan. Ayaw kong ilaan ng mata ng aking ina sa galit na hitsura ng aking ama.

Agad rin naman niya akong binitawan saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga at iniwang mag-isa. Ipinagpag ko lang ang mainit na kape na tumapon sa aking damit at saka ko minasdan siyang naglakad paalis.

Nakalulungkot masdan ang dating masiglang bahay namin ay puno na ng kalungkutan lalo na ang makita ko si Mama sa isang sulok na mag-isang umiiyak.

Sa halip na magmukmok, nag-ayos na lang ako ng sarili at piniling makipagkita kay Cleo kahit pa sinabihan ako ng pinsan niya na huwag ko siyang guluhin. Hindi ko alam do'n kung ano bang problema niya sa akin at ang init ng dugo, kung may balak man ako kay Cleo, 'yun ay tulungan siya sa kung ano man ang p'wede kong itulong.

* * * *

Napapadalas ang pagkikita namin ni Sean nitong mga nakaraang araw, kasing dalas ng mga pagbabagong nangyayari sa akin. Hindi kagaya dati, kaya kong sabihin ngunit ngayon, pakiramdam ko'y wala na akong kakayahang magsalita patungkol sa mga bagay na ganito.

Hindi na naulit muli ang nangyari sa akin nang gabing naaksidente ako. Akala ko doon na nagtatapos ang kababalaghan...hindi pala, at mukhang nagsisimula palang. Madalas akong makakita ng mga bagay na nagpapahiwatig ng kung anu-anong mga bagay. May ilang pagkakataon na malinaw at may pagkakataon naman na hindi. Madalas ay maliliit na bagay lamang tulad ng pagbagsak ng gamit o kung ano man. Hindi ko alam.

"Uy, tahimik mo. Ayos ka lang?" Pag-sita ni Sean sa akin habang nakaupo kami sa damuhan. May dalawang buwan na rin kaming magkakilala kahit paano naman nakikilala ko na siya at mabuti naman siyang kabigan.

"Wala, ayos lang ako." Pagsisinungaling ko sabay pagtaas ko ng dalawa kong kamay na tila inaabot ang mapayapang bughaw na langit. S'ya naman ay humiga sa damuhan habang dinadama ang mahina ngunit malamig na simoy ng sariwang hangin.

Mag-iisang oras na siguro kaming magkasama pero hindi ako mapalagay. Pilit kong kinukumbinse ang aking sarili na hindi totoo ang nakita ko dahil masyadong malabo. Kaninang umagang bumangon ako, hindi ko alam kung bakit pero bigla na lamang umikot sa aking paningin ang isang eksenang hindi kanais-nais.

"Mas mabuti pa siguro uwi na muna ako. Hindi maganda pakiramdam ko." Sambit ko na lang matapos kong tumayo at pagpagin ang dumi sa aking mga kasuotan.

"Gano'n ba? Sige, pasensya na rin sa abala. Masama pala pakiramdam mo dapat sinabi mo para nakapagpahinga ka na lang."

"Wala namang pinagkaiba kung umalis ako ng bahay o hindi, mabuti na rin ang huminga ng sariwang hangin." Pagbibiro ko sa kaniya.

Naglakad na lang kami pauwi. Kung kailan kami pauwi doon niya naisipang magk'wento ng tungkol sa nangyari kaninang umaga. Kung gano'n, totoo nga ang nakita ko na nagkaroon sila ng alitang mag-ama.

"Ayun," Sabay kamot niya sa ulo niya habang natatawa pa. Nakatingin lang siya sa malayo pero halata sa boses niya ang sakit sa mga salitang binitawan niya na nanggaling sa tatay niya.

Pagdating namin sa bahay inaya ko pa siyang tumuloy kaso sabi niya ayaw niya na daw mag-paabala at magpahinga na lang daw ako.

"Sigurado ka ba? Uy, ayos pa naman ako kung gusto mo ng kausap." Pagpupumilit ko sa kaniya. Ginulo niya ang buhok ko sabay ngiti.

"Sabi mo nga 'di ba wala namang pinagkaiba?" Tawa niya.

"Ewan ko sa'yo. Sige ingat ka pauwi." Pamamaalam ko.

Hindi niya pala napansin ang pinagkaiba sa tinutukoy ko...iba ang may kasama. Iba ang pakiramdam na kahit 'di mo sabihin ay may kasama dahil alam mong may masasandalan ka at hindi mo kailangan harapin lahat ng mag-isa. Hindi mo kailangang harapin mag-isa ang hindi nakikita ng iba.

Minasadan ko lang siya habang naglalakad palayo hanggang sa hindi ko na siya matanaw.

Iba Sean, iba ang may kasama na hindi katulad nila.

Sambit ko sa isip habang tinatanaw ko silang mga kasama niya.

Tatalikod na sana ako para pumasok sa bahay nang mahagip nang aking tingin ang isa niyang kasama...ang nilalang na kinatatakutan niya.

Hindi ko napigilan ang aking sarili na habulin siya.

"SEAN!"



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro