Balang araw...
Ang daming nagsasabi na masaya maging single. Kapag single ka raw, hawak mo ang buhay mo. Maaari kang magpunta sa kunsaan ka man dalhin ng mga paa mo, at malaya kang gawin ang lahat ng gusto mong gawin. Masaya raw maging single kasi wala kang kailangang pakisamahan; wala kang kailangang isaalang-alang sa tuwing gagawa ka ng desisyon. Masaya raw maging single... pero ang tanong ko... bakit hindi ako masaya?
"Yeng-yeng!" isang malakas na tinig ang bumasag sa katahimikan ng aking pagmumuni-muni. Tinig iyon ng aking tiyahin, bunsong kapatid ng nanay ko.
"Auntie Tising, kumusta po kayo?" tanong ko. Kinakabahan ako sa pagtatagpong ito. Syempre nariyan ang nakagawian naming beso-beso. Ayaw ni Auntie Tising na nagmamano ako sa kanya; pakiramdam daw niya ay tumatanda siya. Kasunod noon ang paghawak niya sa aking mga matatabang pisngi at ang...
"Wala ka pa bang asawa? Aba'y trenta ka na!"
Kung kaya ko lang sumingaw na parang tubig, ginawa ko na. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit sa dinami-rami ng pwedeng itanong, ito lagi ang pambungad ni Auntie Tising. Kasalanan ko ba naman kung wala akong mabingwit sa rami ng mga isdang nagsisilangoy sa dagat?
"One day, Auntie. Wait ka lang, at darating din tayo diyan," masigla kong sabi, sabay halakhak. Plastik. Plastik, dahil sa isip ko, mayroon din akong tanong... may darating nga ba?
Naglakbay na naman ang diwa ko habang panay ang talak ni Auntie Tising. Tatangu-tango lang ako. Pangiti-ngiti kunwari. Iniisip ko, ano nga ba ang wala ako na mayroon ang iba? Hindi naman ako pangit... aminado naman akong hindi ako maganda. Sakto lang. May mga mata, ilong at bibig naman ako. Pero ano? Ano ang kulang sa akin? Dahil ba kulang ang lusog ng aking mga dibdib? Eh bakit si Ten-ten? 'Di hamak naman na may ibubuga ang mga hinaharap ko kaysa sa kanya. Para nga siyang patpat sa nipis pero ngayon dalawa na ang anak nila ni Bentot. Dahil ba hindi ako maputi? Eh bakit si Nita Negrita, nakailang lalaki na siya sa buhay niya? Bakit ako wala ni isa!
Ganoon lagi ang eksena kapag may nakakasalubong akong matatanda na nakakakilala sa akin, kahit na hindi ko naman sila kilala. Iyong iba nga ay kasama lang ng nanay ko sa trabaho; siguro minsan lang o hindi ko pa nga nakakasalamuha. Lagi nilang tatanungin sa akin kung may kasintahan na ako o kaya asawa. Wala silang pinipiling lugar. Minsan magtatanong sila kahit na nagkasalubong lang kami sa kalye, o kaya sa palengke. Minsan naman nakasakyan ko lang sa jeep o kaya bus. Hindi ko alam kung bakit lagi nilang tinatanong ang mga ganyang kapersonal na bagay. May matanong lang, parang ganoon.
May nabasa ako sa isang website na kaya raw ganito ang ugali ng mga Pilipino ay dahil nakagawian na natin na i-associate palagi ang ating sarili sa iba. Mga tipong, pakiramdam natin eh nakatira pa rin tayo sa mga maliliit na pamayanan kung saan halos kilala ng bawat isa ang isa't isa. Ano nga ang tawag nila roon? Sense of community yata ang tawag. Hindi ba sa tuwing may makakasalubong tayong kakilala, lagi nating tinatanong kung saan sila pupunta kahit na wala naman talaga tayong pakialam kung saan sila pupunta? May masabi lang... o pwede rin namang likas tayong mga usisero at usisera.
Ang gulo nga eh, kung tutuusin. Kapag naghintay ka, baka walang dumating; baka walang lumapit. Pero kung makapaghanap naman sila ng kasintahan o asawa, akala mo naman kung sino sila. Para bang isang pagkakamali na maging single sa mundong ito. May iba pa nga na magrereto sa iyo ng kung sinu-sino; pinsan ni ganito, anak ni ganyan. Kapag nagbigay ka naman ng motibo, huhusgahan ka. Malandi ka na agad. Haliparot. Makati pa sa higad na may allergy. Hindi ko naiintindihan.
Gumamit na lang kaya ako ng gayuma? Naisip ko rin ito. Kaya lang naniniwala kasi ako sa wagas na pag-ibig. Gusto kong maramdaman ang magic na sinasabi nila. Gusto ko rin ng spark. Gusto kong lumutang sa alapaap at makita ang mga bituing kumikislap sa kadiliman ng gabi. Hindi naman kailangang nakasakay sa puting kabayo. Hindi kailangang may matipunong katawan at may mahabang espada. Hindi kailangan ng abs at mala-anghel na mukha... kahit na pinangarap ko ang mga ito. Sapat na sa akin na malaman na kaya niya akong mahalin habang siya ay nabubuhay. Sapat na sa akin ang mga yakap niya sa mga panahong kailangan kong maramdaman na hindi ako nag-iisa sa buhay na ito. At higit sa lahat, sapat na sa akin na mahal ko siya at hindi ko kayang mabuhay nang wala siya.
Iniisip ko nga eh... pakipot ba ako? Siguro. Eh kasi naniniwala ako sa ligaw. Naniniwala ako na dapat kikilalanin ko muna ang taong gusto kong makasama habambuhay. Mali ba iyon? Eh bakit ang Tatay, limang taon niligawan si Nanay bago sila naging magkasintahan? Ang gusto naman kasi ng ibang lalaki ngayon, dapat paspasan. Mga isang buwan, kayo na. Binilhan ka lang ng siopao, kayo na. Gusto kong maramdaman ang mga kwento ni Nanay... mga paghatid sa bahay, pagsundo, pagharana... uso pa ba ang mga ito? Binabaan ko na nga ang standards ko eh. Kung dati dapat singguwapo ni Mark Bautista ang hanap ko, hindi na ngayon. Kahit hindi chinito, okay na rin. Kung dati dapat walang bisyo, pwede na sa akin kahit naninigarilyo. Masyado ba akong idealistic? Baka nga...
Sabi nila, sadyang may mga taong itinadhana para maging single. Ano nga ang tawag doon? Single blessedness yata. Sabi ko naman, parang hindi naman yata patas. Hindi man lang tinanong ng Maylikha kung gusto kong mabuhay mag-isa sa mundong ito. Sana tinanong muna Niya ako kung gusto kong mag-asawa o hindi. O kahit man lang magkaroon ng kasintahan. Mali ba na mangarap ako na sana ay may lalaking hahawak sa kamay ko habang naglalakad? O kaya ay sasalubong sa akin pag-uwi ko ng bahay at kukumustahin ang araw ko? Mali ba ang mangarap ng kaaway na maya-maya ay yayakap at susuyo sa akin? Mali ba ang mangarap ng buhay na may kapiling ako sa pagtulog, at gumising araw-araw katabi ang taong mahal ko? Mali ba?
Ang sabi nila masaya raw maging single. Huwag na tayong maglokohan. Alam kong alam nating lahat na kahit kailan, hindi masaya ang mag-isa. Hindi masaya ang umuwi sa bahay na walang laman. Hindi masaya ang mag-isa sa mundong ito. Kaya naman sa tuwing titingnan ko ang mga palad ko, hinihiling ko na sana... balang araw... may taong hahawak dito. Balang araw...
___ ___ ___ ___ ___ ___ ___ ___ ___ ___ ___ ___ ___
Author's Note: Bilang paggunita sa Buwan ng Wika ngayong 2016, sinubukan kong magsulat ng isang maikling kwento na Tagalog. Maliban doon ay nais ko ring isama rito ang isa sa mga paborito kong paraan ng pagsusulat... ang 'acrostic.' Medyo nahirapan lang ako dahil limitado ang alam kong mga salitang Tagalog na maaaring magbukas ng panibagong talata.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro