KABANATA 19
Sinalubong ng dalawang kasambahay ang pagpasok ni Amanda sa loob ng tila mala-mansyong bahay.
Yumuko naman si Amanda bilang pagbati sa mga ito. "Magandang umaga po. Bibisitahin ko po sana si Enzo," malumanay niyang wika at walang ano-ano ay yumuko naman ang dalawang babae sa kanya na may kaedaran na rin.
"Magandang umaga rin po Senyorita Amanda," bati ng isa at nagulat naman si Amanda na kilala siya ng mga ito gayong ngayon lang naman sila nagkita. "Pasok po kayo at nasa itaas pa po si Senyorito, ipatatawag po namin siya," dugtong pa nito at tumango na lamang si Amanda.
"Maraming salamat po . . ."
"Emilia po ang aking pangalan at siya naman po si Bessa," pagpapakilala nito sa kanya at ngumiti naman si Amanda at inilahad ang kanyang palad upang makipagkamay.
Nagulat naman ang dalawa dahil hindi nila inaasahan iyon sa dalaga dahil sanay na silang balewalain ng mga taong dumadayo o bumibisita sa kanilang mga amo.
"Nasisiyahan akong makilala kayo Emilia at Bessa. Dito na lamang ako sa hardin maghihintay kung pwede. Nilakad ko lang kasi mula rito hanggang sa amin kaya medyo marumi ang aking sapatos," wika ni Amanda at tila mas lalong ikinagulat naman ito ng dalawa.
"Naku! Ayos lang po, lilinisin naman po namin. Mainit po kasi rito sa labas," wika ni Emilia at umiling naman doon si Amanda.
"Ayos lang ako rito," sagot naman ni Amanda at wala namang magawa ang dalawa kung hindi ang tumango na lamang.
Naiwang mag-isa si Amanda habang bitbit-bitbit ang basket na may lamang iniluto niyang adobong manok. Marahang inilagay niya ang basket sa lamesa nang may nakakuha ng kanyang atensyon, isang magandang bulaklak na tumitingkad na kulay lila.
Isa itong orkid at manghang-mangha siyang tinitigan ito. "Ang ganda mo namang bulaklak," wika niya at hindi mapigilang mapamangha.
Habang inaaliw ang kanyang sarili at napasinghap siya sa gulat nang may biglang yumapos sa kanyang baywang at ramdam niya ang paghinga nito sa kanyang leeg.
"I miss you."
Sa boses pa lang ay alam na ng dalagang si Enzo ito at bahagya niya itong nilingon. Nagtama ang kanilang mga mata at sobrang lapit ng kanilang mga mukha. Hindi naman alam ni Amanda ang kanyang gagawin dahil tila nanigas na lamang siya mula sa kanyang kinatatayuan.
"Enzo," tawag niya rito at dahan-dahan namang kumawala si Enzo mula sa pagkakayakap niya sa kanya.
Humarap naman ang binata sa kanya na may ngiti sa kanyang mga labi. "Amanda," sambit nito sa kanyang pangalan at nakaramdam naman ng pag-iinit sa pisngi ang dalaga.
"G-gusto ko sanang humingi ng despensa sa hindi pagpansin sa'yo nitong mga nakaraang araw kahit na wala ka namang ginagawang masama. Dinalhan nga pala kita ng pagkain. Ako ang nagluto kaya pagpasensyahan mo na kung baka ay hindi pasok sa panlasa mo," mahabang lintanya ni Amanda na bahagyang nautal pa siya ngunit nakangiti pa rin ang binata sa kanya.
"Basta't ikaw ang gumawa, Amanda. Siyanga pala ba't hindi ka man lang pumasok?" puna ni Enzo at pinasadahan siya nito ng tingin at nagtagal sa sapatos na suot-suot ng dalaga.
Nahiya naman si Amanda ngunit sumagot pa rin ito. "Ayoko kasing magkalat ng dumi sa loob dahil dito sa sapatos ko. Nilakad ko lang kasi mula sa amin patungo rito. Ayokong maistorbo ang iba upang ihatid lamang ako rito," mahinang sagot ng dalaga at ramdam ng binata na tila nahihiya ito.
Walang ano-ano ay kinabig ni Enzo si Amanda papunta sa kanya at niyakap nang husto. "Amanda," mahinang bigkas nito at marahang hinalikan ang buhok ng dalaga.
"Halika sa loob, samahan mo akong kumain," wika ni Enzo at inakay papasok sa loob si Amanda.
Kahit na ayaw ng dalaga ay wala na rin siyang nagawa nang tuluyan na siyang makapasok. Nakita niya rin si Emilia at Bessa na ngayon ay abala na sa paglilinis ng kabuuang bahay.
Inilapag naman ni Enzo ang basket at inilabas ang laman nito. Nakabalot pa sa puting tuwalya ang baunan upang mapanitili nito kahit papaano ang init. Pagkabukas nang pagkabukas ni Enzo ay agad siyang natakam sa amoy nito.
Kumuha agad ang binata ng dalawang plato gayun na rin ang kutsara't tinidor. "Mukhang masarap," wika ni Enzo at nasisiyahan naman si Amanda dahil ayos na silang dalawa ng binata at nagustuhan nito ang kanyang inihanda.
Sabay naman silang kumain at walang humpay ang pagpuri nito sa iniluto ng dalaga para sa kanya.
Pagkatapos nilang kumain ay binigyan ni Enzo si Amanda ng kanyang sandalyas upang guminhawa ito at maging komportable. "Medyo malaki sa'yo," puna ni Enzo at bahagyang natawa nang makita niya itong suot-suot na ng dalaga.
"Malamang kasi ang laki mong tao," sagot naman ni Amanda at natawa.
Inilibot naman siya ni Enzo sa buong kabahayan at nalula naman si Amanda sa kagandahan ng kanilang hardin. Mahilig sa tanim ang ina ni Enzo kung kaya ay marami talagang mga bulaklak sa kanilang hardin.
Nang makarating sila sa likod ay mas lalong namangha si Amanda dahil hindi niya aakalain mayroon ding malapad na lupain at kung hindi siya nagkakamali ay isang kuwadra ang kanyang nakikita kung saan mayroong mga kabayo.
"Sa aking ama at ina ang lupain ito at mahilig din sila sa mga kabayo ngunit ako lang itong hindi marunong sumakay sa kabayo. Mabuti na lang din at tinuruan mo ako," wika ni Enzo dahilan upang lingonin siya ng dalaga.
"Hindi ka naman mahirap turuan. Ang dali mo ngang natuto," wika ni Amanda at napakamot naman si Enzo sa kanyang batok.
Isang malamyos na hangin ang sumalubong sa kanila dahilan upang liparin ang iilang hiblang buhok ng dalaga. Naamoy naman ni Enzo ang halimuyak ng buhok ng dalaga dahilan upang pakatitigan niya ito. Manghang-mangha ang binata sa taglay nitong ganda na kahit walang kolorete sa mukha nito gaya ng ibang mga babae ay natural na natural ang angkin nitong ganda.
Para itong diyosa sa kanyang mga mata. Mukhang hindi maihahalintulad sa iba. Sa angkin nitong kagandahan at pagkatao ay mas lalong umigting lamang ang kagustuhan ni Enzo na mapasakanya ang dalaga. Gagawin niya ang lahat makuha lamang sa mga kamay ni Alfonso si Amanda. Alam niyang walang makukuha si Amanda rito at batid niya ring hindi pa alam ng dalaga ang itinatago ni Alfonso sa kanya.
"You're breathtaking, Amanda. Akin ka na lang."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro