PANIMULA
ᜊᜆ᜔ᜑᜎ
Bathala
• • ❈ • •
Isang matamis na ngiti ang bumahid sa aking mga labi nang mapagmasdan ang isang balintataw—ang tila imaheng nagpapakita ng mga nangyayari sa bawat nilalang na nabubuhay sa sandaling ito.
Isang mag-asawa ang naglalakbay sa tabing ilog. Sila ang mag-asawang walang anak na nagmula sa isang tribo sa Kanluran.
"Kailan kaya tayo magkakaroon ng anak? Tila ba wala nang pag-asa. Ginawa naman natin ang lahat ng mga ritwal. Sinunod naman natin lahat ng payo ni Tatang. Bakit wala pa rin?" Malungkot na tanong ng babae.
"Maghintay ka lamang, aking mahal, alam kong may magandang kinabukasang nakaabang para sa ating pagsasama. Magtiwala tayo kay Bathala—"
Hindi naituloy ng lalaki ang sasabihin. Mula sa damuhan ay nakarinig sila ng pag-iyak mula sa banda ng tabing-ilog kung saan malago ang talahib.
Walang anu-ano'y inilabas ng lalaki ang kanyang bolo.
"Mahal, dito ka sa likod ko. Maaaring isang tiyanak ang umiiyak na iyon."
Mahigpit ang kapit ng lalaki sa kanyang sandata habang marahang lumalapit sa kinaroroonan ng tunog. Nakahanda na siya sa posibleng pag-atake bago pa man niya hawiin ang talahib na tumatakip dito.
Subalit imbis na tagain ang nasa likod ng talahib, tila naestatwa ang lalaki at marahang ibinalik sa kanyang tagiliran ang sandata.
"M-mahal, silipin mo ito."
Malayong-malayo sa inaasahan ng mag-asawa ang nakita nila. Isa itong anghel, isang bata, ang kanilang biyaya.
Lalo lamang lumaki ang ngiti sa labi ko nang pumikit ang mag-asawa habang nakatingala.
'Maraming salamat po sa biyaya, Bathala,' narinig kong sambit nila bago niyakap ang bata, at masayang umuwi sa tahanan nila.
Tinanggal ko na sa kanila ang aking atensiyon at itinuon ito sa ibang balintataw.
Isang batang lalaki ang nakaupo sa duyan ng isang palaruan. Madungis ang kanyang mukha at tumutulo ang iilang butil ng pawis sa kanyang noo. Ang sira-sirang damit nito ay tila ba malapit nang gawing basahan sa kusina.
Namutawi ang lungkot sa aking puso nang makita ang kanyang kalagayan. Tila ba ito'y tinutusok ng ilang libong karayom dahil sa bata.
Nakalulumbay isipin na wala akong magawa, hindi ko maaaring baliin ang tadhana. Nararapat na mangyari ang dapat mangyari, walang labis, walang kulang.
Ang lahat ay nakatakda na, sa simula pa lamang. Nakasulat na sa tadhana ang mga talata na bumubuo sa lahat ng kabanata sa buhay ng bawat nilalang. Ito'y tila iniukit sa bato, hindi mabubura, hindi mababago, hindi mawawaglit.
Ang kapalaran ng tao'y hindi mababali, tulad ng mga sanga ng puno ng buhay.
Kapit ka lamang, bata. Darating ang araw na ika'y makawawala sa pagsubok ng buhay. Isang magandang kinabukasan ang mapasasaiyo.
Tumayo ako mula sa gintong tronong kinauupuan ko. Kailangan kong libutin ang buong palasyo't masubaybayan ang lagay ng mga anghel.
Mula sa likod ko'y lumabas ang puti't gintong pagpak. Aangat na sana ako mula sa kinatatayuan ngunit napatigil ako kaagad nang tumibok nang malakas ang puso ko.
Ito na naman, nangyayari na naman. Hindi na ito maganda, sa palagay ko'y nalalapit na.
Isinawalang-bahala ko ito at ipinagpatuloy ang paglipad.
Ngayon ay mayroong paghahanda sa buong kaharian ng langit, ng Kaluwalhatian, dahil maya-maya lamang ay darating si Amanikable, ang diyos ng karagatan.
Katulad ng araw-araw kong namamasdan, napakaganda ng Kaluwalhatian. Napakaaliwalas ng paligid, maliwanag, at walang bahid ng anumang karumihan. Banayad ang agos ng tubig, malumanay ang haplos ng hangin, magandang pakinggan ang huni ng mga ibon, at masigla ang pagsayaw ng mga halaman. Isang paraiso ngang maituturing itong aking kaharian, ang aking tahanan.
Nakalatag ngayon sa labas ng malagintong palasyo ang kulay gintong tela na lalakaran ng diyos. Ang lahat ng mga anghel na nadaraanan ko ay yumuyukod at nagbibigay galang sa akin. Lahat ng naririto ay mayroong respeto at namumuhay nang may paggalang at pagmamahal. Malinis ang puso nila't puro.
Subalit nakatitiyak akong sa pagdating ng panahon, ang mga tapat at banayad na kaluluwang ito ay mababahiran ng kasakiman, takot, poot, at pagtataksil. Sa tamang panahon, sa oras kung saan ang liwanag ay masisilaw sa sinag ng kadiliman.
"Mahal na Bathala, marahil ay alam na po ninyo, ngunit anumang sandali ay narito na ang diyos ng karagatan," pagbibigay-alam ng isang anghel, isa sa mga tauhan sa loob ng palasyo.
Tama ang tinuran ni Azul, ngayon nga ay nalalapit na ang pagparito ni Amanikable. Marahil ay lulan na naman ito ng isang malaking alon, dala pa ang ilang parte ng dagat.
Taas noo akong humakbang papalapit sa kinaroroonan ng gintong tarangkahan upang salubungin ang diyos.
Isang malakas na huni ng trumpeta ang umalingawngaw sa paligid. Narito na siya. Iyon ang pamilyar na tunog ng trumpetang gawa sa kabibe.
Mula sa ibaba ay nanggaling ang isang parihabang hugis ng tubig. Tila isa itong kahon na gawa sa salamin. Sa loob nito ay nakatayo si Amanikable. Kasama niya roon ang ilang isda na animo'y tuwang-tuwa sa paglangoy sa loob ng kahon.
Napangiti ako nang makita ang isang seryosong tingin na ipinukol sa kanila ng kanilang tagapangalaga. Walang anu-ano'y lumangoy pababa ang mga isda, pabalik sa kanilang tahanan. Napakataray pa rin ng diyos na ito, walang pagbabago.
Nang mawala ang tubig ay nakita ko nang malinaw ang kanyang anyo.
"Hindi ka mamamatay kung ika'y ngingiti, Abel. Hindi ka man lang ba nagagalak na nasilayan mong muli ang aking kariktan?"
"Magandang araw, mahal na Bathala." Yumuko ito nang bahagya, at nang tumunghay itong muli ay nakapinta na ang isang maliit na ngiti sa labi nito.
"Gumawa ka na naman ba ng ipu-ipo sa Pasipiko? Marahil ay natakot na naman ang mga taong malapit sa tubig. Halina't tumuloy ka sa loob ng palasyo."
"Sinigurado ko pong walang maaapektuhan sa aking pag-akyat sa iyong kaharian."
"Mainam."
Habang naglalakad kami ay nag-aawitan ang mga anghel. Ang paligid ay puno ng iba't ibang himig, ang himno ng kapayapaan ay kasalukuyang inaawit ng mga anghel. Ito ay sumasabay sa hangin, at tila hinahaplos ang aking puso sa pamamagitan lamang ng pakikinig. Sa maikling sandali ay nawala ang isiping bumabagabag sa aking isipan.
Tuluyan kaming nakapasok sa palasyo. Umupo kami sa harap ng hapag kung saan maraming pagkain ang nakahain.
"Ano po ang sanhi ng inyong pagpapaunlak ng paanyaya sa akin? Mayroon po ba kayong nais na sabihin o iutos, mahal na Bathala?"
"Mayroon akong nais na ihabilin sa iyo..." Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago muling tumingin sa kanya.
Inilahad ko sa kanya ang kamay ko. Nabaling ang tingin niya rito at tila ba siya'y interesado sa aking ibibigay. Lumitaw sa ibabaw ng palad ko ang bagay na ilang araw nang bumabagabag sa akin.
"Isang aguhon? Para saan po ito?"
"Sa ngayo'y ibinibigay ko muna sa iyong pangangalaga ang aguhong ito. Ibigay mo ito sa taong mangangailangan nito sa hinaharap."
Napuno ng pagtataka ang mukha ng diyos. Tila ba hindi nito maunawaan ang aking itinuran. Maging ako ay hindi ko nalalaman kung sino ang mangangailangan ng bagay na ito. Marahil ay dulot ito ng aking panghihina. Hindi ko na makita ang hinaharap.
"Bakit tila ika'y nagpapaalam sa tono ng iyong pananalita? Bakit nahihimigan ko ito ng lungkot at tila ika'y namamaalam sa akin? Anong nangyayari, Bathala?"
Hinawakan ko ang koronang nakapatong sa aking ulo.
"S-sandali lamang, iyong kamahalan, ano po ang inyong ginagawa?"
Minasdan ko ang mata niyang nagtatanong sa akin.
"Katulad ng haring araw pagsapit ng dapit-hapon,
Ako ay lilisan pagdating ng tamang panahon.
Sa sandaling lumalala na ang panghihina,
Mawawala ang kinikilala ninyong Bathala.
Mundo'y sisiyasatin,
Panaho'y babalikan at ang mga katiwalia'y lulutasin.
Ibabalik ang mga bagay na sa akin,
Upang ang kapangyarihang walang hanggan ay muling mapasaakin."
Isang ngiti ang iginawad ko sa kanya bago iputong ang gintong korona sa kanyang ulo. Hindi niya alam, ngunit ang tamang panahon na aking sinambit ay ang mga sandaling ito. Isang paghiling, isang pagpapasaakin na lamang ang aking hinihintay upang tuluyang ako'y mamaalam sa lugar na aking pinamumunuan.
Isang balintataw ang lumitaw sa harapan ko. Isang babae ang nakaupo sa tabing dagat. Nakatingala ito habang nakapikit. Mula sa mga nakasaradong mata'y tumutulo ang masagana niyang mga luha.
"Paano kaya ako makababalik? Makababalik pa kaya ako?"
Ilang sandali pa'y tumayo ito at pinagpagan ang kanyang suot.
"Bahala na..."
Tila ba isanlibong espada ang tumusok sa dibdib ko nang marinig ang kanyang iwinika. Tila ba umiikot ang paligid dahil sa mga katagang nagmula sa kanya. Hindi ko na rin maramdaman ang lakas sa akin.
Sa mga sandaling ito'y nadarama ko ang sakit na ni minsan ay hindi ko nadama, na sa libu-libong mga taon ay hindi ko napapala.
Bakit ganito ang sinapit ko sa pagtulong sa mga taong ipinapasaakin ang kanilang mga suliranin? Ang makapangyarihang Bathalang tinitingala, bakit ngayon ay walang magawa?
Ito na nga ata ang katapusan ko sa trono...
'Paalam, Kaluwalhatian.'
• • ❈ • •
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro