Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 2

MGA SILAGAN

ᜊᜆ᜔ᜑᜎ

Isang malakas na irit ang pinakawalan ng silagan bago tumalon pababa sa akin. Nakaangil ito at tumutulo pa mula sa bibig ang dugo na hindi ko alam kung saan nanggaling.

Isang ingit ang narinig ko mula sa isang sulok. Mabilis kong inilibot ang mga mata ko upang hanapin ang pinagmumulan ng tunog. Nasisigurado kong isa itong biktima ng silagang kaharap ko.

Sa kabilang dako, kung saan patay ang sindi ng isang kahoy, ay nakahiga ang isang babaeng animo'y hirap na hirap nang huminga. Nanginginig ito habang nakatingin sa tiyan nitong bukas at dinadaluyan ng masaganang dugo. Malalim ang kulay itim sa ilalim ng mga mata nito at ang pisngi'y puno ng mga luhang natuyo.

Kaawa-awa ang sinapit ng babaeng biktima nito, ngunit hindi pa ito namamatay. Marahil ay hindi pa tuluyang nakukuha ng halimaw ang kanyang pakay...ang atay ng biktima niyang nakasuot ng kulay puting pang-itaas. Sa palagay ko'y hindi na rin tatagal ang buhay nito dahil sa dami ng dugo sa sahig.

Hinarap ko ang kalaban ko dahil kinakailangan ko nang gamutin ang babae sa lalong madaling panahon. Kung hindi, nasisigurado kong hindi ito matatanggap ng aking konsensya. Ni hindi ko nga alam kung ito ba'y nasa kanyang kapalaran, kaya't anumang mangyari, kinakailangan niyang mabuhay.

Sumugod papunta sa akin ang silagan habang nakatutok sa akin ang matatalim nitong kuko. Nang makalapit siya ay tinangka niya akong hiwain gamit ang mga kuko niya na parang isang papel ngunti mabilis lamang akong nakailag. Masasabi kong mahina lamang ang silagang ito dahil wala pa siyang pakpak. Mabagal din ang pagkilos nito kumapara sa mga malalakas na kauri niya.

Nang makalapit sa akin ang isang kamay niya ay hinawakan ko ang pulsuhan niya't hinigit siya nang malakas. Matapos nito'y itinuon ko ang pwersa sa isa kong kamao at sinuntok nang malakas ang halimaw sa tiyan. Napaubo naman ito't mas lalong naging masama ang tingin sa akin. Sinuntok ko siyang muli sa tiyan at hinawakan sa leeg. Hinigpitan ko ang pagkakakapit sa kanya at nang masigurado kong hindi siya makakawala sa aking pagkakahawak ay tumalon ako. Nang lumapat ang tuhod ko sa lupa ay malakas na tumama ang katawan ng silagan sa sahig, dahilan para mapasigaw ito nang malakas. Madirinig ang pagkabali ng ilang buto niya sa katawan. Napaubo ang aking kalaban dahil sa pwersa ng pagtama ng likod niya sa sahig, at mula sa bibig niya'y mayroong dugong nagsimulang umagos.

Makalipas ang ilang sandali, hindi ko na naramdaman sa aking mga daliri ang pintig ng pulso sa leeg niya kaya't binitawan ko na siya.

Sa kabilang sulok ay narinig kong muli ang pagdaing ng biktima ng silagan. Kailangan ko na siyang magamot sa lalong madaling panahon—

Hindi pa man ako nakakahakbang ay naramdaman ko ang pagtaas ng balahibo ko dahil sa dami ng maitim na presensyang nadama ko sa aking likuran. Nasisigurado kong sa mga sandaling ito ay mayroon akong pitong kalaban na kasama rito sa kwebang ito.

Nang lumingon ako'y nakita ko ang mga pangil nilang nagngingitngit sa galit habang nakatingin sa kasamahan nilang nakahandusay sa sahig. Maya-maya pa ay mas masama na ang tingin nila sa suot kong damit na ngayon ay bahagyang nagliliwanag na.

Walang anu-ano'y bumulusok papunta sa akin ang mga pitong kalabang handa nang ako ay sakmalin. Naglalaway ang mga ito na tila mga asong nauulol. Unang umatake sa akin ang isang babaeng kakaunti na ang buhok at mayroong madidilaw na mga ngipin. Lumundag ako nang magtangka itong ako'y sipain. Kasunod niya ay mataas na lumundag ang tatlo pang silagan at sabay-sabay na sumakmal sa akin. Umatras ako ng tatlong hakbang at tumalon kasabay ng paglapat ng paa nila sa lupa. Itinuon kong muli sa kamao ko ang pwersa at nang bumagsak ako sa sahig ay buong-lakas ko itong isinuntok sa lupa. Nagkaroon ng isang malakas na pwersa nang magtama ang aking kamao at ang sahig, dahilan para mapatalsik ang apat na kalabang malaput sa akin.

Sunod namang umatake ang tatlo pang natitira. Kumpara sa apat na unang umatake, mas mahahaba at mas matutulis ang kanilang mga kuko. Nakalabas din ang dila ng mga ito't tila naglalaway na nakatingin sa bandang tiyan ko. Mga bastos...

Sabay-sabay na sumuntok sa akin ang tatlo mula sa iba't ibang direksiyon kaya't hindi ko naiwasan ang isa sa mga ito. Napangiwi ako nang tumama sa tagiliran ko ang kamao noong isang silagan. Ngayon ay sa paa ko naman itinuon ang pwersa ko't malakas na sinipa ang silagan na nakasuntok sa akin. Nagsumigaw ito nang tumama ang likod sa pader. Sunod kong pinataman ng suntok ang pinakalapit sa akin. Hindi naman ito nakaiwas kaya't katulad ng isa pang silagan ay tumalsik ito sa isang sulok. Ang isa pang natitira ay bumungisngis. Nakakairita ang pagmumukha ng isang ito. Akmang pauulanan ko siya ng suntok nang biglang lumitaw mula sa likod niya ang isang pares ng pakpak na animo'y gawa sa balat niya.

Ang kuwebang puno ng mga daing at ng galit ay napalitan ng mga hagikhik na nakakapantig ng tainga. Kaunti na lamang at malapit na akong mapuno sa mga ito. Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang mga ganitong klaseng ingay, ang huni ng mga halimaw na gumagawa ng masama sa aking mga nilalang at nagpapalaganap ng kasakiman.

Sunod-sunod na sumugod sa akin ang mga silagang walang pakpak, at kasabay nito ay ang pagsugod din sa akin ng nag-iisang halimaw na nagkaroon ng pakpak. Sa tingin ko'y kinakailangan ko na ang aking mga armas. Ngunit saan ko nga ba nailagay ang mga iyon?

Wala na pala akong ibang mapagpipilian ngayon kundi ang gamitin ang aking mga natitirang kapangyarihan. Sa tingin ko naman ay kakayanin kong kalabanin ang mga ito gamit lamang ang aking kakayahang imanipula ang pwersa sa katawan ko.

Sinalubong ko ang kuko ng isang silagang nasa lupa gamit ang isang tantsadong pwersa para hindi ako maapektuhan ng atake niya. Nang tumama ang kuko sa kamao ko'y napangiti ako. Nabali ang mga kuko nito na nagtangkang hiwain ako. Matapos nito'y sinipa ko ito nang malakas, tama lamang para mabali ang mga buto nito't magkaroon ng mga pagdugo sa loob ng katawan niya. Hindi ko na siya tinapunan pa ng pansin nang marinig ko ang pagsigaw niya nang tumama siya sa pader.

Sunod kong hinarap ang isa pa habang patuloy na umiiwas sa ibang atake. Hinawakan ko lamang siya sa kamay at tsaka inihagis sa iba pa niyang kasamahan. Ang mga damuhong ito...

Patuloy ko silang nilabanan hanggang ang matira na lamang ay ang may pakpak na silagan. Kinakailangan ko na itong tapusin dahil naghihingalo na ang tao sa sulok.

"Hindi mo ako matatalo, hampaslupa!" Humagikhik pa ito na para bang nang-iinsulto.

Tila ba nagpantig ang tainga ko't sa isang iglap lamang ay nakadikit na ang mukha ng kalaban sa sahig habang mahigpit ang pagkakahawak ko sa mga pakpak niya. Mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakahawak sa pakpak nito hanggang sa maramdaman ko ang pagkabali ng mga ito. Nagsusumigaw at sinubukang pumiglas ng silagan ngunit hindi nito magawang gumalaw.

"Ang sinumang magtangkang ako'y kutyain ay hindi na sisikatan pa ng araw." Matapos nito'y hinigit ko ang pakpak niya hanggang sa humiwalay ito sa kanyang likod. Isang malakas na hiyaw ang umalingawngaw sa paligid.

Sunod kong hinawakan ang leeg nito't pinilipit. "Ang awa'y ibinibigay lamang sa mga nilalang kong sumusunod at naniniwala sa akin. Walang lugar ang awa para sa mga demonyong walang awa sa aking mga nilikha."

Nilapitan ko ang babae at binuhat. Makikita sa mga mata nito ang mga luha niyang natuyo na, gayundin ang iilang talsik ng dugo. Nanginginig na para bang ito'y takot na takot. Sino nga ba ang hindi matatakot sa kanyang sinapit sa kamay ng mga silagang iyon?

Humanap ako ng isang mainam na lugar, gayundin ang mga kagamitang kakailanganin ko sa paggagamot sa babae. Ako'y nagpapasalamat dahil kumpleto ang lahat ng aking kakailanganin para siya'y magamot.

Makalipas ang isang oras na paggagamot sa kanya'y nakahinga ako nang maluwag dahil tumigil na ang pagdurugo sa kanyang tiyan. Ngayon ay mahimbing itong natutulog sa aking ginawang maliit na silong.

Maging ako'y napasandal na lamang sa isang puno at napapikit. Kailangan kong maibalik ang enerhiyang nagamit ko sa pakikipaglaban. Lubha ang naging pagod ko dahil matagal-tagal na rin noong ako ay mapasabak sa labanan. Idagdag mo pa ang pagkawala ng ilang kapangyarihan ko.

Nakagagalak isipin na nailigtas ko ang babae—teka...

Nasaan ang kapangyarihan kong naroon sa kwebang 'yon? Bakit hindi ko nakita ang anumang kapangyarihan ko na dapat ay makikita ko roon? Nagkamali lamang ba ako? Hindi ba iyon isang leyline?

Tumayo ako at tumakbo pabalik sa kweba at siniyasat ang kabuuan nito. Nawala na ang gintong linya na nakakonekta rito. Huh? Nasaan ang kapangyarihang 'yon? Hindi ako nagpagod para lamang makipaglaro sa mga silagang iyon ano?

Malas!

Bagsak ang balikat ko nang bumalik ako sa kinaroroonan ng babae. Hindi ko na alam kung saan pa ako maghahanap. Sa tingin ko'y ang magagawa ko muna sa ngayon ay magpahinga at hintaying gumaling ang babae—

Gulat ang bumakas sa mukha ko nang makita ang babaeng ngayon ay nakaupo na sa isang malapad na bato. Sa isa pang bato ay nakahain na ang mga pagkaing hindi ko alam kung saan nanggaling. Anong nangyari? Nasaan ang sugatang babae?

"Bathala," tumayo ito at magalang na yumukod. Nakangiti pa ito na parang hindi nanggaling sa paghihirap. "Naghanda po ako ng kaunting pagkain para sa inyo, tanda ng pasasalamat at pagbati sa inyong tagumpay."

Umupo lamang ako sa isang bato at nagsimulang kumain. Hindi ko malaman ngunit tila pamilyar sa akin ang boses ng babaeng ito. Siya ba si—

Bago ko pa man maituloy ang sasabihin ko'y biglang lumiwanag ang katawan ng babae. Nasilaw ako kung kaya't napatakip ako sa aking mga mata. Nang mawala ang liawanag ay isang anghel ang lumitaw sa aking harapan. Mayroon itong kulay puting mga pakpak at mayroon nang isang halo na nakalutang sa ibabaw ng ulo nito. Ang mga mata nito'y naging kulay asul, katulad lamang ng kalangitan. "Almira, Bathala. Ako ang tagabantay na iyong inatasan upang pangalagaan ang isa sa mga leyline," pagpapakilala nito.

"Ikinagagalak kong ika'y makitang muli, Almira. Ngunit kung gayon ay bakit hindi ko makita ang kapangyarihang narararapat na naroon sa kweba?" nagtatakang tanong ko.

"Iyon ay dahil nasa akin ang inyong hinahanap." Inilahad nito ang palad sa akin. Ilang sandali pa ay nagliwanag din ang palad niya at mula roon ay lumitaw ang isang kwintas. Mayroong isang kristal na nakasabit doon na katulad ng kamay niya'y nagliliwanag din.

"Ito ang isa sa iyong mga kapangyarihang minsan mo nang tinaglay. Bathala, sa iyo'y aking ibinabalik ang kakayahang magmanipula ng kapangyarihan."

•• ❈ ••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro