Kabanata 1
GENESIS
ᜊᜆ᜔ᜑᜎ
Liwanag...
Ito ang sumalubong sa aking mga mata nang magmulat ako. Tila gustong bulagin ng haring araw ang mga ito dahil sa tindi ng sinag nito sa akin. Ang aking haring araw, ang isa sa mga nilikha ko upang magsilbing liwanag at maging simbolo ng bagong umaga para sa aking mga nilikhang may buhay.
Isang ngiti ang sumilay sa aking mga labi nang makatayo ako. Pinagmasdan ko ang bago kong anyo sa salamin. Kulay maitim na tsokolate ang maikling buhok ko. Ang harap nito'y umaabot lamang hanggang sa kilay ko at ang gilid at likod naman ay hindi ganoon kahaba at hindi rin naman gaanong pudpod. Matangos din ang ilong ko't mamula-mula ang labi. Kayumanggi ang balat ko. Kulay tsokolate naman ang malamlam kong mga mata. Malinis ang paligid ng mga labi ko't walang bahid ng balbas. Maganda rin ang hubog ng katawan ko. Nararamdaman kong mainam para sa akin ang katawang ito gayong malakas ang mga kalamnan nito't matatag.
Ngayon ay nasa katawan ako ng isang taong kamamatay lamang, si Dev Aziel, ang anak ng isang pinuno ng tribo mula sa Kanluran na namatay dahil sa isang sakit. Wala pang nakaaalam ng lunas sa sakit niya dahil limitado lamang ang kaalaman sa larangan ng medisina sa mga panahong ito. Namatay siya dahil sa butas sa puso niya na nakuha niya noong siya'y ipinanganak.
Ito rin ang naging pagkilos ng tadhana at ng puno ng buhay upang magkaroon ako ng isang mainam na sisidlan at ng tahanang katawan na pamamalagian ko at maghahawak ng mga natitirang kapangyarihan sa akin.
"Ginoo ko!" sigaw ng isang babae.
Mula sa repleksyon ko sa salamin ay namasdan ko ang gulat sa mukha ng isang babae. Siya ang ina ni Dev at nasisigurado kong sa mga sandaling ito ay puno siya ng takot at pagtataka. Sino nga ba naman ang hindi matatakot na masaksihan ang pagkabuhay ng isang patay? Isang himala na itong maituturing sa mga taong ito.
Isang lalaki naman ang sumunod na pumasok sa silid. Nakasuot lamang ito ng bahag at mula sa kanyang ulo ay may nakapatong na telang sumisimbolo sa pagiging pinuno. Siya ang ama ni Dev at mahahalata mo na sa kanya nagmula ang mga pisikal na katangiang makikita mula sa binata.
Ngumiti lamang ako sa kanilang dalawa at mabilis na tumalon mula sa bintana ng kubo. Nang makalapag ako sa lupa ay nagsimula akong tumakbo sa kung saan mang direksyon na walang sinumang taong nakaharang. Kailangan kong lisanin ang lugar na ito nang sa gayo'y magawa ko ang aking misyon. Mahigpit ang mga magulang ni Dev at sa tingin ko'y hindi nila ako hahayaang makaalis kung sakali. Isa pa, nasisigurado kong hindi sila maniniwala kung aking sasabihin sa kanila na ako'y ang Bathala na kanilang sinasamba. Mapagkakamalan pa nila ako na isang lapastangan at isang malaking sinungaling.
"Habulin ninyo si Aziel! Huwag ninyong hayaan na makatakas ang batang iyon!"
Mula sa iba't ibang bahagi ng gubat ay may lumabas na mga lalaking nakasuot lamang din ng bahag at mayroong mga nakasabit na tabak sa tagiliran. Hindi ito maaari.
Tumigil ako sa pagtakbo at pinakiramdaman ko ang mahikang dumadaloy sa aking katawan. Nagsimulang lumiwanag ang lahat sa akin. Naging malinaw ang aking paningin, pandinig, pang-amoy, at pakiramdam. Naging alisto rin ako at naramdaman kong gumaan ang aking mga kalamnan. Mula roo'y sinubukan kong humakbang. Isang yapak pa lamang ang nagagawa ko'y natagpuan ko na ang sarili ko sa kabilang dako ng gubat, malayo sa mga taong humahabol sa akin. Napangisi ako. Mabuti naman at hindi nawala ang lahat ng kapangyarihan ko.
Hindi ko pa kakayaning gumawa ng himala sa ngayon. Alam kong hindi nila ako paniniwalaan kung hindi ako makapagpapakita sa kanila ng isang milagro. Iyon naman ang inaasahan sa akin ng mga tao, at iyon lamang naman ang dahilan kung kaya't sila'y nagdarasal. Sa tuwing hindi ko nasasagot ang kanilang mga panalangi'y lumalayo ang kanilang loob sa akin. Hindi marunong umunawa ang mga tao na akin lamang isinasaalang-alang ang kanilang kapakanan. Ang mga dalangin ay aking tinutupad lamang kung ito'y nakatadhana. Hindi ko kailanman pahihintulutan ang sinuman na mapahamak sa pagsagot ko sa kanilang panalangin na hindi nararapat para sa kanila.
Nagpatuloy lamang ako sa pagtakbo patungong timog habang pinapakiramdaman ang paligid ko. Wala na sila. Nakalayo na ako nang tuluyan sa mga taong humahabol sa akin. Maaari na akong magsimula sa paghahanap ng leylines sa panahong ito.
Ang leylines ay ang mga linyang nakakonekta sa mga kapangyarihan ko at sa puno ng buhay at kapangyarihan. Ito ay mga linyang tanging ako lamang at ang mga taong ihihirang ko ang makakikita. Nakakonekta sa puno ng buhay ang isang dulo ng leyline at ang isa naman ay sa kapangyarihang naiwala ko.
Nakakalat sa iba't ibang panahon at iba't ibang lugar sa mundong ito ang aking mga kapangyarihan. Hindi ako sigurado kung ilan ang bilang ng leyline na narito sa panahong ito at kailangan ko pa itong alamin. Ang mga kapangyarihang nawawala sa akin ay ang mga bagay na kinakailangan ko upang maibalik ang aking tatlong katangian bilang Diyos ng lahat—ang lakas, dunong, at iral.
Lakas ang sumisimbolo sa aking walang kapantay na kapangyarihan at ang walang limitasyong kalakasan. Ito ang katangian kong nagbibigay sa akin ng kakayahang lumikha ng mga nilalang at lumaban sa kadiliman. Ito rin ang katangiang nagpapanatili sa aking trono sa Kaluwalhatian. Para maibalik ito sa akin, kinakailangan ko ang kidlat, sukdulang kapangyarihan, at ang kakayahang magmanipula ng magi. Magi ang enerhiyang mahikal na dumadaloy sa katawan ko at ng iba pang mga Diyos. Ito ang enerhiyang kinakailangan upang makagamit ng mahika ang isang nilalang.
Dunong ang sumisimbolo sa katalinuhan at kamalayan ko sa lahat ng bagay. Ito ang nagbibigay sa akin ng kakayahan na malaman ang hinaharap at ang lahat mula sa nakaraan. Pinahihintulutan ako nitong magkaroon ng kaalaman sa lahat ng bagay, malaki man o maliit. Ang bilang ng hibla ng buhok ng isang tao ay nalalaman ko rin dahil dito, maging ang bawat ideya na naiisip ng mga tao. Para maibalik sa akin ang katangiang ito, kinakailangan kong maibalik ang aking mga abilidad katulad ng telekinesis, ang pakikipag-usap gamit ang isip, gayundin ang astral projection.
Iral naman ang sumisimbolo sa aking kakayahang pamunuan ang daigdig. Pinahihintulutan nitong ako ay umiral sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ako'y naroon, ngunit ako'y narito rin. Kasama ako ng lahat ng tao sa bawat sandali. Kinakailangan ko ang kakayahang gumawa ng mga lagusan at ang kakayahang magpalipat-lipat ng lugar para maibalik ang katangiang ito.
Itong tatlong katangiang ito ay kakailanganin kong manumbalik sa akin upang muli ay maging karapat-dapat ako sa trono ng Kaluwalhatian. Kinakailangan ko itong makuha bago masakop ni Sitan ang aking kaharian.
Nagpatuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa makakita ako ng isang ilog. Masagana ang paglagaslas ng tubig nito at nangingintab pa ito dahil sa sinag ng araw. Para bang isang paraiso ito sa gitna ng kagubatan na napalilibutan ng mga magagandang halaman. Mukha man akong nagmamalaki ay nagpapasalamat ako't nilikha ko ang lugar na ito, at sigurado akong marami pa akong nilikhang kamangha-manghang tanawin sa mundong ito. Ang lahat naman ng ito'y ginawa ko para sa aking mga nilalang na may buhay.
Napagpasyahan kong lumusong sa tubig at hugasan ang aking katawan. Maganda man ang katawang ito'y tila ba umaalingasaw ang amoy nito. May taglay na kaasiman ang katawang ito ni Dev. Marahil ay hindi ito nalilinisan nang maayos doon. Kung sabagay, isa na siyang patay bago pa man ako lumipat sa katawang ito.
Sa bawat sandaling lumilipas ay nadarama ko ang tubig na gumagapang sa katawan ko. Nararamdaman ko ang karagdagang kaginhawahan habang nililinis ng mga ito ang lahat ng dumi sa katawan ko. Mayroong ding mga isda na nagagalak na lumangoy sa paanan ko.
Matapos kong maligo ay gumamit ako ng kaunting mahika para magkaroon ng bagong damit. Hindi ko naman maaaring isuot muli ang mabahong damit na iyon. Suot ko ngayon ang isang kulay puting pang-itaas na mayroong kulay ginto at itim na mga sinulid sa ibang bahagi. Ganoon din ang kulay ng pang-ibaba kong saluwal. Nagkaroon din ako ng isang sapin sa paa na gawa sa balat ng hayop.
Dineretso ko lamang ang daan papuntang timog dahil doon ko nararamdaman ang isang malakas na enerhiya. Sigurado rin ako rito dahil naroon sa dakong iyon ang kulay gintong linya na unti-unti nang nagiging malinaw sa aking paningin. Iyon nga ang unang leyline na narito sa panahong ito.
Isang huni ang umalingawngaw sa lahat ng dako ng gubat, isang huni na animo'y mula sa isang instrumento. Ito'y tila tinig ng isang mang-aawit...
Mula sa kalangitan ay nasilayan ko ang kariktan ng isang ibong bumubulusok pababa. Nakabuka ang mga pakpak nito't nakataas nang bahagya ang ulo. Dahil sa sinag ng araw ay kitang-kita ang pagliwanag ng kanyang mga balahibong mayroong itim at bughaw na kulay. Naghahalo ang dalawang ito at sa malayo ay para bang dala nito sa likod ng pakpak ang gabi. Isang malakas na huni muli ang pinakawalan nito bago dumapo sa aking balikat.
Napakaganda talaga ng ibon na ito. Ang balahibo niya'y napakapino. "Manu, mabuti at ako'y agad mong nahanap." Hinimas ko ang ulo nito at tila isang bata ay pumikit ito habang dinadama ang haplos ko. Si manu ay isang tigmamanukan. Ang mga ibong ito ay pinaniniwalaan ng mga tao na isang malas sa kanilang paglalakbay. Inaakala nilang sa tuwing makakasalubong nila ito na papunta sa kaliwa ay hindi sila makakarating sa kanilang paroroonan, at kung sa kanan nama'y walang magiging sagabal sa kanilang paglalakbay. Hindi nila alam na ibinigay ko ang mga ibong ito upang magbantay sa mga mangangaso at manlalakbay upang hindi sila maligaw. Pinuputulan pa nila ito ng tuka bago pakawalan kapag ito'y kanilang nahuhuli. Kaawa-awa talaga ang mga hayop sa mga tao...
Hinimas ko muli ang ulo nito bago bumunot ng isang kulay bughaw na balahibo mula sa likod nito. "Kita ay iwawala, kun akoy mey kakawnan, lalabay ka," huli kong sabi bago ito pinakawalan at tila naintindihan nito ang aking tinuran dahil sa isang malakas na huning pinakawalan nito. 'Mag-iingat ka, Manu.'
Nagpatuloy ako sa paglalakbay hanggang sa tumigil ang gintong linya sa loob ng isang kweba. Kung anuman ang nasa loob ng kwebang ito, hindi ko alam. Madilim ito ang loob nito't walang buhay. Maging ang mga damo at puno na nakapaligid kuweba ay patay na. Para bang isang demonyo ang nakatira sa loob ng madilim na lugar kaya't ganito ang itsura ng labas. Mula rito sa labas ay naririnig ko ang malakas na paghinga. Marahil ay isang malaking halimaw ang narito.
Ang nakapagtataka lamang sa mga pangyayaring ito ay hindi ko natatandaan ang aking sarili na maglagay ng isang halimaw na magbabantay sa mga leyline. Hindi ba't ang aking mga nilalang ang nararapat na magbantay ng mga ito?
Pumasok ako sa loob ng kweba habang nakalutang sa gilid ko ang isang bola ng kidlat. Matalas pa rin ang pakiramdam ko sa paligid dahil masangsang ang amoy ng panganib sa loob ng kweba. Anong klaseng halimaw naman kaya ang sasalubong sa akin at biglang susulpot sa kung saan?
Nang marating ko ang pinakamalalim na bahagi ng kweba ay nadatnan ko ang isang maalikabok na kapatagan. Sa paligid nito ay mayroong mga kahoy na nagbabaga kaya't mainit sa loob nito. Makikita ang mga tuyong dugo sa sahig, maging sa iba't ibang sulok ng dingding nito, maging ang mga buto na mukhang matagal nang narito. Masangsang ang amoy ng mga ito't nakakasakit ng ilong, ngunit hindi sa kanila nanggagaling ang nakakasulasok na amoy. Nasaan na kaya ang demonyo—
Isang kaluskos ang narinig ko mula sa kabilang dako ng silid. Para bang isang mailap na mabangus na hayop ang halimw na kasama ko rito, handang sakmalin ako sa oras na maging kampante ako sa paligid.
Mula sa taas ay pumatak papunta sa sahig ang isang kulay pulang likido. Tumingala ako para alamin ang pinagmumulan ng dugo. Sa taas ay nakakapit na tila isang tuko ang isang nilalang na mayroong mahabang dila at nanlilisik na mga matang matalim na nakatingin sa akin. Matalas ang mga ngipin nito't maitim. Kahit na malayong-malayo ito sa itsura ng mga taong nilikha ko ay kawangis pa rin ito ng isang normal na tao, bukod na lamang sa mata't mga ngipin nito.
Napailing ako nang mapagtantong sinubukan akong gayahin ni Sitan. Ang paglalang ko sa mga nilikha kong tao ay ginaya niya, ngunit dahil sa masamang layunin niya'y pangit din at naging halimaw ang kanyang mga likha.
Napatingin ako sa damit kong kulay puti dahil tila ba roon nakatingin ang halimaw.
Matatalas na mga ngipin, mapupulang mga mata, mahabang dila, at nakatuon ang pansin sa kulay puting damit...
Isa lamang ang halimaw na alam kong may ganitong katangian...ang isang silagan.
•• ❈ ••
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro