XXV : Mustang
Kabanata Dalawampu't-lima : Mustang
Lorraine
"LORRAINE!"
Napadilat ako at napabangon kaagad sa higaan. Pawis na pawis ako at hinihingal sa hindi malamang dahilan. Napatingin ako sa gumising sa akin. Si Erick. Hawak niya ang magkabilang balikat ko, at nakatingin siya sa mga mata ko na puno ng pag-aalala. "A-anong nangyari?" Tanong ko sa kaniya. Nandito pa rin ako sa k'warto ko sa ospital.
"Ewan ko. Pag-akyat ko rito kagabi, wala kang malay. Maraming nurse kagabi rito dahil narinig ka raw nilang nagtititili. Ikaw nga dapat ang tinatanong ko kung anong nangyari," saad niya.
"Kagabi?" Pagtatanong ko.
"Kagabi ka pa tulog," aniya. "Buti nga gising ka na," dagdag pa niya. "Hindi ako pumasok kaninang umaga dahil hindi ako sigurado kung may magbabantay sa'yo."
Natulala ako habang iniisip kung anong nangyari bago ako mawalan ng malay. Doon ko napagtanto kung anong nangyari sa'kin. Dahan-dahan akong napatingin sa kisame. Malakas ang tibok ng puso ko pero gumaan ang pakiramdam ko nang wala akong makitang bangkay ni Ryan na nakapako roon.
"Ano ba talagang nangyayari? P'wede bang ipaliwanag mo sa'kin? Bakit iba ang kilos mo? Sino 'yung batang babae na nandito kagabi? M-multo ba 'yon?" Sunud-sunod niyang mga tanong.
"Makinig ka, kailangan kong maka-alis ngayon dito," madiin kong sabi sa kaniya. Hinawakan ko pa siya sa braso at nakipagtitigan sa kaniya. "Nasa panganib ang buhay ko. At maaaring nasa panganib din ang buhay mo. Kailangan kong umalis dito," sabi ko sa kaniya bago siya bitiwan at tumayo.
"T-teka ba-bakit? Naguguluhan ako. Saan ka naman pupunta? Bakit nasa panganib ang buhay natin? Bakit aalis ka. T-teka dahan-dahan," aniya nang makita niyang marahas kong tinatanggal ang karayom na nakatusok sa pulso ko na nakadugsong sa dextrose. "Lorraine hey. Sasama ako. Saan ka pupunta? Baka bumuhos ulit ang ulan. Hindi pa nakakalabas ang bagyo." Pangungulit niya.
Napalingon ako sa bintana. Umaambon. Hindi malakas ang ulan sa labas. Tamang-tama, p'wede akong umalis ngayon. "May kotse ka?" Diretsahang tanong ko sa kaniya.
"Meron. Bakit?" Kunot-noong tanong niya sa'kin.
"Good. Sasamahan mo ako," sabi ko sa kaniya bago siya hatakin palabas ng k'warto. Pinagtitinginan kami ng mga tao sa hallway pero wala akong pakialam. Ang importante ay maka-alis ako rito at magawa ang dapat kong gawin. Ang makalayo mula rito.
"Teka! Sandali saan nga tayo pupunta?" Tanong niya pero hindi ko ulit siya sinagot. Dire-diretso kaming naglakad hanggang sa parking lot ng ospital sa basement. "Baka hindi pa magaling ang mga sugat mo. Baka naman p'wede muna natin pahupain ang baha sa labas," aniya pa kaya napatigil ako sa paghahatak sa kaniya.
"Baha?"
Tumango siya. "Baha sa maraming lugar. Hindi ko alam kung kakayanin nating makatawid sa mga 'yon. Kaya please, bumalik na tayo sa k'warto mo. Baka kung mapano ka pa," aniya na akala mo matagal na kaming magkakilala para mag-alala siya.
"N-no. Susuungin natin 'yon," matapang kong saad. "Ngayon nasaan ang kotse mo rito?" Tanong ko sa kaniya habang nagpapalinga-linga sa buong parking lot. May kadiliman sa basement dahil kaunti lang ang ilaw. 'Yung iba naman patay-sindi kaya kung tulad kita na hindi matapang, manginginig talaga ang tuhod mo sa takot.
"Susuungin? Kawawa naman 'yung kotse---aray! Ayun oh. Ayun 'yung kotse ko. Sadista!" Sabi niya nang kurutin ko siya sa tagiliran.
Naglakad kami papunta sa kotse niya na hindi kalayuan sa kinatatayuan namin. Agad akong pumasok sa loob no'n nang makapasok na siya. "Saan nga tayo pupunta? Paano kita ipagmamaneho kung hindi mo sasabihin sa akin kung saan tayo pupunta," daldal pa niya kaya nilahad ko sa kaniya ang papel na hawak ko.
"Anita Corazon,"pagbabasa niya. "Sino naman 'to? Nanay mo?" Tanong niya.
"Hindi ko nanay 'yan. Sundan mo na lang ang address. Dali na! Baka abutan pa tayo ng ulan!" Bulyaw ko sa kaniya kaya wala siyang ibang nagawa kung 'di ang buhayin ang makina ng kotse. Nakakatuwa lang. Kakikilala pa lang namin, pero parang matagal na kaming magkasama. Mas'yado ba akong harsh para sa kaniya?
"Yari ka talaga sa'kin kapag hindi nakatawid sa baha ang kotse ko. Mahal na mahal ko pa naman ang mustang na 'to," aniya bago nagsimulang paandarin ang kotse.
Hindi pa man kami nakakalayo, biglang napabreak si Erick kaya naalog ang ulo ko. "Ano ba 'yan! Marunong ka ba mag---" hindi ko natapos ang sasabihin ko nang mapansin kong may batang babae na nasa harapan mismo ng kotse namin at nakaharang sa dadaanan namin.
"Hindi ka magtatagumpay sa plano mo, Lorraine."
#
An : Last 3 chapters! Hooray na! Haha.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro