Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

XX : Sundo

Kabanata Dalawampu : Sundo

Pauleen

Hindi ko alam ang gagawin ko. Nagsibabaan na lamang ang mga pasahero dahil sa sobrang lalim ng baha. Hindi na maka-andar pa ang jeep na sinasakyan namin dahil naabot na nito ang tambutso. Medyo malayo kami sa sento ng baha pero kung lalabas ako'y sa tingin ko abot hanggang tuhod na ang baha. "Ineng, hindi ka pa ba baba?" Tanong sa akin ng driver.

Napabalik ako sa realidad. Mukhang kailangan ko na nga lang yata talagang maglakad pabalik. Magpapasundo nalang ako sa driver namin. Hays. Ba't ngayon lang pumasok sa isip ko 'yang ideya na 'yan? Nakakabwiset. Dapat pala nagpasundo nalang ako sa driver namin. Bumaba na ako ng jeep at kahit nandidiri sa baha ay sinuong ko parin ito. Sinundan ko kung saan papunta 'yung mga naglalakad na tao.

Nagkumpulan ang lahat sa mataas na bahagi ng kalsada. Mas ikinagulat ko pa na hindi lang basta kumpulan na nagpapatila ang mga tao na nandodoon. Kumpulan 'yon ng mga taong gustong umusisa at makisimpatya. Anong meron? Ang lakas-lakas na nga ng ulan, may kung ano pang pinagkaka-abalahan 'yung mga tao. Sumilong lang akong saglit sa isang saradong sari-sari store. Basang-basa na ako ng ulan.

Ang ingay pa ng mga tao sa kabilang store, kung saan nagkumpulan karamihan ng mga taong na-abala ng baha. I dialed the number of our driver. Ang tagal bago siya sumagot. Mukhang isa sa amin ang may mababang signal kaya hindi agad nasagot ang tawag.

[Hello Ma'am Pauleen?]

"Pasundo naman ako dito sa... wait..." tumingin ako sa paligid para malaman kung anong street ba ito o anong kalsada. Hindi kasi ako familiar sa lugar na ito lalo na't naulan kaya hindi ko matandaan kung nasaang lugar ako.

"Durian Street, Baranggay Santolan," napatingin ako sa nagsalita. Isang batang basang-basa ng ulan. Namumuti na ang labi niya, marahil dahil sobrang babad na siya sa ulan. Medyo creepy pero nginitian ko nalang siya. "Umalis ka agad ate."

"Manong nandito ako sa Durian Street, Baranggay Santolan. Pasundo nalang ako. Baha kasi dito kaya hindi ako makatawid. Asap," sabi ko bago ibaba ang telepono. Nagulat ako ng biglang mawala sa harapan ko 'yung bata. Mukhang kasama na no'ng mga batang naglalaro sa baha. Jusko. Kahit na mas mataas sa kanila ang baha, feel na feel nila ang paglangoy-langoy. Hays. Nasaan ba ang mga magulang no'ng mga bata? Baka mamaya magkasakit o 'di kaya'y malunod ang isa sa kanila.

Hindi parin nag-aalisan 'yung kumpul-kumpol na tao sa kabilang store. Nadadagdagan pa nga e. Nagulat pa ako ng may dumating na ambulansya sa 'di kalayuan. Mukhang hindi makapasok dahil sa taas ng baha kaya naman naglakad ang mga taong sakay ng Ambulansya papunta sa kumpulan ng mga tao. Bigla akong kinabahan. Anong meron?

May humintong itim na kotse sa harapan ko. Bumaba dito ang isang lalaking nasa mids 40's na. "Mabuti naman at dumating ka na Manong. Kanina pa ako giniginaw at... kinikilabutan," saad ko bago niya ako pagbuksan ng pintuan. Umupo na ako doon. 'Di alintana na mababasa ng damit ko ang uupuan ko.

"Ma'am, eto po towel. Baka lamigin ka lalo. Papatayin ko na lamang po ang aircon," sabi ni Manong. Ginawa ko namang kumot ang towel na inabot niya saakin. Pinatay din niya ang aircon bago umandar ang kotse.

Napatingin ako sa labas ng bintana. Nandoon parin ang mga kumpulan ng mga tao. May kung anong kinukuha 'yung mga taga-ambulansya. Mas lalo akong kinilabutan ng makita ko kung sino 'yung bangkay na kinukuha nila.

Isang bata.

Basang-basa.

Namumuti ang labi.

Mukhang nalunod.

'Yung batang nagsabi saakin kanina ng address. Siya 'yung batang---

"BATA!" Lumiko ang kotse kasabay ng isang malakas na salpok. Mabilis ang pangyayari. Ang alam ko nalang, nabasag ang salamin kung saan ako nakadungaw. Mahapdi ang buong mukha ko pero hindi ko makakalimutan ang huli kong nakita bago ko ipikit ang mga mata ko.

Isang batang malungkot na nakatingin saakin, wari'y naaawa sa aking sinapit. "Sabi ko kasi sa iyo bilisan mo," naluluha nitong ani.

Pero huli na ang lahat.

#

An : Sorry sa late update hehe. Malaking twist ang meron sa istoryang ito. As in sobrang laki. Vote and comment! Thanks for reading :)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro