Kabanata 5
Kabanata 5
"HOY ROSENDA! BAKIT tulaley ka na naman dyan?" puna sa akin ni Maximus aka 'Maxine'. Sya yung juding kong katrabaho.
Kaibigan ko siya, as in BFF. Kahit panlalaki ang unipormeng suot niya at clean cut ang buhok niya ay naka-contour at naka-kilay siya. Sa kanya ko nga pala namana ang twenty percent kong kabaklaan. Seryoso talaga akong tao, kaso minsan, sinasaniban niya ako.
Hindi ko sya pinansin. Nakatanaw pa rin ako sa glass window kung saan abot-tanaw ko si Jumbo. Isinama ko sya dito sa building ng pinagtatrabahuhan ko ngunit iniwan ko sya sa labas. Hindi ko naman kasi sya pwedeng iwan sa bahay dahil baka makita sya nila Mama.
"Sino bang sinisilip mo dyan?" nakitingin na rin si Max. Nagbago ang mukha nya nang makita nya ang sinisilip ko. "Shocks! Ang hot naman ng fafa na 'yan. Kras mo?"
Naku! Paano ko ba ipapaliwanag sa dinosaur na ito ang lahat? "Ah eh..."
"Ah... eh...i...o...u? a,ba,ka,da,e,ga,ha?" humalukipkip sya. "Ano na naman 'yang pinasok mong gulo, Rosenda?"
Kilalang-kilala ako ni Maximus sa tuwing magkaka-problema ako. Alam nya ang lahat ng pasikot-sikot sa buhay ko. "Mahabang kwento, Maxine..."
"Oh baka naman ayaw mo lang i-sheer sa'kin ang fafa na yan?"
I-sheer? Baka i-share? Ito ang problema ko sa kanya. Pagdating sa english – magulo sya.
May tawag daw sa ganoong sakit e. Basta.
Sumilip muli ako sa glass wall ng first floor nitong mall kung saan tanaw mula sa labas si Jumbo. Sabi ko sa kanya, wag syang aalis doon. Mukha naman masunurin siya dahil hindi nga talaga siya umaalis sa pwesto nya.
"Wala ka ba talagang balak ikwento sa'kin?" yamot ang mga matang ipinukol sa akin ni Maximus.
Nang humarap ako sa kanya, napakagat-labi ako. Mukhang wala rin akong choice. Kapatid ang turing ko kay Maximus, at sya ang takbuhan ko kapag may problema ako. Sa huli, ikinwento ko rin sa kanya ang lahat-lahat tungkol kay Jumbo.
"Naman! Rosenda... may saltik pala ang lalaking 'yan bakit kukupkupin mo pa? Common since naman, girl!" palatak nya sa akin.
Common since? Hindi ba common sense? "Hindi ko sya pwedeng pabayaan..."
"Alam kong simpleng malandi kang babae ka... pero iba ito. Wala 'yan sa tamang pag-iisip." Tuloy sya sa pagsesermon sa akin. "Kapag nalaman 'yan ng mama mo, malilintikan ka na naman. Masasayang ang mga sakripisyo mo na matanggap ka ng family mo!"
"Eh anong gagawin ko?"
Tumingin muna si Maximus kay Jumbo at sinipat nya ito nang tingin. "Kung sa bagay. Sa'kin man mangyari yan eh maguguluhan din ako. Kung ganyan ba naman kaguwapo ang mapupulot ko sa kalsada eh baka na-shalalu ko na yan." Muli syang humarap sa akin. "Eh, paano na si Paolo?"
Si Paolo 'yung ex-boyfriend kong mahangin pa sa bagyo. Nakipaghiwalay iyon sa akin dahil nag-walk out ako nang yayain niya ako na mag-do kami.
"Masaya na siya sa bago niyang love life. Ayoko na siyang guluhin." Balita ko ay matapos kaming mag-break ni Paolo, kabi-kabila na ang naging girlfriend niya.
"Eh, ikaw naman kasi, sana kahit finger eh pumayag ka."
"Kiss pa nga lang, kinikilabutan na ako, e! 'Yan pa kayang kahalayang sinasabi mo!"
Hindi ko talaga kayang ibigay ang aking sarili noon sa ex-boyfriend ko. Masyado akong takot.
Pero may something dito kay Jumbo na hindi ko naramdaman sa ex ko. Ilang araw ko palang nakakasama ang lalaking iyon, iba na agad ang pakiramdam ko. Para akong naturukan ng droga, nahihibang ako sa kanya.
Kakaiba, ang weird ng pakiramdam ko kay Jumbo. Para bang kaya kong ibigay lahat-lahat sa kanya including my internal organs, kahit pa hindi naman niya 'yun hinihingi.
...
KAYA NANG mag-break time ay lakad-takbo akong bumaba upang puntahan si Jumbo.
Heto sya at nakaabang pa rin sa akin. Tahimik lang sya sa kinatatayuan nya. Naawa naman ako sa kanya dahil naiinitan na sya sa pwesto nya. Dali ko syang nilapitan at hinila papuntang waiting shed. Kahit papaano'y may masisilungan sya rito.
Mula sa bag ko, naglabas ako ng sandwich. Paborito nya ito. "Jumbo, dito ka lang ha? Limang oras na lang at mag-uuwian na ako. Hintayin mo ako dito ah?" tumango lang sya habang ngumunguya.
Napangiti ako. Ang cute nya talaga kahit pawisan sya. "'Lika nga rito..." pinalapit ko sya sa akin at pina-upo sa upuan doon sa shed.
Humugot ako ng pulbos sa bag ko at pinulbuhan ko sya. Napabuntong-hininga na lang ako pagkatapos ko syang pagmasdan. Naaawa kasi ako sa suot nyang damit. Hapit na hapit iyon sa kanya dahil malaki kasi ang kanyang pangangatawan.
Kaya naman dumeretso ako sa opisina ng boss ko para bumale.
...
HALOS LIPARIN KO ang escalator pababa ng building para lang makarating agad sa waiting shed kung saan naroon si Jumbo. Ang malas kasi, pina-cash advance nga ako kaso pinag-OT naman ako.
Hingal-aso tuloy ako nang makalapit na ako kay Jumbo. Bigal syang napatayo nang makita nya ako.
Totoo ba itong nakikita ko sa magagandang mga mata niya? Pananabik? Na-miss niya ba ako?!
Bahagya pa ngang nakaawang ang mapupula at yummy lips niya habang nakatutok sakin ang medyo brown niyang mga mata.
Napangiti ako sa ganoong itsura nya. Ang cute nya talaga, hmp!
"Sorry Jumbo, nag-OT kasi ako. Heto oh, kumain ka muna."
Kinuha nya agad ang sandwich na iniabot ko sa kanya. Binili ko pa iyon sa canteen namin.
Isang subuan lang iyon kay Jumbo at ubos agad. Mukhang ginutom sya sa paghihintay sa'kin. And take note: Hindi talaga sya umalis sa pwesto nya tulad ng ibinilin ko sa kanya.
Nakatingin pa rin sya sa akin na para bang naghihintay pa sya na bigyan ko sya muli ng pagkain.
Natatawa na lang akong hinaplos ang makinis niyang mukha. Halos tumingkayad pa ako para lang abutin iyon dahil sa tangkad ng height nya. "Di bale, kakain tayo sa labas." Sabi ko sa kaniya.
Ngumiti sya sa akin. Yay! Halos mamilipit ako sa kilig dahil sa ginawa nyang iyon. Naman! Nakakabaliw talaga ang smile nya.
Kalahating oras ang lumipas at narito na kami sa isang karinderya. Akma pa lang dadakutin ni Jumbo ang ang ulam nang awatin ko sya. "Jumbo 'wag!" napahinto naman sya.
Lumapit ako sa kanya. Sinandukan ko sya ng kanin at ulam saka ko sya sinubuan.
"Say ahh..."
Ngumanga naman sya. Isinubo ko sa kanya at nginuya naman nya.
"Very good. Oh, isa pa." sinubuan ko sya ulit.
Pinagtitinginan kami ng mga tao dun. Nagmumukha siguro akong babysitter sa paningin nila. Pero hindi ko na sila pinansin. Nagpatuloy lang ako sa aking ginagawa dahil mukhang gutom na gutom talaga si Jumbo.
Pagkatapos kumain, nagtungo naman kami sa pamilihang bayan. Ipamimili ko ng damit si Jumbo na kakasya sa kanya. Nagkataon naman na maraming tao sa palengke, magde-December na kasi kaya dagsa ang mga namimili.
"Jumbo, 'wag kang lalayo sa akin ha. Baka mawala ka."
Hindi sya tumango. Pero may ginawa sya sa akin na nakapagpalundag ng puso ko –
–humawak sya sa kamay ko.
Napahinto ako at napalunok sa ginawa nyang iyon. May kung anong kuryente ang bigla na lang dumaloy sa aking katawan ng magdapo ang mga palad namin. Iyong tipong para nitong kinikiliti ang mga kalamnan ko habang nadarama ko ang mainit nyang palad. Ni hindi ko nga namalayang napatanga na pala ako ng ilang minuto.
"Ahem!" Kunwari'y hindi ako apektado. "Wag kang bibitaw, Jumbo..."
Humigpit ang pagkakawahak nya sa kamay ko. Na para bang sinasabi nya sa akin na ayaw nya akong mawala. Na natatakot syang mawalay ako sa kanya. Na hindi sya bibitiw dahil ayaw nyang magkahiwalay kami sa isa't isa.
Minuto lang at narito na kami sa ukay-ukay. Kinikilig pa rin ako kasi ba naman itong si Jumbo, hindi pa rin bumibitiw sa mga kamay ko habang namimili kami ng mga damit na isusuot nya.
"Ito Jumbo, okay ba sa'yo ito?" tanong ko sa kanya habang kaharap namin ang malalaking damit.
Nakatingin pa rin sya sa akin at nakawak pa rin sa kamay ko.
Nasa dressing room na kami ngunit wala yatang balak bitawan ni Jumbo ang kamay ko. "Kashe nemern Jumbo, mamaya na ulert hihihi..."
Lumapit sa amin ang isang crew. "Ma'am, marami pa po kaming damit doon para sa boyfriend nyo."
Boyfriend? Ang sarap naman pakinggan. Nag-init lang ang ulo ko ng pinakakatitigan nitong crew si Jumbo na para bang naglalaway pa.
"'Lika Jumbo, dun tayo banda. Ang lansa dito eh."
Nagpatianod naman sya sa akin.
Malalim na ang gabi nang makauwi kami ni Jumbo at sakto, nang silipin ko ang kwarto nina Mama, mahimbing na silang natutulog ni Amang. Hindi na ako sumilip sa kuwarto ni Ruby dahil paniguradong naka-lock naman iyon. Marahan na kaming dumiretso ni Jumbo sa kwarto ko at dali-dali ko iyong isinara. Bukas, ganito na naman ang siste.
Hanggang kailan ko kaya kakayaning itago si Jumbo sa pamilya ko?
Pero ano naman ang gagawin ko? Hindi ko naman pwedeng pabayaan na lang ang lalaking ito. Sinubukan ko namang itaboy siya at paalisin, pero hindi ko rin kinaya. Naaawa kasi ako sa kanya. Awa nga lang ba?
"Jumbo, matulog ka na at – " natigilan ako. Nanlaki ang mga mata ko. Paano kasi –
–may tao pala rito sa kwarto ko. Hindi ko napansin!
"Ate..." Anito pero nakatingin ang nanlalaking mga mata kay Jumbo.
"Dangdang? A-anong ginagawa mo rito?!"
Ngumiti sa'kin ang bunso kong kapatid. "Di ba dito naman ako natutulog sa tabi mo minsan?"
"Ha?"
Yari! Nakita nya si Jumbo!
At ito namang si Jumbo ay mukhang inaantok na dahil pumu-pwesto na sa higaan ko!
JAMILLEFUMAH
@JFstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro