Kabanata 43
Kabanata 43
BAGO PA LAMANG sumisikat ang araw ay ginising na ako ni Dangdang. "Ate, tanghali na..."
Sapu-sapo ko tuloy ang aking ulo dahil sa antok. Kamuntik pa akong mapatalon nang mamataan kong hindi lang pala si Dangdang ang nasa loob ng aking kwarto. Narito rin pala ang buong cast ng pamilya ko. "A-ano pong ginagawa nyo rito?" kay Mama ako bumaling na halatang excited.
"Iyong pasalubong namin?" ito agad ang bungad niya sa akin.
"Ha?"
"Iyong autograph ni Kyo." Sabat ni Amang na kitang-kita rin sa mukha ang pananabik.
Napakamot na lang ako. "S-sandali lang po..."
"Ayos!" gumawa agad ng pila si Mama. Siya na ang nanguna. Para silang may pinipilahan sa mall na sale kung mag-agawan sila sa linya.
Dinampot ko ang aking sweater na may pirma ni Santi. "Ma, ito po ang sa inyo."
Namilog ang mga mata nyang hinalik-halikan ito. "Oh, Santi!"
Sumunod kay Mama si Ruby. Iniabot ko sa kanya ang jersey cap na ibinigay sa akin ni Macoy. Kilig na kilig siyang pinaghahalikan din ito. "I love you, Macoy!!!"
Pagkatapos ay inabutan ko naman ng bracelet si Dangdang mula sa idol nyang si Cloud. Kumislap ang kanyang mga mata na tulad nila Mama, hinalik-halikan din ito.
Ang huli ay si Amang. Pinagkiskis niya pa ang kanyang mga palad habang napapaindayog nang lumapit sa akin. "Asan ang sa akin, Rosenda?"
Napapikit ako. Sana magustuhan niya ang pirma ni Kyo na nasa panty ko.
Pikit-mata kong inabot ito sa kanya. Hindi ito nagtagal sa mga palad ko dahil bigla niya itong hinablot. "Pirma ba ito ni Kyo?!" nanlalaki ang kanyang ilong.
Tumango ako dahil nangangamba ako sa gagawin niya.
Iniangat niya pa ito sa sinag ng araw na wari'y sinisipat. "Oh, Kyo ko!!!"
Napangiwi na lang ako nang paghahalikan niya ang undies ko.
Dear Amang... aware po ba kayo na isang araw kong suot ang panty na yan?
Sa kabilang banda ay hindi ko maiwasang mapangiti. Ito kasi iyong isa sa mga bagay na hindi ko kayang ipagpalit. Iyong makita ang mga ngiti sa kanilang mga labi. Na kahit nasasaktan pa rin ako, napalis ng mga ito sa isang saglit.
Napapiksi ako ng kalabitin ako ni baby Quiro. "Nanay Senda, asan po ang sa akin?" nakalabi sa akin ang cute nyang mukha. At tulad dati, umagang-umaga ay napakarungis na naman niya. "Wala ka pasalubong sakin?"
Napasuntok ako sa hangin. Oo nga pala. Ang idol nito ay si Jumbo. Dagli ring umilaw ang aking mga mata nang may naalala ako. Hinugot ko sa aking bulsa ang marker pen at iniabot sa kanya. "Ito baby Quiro... ang marker na ito ang ginamit ko sa idol mo..."
Ito iyong pinan-drawing ko sa mukha ni Jumbo.
Kinuha niya ito sa akin at nagtatalon siya sa tuwa.
Mayamaya lang ay nagpapayabangan na sila sa isa't isa. Kung mayroon mang higit na masaya sa kanila ay nakikita kong si Amang iyon. Hayun at hindi siya maka-move on habang hinahagkan niya pa rin ang underwear ko.
Hay naku.
Napatayo lang ako sa aking kinauupuang higaan nang iluwa si Paolo ng aming pintuan. Gusot ang kanyang mukha na sa akin agad tumingin. "P-Paolo..."
Tila nakaramdam naman sila Mama. "Ah, hijo... pasok ka... teka at ipaghahanda ka namin ng juice..."
Walang imik si Paolo na nilampasan ang aking mga magulang. Dumerecho siya sa akin at dinuro ako sa mukha. "Where the hell had you been, huh?"
Nawindang ako sa ginawa niya. Sa harapan pa talaga ng pamilya ko?
Lumapit agad si Amang at itinulak si Paolo. "Wag na wag mong sasaktan ang anak ko!"
Mabilis na niyapos ni Mama si Amang sa katawan. "Tama na, Mario..."
Napaiyak na si baby Quiro na inalo agad ni Ruby at Dangdang.
Akmang lalapitan ni Paolo si Amang nang pumagitna ako sa kanila. "Paolo, mag-usap na lang tayo..."
"Hindi eh... bastos 'yang tatay mo, itulak ba naman ako!" namumula siya sa galit.
Hinawakan ko siya sa dibdib para hindi siya mapalapit kay Amang. "Paolo, please..."
"Alam ba ng tatay mo na malaki ang utang nyo sa akin? huh?"
Lahat kami ay napayuko sa sinabi niya.
"Isama pa natin iyong mga singsing at mamahaling damit na bigla na lang nawala..." halos idikit na niya ang kanyang bibig sa aking mukha. "I could put him in jail If I want to... Rosenda. Sabihin ko lang sa Governador at maghihimas ng rehas iyang tatay mo..."
Talagang kailangan niya pang ipangalandakan na gobernador ang kanyang ama?
"Paolo, mag-usap na lang tayo..."
"No, Rosenda! Hindi ko nagustuhan ang ginawa ng tatay mo sa akin!"
Lalong nagwala si Amang. "Tarantado ka palang bata ka, eh!"
Kay Amang na ako humarap at niyakap ko siya. "Amang, tama na po... ako na po ang bahala, huh?"
Pumiyok ang tinig niya. "Eh, okay ka lang ba?" kumalma siya matapos kong kumalas sa kanya.
"Okay lang po ako, Amang..." bumaling muli ako kay Paolo. "Mag-uusap tayo o tatawagin ko si Bayug?"
Napalunok si gago. "Let's talk." Pagkuwan ay lumabas na kami ng bahay at sa bakuran nagtungo. Nanlilisk ang kanyang mga mata nang tumingin siya sa akin. "Saan ka ba nagpunta?!"
"Mahabang kuwento."
"Anong mahabang kwento? Fiancé mo ako, Rosenda! Hindi mo ako kaibigan lang!" nanggagalaiti ang kanyang mga litid.
"Sorry..." napayuko na lang ako.
Kung alam lang ng abnormal na ito. Gusto ko na siyang batuhin ng sandwich sa ulo.
Napapalatak siya matapos ang ilang sandali. "Lagi na lang bang ganyan! Putangina naman, Rosenda! Wag mo naman akong gawing tanga!" hinawakan niya ako nang madiin sa braso ko.
Namilipit ako sa sakit dahil sa mala bakal nyang mga kamay. Gustuhin ko man itong baklasin ngunit mas malakas siya sa akin.
"You have only one month para bayaran ang lahat ng utang nyo sa akin. Or else... ipapakulong ko ang Amang mo." Dinutdot niya ang aking noo at saka niya ako tinalikuran. Impit ang aking luha habang nakatanaw ako sa kanya na pasakay ng kanyang koste. Pinaharurot niya ito hanggang sa nawala siya sa aking paningin.
Tangina niya!
Sana mabunggo siyang hayop siya! Iyong bastusin niya ako sa harapan ng pamilya ko ay matitiis ko pa. Pero iyong bastusin niya ang pamilya ko sa harapan ko ay hindi na. Kung wala lang talaga kaming utang at hindi maimpluwensiya ang tatay nyang mayabang ay hihiwalayan ko na talaga siya. Kaya lang, isinasaalang-alang ko rin kasi ang kaligtasan ng aking pamilya.
...
NAG-ULAP ANG AKING paningin habang pinagmamasdan ko ang titulo ng aming bahay. Balak ko na kasi itong isanla para makaipon sa pambayad kay Paolo. Mahigit dalawang daang libo rin kasi ang kabuuan ng utang namin sa kanya isama pa iyong mga singsing na naisanla ko. Isang linggo na kasi ang lumilipas at kaunti pa lang ang naiipon namin. Ngunit kung may higit man na ipinag-aalala ako ay ito iyong wala pa ring tawag si Jumbo.
Araw-araw akong tumatanghod sa iPhone na ibinigay niya sakin pero ni text ay wala pa rin siyang paramdam.
Inabutan ako ni Mama ng tatlong libong pera. "Resenda, idagdag mo ito... puhunan ko iyan sa pagtitinda sa palengke..."
"Ma, naman..." nabasag ang tinig ko.
"Hay naku! Wag matigas ang ulo!" inilagay niya iyon sa aking kamay.
Napatayo naman kami ng dumating si Amang na humahangos. Inabutan niya ako ng dalawang libong papel.
"S-saan po ito galing, Amang?" tanong ko sa kanya nang tanggapin ko iyon.
Matagal siya bago sumagot dahil bumalatay muna sa mukha niya ang lungkot. "Ibinenta ko muna iyong mga manok ko..."
Napakagat-labi ako. "Sorry po..." Ito pa naman ang buhay niya noon pa man. Ang kanyang mga manok.
Lumapit sa akin si Amang at hinawakan ako sa balikat. "Pamilya tayo dito, Rosenda. Minsan mo nang sinabi sa amin na, it's better to die together than to live without each other. English iyon pero tumatak ito sa isip ko..."
Ewan pero bigla na lang akong naluha sa sinabi niya. Natagpuan ko na lang ang sarili ko na nakayakap sa kanya.
"Nang araw na iwan mo kami at sumama ka kay Jumbo, pinagmasdan ko ang isa sa aking mga manok." Garalgal ang kanyang tinig. "Sabi ko... ang manok na ito, gumigising sa umaga para tumilaok. Ikaw, gumigising sa umaga para kumayod. Pero bakit lamang ang pagmamahal ko sa alaga kong ito kaysa sa anak ng asawa ko na hindi ko matanggap?..."
Napaiyak na rin si Mama.
"Tapos isang araw, ipinakita sa akin ni Jumbo ang sagot. Kung siya nga na may sayad ay nagawang mahalin ka, ako pa kaya na nasa tamang pag-iisp at sa utak walang problema?" kumalas siya sa akin at pinunasan niya ang luhaan kong mga mata. "Patawarin mo ako, Rosenda... nabulag ako noon ng galit kaya hayaan mo naman akong bumawi..."
"Amang..." napahagulhol na ako at muling napayakap sa kanya.
"Ang drama nyo!" palatak ni Ruby na sumulpot sa kung saan. "Oh, heto ate..." inilapag niya sa mesa ang isang alkansiya. "Ipon ko iyan. Idagdag natin para makaipon pambayad sa kumag mong 'P.A.S.B' ."
"PASB?"
"Psychotic And Stupid Boyfriend! At HFPMOTTHL!" napahalukipkip siya. "His Face Pissed Me Off To The Highest Level!"
"WDYLTFAOY!" sabi ko sa kanya.
"A-anong WDYLTFAOY?"
"When Did You Learn That Fucking Abbreviation Of Yours?"
Nangasim ang mukha niya.
Napahalakhak tuloy si Amang. "LMAO!"
...
NAKATITIG na naman ako sa IPhone 6 na ibinigay sa akin ni Jumbo. Araw-araw ko itong ginagawa dahil umaasa akong tatawag siya isang araw. Hindi ko maiwasang tumingin dito kahit na nasasaktan ako dahil kahit sana text ay wala man lang.
Tiningala ko sa aking tabi si Going Marry. Matapos masunog ang bahay namin limang taon na ang nakakaraan ay sinikap kong ipagawa pa rin ito kay Dangdang. Marami kasing ala-ala sa akin ang bahay sa puno na ito. Alaalang madalas maging dahilan kung bakit nagdurugo ang puso ko.
Bigla akong nakasinghot ng mabantot. Shet! Pihadong si Pektong ito!
"Hi, Rosenda." Bati niya mula sa aking likuran. Kung hindi ako nagkakamali, mukhang kakagising niya lang.
Umikot ang bilog sa mga mata ko.
"May ikukwento ako sa'yo. Nanaginip ako kagabi. Namatay daw tayong dalawa..."
"Bayug!"
Heto at hagad-hagad na siya ni Bayug.
Balik tayo rito kay Going Marry. Namalayan ko na lang na naglandas na pala ang luha ko. Muntik na akong mapahiyaw nang may magsalita sa likuran ko. "Am I messing something?"
Messing? Baka missing?
Tiyak na si Maximus ito.
Pumihit ako sa kanya at hindi nakaligtas ang luhaan kong mga mata. Napabuga siya ng hangin nang makita niya ako. "Si Paolo na naman ba?"
Umiling ako. "Si Jumbo..."
"Oh my gawd!" patakbo siyang lumapit. "'Anyare? Kwento ka naman! Napulbusan mo ba siya?"
Napangiti na ako sa mga tanong niya. Isa rin siya sa mga na-miss ko talaga. "G-galit ka pa sa akin?"
Tumirik ang kanyang mga mata. "Siyempre galit pa rin ako, nuh..."
"Sorry. Si Paolo lang talaga ang nahingian ko ng tulong nang mga panahong iyon kaya nakipagbalikan ako sa kanya..."
"Wag ka nang magpaliwanag dahil hindi kita mapapatawad hangga't hindi mo siya hinihiwalayan." Tinapik niya ako sa balikat pagkuwan. "Anyway, magkuwento ka muna. Kumusta si Jumbo? Ano siya sa personal?"
Napatingala ako habang sinasariwa sa isip ko ang mga imahe nang makasama ko siya. "Mas guwapo na siya ngayon... mas mapusok... mas nakakaakit.. at..." bumaling ako sa kanya pagkatapos. "Mas magaling..."
Mas magaling ang mga daliri, hihihi.
Nagmistulang stars ang mga mata ni Maximus. "Eh, iyong abs niya? Mas mapintog na ba?"
Sunud-sunod akong napatango.
"Ang swerte mo talagang maharot ka!" sinabunutan niya ako. "Pero bukod kay Jumbo, meron akong kinababaliwan ngayon." Biglang sumeryoso ang kanyang mukha.
"Sino?"
Bumulong siya sa akin. "Si Fafa Kyo..."
Nakagat ko ang aking hinliliit na daliri. Mukhang may makakaagaw na si Amang kay Montenegro.
...
ILANG ARAW NA ba? Dalawampung araw? Ah, Hindi. Magtatatlong linggo na pala. Tatlong linggo na at mis na mis ko na siya. Bakit kaya hindi siya tumatawag? Bakit kaya hindi siya nagte-text? Sana magparamdam siya ngayon sa pinakamahalagang araw ng buhay. Kahit missed call lang. Kahit wrong sent lang.
Bumukas ang pintuan ng aking kwarto. Bumungad sa akin si Ruby na may malamlam na mga mata. "Happy birthday, ate..."
Mapait akong napangiti sa kanya. "Salamat..."
Paano ako magiging happy? Ilang linggo nang nagdurugo ang puso ko dahil kay Jumbo.
Umupo si Ruby sa tabi ko. "Ate, okay ka lang?"
"Okay lang." malawak akong ngumiti sa kanya kahit acting lang ito.
Nginitian niya ako matapos nyang himasin ang aking kamay. "Magpahinga ka na, ate. Alam kong pagod ka sa trabaho."
"Kaya ko pa. Tutulungan ko kayong maglinis." Tumayo ako mula sa aking pagkakaupo. Marami kasing linisin sa labas gawa nang nagkaroon kasi ng kaunting pagdiriwang. Simpleng handaan lang naman ang inihanda nila dahil nga kaarawan ko.
"Ate, 'wag na, huh? Birthday mo ngayon kaya magpahinga ka na lang." tinalikuran na niya ako at nagmadali siyang lumabas ng aking kwarto.
Napabuntong-hininga na lang ako. Bumalik ako sa cellphone na aking tinititigan. Kahit yata kalugin ko ito ay walang message na darating galing kay Jumbo.
Marahan kong inihiga ang aking katawan. Pagod ako maghapon sa pagtitipa ng keyboard dahil natambakan ako ng trabaho sa opisina kanina. As usual, doon pa rin ako pumapasok sa opisina ng gobernador. Ipinasok kasi ako ron' ni Paolo apat na taon na ang nakakaraan. Dito ko rin madalas makita kung gaano kayabang ang kanyang ama.
Nawawalan na ako ng gana magtrabaho nitong mga nakaraang araw. Hindi rin ako makakain nang maayos dahil walang ibang laman ang isip ko kundi si Jumbo. Maige na nga rin at hindi ko nakakasalubong ang hambog na si Polo. Kung hindi ay baka tuluyan na akong mag-resign.
Nagawi ako ng tingin sa wall clock. Labinglimang minuto na lang ay matatapos na ang birhday ko. Ilang minuto na lang at magsisimula na naman ang bagong yugto ng buhay ko. Pero mayroon sa parte ko ang hindi umuusad. May kung ano sa akin ang hindi makalimot at hindi makaangat.
Napahawak ako sa aking dibdib. Dito... narito pa rin ang mga palad ni Jumbo. Narito pa rin sa puso ko.
Kusang naglandas ang mga aking luha. Bakit nasasaktan ako? Bakit kahit anong gawin ko, laging may kulang na kung ano?
Tumunog ang cellphone sanhi para mapabangon ako. Halos liparin ko ang daan nang damputin ko ito. Unknown caller ang nakalagay sa screen.
Si Jumbo kaya ito?
Pinunasan ko ang aking mga luha. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang aking mga daliri. Nagpalakad-lakad ako na hindi malaman ang gagawin.
Sasagutin ko ba o hindi, at sa huli'y sinagot ko rin. "H-hello?"
Nakarinig ako nang malalim na paghinga sa kabilang linya.
Napalunok ako at nakagat ko ang aking hinliliit na daliri. "H-hello..."
Matagal bago sumagot ang nasa kabilang linya. "D0uchegirl..."
Napatalon ako at walang ingay na napatili. Nangangatog akong ibinalik ang cellphone sa aking tainga. "Oh... napatawag ka?" kunwari ay wala lang.
Narinig kong napalunok siya. "H-happy birthday, d0uchegirl..."
Natutop ko ang aking bibig sa kabila ng biglaan kong paghikbi. Sa lahat kasi ng bumati sa akin ay sa kanya ako talaga kinilig. "S-salamat..." pumiyok ako.
"Are you crying?" nagbago ang boses niya.
Umiling ako na para bang kaharap ko lang siya. "Masaya lang ako..."
Narinig kong bumuga siya ng hangin. "What gift do you want?"
"Ha?"
"Dammit, d0uchegirl! Makinig ka naman para hindi ko na inuulit!"
Napangiti ako imbes na mainis sa kanya. Na-miss ko kasi talaga itong pagsusungit niya. "B-baka hindi mo maibigay..."
"Try me..."
Napapikit ako bago ako nakasagot muli. "G-gusto kong... makasama... ka... ngayon..." nangapal at namanhid ang aking mukha.
Hindi siya umimik. Hanggang sa minuto na ang lumipas ay hindi na siya nagsalita.
"Uy, joke lang iyon..."
Pero wala ng tugon mula sa kanya. Napatayo ako na baka nawalan lang ako ng signal. Wala na kasing nagsalita pa sa kabilang linya.
Nang pakatitigan ko ang screen ay wala na pala talaga siya. Nanlambot ako sa pagkakaupo habang sinisisi ang aking sarili. Ang tanga-tanga ko. Bakit ba ako hihiling ng imposible? Para namang hindi ko alam kung gaano kalayo ang Manila sa Cebu.
May biglang marahang kumatok sa pinto. Nang buksan ko ito, bumungad sa akin si Ruby na namumutla.
"Oh, bakit Ruby?"
Daig niya pa ang nabilaukan. Walang lumalabas na boses mula sa kanyang lalamunan. Iniangat niya ang kanyang kamay at itinuro niya ang sala. Ako naman ay awtomatikong napahakbang at natanaw ko agad ang tulala kong pamilya.
At ganoon na lang ang kalabog ng puso ko nang mapatingin din ako kung saan sila nakatanga. Mayroon kasing lalaki na prenteng nakatayo sa pintuan na sanhi kung bakit din ako napanganga. Isang matangkad ay nakapamulsang lalaki.
Si Jumbo!
Kinusot ko pa ang mga mata na kasi baka nananaginip lang ako. O baka naman imahinasyon lang ito pero bakit nakikita rin siya ng pamilya ko?
Humakbang siya papasok. "Magandang gabi po." Kila Mama siya bumaling.
Iyon namang binati niya ay wala sa sarili at tulala pa rin.
Pagkatapos ay malalaking hakbang ang kanyang ginawa upang makarating sa sa akin. Nang makalapit siya ay kinabig niya ako palapit at saka siniil niya ako ng halik.
"Happy birthday..." anas niya nang kumalas sa akin ang kanyang mga labi na para bang sabik na sabik.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro