Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 34

Restored copy/deleted comments/Let's make new memories :)

Kabanata 34

"WE LOVE T!"

Napatanga ako sa mga kabataang tila nagwewelga sa labas ng Saavedra Condominium. May banner pa silang dala-dala. Kanya-kanya silang tilian at sigawan kahit sinasaway na sila ng mga men in black. Araw-araw daw ay ganito rito sabi ng mga guwardiya. Sanay na sila.

Ganito nga pala talaga kasikat si Jumbo! Pero makilala kaya siya ng mga tao sa labas ganitong mukha siyang busabos sa marumi at gusot niyang polo? Plus pa na parang pugad sa gulo ang buhok niya, tadtad ng guhit ang mukha niya at may bird pa siya sa pisngi?

"Ingat po kayo, Sir. Hindi po ba talaga kayo magpapasama?" tanong sa kanya ng security guard sa lobby.

Umiling si Jumbo. "Mas okay na wala kayo, para di sila makahalata."

First time palang lumabas ni Jumbo sa lobby, dahil madala na sa parking lot siya nanggagaling. Ang kaso, ngayon ay kailangan niya talaga akong ihatid hanggang lobby para masure niya na makakasakay ako ng taxi papuntang airport. Kikiligin na sana ako pero klinaro niya na ginagawa niya lang ito para makasigurong madidispatsa niya ako ngayong araw. Kung paanong nai-pagbook niya ako ng ticket ng ganoon kabilis ay hindi ko alam!

Nasa likuran ng mga fans niya ang taxi. Hila-hila niya ako at hindi niya malaman kung saan kami dadaan. Napamura si Jumbo nang mapabaling sa akin. "This is all your fault!" gigil na asik niya sa akin.

"S-sorry..." sabi ko sa maamong boses. Paniguradong kukuyugin siya ng mga fans na ito kapag nakilala siya.

"Bakit hindi mo na lang kasi ako hayaan. O kaya hayaan mong guard na lang ang magsakay sa akin sa taxi. Di naman ako tatakas," nakalabing sabi ko. Ayaw niya kasi talaga akong iwan. Siya raw mismo ang magsasakay sa akin sa taxi para sigurado.

Hindi na siya nagsalita pa. Basta na lang niya ako hinawakan sa aking kamay at saka niya ako hinila patakbo.

Wala na akong nagawa kundi magpatianod sa kanya. "K-kashe... dahan-dahern... eheher..."

Naman, Rosenda! Ngayon pa ba? Eh, seen be kese nye ke dedelhen?!

Sa walang direksyon na takbo namin ay hindi kami sa nakaparadang taxi napunta, kundi sa kabilang kalsada na malayo na sa Saavedra Condominium. Wala namang mga fans na nakasunod sa amin, hindi talaga siguro siya napansin. Siguro dahil hindi naman iisipin ng mga fans niya na sasama siya sa isang madungis na katulad ko, at mas lalong hindi nila iisipin na ang iniidolo nila ay mukha ring gusgusin ngayon.

Pero hindi pa rin safe na pahara-hara kami rito sa kalsada lalo pa at may mangilan-ngilan ng napapalingon kay Jumbo na tila kinikilala siya. Sakto namang may nakahintong bus malapit sa amin na mukhang paalis na. Ako naman ang humila sa kanya papasok dito. Wala akong ideya kung paano ko siya napasunod sa akin sa laki niyang iyon. Basta ko na lang natagpuan ang aming mga sarili sa loob ng G-liner bus.

"Ano bang klaseng sasakyan ito?" reklamo niya nang makaupo na kami. Sa dulo kami pumuwesto para malayo sa ibang pasahero.

Kung alam mo lang, dito ka sa ganitong sasakyan unang nahumaling sa 'kin. I mean, sa sandwich ko pala.

Mabuti na lang at hindi rush hour. Kakaunti lang ang tao.

Bumaling ako kay Jumbo na halos nakayukyok na para maitago ang mukha. "Kailangan natin ng pambayad." Sabi ko sa kanya.

Humugot siya ng wallet at iniabot sa akin. Makapal iyong at mukhang maraming laman. Nang bunagkalin ko iyon ay nanlumo ako. Pulos kasi ATMs at mga credit cards ang laman niyon. "Wala kang cash?"

Umiling siya.

Anak ng tinapa! 'Tapos papasakayin niya ako dapat sa taxi kanina pero wala pala siyang pambayad?!

"Wala ka bang dalang cell phone para magpasundo na lang tayo?"

"I left it in my room."

Bumagsak ang balikat ko sa sinabi niya. Alangan namang ibigay ko sa konduktor itong mga credit cards niya. Kapag nagkataon ay baka pababain lang kami dito. Nagkalat pa naman ang tao sa paligid dahil trafic.

"Saan tayo?" tanong ko muli sa kanya.

"Damn! Bakit ba ang dami mong tanong?"

Ang sungit naman ng pogi na 'to. Kanina lang okay na siya tas ngayon galit na naman. Hmp!

"Sa Ortigas tayo," usal niya mayamaya ngunit dinig ko naman.

Nilingon ko iyong pasaherong ginang sa likuran. "Ale, malayo po ba rito ang Ortigas?" Ito na lang ang tatanungin kesa mapagalitan na naman ako ng lalaking ito.

"Ay, oo Ineng. Sasakay ka pa ng isa."

"Salamat po." Napasandal akong nanghihina. Anong gagawin ko? Isip, Rosenda. Kaya mo 'yan. Isipin mo na lang ang abs ng lalaking katabi mo. Ayos! May naisip na ako!

Nilingon ko si Jumbo bago ako tumayo. Hinubad ko ang suot kong sweater at ibinato sa kanya. Nang makuha naman niya ito ay agad niyang itinalukbong sa kanyang ulo. Nagtataka ang brown niyang mga mata nang mapatingin siya sa akin. Samantalang ako ay nakabaling sa mga pasaherong may kanya-kanyang usapan.

Humugot ako ng hangin at agad din iyong ibinuga. Minsan ko lang naman itong gagawin, mapatawad sana ako ng langit. Napapikit ako nang mariin bago ako nagsalita. "Magandang araw po sa inyong lahat!" sigaw ko.

Lahat ng pasahero ay napahinto at napatingin sa akin.

Napalunok ako nang mariin. "Ako po si Rosenda, mula sa Cebu. Ako po ay naririto para makipagsapalaran ngunit ako'y nauwi sa kamalasan. Kaya ako po ngayon ay naglalakas loob at lumalapit sa inyo para humihingi ng kaunting tulong." Kinakabahan ako. Hindi ko akalaing nagagawa ko ito. "Ako po ay humihingi sa inyo ng kahit magkano lamang, para lamang maidagdag sa pagpapagamot ng kasama ko." Goodluck sa akin. Dahil nang mapalingon ako kay Jumbo ay parang pipilipitin na niya ang leeg ko. Akma niya akong hihilahin nang umiwas ako sa kanya palayo.

Nagtanong ang isang pasahero. "Nasaan ang kasama mo?"

Itinuro ko si Jumbo na likuran. "Hayun po siya!"

Mabuti na lang at may tabing siya sa mukha ng sweater ko na kita lamang ang kalahating mukha niya na may drawing na bird.

"Asawa mo ba siya?" tanong ng konduktor.

Napatango na lang ako.

"Anong sakit niya?" tanong ng isa pang pasahero.

Nilingon ko muli si Jumbo at sinalubong ako ng matatalim niyang mga titig. At base sa nakaguhit sa kanyang panga, nakaimbento ako ng sakit niya. "Wala po siya sa tamang pag-iisip, at kailangan ko po siyang ipatingin sa espesyalista dahil baka may solusyon pa. Dahil po sa gutom kaya siya nagkaganyan..." Lagot!

Kahit malayo siya sa akin ay nabasa ko ang ibinuka ng kanyang bibig. 'You are so dead.'

Nanginginig na bumaling muli ako sa mga pasahero. "Pero kahit ganyan po siya, gusto ko po talaga siyang ipagamot! Kahit kapos, at kahit hindi pa ako kumakain, gusto ko siyang unahin. Gusto ko siyang iuwi rin sa kanila kaya po ako humihingi ng kaunting tulong sa inyo! Iyong makakayanan niyo lang po! Wag po malaki. Kahit magkano po ay tatanggapin ko at pasasalamatan nang husto."

Ngunit biglang nawala ang atensyon sa akin ng mga pasahero. Bumalik sila sa kani-kanilang usapan at binalewala ako. Hay buhay! Nakakahiya lang. Pero ayokong sumuko. Sumigaw muli ako. "Mahal ko po siya!" Lahat ay napabaling muli sa akin.

Ako naman ay bumaling sa nanlalaking mga mata ni Jumbo.

"Mahal na mahal ko po siya..." Napayuko ako. "Kaya kahit nakakahiya itong paglapit ko sa inyo, ay sumusubok pa rin ako. At kahit hindi ko sigurado kung anong mangyayari sa amin pagkatapos ng araw na ito, susubok pa rin ako. Kahit walang kasiguraduhan, ilalaban ko pa rin siya. Gagawin ko po ang lahat para sa kanya, kahit maging mababa ako sa paningin niyo, basta para sa kanya, kakayanin ko..." biglang nabasag ang boses ko.

Hindi ko namalayan na tumutulo na ang mga luha ko. Naalala ko na naman ang mga nangyari higit limang taon na ang nakakaraan. Nakakahiya dahil nakatingin sa akin si Jumbo, pero anong magagawa ko? Ang mga sinabi ko ay hindi na mula sa isip ko, kundi nagmula sa puso ko. Hindi ko na kontrolado. Kusa na lang lumabas sa bibig ko.

Napansin kong pakinig na pakinig na sa akin ang lahat, lalo na iyong mga medyo bagets. Parang nakarinig ng relationship goals na kwento kaya biglang naging all ears. Sinamantala ko na, tutal narito na ako. Itinodo ko na. Mabuti na rin na sa kahit ganitong paraan, masabi ko kay Jumbo ang matagal ko ng inipon sa loob ng dibdib ko.

Marahan akong muling tumingin kay Jumbo na titig na titig sa akin mula sa dulo ng bus. "Kahit ganyan ka, kahit hindi mo na ako kilala, kahit nag-iba ka na, gusto kong malaman mong naririto pa rin ako para sa 'yo. At kaya ko pa ring gawin ang lahat para sa 'yo, kahit maghirap at masaktan ulit ako, wala akong hindi kakayanin kung para sa 'yo."

Bahagyang umawang ang mga labi ni Jumbo habang nakatitig pa rin siya sa akin. Ang mga pasahero naman ay mukhang amazed na amazed sa speech ko. Ultimo ang driver ng bus ay napapasilip pa sa rearview mirror.

Nagpatuloy ako. "Kahit kailanganin ko ulit magsakripisyo, kahit kapalit ulit ang kaligayahan ko, hindi ako magdadalawang isip na pakawalan ulit. Kahit madurog ako, basta mapabuti ka lang, gagawin ko. Dahil mahal pa rin pala kita. Hindi na siguro mawawala at mababago ang nararamdaman ko para sa 'yo." Muling tumulo ang aking mga luha. "Mahal na mahal pa rin kita hanggang ngayon..."

Tumayo iyong ale sa likuran ko at niyakap ako. "Hija, heto, oh..." Inabutan niya ako ng isang daan. "Isang sakay pa ang Ortigas dito kaya kakailanganin niyo iyan. Pasensiya ka na at iyan lang."

"Salamat po." Piyok ang tinig ko.

Ilang segundo lang ay may lumapit pa sa akin. Inabutan ako ng biente pesos. "Sana makatulong. Kahit pangtubig niyo lang ng asawa mo."

"Naku, salamat." Malugod kong tinaggap iyon.

May nag-abot din sa akin ng barya. Ang iba naman ay papel na pera. Lumapit sa akin ang konduktor habang nakangiti. "Hindi na kita sisingilin, Miss."

Pero hindi ako pumayag at binayaran ko pa rin siya. "Hindi po pwede. Naghihirap po kayo kaya hindi patas kung hindi niyo po ako pagbabayarin."

Nakipagtalo siya sa akin noong una pero sa huli ay napapayag ko rin siya. At kahit ilang akong umupo sa tabi ni Jumbo ay pinilit ko. Natatakot kasi akong baka sabunutan na niya ako sa mga pinagsasabi ko kanina.

Natatabingan ng sweater ko ang mukha niya kaya pagbuka lang ng kanyang bibig aking nakita. "Nice acting..." Napakahina ng boses niya.

Napangiti ako. Akala ko kasi magagalit siya sa akin. Ano kayang magiging reaksyon niya kung sasabihin ko sa kanyang hindi acting ang mga nasabi ko? Ano kayang mararamdaman niya kapag sinabi ko sa kanyang totoo ang lahat ng sinabi ko?

"What's your name, douchegirl?" biglang tanong niya habang nakapirmi ang kanyang paningin sa kawalan.

"Rosenda," tugon ko sa kanya bago ako napatingin sa kanya. "Ako si Rosenda Castillo."        

JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro