Kabanata 31
Restored copy/deleted comments/Let's make new memories :)
Kabanata 31
SIMPLE LANG ANG PLANO ko, kapag nakita ko siya ay ngingiti ako sa kanya. Lalapit ako at tatawagin ko siya sa pangalan niyang Jumbo. Pagkatapos ay yayakapin ko siya at isasalaysay ko sa kanya ang nakaraan naming dalawa. Na ako ang dati niyang babysitter, at minsan sa buhay niya ay nakasama niya ako. Sasabihin ko sa kanya na labis ang pagsisisi ko nong ipinaraya ko siya at ibinalik sa kanila. Ipagtatapat ko sa kanya na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya. Wala na akong pakialam kahit hindi niya ako maalala. Ang importante, at least, naipaalam ko sa kanya.
Pero iba ang nangyayari sa mga sandaling ito nang makita ko siya. Nanigas ang aking katawan at huminto ang aking paghinga. Ang mga tuhod ko, tila naipako sa tinatapakan ko. At kung kanina ay nakakapagsalita pa ako, ngayon ay hindi ko na maibuka ang bibig ko. Ni hindi ko namalayan na kagat-kagat ko na pala ang aking hinliliit na daliri.
Ibang-iba na kasi ang hitsura niya ngayon. Ang layo na niya sa taong inalagaan ko noon. Nakatulong ang puting pader sa paligid at ang itim niyang longsleeve para ilahad sa akin kung gaano kaganda ang kanyang kutis. Mas tumangkad yata siya kumpara sa dating lalaking nakasama ko limang taon na ang nakararaan.
Parang gusto ko siyang sunggaban at halikan. Yakapin nang mahigpit at saka pulbusan. Na-miss ko siya nang sobra. Higit rito iyong boses niya na may pagka-husky at ang kanyang magagandang mga mata. At kung noon na kahit basahan lang ang ipasuot ko sa kanya ay bumabagay, lalo na kaya ngayong branded na mga damit na ang isinusuot niya? Kinikilig tuloy ako!
Matagal siyang tumitig sa akin bago nanlaki ang brown niyang mga mata.
Napalunok ako habang ang aking daliri ay nananatili sa aking mga labi. Posible nga kayang nakilala niya ako? Posible nga kayang naalala niya ako? Posible rin kayang, mahal niya pa rin ako?
Ngunit kalaunan ay unti-unting nagsalubong ang kanyang mga kilay. Humakbang siya palapit sa akin sanhi para unti-unti ko rin siyang tingalain. At kung bakit sa bawat paghakbang na kanyang nililikha ay katumbas ng kung anong bagay na dahilan ng aking paghihingalo. Ang aming mga mata ay hindi bumibitiw sa isa't isa hanggang sa isang hakbang na lang ang layo niya.
Eto na siya. Totoo na 'to. Jumbo ko!
Nakatingin siya sa aking mga labi bago nag-igting ang kanyang mga panga. "Don't bite it."
Matagal bago ko napagtantong ang tinutukoy niya ay ang daliri ko. Kahit naman ako ay hindi ko alam na kinakagat ko na ito. Sadyang ganito lang talaga ako kapag kinakabahan.
Umayos ako nang tayo at itinapon ang mga kamay sa sariling bulsa. Nakatingin lang ako sa mga mata niya habang dahan-dahang nalalaglag ang aking panga.
"Who the hell are you?" tanong niya.
Ha? Tama ba ang narinig ko? Who the 'hell' is me? Totoo bang siya na itong kaharap ko o ibang tao?
Biglang nagsalita si Cloud Deogarcia sa aking gilid. "Hey, bro. She's a lady. Don't-"
"Shut up, Deogracia!" utos niya rito nang hindi ito tinitingnan. Nakatitig lang siya sa akin.
Ang angas na niya, ah. Sige, pagbibigyan ko pa siya. "A-ako po iyong Black Ticket winner this year..."
"Where's your Black Ticket?"
Awtomatikong hinalungkat ko ang bitbit kong maleta. Nape-pressure ako dahil nakatingin lang silang lima sa akin habang nagkukumahog ako sa pagbubungkal ng aking mga gamit. Hay, bakit kasi ibinaon ko iyong ticket dito sa kaloob-looban e.
Naman! Bakit hindi ko makita?
Napaupo na ako sa sahig para mas mahalukay ko nang maayos ang mga damit ko. Sa pagpapanic ay hindi ko napansing isa-isa ko na palang inilalabas ang aking dalang damit. Isinunod ko ang ilang cosmetic product at baon kong mga de lata. Wala pa rin iyong Black Ticket! Nilabas ko pa iyong dala kong sandwich at panty.
Panty?
Narinig ko ang pasimpleng pagtawa ni Cloud sa aking gilid.
Pinamulahan tuloy ako kaya mabilis kong ibinalik ang mga gamit sa loob nito. Sa huling damit na ibinalik ko sa maleta ay saka ko naman nakita ang Black Ticket. Naipit pala iyon sa kwelyo ng kamiseta. "I-ito na iyong ticket!" Tumayo agad ako.
Nanginiginig ang kamay na iniabot ko iyon kay Jumbo. Kinuha niya iyon sa akin kasabay ng muling paggalaw ng muscle niya sa panga.
Nakagat ko muli ang aking hinliliit na daliri dahil sa excitement.
"I told you not to bite it, douchegirl."
Nalaglag ang aking kamay sa aking tagiliran. Huminto ang mundo ko sa sinabi niya. Simple lang iyong binitiwan niyang salita pero ang lakas ng impact. Bakit ang yabang niya yata magsalita? Parang hindi na siya ang Jumbo na inalagaan ko noon. Ang Jumbo na kayang magpakilig gamit lang ang dalawang salita at hindi ang tulad nito na ginagamit ang salita para makapanakit. Ang Jumbo na kilala ko ay mapagmahal at mabait. Hindi tulad nitong kaharap ko na walang pakialam sa mga taong nasa paligid niya.
Anong nangyari sa kanya? Bakit nagbago siya?
O baka ito talaga ang tunay na Jumbo? Ganito talaga ang ugali niya? Pilit kong pinigilan ang nagbabadya kong pagluha. Napayuko ako sa dismaya at lungkot. Huli na ako. Huli na pala...
" T, you're being rude." Nakita kong hinawakan siya ni Macoy Sandoval sa balikat.
"Get off your hands, Sandoval," utos niya rito nang hindi ito nililingon.
"Come on-"
"Just back off."
Napapalatak si Macoy. "Fine!"
Iniangat niya ang Black Ticket kalevel ng aking mukha. Maliit lang ang pagitan namin ngunit kitang-kita ko kung paano niya pinunit sa harapan ko ang itim na papel. Napatigagal ako. Kung paano kasi napunit ito ay katumbas niyon kung paano niya pinunit ang puso ko.
Ang sakit!
"Congratulations. You claimed your prize so you may go home now." Pagkasabi niya nito'y humakbang na siya palampas sa akin.
Habang ako ay tulala pa rin at wala sa sarili.
Kasunod niyang naglakad si Kyo palayo sa akin. Sumunod si Santi na napatingin muna sa akin bago humakbang na rin. Napabuntong-hininga muna si Macoy at saka marahan na ring naglakad. Tinapik naman ni Cloud ang aking balikat bago siya umalis. "Congrats..."
Naiwan akong tila naitulos sa aking kinatatayuan. Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nasaksihan.
Ang sama ng ugali niya! Napakasama niya!
Natagpuan ko na lang ang sarili ko habang nakaluhod sa sahig kung saan naroon ang napunit na Black Ticket.
Paano na ang pangako ko kay Ruby? Ang mga habilin ni Mama? Ang picture na hiling ni Amang? Ang autograph para kay Dangdang? Ang masayang si Baby Quiro? Si Maxine na sumusuporta? Si Pektong na siraulo?
Naikuyom ko ang aking kamao sanhi para malukot ang Black Ticket. Padabog akong tumayo at nilingon ko si Jumbo. Heto at natatanaw ko pa ang likod nilang lima. Papasok sila sa isa pang kuwarto.
Kusang nangalikot ang kamay ko sa loob ng aking maleta. Galit na galit ako! Lalo na sa kanya! Bahala na. Basta may maibato lang ako para maibsan ang galit ko sa kanya. Nagdilim ang paningin ko at walang tinging dumampot ng kung ano. Nang mahawakan ito ay ibinato ko agad kay Jumbo.
Sapol siya sa ulo. Salpok sa ulo niya ang sandwich na binili ko kanina sa isang convenience store nang magpa-gasolina ang kotseng sinasakyan namin. Balak ko sana kasing ipakita iyon kay Jumbo at ipaliwanag sa kanya na noong babysitter niya pa ako, ito ang madalas niyang kainin. Umasa akong maaalala niya. Umasa akong maayos ang magiging paghaharap namin. Umasa ako.
Umasa ng lubos kaya't heto, parang labada lang ni Mama na pinipiga ang puso ko.
Sabay-sabay silang napahinto. Lahat sila ay magkakapanabay na napalingon sa akin maliban kay Jumbo. Ito rin ang unang pagkakataon na nakuha ko ang atensyon ni Kyo. Maging si Cloud ay parang hindi makapaniwala sa ginawa ko.
Nagpapapalit-palit lang ang tingin niya sa akin at sa kaibigan niya. "Wow!"
Nakagat ko na naman ang hinliit ko habang nagsisisi sa aking nagawa. Bigla kasi akong nanginig nang wala pa ring imik si Jumbo na nakatalikod sa akin at hindi gumagalaw.
Mayamaya pa'y mahinay niyang tinanggal ang nakadikit na tinapay sa kanyang ulo. Sabog ang palaman nito na sumakop hanggang kanyang batok. Pumihit ang kanyang ulo at nilingon ako. Natanaw ko agad ang dark brown niyang mga mata.
Napatiim-bagang siya kasabay ng paggalaw ng kanyang panga. "You are so dead... douchegirl."
Lagot.
Patay talaga ako.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro