Kabanata 7
Propesyon
•••
"Musta na design natin diyan?" tanong ni jaq sa akin.
"Bakit 'yong design kinakamusta mo, hindi ako?"
"Importante ka ba?"
"Oo, importanteng tao na 'ko ngayon kasi may silbi na ako sa bahay, oh, ano ka ngayon?"
Nagtawanan sina niccolo, jaq, at lucas. Itong tatlong 'to nagkawatak-watak lang kami feeling ko napag-iiwanan na ako sakanila...dagdag pa na palagi akong late kaya late rin ako sa ganap nila sa buhay!
"Ahh ginaganyan niyo ako, ah?" wika ko.
"Anong ginagawa namin sa'yo?" sabi ni niccolo.
"Kapag wala pa siguro ako, ako parati pinag-uusapan niyo, noh?"
"At ngayon mo lang napansin 'yon?" sambit ni lucas.
"Mga tunay talaga kayong kaibigan, walang labis, walang duda!" bulyaw ko.
Sa akin nakatoka ngayon ang pagdedesign ng character at kay jaq naman ang design sa background. Si lucas at niccolo sa coding. Natutunan ko lang ang pagdedesign sa Gamemaker studio at Unity 3D sa tulong na rin ng most trusted professor namin from India at YouTube University. Buti na lang at sponsor namin ang mommy ni niccolo dahil binilhan niya kami ng isang laptop na Intel core i7 processor at PC set na ang CPU ay i7 din.
Si Niccolo ay may laptop na i9, maganda ang specs kaya wala siya masyadong problema ro'n. Si jaq at lucas naman ay parehong i5 na kahit papaano ay nakakayanan ang mga mabibigat na apps at engines. Tapos 'yong akin naman ay i3 lang tapos hulugan pa sa Abenson. Iyong Unity 3D at Unity Hub na ginagamit namin na game engine ay hindi biro sa space, 9GB mahigit ang kabuuang space na kukunin nito kaya kung maaari ay i5 pataas na processor ang magandang gamitin dahil sa mas maganda ang specs nito kaysa sa i3. Buti na lang ako nakakagamit no'ng sponsored laptop!
At oo nga pala...si salem din nag donate ng isang drawing pad kaso para kay jaq lang raw 'yon. Kupal talaga 'tong dalawang magsyota, eh, kainis! Lakas magpainggit! Lahat naman kami marunong mag photoshop pero dalawa kami ni jaq na may talent sa pagdodrawing at hindi rin madali ang digital arts lalo na kung sanay ako mag freehand!
"Kumusta na pala 'yong nagpapaturo sa'yo thesis?" tanong ni niccolo kay lucas.
"Ayos lang...magaling 'yong babae." tugon nito.
"Babae?"
"Oo, third year, mahusay. Mas mahusay pa nga yata sa akin."
"Oh! baka puwede mo siya i-recruit sa atin, medyo hindi natin kayang apat 'to, eh?" ani jaq.
"Oo nga lucas magaling naman pala, eh, puwede na 'yon!" wika ni niccolo.
"Sige, subukan kong alukin siya."
"Ingat-ingat ka lang sa pagturo ng program, ha? Web development ba tinuturo mo ngayon?" sabi ko.
"Oo, bakit?"
"Baka imbis na web development ituro mo, eh, development of feelings ang mangyari hahahaha!"
"Gago, estudyante ko 'yon, hindi puwede 'yon."
Nagpart time professor kasi si lucas sa isang community college 'gaya ng nais niyang mangyari noon no'ng nag-aaral pa kami. Siya na yata ang pinaka magaling na multi-tasker na nakilala ko!
"Hahahaha joke lang 'yon, lucas! Seryoso ka naman masyado." sambit ko.
"Imbis na maturuan ng web development, maturuan pa yata siya ng babae na magmahal! Hahahaha!" pang-aasar ni niccolo at pagkasabi ni niccolo no'n nakipag apiran ako sakaniya...magkatabi kasi kami.
"Gago kayo, alam niyo 'yon?" asar na sabi ni lucas.
"Hahaha matagal na, ngayon mo lang alam?" saad ko.
Nagdirty finger lang sa amin si lucas na siya naman naming tinawanan ng malakas dahil pikunin din talaga siya.
"Alam niyo naman na hindi ako madaling masilaw ng pagmamahal na 'yan, I know my limits at alam ko ang tama sa mali." seryoso niyang bigkas sa amin.
"Alam mo lucas, pare," ani jaq habang prenteng nakasandal sa sopa at nakatingin kay lucas. "There's only one thing that can blind a man as smart as you..."
"And what's that?"
"Love, pare. Pag-ibig."
"Tama tama!" pagsang-ayon ni niccolo.
Tumango tango rin ako habang nakanguso bilang pagsang-ayon sa sinabi ni jaq.
"Maganda kaya 'yon i-kuwento sa magiging anak ni lucas...alam mo 'yong papa mo nabaliw 'yan sa pag-ibig kahit sinabi niya sa amin na hindi 'yon mangyayari! Hahahaha!" pang-aasar ko.
"Ewan ko sainyo, bahala kayo r'yan." ani lucas na bumalik na lamang sakaniyang trabaho.
Katahimikan na naman muli ang bumalot sa lugar, kaming apat ay seryoso sa aming mga ginagawa. Kinuha ko ang aking cellphone sa bulsa ng suot kong pantalon at tinignan kung may update na ba mula kay daniel dahil halos dalawang araw na din siyang walang paramdam. Napabuntong-hininga ako no'ng wala na naman akong nakitang update mula sakaniya.
"Problema mo?" tanong sa akin ni jaq.
"Hirap pala kapag walang label, pota." pagdadrama ko.
"Pffft, bakit? Slow progress ka ba sa isang 'yon?"
"Hindi naman...mga mala-mala, fifty-fifty gano'n."
"Oh, kaya pala ang aga mo dumating kanina kasi wala kayong date!" sambit ni niccolo.
"Wala siya, nasa bulacan siya ng dalawa o tatlong linggo raw."
"Nako po, baka mamaya kinasal na pala 'yon doon ng palihim sa isang mayaman din. Tutal mayaman siya uso pa naman ang fixed marriage sa mga 'yon para maligtas ang mga kompanya nilang palubog na hahaha!" sabi ni lucas.
"Luhh, gago, kumatok ka nga ng tatlong beses lucas!" sigaw ko sakaniya.
"Bakit naman ako kakatok ng tatlong beses?"
"Para hindi magkatotoo! Kupal ka!"
"Mga paniniwala mo, eh, noh? Kahit ilang katok pa gawin ni lucas hindi pa rin kayo magkakatuluyan!" ani niccolo na tinignan ko lamang ng masama.
"Kahit ilang katok pa gawin ko, kung hindi kayo, hindi talaga kayo." sabi naman ni lucas.
"Alam niyo kahit dito lang suportahan niyo naman ako, noh? Pambihira!"
"Sinuportahan ka naman namin no'ng niligawan mo si bea no'ng college tayo, ah?" wika ni jaq.
"Oo nga! Todo effort din kami no'n tapos maghihiwalay rin pala kayo!" sumbat ni niccolo.
Tinulungan nga pala nila ako na haranahin no'n si bea sa quadrangle no'ng Valentine's day para lang sagutin ako. Nangutang pa nga pala ako no'n kay niccolo pambili ng teddy bear sa blue magic, hindi ko pa pala siya nababayaran hanggang ngayon...yaan mo na nakalimutan naman na niya.
Anim na buwan lang ang tinagal ng relasyon namin noon ni bea. Ako ang nakipaghiwalay kasi ang bossy na niya, parang gusto niya palagi ko siyang susundin para raw sa ikakaginhawa ng buhay ko kahit ang totoo no'n nakakasakal na siya.
"Eh, hindi ko naman alam na maghihiwalay kami atsaka past is past! Ang importante ang ngayon!"
"Bakit ba baliw na baliw ka sa babae na 'yon? Maganda ba talaga siya?" tanong ni lucas.
"Oo, pare! Para siyang barbie! Nako kapag nakita niyo siya sigurado ako na maiinlove rin kayo!" nakangisi kong sambit na may pagkayabang pa hanggang sa marealize ko na parang mali 'yong sinabi ko. "Huwag niyo na palang tangkain na makita siya kasi baka mainlove kayo! Ako nauna, finders keepers!"
"Tangina nito possessive aggressive pota hahaha!" natatawang sabi ni jaq.
"Hoy lance, hindi mo siya pagmamay-ari! Huwag kang ano r'yan wala pa nga rin kayong label, eh! Wala ka pang karapatan sakaniya." ani niccolo
"Kahit na, doon din naman hahantong itong paglalandi ko sakaniya."
"Eh, paano kapag hindi?" tanong ni lucas.
"Hindi ako papayag!"
Lumapit sa akin si niccolo at inakbayan ako.
"Tama 'yan lance, huwag tayo susuko sa ngalan ng pag-ibig!" sabi nito sa akin.
Hinawakan ko ang isa nitong kamay gamit ang dalawa kong kamay at madiin itong inalog-alog habang nakanguso pa nga.
"Walang susuko para sa pag-ibig!" sambit ko.
"Nakikita mo 'yan, jaq? Ayan ang itsura ng mga hangal sa pag-ibig." rinig kong sabi ni lucas.
"Eh, 'yan ngang si jaq ang may syota rito sa atin, eh!" angal ko.
"At least hindi siya hangal sa pag-ibig." nakipag apiran pa si lucas kay jaq na halata naman na pinagkakampihan kami ni niccolo.
•••
Halos tatlong linggo na rin ang nakakalipas at wala pa rin akong update tungkol kay daniel. Sa totoo lang kinakabahan ako kasi paano kung tama nga ang sinabi ni lucas? Baka kinasal na siya ro'n sa bulacan...ayoko pa naman na kulitin siya sa twitter kasi nakakahiya, wala naman kaming relasyon. Atsaka baka busy siya sa trabaho ayoko naman magpapampam, bente-tres na ako papampam pa rin? Huwag gano'n sebastian...grow up! Be mature naman, be a man!
"Nakakamiss rin 'yong mga pagbiyahe natin na ganito dati, ano?" sambit ni jaq.
Nakasakay kami ngayon sa isang jeep na pa-Antipolo. Linggo ng hapon at napagdesisyonan naming apat na mag unwind muna sa stress na dala ng buhay sa amin kaya napagpasyahan namin na pumunta muli sa cloud 9 360° view.
"Hindi pa rin nakakamiss 'yong sakit sa puwet ng pagbyahe." mahina kong reklamo.
Naaalala ko no'ng college kami, kapag stress kami sa pag gawa ng system o kung ano pang activity mayroon ang mga minor subject namin na feeling major...sa cloud 9 kami nag a-unwind, nagpapawala ng stress sa school.
Pagkababa namin sa jeep medyo mahabang lakaran ang tatahakin namin makarating lang sa pinaka lugar kung saan makakabili ng ticket para makaakyat sa 360° view.
"Sa dating galaan natin? Wala pa naman alas-singko, eh?" sambit ni lucas sabay turo sa isang maliit na hagdan sa gilid ng matataas na puno. Ang papunta sa Meditation trail.
Gustong-gusto ko talaga ang nakasulat sa sign board ng meditation trail, eh, napaka ganda lang basahin.
"This is a meditation trail not a picnic area. Life is not always a walk in the park. More often than not life could be a walk through a narrow and steep path but hidden surprises along the route compensate the blocks along the way." pagbasa ko.
"Pero may dala tayong pagkain hahahaha!" wika ni niccolo na nakatayo sa tabi ko.
"Sa taas tayo magpipicnic, timang." sambit ni lucas.
Ang kinaganda rito sa meditation trail ay bawat pag-akyat mo at pagbaba, 'yong mga makakasalubong mong puno ay may mga nakapaskil na life quotes at bawat isang 'yon ay palagi naming binabasa. Ang nakakatuwa pa ro'n, hindi pinapalitan ang mga quotes na 'yon pero nadadagdagan pa.
"Don't compare your life to others. There's no comparison between the sun and the moon. They shine when it's their time." on sync naming pagbasa ni niccolo sa isang sipi na nakasabit sa puno.
"Translate niyo nga sa tagalog." paghamon ni jaq.
"Huwag mong ikumpara ang buhay mo sa iba. Kapag pangit sila at gwapo ka, hindi mo 'yon kasalanan...kasalanan na 'yon ng lahi nila." confident na tugon ni niccolo kay jaq.
"Mga kasabihan mo sa buhay ano, napaka life changing." sambit ni lucas sakaniya.
"Tama naman si niccolo ro'n, ah?" sabi ko.
Nagpatuloy lang kami sa paglilibot at pagbabasa ng mga sipi sa bawat puno na madaanan namin. Nag picture-picture rin kami para pang myday namin sa araw na ito. Napatigil kami sa isang bench na gawa sa semento na halos katabi lang ng hagdan sa exit para magpahinga saglit at uminom ng tubig.
"Naalala ko no'ng unang beses nating punta rito...maligaw-ligaw pa tayo hahaha!" pagkukuwento ni lucas.
"Oo nga, eh, kaso ngayon kabahan-kabahan na kayo kasi mag aalas-singko na...alam niyo naman ang kuwento rito kapag hindi ka nakalabas sa tamang oras." pananakot ni jaq.
"Tangina hindi na raw makakaalis habang buhay hahahaha! Naniniwala ka ro'n? Hindi 'yon totoo!"
"Nako, anong hindi totoo? Kitang pagpasok pa lang natin sa lugar na ito ang bigat na sa pakiramdam, eh!" wika ni niccolo.
"Kaya nga libre lang ang entrance rito sa meditation trail, eh, kasi kapag hindi ka na nakalabas dito, hindi na nila problema 'yon." pananakot ni lucas.
"Alam niyo para kayong tanga! Tinatakot niyo lang sarili niyo, eh! Tara na nga!"
Nauna akong tumayo sa pagkakaupo at tinahak ang hagdan palabas sa lugar. Narinig ko pa ang halakhak ng tatlo sa likod ko. Napatigil ako sa kalagitnaan ng pag-akyat dahil sa nakita ko.
"Oh bakit ka tumigil seb?" tanong ni jaq.
Tinuro ko ang aking nakita na kanila namang sinilip. Ang isang malaking aso na nakatingin sa amin at base sa itsura nito mukhang naka attack mode pa nga.
"Tangina bakit nasa exit 'yan? Wala naman 'yan diyan dati, ah?" sambit ni niccolo.
"For security purposes yata nila...mas effective at tipid kapag ganiyan ang bantay." ani lucas.
Dahan-dahan kaming napaatras palayo at dahil mag aalas-singko na, dali-dali kaming tumakbo patungo sa entrance ng meditation trail upang doon lumabas. Takot ko na lang na hindi makalabas doon baka mag-alala si daniel at higit sa lahat mag-alala magulang ko baka isipin nila na tinanan na ako tapos wala ng susustento sakanila. Yari ako kay nanay, baka imbis na ipagdasal ako no'n, eh, masasamang words lang sabihin no'n kay lord tungkol sa akin!
Nagbayad kami para sa entrance sa hanging bridge. Seventy pesos ang per head samantalang dati fifty pesos lang 'yon...sabagay konti pa lang ang mga tao no'n at hindi pa masyadong kilala ang lugar na ito. Sa hanging bridge, makikita mo ang magandang tanawin sa lugar, kung takot ka sa heights huwag mo na balakin subukan dahil pagtungtong mo sa gitna ay mararamdaman mo ang pag-ugoy ng hanging bridge mula sa malakas na simoy ng hangin at pati na din sa mga taong kasabay mo sa pag-akyat.
Pagtungtong namin sa tuktok ay agad naming hinanap ang puwesto namin dati kung saan naglagay kami ng podlock noon at ang sinulatan namin na sahig ng;
F4 NG METRO MANILA NANDITO NA SA ANTIPOLO!
LANCE SEBASTIAN JIMENEZ ANG BOSS NG MGA BOSS!
JAQ MATTEO #31
LUCAS03
NICCOLO NUEVO POGI SPOTTED FROM SWAG UNIVERSITY!
PALOAD NA DIN 09151413121 GOSURF50 PARA CHATMATES & VM XD - LSJ
LF KABEBE TIME SA ML! Free dias 1st month trial! - niccolo
Nakaupo kaming apat habang tinatanaw ang mala spaceship na tanawin ng isang hindi ko alam kung ano ba 'yon at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos. Nakasandal kami sa pader at sa gitna namin ay ang pinamili naming mga pagkain sa puregold doon pa sa marikina. Kung dati ay libre pa ni niccolo ang pagkain namin puwes ngayon KKB na kasi lahat kami ay kumikita na. Nakakalungkot nga, eh!
"Nakakamiss din 'yong ganito natin dati, ano? Iyong tamang punta lang sa cloud 9 kapag stress sa prof at sa system." pagkukwento ni lucas.
"Atsaka kapag trip lang natin, 'di ba? Kahit hindi naman talaga tayo stress." ani niccolo.
"Ang sarap bumalik sa panahon na wala pa tayong propesyon, ano? Iyong wala pa tayong trabaho. Iyong hindi pa tayo ganito kaseryoso sa buhay." sambit ni jaq.
"Iyong tipong nakasalalay palagi kay batman ang mga mangyayari sa mga desisyon natin sa buhay? Hahahaha!" bulalas ni niccolo na aming tinawanan.
"Oo nga, 'yong tipong acads lang pinoproblema natin hindi trabaho, pera, at gastusin." seryosong sabi naman ni lucas.
Totoo naman na nakakamiss ang mga 'yon. Iyong tipong dati no'ng high school ako ay excited ako magcollege. Pero no'ng nagcollege ako, excited na lang ako makapagtrabaho. Tapos ngayon may trabaho na ako, mukhang excited na lang akong mamatay...sa pagmamahal ng isang babae nga lang!
"Pota, naalala ko unang beses natin sa hanging bridge, si niccolo nagback-out! Hahahaha!" pang-aasar kong pagkuwento.
"Gagu, takot kasi ako sa heights no'n! Tapos mahangin pa!" depensa ni niccolo.
"Pota, narinig pa nga kita nagdadasal no'n, eh! LT!"
"Pero at least no'ng pangalawang beses nating punta rito na-overcome niya na 'yong takot niya sa heights." sambit ni jaq habang tinatapik-tapik 'yong isang braso ni niccolo.
"Fear is nothing more than a state of mind, ika nga." pangangaral ni lucas.
"Oo nga!" pagsang-ayon ni niccolo kay lucas. "Atsaka wala naman akong takot sa mataas na lugar...oo meron pero mas takot akong mahulog mula sa mataas na lugar!" dugtong pa nito.
"Basta ako takot ako mahulog sa isang tao na hindi naman pala mahuhulog sa akin!" pagdadrama ko.
"Drama mo, tanga." sambit ni jaq sa akin.
"Kung hindi para sa'yo huwag mo na kasi pilitin, hangal ka." bulalas ni lucas.
"Hindi pa rin ba nagpaparamdam sa'yo? Hindi kaya na-ghost ka na?" wika ni niccolo.
"Ako? Na-ghost? Hindi ba puwedeng na-ghostohan na lang? Hay nako!"
"Baka busy lang...bussiness woman, 'di ba?" tanong ni jaq sa akin habang patungga sa coke niya.
"Bakit hindi mo kasi i-chat? Pagkukuwento mo sa amin sa twitter kayo nag-uusap, 'di ba? E di kausapin mo ro'n!" sabi ni niccolo.
"E di nagmukha naman akong hapit sa atensyon niya!" sambit ko.
"Bakit, hindi ba?" sabay nilang tatlong sambit.
"Alam niyo, kayong tatlo, gago kayo!"
At parang tangang nagtawanan ang tatlo. Gano'n sila tuwing sinasabi ko ang mga linya na 'yan dahil alam nila na pikon ako.
"Don't worry lance, the worst part of life is waiting but the best part of life is having someone worth waiting for." pa-words of wisdom ni lucas sa akin.
Hindi kami nagtagal sa cloud 9 dahil mga bandang six-thirty ay umuwi na kami dahil mahirap ang biyahe baka abutin pa kami ng traffic. Pagkauwi ko sa bahay dumiretso ako sa kuwarto at kinuha ang cellphone ko sa bulsa ng suot kong pants. Tinignan ko kung may ganap na ba kay daniel kaso wala pa rin siyang post sa twitter at sa fb niya.
Pota, paano kung ikinasal na siya sa kapwa niya mayaman para mailigtas ang kompanya nila? Anong laban ko sa mayaman na businessman? Bwisitman lang naman ako! Hay nako!
Naghanap ako ng cute na picture ng aso sa pinterest at ginawa ko itong profile picture sa facebook ko dahil gusto ko mag-senti.
Your profile picture was changed successfully
Ismael Mercedes: Bakit aso profile mo pre?
Lance Sebastian Jimenez: Broken ako pre
Ismael Mercedes: Tangina anong connect?
Lance Sebastian Jimenez: edi AWW!
Ismael Mercedes: Gagu hahahahahaha!
Ligaya Babon liked your profile picture
Esperanza Alejandres liked your profile picture
Waiting pa rin ako sa updates ni daniel ngunit wala pa rin talaga. Kakahintay sakaniya feeling ko nabasa ko na lahat ng mga memes mayroon sa newsfeed ko, eh! Kanina ko pa rin naririnig ang pagsigaw nila nanay at esperanza sa akin upang kumain ngunit wala ako sa mood tumayo.
"Hoy, tito sebastian!" sigaw ni esperanza sa labas ng kuwarto ko at kumakatok din siya ng malakas.
"Huwag mo akong istorbohin! Nagdadrama ako ngayon!"
"Ano na naman drama 'yan, ha? Hindi ka naging crush ng crush mo? Nabasted ka na ba?"
"Bwisit ka esperanza! Sabihin mo kay nanay hindi ako kakain! Wala akong gana!"
"Binasted ka lang hindi ka na kakain? Bakit, dala ba no'ng babae na 'yon ang ulam mo?"
Inis kong tinungo ang pintuan at binuksan ang pinto.
"Alam mo, esperanza, peste ka talaga!"
"Ang drama mo kasi! Kumain ka na raw doon! Gutom lang 'yan!"
Baka nga tama si esperanza...baka nga gutom lang ako?
•••
TBC.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro