Kabanata 20
Ang pag-gunaw
•••
Tahimik lang ako buong araw sa trabaho, gano'n din sa pagbiyahe at hanggang kina niccolo.
"Mga tol, wala na kami." malungkot kong sambit sa tatlo.
"Oh? Bakit? Anong nangyari?" tanong ni jaq.
"Gano'n naman siguro 'yon. Hindi ba nga walang tumatagal na relasyon sa akin?"
"Buti na lang hindi kami nag-effort para ro'n! Hindi naman din pala kayo tatagal!" ani niccolo.
Gusto ko sanang murahin si niccolo kaso tama naman siya kaya hindi na ako nakipagtalo pa.
Pasado alas dies na no'ng makauwi ako. Naabutan ko pa sila ismael at ricky sa kanto nag-iinuman, redhorse na maliit nga lang mga lima. Tapos kasama rin nila si ligaya na nakasuot pa ng uniporme nito sa trabaho.
"Sali 'ko sa reunion na 'to!" sambit ko sakanila no'ng makalapit ako.
Tumabi ako kay ricky at nagsimula na nga ang tagayan sa isang paper cup. Chaser namin ay timpladong Tang pineapple lang. Si ismael ang katabi ni ligaya at may tinitignan itong brochure ng MSE.
"Sideline?" tanong ko kay ligaya.
"Kapag sinagot ko ba ang tanong mo, o-order ka?"
"Ewan, titingin ako pagkatapos ni ismael."
Kaming dalawa lang ni ricky ang tumatagay. Saktong-sakto dahil inom na inom ako kahapon at hindi pa rin ako nakakaget-over sa nangyari kagabi.
"Ang alak ba nakakapanlimot?" tanong ko kay ricky.
"Oo naman pare! Bakit? May nangyari ba sa trabaho mo ngayon? Mukhang ang tamlay-tamlay mo rin, eh!"
"Ewan, siguro gano'n talaga ang buhay."
"Sinabi mo pa! Kahit hindi ko alam ang pinagsasabi mo r'yan...osya tagay pa!"
Inabutan pa ako ni ricky ng ilang tagay tapos bumili pa kami ng dalawang empi, sagot ko. Kaming dalawa lang 'yong umiinom tapos si ismael busy pa rin sa hawak niyang brochure. Si ligaya tinitignan lang kaming dalawa habang pinapapak 'yong mang juan na pulutan namin.
"Sabi ko dati, goals first before girls because girls brings headache! Hindi naman pala gano'n 'yon!" wika ko.
"Eh, ano pala, sebastian?" tanong ni ricky.
"Goals first before girls because girls brings heartaches! Ay mali mali! Because girls have strict parents! Hahahaha! Gusto nila successful 'yong magiging syota ng mga anak nila!" pagdadrama ko.
"Tangina sebastian, totoo nga 'yan! Hahahaha!" pagsang ayon sa akin ni ricky.
"Relate ka?"
"Oo, tol! Naalala mo ba 'yong chxx sa kabilang baranggay? Iyong kinukuwento ko na maganda..."
"Oh?"
"Niligawan ko! Nag-aaral ng nursing iyong babae tapos iyong tatay niya jeepney driver..."
"Oh tapos?"
"Magpapaalam sana ako personal na manligaw, pagpasok ko ba naman sa bahay nila 'yong tatay niya naglatag ng banig sa gitna tapos unan at kumot sabay natulog! Tangina talaga hahahaha!"
"Baka kasi inaantok na 'yong tatay tapos istorbo ka, bumisita ka pa." sambit ni ligaya.
"Taragis na 'yan, imposible 'yon! Linggo nang alas dies ng umaga ako dumalaw! Ayaw lang talaga sa akin no'ng tatay niya!"
"Hahahaha kingina ka ricky, nilatagan ka ng banig? Kawawa ka naman!" pang-aasar ko.
"Oo, eh, ikaw? Anong dinadrama mo tungkol sa magulang? Oo nga pala...kumusta 'yong paglegal sa iyo ng syota mo?"
"Hahahaha! Grabe pare, Iyong tatay no'n harap-harapan niyang sinabi sa akin na ayaw niya sa akin kasi mahirap lang ako hahahaha!"
Bigla na lamang naging seryoso ang mga tingin nila sa akin. Nagsalin ako ng empi sa paper cup at akin itong ininom.
"Kumusta ka naman, pare? Kumusta kayo ng syota mo?"
"Syota? Hahahaha! Wala na kami kagabi lang! Sayang hindi mo nakita eksena namin sa may bungad ng eskinita...mapagkakamalan mong nagte-taping kami ng isang romance drama tapos ako 'yong walang kuwentang bida hahahaha!"
Tumungga ulit ako ng isa pang shot, tapos isa pa, at isa pa hanggang sa hindi ko na mabilang kung ilang tagay na ang nagawa ko mag-isa.
"Ang pag-ibig nga talaga ay parang adobo, lahat ng sakit titiisin mo makita mo lang siyang masaya sa iba!" pagdadrama ko.
"So, paano naging adobo 'yon?" tanong ni ismael.
"Wala lang...ulam ko lang 'yon kaninang tanghali!"
"May sayad ka na talaga sa utak, sebastian." wika ni ligaya.
Nakapangalumbaba na ako sa mesa, tinititigan ko si ligaya.
"Bakit? Anong tinitingin-tingin mo?" aniya, iritado.
"Bakit mo ako sinampal?" seryoso kong tanong sakaniya.
"Huh? Pinagsasabi mo? Bakit naman kita sasampalin? May ginawa ka bang masama?" pagsisinungaling niya at halata iyon dahil nilayo niya ang kaniyang tingin sa akin.
"Lasing ka na sebastian hahaha!" ani ricky.
Hindi pa naman ako lasing, nasa katinuan pa naman ako. Medyo nahihilo-hilo lang ako dahil redhorse at empi tinira ko.
"Oh!" inabot sa akin ni ismael 'yong brochure na akin namang kinuha.
Nakatitig lamang ako sa pahina na hindi ko alam kung ano ba dahil para bang kinuha 'yong kaluluwa ko ng uniberso. Nakatunganga lang ako sa hawak kong brochure.
"Hoy, sebastian!" pang-gugulat ni ligaya sa akin.
"Huh? Bakit?"
"Tangina pare, kung hayok na hayok ka se-send-an kita ng link mamaya! Gusto mo ba talaga 'yong blurred?" sambit ni ricky.
"Pinagsasabi mo? Wala 'ko sa mood manood ng porn, gagu!"
"Eh, gagu ka, anong tinitignan mo r'yan sa mga bra? Imposible naman gusto mong bumili ng bra?"
Tinignan ko kung saan nakabuklat ang brochure at sa bra section nga. Agad ko naman itong sinara at ibinalik kay ligaya.
"Hindi ka o-order?" tanong ni ligaya sa akin.
"Pabango, o-order ako ng pabango. Ikaw na bahala sa kung ano r'yan...may tiwala naman ako sa iyo."
Nginitian ko siya at sabay tumungga na naman ulit. Isa pang inom at isa pa, at isa pa, hanggang sa hindi ko na mabilang.
•••
Kinaumagahan, nagising ako sa sigaw ni nanay.
"Sebastian! Gumising ka na at magaalas syete na! Ayan na nga ba sinasabi ko! Puro ka kasi inom ng inom! Bumangon ka na r'yan dalian mo!"
Napilitan akong bumangon agad kahit na medyo masakit pa ang ulo ko at may hang-over pa ako. Mas sasakit pa ang ulo ko at tainga ko sa bunganga ni nanay, eh, kung hindi pa ako kikilos!
Sinuot ko ang aking pantalon, itim na t-shirt na may tatak na;
Magsisimula_Ulit();
// Natuto na sa mga pagkakamali.
Na pinapatungan ng long sleeve checkered shirt na kulay deep blue. Tapos sinuot ko rin iyong sapatos ko na old school low cut na vans. Pagkatapos no'n, umalis na ako sa bahay at tinungo ang office na may hangover.
Pagpasok ko sa server room, pinagmamasdan ako ni erick ng mabuti.
"Tinitingin-tingin mo?" sambit ko.
"Lance, bakit ang tamlay mo tignan? May sakit ka?"
Sakit sa puso, oo.
"Wala timang...hangover lang."
"Hang-over lang ba talaga?"
"Oo nga!"
"Ahh, sabi mo, eh."
Tahimik lang ako sa buong oras ng trabaho. Kahit no'ng lunch break ay tahimik lang akong kumakain.
"Hoy, lance!"
Pababa na kami ng hagdan ni erick dahil tapos na ang trabaho namin.
"Bakit?" tugon ko.
"Ang tahimik mo kasi...parang ibang lance 'yong kaharap ko ngayon. Anong espiritu ang sumapi sa'yo, ha? Hindi ako sanay!"
"Wala...wala lang ako sa mood. Gusto ko na lang umuwi at matulog."
"Umuwi? Nakakapanibago ka talaga ngayon, pre!"
"Bakit? Kapag pagod dapat umuuwi 'di ba?"
"Saan ka ba uuwi, ha? Sainyo o sa condo ni daniel, ha? Ayieee!"
Dumirediretso lamang ako sa pagbaba ng hagdan.
"Huy! Teka!" ani erick, hinawakan niya ang isa kong balikat upang huminto.
"Bakit?" tanong ko.
"Ano ba talagang problema mo, lance? May date ba kayo ni daniel kaya madaling-madali ka?"
"Wala kaming date pare...wala na...kahit kailan."
"Hiwalay na kayo?"
Tinalikuran ko na lamang si erick at dirediretso ng lumabas sa building.
"Teka pare, hintayin mo naman ako!"
"Bagal-bagal mo, eh!"
"Puwede bang huminto tayo sa jollibee saglit? Naji-jingle bells ako, eh, hindi naman tayo dadaan sa parke kaya hindi ka makikita ni daniel!"
"Hay nako! Sige na nga! Pero dalian mo, ha!"
"Oo dadalian ko kasi kailangan mo pa i-kuwento sa akin ang nangyari sa inyo ng bebe mo!"
Nilagpasan namin ang parke, hindi ko alam kung nandoon ba siya naghihintay o hindi dahil hindi ko na ito nilingunan. Hindi ko kayang harapin si daniel pagkatapos ng sinabi ko sakanya kagabi...lalo na no'ng nagbuga iyong bunganga ko ng pangit na mga salita.
"Bakit ba ang bobo mo?..."
Hindi ko alam kung anong mukha pa ang ihaharap ko sakanya. Sinaktan ko siya kahit na sinabi ko hindi ko siya papaiyakin pero sa huli, pinaiyak ko rin siya. Si iron man lang dapat ang magpapaiyak sakanya...hindi si lance sebastian jimenez!
Hinintay ko si erick sa jollibee, bumili na rin ako ng isang sundae dahil kailangan kong kumalma.
"Oh, ikukuwento mo na ba sa akin iyong nangyari sa love story niyo ni daniel?" sambit ni erick nung pagkalapit sa akin.
"Hindi happy ending."
Inakbayan ako nito at tinapiktapik ang aking balikat.
"Ayos lang 'yan, pare! Pero hindi mo ba ibibigay lahat ng details sa akin?"
"Hindi na, noh, gusto ko man sabihin sa'yo iyong nararamdaman ko kaso narealize ko na wala naman ding kuwenta kung sasabihin ko sa'yo kasi wala naman magbabago."
"Grabe ka talaga sa akin, lance! Madadaanan pa naman natin 'yong parke! Gusto mo silipin kung nandoon siya sa may fountain?"
Hinawi ko ang kaniyang pag-akbay sa akin.
"Para kang gagu, erick! Tigilan mo nga ako!"
Nauna akong maglakad habang kumakain ng sundae. Sinubukan kong hindi tumingin sa parke no'ng napadaan kami ro'n.
"May kasama siya lance...lalaki." ani erick na nakasunod sa akin.
Napasulyap tuloy ako bigla at nakita ko na kasama ni daniel si bryce sa may fountain ledge.
"Tara na, baka mahaba pila sa bentahan ng ticket sa mrt. Sisisihin kita kapag nangyari 'yon." wika ko at mabilis ng naglakad paalis.
Dumiretso na si erick sa may parking para kunin ang motor niya.
"Hindi ka ba aangkas?" tanong nito sa akin.
"Hindi, gusto ko magcommute. Ingat sa pagdrive."
"Lance, payong kaibigan lang, ha. Huwag mong isuko ang isang bagay na alam mong kaya mo pang ipaglaban, mahirap maghintay pero mas mahirap magsisi."
"Tsss, salamat sa payo, bob ong quotes." pagbibiro ko.
"Hahaha siraulo! Osya ingat sa pag-uwi tol, ha, pag-isipan mong mabuti 'yong sinabi ko!"
Dahil antok na antok at pagod na pagod ako sa araw na ito, napagpasiyahan ko na hindi muna tumuloy kina niccolo.
"Mamaya ko na lang sila icha-chat...tinatamad akong buksan 'yonh cellphone ko at magtype." wika ko sa kawalan.
Mahaba ang pila sa bentahan ng ticket sa MRT, naubos ko na rin ang sundae ko. Sa buong biyahe ay tahimik lamang ako. Hanggang sa pila ng jeep sa guada, tahimik lang rin ako.
"Ang tagal...gusto ko na makauwi..." pabulong kong sabi.
Sa dumadaan na cart ng nagtitinda ng mga fishball at kwek-kwek, naaalala ko si daniel at ang street food date namin. Kaya sinubukan kong hindi bumili bagkus bumili ako ng balut kay kuyang nakaupo sa tabi niya. Halata kasing walang bumibili sakanya.
"Kuya pabili, dalawa." wika ko.
"Nineteen po isa boss."
"Sige sige."
Sabay abot ko sakanya ng isang daan.
"Keep the change na kuya." sabi ko habang nakangiti.
"Nako, salamat boss!"
"Wala po 'yon, maliit na bagay kuya."
Bumalik ako sa pila at kinain ko ang isang balut.
Sa buong biyahe sa jeep, tahimik lang ako. Nakatulog nga rin ako dahil sa pagod. Nalagpasan ko pa nga 'yong kanto namin kaya napalakad pa tuloy ako. Pagdating ko sa bungad ng eskinita namin, ang daming tao tapos ang daming gamit at no'ng makalapit na ako, bigla na lamang nagunaw ang puso ko.
Giba-giba na ang mga bahay sa looban. Nakita ko si ricky tumutulong sa pagbuhat ng mga gamit ng ilang kapitbahay. Nakatayo lang ako sa aking puwesto, hindi gumagalaw. Sila nanay at tatay nakikipag-usap kina aling yoli. Halos padilim na rin, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa mga sandaling ito.
Nakita ko si ligaya na papalapit sa puwesto ko, kakauwi lang din galing trabaho at nagmamadaling lumapit sa tabi ko. Hindi siya kumibo pero nakabuka ang bibig niya ng bahagya no'ng makita ang itsura ng looban. Giba, wasak, at wala na.
"Ligaya..." sambit ko dahil nakita ko siyang umiiyak.
Ngayon ko lang siya nakitang umiyak. Kahit no'ng libing ng papa niya hindi siya umiyak. Hindi pa siya umiiyak sa harapan ko...ngayon lang.
"Ligaya..." sambit ko ulit.
Nilapit ko siya sa akin at niyakap. Hinaplos-haplos ko rin ng dahan-dahan ang kaniyang buhok. Nakatingin pa rin ako sa eksena sa looban pero rinig na rinig ko ang pag-iyak ni ligaya.
"Tahan na ligaya...tahan na."
"Anong tahan na? Paano ako tatahan kung ilang taon akong nagtrabaho para ipaayos 'yong bahay na tanging alaala ni papa sa'min? Iyong perang pinang-ayos doon bigla na lang nasayang...sana ibinili ko na lang 'yon sa sarili ko kung ganito lang din pala ang mangyayari! Nasayang lang ang lahat ng pinaghirapan ko..." mahina niyang reklamo.
Si ligaya, inuna niyang magtrabaho kaysa mag-aral. Matalino siya pero alam niyang hindi kaya ng talino lang na mapalamon ang pamilya niya. Panganay siya kaya mas matindi ang responsibilidad niya sa pamilya. Naghanap siya ng trabaho habang ako nag-aaral at palamunin pa nila nanay at tatay. Nagsikap siya, may mga sideline rin siyang kinukuha 'gaya ng magbenta ng mga Avon products, MSE, at Natasha. Ngayon, alam ko kung gaano kasakit sakanya ang pangyayaring ito...na parang 'yong effort niya ng ilang taon ay nasayang na naman sa wala. Dagdag pa na iyong bahay ay siyang naiwan na alaala sakaniya ng yumaong ama niya.
Kung tinanggap ko lang sana iyong tulong na inaalok ni daniel hindi ko sana siya makikitang umiiyak sa mismong bisig ko.
"Tahan na...ligaya...tahan na..."
Bigla na lamang din tumulo ang luha ko na agad ko rin pinupunasan para hindi mahalata ni ligaya.
"Tahan na...hindi bagay sa'yo maging malungkot, ligaya."
•••
Pasado six-thirty na. Sila nanay at tatay umuwi na kina kuya steven at nagpaiwan ako rito sa looban. Madami pang mga kapitbahay rito na nagpaiwan dahil bukas pa yata dadating 'yong jeep para dalhin sila sa baras.
Pagkauwi ni ismael, naiyak din siya. Kagaya ni ligaya, binuhos din lahat ni ismael ang oras at sahod niya para mapaayos ang kanilang mumunting tahanan.
Kasalanan ko ba ang lahat? Dapat ba hindi ko na lang inuna 'yong pride ko? Dapat ba inisip ko rin sila?
Umupo kaming tatlo kasama namin si ligaya, sa isang biyak na bahay. Tahimik lamang ako habang si ricky kinukuwento 'yong nangyayari.
"Tangina mukha pa ngang malakas tira no'ng mga nagsisibak, eh! Hyper na hyper pota! Sabi ni aling yoli, tama na gibang-giba na 'yong bahay pero ang gago patuloy pa rin sa pagwasak hahahaha! Nandoon na 'yong mga kasama niya sa dulo, tapos 'yong kupal sinisibak pa rin iyong bahay ni aling yoli! Gagu ang high talaga no'ng isang 'yon, eh! Sarap ngudngudin ng mukha, eh! Mukha namang amoy paa!"
"Mga gagu..." sambit ni ligaya.
"Paano na kayo? Sa baras na kayo titira?" tanong ko sakanila.
"Wala naman kaming ibang option, sebastian. Hindi gano'n kalaki ang pera namin, hindi rin gano'n kalaki ang ipon namin para bumili ng bahay." ani ismael.
"Patawad...wala akong...wala akong nagawa sainyo. Patawad." sambit ko sa tatlo.
"Ano ka ba, sebastian! Hindi mo kasalanan ang nangyari! Tanggapin na lang natin ang katotohanan na wala talagang nakakaintindi sa buhay ng isang squatter kundi ang kapwa squatter din!" sambit ni ricky.
"Nagugutom na ba kayo?" tanong ko sakanila.
"Libre mo hapunan namin?" tanong ni ismael.
"Oo ba! Sagot ko hapunan nating lahat! Hindi dapat tayo malungkot dahil dito, hindi pa naman katapusan ng mga buhay natin!" masigla kong sabi.
Tumayo ako at hinila ang isang mahabang mesa nila aling carol sa gitna. Na-gets naman nila ricky at ismael ang nais kong ipahiwatig kaya kumuha rin sila ng mesa at ipinuwesto ito sa gitna.
"Osya, sagot ko andoks at alak ngayong gabi!" sigaw ko.
Bumili kami ng ilang andoks sa bayan at ilang case ng redhorse. Bumili rin kami ng limang 1.5 Royal para sa mga bata. Buti na lang at bumili rin kami ng paper plates, paper cups, at plastic spoon and fork. Inubos na rin namin ang tindang kanin sa isang karinderya sa bayan. Para kaming nagkaroon ng isang masayang salo-salo bago man lamang magpaalam.
"Pare, tandaan mo, 'yong mga tao rito sa looban lilipat lang sa baras kaya kung bibisita ka ro'n ay palagi kang welcome!" ani ricky.
"Pero, magdala ka ng alak, ha! No alak, no entry! hahahaha!" pagbibiro ni kuya noy.
"Oo ba..bibisita ako ro'n, pangako! Palagi!"
Pinilit kong ngumiti pero nalulungkot talaga ako. Mahirap magpaalam sa mga taong nakasama ko nang ilang taon. Sa loob ng twenty-three years kong nabubuhay, nandoon sila. Sa kalokohan, kalungkutan, kasiyahan, at tagumpay ko sa buhay, nandoon sila para masaksihan iyon. Pero parte rin ng buhay ang magpaalam.
"Ipagdadasal ko kayo palagi...sa mga buhay niyo." paalam ko sakanila.
•••
TBC.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro