Kabanata 59: Gantimpala ng Manlilikha
Napalingon-lingon ako sa paligid. Ang paligid ay puno ng kadiliman. Tanging batong tulay lamang ang aking dinadaanan. Nakapila ako sa napakaraming anghel. At hindi ko alam kung nasaan ako. Napagising na lamang ako rito sa aking kinatatayuan nang nakapila.
Tumingin ako sa baba. Lahat ng aking natatanaw ay kadiliman. Kinalabit ko naman ang anghel na nasa aking unahan. Lumingon siya sa akin. At laking gulat na lamang niya nang makilala ako.
"Binibining Serephain?" pagkukumpirma pa niya. Tumango ako bilang pagtugon. "Itinakdang namatay para sa bayan." Nagulat ako sa sunod niyang sinabi.
Ilang segundo ang makaraan ay naalala ko ang mga nangyari. Tinapos ko ang digmaan sa isang buwelo. Nagmanipula ako ng dalawang malaking bola na gawa sa liwanag at itim kong mahika. At pinasabog ko ito kasama si Esmeralda.
"Paano po kayo namatay?" nahihiya kong tanong.
Ngumiti siya sa akin nang mapait. "Nang dahil po sa isang elf. Nilamon po ang aking kapangyarihan." Matapos marinig ang sinabi niya ay bumagsak ang aking balikat.
Pero napaangat ako ng tingin sa kaniya nang idantay niya sa balikat ko ang kaniyang dalawang kamay. Ngumiti siya sa akin. Isang ngiti na walang pagsisisi.
"Kahit papaano ay nalaman kong ligtas na ang ating bayan bago pa man ako mawalan ng buhay sa bisig ng aking mga mahal sa buhay," sabi niya sa akin. "At ipagpaumanhin mo sana ang aming pinakitang kilos laban sa 'yo, Binibining Serephain," dugtong niyang saad.
Hindi ako nagsalita, sa halip ay sinagot ko siya ng isang matamis na ngiti. Kinalabit ko muli ang kaniyang balikat nang may maalala. May gusto akong itanong sa kaniya.
"Nasaan po tayo?" tanong ko sa kaniya.
"Patungo po tayo sa unang tarangkahan ng apat na tarangkahan tungo sa kabilang buhay." Nakangiti niyang sagot sa akin at tumalikod muli sa akin.
Habang ako naman ay hindi makapaniwala. Patungo ako sa Tarangkahan ng mga Alaala? Ang nababasa ko sa libro at tinuturo sa akademya ay mismo mararanasan ko na. Kumabog ang aking dibdib nang makita kong papalapit nang papalapit kami sa kulay puting pintuan.
Sa labas ng puting tarangkahan ay may nagbabantay na anghel. Nagbilang siya ng sampung kaluluwa. At ako ang ika-sampu. Binuksan niya ang pintuan at pinapasok kami. Nang makapasok ako sa unang tarangkahan ay sumalubong sa akin ang mga puting bola na gawa sa liwanag.
Sa loob ng bolang 'yon ay may mga puting palutang-lutang na alaala. Sa aking pagkakaalala, ang unang tarangkahan ay ang tarangkahan ng mga alaala. Kukunin ang aming alaala para gamitin ito sa ikatlong tarangkahan. Ang Tarangkahan ng Panghuhusga.
Nang makahakbang ako sa puting linya ay lumutang ako't dahan-dahang napatingala. Napapikit ako sa aking mata nang isa-isa kong nakikita ang aking mga alaala habang kinukuha ito mula sa akin.
Kumunot ang aking noo. At iminulat ang aking mga mata. Napahawak ako sa aking suot-suot na puting sutla, at napatingin sa aking apat na pakpak. Ang dalawa ay kulay puti, at ang dalawa pang natira ay kulay itim. Muling kumunot ang aking noo.
Sino ako? Paano ako napunta sa lugar na 'to? Ano'ng ginagawa ko rito? Mas lalong napakunot ang aking noo nang mapansing may iba pang anghel kasama ko rito. Lahat kami ay nakapila. Nagulat na lamang ako nang naglakad nang kusa ang aking mga paa papalabas ng silid na 'to.
Nang makalabas kami sa silid na 'yon ay sumalubong sa akin ang kadiliman. Tanging batong tulay lamang ang aking tanaw. Hindi ko alam hanggang saan ang tulay na aming nilalakaran. Hanggang sa tanaw ko na ang kulay pulang pintuan. Hindi ko alam kung ilang minuto kaming naglalakad hanggang dito sa dulo.
At hanggang ngayon hindi ko pa rin naiintindihan kung bakit ako narito. At kung sino ang mga anghel na ito na kasama kong naglalakad sa batong tulay. Hindi ko alam pero kinabahan ako bigla sa hindi malamang dahilan.
Tumindi ang kabog ng aking dibdib nang makapasok ako sa pulang pintuan. Sumalubong sa akin ang walang katapusang kadiliman. Kahit ilang ulit kong imulat ang aking mga mata, wala talaga akong nakikita.
"May ibang nilalang ba diyan?" rinig kong sigaw ng isang hindi ko kilalang boses.
Hindi ako sumagot. Nanatili lamang akong alerto. Diretso lamang ang aking lakad. Halos mawalan ako ng balanse nang may mabunggo ako. Sa hindi malamang dahilan, mabilisan kong ikinumpas ang aking mga kamay.
Lumabas ang bola na gawa sa liwanag. Hindi ko alam kung paano ko ito nagawa, pero pamilyar sa akin ang pakiramdam na 'to. Hindi ko lang matatandaan kung kailan o saan ko ito naranasan. Mas lalo akong humanga nang lumutang ito sa ibabaw ng aking palad.
Kung gagalaw ang aking kamay, susunod naman ito. Tila ba'y may enerhiya sa pagitan ng aking kamay at sa bola na gawa sa liwanag. Nabaling ang aking atensyon nang mapansin ko ang paligid.
Walang kahit na anong kagamitan ang nandito. Talagang walang katapusang kadiliman. Hindi ko rin alam kung hanggang saan ako dadalhin ng aking mga paa. Napansin ko namang nahihirapan ang ibang anghel dahil sa sobrang dilim.
Ibig sabihin, kahit na may liwanag akong dala, ako lang mismo ang may kakayahang makakita sa daan. Kumabog ang aking puso nang bigla kong nakita ang dalawang anghel na nahulog sa batong tulay na aming binabagtas.
Napatingin ako sa bangin. Sa sobrang lalim nito, hindi ko na rin tanaw ang mga nahulog na anghel. Napaalerto naman ako nang may mapansin ako sa tulay. May kuminang na kulay gintong linya. Hindi ko alam kung para saan ito, pero ang hula ko'y baka ito ang magiging gabay sa akin papalabas dito.
Sinundan ko ito. Nahinto lamang ako sa aking paglalakad nang bumunggo ako sa likuran ng isang anghel. Lumingon ito sa akin. Kumunot ang aking noo nang makita ko ang hitsura niya. May hawak din siyang bola na gawa sa liwanag dahilan para mapangiti ako.
"Pamilyar ang hitsura mo, nagkakakilala na ba tayo?" Sa sobrang pamilyar niya, hindi ko na maiwasang mapatanong sa kaniya.
Umiling siya sa akin bilang pagtugon. Pero nakakunot din ang kaniyang noo. Tila ba'y pareho kami ng nararamdaman. Tila ba'y pilit naming inaalala, pero kahit na ano mang gawin namin wala pa rin kaming ideya kung kilala ba namin ang isa't isa.
Kahit na ang aking sarili hindi ko kilala. Hindi ko rin natatandaan kung paano ako napunta sa lugar na 'to. Isinawalang bahala ko na lamang ang isiping 'yon at nag-pokus sa tulay. Sabay kaming naglakad habang nakatingin pa rin sa aming dinadaanan.
Tahimik lamang kaming dalawa. At ang pakiramdam na gusto kong makalabas sa lugar na ito ay unti-unting lumalaki. Ang kagustuhang makatakas sa walang katapusang kadiliman. Hindi na lamang namin namalayan na nakarating na kami sa kulay puting pintuan.
May nakabantay ding anghel. Napansin kong napatingin siya sa akin nang sandali at sumilay ang matamis na ngiti sa kaniyang labi. Pero kaagad din naman niya itong binawi. Tumayo siya nang matuwid at sumeryoso ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
"Nalagpasan niyo na ang unang pagsubok sa tarangkahan ng mga hamon. Binabati ko kayo!" Masigla niyang bati sa amin.
Subalit, nawala ako sa atensyon sa pagiging masigla niya. Sa halip ay napakunot ang aking noo dahil sa sinabi niya. Tarangkahan ng mga hamon? Unang pagsubok? Ano'ng lugar itong napasukan ko?
Napansin ko namang nakatingin siya sa aking likuran. At doon ko nakita ang mga anghel na kasabay namin hanggang dito. Lahat sila ay may nakalutang na bola sa mga palad na gawa sa liwanag.
Kumunot na naman ang aking noo sa ilang pagkakataon. May napansin akong tatlong anghel na sobrang pamilyar sa akin. Dalawang lalaki at isang babae. Nararamdaman kong makapangyarihan sila. At ramdam na ramdam ko rin ang kanilang emosyon. Puno ng pagkadismaya sa sarili.
Nang mapansin nila akong tatlo na nakatingin sa kanila, nakita kong kumunot din ang kanilang noo. Nagtitigan kami ng ilang segundo bago maputol ito nang bigla naming narinig ang pagbukas ng puting pintuan.
Naglaho ang aking bola na gawa sa liwanag nang makapasok ako sa pintuan. Kumpara sa naunang pintuan ay sobrang liwanag naman dito. Iyon nga lang ay napuno ng naglalakihang ipo-ipo ang lugar.
Nandito kami sa tuktok ng bundok. At sa ilang metrong layo ay napansin ko ang isa pang bundok. Nakuha ko kaagad ang ibig iparating nito. Kailangan naming makarating sa bundok na 'yon nang hindi nadadawit sa lakas ng hangin dulot ng ipo-ipo.
Bumalik na naman sa aking isipan ang sinabi ng anghel na nagbabantay sa pintuan. Kung ang walang katapusang kadiliman ay ang unang pagsubok, ito naman ay ang ikalawang pagsubok. Nakita ko namang lumipad ang isang anghel para lagpasan ang mga ipo-ipo, subalit siya ay tinangay lamang ng sobrang lakas ng hangin nang walang kahirap-hirap.
Napatingin ako sa dalawang lalaki at isang babaeng anghel nang makita kong ikinumpas nila ang kanilang mga kamay. Sila 'yong mga anghel na sobrang pamilyar din sa akin. Doon sa babaeng anghel na mayroong puting buhok na hinahaluan naman ng kulay pula ang iilang hibla nito ay napansin kong nabalutan ng kulay pulang enerhiya ang kaniyang buong katawan.
Sa pagkakataong 'to, napatingin naman ako roon sa lalaking anghel na sobrang tahimik. At malamig ang bawat tingin niya sa iba. Nabalutan ng kulay berdeng enerhiya ang kaniyang katawan. At ang panghuli ay ang lalaking brusko ang pangangatawan, may kulay gintong pakpak, buhok, at ang kaniyang suot-suot na damit na gawa sa sutla.
Siya ay nabalutan ng kulay gintong enerhiya. Sabay nilang ipinagaspas ang kanilang mga pakpak. At sabay silang lumipad patungo sa mga naglalakihang mga ipo-ipo.
Humanga kaagad ako nang mapansing lumagpas lamang sila sa ipo-ipo nang walang nangyari. Tila ba'y hindi sila tinatablan ng malakas na hangin dahil sa enerhiyang ibinalot sa kanilang katawan. Tila ba'y proteksiyon ito.
Ikinumpas ko ang aking mga kamay. Nag-pokus sa aking binabalak. Napasigaw na lamang ako nang biglang bumigat ang aking karamdaman. Subalit hindi ako nagpapatinag. Patuloy lamang ako, hanggang sa napagtagumpayan ko ito.
Kumunot ang aking noo sa nakita. Ang aking enerhiya ay may dalawang klaseng kulay. Ang kalahating nasa kaliwa ko ay kulay ginto. Habang sa kanan naman ay kulay itim na pinaghaluan ng kulay lila.
Nagkibit-balikat na lamang ako't ipinagaspas ang aking mga pakpak. Ang kaninang nakakabinging hangin, at mahapdi sa balat ay naglaho na lang bigla. Hindi ko na rinig ang tunog ng hangin. Tila ba'y kumalma ang paligid ko.
Mas lalo akong humanga nang nilagpasan ko lamang ang magkasunod na ipo-ipo. Napalingon naman ako sa aking likuran. Nagkangitian kami ng lalaking anghel na pamilyar din sa akin. Napansin ko ang kulay ng kaniyang enerhiyang nakabalot sa kaniyang katawan. Ito ay kulay puti.
Nagpakawala ako nang malalim na buntonghininga nang matanaw ko na nang malapitan ang kabilang bundok. Nandoon na rin ang tatlong anghel na nauna sa amin. Nang makarating kami sa bundok ay nakita ko ang kulay dilaw na pintuan. Gaya ng dalawang nauna, may anghel din na nagbabantay dito.
Sabay kaming lumapag sa paanan ng bundok, at nagulat ako nang salubungin kami ng matatamis nilang ngiti. Nang makita ko sila ng malapitan, napansin kong mas matanda silang tatlo sa akin. Iniyuko ko ang aking ulo bilang paggalang.
"Binabati ko kayong lima dahil nalagpasan ninyo ang dalawang naunang pagsubok. Ngayon ay papasok kayo sa huling pintuan." Nakangiting bati nito sa amin.
Napalingon ako sa mga naiwang anghel na sinusubukan ang lahat ng kanilang makakaya makalagpas lamang sa mga naglalakihang ipo-ipo. Ibig sabihin, kaming lima ang mauunang papasok sa dilaw na pintuang ito.
Nang buksan ang dilaw na pintuan ay naglakad na kami papasok dito. Ako pa ang nauna. Nang maisarado ang pintaun ay napatilapon na lamang ako papunta sa dingding nang biglang may humampas na malaking binti sa aking tagiliran.
"Binibini!" rinig kong nag-aalalang sigaw sa akin doon sa lalaking anghel na may gintong pakpak.
Bumangon ako sa pagkakabagsak sa sahig. At sumalubong sa akin ang napakalaki at mabangis na ibon. Ang ibong ito ay kasing-kulay ng bahaghari ang kaniyang mga balahibo. Hindi ito pangkaraniwang ibon.
Nakita ko namang nagmanipula ng panangga iyong lalaking anghel na may gintong pakpak at buhok nang makita niyang papunta na sa kaniya ang sipa ng ibong ito. Napaatras lamang siya ng ilang pulgada dahil sa puwersa nito.
Napahawak kami sa aming tenga nang bigla itong sumigaw at nagpapadyak dahil sa galit. Sa kabilang dako ng aking mata, nakita ko namang nagmanipula ng malalaking ugat iyong babaeng anghel at itinali ang mga paa ng ibon.
Nagpupumiglas ito. At nagsimula na namang umiyak. Subalit, kakaiba ang kaniyang iyak. Tila ba'y bawat iyak nito ay parang musika. Ang kaibahan nga lang ay sobrang sakit nito sa tenga. Ang mga padyak nito ay tila isang tugtog.
Nag-aalala akong sumigaw sa ka-edad ko na lalaking anghel nang makita ko siyang humakbang papalapit sa ibon. Bumagsak ang aking talukap sa mata nang mag-umpisa siyang kumanta. Pero pilit kong ibinuka ito at hindi nagpadala sa nakakaantok na timbre niyang boses.
Matapos niyang kantahan ang ibon ay unti-unti itong kumalma. Dahan-dahan ding nagsibagsakan ang talukap nito sa mata. Humiga ito sa sahig. Hanggang sa humihilik na ito. At huminto na rin siya sa pagkanta. Doon na rin bumalik lahat ng lakas namin sa katawan.
"Paano mo nalaman?" Humahanga kong bulong sa kaniya.
Nagkibit-balikat siya na tila wala siyang ideya kung paano. "Hindi ko alam kung paano ko nalaman. Pero tila ba'y may nagsasabi sa likuran ng aking utak na ang ibong ito ay ang ibong Talda. Ang mga taldang ibon ay nahuhumaling sa musika, ngunit kung gising naman ang mga ito ay sobrang bangis."
Tumatango-tango kami sa sinabi niya. At naglakad patungo sa pintuan na bigla-bigla na lamang sumulpot sa hindi kalayuan. Nang makalapit kami roon ay nakangiti ng matamis ang nagbabantay na lalaking anghel.
"Binabati ko kayo dahil napagtagumpayan niyong lagpasan lahat ng pagsubok sa Tarangkahan ng mga Hamon. Ngayon, kayo ay papasok sa ikatlong tarangkahan patungo sa kabilang buhay." Huminto muna siya sa pagsasalita at hanggang ngayon suot-suot pa rin niya ang matamis na ngiti sa kaniyang labi. "Tarangkahan ng Panghuhusga."
Sabay ng kaniyang pagbitaw ng salitang 'yon ay siyang pagbukas naman ng pintuan. Kapwa kami nagkatinginan. Pareho kaming kinakabahan sa posibleng naghihintay sa amin sa loob ng pintuang ito.
Naglakad na kami papasok. Pagkapasok ko'y sumalubong sa akin ang napakaraming bolang puti at sa loob naman nito ay ang mga kulay puting enerhiya na palutang-lutang. Hindi ko alam kung ano'ng klaseng enerhiyang iyon.
Napatingala ako. Sobrang haba ng silid na 'to. Mas lalong bumagsak ang aking bibig sa sahig nang mapansing may mga bituing palutang-lutang. Ang aming inaapakang sahig ay pakurba, tila isang hugis gasuklay.
At sa gitna naman ay ang napakahabang hagdan pataas. Mayroon ding hagdan sa kaliwa at kanan. Sa dulo ng tatlong hagdan ay makikita ang tatlong anghel na may nakaputong na korona sa kani-kanilang ulo. Dalawang babaeng anghel at isang lalaking anghel sa gitna.
Napatingala pa ako lalo nang mapansing may isa pang babaeng anghel na nakaupo sa kaniyang upuan sa ibabaw pa ng tatlong anghel. Ang koronang nakaputong sa kaniyang ulo ay mas malaki sa tatlo.
May hawak-hawak din siyang mahiwagang tungkod. Lahat sila ay suot-suot ang seryosong mukha. Lahat kami ay inoobserbahan. Nabigla na lamang ako nang kusang lumuhod ang isa kong tuhod sa sahig at napayuko ang ulo. Napansin ko ring ganoon din ang ginawa ng mga kasama ko.
Nagkatinginan kami nang naguguluhan. Makaraang dalawang segundo ay kusa rin kaming tumayo. At napatingin sa apat na anghel na sobrang nakakaintimida. Yumanig ang sahig nang ipukpok ng babaeng anghel ang kaniyang mahiwagang tungkod.
Nakita kong tumayo ang babaeng anghel na nakaupo sa kanan. Mayroon siyang kulay berdeng mga pakpak, berdeng mga buhok, mata, kilay at pilik-mata. Nakasuot siya ng kasuotang tulad ng isang hukom.
"Ang pangalan ko'y Terra. Isang hukom at ang tagapagbantay sa unang paraiso." Kumunot ang aking noo dahil sa sobrang pamilyar niyang pangalan. Nakita ko ring ganoon din ang mga kasama ko.
Sunod na tumayo ang babaeng anghel na nakaupo sa kaliwang banda. Siya ay may kulay asul na mga pakpak, buhok, mata, kilay, at pilik-mata. "Ako si Aqua, isang hukom at ang tagapagbantay sa pangalawang paraiso."
Pagkatapos niyang ipakilala ang sarili ay sumunod na tumayo ang lalaking nakaupo sa gitna. Siya ay may puting mga pakpak, buhok, mata, pilik-mata at kilay. "Ako naman si Ventus. Isa sa mga hukom at ang tagapagbantay ng ikatlong paraiso."
Biglang bumigat ang tensyon sa paligid. Napatingin kaming lima sa babaeng nakaupo sa pinakadulo. Tila ba'y siya ang reyna sa tatlo. Siya ay may pulang mga pakpak, buhok, nagbabagang mga mata, kilay, at pilik-mata.
"Ako si Ignis. Ang punong mahistrado sa korteng ito. Ako ang nagpapanatili sa kapayapaan ng tatlong paraiso." Umalingawngaw ang nakakaintimida niyang boses sa silid na 'to. "Nandito kayong lima upang huhusgahan kung aling paraiso ang inyong kahahantungan. Kung tatawagin ang pangalan, humakbang ng dalawang hakbang."
Biglang yumanig ang sahig nang ipukpok nito muli ang kaniyang mahiwagang tungkod.
"Serephain!" Nanlaki ang aking mga mata nang kusang humakbang ang aking mga papa papalabas ng pila naming lima.
Kumabog ang aking puso nang tignan nila ako nang masinsinan. Tila ba'y binabasa nila ang aking kaluluwa. Nakita ko namang lumutang papalapit sa punong mahistrado ang isang puting bola na may lamang puting enerhiyang lumulutang sa loob.
"Binibining Serephain, isang kalahating Axphainian at isang kalahating Cimmerian. Anak ng punong mahistrado at prinsesang Cimmerian. Ang itinakda ng Axphain na namatay habang pinoprotektahan ang inang bayan!" Hindi ko alam pero bigla na lamang tumulo ang aking mga luha sa mata matapos marinig ang sinabi ng punong mahistrado.
"Anghel na namuhay ng halos labing walong taong hindi nasisilayan ang hitsura ng mundo. Pinagkaitan ng kalayaang makalipad dahil sa pagiging kakaiba. Anghel na naghahangad na baguhin ang sistema ng Axphain," rinig kong komento ni Aqua. Patuloy lamang siyang tumitingin sa nakalutang na gintong papel. "Walang kasalanang nagawa."
Tumingin silang apat sa akin nang nangunguryusong tingin. Tila hindi makapaniwala sa kanilang nabasa. Kinunutan nila ako ng noo at ibinalik ang kanilang atensyon sa gintong papel.
"Imposibleng walang kasalanang nagawa ang batang ito, punong mahistrado!" Hindi pa rin makapaniwalang saad nito.
Nanatiling tahimik ang punong mahistrado. Habang ako naman ay kanina pa nanginginig sa takot na dala nilang apat.
"Serephain, anghel na walang ibang hinangad kundi ang mamuhay ng patas kasama ang kaniyang mga mahal sa buhay." Narinig kong komento ng punong mahistrado. Suot-suot nito ang kaniyang humahangang ekspresyon sa mukha. Ang kaninang nakakaintimida niyang presensya ay biglang naglaho. "Ang itinakdang ito ay pinili ng diyosang si Divine na maging karapatdapat na susunod na Suprema ng Axphain. Naniniwala ang diyosa na ang batang ito ay gagawa ng kaibahan sa mundo."
Biglang inilabas niya ang timbangan ng hustisya. "Ito ang makakapagsabi sa atin kung malinis nga ba ang kaluluwa ni Binibining Serephain!"
Dahan-dahang gumalaw ito. At isang segundo lamang ang paggalaw nito ay nakuha na nila ang sagot. Parehong pantay ang timbangan. Walang lumamang kahit ni isang timbang. Sumilay ang humahangang ngiti sa labi ng apat na hukom.
"Binibining Serephain, ikaw ay hinahatulan ng walang bahid ng kasalanan. Ikaw ay mapupunta sa ikalawang paraiso. Ang Elysian Fields. Naghihintay sa iyo ang diyosang si Divine." Pagkatapos bitawan ng punong mahistrado ang mga katagang 'yon ay biglang lumutang ang aking katawan.
Dahan-dahang lumapit sa akin ang puting bola na may lamang lumulutang na puting enerhiya. Lumabas ito at pumutok ito sa harapan ng aking mata. Napapikit ako. At iminulat ang aking mata nang matandaan ko lahat ang kwento ng aking buhay.
Hindi ako makapaniwalang nalagpasan ko ang tatlong pintuan sa Tarangkahan ng mga Hamon. At nakilala ang tagapanghusga sa ikatlong tarangkahan. Ang nakalathala sa libro ay mayroon lamang tatlong hukom at ang tagapagbantay ng tatlong paraiso.
Subalit apat pala sila. At higit sa lahat, sila ang diyos at diyosang nagbigay ng biyaya sa ibang Axphainians na magkaroon ng kakayahang makamanipula ng kapangyarihan mula sa apat na elemento.
Bumaba ako pabalik sa sahig. Nginitian nila ako, at isang matamis na ngiti rin ang aking itinugon. Napansin ko naman ang gintong linya sa sahig nang lumiwanag ito. Napatingin ako sa kanila.
"Sundin mo ang liwanag na 'yan, Binibining Serephain. Dadalhin ka sa paraisong nararapat para sa 'yo." Nakangiting saad ng punong mahistrado na si Ignis.
Tinanguhan ko siya bilang pagtugon. Lumingon ako sa apat kong kasama papasok dito. Kabilang na roon ang kasabay kong tatlong Summa na sina Suprema Astra, Supremo Alabama, at Supremo Esma. Kasabay ko rin ang lalaking anghel na nakilala ko roon sa unang tarangkahan.
Iniyuko nila ang kanilang mga ulo, at ganoon din naman ako bago ko sila lagpasan. Sinundan ko ang gintong liwanag hanggang sa dinala ako nito sa isang dilaw na malaking pintuan. Napansin ko ring nandito ang puti at pulang pintuan. Ako naman ay nakatayo sa harapan ng pintuan na pinagitnaan ng puti at pula.
Pinihit ko ang seraduhan at pumasok. Sandali akong napapikit nang sumalubong sa akin ang nakakabulag na liwanag. Dali-dali kong iminulat ang aking mga mata nang marinig ko ang mga huni ng ibon. Nang iminulat ko ang aking mga mata ay sumalubong sa akin ang napakagandang paraiso.
Nakatayo ako sa isang gintong tulay. Ang napakalinaw na tubig sa ilog. Napakasariwa ang hangin. Sa dulo ng tulay, kitang-kita ko ang mga iba't ibang klaseng bulaklak. May mga bato pang kumikinang. Sa hindi kalayuan, tanaw na tanaw ko ang mga gusali. Kitang-kita ko rin ang gintong palasyo.
May mga iba't ibang klaseng hayop din akong nakita. May iilan ding mga naunang Summa na palipad-lipad sa ere. Sa kaliwang banda ng dulo ng tulay ay mga grupong babaeng anghel na may dala-dalang laurel.
Napaka-aliwalas ng kalangitan. Katamtaman lamang ang sinag ng araw. Napalingon ako sa pintuan na aking pinasukan. Nandoon pa rin ito, pero unti-unti itong nawala sa aking paningin dahil kumakapal ang puting usok.
Nagsilakihan naman ang aking mata nang biglang nag-iba ang hitsura ng paligid. Nandito na ako sa loob ng isang magarang gusali. Napaluhod ako agad-agad nang makitang nakaupo ang diyosang si Divine sa kaniyang trono.
Narinig ko pa ang mahihina niyang tawa. "Maligayang pagdating sa Elysian Fields, Binibining Serephain," pagbati niya sa akin. "Maari ka ng tumayo."
Iniyuko ko ang aking ulo bilang paggalang nang makatayo ako.
"Maraming salamat po, diyosang Divine." Pagpapasalamat ko sa kaniyang pagbati.
Nang marinig niya ang aking sinabi ay nakita ko siyang ngumiti. Tumayo siya sa pagkakaupo sa kaniyang trono at lumipad papalapit sa akin. Tinitigan niya ako ng ilang segundo. Nang ipitik niya ang kaniyang mga daliri ay napalitan ng napakagarang damit ang aking simpleng suot.
Kulay ginto ito na may kaunting puti sa pinakadulo. Nakasuot pa ako ng gintong sapatos na limang pulgada ang takong. Hindi ako sanay nito kaya halos mawalan ako ng balanse. Napasunod ako kay Divine nang magsimula siyang maglakad. Napansin ko pang may apat na pixies na nakasunod din sa kaniya.
"Inaasahan na namin ang iyong pagdating, Serephain. Kaya naghanda kami ng munting salo-salo kasama ang mga naunang Summa na napunta rito sa ikalawang paraiso," nagagalak niyang sabi sa akin. Habang ako naman ay tinablan ng kaba dahil makikilala ko sila.
Inayos ko ang suot-suot na damit nang pumasok kami sa loob ng napakalaking silid na ito. Sumalubong sa akin ang napakahabang gintong lamesa na napupuno ng iba't ibang klaseng putahe.
At dumiretso ang aking tingin sa sahig nang makitang nandito na ang mga naunang pinuno ng Axphain. Marami-rami sila. Ang hula ko'y nasa dalawang pu'ng Summa ang nandito. At sigurado akong hindi sila kumpleto. Sila lamang ang mga Summa na napunta sa Elysian Fields.
"Nandito na ang inaasahan natin," anunsyo pa ni Divine. Dahilan para mapalingon ang lahat sa akin. "Mga magiting kong Summa, ipinikilala ko si Binibining Serephain. Ang itinakdang ibinuwis ang buhay para lang sa kapayapaan ng ating lupain."
Nang marinig nila ang sinabi ni Divine ay napalakpakan silang lahat habang nakatayo. Sumalubong pa sa akin ang matatamis nilang ngiti. Napatayo ako nang matuwid nang biglang lumapit sa akin ang lalaking anghel na namumukhaan ko.
Napatitig pa ako sa napaka-guwapo niyang mukha. Narinig ko siyang tumawa nang mahinhin. "Huhulaan ko, namumukhaan mo ako, Binibining Serephain." Tumango ako bilang pagtugon.
Siya ay may gintong pakpak, puting buhok, gintong pilik-mata at ang mapupungay niyang itim na mata. Napatingin ako sa inilahad niyang kamay.
Kaagad ko itong tinanggap. "Nagagalak ko po kayong makilala, Supremo Mikael." Magalang kong saad, dahilan para rumihestro ang humahanga niyang mukha.
Bumalik naman sa kinauupuan si Supremo Mikael. At nagsilapitan sa akin ang iba pang mga Summa. Pinakilala nila ang mga sarili sa akin. Halos sa kanila ay kilala ko na. Pero may iilan ding hindi ko nakikilala.
Nakita ko namang inilahad ng matandang anghel ang kaniyang kamay. Siya ay may mahabang balbas. Ginto rin ang kaniyang pakpak, maging ang kaniyang buhok. Nararamdaman kong makapangyarihan siya.
"Supremo Silviu ang pangalan, Binibini." Nagsilakihan naman ang aking mga mata matapos marinig ang sinabi niya.
Nagtataka pa siya sa aking naging reaksyon. "Kayo po ba ang ama ni Suprema Celestia?" magalang kong tanong sa kaniya.
Sumilay ang matamis niyang ngiti sa labi.
"Ako nga, Binibining Serephain." Pagkatapos marinig ang sinagot niya ay kaagad kong tinanggap ang kaniyang inilahad na kamay.
Nang matapos ang pagpapakilala sa isa't isa ay inanyayahan naman ako ni Divine na maupo na sa upuang nakahanda para sa akin. Ang aking upuan ay malapit sa kaniya dahilan para mahiya kaagad ako. Kaharap ko naman si Supremo Mikael. Katabi ko naman si Supremo Silviu.
Nang makaupo kaming lahat ay biglang sumulpot sina Supremo Alabama, Supremo Esma at Suprema Astra sa aking likuran. Nang mapansin nila ako ay nginitian namin at tinanguhan ang isa't isa.
Bumati muna silang tatlo sa Diyosang si Divine at sa iba pang mga Summa. Nang makaupo sila ay nagsimula na kaming kumain. Nagsilabasan ang napakaraming pixies, at tinulungan kaming kumuha ng aming gustong kainin.
Tahimik kaming lahat sa hapag-kainan. Tanging ang tunog lamang ng mga kubyertos ang maririnig namin. Sa kalagitnaan ng pagkain ay nabaling ang aming atensyon kay Divine nang bigla siyang tumikhim.
"Hindi pa oras mo, Serephain." Tinignan ko ng naguguluhan si Divine. Naghihintay sa susunod niyang sasabihin. "Ang rason kung bakit ka nandito ay upang bigyan ka ng biyaya mula sa mga Summa. At maging mula sa manlilikha na si Akwan."
Nagulat ako sa sinabi niya. At napatingin sa mga Summa na ngayo'y nakangiting nakatingin sa akin. Kumunot ang aking noo.
"Bilang unang Summa ng Axphain, binibigyan ko ng biyaya si Serephain na karapatdapat siyang maging susunod na Suprema. At magpapasalamat sa iyo nang harap-harapan. Lahat kaming narito ay kinikilala kang isang magiting na mandirigma," halos tumulo ang aking luha matapos marinig ang sinabi ni Supremo Mikael.
Binigyan niya ako ng isang tango. At isang matamis na ngiti.
"Ikaw ay may kakayahang baguhin ang sistema ng Axphain kung sa tingin mo'y nararapat para sa ating nasasakupan. Nasa sa dugo mo ang pagiging pinuno, Binibining Serephain. Malaki ang nakikita kong pagbabago ng ating lupain sa mga kamay mo." Nahiya akong nagpapasalamat sa sinabi sa akin ni Supremo Silviu.
Sumang-ayon naman ang iba pa. Nagpasalamat ako sa kanilang lahat. Tumayo ako sa aking kinauupuan at iniyuko ang aking ulo bilang paggalang.
"Kaya naman, ito ang regalo ng mga Summa na nandirito sa silid na ito, magiting na itinakda."
Napalutang ako bigla sa aking kinauupuan nang maramdaman ko ang pagdaloy ng mga kapangyarihan sa aking mga ugat. Napapikit ako sa sensasyong naglakbay sa aking katawan. Naramdaman ko ang pag-iba ng kulay ng aking mga mata. At ang pagbalot ng iba't ibang klaseng kapangyarihan sa katawan ko.
Makaraan ang ilang segundo ay dahan-dahan akong inilapag sa sahig. Kasunod ng boses na nagpahina ng aking tuhod. Biglang nanginig ang aking kalamnan. Boses pa lang ng katas-taasang diyos na si Akwan, ito na ang epekto nito sa akin.
"Maari ka ng gumising, aking anak."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro