Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 58: Digmaan ng Kapangyarihan

Narinig ko ang mga takot at dismayang bulong-bulungan ng mga Axphainians sa nakasaksi sa pangyayari. Hindi sila makapaniwalang trumaydor ang inakala nilang mga Summa na magpapanatili sa kapayapaan ng aming lupain. Sa halip ay ito pa ang magsisimula ng kaguluhan.

"Magdudusa ka sa impyerno, Supremo Alabama!" Nadidismayang sigaw ng isang matandang lalaking anghel.

Napatingin sa kaniya si Supremo Alabama nang may inis sa mata. Nakita ko namang itinaas nito ang nabiyak na semento sa isang gusali at itinapon ito sa kinaroonan ng matanda. Napansin kong hindi lang ang matandang lalaki ang nandoon sa lugar na 'yon.

Marami-rami silang nandoon. May mga babae, mga bata, at matatandang anghel. Narinig ko silang nagsigawan. Pinabilis ko ang aking sarili't nagmanipula ng dingding na gawa sa liwanag. Bumangga ang malaking semento sa aking minapula't nagkapira-piraso.

Dahil sa galit ko ay ginawa kong matutulis na liwanag ang aking minapulang dingding. Nakalutang ang mga ito't naghihintay sa aking sunod na gagawin. Itinaas ko ang aking kamay at itinapon ang mga 'yon sa kinaroroonan ng kalaban.

Subalit mabilis na ikinumpas ang mga kamay ni Suprema Astra at nagmanipula ng simbolo ng demonyo. Isang bilog na kulay lila at sa gitna naman ay makikita ang bituin. Sa paligid ng simbolong 'yon ay kapansin-pansin ang itim na mahika.

Mas lalong pinalaki ni Suprema Astra ang simbolo na kaniyang minapula. Laking gulat ko na lamang na dumiretso sa loob ang aking itinapong matutulis na liwanag. Napakuyom muli ako sa aking palad. Lahat ng aking itinapong matutulis na liwanag ay tila walang silbi.

Nagsilakihan ang aking mga mata nang biglang nagmanipula ng mga matutulis na bagay na gawa sa itim na mahika ang kalaban. Walang pag-alinlangang itinapon ni Suprema Astra ito papunta sa kinaroroonan ko.

Ikinumpas ko ang mga kamay at nagmanipula ng barrier na gawa ng aking itim na mahika. Ang kulay nito ay pinaghalong kulay lila at itim. Nang tumama ang mga ito sa ginawa kong barrier ay lumundag lamang ito't bumalik sa kaniyang pinanggalingan.

Sumilay ang nakakalokong ngiti sa aking labi nang makitang panadaliang nagulat si Suprema Astra. Dahil sa inis niya'y nagmanipula siya ng simbolo ng demonyo't ginawa itong panangga. Sa pagkakataong 'to, ako na naman ang nagulat nang biglang sumulpot siya sa harapan ko't walang pag-alinlangang sinipa ako sa sentro ng tiyan.

"Serephain!" Narinig ko pa ang malakas na sigaw ni Caspian sa aking pangalan bago ako tumilapon papunta sa isang gusali.

Napadaing ako sa sobrang sakit. Napaubo pa ako ng dugo dahil sa lakas ng enerhiyang ibinigay sa akin ni Suprema Astra. Pinagaspas ko kaagad ang aking mga pakpak nang mapansin kong tuluyan ng papaguho ang gusali.

Halos mawalan ako ng balanse nang dalhin ko ang aking sarili sa ere. Tinignan ko ng huling tingin ang gusaling gumuho. At napatingin ulit sa kinaroroonan ng mga kalaban. Sa mga oras na ito, halos hindi ko na makita sina Supremo Alabama at Ginang Priscilla dahil sa bilis nilang naglalaban.

Ang tanging aking nakikita ang kulay ng kanilang kapangyarihan. Si Caspian naman ay nagmanipula ng gintong espada at ganoon din si Suprema Astra. Sumalubong kaagad sa akin ang tunog ng nagsasanggaang mga sandata.

Palipad na umikot si Caspian nang sinubukang ibaon ni Suprema Astra ang kaniyang espada sa kaliwang balikat niya. Nang mabalik ako sa reyalidad ay lumipad ako papalapit sa mga anghel na nanonood sa labanan.

"Dalhin niyo na kaagad sila sa puting bulwagan habang abala pa ang mga kalaban," sabi ko sa tatlong estudyante. Nataranta naman silang napatango at lumipad patungo sa akademya.

"Ano'ng akala niyo? Hahayaan ko kayong makatakas sa mga kamay ko?!" rinig kong sigaw ni Suprema Astra habang ang kaniyang atensyon ay nasa sa mga sibilyan.

Nagsigawan sila sa takot. Pinaulanan niya kaagad sila ng mga matutulis na bagay na gawa sa itim na mahika. Dali-dali kong ikinumpas ang aking mga kamay at nagmanipula muli ng barrier. Muling lumundag ang mga matutulis na bagay niya nang tumama ito sa barrier na aking ginawa. At lumipad ito pabalik sa kaniya.

Subalit sa pagkakataong 'to, hindi na siya nagmanipula ng simbolo ng demonyo. Sa halip ay sa isang wasiwas lang ng kaniyang kamay ay nag-iba ito ng direksyon. Tumama ito sa kung saan-saan. Sa hindi kalayuan ay narinig ko ang mga hiyawan ng mga natamaan.

Napakuyom ako ng aking palad. Binalutan ko ng liwanag ang aking kamao. Dahil dito, nag-anyong kamao din ang liwanag na nakabalot sa aking kamao. Pinalaki ko ito upang mas malakas ang puwersa nito kapag may susuntukin ako.

Ginamit ko ang aking ekstrang kakayahan na tinatawag na teleportation. Sumulpot ako sa likuran ni Suprema Astra habang naglalaban silang dalawa ni Caspian. Bumuwelo ako't sinuntok siya sa kaniyang likuran dahilan para mapatilapon siya ilang metro ang layo sa amin.

Nakita ko pang nabali ang mga kahoy nang tumama siya sa mga 'yon. Dalawang segundo ang nakalipas, sumulpot siya muli sa aking harapan na galit na galit. Bago pa man niya ako mapuruhan ay nag-teleport ako ilang pulgadang layo sa kaniya.

Sumilay ang mapang-asar na ngiti sa aking labi dahilan para umasim ang kaniyag mukha. Sa halip na sa akin niya ipagbunton ang kaniyang galit ay kay Caspian niya ito inilabas. Subalit, bago pa man niya masipa si Caspian sa sentro ng kaniyang tiyan ay tumama ang dulo ng sibat na minapula niya sa mukha ni Suprema Astra.

Nagkaroon ng maliit na hiwa sa mukha ni Suprema Astra. At rumagasa kaagad ang itim niyang dugo sa kaniyang pisngi. Dahil dito ay napansin ko kaagad ang nakabalot na itim na enerhiya sa katawan ng kalaban.

"Caspian, lumayo ka sa kaniya!"

Huli na ang aking sigaw nang makatamo siya ng malakas na dalawang suntok sa mukha si Caspian. Hindi pa siya nakuntento't sinipa niya ito dahilan para mapatilapon siya patungo sa palasyo. Subalit bago pa man tumama si Caspian doon ay sumulpot na naman si Suprema Astra sa kaniyang likuran at muli siyang sinipa.

Tumilapon na naman si Caspian patungo sa akademya. At muli na namang sumulpot sa likuran ni Caspian si Suprema Astra at sinipa na niya naman. Tila ba'y ginawa niyang bola si Caspian.

Ikinumpas ko ang aking mga kamay at nagmanipula ng iba't ibang klaseng sandata. Nakalutang na ang mga ito sa gilid ko't naghihintay ng aking pagwasiwas ng aking kamay. Dahan-dahan kong inikot ang aking kamay at sinundan ito ng mahigpit na pagkuyom.

Dahil sa ginawa ko, nagsiliparan ito papunta kay Suprema Astra. Nahinto siya sa kaniyang ginagawa kay Caspian nang tumama ang dalawang espada sa magkabilang balikat niya. Sinundan ito ng dalawa pang kutsilyo sa magkabilang tuhod niya. Napahiyaw siya sa sakit.

Marami pa ang natira sa mga sandata. Sasaluhin ko sana si Caspian sa pagkakahulog, ngunit inunahan na ako ni Tita Ailia. Tumingin siya sa akin at tinanguhan ako. Gusto niyang mag-pokus ako sa kalaban. Ibinaling ko ang aking atensyon kay Suprema Astra. At sumugod sa kaniya habang hinahabol siya ng mga lumilipad kong sandata.

Umalingawngaw ang kaniyang nakaririnding tawa niya sa buong siyudad ng Luxa. Nagsibagsakan bigla ang aking mga sandata nang bigla siya mawala sa aking paningin. Nagtagis ang aking bagang dahil may kakayahan siya ng invisibility.

Ang aking ipinagtaka ay paano niya nagawa iyon lalo na't magagawa lamang ng mga taga Ignis ang kakayahang ito kapag nagmanipula sila ng apoy.

"Alam mo, Serephain. Nagbago na ang aking isip na kunin ka at gawing kakampi. Kundi ay dadalhin ko ang pugot mong ulo sa Ignis," nanggagalaiti sa galit niyang sabi.

Habang ako naman ay panay lingon at sinundan ang boses niya. Subalit nahirapan lamang ako dahil hindi ko kayang sabihin kung nasaan siya. Tila ang boses niya ay nagkalat sa buong lugar. Nabaling na naman ang aking atensyon sa kaniyang sinabi. Sumunod ang pagkunot ng aking noo dahil sa pagtataka.

Narinig ko na naman sa kung saan-saan ang boses niya. Umalingawngaw sa aking tenga ang mga tawa niya.

"Whoopsie!" Natatawa niyang saad. "Tama ka, Serephain. Ang lungga naming mga elves ay nasa Ignis. Gumawa kami ng ibang dimensyon upang itago ang aming mga sarili, habang pinaplano namin ang pag-atake sa lupain niyo," dagdag niyang saad.

Kumuyom ang aking mga kamao dahil sa sinabi niya. Sikreto silang namuhay sa loob ng aming lupain nang hindi namin napapansin? Tumawa ako ng mahina. Habang kanina pa ako nagtitimpi ng aking galit.

"O magandang Binibining Serephain. Katunayan niyan, nandito kami upang kunin ang kapangyarihan mo at angkinin ito." Nagsilakihan ang aking mga mata. "Kapag napagtagumpayan namin ang pagkuha ng kapangyarihan mo, papalitan namin ang pangit at mapanghusgang sistema ng Axphain. Siyempre, pagkatapos mapasakamay namin ang Axphain, maghahasik naman kami ng lagim sa buong Metanoia."

Mas lalong humigpit ang pagkakakuyom ng aking mga palad matapos marinig ang sinabi niya. Siyempre, inaasahan ko na ito. Sino ba'ng mga kinain ng inggit magkakaroon ng kuntento sa mga bagay na meron sila?

Maghahanap at maghahanap pa rin 'yan ng kapangyarihan hanggang sa hindi nila makukuha ang inaasam ng kanilang mga itim na puso. Sila 'yong mga nilalang na handang manakit ng iba, makuha lang ang gusto nila.

At sila 'yong mga nilalang na gusto kong mawala sa mundong 'to. Kahit buhay ko man ang kapalit, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko mapuksa lamang sila. Wala silang puwang sa mundong gusto ko.

"Hanggang saan kaya kayo dadalhin ng kasakiman niyo?" tanong ko sa kaniya dahilan para mamayani ang katahimikan. "Alam niyo kung saan kayo nararapat? Ang mabulok at magdusa sa impyerno!" Galit na galit kong sigaw.

"Sabihin mo na ang gusto mong sabihin, Serephain. Subalit hindi 'yan sapat para mapigilan mo kami sa aming inaasam. Magkamatayan man, gagawin namin ang lahat matupad lamang ang aming mga pangarap!" Galit niyang sigaw pabalik sa akin.

At hanggang ngayon hindi ko pa rin siya nakikita. Umalingawngaw pa rin ang nakaririndi niyang boses.

Napatilapon na naman ako nang bigla akong tamaan ng bola na gawa sa liwanag. Diretso ang aking bagsak sa sementadong sahig. Nahilo ako bigla nang tumama ang aking likod at napahiyaw sa puwersa ng aking pagkakabagsak. At tila ba'y nabalian ako ng buto.

Babangon na sana ako nang maramdaman ko ang bigat ng isang nilalang na inuupuan ako sa aking tiyan. Makaraan ang dalawang segundo, nagpakita na sa akin si Suprema Astra. Sumalubong pa sa akin ang malademonyo niyang ngiti sa labi.

Hindi ko alam pero tila ba'y nasa ilalim ako ng mga biyak na semento ng gusali. Dalawang dosena ang bigat nito dahilan para mapasigaw ako sa sobrang sakit. Napahiyaw ako sa hapdi nang unti-unting lamunin ni Suprema Astra ang aking kapangyarihan.

Napakagat ako sa aking ibabang labi nang saksakin niya ang aking tagiliran gamit ang buntot niya. Biglang nanghina ang aking buong katawan. Namanhid lahat ang aking kalamnan. Marahil ay dulot nito ang lason na nagtakbuhan sa aking mga ugat.

Napansin kong nasa gilid ng aking mukha ang magkabilang kamay ni Suprema Astra. Marahil ay ito ang ginamit niya para lamunin ang aking kapangyarihan. Kapag tuluyan na niya itong maangkin ay posibleng wala ng makakapatigil sa kaniya.

Mas lalong lumakas ang aking mga sigaw nang maramdaman ko ang sobrang sakit. Naramdaman ko ang pagtulo ng aking luha sa mga mata. Ang pagtulo ng dugo sa aking ilong. Sa sobrang lakas ng puwersa niya, hindi ko kayang makilos ang aking mga kamay.

Tila ba'y pinako na ako sa aking hinihigaan. At may puwersang humihila sa akin sa lupa. Upang mapanatili ako sa aking ayos. Nahinto lamang ang sakit nang biglang tumilapon si Suprema Astra sa mga sirang gusali.

Sumalubong sa aking mga mata ang aking mga kaibigan na sina Borin, Rony, Crystal, at Collyn. Lahat sila ay duguan. Inilahad ni Borin ang kaniyang kamay na kaagad ko namang tinanggap. Nang makabangon ako ay tila bumalik ang aking buong lakas.

'Yong lahat na kapangyarihan na nilamon ni Suprema Astra ay bumalik sa aking katawan. Pero nandoon pa rin ang kaunting kirot.

"B-bakit kayo nandito?" tanong ko sa kanilang apat.

Narinig kong bumuntonghininga si Crystal. Kapansin-pansin din ang galit sa bawat pagbuntonghininga niya.

"Traydor si Supremo Esma. Habang papunta kami sa aming destinasyon, inatake niya kami," sagot naman ni Crystal sa aking tanong. "Alam niyo kanina pa ako nanggagaliti sa galit sa mga traydor!"

Nakita ko ang dismayadong mukha ni Crystal. Talagang nakapaskil sa mukha niya ang tinding galit. Nakakuyom pa ang kaniyang mga palad.

"Siya rin ang dahilan kung bakit nakapasok nang walang kahirap-hirap ang mga kalaban sa Terra. At siya rin ang dahilan kung bakit namatay ang mga mahal ko sa buhay." Tumagos hanggang buto ko ang galit ni Crystal matapos kong marinig ang sinabi niya.

Napatingin ako sa tatlo ko pang kaibigan. Ganoon din ang ekspresyon ng kanilang mukha. Dismayado at galit. Nakita naming bumangon si Suprema Astra sa pagkakatilapon sa kaniya at ngumisi lang sa amin.

Napaluhod kaming lahat sa sahig nang biglang bumigat ang enerhiyang nakapaligid sa amin. Sa pagkakataong 'to, hinihila na kami papunta sa lupa. Ang kaninang mabigat na enerhiya ay dinoblehan pa ito sa naranasan namin ngayon.

Kinilabutan kaagad ako nang umalingawngaw ang malademonyong tawa ng isang lalaki. Mas lalo kaming hinila papunta sa lupa nang mas lalong bumigat ang enerhiyang nagkalat sa buong paligid. Ang kapangyarihan ng isang 'to ay kahalintulad ng kapangyarihan ni Divine.

Maya-maya pa'y nawala na lamang bigla ang mabigat na enerhiya. Tumingala ako. At doon sumalubong sa akin ang kakaibang hitsura ni Supremo Esma. Siya ay may itim na koronang nakaputong sa kaniyang ulo.

Napansin ko ang mataas niyang kuko. Nabalutan ng itim ang ilalim ng kaniyang mata. Matutulis din ang kaniyang tenga, mayroong buntot ng isang demonyo, itim ang mga mata, at mayroong kulay puting buhok. Subalit binigyan lamang niya kami ng isang nakakalokong ngiti. Sinasabi niya na talo na kami sa pamamagitan dito.

Napatingin ako kay Borin nang idantay niya sa aking balikat ang kaliwang kamay niya. Tinignan niya ako sa mata. Napatingin ako sa mga kaibigan ko nang nag-aalala. Subalit tinanguhan lamang nila ako bilang pagtugon. Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga.

Pagkatapos niyon ay pinagaspas ko ang aking mga pakpak pataas. Sumalubong na naman sa akin ang malademonyong ngiti sa labi ni Supremo Esma nang makita ako. Nang ngumiti siya sa akin ay nakita kong may pangil siya sa kaniyang mga ngipin.

"Sa wakas ay nagkaharapan na tayo, Serephain," rinig kong nagagalak niyang saad. Habang ako naman ay napapangiwi sa mga sinasabi niya. "Tama nga si panginoong Gedeon. Ikaw nga ang anghel na tinutukoy niya. Ang anghel na may kapangyarihan na hango sa dalawang makapangyarihang diyos."

"Ang kapal ng pagmumukha niyong traydurin ang ating lupain, Supremo Esma." Madiin kong sabi sa kaniya habang tinatapunan siya ng mga matutulis na tingin.

Tumawa siya ng malakas, dahilan para yumanig ang lupa. "O aking Binibining Serephain, hindi kami nagtraydor sa Axphain. Dahil sa simula pa lang, hindi kami isang Axphainians. Ang tunay na Supremo Esma, Supremo Alabama, at Suprema Astra na inyong nakilala ay . . . kasamaang palad wala ng buhay."

Nagsilakihan naman ang aking mga mata dahil sa sinabi niya. Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay biglang nag-iba ang hitsura niya. Ang kaninang lalaking pangangatawan niya ay napalitan ng isang katawan ng babae. Nawala ang pakpak ng isang anghel sa kaniyang likuran, sa halip ay napalitan ito ng pakpak ng isang demonyo.

Mas lalong nagsilakihan ang aking mga mata nang makilala ko ang hitsura niya. Siya 'yong babaeng elf na sinusubukang makipag-komunikasyon kay Gedeon sa pamamagitan ng isang ritwal.

"Tama ka, Serephain. Ako nga 'yon." Narinig kong sabi niya. Tila ba'y nababasa niya ang isipan ko. "At dahil sa mga sakripisyo ko para sa aking lahi ay biniyayaan ako ng kapangyarihan mula kay Gedeon. Ako ang magdadala sa mga pangarap ng aking mga nasasakupan," dagdag niyang saad.

Napatingin ako kay Ginang Priscilla at Tita Ailia. Hanggang ngayon ay nakikipagbakbakan pa rin silang dalawa kay Supremo Alabama. Napatingin ako sa kinaroroonan ng pagsabog. Nakita kong nakikipagbakbakan na rin ang mga kaibigan ko laban kay Suprema Astra.

Ang mga ibang mga estudyante ay abala pa rin sa pagtulong sa mga sibilyang nangangailangan. Ang ibang mga kabalyero mahiko naman ay abala rin sa pakikipagbakbakan sa mga napakaraming kalaban. Nakita ko rin sina ina at ama sa kabilang dako ng siyudad.

Tumingin ako kay Suprema Celestia at kay Ayleth. Si Suprema Celestia ay nakatingin lamang sa akin nang seryoso na kaagad ko namang tinanguhan. Habang si Ayleth naman ay tinignan ako ng nag-aalala. Tinugunan ko lamang iyon ng isang simpleng ngiti.

Napasigaw ako sa sakit nang biglang may enerhiyang hinihila ako. Pilit akong kumawala sa kapangyarihan niya, subalit nabigo lamang ako. Mas lalo akong napasigaw sa sakit nang maramdaman ko ang lason na natamo ko kay Suprema Astra kanina.

Napaiwas ako ng tingin nang hinagod ng kalaban ang aking mukha. Hindi ako makakakilos sa kaniyang ginawa. Tila ba'y alam ko na kung ano ang susunod niyang gagawin. Kukunin ang aking kapangyarihan. Itutuloy niya ang ginawa sa akin ni Suprema Astra kanina.

"Hayaan mo akong ipakilala ang aking sarili bago ko lamunin ang kapangyarihan mo, Serephain." Natatawa niyang sabi sa akin. "Pangalan ko ay Esmeralda. Ako ang katas-taasang pinuno ng mga elves simula pa mang naging ganito kami."

Pagkatapos niyang ipakilala ang kaniyang sarili ay inilagay niya ang kaniyang mga palad sa aking pisngi. Habang nakalutang pa rin ako't hinihila ng enerhiyang hindi ko kilala. Ang kaninang sakit at hapdi na idinulot ni Suprema Astra nang subukan niyang lamunin ang kapangyarihan ko ay dinoblehan ng isang 'to.

Ang boses ko naman ang umalingawngaw sa buong siyudad. Tila ba'y niluluto ang aking kalamnan. Tila ba'y hinihila papalabas ng aking katawan ang kaluluwa ko. Naramdaman ko ang pagtulo ng mainit na likido sa aking mata at ilong.

"Serephain, gamitin mo ang light magic para mabuksan mo ang pinagkukulungan namin!" Nag-aalala at natatarantang rinig kong sigaw sa akin ni Suprema Celestia. "Hindi ako makakagamit ng kapangyarihan dahil nasa loob kami!"

Napalingon ako kay Suprema Celestia. Sumalubong sa akin ang nag-aalala niyang mukha. Habang si Esmeralda naman ay tila walang pakialam basta lang makuha niya ang kapangyarihan ko.

Dahil dito, patago kong ikinumpas ang aking kaliwang kamay at nagmanipula ng liwanag. Nang mapagtagumpayan ko ito ay ginamit ko ito upang buksan ang pinagkukulungan nilang dalawa ni Ayleth. Nang makalabas si Suprema Celestia ay biglang lumiwanag ang buong katawan niya't naging kulay ginto ang kulay itim niyang mga mata.

Divine form.

Napangiti ako nang mapait. Napatilapon si Esmeralda nang sipain siya ng apat na anghel palayo sa akin. Dumiretso siya sa mga nasirang gusali. Nakita ko namang naka-divine form sina ama at Caspian. Habang si ina naman ay nabalutan ng itim na mahika ang kaniyang buong katawan.

Ramdam na ramdam ko ang nag-uumapaw nilang kapangyarihan. Nabigla naman silang apat nang bumagsak ako mula sa ere nang walang lakas. Kaagad na lumipad si Caspian patungo sa akin para lang saluhin ako.

"S-salamat . . ." malungkot kong sabi kay Caspian.

Nginitian lang niya ako pabalik. Habang ako ay nadismaya. Hindi ko alam kailan babalik ang lakas ko, para matulungan ko sila. Idagdag pa ang lason na nagtakbuhan sa mga ugat ko. Kakaiba si Esmeralda. Ang nilamon niyang kapangyarihan ko ay hindi bumalik sa akin. Hindi katulad ni Suprema Astra.

Marahil ay mas madali ang pag-angkin niya sa aking kapangyarihan nang lamunin niya ito isa-isa. Dahan-dahan naman akong inilapag ni Caspian sa sahig. At nagpaalam siya sa akin na tutulungan niya sina Suprema Celestia, ina at ama sa pakikipagbakbakan kay Esmeralda.

Nang makatalikod si Caspian sa akin ay siyang pagdating naman ni Ayleth sa aking tabi. Nginitian niya ako. At isang mapait na ngiti naman ang aking itinugon.

"Marami ka ng nagawa, Serephain. Isa kang magiting na itinakda," pagpapagaan niya sa aking damdamin.

Isang ngiti na naman ang namutawi sa aking labi. "Ayos ka lang ba? Wala bang masakit sa 'yo?" Nag-aalala kong tanong sa kaniya.

Tumawa siya ng mahina. At tinignan ako ng hindi makapaniwala. "Talaga ba, Serephain? Tinatanong mo ako? Ikaw nga 'tong mas maraming sugat sa ating dalawa."

Sasagot na sana ako nang biglang nagsisulputan ang apat na elves. Tumayo siya at hinarap ang apat na kalaban. Sumigaw ang isang elf nang bigla-bigla siyang natunaw. Sumulpot ang dalawa sa harapan ni Ayleth, subalit kalmado pa rin ang ekspresyon ng kaniyang mukha.

Napatakip ako sa aking tenga nang bigla siyang sumigaw. Siren voice. Dahil sa malakas na puwersang lumabas sa kaniyang bibig ay napatilapon ang dalawang elves. At kaagad na nawalan ng malay. Nakita ko namang tumakbo palayo ang natirang isa.

Subalit, dinakip lamang ito ni Ayleth nang walang kahirap-hirap gamit ang mga ugat ng isang halaman. Nakataas pa ang kaniyang kamay upang kontrolin ang mga ugat na 'yon at ipinulupot ang mga ugat sa leeg nito. Mas lalo niya itong hinigpitan hanggang sa mawalan ng buhay ang kalaban.

May tatlong elves muli ang sumulpot. Sumugod ito sa kaniya't nagmanipula siya ng napakaraming matutulis na yelo. Inihagis niya ang mga ito sa kalaban. Ang isa ay natamaan sa noo. Ang dalawa pang natira ay natamaan sa kani-kanilang braso, binti, sentro ng tiyan at leeg.

"Galing . . ." komento ko at napaubo ng dugo.

Dahilan para mataranta si Ayelth. Para kumalma na siya, sinabihan ko siyang ayos lang ako. Hihintayin ko ang pagbabalik ng aking lakas para tumulong kina Suprema Celestia.

Napatingala ako. Nakita ko namang napatilapon si Caspian matapos siyang sipain ng kalaban sa sentro ng kaniyang tiyan. Kitang-kita ko pa ang puwersang ibinigay ni Esmeralda kay Caspian. Pinadalhan ni ama ng mga malalaking bato ang kalaban gamit ang kaniyang kakayahang palutangin ang mga bagay.

Dinagdagan niya pa ito ng bilis para mabaling ang atensyon ng kalaban sa mga inihagis niya. Si ina naman ay nagpadala din ng kaniyang napakaraming bola na gawa sa itim na mahika. Habang si Suprema Celestia naman ay nagpaulan ng napakaraming matutulis na liwanag.

Laking gulat ko na lamang nang hindi ko na tanaw si Esmeralda dahil sa sobrang bilis niya. Lahat ng itinapong mga naglakihang bato ni ama ay nagkapira-piraso lamang nang walang kahirap-hirap. At lahat ng mga bolang itim at matutulis na liwanag nina ina at Suprema Celestia ay nilamon lamang sa minapulang simbolo ng demonyo ni Esmeralda.

Sa kabilang dako ng aking mata, nakita kong hinabol ng mga matutulis na yelo ni Ginang Priscilla si Supremo Alabama. Parehong naka-divine form sina Ginang Priscilla at Tita Ailia. Subalit nahinto lamang ang paglipad papalayo ni Suprema Alabama nang bigla siyang nadakip ni Ginang Priscilla sa kaliwang binti gamit ang kadenang minapula nito.

Metal manipulation. Nakita ko namang parehong nagmanipula ng isa pang espada sina Tita Ailia at Ginang Priscilla. Pareho din nilang binalutan ito ng kanilang kapangyarihan. Subalit kay Ginang Priscilla naman ay binalutan niya ng kulay berdeng mahika ang kaniyang espada.

Hinila ni Ginang Priscilla si Suprema Alabama gamit ang kadena nito't sinaksak nila nang sabay sa dibdib. Nagsilakihan ang mga mata ni Suprema Alabama. Nang bumaon ang espada ni Ginang Priscilla sa dibdib ni Suprema Alabama ay lumabas ang napakaraming ugat ng halaman para gapusin ang katawan niya.

Upang wala ng pag-asa pang makakilos. Napalingon naman ako sa kinaroroonan ng mga kaibigan ko nang marinig ko ang pagdaing ni Borin nang mapatilapon siya papunta sa mga nagkumpulang mga nagkabiyak-biyak na semento.

Nawalan ng balanse si Suprema Astra nang biglang sumabog si Collyn sa kaniyang harapan. Dahil dito kinuha nila ang pagkakataong bitagin ang kalaban. Subalit nahinto naman si Collyn sa susunod niyang gagawin nang sakalin siya ni Suprema Astra.

Nakita kong nagmanipula ng mga matutulis na hangin si Rony at ipinadala ito sa kalaban. Nabitawan ni Suprema Astra si Collyn nang tumama sa kaniya ang mga matutulis na hangin. Nagkaroon siya ng sugat sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Nakita ko namang itinukod ni Crystal ang kaniyang kanang tuhod sa sahig at nagmanipula ng mga matutulis na bato nang bumagsak si Suprema Astra papuntang lupa nang nanghihina. Dahil dito diretso ang likod ni Suprema Astra sa isang matulis na batong nakatuon sa kaniya.

Tumagos ito sa kaniyang tiyan dahilan para mapaubo siya ng dugo. Nakita ko pang nagmanipula si Borin ng matulis na patalim na gawa sa yelo niya't pinagaspas ang kaniyang mga pakpak papalapit sa kalaban. Walang pag-alinlangan niyang hiniwa ang leeg ni Suprema Astra upang tuluyan ng mawalan ng hininga.

"Hinding-hindi niyo ako matatalo!" Nabaling ang aking atensyon sa kinaroroonan nina Suprema Celestia, ina, ama at Caspian nang marinig ko ang sigaw ni Esmeralda.

Sa mga oras na ito, hawak-hawak na ni Suprema Celestia ang kaniyang mahiwagang tungkod. Naglabas ito ng liwanag patungo kay Esmeralda. Tinulungan nina Caspian, ina at ama si Suprema Celestia sa pamamagitan ng pagmanipula ng kanilang kakayahan.

At lahat ng mahika na ipinadala nila ay sinangga lamang iyon ni Esmeralda gamit ang kaniyang itim na mahika. Nagtagis ang aking bagang nang makitang ilang pulgada na lamang, malalamangan sila sa kapangyarihan ng kalaban.

"Hindi!" Pareho kaming napasigaw ni Ayleth nang tumilapon silang apat nang tumama ang itim na mahika sa kani-kanilang katawan.

Mas lalong tinablan ako ng takot nang biglang sumulpot si Esmeralda sa harapan ni ama at walang pag-alinlangang sinaksak nang sinaksak niya ito. Ganoon din ang ginawa niya kina ina, Caspian, at Suprema Celestia.

Napalipad si Ayleth papunta sa kinaroroonan ng kaniyang ina. Habang ako naman ay hindi makakagalaw. Nakita kong lumipad si Tita Ailia papunta kay ina habang si Ginang Priscilla naman ay kay ama. Habang ang mga kaibigan ko naman ay lumipad patungo kay Caspian. Dinala nila sina ina, ama at Caspian sa aking tabi.

Pareho silang naghihingalo. Nakikipaglaban kay kamatayan. Tumulo ang aking mga luha. Umapaw ang aking galit. Bumangon ako at napasigaw dahil sa sakit ng aking katawan.

Pilit nila akong pinigilan pero gumawa lamang ako ng barrier para sa kanilang lahat. Sinigaw nila ang aking pangalan. Habang ako ay ngumiti lamang sa kanila nang mapait.

"Ako ang itinakda, ako ang magtatapos sa sinimulan nila." Matigas kong saad bago tumalikod sa kanila at hinarap si Esmeralda.

Rinig na rinig ko pa rin hanggang dito ang mga pagmamakaawa ng mga mahal ko sa buhay. Pilit na sinisira ni Ginang Priscilla ang barrier na aking ginawa. Hindi ko sila pinansin at ibinaling ang aking atensyon sa kalaban.

"Dahil sa inggit at kasakiman niyo, handa kayong manakit ng iba makuha lang ang gusto niyo." Galit na galit kong saad. Habang si Esmeralda ay nakangisi lamang sa akin ng malademonyo. "At dahil dito, ang aking tahanan at ang aking mga mahal sa buhay nadamay sa gulong inyong sinimulan. Ako ang tatapos sa walang kabuluhan niyong pangarap, demonyo!"

Lumingon ako kay Suprema Celestia. Binigyan ko siya ng namamaalam na tingin. Maging ang aking mga mahal sa buhay. Binuksan ko ang aking isipan, at nakipag-komunikasyon kay Suprema Celestia.

"Maari ba akong humiling, Suprema Celestia?" tanong ko sa kaniya sa isipan.

Sumalubong sa akin ang malungkot na ngiti ni Suprema Celestia. "Ano iyon, itinakda?" rinig kong tanong niya sa akin pabalik.

"Kaya niyo po bang gumawa ng barrier para sa buong Axphain? Baka kasi madamay kayo sa aking gagawin." Bumiyak ang aking boses matapos sabihin sa kaniya ang aking huling hiling.

Narinig ko sa aking isipan ang nanginginig na paghinga ni Suprema Celestia. Natahimik siya ng ilang segundo bago tumingin sa akin nang luhaan. Tumulo ang aking luha. Napatingin ako sa aking mga kaibigan, at pamilya.

Lahat sila ay nag-iyakan. At tuluyan na ngang nagsibagsakan ang aking mga luha. Napangiti ako ng mapait. Si Suprema Celestia talaga. Kinonekta niya ang kaniyang isipan sa lahat para malaman nila ang aking binabalak.

"Kakayanin ko, Serephain. Ako ang katas-taasang pinuno ng Axphain. Gagawin ko ang iyong hinihiling para sa aking nasasakupan." Nabibiyak ang kaniyang boses na sagot sa akin sa isipan. "Bayani."

Mas lalong naantig ang aking puso nang tawagin ako ni Suprema Celestia na bayani. Napalingon muli ako sa aking mga magulang. Si ina ay walang humpay na umiyak. Si ama naman ay tahimik lamang na umiiyak sa tabi niya.

"Pinagmamalaki kita, anak."

Nang sumulpot si ama sa aking isipan ay humahagulgol na ako ng iyak. At muli kong pinagmasdan si Tita Ailia, at ang mga kaibigan ko. Tumigil ang aking mata sa lalaking tumanggap ng aking pagkatao. Umiiyak siya at nagmamakaawang huwag ko siyang iwan.

"Mahal ko kayong lahat." Garalgal pa ang aking boses nang bitawan ko ang mga katagang 'yon. "Mahal kita, Caspian. Paalam."

Pagkatapos kong bitawan ang mga katagang 'yon ay lumingon ako kay Suprema Celestia. Tinanguhan niya ako bilang sagot. Sumigaw ako nang malakas, kasabay nang pagmanipula ko ng malaking bolang liwanag.

Ito ay nasa aking kaliwang kamay, kontrolado ko. Habang sa kaliwa naman ay isang bolang gawa sa itim na mahika. Mas lalo ko pa itong pinalaki. Kasing-laki ng araw at buwan. Bawat paglaki ng aking minapulang kapangyarihan, kasing sakit naman ang idinulot nito sa aking katawan.

Tila pinunit ang aking kalamnan. Ramdam na ramdam ko ang pagtulo ng mainit na likido sa aking mata at ilong. Napaubo pa ako ng dugo. Ang mas lalong mas masakit ay ang paglagas ng aking mga balahibo sa aking mga pakpak.

Naramdaman ko ang pag-iba ng kulay ng aking mata. Ang pagbalot ng kapangyarihan sa aking katawan. Ramdam na ramdam ko rin ang pagbilis ng lason na nagtakbuhan sa aking mga ugat. At higit sa lahat, tila ba'y sasabog na ang aking ulo dahil sa bigat at sakit na idinulot ng aking sariling kapangyarihan.

Sa huling pagkakataon, tinignan ko sa mata si Esmeralda. Nakapasok kaagad ako sa kaniyang isipan. At alam kong hindi ko siya kayang kontrolin nang pang-matagalan. Kaya lumipad ako pataas. Dala-dala ang napakalaking bola na gawa sa liwanag at gawa sa itim na mahika sa aking magkabilang kamay.

Nang masiguro kong nasa saktong taas na kaming dalawa ay sumigaw ako. Umalingawngaw ang aking boses kasabay pagpakawala ng aking kapangyarihan. Sabay itong sumabog at kumalat ang nakakabulag na liwanag sa buong paligid.

Narinig ko pa ang mga sigaw ng aking mga kaibigan at mga magulang bago pa man ako tangayin ni kamatayan. Bumigat na ang aking talukap sa mata at narinig kong unti-unti ng humihinto ang pagtibok ng aking puso.

Hanggang sa itim na lamang ang aking nakita. Pero bago pa man ako tuluyang mawalan ng buhay, sa huling pagkakataon, muli kong narinig ang maganda kong pangalan.

"Serephain!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro