Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 57: Kabilugan ng Buwan

Dali-dali kaming nagsilabasan sa aming pinagkakainan matapos marinig ang sunod-sunod na malalakas na pagsabog. Ramdam na ramdam pa namin ang pagyanig ng lupa. Ang kabigatang dala ng hangin. Napatingala ako sa kalangitan. Nanlaki ang aking mga mata.

Bilog na bilog ang buwan. At dahil dito naalala ko ang propesiyang ibinigay sa amin ni Ginang Paciana. Nagsiliparan kaming lahat sa ere nang biglang may tatlong magkasunod na bolang itim na apoy papunta sa akademya.

Dumiretso ang isa sa cafeteria. Ang dalawa naman ay tumama sa aming gusali, kung saan naroon ang silid-aralan ko. Nagtagis ang aking bagang sa galit. Napakuyom ang aking mga palad. Nandito na ang mga kalaban. Nandito na sila upang maghasik ng lagim.

"Nandito na sila," rinig kong komento ni Ginang Priscilla.

Hindi rin nakaligtas sa aking mga mata ang nakakuyom niyang mga kamay. Ang nagtagis niyang bagang at ang ang seryoso niyang mukha. Lumingon siya sa akin at tiningnan ako sa mata. Tinanguhan ko siya bilang pagtugon.

"Makinig kayong lahat!" Biglang sigaw ni Tita Ailia para makuha ang atensyon ng lahat na estudyanteng nandito. "Alam kong takot tayo. Pero, sino ang may paki? Ayos lang matakot, gawin itong instrumento upang mas maging matatag. Ngayon, lalabas tayo at tutulungan ang mga sibilyang nangangailangan. Naiintindihan niyo?"

Ang kaninang takot sa mukha nilang lahat ay napalitan ng determinadong mukha. Lahat sila ay sabay-sabay na tumango bilang pagtugon sa sinabi ni Tita.

"Dalhin niyo sa puting bulwagan ang mga sibilyan." Pagkatapos niya bitawan ang mga salitang 'yon ay pinagaspas na niya ang kaniyang mga pakpak patungo sa tarangkahan ng akademya.

Sumunod kaagad ako sa kaniya. Sabay kong nakalipad sina Caspian at si Ginang Priscilla. Pareho silang seryoso ang ekspresyon sa mukha. Habang ang aking puso ay kanina pa sumikdo nang mabilis. Hindi namin alam kung ano'ng klaseng peligro ang naghihintay sa amin pagkalabas namin ng tarangkahan.

Ilang pulgada na lamang ang layo namin mula sa tarangkahan ng akademya nang bigla itong nasira. Dalawang kabalyero mahiko ang bumangga rito. Ang mga sumunod na nangyari ay sumulpot din ang dalawang elves at sinaksak nila ito gamit ang kanilang buntot.

Bumagsak ang aking bibig sa lupa. Nang sinasaksak nila ang dalawang kabalyero mahiko ay bigla silang nangisay. Kitang-kita rin ang maiitim na linya sa kanilang katawan na tila may lason ang dulo ng kanilang buntot.

Umangat ang dalawang elves sa lupa nang biglang pumulupot ang kumikinang na lubid sa kanilang leeg. Napansin ko kaagad ito kung kanino galing. Galing ito kay Ginang Priscilla. Habang ako naman ay nagmanipula ng aking paboritong sibat na gawa sa liwanag.

Sa pagkakataong 'to, dalawa ang aking minapula. At ito'y inihagis papunta sa dalawang elves. Diretso ito sa kanilang leeg. Ikinuyom ko ang aking kaliwang kamay dahilan para bumagsak ang kanilang ulo sa lupa, kasabay ng kanilang walang buhay na katawan.

Narinig ko pa ang pagsinghap ang iilan sa nasaksihan. Nang makalabas na kaming lahat sa tarangkahan ay sumalubong sa aming mga mata ang nagkakagulong mga mamamayan. May iilan sa kanila dinedepensahan ang mga sarili laban sa mga elves na gustong manakit.

At may iilang umiyak dahil namatayan ng mahal sa buhay. May iilan namang nakahandusay sa sahig nang duguan. May iilan ding naipit sa mga nasirang gusali. At may iilang gustong kumawala sa bisig ng kalaban.

Pinabilis ko ang aking sarili upang iligtas ang batang anghel sa kamay ng isang elf. May balak pa itong kuhanin ng kapangyarihan at balak na angkinin para sa sarili niya. Nag-manipula ako ng isang matulis na liwanag at walang pag-alinlangang ibinaon ito sa sentro ng dibdib ng kalaban.

Dahilan upang mabitawan niya ang batang anghel at bumagsak sa sahig nang duguan. Nang makita ako ng ibang estudyante ay nagsimula na rin silang tumulong sa mga anghel na nangangailangan.

Iniluhod ko ang aking kaliwang tuhod para pantayan ang batang anghel. Walang tigil pa rin siyang umiyak dahilan para mas lalong umusbong ang aking galit.

"Tahan na, ineng. Magiging maayos din ang lahat. Ligtas ka na," sabi ko sa kaniya bago siya ibinigay sa mga estudyanteng maghahatid sa kaniya sa puting bulwagan.

Tinanguhan ako ng maghahatid sa bata at ibinalik ang aking atensyon sa nangyayari. Nagtagis ang aking bagang nang may makitang apat na elves na sinusubukang kainin ang kapangyarihan ng apat pang walang malay na Axphainians.

Itinaas ko ang aking kaliwang kamay dahilan para lumutang ang apat na kalaban tungo sa ere. Pilit nilang kumawala sa kapangyarihan ko. Subalit mas lalo ko pa itong hinigpitan dahilan para mapasigaw sila sa sakit.

Pinagaspas ko ang aking pakpak. Kapwa nasa ere na kaming lima. At mas lalo silang sumigaw sa sakit nang tignan ko sila nang masinsinan. Dahil dito, nagsimula ng matunaw ang kanilang mga balat. Ginamit ko ang aking heat vision laban sa kanila.

Ilang minuto ang nakalipas, walang natira sa kanila. Tila ba'y bigla na lamang silang naglaho nang parang bula. Napatingin ako sa paligid. Ang mga puting usok na aking nakikita sa araw-araw ay napalitan ng mga abong usok o 'di kaya'y itim dahil sa mga sunod-sunod na pagsabog.

Napatingin ako sa daan. Nagkalat pa rin ang mga elves. Naghahanap ng kanilang mga biktima at kainin ang mga kapangyarihan upang angkinin para sa kanilang mga sarili. Naghihiganti sila. Ginagawa nila laban sa amin ang sinapit nila sa kamay ng ikatlong Summa.

Ikinumpas ko ang aking kamay. Nagmanipula ako ng napakaraming iba't ibang klaseng sandata. Dahil sa ginawa ko, napasinghap ako sa pagod. Subalit, hindi ako papayag na dahil lamang sa aking pagmanipula dito na magtatapos ang aking laban.

Itinapon ko ang lahat ng sandata sa mga elves na abot ng aking mga mata. Nang sabay-sabay na bumaon ang mga 'yon ay sabay-sabay ko ring narinig ang impit na sigaw ng kalaban.

"Galing, Serephain!"

Napangiti ako sa isinagaw ng isang estudyanteng lalaki. Nakita kong tinulungan niya ang dalawang matandang anghel na makatayo. Napatingin naman ako sa lalaking abala sa pakikipagbakbakan sa kalaban.

Nakita ko siyang nagmanipula ng napakaraming matutulis na liwanag. At pinaulanan niya ang mga kalaban. Napasinghap ako nang makitang may isang elf na biglang sumulpot sa kaniyang likuran. Susugod na sana ako, pero nakita kong siniko niya ito sa sikmura.

Nawalan ng balanse ang elf, pero mabilisan niyang ibalanse ang sarili upang maiwasang bumagsak sa lupa. Nagmanipula ito ng bolang apoy na gawa sa itim na mahika, subalit nahinto siya sa pina-plano niya nang hindi na niya makita si Caspian.

Sumilay ang ngiti sa aking labi. Si Caspian may kakayahan ng invisibility. Makaraan ang ilang segundo, sumulpot si Caspian sa likuran ng kalaban. Hindi na niya ito binigyan ng pagkakataon na makakilos kaya ay ginamit niya ang kaniyang kakayahang manghihipnotismo gamit ang light magic niya.

Parang na estatuwa ang kalaban at ginamit ito ni Caspian bilang pagkakataon para patayin ito. Nagmanipula siya ng kutsilyo na gawa sa liwanag. At walang pag-alinlangang hiniwa ang leeg ng elf. Sumirit kaagad ang dugo nito't bumagsak sa lupa nang walang buhay.

Nabaling ang aking atensyon nang makita ko si Ginang Priscilla na nagmanipula ng matutulis na yelo at inihagis ito sa mga kalabang nakikita ng kaniyang mata. Isang dosena uli ang sumugod kay Ginang Priscilla.

At kahit isang bahid ng takot ay hindi siya tinablan. Umihip ang mabilisang malakas na hangin nang biglang pabilisin ni Ginang Priscilla ang kaniyang sarili. Bago pa niya pinabilis ang kaniyang sarili kanina, napansin kong may hawak-hawak siyang matulis na sandata na gawa sa yelo.

Makaraan ang ilang segundo, nakabagsak na naman ang mga kalaban. Mula sa aking kaliwang banda, nakita ko si Tita Ailia. Nakaturo ang kaniyang hintuturo sa mga kalaban. Kumunot ang aking noo dahil hindi ko alam kung para saan 'yon.

Nabigla na lamang ako nang sunod-sunod na nagsilabasan ang maliliit na bolang apoy. Itinutok niya ang kaniyang hinututuro sa bawat kalabang kaniyang nakikita. Ang maliliit na bolang apoy na kaniyang pinakawalan ay sumasabog ito sa tuwing tumatama ito sa kahit saan.

Pagkatapos niyang pakawalan ang mga 'yon ay sinugod niya ang mga kalabang natira. Lahat ng kaniyang kalaban ay inaatake din siya gamit ang itim na mahika ng mga ito. Subalit lahat ng 'yon ang iniwasan lamang niya nang walang kahirap-hirap.

Dalawa ang sumugod kay Tita Ailia. Sumigaw siyang sumugod sa mga kalaban. Habang nakataas ang kaniyang espada na tila'y isang magiting na mandirigma. Ang isa ay sinurpresa siyang inatake gamit ang buntot nito, subalit nagawa niyang depensahan ang kaniyang sarili.

Habang abala pa ang kalabang inatake siya gamit ang buntot nito ay mabilisan niyang sinipa ito sa tiyan. Dahilan para mapatilapon ito tungo sa mga nasirang gusali. Napaluhod si Tita Ailia nang bigla siyang bigyan ng isang malakas na sipa sa kaniyang tuhod.

Nag-aalala kaagad ako nang atakehin siya mula sa kaniyang itaas. Sumilay ang ngiti sa aking labi nang makitang bumaon ang espada ni Tita Noelle sa baba ng kalaban. Mabilis ang kilos ni Tita. Hindi niya ito binigyan ng pagkakataong saktan siya, sa halip ay itinaas niya ang kaniyang espada upang salubungin ang atake nito.

Nawala ako sa ang aking atensyon kay Tita Ailia nang biglang hinagisan ako ng mga kalaban ng kani-kanilang itim na bolang apoy. Iniwasan ko kaagad ang tatlong magkasunod papunta sa aking kinaroroonan. Sa isang iglap ay may tatlo pang kalabang sumulpot sa harapan ko.

Ang mga kalaban ay may kakayahang palutangin ang kanilang mga sarili. Magmanipula ng itim na bolang apoy. Kumuha ng kapangyarihan sa ibang nilalang. At kapag bumaon ang kanilang matutulis na buntot sa 'yo ay magkakaroon ka ng lason sa katawan. Hindi pa namin alam kung ano pa ang kaya nilang gawin.

"Ang kakapal pa rin talaga ng mga pagmumukha ninyo upang manlaban matapos ang lahat ng inyong ginawa sa lahi namin!" galit na saad ng isang elf na nasa kaliwa ko.

Sarkastiko akong tumawa sa sinabi niya. "Ginawa namin? Huwag na tayong magmamaang-maangan dito. Kayo ang nagdala ng malas sa sarili niyong lahi. Bago niyo pa man maranasan ang inyong sinapit sa ikatlong Summa ng aming lupain, nakikipag-komunikasyon kayo sa diyos ng pagkasira. Huwag niyong isisisi ang inyong inggit at hindi pagkakaroon ng kuntento sa sarili kung ano'ng meron kayo noon pa man. Bali-baliktarin man ang mundo, lahat kayo ay sakim sa kapangyarihan!" hindi ko na rin maiwasang ipakita ang aking galit sa kanila.

Natahimik silang tatlo. Tinignan ako ng masama. Dahil sa ipinakita nila ay hindi ko maiwasang mapasinghap ng sarkastiko. Sa halip na ibalik sa kanila ang kanilang masasamang titig sa akin, tinignan ko sila nang hindi makapaniwala.

"Huwag na huwag niyong isisi sa amin ang mga masasakim niyong kilos dahil bago niyo pa man magawa ang inyong balak sa amin noon, inunahan na kayo ng karma. Karma na magdadala sa inyo sa hanggang kailanmang kamatayan at paghihirap sa impyerno!" Pagbabanta ko sa kanila, subalit ngumisi lamang sila sa akin.

Tila ba'y siguradong-sigurado silang mananalo sa digmaang ito.

"Akala namin iba ka, Serephain." Nagulat ako sa sinabi niya. Ibig bang sabihin, matagal na nila akong minamatyagan? "Ngayon, katunog mo ang mga mapagmataas na Axphainians. Pareho lang kayong lahat!"

"Baka nakakalimutan mo, nagmula kayo sa kapangyarihan ng diyosang si Divine. Ibig sabihin, wala rin kayong pinagkaiba sa mga banal na anghel!" Balik ko sa kaniya, dahilan para umasim ang kaniyang mukha. "At higit sa lahat, baka nakakalimutan niyo. Isa rin akong Cimmerian. Kaya ko ring sumira katulad ng diyos na nagbigay sa inyo ng itim na kapangyarihan."

Nagsilakihan ang kanilang mga mata matapos marinig ang sinabi ko. Ang galit na kanina ko pa kinikimkim, inilabas ko sa pamamagitan ng pagmanipula ng liwanag at itim na mahika. Pinaghalo ko ang dalawa kong kapangyarihan at ginawa itong matutulis.

Hinahati-hati ko ang mga 'yon at dinoblehan ang rami nito. Hula ko'y nasa dalawang daan ang rami nito. Sumigaw ako nang maramdaman ko ang bigat na dala ng aking kapangyarihan nang i-angat ko ang aking kanang kamay.

Lahat ng atensyon ng mga Axphainians ay nasa sa akin lahat. Maging sa lalaking nakangiting nakatingin sa akin. Lahat ng aking minapulang matutulis na liwanag na binalutan ko ng itim na mahika ay aking binitawan sa isang pitik ng aking mga daliri.

Diretso ang mga ito sa mga kalabang lumusob sa amin dito sa Luxa. Hindi ko alam kung gaano karami ang mga kalabang nandito sa aming siyudad, pero kahit papaano ay alam kong nabawasan ko sila sa pamamagitan ng pagpapaulan sa kanila ng matutulis na liwanag.

Pinuntirya lamang ng aking kapangyarihan ang mga kalaban kaya walang nasaktang mga sibilyan. Subalit ang kaninang galit na aking naramdaman ay napalitan na naman ito ng matinding takot. Ang kaninang pagsabog ay yumanig ang lupa, maging nakalipad ako ay ramdam na ramdam ko ang bigat ng enerhiyang pinakawalan ng kung sino man.

Biglang kumidlat ng kulay lila na binalutan ng itim. Umulan ng malakas at ramdam na ramdam ko ang paparating. Nagsilakihan ang aking mga mata nang makita ang dalawang traydor. Habang nasa loob ng barrier sina Suprema Celestia at Ayleth.

Kapansin-pansin na binugbog ng dalawang 'to si Suprema Celestia dahil sa dugo at mga pasa niya sa katawan. Tila ba'y kagagaling lang nila sa labanan. Si Ayleth naman ay iyak nang iyak. Naawa sa kalagayan ng kaniyang ina.

Kumuyom ang aking mga kamay dahil sa galit. Ang dalawang traydor ay nag-iba ang kanilang hitsura. At sigurado akong 'yon ang kanilang tunay na mukha.

Naging itim ang kanilang mga pakpak, mayroon na silang dalawang sungay, at buntot ng isang demonyo. Mayroon din silang itim na linya sa katawan. Ang kanilang mga mata ay naging itim na rin.

"Serephain, sa wakas ay makakaharap na kita. At maranasan ang sinasabi nilang lakas ng isang kalahating Axphainian at Cimmerian," malademonyong saad nito.

"Ang suwerte naman namin para maranasan ang lakas mo, Serephain. Isang anghel na may kapangyarihan na nilikha ng dalawang magkakapatid na diyos," nananabik na komento pa nito.

Nagtagis ang aking bagang. Kumuyom nang mahigpit ang aking mga kamay. Tinignan ko ng masasama ang dalawa. Mas lalo akong nagalit nang bigla silang tumawa nang malakas.

"Pagsisihan niyo ang pagtraydor sa Axphain, Supremo Alabama at Suprema Astra!" Galit na galit kong sigaw sa kanila. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro