Kabanata 56: Pinagmamalaking Pag-ibig
Tahimik kaming lumipad ni Caspian pabalik sa akademya nang magkahawak ang kamay. Pareho kaming malalim ang iniisip. Napatingin ako sa kaniya nang higpitan niya ang paghawak ng kamay niya sa akin.
Hindi niya ako nilingon. Nakatingin lamang siya sa kawalan. Sunod-sunod ang kaniyang pagbuntonghininga. Dahil dito ay hinila ko ang kaniyang mga braso dahilan para pareho kaming napahinto sa paglipad.
Tiningnan niya ako nang naguguluhan. Pero nandoon pa rin ang pag-aalala sa kaniyang mukha. At takot sa kaniyang mata. Hinawakan ko ang kaniyang magkabilang pisngi gamit ang aking dalawang kamay.
Nginitian ko siya ng puno ng determinasyon. "Caspian, tatalunin natin ang mga kalaban. At uuwi ako sa mga bisig mo nang buo. Pinapangako ko 'yan," pagpapagaan kong sabi sa kaniya.
Nakita ko siyang ngumiti sa akin pabalik. Subalit ang ngiting 'yon ay hindi katulad ng dati. Isang ngiting mapait at puno ng takot.
"Alam natin pareho na hindi natin alam ang nakatadhana sa atin, Serephain. Hindi natin hawak ang mangyayari sa atin kapag nagsimula na ang gulo." Nanginginig ang kaniyang boses habang binitawan ang mga katagang 'yon. "Natatakot akong mawala ka. Natatakot naman akong mawala ako sa 'yo. Maiiwan kitang luhaan ang mga mata. Hindi tayo sigurado kung magkikita pa tayo pagkatapos ng lahat ng 'to. Hindi ako sigurado kung mahahalikan pa ba kita sa susunod na mga araw. Hindi ako sigurado kung maipagsigawan ko ba ang pagmamahal ko sa 'yo sakaling isa sa atin . . ."
Napakagat ako sa aking ibabang labi dahil sa mga pinagsasabi niya. Bumuntonghininga ako. Lahat ng sinabi niya ay may punto. Hindi namin alam kung ano ang maging kahihinatnan ng digmaang ito.
Hindi namin hawak ang kinabukasan. Hindi namin alam kung magkikita pa ba kami. Hindi namin alam kung mahahawakan pa ba namin ang bisig ng isa't isa. Hindi namin alam kung makikita pa ba namin ang pagsikat ng araw.
Hindi ko alam kung masisilayan ko pa ba ang mga ngiti ng aking mga kaibigan. Hindi ko alam kung mararanasan ko pa ba ulit ang pagmamahal ng mga magulang ko. Lahat ay hindi namin alam. Lahat kami ay natatakot. Subalit, hindi lang takot ang dapat manaig.
Kailangan naming maging matatag. Kailangan naming ipaglaban ang aming bayan. Kailangan naming tanggapin ang walang kasiguraduhang bukas. Sa kabila ng mga takot na aming naramdaman, ang dapat naming gawin ay tanggapin lamang ito. Kahit kasing sakit pa ng mga tinik ang aming makukuha.
Hindi ko alam ang isasagot kay Caspian. Sa halip ay binigyan ko siya ng isang halik ng aking pagmamahal. Pagkaraan ng dalawang segundo ay binitawan na namin ang labi ng isa't isa. Hinawakan namin ang mukha ng isa't isa at nagyakapan ng mahigpit.
"Kung walang makauwi isa sa atin ng buhay, isa lang ang sigurado ako, Caspian. Mahal ko ang magulang ko. Mahal ko ang mga kaibigan ko. Pinaglalaban ko ang aking bayan hanggang sa maubos ang lakas ko. At higit sa lahat, minahal ko ang lalaking hindi ko inakalang mamahalin ako." Sa pagkakataong 'to, hindi ko na naman maiwasang mapaiyak sa harap ng iba.
Narinig ko siyang marahang tumawa. "Alam mo nag-iba ka, Serephain." Tumingin ako sa kaniya nang naguguluhan. Naghihintay sa susunod niyang sasabihin. "Ang Serephain na malamig, matipid sa mga salita, at ma-prangka ay tila parang naglaho matapos lahat ng pinagdaanan mo."
Dahil sa dinagdag niya ay napaiwas ako ng tingin. Narinig ko ang mapang-asar niyang tawa. Ramdam na ramdam ko ang pamumula ng aking pisngi. Sinapak ko siya ng malakas sa kaniyang braso nang mapagtantong hindi siya titigil sa pagtawa.
Tinalikuran ko siya't lumipad palayo sa kaniya. Pero 'di kalaunan ay naramdaman ko ang presensya niya sa aking likuran. Sunod na nangyari ay hinawakan niya ang aking mga kamay. At pareho naming nginitian ang isa't isa.
Pagkapasok namin sa akademya ay sinalubong kami ng sobrang katahimikan. Mabibilang lamang ang mga estudyanteng naiwan rito para tumulong sa pag-depensa ng siyudad namin kung sakaling lulusob ang mga kalaban rito.
Kapwa kami nagpakawala ng malalim na buntonghininga ni Caspian. Dumiretso kaagad kami sa bukas na bulwagan. Nagbabaka-sakaling may maitulong kami sa mga kabalyero mahiko. Pagkarating namin doon ay nadatnan namin sina ina at ama.
May iilang kabalyero mahikong naghahanda ng mga sandata. At may mga nagdu-duwelo katulad ng mga magulang ko. Nagkatinginan kami ni Caspian. Umupo kami sa ginawa niyang upuan at nanood sa dalawa.
Napangiti ako nang magmanipula si ina ng dalawang espada gamit ang kaniyang itim na mahika. Binalutan niya pa ito ng kaniyang kapangyarihan. Sa kabilang banda ay nakita ko si ama na nagmanipula ng kapangyarihan niya na gawa sa liwanag. Ginawa niya itong bola.
Mabilisan niyang itinapon ang mga 'yon sa kinaroroonan ni ina. Nasilayan ko kung paano siya ngumisi ng malademonyo. Nang makalapit ang sunod-sunod na mga bolang liwanag ni ama ay sinangga ito ng kaniyang espada. Pareho kaming nagkatinginan ni Caspian.
"Anti-magic sword," sabay naming banggit.
Pagkatapos ay ibinalik namin ang aming atensyon sa dalawa. Lahat ng mga atake ni ama ay walang kahirap-hirap na tinapos ni ina. Pero hindi roon nagtatapos. Kinumpas na naman ni ama ang kaniyang mga kamay. At sa pagkakataong 'to, bumiyak ang sahig ng bulwagan habang nasa ere pa rin siya.
Kitang-kita ko pa kung paano inikot ni ama nang dahan-dahan ang kaniyang kaliwang kamay. Dahilan para magsilutangan ang mga nabiyak na sahig papalapit sa kaniya. Nang tuluyan na niya itong nakontrol ay inihagis niya ito papunta kay ina.
Sumilay na naman ang mapang-asar na ngiti sa labi ni ina. Ilang pulgada na lamang ang layo nito mula sa kinaroroonan niya nang iwinasiwas niya ang kaniyang espada. Dahilan upang magkapira-piraso ang sementadong bato at bumagsak ito sa sahig.
"Hanggang diyan na lang ba ang kaya mo, Percival?" panghahamong tanong ni ina. "Dahil ba sa katandaan mo, naging mahina ka na?" dagdag pa ni ina.
Sa pagkakataong 'to, si ama na naman ang napangiti ng mapang-asar. Matapos kong masilayan ang ngiting 'yon ay bigla siyang nawala sa kinaroroonan niya't sumulpot sa likuran ni ina. Mas mabilis pa sa kabayo niyang sinipa ito sa likuran.
Dahil sa ginawa ni ama ay napatilapon si ina patungo sa sahig ng bulwagan. Sa pagkakabagsak ni ina sa sahig ay siyang pagkalat naman ng itim na usok sa paligid. Nagkatinginan kami ni Caspian at kapwa nakaramdam ng malamig na hangin.
Napansin din ito ng ibang kabalyero mahiko na nandirito dahil napatigil sila sa kanilang ginagawa. Nang mawala na ang itim na usok ay sumalubong sa akin ang napakaraming kaluluwa. Dahil dito ay nagsilakihan ang aking mga mata.
"Necromancy," rinig kong komento ni Caspian sa aking tabi.
Itinaas ni ina ang kaniyang kamay at itinuro si ama. Dahil sa ginawa ni ina ay umatake ang mga kaluluwa patungo sa kaniya. Napatayo ako nang wala sa oras nang sumigaw si ama ng malakas. Habang sumisigaw sa sakit ay hinahablot niya ang kaniyang buhok na tila parang nababaliw.
"Suko na ako!" Lumapad ang ngiti ni ina sa labi nang marinig niyang sumuko si ama.
Matapos marinig ni ina ang isinigaw ni ama ay ikinuyom niya ang kaniyang kamay at pinitik ang kaniyang daliri. Pagpitik niya ay naglaho ang mga kaluluwa. Nilapitan ko si ina at tiningnan siya nang nag-aalala. Naramdaman ko naman ang presensya ni Caspian sa aking likuran.
"Ina, pinatawag mo ang mga kaluluwa. Magagalit ang diyosang si Divine," pagpapaalala ko sa kaniya.
Nginitian lamang niya ako. "Baka nakakalimutan mo, Serephain. Isa akong Cimmerian. Ang mga kaluluwang 'yon ay hindi mga Axphainians. Sila ay mga Cimmerian. Mga kaluluwang pagala-gala't hindi pa nakatawid sa Bridge of the Sword," sagot niya sa akin.
Pagkatapos niya akong sagutin ay nilapitan niya si ama't inalalayang makatayo. Ako naman ang napangiti nang magtawanan sila.
Sa huling pagkakataon, nakita kong ipinagkumpas ni ama ang kaniyang dalawang kamay at ginamot ang kaniyang sarili. Ilang segundo ay nakatayo na siya ng matuwid. Na tila ba'y parang walang nangyari.
"Kahit kailan hindi ko matatalo ang ina mo, Serephain." Natatawang saad ni ama't iniiling ang kaniyang ulo. Tila ba'y parang pinagmamalaki niyang natalo siya sa isang babae. "Alam mo ba noong unang nagkakakilala kami, pinadalhan din niya ako ng mga mapaghiganting kaluluwa."
Dahil sa sinabi ni ama ay nakita kong namula pa ang pisngi ni ina. At dahil dito ay tinukso ko siya na mas lalong ikinapula ng kaniyang pisngi.
"Kasama mo pala itong si Caspian." Nakatingin na sabi ni ama kay Caspian. "Napapansin ko nitong mga nakaraang araw palagi na kayong magkasama, Serephain." Ako na naman ang tinignan ni ama dahilan para mapaiwas ako ng tingin dahil sa kabog ng aking puso.
Narinig ko ang marahang paghampas ni ina sa braso ni ama. "Ikaw naman, Percival. Huwag mo ngang ginaganiyan ang mga bata."
"Ay aba, Aella. Kung malinis ang intensyon nitong Caspian ay sinasabi na niya sa atin ang nararamdaman niya para sa anak natin," reklamo pa ni ama. At dahil dito ay nagsimula na naman silang nagtatalo ni ina.
Si Caspian naman ay tila napipi sa kinatatayuan niya. Nakatingin siya sa akin na tila humihingi ng tulong. Pinigilan ko namang huwag matawa sa harapan nila. Dahilan para tignan niya ako nang masama.
Nahinto lamang ang pagbabangayan ng mga magulang ko nang biglang sumulpot si Tita Ailia at si Ginang Priscilla. Nakabalik na pala siya. Nagpaiwan kasi ito sa Cazadorian noong bumalik kami roon. Noong mga panahong inimbitahan nila ako sa isang dwelo.
"Hay naku, away mag-asawa." Rinig kong natatawang sabi ni Ginang Priscilla. "Ano ba ang puno't dulo nito?"
Nang marinig ko ang tanong ni Ginang Priscilla ay hinablot ko ang braso ni Caspian. Pinagaspas namin ang aming mga pakpak palayo sa kanila.
"Serephain, balik kayo pagkalubog ng araw! Mayroon tayong salo-salo!" Rinig kong sigaw ni Tita Ailia sa akin.
Hindi ako sumagot. At dinala ko si Caspian sa tagong hardin ng akademya. Pagkarating namin doon ay nagpakawala ng malalim na buntonghininga si Caspian. Tila ba'y nabunutan ng tinik sa lalamunan. Habang ako ay hindi ko mapigilang humagalpak ng tawa.
"Nakakatawa 'yon?" Naiinis na tanong niya sa akin.
Nagpatuloy ako sa pagtawa at tinanguhan siya. "Mukha mo kanina para kang maiihi sa sinusuot mong sutla. Tapos para kang nakakakita ng multo."
"Ah, gano'n?" Nagbabanta niyang sabi.
Nagpatuloy ako sa pagtawa. Subalit nahinto lamang ako nang kilitiin niya ako sa aking magkabilang tagiliran. Napahiga ako sa lupa dahil sa sobrang kiliti. Hanggang sa napahiga na rin si Caspian at nadaganan ko siya.
Nang mapagtanto namin pareho ang aming posisyon ay mabilisan kaming bumangon. Umiwas kami ng tingin sa isa't isa. Pinakiramdaman ko ang aking puso na kanina pa sumikdo nang mabilis.
Lumingon ako sa kaniya upang tignan siya. Pagkalingon ko ay siyang paglingon din niya sa akin. Nagkatinginan kami nang malalim. Napasinghap ako nang angkinin na naman niya ang aking mga labi.
Kaagad akong tumugon sa mga halik niya. At itinulak siya dahilan para mapahiga siya nang patihaya sa lupa. Sumakay ako sa tiyan niya habang hindi pinuputol ang halik na kanina pa namin pinagsasaluhan.
Itinigil na lamang namin ito nang mapagtanto naming halos mawalan na kami ng hininga. Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Marahan kong inilagay ang hibla ng aking buhok sa likuran ng aking tenga.
"Mahal kita, Caspian." Nahihiya kong amin sa kaniya.
"Mas mahal kita, Serephain," sagot niya sa akin dahilan para malunod ako sa sobrang tuwa.
Ninakawan niya ako ng halik bago itinangala ang kaniyang ulo sa kalangitan. Nagsilakihan ang aking mga mata nang mapagtantong papalubog na ang araw. Hindi na namin namalayan ang paglipas ng oras.
Nagkatinginan kami ni Caspian. At tinanguhan ang isa't isa. Hinawakan niya ang aking kamay at umalis na kami sa tagong hardin ng akademya. Tumungo kami sa cafeteria kung saan kami magkakaroon ng salo-salo.
Pagkarating namin doon ay nandoon na sina ina, ama, Ginang Priscilla at Tita Ailia, naghihintay sa amin. Nahiya ako ng makita ang mga mata ni ina kung saan siya nakatitig. Bibitiw na sana ako sa pagkakahawak ni Caspian nang higpitan niya ito.
Pareho kaming umupo sa bakanteng upuan. Namayani ang sobrang katahimikan sa aming lahat. Tila ba'y naghihintay sa ipapaliwanag ni Caspian. Naputol lamang ang tensyon nang tumikhim si Tita Ailia.
"Kain muna tayo. Nakakatuwa na magkaroon ulit tayo ng salo-salong ganito. Kasi hindi natin alam kung huli na ba nating maranasan ito." Malungkot na panimula ni Tita.
Namayani pa rin ang katahimikan. At sunod-sunod na malalim na pagbuntonghininga ang tanging maririnig. Nang masigurado ni Tita Ailia na walang gustong idagdag ang isa sa amin ay sinimulan na niyang manalangin. Humihingi ng pasasalamat sa mga pagkaing aming pagsasaluhan.
Pagkatapos ay mabilisang nilagyan ni Caspian ng kaunting kanin ang aking plato. Kumuha rin siya ng inihaw na baboy para sa akin. Nagpasalamat ako sa kaniya, at isang matamis na ngiti ang kaniyang itinugon.
Nakayuko lang ako. Dahil kanina ko pa nararamdaman ang mapanuring mga mata nilang apat. Hindi ko na lamang sila pinansin pa't ibinigay ang aking buong atensyon sa pagkain. Sa aming buong pagsasalo ay tahimik lamang ang namayani sa amin. Nabaling ang aming atensyon kay Caspian ng bigla siyang tumikhim.
"Ginang Aella at Ginoong Percival, gusto kong malaman niyo . . ." Lumunok muna ng laway si Caspian bago ipagpapatuloy ang gusto niyang sasabihin. Hinawakan ko siya sa kamay bilang pagsuporta.
At pinipisil-pisil ang kaniyang kamay na hindi na niya dapat pang sabihin sa mga magulang ko kung hindi pa siya handa. "Mahal ko po ang inyong anak. Nagmamahalan po kami. Hindi po ako hahanap ng rason para saktan siya. Mamahalin ko siya ng buo. Minahal ko siya kung sino siya. Sinasabi ko po ito ay dahil hinihingi ko po ang inyong biyaya."
Napangiti ako sa sinabi ni Caspian. Nakita ko ring napangiti ang mga magulang ko. Maging sina Tita Ailia at Ginang Priscilla. Higit sa lahat, kapansin-pansin ang malapad na ngiti ni ama. Sasagot na sana si ama nang bigla naming narinig ang sunod-sunod na pagsabog.
Dahil sa pagsabog sa labas, tinablan kaagad ako ng matinding takot.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro