Kabanata 55: Ang Katatagan ng Axphain
Ang may-ari ng boses na nagsalita sa aking isipan ay nanggaling mula sa diyosang si Divine. Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga't iniling na lamang ang aking sarili. Ngayong may alam na kami sa kalaban, kahit papaano ay hindi kami mawawalan ng bait sa kakaisip kung sino sila.
Pagkapasok ko ng akademya ay sumalubong sa akin si Caspian. Hindi ito nakangiti sa akin dahilan upang kabahan ako. Ibig lang sabihin sa ekspresyon niya ay may nangyari na naman.
"Serephain, ikaw na lamang ang hinihintay ng lahat sa puting bulwagan," salubong niyang saad sa akin.
Tinanguhan ko siya't pinagaspas ang aking mga pakpak kasabay niya. Habang papunta roon ay hindi ko maiwasang mapakuyom ang aking mga kamao. Ang mga elves ang nagdala nito sa kanilang mga sarili. Subalit, ang nangyari sa kanila sa kamay ng ikatlong Summa ay hindi pa rin nila karapat-dapat na maranasan iyon.
Sila ay may plano laban sa amin sa simula. Hindi sila nakuntento kung ano'ng meron sila. Hindi na sila nakuntento sa kabaitang ipinakita ng dalawang naunang mga Summa. Sarkastiko akong bumuntonghininga, dahil sa mga masama nilang balak simula sa amin noon pa ay inunahan na sila ng karma.
Nakikipag-komunikasyon sila sa diyos ng kasamaan at pagkasira. At iyon ay isa sa mga kilos na may intensiyong manira sa kapayapaang pinaghihirapan ng lahat na maasam.
Pagkarating namin sa bulwagan ay kaagad na pinagbuksan kami ng pintuan sa dalawang kabalyero na nagbabantay sa labas. Pagkabukas ng pintuan ay siyang paglingon ng lahat sa aming kinaroroonan.
Sobrang tahimik ng lahat. Kapansin-pansin ang kanilang takot sa mukha. Nakita ko naman si Tita Ailia sa harapan. At ang iba pang mga guro. Nandirito rin ang mga magulang ko't mga kabalyero mahiko.
Ang hindi ko lang naiintindihan ay bakit wala si Suprema Celestia. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansing wala rin ang dalawang traydor dito. Kung wala silang tatlo rito, marahil ay hinarap niya ang mga ito.
"Ngayong nandito na ang itinakda, makinig kayong lahat!" Umpisa naman ni Kapitana Soliel. "Dumating na ang araw kung kailan natin de-depensahan ang ating lupain laban sa may gustong manira rito," dugtong pa niya.
Napatingin ako kay Kapitana Soliel sa sinabi niya. Huwag niyang sabihing ngayon na ang digmaang aming inaasahan?
"Kapitana Soliel, ano'ng ibig niyong sabihin?" Naguguluhan kong tanong sa kaniya.
Tinignan niya ako ng determinasyong titig. "Nakatanggap kami ng mensahe na aatake ang mga kalaban sa Ventus at Aqua sa araw na ito. Pupunta tayo roon upang depensahan ang siyudad."
Kumunot ang aking noo dahil sa sinabi niya. Bumagsak ang aking mata sa sahig. Napaisip nang malalim. May kalaban bang nagsasabi kung kailan sila aatake?
"Kapitana Soliel, may napansin ba kayong kakaiba?" tanong ko sa kaniya. Dahilan para siya na naman ang mapatingin sa akin nang naguguluhan.
Tinignan nila akong lahat, naghihintay sa aking susunod na sasabihin. "Malaki ang kutob ko na isa lamang itong patibong. O 'di kaya'y papuntahin tayong lahat doon at dito na naman sila aatake."
Nakita kong naglakad si Kapitana Anil papalapit sa amin. Tiningnan niya ako at tinanguhan.
"Ayoko mang sumang-ayon sa batang 'to, Soliel. Subalit may punto siya. Kung lahat tayo ay magsipuntahan doon, sino ang maiiwan dito para depensahan ang Luxa?" sang-ayon na saad ni Kapitana Anil. Sumang-ayon na rin ang iba. "Hatiin natin ang ating mga kabalyero mahiko," ang suhestiyon niya.
Lahat ay tumango. At nagsimula na nilang hatiin ang mga kabalyero mahiko. Ang lahat ng kabalyero mahiko na nagmula sa Ventus ay sila mismo ang de-depensa sa kanilang siyudad. Ganoon na rin ang iba pa. Subalit, ang mga kabalyero mahiko sa Terra ay hinati sa dalawa.
Ang isang kalahati ay sa Ventus ipapadala, at ang natira ay sa Aqua naman. Ang ibang Summa ay sasama sa mga kabalyero mahiko upang tulungan ang kani-kanilang siyudad laban sa madilim na puwersa.
"Ang mga kalaban natin ay ang mga elves!" Natahimik ang lahat nang marinig nila ang malakas kong sigaw. Sumigaw ako upang kunin ang kanilang atensyon. Lahat ay nagsikunutan ang kanilang mga noo. "Itong mga nilalang ay naging parte ng buhay sa ating lahi simula pa noon. Iniregalo ito sa atin ng diyos na si Akwan matapos maihalal ang anak ng isang pamilyang maimpluwensiya."
Tiningnan ko silang lahat isa-isa. Tumayo ng matuwid. Hindi nagpakita ng kahit na anumang bahid ng takot sa aking mukha. Ako ang itinakda. Gusto ko silang bigyan ng lakas at pag-asa na matatapos namin itong gulong nagsimula pa sa nakaraan.
Ipinagkumpas ko ang aking kamay.
Nagmanipula ng aking kapangyarihan na gawa sa liwanag. Pinagaspas ko ang aking mga pakpak pataas. Ipinakita ko sa kanila ang mga imahe ng kalaban. Ang iba naman ay napasinghap. Ang iilan ay natakot, subalit nawala ito at napalitan ng determinasyon.
"Naging patas ang pakikitungo natin sa kanila dahil sa unang Summa. Nagpatuloy ang kanilang buhay sa pangalawang Summa. At lahat ng ipinakita sa atin noon ay kabutihan sa kapuwa at sa ibang nilalang." Lahat ay nakatingin sa mga imaheng aking ipinakita. "Subalit, sa kabila ng kabutihang ating ipinakita. Hindi sila naging kuntento. Dumating sila sa puntong makipag-usap sa diyos ng pagkasira, si Gedeon."
Nang banggitin ko ang pangalan ng diyos ng pagkasira ay lahat sila tinablan ng takot. "Nang magkaroon ang ating lupain ng panibagong Summa, lahat ng mga elves ay nakaranas ng karahasan sa kaniya. Dahil dito mas lumala ang kanilang galit at inggit sa atin."
Nakita ko silang bumuntonghininga. Alam kong nakakalungkot ang sinapit ng mga elves sa kamay ng ikatlong Summa. Inunahan na sila ng karma sa mga masamang balak nila sa amin noon pa man.
"Ang mga elves ay nakipag-alyansa sa mga kalahi nating mayroong mga kakahayang makapag-manipula ng apat na elemento. Sila ay nakipag-digmaan para sa kanilang inaasam na kalayaan. Pero ang mga elves ay muling nabigo. Tinalikuran sila ng mga Axphainians na tinulungan nila't maging kinalimutan sila."
Mas lalong nagsibagsakan ang kanilang mga balikat nang marinig nila ang aking sinabi. Sobrang tahimik nila, pero alam kong nalulungkot din ang iilan sa sinapit ng mga elves.
"Dahil dito, naglakbay ang mga elves. Napunta sila sa Gloom, kung saan ipinatapon si Gedeon matapos matalo laban sa kaniyang kapatid na si Akwan. Dito nila nakilala si Gedeon, at binigyan sila ng bagong kapangyarihan. Nag-iba ang kanilang anyo. At pinangakuhan sila ni Gedeon ng paghihiganti laban sa ating lupain."
Nagtagis ang aking bagang. Kinuyom ang aking kamao sa galit. Puno ng determinasyong nakatayo sa harapan nila. Iniligay ko ang aking kamay sa dibdib. Dahilan para magsigawan ang lahat at sinunod ang aking ginawa.
"Ngayon bumalik sila upang gawin ang layunin nila simula pa lang sa ating kinalakihang lupain," puno ng galit kong sabi. "Tayo ay ang mga banal na anghel. Hindi lamang tayo pinagpala ng kapangyarihan, karangyaan, at kagandahan. Pinagpala rin tayo ng katatagan ng kalooban upang labanan ang mga nilalang na gustong sakupin ang ating bayan!"
Namayani ang aming malakas na sigawan sa loob ng bulwagang ito. Ang mga kabalyero mahiko ay kanilang itinaas sa ere ang hawak-hawak nilang espada. Habang ang mga kanilang mga kamay ay nakalagay sa dibdib habang nakakuyom ito.
"Habang nabubuhay tayo, hindi natin hahayaan ang madilim na puwersa na kainin ang ating bayan. Lalaban hanggang kamatayan!"
Ang aking huling sigaw. Nagsigawan muli ang lahat. Pagkaraan ng dalawang segundo ay nagsilabasan na kaming lahat. Naghanda na ang iilan sa pag-alis. Habang ako ay napakagat sa aking ibabang labi.
Ang kaninang katatagan na aking naramdaman, bigla na namang pinalitan ng takot. Lahat kami ay takot sa posibleng kahihinatnan ng digmaang ito. Subalit, sa kabila ng takot na 'yon ay pinili naming maging matatag para sa aming inang bayan.
Nagsipuntahan ang lahat sa isa pang bulwagan ng akademya. Lahat ay naghanda na. Tumulong ako sa iba kung paano magsuot ng armor. Lahat ng tulong na kakailanganin nila ay aking inabot. Gusto kong sumama sa kanilang lahat.
Subalit, sinabihan ako ng ibang Summa na dapat akong magpaiwan dito. Sila na ang bahala sa Ventus, Aqua, at sa Ignis. Naiintidihan ko. Mas kakailanganin ako rito. Iniling ko ang aking ulo. Malalagpasan namin ito.
Nang makita ko ang aking mga kaibigan sa hindi kalayun ay nilapitan ko sila. Napatigil sila sa pagyayakapan nang maramdaman nila ang aking presensya. Magsasalita na sana ako nang bigla akong hatakin ni Collyn at nagyakapan kaming lima.
"Mag-iingat kayo. Kailangan ko ang mga presensya niyo pagkatapos ng gulong 'to."
Iniwasan kong huwag maiyak sa harapan nila, subalit hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Narinig ko namang napahagulgol si Borin.
"Ikaw rin, Serephain. Kailangan ka namin pagkatapos ng lahat ng 'to." Hindi man naiiyak si Crystal ay kapansin-pansin na unti-unting nabiyak ang kaniyang boses.
Pagkatapos naming magyakapan ay nagsiliparan na kaming lahat tungo sa tarangkahan ng Luxa. Kung saan naghihintay doon ang kanilang sasakyan. Ang lumilipad na barko. Lahat ng mga mamamayan ng Luxa ay nakatingin sa aming lahat.
Inilagay nila ang kanilang kamay sa dibdib bilang pagpupugay. Tahimik lamang ako, nakatingin sa malayo. Pero nahinto lamang 'yon nang mapansin kong lumilipad sila ama at ina sa aking tabi.
Lumipat naman si ina sa aking kaliwa't nginitian ako. Habang si ama naman ay hinahaplos ang aking likuran. Napansin ko ang takot sa kanilang mata. At naiintindihan ko 'yon. Lahat kami ay natatakot. Pero duwag lamang ang hindi po-protektahan ang kanilang lupain.
May mga pangarap pa akong gustong makamit.
May mga kaibigan pa akong gustong masilayan ang kinabukasan. May pamilya pa akong uuwian. At may isang nilala pa akong gustong makasama habang buhay. At lahat ng 'yon ay hindi ako papayag na masira dahil lang sa madilim na puwersang gustong manira.
Nakita ko namang lumingon ang mga magulang ko sa aming likuran. Lumingon din ako para makita kung sino iyon. At sumalubong sa akin ang maamong mukha ni Caspian. Sumilay ang mapanuksong ngiti sa labi nina ina at ama bago maunang lumipad sa akin.
Nang marating na namin ang tarangkahan ng Luxa ay sumalubong sa amin ang sampung sasakyan. Huminto kami sa paglipad. At dahil dito ay katabi ko na si Caspian. Pinagaspas pa rin namin ang aming mga pakpak upang lumutang pa rin sa ere.
Nagsimula ng sumakay ang mga anghel. Natapos kaming lahat pasado alas onse ng umaga. Nang masigurado na handa na ang lahat ay umalis na sila. Iniligay ko ang aking mga kamao sa dibdib bilang paalam at dasal sa kanilang kaligtasan.
Napansin ko ring ganoon din ang lahat na naiwan sa Luxa. Umalis na sila ama at ina. Habang kaming dalawa na lamang ni Caspian ang naiwan. Tahimik pa rin kaming dalawa, nakamasid sa araw na tirik na tirik.
Naramdaman ko naman ang paggapang ng kamay ni Caspian sa aking braso para mahawakan ang aking kamay. Nang mapagtagumpayan niya ito ay tinignan namin ang isa't isa. Sumalubong sa akin ang takot sa kaniyang mga mata. Ang mas ikinabigla ko ay luhaan pa ang mga iyon.
"Bumalik ka sa bisig ko nang buo pagkatapos ng lahat ng 'to, Serephain."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro