Kabanata 54: Ang Rebelasyon
Dala-dala ko hanggang dito ang galit at takot na aking nararamdaman sa dalawang traydor na anghel. Sila pa naman ang isa sa mga hinangaan ng lahat. Nandito ako sa veranda ng palasyo. Naghihintay ako kay Suprema Celestia. May mga iba't ibang klaseng tsokolate na nakalapag sa lamesa.
Mayroon din akong tsaa na paborito kong iniinom sa tuwing umaga. Pero lahat ng 'yon ay hindi ko kayang magalaw sa mga nalaman ko. Nandito ako upang pag-usapan namin ni Suprema Celestia ang tungkol sa nakita ko. At patungkol naman doon sa dalawang traydor na anghel.
Napatingin ako sa kalangitan. Napangiti ako nang mapait. Ang maaliwalas na kalangitan at magaan na hangin ay maaring magbago sa isang gabi. Maaring lahat ng maganda sa aming lupain ay masisira kapag magsisimula ng kumilos ang madilim na puwersang paparating.
Bumiyak bigla ang aking boses. Nangilid ang aking mga luha. Maari ring may mawalan ng mahal sa buhay. Hindi ko man gusto ang mga susunod na mangyari, subalit ito ay nakatadhana na. Lahat ng nagawa namin sa nakaraan ay kailangan naming pagbayarin sa ngayon.
Ayoko mang lumukso sa konklusyon, pero hindi ko maiwasang hindi mag-isip niyon lalo na't siguradong-sigurado akong may nangyaring kamalian sa nakaraan. Mga maling nagawa ng mga Axphainians noon laban sa mga nilalang na hindi ko kilala.
Napatayo ako nang biglang bumukas ang pintuan ng veranda. Iniluwa roon si Suprema Celestia na nakasuot ng kulay gintong sutlang damit. Suot-suot din nito ang nakaputong na korona sa ulo niya. Dala-dala rin niya ang kaniyang mahiwagang tungkod.
"Magandang umaga po, Suprema Celestia," walang gana kong bati sa kaniya.
Hindi ko gusto ang aking ipinakitang kilos. Pero hindi ko kayang iwasan iyon dahil sa nakita ko kanina. At dahil sa dalawang traydor na anghel.
"Alam kong hindi maganda ang iyong umaga, Serephain. Dahil hindi ka mapaparito kung wala kang nalalaman," diretsahan niyang saad.
Tila ba'y sa pagtingin lamang ng aking ekspresyon sa mukha ay masasabi kaagad niyang wala akong gana. Narinig ko siyang bumuntong-hininga nang makaupo siya. Tumingin siya sa kalangitan. Pinikit ang kaniyang mga mata nang humampas ang malamig na hangin sa aming balat.
"Itanong mo na kung ano ang gusto mong malaman sa akin, Serephain." Sabi niya sa akin habang nakapikit pa rin.
"Gusto ko pong malaman ang tungkol sa mga nilalang na mayroong maputlang mga balat, matutulis na tenga, kulay puting mga buhok at kulay dilaw-berde na mga mata," sabi ko.
Tumingin siya sa akin. Tinignan niya ako nang nagtataka. Marahil ay hindi niya alam ang tungkol sa mga nilalang na 'yon. Pinagalitan ko ang sarili. Siyempre, paano malalaman ni Suprema Celestia ang tungkol sa kanila dahil hindi pa naman siya nabuhay sa panahong 'yon?
Sasagot na sana si Suprema Celestia nang biglang bumukas ulit ang pintuan ng veranda ng palasyo. Iniluwa roon ang isang babaeng anghel na kumikinang sa sobrang kagandahan. Kumunot bigla ang aking noo. Pero ramdam na ramdam ko ang malakas na inerhiyang kaniyang pinakawalan nang walang kahirap-hirap.
Ramdam na ramdam ko na makapangyarihan siya. Siya ay may kulay puting mga buhok na sayad na sayad sa sahig. Kulay gintong mga malalaking pakpak, kulay gintong mga mata at nakasuot din ito ng magarang kasuotan. Kapansin-pansin din ang kaniyang mapupulang mga labi, matangos na ilong at makurbang mga pilik-mata.
Napasunod ako sa ginawa ni Suprema Celestia nang bigla niyang niluhod ang kaniyang kaliwang tuhod sa sahig. Itinukod naman niya ang kaniyang mahiwagang tungkod sa kanan. Habang nakayuko ang kaniyang ulo. Nasa harapan kami nitong babaeng anghel na hindi ko kilala.
"Mahal na diyosang Divine, kayo ay naparito." Tinamaan kaagad ako ng kaba nang marinig ang sinabi ni Suprema Celestia.
Halos bumagsak na sa sahig ang aking mga bibig. Nanginig ako sa takot. Ang babaeng nasa harapan namin ay ang unang banal na anghel ng aming lahi. Ang diyosang si Divine na nagbibigay sa amin ng lakas.
"Celestia, ang itinakda ang nagpapunta sa akin rito." Napatingin sa akin si Suprema Celestia sa akin, napailing ako sa kaniya para ipaalam sa kaniya na walang akong alam. Narinig kong tumawa ito ng mahina. Humanga kaagad ako. Pati ang tawa niya ay nakakahawa. "Bumaba ako upang bigyan ng kasagutan si Binibining Serephain."
Pareho kaming nagpakawala ng hangin ni Suprema Celestia. Tila parang nabunutan ng tinik sa lalamunan.
"Tayo."
Sa isang sabi lang ng Diyosa ay kusa kaming napatayo ni Suprema Celestia sa pagbibigay galang sa kaniya. Humanga na naman ako. Sa mga salita, napapasunod niya kami. Narinig ko na naman itong tumawa ng mahinhin.
"Mukhang magugustuhan ko ang batang ito, Celestia." Maging ang boses niya ay nakakahumaling.
Sa pagkakataong 'to, narinig kong tumawa rin ng mahina si Suprema Celestia. "Oo naman po. Mabait ang batang 'yan."
Namula ang aking pisngi dahil sa mga sinabi nila. Nakatingin lamang ako sa baso na nasa harapan ko. Hindi ko kayang tignan sa mata ang diyosa. Hindi ko akalaing bababa pa siya upang sagutin ang mga katanungan ko.
Tinablan ako ng kaba nang biglang i-angat ng diyosa ang aking ulo gamit ang kaniyang hintuturo. Sumalubong sa akin ang ginto niyang mata.
"Tama ang pagpili sa 'yo ng diyos ng kapalaran, Binibining Serephain," komento pa nito.
Nakita kong pinitik nito ang kaniyang mga daliri at sa isang iglap ay nakalutang na siya sa aming harapan. Sa ibabaw namin ay lumitaw ang imahe ng mga nilalang na aking nakita.
"Sila ay tinatawag na elves. Sila ay isa sa mga nilikha ng maykapal para sa banal na mga anghel bilang regalo matapos maihalal na kauna-unahang Summa ang kaisa-isang anak ng pamilyang maimpluwensiya." Nagsimula na niyang ikuwento ang tungkol sa mga nilalang na aking nakita.
Katabi ng imahe ng isang elf ay makikita ang isang gwapong lalaking nakasuot ng kapa at korona sa kaniyang ulo. Nakangiti ito ng malapad. Ang mga taong nasa kaniyang likuran ay tila ang saya-saya.
"Siya ay si Ginoong Mikael. Si Ginoong Mikael ay mabait at makonsiderang pinuno. Itong mga elves na ibinigay ng maykapal bilang regalo ay ang mga tagapag-protekta ng ating kalikasan. At ang mga tagapag-lingkod na magta-trabaho para sa mga banal na anghel."
Ang mga sumunod na imahe ay ang mga elves kung saan nagta-trabaho para sa aming lahi. Subalit, sila naman ay masaya sa kanilang mga ginagawa. Tinatrato sila nang patas. Hindi sila tinuturing na ibang nilalang. Tila ba'y lahat ay tinuring silang pamilya.
Lahat ng pamilyang pinagsisilbihan ng mga elves ay kasama silang kumakain sa hapag-kainan. Sinasama sila sa lahat ng mga desisyon, at mga bakasyon. At nakakatuwa lang makita na ganito ang mga Axphainians noon.
Kung sila ay trinato ng patas, paano sila naging masama?
Ang mga sumunod na imahe ay hindi na nakayanan ng aking malambot na puso. Ang napakagandang kahapon ay nasira sa sakim sa kasalukuyan. Rumihestro rin ang malungkot sa mga mata ng diyosang si Divine.
"Sa kabaitan ng unang Summa ay nagtatag siya ng batas na kung sino man ang mang-aabuso laban sa mga elves ay papatawan ng mabigat na parusa. Ang pagtrato ng patas sa mga elves ay nagpatuloy sa pangalawang Summa. At sa pangatlo naman ay ito ang madilim na pangyayari sa mga nilalang na ibinigay sa atin ng maykapal. Ito ay tinguriang dark age ng ating lupain."
Mas lalong naging malalim ang galit ko sa aking kalahi sa mga sumunod na imaheng ipinakita sa amin ng Diyosa. Isang elf na nakagawa ng maliit na pagkakamali ay pinagbuhatan na ito ng kamay sa mga pamilyang pagmamay-ari sila. Galit ako sa mga kalahi ko.
Pero mas malaki ang galit ko sa ikatlong Summa.
Lahat ng pang-aabusong pinakita ng mga tao niya ay impluwensiya mula sa pagiging masamang pinuno niya. Dahan-dahang nagsilakihan ang aking mata sa mga sumunod na mga imahe. May isang babaeng anghel na aksidenteng nakapagmanipula ng apoy mula sa kaniyang mga kamay.
Sumang-ayon kaagad ako sa sinabi ng diyosang Divine. Ang panahong ito ay talagang malas na panahon sa mga Axphainians. Ang pang-aabuso ng mga kalahi ko sa mga elves at ang panahon kung kailan nalaman ng lahat na may mga Axphainians na kayang magmanipula ng kapangyarihan mula sa apat na elemento.
Nabalik ulit ang aking atensyon sa ipinapakita ng diyosa. Mas lalo akong nasaktan sa mga sumunod. Ang ikatlong Summa ay pinuwersa ang elves na ibigay sa kaniya ang kapangyarihan ng mga ito. At kung sino man ang hindi sumunod sa utos niya ay ipapatay sa harap ng publiko.
Ang mga elves na masayang dumating sa Axphain ay naninirahan na sa aming lugar nang may takot. Lahat sa kanila ay gumigising nang natatakot at natutulog naman silang nasasaktan at may galit sa puso.
"Dahil sa takot at galit, ang mga elves ay nakipag-alyansa sa mga kalahi nating nabigyan ng biyayang magmanipula ng apat na elemento na magsama-sama silang maghiganti sa mga Axphainians na nagkapinsala sa kanila. Nagtulungan sila. Subalit, nang matapos ang digmaan ay tinalikuran na naman sila't kinalimutan."
Sarkastiko akong napasinghap. At iniling ang aking ulo dahil hindi na ako nagulat pa sa ginawa ng mga Axphainians laban sa mga nilalang na walang gusto kundi ang makamit ang hustisyang karapat-dapat para sa kanila.
Kung ito ay nangyari noong kasagsagan ng digmaan laban sa isa't isa, isa lang ang gusto kong itanong sa diyosang kaharap namin ngayon ni Suprema Celestia. Bakit wala man lang siyang ginawa para sa kanila? Sa halip ay mas pinili niyang tulungan ang aming lahi upang magkasundo.
Kung nagawa man niyang tulungan kami noon laban sa aming mga sarili, bakit hindi man lang niya tinulungan ang mga nilalang na walang ibang inaasam kundi ang hustisya?
"Bakit ko nga ba hindi tinulungan ang mga elves, Serephain?" Tinablan ako ng matinding takot nang marinig ko ang sinabi ni Divine. Pinagalatin ko ang aking sarili. Napakagat ako sa aking ibabang labi dahil wala akong masagot sa tanong niya. "Ito ay dahil sa mga araw na ibinigay sila bilang regalo para sa lahi natin ay umuusbong ang inggit ng mga ito. At dahil sa inggit na 'yon ay dumating sila sa puntong kausapin ang diyos ng pagkasira, si Gedeon."
Nanlaki ang aking mga mata dahil sa nalaman. Narinig ko si Suprema Celestia na napasinghap sa kaniyang kinaroroonan. Ipinakita sa amin ng diyosang Divine ang isang imahe ng babaeng elf kung saan sinubukan niyang kausapin si Gedeon sa pamamagitan ng isang ritwal.
Pero dismayang bumagsak ang balikat nito. Napansin ko naman sa mga mata niya na sa kabila ng kaniyang pagkadismaya ay namutawi ang determinasyon sa kaniyang mukha. At ang mga ngiti na tila parang sigurado itong magwawagi siya.
"Ang makapangyarihan na si Akwan ay nadismaya na naman sa nilalang na kaniyang nilikha. Ang elves ay nilikha mula sa kapangyarihan ko, Serephain. Kaya medyo hindi malayo sa mga hitsura niya ang hitsura natin. Ang mga nilalang na ito ay alam nila kung saan sila nanggaling at dahil doon gusto nilang lamangan tayo."
Ang mga sumunod na nangyari ay lumitaw ang imahe kung saan naglakbay ang mga ito nang walang mga kapangyarihan. Hanggang sa dumating sila sa isang madilim na lugar. Isang lugar na puno ng kasakiman, galit, at poot. Ang lugar na ito ay ang lugar kung saan ipinatapon si Gedeon matapos matalo sa duwelo laban sa kapatid niyang si Akwan.
Ang lugar kung saan premyo ng kaniyang pagkatalo. At ang premyo niya sa pagiging sakim sa tronong inaasam-asam niya sa simula.
"Matapos sila kinalimutan ng mga kalahi nating nakipag-alyansa sa kanila ay naglakbay sila. Isang paglalakbay sa paghahanap ng bagong kapangyarihan. At gaya ng kanilang plano ay nahanap nila ang Gloom. Doon sila tinanggap ni Gedeon at binigyan ng panibagong pag-asa."
Napatingin ako sa mga imaheng nagsilitawan sa aking harapan. Ang kagandahan ng mga elves ay biglang naglaho matapos makatanggap ng kapangyarihan mula kay Gedeon. Ang kanilang dilaw-berde na mga mata ay napalitan ng itim. Ang kaniyang noo ay natubuan ng dalawang sungay katulad ng kambing.
Ang kanilang maputlang balat ay nagkaroon ng itim na linya. Ang mga linya na ito ay hindi tuwid, para lamang itong kaunting biyak sa sahig. May mga sanga-sanga rin ang mga ito. Nagkaroon din sila ng buntot tulad ng isang demonyo.
Pero sa kabila ng kanilang pagbabago ay nandoon pa rin ang kanilang maputlang balat at ang matutulis nilang mga tenga. At ang kanilang mapuputing mga buhok. Lahat sila ay natuwa sa kanilang pagbabago at mas gusto nila ito kaysa sa nauna.
"Pinangakuan sila ni Gedeon na makakamit din nila ang kanilang paghihiganti laban sa Axphain. Kaya lahat ng tiwala nila ay ibinigay nila sa diyos ng pagkasira. Hindi sila tumulong kay Gedeon nang maghasik muli ito ng lagim sa ating mundo. Dahil ang kanilang layunin ay pabagsakin ang ating lupain at aangkinin ito."
Napakuyom ako ng aking mga kamao. Nagtagis ang aking mga bagang. Ang inggit na ipinapakita ng mga elves ay talagang masasabi kong kapareho ng mga ipinakitang ugali ng iilan sa mga Axphainians. Subalit, ang inggit ay nasa bawat isa sa atin.
Hindi ko iyon ipagkakaila. Hindi ako santo upang itanggi 'yon. Kahit na galing kami sa diyos ng likha ay hindi kami kailanman maging mataas na nilalang laban sa ibang nilalang. Lahat kami ay binigyan ng tahanan nang patas.
Ang kasamaan ay hinuhulma sa mga emosyong hinahayaan nating kainin tayo. Ang inggit ay kailanman hindi maging masama. Nasa sa nilalang kung paano ito gamitin para sa sarili. Ang desisyon at tadhana ay nasa aming mga kamay. Kami ang magdedesisyon para sa aming mga sarili, at minsan sa mga desisyong 'yon mabubulag tayo kung ano ang mabuti.
Subalit kung manaig naman ang kasamaan ay wala ng matitirang pag-asa para sa mundo. Nakakahilong konsepto, pero kung mawawala ang ating pinaglalaban, mawawalan ng kabuluhan ang buhay. Ang paggawa ng kasamaan ay hindi kailaman maging isa sa madaling desisyon.
Tanungin natin ang ating mga sarili. Kung siya ay maganda ang buhay, mainggit ka, pero gawin mo itong inspirasyon o instrumento para sa pangarap na gusto mong makamit. Gusto kong maging katulad niya o gusto kong maging makapangyarihan.
Ang gagawin lamang natin ay paghirapan ang mga bagay na gusto nating makamit. Nakatatak na sa aking puso at isipan ang sinabi sa akin ni Suprema Celestia. Ang mundo ay hindi kailanman maging libre. Kung libre man ito ay may kabayaran.
Napatingin naman ako kay Divine nang marinig ko siyang tumawa ng mahina. Sumilay ang humahanggang ngiti sa kaniyang magandang labi. Tiningnan niya ako diretsahan sa mata.
"Tama ka, Serephain. Ang mundo ay hindi kailanman maging libre. Kung libre man ito ay may kabayaran katulad ng sabi mo." Bumagsak kaagad ang aking tingin sa sahig nang marinig ko ang sinabi niya. Kanina niya pa binabasa ang aking isipan. "Huwag kang mag-aalala, Serephain. Hindi ko binabasa ang isipan mo. Sadyang naririnig ko lang. Isa akong Diyosa kaya lahat ng isipan ng nasasakupan ko ay naririnig ko."
Humanga kaagad ako sa sinabi niya. Naramdaman ko naman ang paglapit ng kaniyang presensya sa akin. Ang mga sumunod na nangyari ay idinampi niya ang kaniyang hintuturo sa aking baba at inangat ang aking ulo gamit lamang iyon.
Nakatingin lamang ako sa kaniya't naghihintay sa susunod niyang sasabihin. Subalit lumingon siya kay Suprema Celestia.
"Ang batang ito ay puwedeng-puwedeng maging Suprema, Celestia." Kinabahan ako sa sinabi niya.
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Suprema. "Sumasang-ayon ako sa sinabi niyo, mahal na Divine."
Pero napaiwas ako ng tingin sa kanila. Maging Suprema? Mapait akong natawa sa sarili ko. Malabo. Maging Suprema ang isang tulad ako? Baka pagtatawanan at huhushagahan lamang ako ng mga nilalang na walang ibang gawin kundi ang maminsala ng kapuwa.
"Hindi ka ba naniniwala sa sarili mo, Serephain?" Narinig ko kaagad ang dismayang boses ng Diyosa. "Alam mo, Serephain. Lahat tayo ay may iba't ibang klaseng konsepto sa buhay. At lahat tayo ay may iba't ibang pinaniniwalaan. Lahat tayo ay may iba't ibang paraan ng pinaghuhugutan."
Ang kanina'y pag-iwas ko ay tinignan ko ng diretso sa mata ang Diyosa. "Ikaw ang Diyosa, may mas kapangyarihan kang baguhin ang nasasakupan mo."
"Serephain." Narinig ko ang pagbabantang tinig ni Suprema Celestia. Binabalaan akong huwag akong magsalita ng ganoon laban kay Divine.
Hinanda ko na ang aking sarili sa galit niya. Subalit, narinig ko siyang nagpakawala ng malalim na buntonghininga.
"Iyon ay isa sa mapait sa pagiging Diyosa, Serephain. Wala ako sa posisyong makialam sa mga problema ng aking nasasakupan. Utos iyon ng maykapal. Ang trabaho ko lamang ay bantayan kayo't magbibigay ng lakas," sagot niya sa akin. "Ang mga batas na ipinatupad ng mga nagdaang mga Summa ay hindi impluwensiya mula sa akin, Serephain. Ito ay mga konsepto ng paniniwala nila kung saan sa tingin nila'y makabubuti sa lahi natin."
Nahiya ako sa mga pinagsasabi ko laban sa Diyosa. Iyuyuko ko na sana ang aking ulo dahil sa kahihiyan na ginawa ko, pero mabilisang pinigilan ako ni Divine.
"Kaya ikaw ay may kapangyarihang baguhin 'yon, Serephain. Kayo ay mas may kapangyarihan para sa ating lahi." Nakangiti niyang saad. "Binabasbasan kitang maging susunod na Suprema ng Axphain. Ikaw ay maging katulad ni Celestia. Ibibigay ko sa mga kamay mo ang ating lahi, Serephain."
Pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang 'yon ay bigla na lamang siyang naglaho. Napatingin ako kay Suprema Celestia. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Subalit isang matamis na ngiti ang sumalubong sa akin mula sa Suprema.
Isa na namang panibagong responsibilidad ang nakaatang sa akin. Mula sa pagiging itinakda, ngayon ay ang pagiging Suprema ko na naman?
"Binabati kita, Serephain." Masayang sabi ni Suprema Celestia sa akin, dahilan para mabalik ako sa reyalidad. "Tignan mo ang iyong pulsuhan." Gaya ng sabi niya sa akin, tumingin ako roon.
Laking gulat ko ay may isang marka. Ipinakita rito ang gasuklay. Sinasapawan naman ito ng simbolong krus. Napatingin muli ako kay Suprema Celestia.
"Iyan ay simbolo ng pagiging karapat-dapat maging katas-taasang pinuno ng Axphain." Nakangiti niyang saad at ipinatingin niya sa akin ang sa kaniya. Katulad ito ng sa akin. "Walang masasabi ang kalahi natin sa 'yo, Serephain. Dahil ikaw ay pinili mismo ng isang diyosa."
Hindi ko na naman alam ang sasabihin. At napatulala na lamang sa mga responsibilidad na nakaatang sa akin. Narinig ko naman ang mahinang tawa ni Suprema Celestia. Idinantay nito ang kaniyang kamay sa aking balikat. At dahil sa ginawa niya ay napagaan ang aking damdamin.
"Alam kong magiging mabuti at mas magaling na mamumuno ka, Serephain."
Matapos sabihin iyon ni Suprema Celestia ay nagpasalamat ako sa kaniya. Namagitan kaagad sa amin ang katahimikan. Hanggang sa natandaan ko ang nalaman ko tungkol sa mga traydor.
"Suprema Celestia, may gusto akong sasabihin."
Lumingon sa akin si Suprema Celestia at nginitian. "Alam ko na kung sino ang mga traydor, Serephain. At alam na alam ko kung paano sila ipapabagsak."
Napangiti ako. Ano pa ba ang inaasahan ko sa isang katulad ni Suprema Celestia? Siyempre, malalaman talaga niya ang kung sino ang mga traydor. Hindi siya naging katas-taasang pinuno nang walang matibay na rason.
Pagkatapos niyon ay nagpaalam na ako kay Suprema Celestia. Babalik na ako sa akademya. Karapatan nilang malaman ang tungkol sa mga nalaman ko. Ihahanda namin ang mga sarili sa paparating na mga kalaban. Habang lumilipad patungo sa akademya, napatigil ako nang may magsalita sa aking isipan.
"Huwag na huwag mo akong bibiguin, Serephain."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro