Kabanata 52: Halik ng Pag-ibig
Hanggang ngayon nasa kabilang mga ulap pa rin ang nararamdaman ko. Makalipas ang sampung araw sa paglalakbay sa iba-ibang nasyon, ang dami kong natutunan. Karamihan sa mga dwelo ko laban sa ibang itinakda ay talagang binigyan nila ako ng matinding pagsubok na makamit ang panalo. May ilang dwelo na nanalo ako, at meron namang iba na natalo ako.
Tanggap ko naman 'yon. Dahil 'yon ang katotohanan.
Hindi sa lahat ng pagkakataon, nakakamit natin ang panalo. Kasi sa digmaan, hindi natin alam kung ano'ng kapalaran ang naghihintay sa atin. Parang buhay lang ng isang nilalang, hindi natin alam kung kailan tayo kukunin sa mundo. Kaya hangga't maari, gamitin ang mga oras para sa mga mahal natin sa buhay.
Pero sa mga oras na 'to, kanina ko pa pinisil-pisil ang aking mga kamay dahil sa sobrang kaba. Kakaibang kaba. Kaba na hindi ko kayang maipaliwanag. Nakaupo ako sa isang sementadong upuan na makikita rito sa kakahuyan ng akademya.
At katabi ko ngayon ang lalaking puno't dulo ng pagkabog ng aking dibdib.
Kakalubog lamang ng araw. Nakamasid lamang ako sa maaliwalas na kalangitan. Napuno ito ng kumikinang na mga bituin. Kitang-kita rin sa kalangitan ang gasuklay.
Hindi ko alam kung bakit ako pumayag na samahan si Caspian. Pero ang sabi niya ay gusto niya raw ng oras kasama ako.
"Kahit kailan talaga hindi ko pa rin maiiwasang humanga sa kayang ibigay ng kalangitan," rinig kong saad niya sa tabi ko. "Pero minsan hindi ko kayang maiwasang matakot."
Dahil sa sinabi niya, napatingin ako sa kaniya. Ang magiting na Caspian ay may kinatatakutan? Iniling ko ang aking ulo dahil sa naisip. Malamang! Sino ba'ng manhid na walang kinatatakutan? Lahat may kaniya-kaniyang kinatatakutan, at nasa sa atin pa rin kung paano natin ito gagamitin.
Gagamitin ba natin ito bilang inspirasyon. O gagamitin natin ito upang sumuko na lang nang walang kahirap-hirap.
"Ikaw ba may kinatatakutan din, Serephain?" Nabigla ako sa naging tanong niya sa akin.
Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga bago sumagot sa tanong niya. "Oo naman, Caspian. Marami. Sino ba'ng nilalang na walang kinatatakutan?"
Narinig ko siyang bahagyang tumawa. Isang tawang mapait. Hindi ko alam kung ano ang pinagdaanan niya, pero alam kong mabigat 'yon. Tumingala ako sa langit upang mas makita nang mabuti kung gaano kaganda ang gasuklay at ang mga bituin.
"Natatakot ako na baka pagkatapos ng lahat ng 'to, hindi ko na ulit masisilayan ang pagsikat ng araw. Natatakot ako na baka bukas makalawa, hindi ko matupad ang mga katagang aking binitawan sa harapan ng maraming Axphainian. Natatakot ako na baka mabigo ko ang diyos ng kapalaran. Natatakot ako na baka hindi ko matupad ang mga responsibilidad ko bilang isang itinakda." Huminto muna ako sa pagsasalita nang maramdaman ko ang pagkirot ng aking dibdib.
Tumikhim ako upang maitago ang panginginig ng aking boses. "Natatakot ako na baka sa mga susunod na araw hindi ko na mahanap ang sagot kung saan ako nabibilang. Dahil hanggang ngayon, tinatanong ko pa rin ang aking sarili ko kung dito ba ako nararapat."
Namayani ang katahimikan sa aming dalawa ni Caspian. Subalit ilang minuto ang makalipas, kinuha niya ang aking mga kamay. Pinisil-pisil pa niya ito. Dahilan upang tuluyan ng nagsibagsakan ang aking mga luha.
"Serephain, gusto ko lang sabihin. Hindi ko man alam ang pakiramdam bilang isang kalahating Axphainian at kalahating Cimmerian, gusto ko lang malaman mo na po-protektahan kita kahit ano'ng paraang alam ko." Dahil sa binitawan niyang mga salita, hindi ko maiwasang makonsensya na pinagbibintangan ko siyang siya ang nagsumbong sa mga Summa tungkol sa sikreto ko.
Binawi ko ang aking kamay na kanina niya pa hawak-hawak. Dahilan upang tignan niya ako nang naguguluhan.
"Caspian, ayokong ibuwis mo ang iyong buhay para lang sa isang tulad ko," malamig kong saad sa kaniya.
Kumunot kaagad ang kaniyang noo. At saka niya kinuha ulit ang aking mga kamay. "Serephain, karapat-dapat kang ipaglaban."
Napatayo ako sa sinabi niya. Alam kong marami pang pangarap si Caspian. Alam kong gusto niyang pumasok sa kabalyero mahiko.
"Caspian, hindi ko maiintindihan. Hindi ko maiintindihan kung bakit kailangan mong ibuwis lahat ng pangarap mo at buhay mo para lang sa akin! Ang punto ko lang, bakit? Sa ano'ng rason? Hindi naman tayo magkakaibigan. Pinagbibintangan pa nga kita na ikaw ang nagsumbong sa mga Summa tungkol sa sikreto ko. Kaya hindi ako karapat-dapat sa mga pangako mo!" Hindi ko na maiwasang mapataas ang aking boses laban sa kaniya.
Nakita ko pa siyang nagulat sa pagtaas ng aking boses. Pero kalaunan naman ay padabog siyang tumayo sa pagkakaupo at tiningnan ako diretso sa aking mata.
"Gagawin ko ang lahat ng 'yon para sa 'yo dahil mahal kita, Serephain!" Sa pagkakataong 'to, ako na naman ang nagulat. "Nang unang masilayan kita, alam ko na sa sarili ko na ikaw ang babaeng gusto kong protektahan! Ikaw ang babaeng gusto kong ipaglaban. Kahit pasanin ko pa ang mundo para sa 'yo, ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko. Binigyan mo ako ng inspirasyon na hindi kayang ibigay ng mga magulang ko. Binigyan mo ako ng rason para tumindig para sa sarili ko. Binigyan mo ako ng rason para ipagpapatuloy ang buhay na gusto ko. At dahil doon, humanga ako sa pagiging matatag mo."
Mas lalong rumagasa ang aking mga luha dahil sa mga sinabi niya. Hindi rin nakaligtas sa mata ko ang mga luha ni Caspian. Pero dahil sa mga sinabi niya, hindi ko alam kung ano ang dapat kung isagot.
Pagkaraan ng ilang segundo, umalis siya sa harapan ko nang walang paalam. Pinagaspas niya ang kaniyang mga pakpak papunta sa dormitoryo ng mga kalalakihan. Napaupo na lamang ako sa sementadong upuan na to. At napahagulgol ng iyak.
Hindi ko inakalang ang magiting at sikat na Caspian ay magkakaroon ng damdamin para sa isang tulad ko. Hindi ko inakalang sa kabila ng lahat ng pagiging perpekto niya sa harap ng marami, may pinapasan din siyang problema.
Napaalerto ako nang makaramdam ako ng presensya mula sa aking likuran. Napatayo ako't napalingon. Pagkalingon ay nakita ko si Suprema Celestia.
"Ipagpapaumanhin mo sana, Serephain. Hindi ko sinasadyang marinig ang pinag-uusapan niyo ni Caspian," magalang na sabi niya. Naglakad siya papalapit sa akin at umupo. "Alam mo, Serephain. Lahat tayo ay may mga problemang pinapasan. Subalit, ang kaibahan lang ay kung gaano ito kabigat."
Umupo ako sa tabi niya. Naramdaman kong ang lungkot ng kaniyang boses.
"Mabait na bata si Caspian. Galing siya sa isang pamilyang maraming nagawa para sa ating nasyon. Ang ama niya ay dating hukom sa kunseho mahiko. Ang ina niya naman ay ang dating hukom din. Habang ang Lolo at Lola niya naman ay dating mga kapitan sa kabalyero mahiko. Ang dalawa niyang kapatid na lalaki ay nasa kabalyero mahiko din at sila ay nasa listahan ng mga kandidatong maging susunod na kapitan," kuwento sa akin ni Suprema Celestia. "Subalit sa kabila ng pagiging kabilang sa ganiyang pamilya, lahat ng mata ay nasa sa kaniya. Inaasahan siya ng lahat na maging katulad siya ng kaniyang pamilya."
Huminto muna si Suprema Celestia sa pagsasalita, at nagpakawala ng buntonghininga.
"At alam naman nating lahat na kung gaano kapagod 'yon. Kung paano nakakawalang gana 'yon. Na tila ba'y wala tayong kalayaang magdesisyon para sa sarili natin. Kasi mismong mga magulang niya ang nagdidikta sa lahat ng desisyon para sa kaniya. Ni kahit isang beses, hindi man lang nila tinanong kung ano'ng gusto ni Caspian. 'Yong pakiramdam na hawak siya sa leeg." Malungkot na kuwento ni Suprema Celestia. "Iyan din ang isa sa mga pagkakamali ko pagdating kay Ayleth," dagdag niya.
Pagkatapos marinig ang kinuwento ni Suprema Celestia, napaisip akong katulad ko lamang si Caspian. Hindi sa dugong nananalaytay sa aking mga ugat, kundi ang tungkol sa bagay na wala kaming kalayaang magdesisyon para sa aming mga sarili.
'Yong akin ay noon 'yon. Pero kahit papaano ay sa akin naiibsan ng paunti-unti. Nakakalipad na ako gaya ng gusto ko. Nakapagdesisyon ako para sa sarili ko. Subalit, nandoon pa rin ang mga mapanghusgang titig ng mga Axphainian.
"Wala man ako sa posisyong sabihin ito sa 'yo, Serephain. Pero lumapit sa akin si Caspian upang magmamakaawa na huwag kang saktan noong mga panahong nalaman namin ang sikreto mo. Idiniklara niya ang nararamdaman niya para sa 'yo sa araw na 'yon. Sabi niya, wala siyang ibang magawa kundi iyon lamang. Natatakot siyang itakwil siya ng kaniyang mga magulang. Kaya kahit papaano ay tumulong siya sa 'yo nang patago."
Napakagat ako sa aking ibabang labi sa mga nalaman ko kay Suprema Celestia.
"Gusto man niyang tumulong sa mga kaibigan mo na iligtas ka laban kina Kapitana Soliel at Kapitana Anil. Hindi niya magawa dahil inunahan siya ng takot. Dahil kapag ginawa niya 'yon ay madadamay niya ang pangalan ng kaniyang pamilya. At wala na siyang pamilya na mauuwian. Masakit man, pero tumulong siya sa paraang alam niya. Kaya binigyan ko siya ng pagkakataong balaan ang mga magulang mo sa paparating. At ginawa niya naman." Pagpapatuloy pa ni Suprema Celestia. "Serephain, kilala ko ang batang 'yon. Alam na alam kong pinagsisihan niyang hindi siya lumaban katabi ka. Pinagsisihan niya ang pagiging duwag. Kung nakaya ngang ipagtanggol ka ng mga kaibigan mo sa harap ng lahat, bakit siya hindi?"
Tumulo ang aking luha. Naramdaman ko naman ang kamay ni Suprema Celestia sa aking balikat. Sinundan niya ito ng paghagod.
"Serephain, ang mundo ay hindi patas. Kailanman ay hindi ito magiging patas. Dahil kung wala ito, paano tayo titindig para sa sarili natin? Paano natin ipagtanggol ang sarili natin patungo sa mga pangarap na inaasam-asam nating mangyari? Lahat ng bagay ay dapat nating paghihirapan, dahil walang libre sa lahat ng bagay." Matapos niyang ikuwento ang tungkol sa buhay ni Caspian, nagbitaw siya ng makabuluhang mga kataga.
Tumayo siya sa pagkakaupo. Tumingala siya sa kalangitan at ngumiti ng matamis. Lumingon siya sa akin at tinignan ako diretso sa mata.
"Serephain, gusto ko lang malaman mo na nasa panig mo ako. Pareho lamang tayo ng pinaglalaban. Pareho tayo ng pangarap. Tandaan, hindi ka salot. Espesyal ka na magdadala ng kaibahan sa mundo."
Tinitigan niya ako sa mata.
"Serephain, kung alam mo lang kung gaano ako nagpapasalamat sa pagdating mo dito sa mundo. Hindi ka kailanman salot, ikaw ay isang biyaya ng diyos at habang buhay na espesyal. Kaya itaas mo ang iyong noo diyan. Ipagmalaki mo ang iyong pagiging kakaiba."
Tuluyan ng bumagsak ang mga luha ko sa mata. Maluha-luha niya ako ngitian at tinanguhan. Pagkatapos ay umalis na siya. Hanggang sa hindi ko na siya matanaw. Tumayo ako. Ngumiti at bumuntonghininga.
Naglakad na lamang ako papunta sa dormitoryo. Dahil wala na akong lakas para lumipad pa sa mga nalaman ko. Subalit laking gulat ko na lamang nang makasalubong ko si Caspian. Nagkatinginan kami sa mata.
Naglakad siya papalapit sa akin. Hinawakan niya ang aking mukha. At siniil ng halik sa labi. Hindi ko kayang maipaliwanag ang nararadaman ko sa mga oras na 'to. Ang tanging alam ko lamang ay masaya ako.
Gusto ko na lang magmahal. Gusto ko na lamang ibuhos lahat ng atensyon ko sa lalaking hinalikan ako sa napakagandang gabing ito. Dahil gusto kong ipahiwatig ang aking nararamdaman para kay Caspian ay tinugunan ko lahat ng halik niya.
Makaraan ng ilang segundo ay pinili naming putulin ang halik na 'yon. Nagkatinginan kami sa mata, at nagtawanan na lamang.
"Pasensya sa lahat, Caspian," ang bulong ko sa kaniya.
Mukhang narinig niya ako nang yakapin niya ako ng mahigpit. "Ako dapat ang humihingi ng pasensya, Serephain. Naging duwag ako."
* * *
A/N: Hey guys, you can read the action one on one fight between our chosen ones on each installments of the series. But for now, you can wait for it---patiently. My other co-writers are quiet busy with their own personal life and let us give this to them. For sure, they will start update their each installment soon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro