Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 51: Ang Imbitasyon

Pabalik na ako sa dormitoryo kasama sina Borin, Rony, Crystal at Collyn. Habang okupado pa rin ang aking isipan. Kahit na alam kong ilusyon lang 'yon, pero bakit pakiramdam ko sobrang totoo na nakapunta ako sa ikatlong paraiso na matatagpuan sa ikaapat na tarangkahan?

Kahit na ilang ulit kong baliwalain ito, pero bumabalik pa rin ito sa isipan ko. Sobrang nakakatakot ang lugar na 'yon na kahit na sinumang nilalang ay hindi nanaising mapupunta roon. Napatingin ako sa aking kamay at napatitig dito.

Kinagat ko ang aking labi dahil bigla itong nanginig sa takot.

Subalit, napatingin ako sa humawak sa kamay ko't sumalubong sa akin ang nakangiting labi ni Collyn. Nakatingin na rin sa akin sina Crystal, Borin at Rony na tila parang nag-aalala.

"Ayos ka lang ba, Serephain?" tanong sa akin ni Collyn.

Napayuko ako sa tanong niya dahil hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Napasinghap naman ako ng mahina nang maramdaman ko ang paghaplos ng kamay ni Crystal sa aking likuran. Kahit papaano ay gumaan ang mabigat na pakiramdam na pasan-pasan ko kanina pa lang.

"Wala kang dapat ikatakot, Serephain. Alam kong hindi ka hahayaan ng diyosang si Divine na mapunta sa ikatlong paraiso." Nakangiting saad ni Crystal dahilan para mapatango ako.

"At saka, kung 'yon man ay hindi ilusyon ay wala kang dapat na ikatakot. Kasi, ikaw ang itinakda. Alam kong kaya mong baguhin ang mga itinakdang mangyari. At alam kong malaki ang pangarap mo para sa ating nasyon." Bigla akong naliwanagan sa sinabi ni Borin at tinanguhan siya.

Lahat kami ay nginitian ang isa't isa.

Laking gulat ko na lamang nang bigla nila akong niyakap. Pagkatapos ay inakbayan ako pareho nina Crystal at Collyn. Hindi naman nagtagal ay una ng nagpaalam sa amin sina Borin at Rony dahil papunta na sila sa dormitoryo para sa mga lalaki.

Nagpaalam na rin sa akin sina Crystal at Collyn na tinanguhan ko naman sila. Ipinagaspas ko na ang aking mga pakpak papunta sa kwarto ko. Subalit, pagdating ko ay hindi ko inaasahan na maririnig ko ulit ang boses niya.

Sa halip na pumasok ako ay nandito lamang ako sa labas ng pintuan, nakikinig sa pinag-uusapan nila. Hindi naman sa ayaw kong pumasok, pero hindi pa ako handa para makita siya.

"Punong mahistrado, nakahanap na po ng kaunting ebidensya ang mga kabalyero mahiko tungkol sa insidente sa siyudad ng Terra," magalang na sabi niya kay ama.

"Huwag mo na akong tawaging mahistrado, Caspian. Tinanggal na nila ako sa posisyong 'yon." Natatawang sagot naman ni ama.

"Pero, ikaw lang po ang Axphainian na may paninindigan at ilalaban ang karapatan ng bawat isa sa atin," pakikipagtalo pa ni Caspian.

Napakunot ang aking noo dahil sa mga naririnig. Ayon sa pamamaraan ng kanilang pananalita ay tila ba'y matagal na silang magkakakilala at mukhang malapit sila sa isa't-isa. Bakit hindi ko alam ang tungkol dito?

"Ito talagang batang 'to, oh." Rinig kong tumatawang wika ni ama. "Balik tayo sa rason kung bakit ka naparito, may alam na ba ang kabalyero mahiko kung sino ang nasa likod ng pag-atake ng mga alagad ng dilim sa siyudad ng Terra?"

Narinig ko rito sa labas ng pintuan ang pagtikhim ni Caspian, sumunod naman ang buntonghininga niya.

"Si Aki po ang rason kung bakit nakapasok ang mga kalaban at inatake ang siyudad ng Terra." Narinig kong sagot ni Caspian sa tanong ni ama. "Kahit papaano po ay alam na natin kung kanino tayo makakuha ng impormasyon sa mga kalaban."

Nagsilakihan pa rin hanggang ngayon ang aking mga mata sa narinig mula kay Caspian. Si Aki ang rason kung bakit sinugod ang siyudad na kinalakihan ni Crystal. Ibig bang sabihin nito, nagtatrabaho siya para sa kalaban?

Wala naman akong narinig na binitawang salita ni ama. Marahil ay naghihintay siya sa susunod na sasabihin ni Caspian.

"Si Aki po ang kanang kamay ko sa kunseho mahiko ng mag-aaral. At siya rin po ang posibleng nagsumbong sa mga Summa ang tungkol sa pagiging kalahating Axphainian at kalahating Cimmerian ng anak niyong si Serephain." Rinig kong sabi ni Caspian na nagpatigil sa akin at nagpasinghap.

Halos mawalan ako ng lakas sa aking kinatatayuan matapos marinig ang sinabi niya. Napasapo ako sa aking noo. Napakuyom ako ng aking kamao dahil sa katangahan na aking ginawa.

Marahil ay galit ngayon sa akin si Capsian dahil pinagbibintangan ko siya na siya ang nagsumbong sa mga Summa tungkol sa aking pagkatao. At tungkol sa sikreto ng aking pamilya. Sana inalam ko ang totoo bago lumukso sa konklusyon.

"Subalit, ang pagta-traydor ni Aki sa ating nasyon ay isa rin lamang po siyang biktima. Tinakot po siya sa lider ng madilim na puwersa na ang nais ay manggulo dito sa ating nasyon. Kung ayaw niyang gawin ang gusto nila, mapipilitan ang mga ito na patayin ang mga magulang ni Aki sa mismong harap niya. Sa halip na makita niya nang harap-harapan ang posibleng karumal-dumal na pagpatay sa magulang niya ay pumayag siya sa gustong mangyari ng mga ito," patuloy na pagkwento ni Caspian.

Walang kasalanan si Aki rito dahil hawak ng mga demonyo ang pamilya niya. Wala siyang pagpipilian kung hindi ang gawin ang gusto ng mga ito. Mas lalong napahigpit ako sa pagkakakuyom ng aking kamao dahil sa nararamdamang galit.

Hindi ko gusto ang ugali ni Aki, inaamin ko, pero wala siyang karapatan para maranasan ang mga ganito. Kailangan kong magpalakas pa lalo upang masigurong may ipanlaban ako sa mga kalaban kung sakaling bigla-bigla silang lumusob sa amin.

At hanggang ngayon, wala pa rin kaming ideya kung sino-sino ang mga nilalang na humamon sa seguridad ng aming lupain.

"Marahil ay nasa bilangguan na si Binibining Aki sa mga oras na ito, tama ba ako Caspian?" rinig kong tanong ni ama.

Walang lumabas na salita sa bibig ni Caspian. Ito ay marahil isang tango ang itinugon niy. Narinig ko ulit ang malalim na pagbuntonghininga ni ama.

"May responsable rin naman siya sa insidente kaya tama lang na ilagay siya sa bilangguan. Hindi man niya ito kasalanan pero mayroon tayong batas na pinagbabasihan. Subalit, alam ko na hindi siya magtatagal doon kaya wala kang dapat na ikabahala," paniniguradong wika ni ama.

Wala akong narinig na binitawang mga salita si Caspian. Ngunit, narinig ko ang mga yabag niya papalapit sa pintuan kung nasaan ako nakatayo at nakikinig. Ngunit napahinto siya sa paglalakad nang biglang magsalita si ina.

"Ginoong Caspian, maraming salamat nga pala sa pagbabala sa amin noong malaman ng lahat ang tungkol sa aming sikreto. Dahil sa tulong mo, nagkaroon pa kami ng oras para ilayo ko sa kapahamakan ang anak namin," rinig kong pasasalamat ni ina kay Caspian.

"Wala po 'yon. Ginawa ko po 'yon para sa kapakanan ni Serephain. Maging ako rin naman po ay hindi ako papayag na may mangyaring masama sa kaniya."

Bigla kong naramdaman ang pamumula ng aking pisngi. Sumunod naman ang nagrarambulan kong puso. Nataranta ako nang mapansin kong dahan-dahang umikot ang seraduhan ng pintuan. Senyales na papalabas na si Caspian.

Mabilisan kong pinagaspas ang aking mga pakpak at nagtago sa madilim na bahagi ng pasilyo. Hindi nga ako nagkakamali, papalabas na nga siya. Mas lalong tumibok ang puso ko sa hindi malamang dahilan nang masilayan kong muli ang maamo niyang mukha.

Nang masarado niya ang pintuan ay lilipad na sana siya nang bigla siyang huminto. Nakita ko pang sumilay ang matamis niyang ngiti sa labi. Matapos niyon ay umalis na siya.

Napabuntonghininga ako ng malalim nang masiguro kong nakalayo na siya. Nakita niya kaya ako sa pinagtataguan ko? Kung makangiti siya kanina parang alam niyang nararamdaman niya ang presensya ko.

Pinihit ko na ang seraduhan ng pintuan at pumasok. Nadatnan ko naman si ama na nakaupo kaharap ng lamesa. Habang si ina naman ay tila ba'y naghahanda na ng makakain namin ngayong hapunan. Pareho silang lumingon sa akin. Matamis nilang mga ngiti ang sumalubong sa akin.

Pinaupo ako ni ama sa upuang katabi ng sa kaniya. Tinanong nila ako pareho kung kumusta ang araw ko ngayon. Kinuwento ko naman ang lahat, kasali na roon ang tungkol sa pagmanipula ko ng ilusyon. Siyempre, nagulat silang dalawa.

Tinanong nila ako kung ayos lang ba ako. Pero si ina talaga ang nababahala para sa akin. Alam niya kasi 'yong pakiramdam na iyon dahil kinuwento na niya sa akin noon na hindi rin niya kayang kontrolin ang pagmanipula ng ilusyon.

Sinabihan ko naman sila na wala silang dapat na ikabahala dahil maayos na naman ako. Dahil sa sinabi ko, napanatag naman sila. Pagkatapos ng pag-uusap namin ay sabay kaming kumain. Tahimik lamang ako hanggang sa matapos kami.

Sa hindi inaasahan, may inabot naman sa akin si ama na limang liham. Tiningnan ko siya ng nagtatanong na tingin dahilan para magkibit-balikat siya.

"Hinatid 'yan dito ng kulay abong agila bago ka dumating. Base sa kulay ng mga liham na 'yan, tila ay galing 'yan sa ibang nasyon," sagot naman ni ama.

Napatingin ako sa mga liham. Tama nga si ama. Iba-ibang kulay, kumikinang. Dahan-dahan kong binuksan ang isa sa mga liham. Malakas ko itong binasa para malaman din nina ina at ama ang laman nito.

Binibining Serephain,

Ikaw ay inimbitahang bumisita sa aming nasyon at sa isang dwelo laban ng aming itinakda. Ihanda ang iyong sarili dahil isa itong mabigat na paglalakbay tungo sa paghahanap ng iyong sarili, at intindihin ang responsibilidad na nakaatang sa inyong mga itinakda.

Kapag nabasa mo na ang liham na ito, ibig sabihin, nakunsulta ko na ang iyong guro na si Ginang Priscilla. Masusubok ang iyong katatagan, pagiging seryoso sa inyong responsibilidad, pangarap, katapatan para sa kinalakihang nasyon, at ang pagiging matapang.

Aasahan namin ang pagdating mo bukas ng hapon kasama ang iyong guro.

Tinignan ko silang dalawa sa mata. "Galing sa Gwenore." Nakangiti kong saad.

Ngumiti rin sila pabalik sa akin. Sinilip ko rin ang ibang liham, pero pareho lang naman lahat ng hangarin.

Matapos kong basahin ang lahat ng sulat ay tinamaan kaagad ako ng pananabik. Sa wakas at makilala ko na ang iba pang itinakda. Idinantay naman ni ama ang kaniyang kamay sa aking balikat saka ako tinapik. Nakangiti pa rin silang pareho sa akin.

"Sobrang pinagmamalaki kita, anak."

⋘ • • ✠ • • ⋙

Maaga akong nakagising sa sobrang pananabik. Dahil mag-a-alas sais na ng umaga ay ako na ang naghanda para sa aming almusal. Sa daming mga ideyang pumasok sa isipan ko, halos gusto ko na lamang na tumili at lumukso sa tuwa.

Hindi ko akalaing makakaharap ko na ang iba pang itinakda. Dahil masyado ng okupado ang utak ko tungkol sa mangyayari mamaya ay hindi ko namalayan na niyakap pala ako ni ina mula sa aking likuran.

"Magandang umaga, magandang dilag kong anak," panunukso pa ni ina sa akin.

Tiningnan ko naman siya ng masama dahilan para mapatawa siya nang mahina. Pero sumunod naman ang aking nakangiting labi.

"Magandang umaga rin po ina," puno ng paggalang kong bati rin pabalik sa kaniya.

Kinuha naman ni ina ang mga plato sa lagayan at inilagay ito sa lamesa. Pagkatapos niyang ihanda ang mga iyon ay dumiretso siya sa banyo upang manghilamos. Bumalik naman siya kaagad habang nakangiti pa rin.

"Ayon sa nakikita ko sa ekpresyon ng mata mo, sabik na sabik ka ng pumunta sa un among destinasyon," saad pa ni ina dahilan para mas lalong lumapad ang ngiti ko.

"Tumpak!" Hindi ko maiwasang mapataas ang boses ko dahilan para magtawanan kami ni ina.

"Aba, nagkatuwaan ang mag-ina ko. Bakit hindi niyo ko isali diyan, ha?" Biglang sulpot ni ama sa aming likuran.

Sabay kaming napalingon ni ina sa kaniya. Nakita ko namang itinuro ako ni ina na kaagad namang nakuha ni ama ang gusto niyang iparating.

"Siyempre, mananabik ang ating unica hija dahil makilala na niya ang iba pang itinakda na magtatanggol sa lupain laban sa mga madilim na puwersa. Sana ay makakasundo mo sila anak, pero tandaan magkaiba ng ugali ang bawat lahi. Kaya hangga't maari, mag-ingat ka sa lahat ng iyong sasabihin at kilos na ipapakita mo," wika naman ni ama na ikinatango ko naman kaagad.

Gaya ni ina kanina ay dumiretso kaagad si ama sa banyo para maghilamos. Bumalik naman kaagad siya pagkatapos. Tamang-tama sa pagbalik niya ay tapos na ako sa niluto ko. Kinuha ko ang karne ng baboy ramo na hula ko ay galing pa ito sa nasyon ng Cazadorian.

Sila lang naman ang kilalang mas marunong na mangaso rito sa aming mundo. Nang mailagay ko na ito sa lagayan ay binalik ko na ang pinaglulutuan ko saka hinugasan pagkatapos. Nang matapos ay bumalik ako sa lamesa at umupo katabi naman kay ina.

Paglagay ko pa lang ng kanin ay biglang may kumatok sa labas ng pintuan ng kwarto namin dito sa dormitoryo. Si ama na ang tumayo para pagbuksan ang panauhin. Hindi namin makikita ni ina kung sino ito dahil nandito kami sa maliit naming kusina.

"Tamang-tama ang pagdating mo. Halika, sabayan mo na kaming kumain," rinig kong wika ni ama sa nilalang na kumatok sa pintuan.

"Maraming salamat, Percival, pero nandito ako para paalalahanin si Serephain na maghanda para mamaya." Ayon sa boses na aking narinig ay galing iyon kay Ginang Priscilla.

Mabilisan akong tumayo para lumapit doon ngunit, hindi ko siya naabutan. Naabutan ko na lamang na kakasarado lang ni ama sa pintuan. Nagkibit-balikat na lamang siya at nilagpasan ako.

Bumalik ako sa pagkakaupo ko't tinapos ang aking pagkain. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro