Kabanata 49: Ang Kinalimutang Axphainian
Napagising na lamang ako nang maramdaman ko ang sinag ng araw na tumama sa balat ko. Hindi ko pa halos maimulat ang aking mga mata dahil sa liwanag sa labas. Umiwas ako ng tingin at tumingin sa kanan ko, kung saan naroroon ang pintuan.
Iginala ko ang aking paningin sa apat na sulok ng kwartong 'to. Kulay puti ang ladrilyo. Inaalala ko naman ang nangyari kahapon. Tama! Nagkaroon kami ng dwelo ni Ginang Priscilla at nanalo ako! Kahit papaano ay nasugatan ko siya at tinanggap kaagad niya ang alok ni Suprema Celestia.
Dali-dali akong bumangon at bumaba sa kama. Pipihitin ko na sana ang seraduhan ng pintuan, ngunit bumalik ako sa kama upang ligpitin ang pinaghigaan ko. Walang modo ko naman kung pabayaan ko lamang ito at hayaan silang magligpit nito.
Pagkatapos ay lumabas na ako ng kwarto.
At tumambad sa aking harapan ang hagdanan pababa. Ibig sabihin nasa ikalawang palapag ako ng bahay. Dahil sa sobrang pananabik, mabilisan akong bumaba at nakita ko naman si Binibining Cyrene na tumutulong kay Ginang Priscilla sa kusina.
Habang si Ginoong Amos naman ay tila parang may binabasa sa libro.
Nang makilala ko kung anong librong 'yon ay napangiti ako. Kahit na isang Cazador si Ginoong Amos, binabasa niya pa rin ang libro ng kasaysayan ng aming lupain. Ito ay marahil gusto niyang maiintindihan ang aming kultura lalo na't may asawa siyang isang Axphainian.
"Marahil ikaw ay nagtataka kung bakit nagbabasa ako ng librong 'to, Binibining Serephain." Napatingin ako bigla sa kaniya nang marinig ko siyang magsalita.
"Hindi lang po ako sanay na makakita harap-harapan na merong ibang lahi na binabasa ang aming kasaysayan," magalang kong sagot sa kaniya.
"Naiintindihan kita," maikli niyang wika. "At saka, kailangan ko rin namang intindihin ang kultura niyo lalo na't asawa ko ay isang Axphainian." Nakangiting dugtong niya.
Ngumiti na lamang ako dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Subalit, napaangat ulit ang tingin ko nang bigla na naman siyang magsalita.
"Ikaw ba, anong paborito mong kasaysayan o paniniwala ng Axphain, binibini?" Tanong niya sa akin, dahilan para mapangiti ako.
"Isa sa paborito ko po ang mismong kasaysayan ng Axphain, kung paano nabuo ang limang siyudad sa aming lupain. At sa paniniwala naman ay gusto ko rin ang tungkol sa apat na tarangkahan papunta sa kabilang buhay," mahina kong sagot sa kaniya, sapat na para marinig din niya.
"Katulad pala tayo, gustong-gusto ko rin ang mga iyon." Nakangiti pa rin niyang wika.
Pagkatapos ng aming pag-uusap ay bumalik siya sa pagbabasa. Habang ako naman ay hinahanap si Suprema Celestia dahil kanina ko pa napapansin na wala ang presensya niya rito sa loob ng bahay.
"Nauna ng umuwi sa 'yo si Suprema Celestia, Serephain." Napalingon naman ako kay Ginang Priscilla nang marinig ko siyang nagsalita.
Nauna ng umuwi si Suprema Celestia sa akin? Kahit na gusto ko pang magtanong sa kaniya ay tumahimik na lamang ako. At naiintindihan ko naman kung bakit siya naunang umuwi. Dahil kailangan ang presensya niya sa Axphain lalo na't siya ang kataas-taasang pinuno.
"Gutom ka na ba?" tanong niya sa akin. Hindi pa rin ako sumagot. "Kunting hintay na lang, kakain na tayo. Tinatapos lang ni Cyrene ang niluluto ko," dugtong pa niya sa akin.
Tinanguhan ko na lamang siya bilang pagtugon. Habang ako naman ay naiilang pa rin dahil nararamdaman kong tinitigan ako ni Ginang Priscilla. Tila ba'y parang sinusuri niya ang buong pagkatao ko.
"Ikaw ay tahimik na bata, Serephain. May mga kaibigan ka ba?" rinig kong tanong niya sa akin.
Tumango ulit ako bilang pagtugon.
"Ilan?"
"Lima po," maikli kong sagot. Habang siya naman ay nakita kong tumatango-tango.
"Mas mabuti 'yan. Hindi naman natin kailangang magkaroon ng maraming kaibigan para tayo'y magustuhan. Sapat na kahit na hindi sila marami, hangga't mapagkakatiwalaan mo sila," komento niya.
Tumango na lamang ako. At nahagilap naman ng aking mata ang pasimpleng pagtingin ni Cyrene sa kinaroroonan namin. Habang naghahanda pa rin sa mga gamit na gagamitin namin sa pagkain mamaya.
"Maari mo bang i-kuwento sa akin pinagdaanan mo, Serephain? Para kahit papaano ay may alam ako tungkol sa aking magiging estudyante. At para na rin alam ko kung ano ang posibleng paraan para turuan kita sa lahat ng alam ko," ang pakiusap niya.
Nag-alinlangan pa ako kung sasabihin ko ba sa kaniya. Pero ilang segundo ang nagdaan ay napagdesisyonan kong ikuwento na lamang sa kaniya.
At saka, siya ang magiging guro ko at may karapatan din siyang malaman ito. Lalo na't alam niyang para rin sa ikabubuti ko bilang isang itinakda.
"Huwag kang mag-aalala, mapagkatiwalaan mo 'ko." Binigyan niya naman ako ng kasiguraduhang ngiti na ipinagpasalamat ko naman.
"Hindi ko po nasisilayan ang mundo halos labing walong taon. Hindi ako pinapayagan ni ama na lumabas dahil sa pagiging kakaiba ko. At para na rin maiwasan namin ang gulo na posibleng ikakapahamak naming tatlo. Hanggang sa napagdesisyonan ni ama na ipapasok ako sa Axphain Academy. Sa una sobrang nananabik ako dahil sa wakas, masisilayan ko na ang mundo na aking ginagalawan. Subalit, binalaan ako ni ama na hindi ko dapat ipakita ang aking mga pakpak. Na kailangan kong itago ang katauhan ko sa lahat."
Biglang bumiyak ang aking boses, at tila parang handa na ang aking mata na umiyak. Hinawakan naman nina Ginang Priscilla at Ginoong Amos ang aking mga kamay. Dahil sa ginawa nila, kahit papaano nakaramdam ako ng pagtanggap.
Sinasabi nilang tanggap nila ako, maging sino man ako.
"Akala ko kapag lumabas ako ng bahay at nasilayan ang mundo, mahahanap ko ang kasiyahan sa puso ko. Ngunit, nabigo ako. Kasi hindi lang kasiyahan ang kayang ibigay sa atin ng mundo, kun'di kaya rin niya tayong bigyan ng masasakit na pangyayari. Maraming mga paniniwala, maraming mga pagtatalo at maraming mga nilalang na handa tayong hilahin pababa. May mga marami din tayong makakasalamuha na akala natin sila ay kakampi natin, ngunit tatraydurin din pala tayo sa huli."
"Maraming mga ganiyang klaseng nilalang, Serephain. Ang sa atin lang ay paano natin ito malalagpasan. Hanga nga ako sa 'yo dahil ang lakas mo para harapin sila. Ang lakas mo para harapin ang mga mapanglait nilang mga binibitawang salita at titig. At ang lakas mo para isigaw sa kanilang mga pagmumukha na babaguhin mo ang paniniwala ng ating lupain."
Bigla na lamang tumulo ang aking luha matapos marinig ang sinabi ni Ginang Priscilla. Ang sarap pala sa pakiramdam na may magsasabi sa 'yo ng ganito, maliban sa mga magulang mo't mga kaibigan.
"Nang dumating ka, binigyan mo 'ko ng pag-asang ipagpatuloy na baguhin ang paniniwala ng Axphain na hindi ko nagawa noon. At nandito ako para sabayan ka sa mga pangarap mo," dugtong pa ni Ginang Priscilla.
At idinantay ang kaniyang kaliwang kamay sa ulo ko. Saktong pagkatapos ng aming pag-uusap ay inaya na kami ni Cyrene sa hapag upang mag-agahan.
⋘ • • ✠ • • ⋙
Nasa labas na kami ng bahay at nagpaalam kina Ginoong Amos at Binibining Cyrene. Dahil aalis na kaming dalawa ni Ginang Priscilla pabalik ng Axphain. Medyo kinabahan daw siya dahil matapos ng maraming taon, ngayon lang daw siya babalik sa nasyon na kinagisnan niya.
Matapos namin makapagpaalam ay una akong pinasakay sa dragon na si Alpha.
Siya 'yong dragon na nakabantay sa gilid ng kanilang bahay. At hanggang ngayon humahanga pa rin ako sa kaliskis niya. Ito ay dahil meron siyang kaliskis ng kristal na kakulay ng mga nakikita namin doon sa kuweba.
Nang makasakay na rin si Ginang Priscilla sa dragon ay kumaway siya sa dalawang maiiwan niya rito sa Elliome nang pinagaspas na nito ang mga pakpak. At dumiretsong lumipad papunta sa kuweba kung saan kami dumaan ni Suprema Celestia at ni Cyrene.
Nang makalabas kami nang tuluyan sa kuweba ay sumalubong na naman sa akin ang napakalamig na hangin. At ang makakapal na niyebe na nagsibagsakan sa langit dito sa Medria. Mabuti na lamang at hindi namin nakalimutang magsuot ng makakapal na cloak.
Dumiretso ang sinasakyan naming dragon papunta sa mga ulap.
Ito ay marahil upang maiwasan naming makita kami ng ibang mga mamamayang Cazadorian. Habang nakasakay sa dragon ay pareho kaming tahimik ni Ginang Priscilla at rinig na rinig ko ang mahihina at sunod-sunod na malalim niyang pagbuntonghininga.
Dahil hindi naman gaano kalayo ang Cazadorian sa Axphain ay nakarating kami ng ilang minuto. At sa mga oras na ito ay nandito na kaming dalawa sa harapan ng portal papasok ng Axphain. Sinabihan naman ni Ginang Priscilla ang dragon na naghatid sa amin na bumalik sa Elliome na kaagad din namang sinunod nito.
Bumuntonghininga ulit si Ginang Priscilla at inayos ang kaniyang sarili. Tiningnan ko siya sa mata at sinabing magiging maayos din ang lahat. Hinawakan ko siya sa kamay upang pakalmahin dahilan para ngitian niya ako't tumango.
Sabay kaming pumasok sa portal. Tumambad kaagad sa aming paningin ang mga naglalakihang puno rito. Pinagaspas naming pareho ang aming mga pakpak pataas para makalabas kami rito sa gubat. Pagkalagpas namin sa mga puno ay tumambad sa aming harapan ang naglalakihang mga gusali ng Luxia.
Pareho kaming tahimik na lumilipad papalapit, habang ako naman ay pinagmamasdan lamang siya. Nang mapansin kaming pareho ng ibang mamamayan ay nagsikunutan ang kanilang mga noo sa kasama ko. Hanggang sa nakilala nila si Ginang Priscilla matapos nila itong tinitigan.
Nagsimula na namang nagbulong-bulungan ang mga ito.
At kaniya-kaniya na namang nagbitaw ng opinyon. Lahat ng mga nakaabot sa panahon ni Ginang Priscilla ay hindi nila nagustuhan ang pagbabalik niya. Pero 'yong hindi nakakilala sa kaniya ay panay tanong sa sarili kung sino siya.
"Bakit bumalik pa 'yang salot na 'yan rito?"
"Ang kapal din ng pagmumukha ng babaeng 'yan para bumalik pa rito matapos niyang ipahiya ang ating nasyon sa mga diyos."
"At nagsama pa talaga ang dalawang salot. Pambihira!"
"Sino siya?"
"Sino 'yang babaeng 'yan?"
Ilan lamang 'yan sa mga narinig kong bulung-bulungan. At sigurado ako maya't maya ay makarating na ito sa iba pang siyudad ng Axphain. Nakita ko namang umiling si Ginang Priscilla at ngumiti nang mapait.
"Hindi pa rin talaga nagbabago ang mga Axphainian. Gaya pa rin ito nang dati." May pagkadismayang komento pa ni Ginang Priscilla at tumingin sa akin habang nakangiti pa rin ng mapait.
Nagkibit-balikat na lamang ako dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin dahil tama naman siya. Sa halip na bigyan namin ng pansin ang mga walang kwenta nilang panlalait sa aming dalawa ay pinalagpas na lamang namin ito.
Dumiretso kaagad kami sa paaralan kung nasaan sina ama at ina.
Gusto kong magkita muna sila dahil alam na alam ko kung gaano nanabik si ama na magkita silang muli ng kaniyang matalik na kaibigan. Pagkarating namin doon ay napatingala si Ginang Priscilla sa nakaukit na pangalan ng paaralan sa ibabaw ng tarangkahan.
"Mukhang maraming pinagbago ang ating lupain Serephain habang wala ako. 'Yon nga lang, ang mga naninirahan naman dito ay napag-iwanan na ng panahon," may dismaya pa rin sa boses niyang sabi.
"Tama ho kayo. Kaya nga sobrang desidido akong baguhin ang mga paniniwala ng Axphain. Gusto kong malaman nila na walang maling magmahal ng ibang lahi. Gusto kong ipamukha sa kanila na ang tinatawag nilang salot dito sa Metanoia ay may kakayahang magpamalas ng kanilang mga talento."
Sa pagkakataong 'to, ang taas na ng sinabi ko dahilan para mapaiwas ako ng tingin nang titigan ako ni Ginang Priscilla na tila parang humahanga. Narinig ko naman siyang tumawa ng mahina dahilan para magmukhang kamatis ang mukha ko.
Pagkatapos ng asaran ay una akong lumipad habang nakasunod sa akin si Ginang Priscilla. Hindi niya alam kung saan ko siya dadalhin, maging sina ina at ama ay hindi alam na dala ko ang anghel na matagal na nilang gustong makitang muli.
Nasa labas na kami ng pintuan ng kwarto ko rito sa dormitory. Habang walang tigil sa pagkabog ng aking dibdib. Napansin naman iyon ni Ginang Priscilla kaya tinanong niya ako. Umiling na lamang ako bilang pagtugon.
Bumuntonghininga na lamang ako't kinatok ang pintuan.
Mayamaya pa'y bumukas ito't saktong si ama ang nagbukas. Nang mapansin niya ang anghel na kasama ko ay pareho silang gulat na gulat at dinamba ng yakap ang isa't isa. Nag-iyakan sila sa sobrang pananabik. Maging ako ay naluha na rin sa nasaksihan.
Nakita ko naman si ina na kakadating lang at halos hindi siya makapaniwala na nasa harapan na nila si Ginang Priscilla. Pagkatapos magyakapan silang dalawa ni ama ay sinunod naman niya si ina.
Pumasok na kami nang tuluyan sa kuwarto.
At pumunta sa sala upang makapag-usap.
"Priscilla, tama nga ang hinala ko na buhay ka pa. Hindi ako naniniwalang wala ka na sa mundong 'to," wika naman ni ama dahil sa sobrang tuwa.
"At hindi ko akalaing ito palang si Aella ang mapapangasawa mo. Noon tinanong kita kung sino 'yong babaeng gumamot sa 'yo noong mga panahong may misyon tayo malapit sa Cimmeria, pero sabi mo ikaw ang gumamot sa sarili mo." Pang-aasar ni Ginang Priscilla kay ama dahilan para tumawa siya nang malakas.
Nagsilakihan naman ang mata namin ni ina matapos marinig ang malakas na tawa ni ama. Ngayon lang namin siya narinig na tumawa ng ganito.
"Siyempre ayokong malaman mo na ang babaeng mahal ko ay isang Cimmerian. Alam mo na." Ngumiti naman nang mapait si ama matapos niyang banggitin ang huli niyang sinabi.
"Tama ka nga naman. Pero kilala ko na si Aella noon pa, siyempre, naging kaibigan ko siya una bago mo siya napapangasawa." Nakangiting wika ni Ginang Priscilla.
Ang sarap nilang pagmasdan.
"Oo, sinabi nga sa akin ni Aella noong mga panahong ikinasal kami nang patago," sagot naman ni ama.
"Ang bait nga ni Aella sa ibang lahi, hindi katulad ng tigre niyang kapatid na si Morrigan." Tumatawang sambit ni Ginang Prisicilla dahilan para tumawa na rin si ina. Habang kaming dalawa ni ama ay nahawa na sa kanilang dalawa.
Nabigla naman ako nang hawakan ni ama ang kamay ko. At tiningnan ako habang nakangiti.
"Nakilala mo na pala ang anak ko, Priscilla." Seryosong wika ni ama dahilan para mapatingin si Ginang Prisicilla sa akin at nginitian ako.
"Oo, pumunta silang dalawa ni Suprema Celestia sa Cazadorian. Kuhang-kuha niya ang mukha mo Percival, at kuhang-kuha naman niya ang ilong at mata ni Aella. Kasing tapang mo si Serephain at may paninindigan. Habang ang kabaitan at maprangka ay nakuha niya naman kay Aella. Pinagsama-sama ang katauhan at kapangyarihan ninyong dalawa ni Aella sa batang 'to."
Namula ulit ang aking pisngi matapos marinig ang puri niya sa akin. Matapos ang purian ay sumeryoso ang mukha ni ama at tinanong ang kaibigan niya tungkol sa biglaang pag-alis niya sa aming nasyon.
Ang sinagot naman ni Ginang Priscilla ay dahil 'yon daw ang parusa na ibinigay sa kaniya ni Supremo Silviu, ama ni Suprema Celestia at ang dating kataas-taasang pinuno ng Axphain.
Sinabihan daw siya na kailangan niyang umalis ng Axphain at hindi na babalik kasama ang lalaking minahal niya na si Ginoong Amos. Bilang dagdag na parusa ay kakalimutan siya ng lahat at ibabaon sa limot ang mga mabuting nagawa niya para sa aming nasyon.
Dahil sa kinuwento ni Ginang Priscilla, hindi namin maiwasang malungkot. Sa dami niyang nagawang kabutihan sa Axphain, kakalimutan siya dahil lang nagmahal siya ng isang Cazador. Napakuyom ako ng kamao dahil sa mga nalalaman.
Ang babaw ng rason sa binigay nilang parusa kay Ginang Priscilla!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro