Kabanata 48: Lakas ng Isang Bayani
Napatingin naman ako kay Suprema Celestia matapos marinig ang sinagot niya kay Ginang Priscilla. Kaya pala dinala niya ako rito upang alukin ito na maging guro ko sa lahat ng aspeto sa pagiging itinakda.
Nakita ko namang sumilay ang makahulugang mga ngiti ni Ginang Priscilla sa kaniyang labi, dahilan para ako'y kabahan nang todo.
"Hahamunin ko si Serephain sa isang duwelo. Gusto ko rin namang makita kung gaano siya kalakas. At kapag natalo o nasugatan niya ako, saka na lamang ako papayag sa gusto mong mangyari, Suprema Celestia."
Napaiwas ako nang tingin matapos marinig ang mga katagang 'yon.
Hindi ko inaasahang makaka-duwelo ko ang dating itinakda at ang bayani ng aming lupain sa ganito kaaga. Dahil sa kagustuhan ni Suprema Celestia na siya ang maging guro ko, tinanggap niya ang alok ni Ginang Priscilla.
Sa mga oras na ito, nandito na kami sa likuran ng bahay.
Sa pagkakahula ko, nandito kami mismo sa pinagtatayuan ng bulwagan. Ang bulwagang kinatatayuan namin sa mga oras na ito ay hindi na halos makilala, dahil ito ay nalilipasan ng panahon at sirang-sira na rin.
Napatingala ako sa ere, hanggang ngayon humahanga pa rin ako sa mga dragon na makikita rito sa Elliome. Napalingon ako sa dragon na nagbabantay sa gilid ng bahay nang bigla itong umungol nang mahina. Subalit, napaalerto na lamang ako nang bigla-biglang bumiyak ang sementadong sahig ng bulwagan.
Massive strength.
Ito ang unang pinapakitang kapangyarihan ni Ginang Priscilla sa mga oras na ito. Ibang klase rin. Hindi man lang siya nagsasabing magsisimula na kami. Pinagaspas ko ang aking mga pakpak pataas upang hindi madawit sa mga bumibiyak na sementadong sahig.
Tiningnan naman ako ni Ginang Priscilla nang walang ka-emosyon at itinaas ang kaniyang kanang kamay na ginamit niya kanina sa pagsuntok ng sementadong sahig. Pagtaas ng kaniyang kanang kamay ay siyang paglutang naman ng mga nabiyak na semento.
Levitation.
Itinapon niya ang mga ito sa akin, dahilan para gamitin ko ang kakayahan kong pabilisin ang aking sarili. Iniligan ko lamang ang mga ito nang walang kahirap-hirap. Subalit, napatilapon ako sa kung saan-saan nang matamaan ako nang malakas sa bagay na inihagis ni Ginang Priscilla.
Mabilisan akong bumangon, dahil hindi pa rin tumitigil si Ginang Priscilla na atakehin ako gamit nitong mga biniyak niyang semento. Napadaing ako't napahawak sa aking braso nang bigla kong maramdaman ang sakit.
Tiningnan ko nang seryoso si Ginang Priscilla.
Mukhang siguradong-sigurado siyang talunin ako. Talunin ako upang hindi niya tanggapin ang alok ni Suprema Celestia. Hindi ko alam kung ano ang namagitan sa kanila, pero, hindi ako tanga para hindi mapansin ang galit ni Ginang Priscilla.
Siguro ay dahil sa ginawa ng mga Axphainians sa kaniya noon. Kung paano siya nilait ng mga ito at sinabihang salot. Hindi ko naman siya masisisi dahil ganoon din naman ako. Oo, kinamuhian ko ang mga Axphainian, pero mas galit ako sa walang kwentang batas nila.
Dahil sa batas nila, hindi nabibigyan ng kalayaan ang mga anghel kagaya ng mga magulang ko, kagaya nina Ginang Priscilla at Ginoong Amos. Nagmahalan lamang sila, wala silang kasalanan!
Kung sa tingin ni Suprema Celestia na ang dating itinakda ang may kakayahang makatulong para mas mapalakas ang kakayahan ko, puwes, kailangan kong seryusohin ang dwelong 'to.
Kailangan kong manalo laban sa dating itinakda. Kailangan kong ipakita sa kaniya na karapat-dapat ako sa responsibilidad na ibinigay sa akin ng diyos. Kinuyom ko ang aking dalawang kamao at hinintay ang papalapit na mga pira-pirasong semento.
Mabilisan kong itinaas ang aking kaliwang kamay at kinontrol ang mga ito. Dahil hindi lamang si Ginang Priscilla ang may kakayahang palutangin ang bagay-bagay. Matapos kong ma-kontrol ang malalaking piraso-pirasong semento ay inihagis ko ito pabalik kay Ginang Priscilla.
Nagsilakihan kaagad ang aking mga mata nang makitang sabay-sabay na natunaw ang mga ito. Hindi ko napansin na hindi gumalaw ang isa pang kamay niya upang gawin iyon. Ibig sabihin nito, ang dating itinakda ay may kakayahan din ng heat vision.
Katulad din ng sa 'kin.
At saka, hindi na rin nakapagtataka na meron siyang ganoong kapangyarihan dahil isa ito sa mga kakayahan na ipinagkaloob sa aming mga banal na anghel. Napatingin ako sa aking sugat na nasa balikat nang maramdaman ko na lamang na bumalik na sa dating gawi ang aking lakas.
Ibig sabihin, tapos ko ng gamutin ito gamit ang aking healing ability.
Hindi sana ako mapuruhan nang ganito kung hindi lang sana ako natamaan malapit sa aking leeg. Ginamit ko naman ang invulnerability kanina, pero dahil kahinaan ko ang leeg ko kapag ginamit ko ang kakayahang 'to.
Tumingin ako sa kinaroroonan ni Ginang Priscilla.
Masyadong natatakpan siya ng mga malalaking semento, kaya hindi ko kayang gamitin ang pag-kontrol ng isip laban sa kaniya. Wala akong ibang pagpipilian kun'di ang umatake paharap para makalapit kay Ginang Priscilla.
Pinagaspas ko ang aking apat na pakpak pataas. At walang pag-alinlangang pinabilis ang aking sarili. Hinawakan ko ang sentro ng aking tiyan. At ang isa ko pang kamay ay nakatakip sa aking leeg, habang ginamit ang invulnerability.
Walang nangyari sa katawan ko nang malapagsan ko lahat ang mga nakalutang na pira-pirasong semento ng sahig. Nakita ko namang nagsibagsakan ang mga ito. Tiningnan ko ang ekspresyon ng mukha ni Ginang Priscilla at ganoon pa rin kanina.
Tila ba'y hindi man lang siya nabahiran ng pagkabahala.
Hindi ba niya alam na sisipain ko na siya mula sa likuran niya? Subalit, hindi natuloy ang aking balak nang bigla niyang iniharang ang kaniyang dalawang kamay. At napasigaw ako sa sobrang sakit nang maramdaman ko ang matigas na bagay na tumama sa binti ko.
Napagulong ako sa sirang-sirang sahig ng bulwagang 'to. At doon nahagilap ng aking mata ang nakabalot na metal mula sa kamay niya hanggang braso. Metal manipulation?! Ibig bang sabihin nito, isa siyang kalahating Aqua at Luxian?
Dito ko na lamang nakumpirma nang bigla siyang nagmanipula ng mga matutulis na tubig na nagsilutangan sa paligid ng katawan niya.
Hindi ako pwedeng matalo.
Hindi pwede!
Hindi ko pa man masyadong kontrolado ang aking kapangyarihan na namana ko sa aking ina ay wala akong pagpipilian.
Mabilisan kong ipinagkumpas ang aking dalawang kamay. Halos biyakin na ang aking ulo nang maramdaman ko ang itim na enerhiya sa aking mga kamay na unti-unting bumalot sa aking buong katawan.
Pinikit ko ang aking mga mata at pilit na nilalabanan ang itim na mahika na aking nararamdaman. Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga nang marinig ko ang tunog ng mga iba't ibang sandata. Iminulat ko ang aking mata.
At doon ko nakita ang mga nakalutang na iba't ibang klaseng sandata na nakatuon sa kinaroroonan ni Ginang Priscilla.
Pinakawalan ko ang mga ito papunta sa dating itinakda.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Talagang sanay na sanay siya sa labanan. At hindi ko rin kayang ipagkaila na hindi nagkakamali ang diyos na piliin siya bilang itinakda noon.
Napakuyom ako ng aking mga kamao nang makita ko siyang nagmanipula ng malaking metal upang gawing panangga lahat ng mga minapula kong iba't ibang klaseng nakakamatay na sandata. Nang makahanap ako ng paraan kung paano kontrolin ang isipan niya ay tinitigan ko siya nang masinsinanan.
Sumilay bigla ang aking matatamis na ngiti sa labi nang tumingin siya sa aking mga mata. Saktong pagkaubos ng mga minapula kong sandata ay siya namang nawala siya sa sarili niya.
Ito ay dahil kontrolado ko na ang isipan niya.
Nilapitan ko naman siya at aakmang sugatan. Subalit, napatilapon na naman ako nang bigla niya akong sipain mula sa aking sentro ng tiyan. Ano?! Nagpapanggap lang ba siya kanina na kontrolado ko ang isipan niya para lang masipa ako?
"Hindi lahat ng nakikita ng ating mga mata Serephain ay totoo. Minsan, ito pa ang ikapapahamak natin," matigas niyang saad.
Wala akong sinayang na oras at tumayo sa pagkakabagsak sa lupa na napupuno na ng mga niyebe. Umatake ako sa kaniya at aakmang susuntukin siya mula sa kanan niyang mukha. Ngunit hindi ko naituloy nang masalo niya ang kamao ko.
"At higit sa lahat, obserbahan ang posibleng kahinaan ng kalaban mo. Maging alerto sa bawat galaw ng mga kalaban na nakapaligid sa 'yo," dugtong pa niya.
Napabagsak ako paharap sa lupa nang sinipa niya ang aking dalawang tuhod gamit ang kaliwa niyang paa. Habang hawak-hawak pa rin ang aking mga kamao. Naramdaman ko namang tinapakan niya ang aking likuran.
At hinila ng malakas ang aking braso dahilan para mapasigaw ako sa sakit.
Balak niya ba akong balian ng braso?!
Marahan kong ibinuka ang aking kamao na nakakuyom sa isa ko pang kamay, at pinalutang ang nakita kong malaking sementong sahig na biniyak niya kanina. Inihagis ko naman ito nang mabilisan kay Ginang Priscilla na nasa likuran ko. Bago paman siya matamaan nito ay mabilisan siyang lumipad pataas sa ere.
Pinagaspas ko ang aking mga pakpak at ipinagkumpas ang aking dalawang kamay upang magmanipula ng maraming matutulis na liwanag. Sa pagkakataong 'to, nakita ko siyang nagulat. Pero bumalik naman kaagad ang ekspresyon niya na ipinakita niya kanina.
Wala na akong sinayang na oras at pinakawalan ang mga ito papalapit sa kinaroroonan ni Ginang Priscilla. Nakita ko namang lumutang siya habang ang dalawa niyang mga braso ay itinaas sa ere. Ang posisyon niya ay tila ba'y papunta na siya sa kabilang buhay.
Umalingawngaw naman ang magandang boses niya sa buong Elliome. May dugo talaga siyang Aqua dahil ang siren voice ay isa sa mga divine powers nila. Dahil sa ginawa niya ay nagsibagsakan lahat ng aking mga minapulang matutulis na liwanag.
Nakita ko rin na nakatulog na ang lahat na mga nilalang dito sa lugar nila.
Subalit, sina Suprema Celestia, Ginoong Amos at si Binibining Cyrene ay hindi tinamaan ng kapangyarihan ni Ginang Priscilla. Napatingin ako sa kapangyarihang nakabalot sa kanilang tatlo.
Kaya pala hindi sila tinamaan ay dahil gumawa ng barrier si Suprema Celestia para sa kanilang tatlo gamit ang kaniyang mahiwagang tungkod. Habang ako naman ay naramdaman kong bumigat ang aking mga talukap sa mata.
Sinampal ko ang aking dalawang pisngi para gisingin ang aking diwa.
Habang ginagawa ko 'yon ay hindi tumalab, dahil patuloy pa rin sa pagkanta si Ginang Priscilla. Mukhang kailangan kong gamitin 'yon. Pinagkumpas ko ang aking dalawang kamay at nagmanipula ng kulay gintong sibat na paborito kong gamitin.
Nang magawa ko na ito ay pinalutang ko ito't binalutan ng liwanag gamit ang aking kakayahan. Pagkatapos ay bigla na lamang lumaki ito, dahilan para mahagilap ng aking mata na biglang tumayo si Suprema Celestia.
Nakita ko rin sina Ginoong Amos at Binibining Cyrene na ganoon din ang ginawa.
Si Ginang Priscilla naman ay halata sa mukha niya ang pagkagulat, pero kaagad niya itong binawi. Bago ko ito pakawalan ay nilagyan ko rin ito ng bilis para kahit na anong gawing pag-ilag ng kalaban ko ay hindi siya magtatagumpay.
Sana naman ay matalo ko o masugatan ko si Ginang Priscilla gamit ito para tanggapin niya ang alok ni Suprema Celestia. Nakita ko ring nagmanipula ng tubig si Ginang Priscilla at ginawa itong espada. Subalit, ang kakaiba lang ay may bumabalot na kulay berdeng mahika sa espada niya.
Napakunot ang aking noo dahil sa nakita.
Berde? May dugo rin ba siyang isang Terra?
Imposible! Kung may tatlo siyang dugo mula sa Aqua, Luxia at Terra, hindi nakapagtataka na sobrang lakas nga niya. Samahan pa ng mas marami siyang karanasan kaysa sa akin pagdating sa pakikipaglaban.
Kaya pala siya ang pinili ni Suprema Celestia na maging guro ko. Itinaas ko ng kaunti ang aking kamay at binuksan ito. Dahan-dahan ko namang kinuyom ito't itinutok ang aking kamay sa kinaroroonan ni Ginang Priscilla.
Nang mapakawalan ko ito ay kasing bilis pa sa kidlat na umatake ito papunta kay Ginang Priscilla. Habang siya naman ay hinawakan nang mahigpit ang hawakan ng kaniyang espada at nakabwelo ang isa niyang paa.
Nagsilakihan naman ang aking mata nang sinalubong niya ito. Sumigaw pa siya at hinanda ang sarili niya sa posibleng mangyari sa kaniya. Habang ako naman ay nag-aalala sa kaniya at nagda-dalawang isip na ituloy ko pa ba ito.
"Huwag mong subukang umatras ng laban, Serephain! Ang itinakda ay hindi umaatras sa lahat ng laban. Ang itinakda ay handang salubungin lahat ng kalaban at itaya ang sariling buhay upang mailigtas ang lahat palayo sa kapahamakan!" Rinig kong sigaw ni Ginang Priscilla, tila ba'y nababasa niya ang aking isipan.
Napakuyom ako matapos marinig ang sinabi niya. Nagsilakihan naman ang aking mga mata nang sinangga niya ang malaking sibat ko gamit ang espada niya na gawa sa minapula niyang tubig kanina.
Narinig naman namin ang malakas na sigaw ni Ginang Priscilla. Palatandaang ibinigay niya ang lahat ng lakas niya magawan lang niya ng paraan kung paano ito matalo.
Ilang segundo lamang ang dumaan, biglang lumihis pakaliwa ang atake ko at tumama ito sa hindi kalayuan. Wala namang nadamay na kahit anong nilalang sa pagsabog.
Dahil binalutan ito ng mahika nang mabilisan ni Suprema Celestia upang maiwasang magkaroon ng pagsabog dito sa Elliome.
At posible pang makakuha kami ng atensyon mula sa ibang rehiyon ng Cazadorian. Subalit, napabagsak ang aking balikat dahil hindi ko siya natalo. Bigla akong nanghina at bumagsak. Pero hindi natuloy ang aking pagbasak sa lupa nang sinalo ako ni Ginang Priscilla.
Nagsilakihan naman ang aking mga mata nang makita kong may sugat siya sa kaliwang pisngi niya. Ngumiti siya sa akin. Pero bago paman tuluyang pumikit ang aking talukap sa mata, narinig ko ang sinabi niya.
"Tinatanggap ko ang alok mo, Suprema Celestia."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro