Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 47: Elliome, Ang Sikretong Siyudad

Pareho kaming tatlong tahimik, habang binabagtas namin ang daang puno ng niyebe. Hindi ko na rin halos makita ang daan dahil sa makakapal na niyebe na nagsibagsakan mula sa langit. Napapansin ko rin si Suprema Celestia na malalim ang iniisip kanina pa.

Siguro'y dahil doon sa sagot no'ng babaeng tinanong niya tungkol sa Elliome.

Maging ako ay maraming tanong, pero siguro masasagot lamang ito kung makarating at masilayan namin ang lugar mismo. Napahawak ako nang mahigpit sa suot-suot kong cloak nang biglang humampas ang malakas na hangin.

Sumilip ako nang kaunti sa cloak at nakita kong papaakyat kami ng bundok na puno ng niyebe. Rinig na rinig na rin namin ang mabibigat na hininga dahil sa pagod. Hindi rin naman kasi namin kayang mag-teleport dahil hindi namin kabisado ang lugar.

Nang makarating kami sa tuktok ng bundok, naglakad ulit kami.

Habang nakasunod pa rin kay Cyrene. Mga ilang hakbang ay bigla siyang huminto sa harapan ng kuweba. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa namin sa isang kuweba, pero tila ba'y alam ko na kung ano ang sagot.

Inilahad ni Cyrene ang kaliwa niyang kamay na parang dito na ang aming destinasyon. Nagkatinginan kaming pareho ni Suprema Celestia.

Sinilip ko ang loob at laking gulat ko na lamang nang makita ko ang loob. Ang kuwebang ito ay puno ng mga yelo. Habang may mga nakikita rin akong mga kulay asul at kulay berdeng mga kristal. Tila ba'y parang naging ilaw ito sa kabuuan ng kuweba.

Naglakad papasok si Cyrene, habang ako ay napuno na naman ng katanungan ang isipan ko. Kung papasok kami ng kuweba, ibig bang sabihin nito ay nandito ang Elliome? Bakit sobrang tago naman nito sa iba pang mamamayan ng Cazadorian?

Siguro'y masasagot lahat ng tanong namin ni Suprema Celestia kapag nakarating na kami sa mismong Elliome. Habang naglalakad kami papasok ng kuweba. Hindi ko pa rin maiwasang humanga sa sobrang ganda ng mga kristal.

Tila ba'y parang ang Elliome ay puno ng mga kakaibang bagay. Masasabi ko talagang kakaiba dahil iba ang hatid nito sa akin.

Hanggang sa dinala kami ng aming paa sa dulo ng yelong kuweba na ito. Halos malaglag ang panga ko nang tumambad sa mga mata namin ang mahabang hagdanan na gawa sa yelo. Napatingin ako sa paligid, sobrang laki ng lugar at mukhang napag-iwanan na ng panahon.

Dahil halos sa mga istraktura rito ay sira na.

Nagsilakihan naman ang mga mata ko nang mahagilap ko ang mga golem na palakad-lakad lamang. Napatakip ako sa aking bibig nang makakita rin ako ng mga fairies, elves, at iilang mga lobo. Pareho kaming tatlong napatingala nang marinig namin ang pagaspas ng dalawang pakpak at doon namin nakita ang tatlong dragon na lumilipad sa ere.

Napaalerto kami nang makita naming papalapit sa amin ang isang dragon na may apat na paa at sungay. Habang wala siyang mga pakpak. Nakalutang lamang ito.

"Huwag kayong mag-aalala, hindi sila isang banta sa mga nilalang na may malinis na kalooban. Kung ay wala kayong masamang intensyon sa pagpunta rito," panigurado pang sabi ni Cyrene kaya kinalma muna namin ni Suprema Celestia ang aming mga sarili.

"Hindi kami nandito upang manggulo." Nakangiting saad naman ni Suprema Celestia.

Napasinghap ako nang marahan nang itapat ni Cyrene ang kaniyang kaliwang kamay sa ulo ng dragon. Pumikit pa ito't umalis pagkatapos. Nagsimula na nang humakbang pababa ng hagdan si Cyrene kaya sumunod na lamang kami sa kaniya.

Napalingon naman ako nang mapansin kong sumara ang selyo ng kuweba. At unti-unting nawala sa paningin ko ang bukana nito.

"Sinasara ang selyo ng Elliome upang mapanatiling sikreto ang lugar na ito. Kaya wala kayong dapat na ipag-aalala. Nasa ligtas na lugar kayo," komento pa ni Cyrene.

Tila ba'y napansin niya ang paglingon ko roon.

Kumunot bigla ang aking noo matapos marinig ang sinabi niya. Tila ba'y ang dami nga niyang alam tungkol sa lugar na ito. Nakababa na kami ng hagdanan at gaya nga ng aking inaasahan, dahil sa makapal na niyebe ay hindi kami nakalakad nang maayos.

Hindi rin namin pwedeng ilabas ang aming mga pakpak dahil din sa mga niyebeng nagsibagsakan mula sa langit. Saka kailangan din naming sumunod kay Cyrene, dahil hindi namin kabisado ang lugar na ito. Naglalakad na kami rito sa daang puno ng niyebe at hindi pa rin namin alam kung saan ang aming destinasyon.

Sa loob ng isang minuto sa paglalakad, biglang huminto kami sa isang bahay na may tatlong palapag. Ang dingding ay gawa sa kulay puting ladrilyong bato, habang napapalibutan naman ito ng mga kristal.

Itong lugar na ito sobrang yaman sa mga minerals, hindi ko 'yan kayang tanggihan.

Kapansin-pansin naman talaga doon palang sa Aragon. Ang kanilang mga istraktura ay gawa talaga sa mga ladrilyo na talaga nga namang lalong nagpaganda ng kanilang nasyon. Napaayos ako nang tayo nang makita kong may isang dragon na nakabantay sa gilid ng bahay.

Siya ay kakaiba sa ibang dragon na nakita ko kanina, dahil kulay niya ay puti habang may kaliskis na kakulay ng mga kristal na nakikita ko sa kuweba. Hindi ko maiwasang humanga sa ganda niya at napangiti na lamang.

Kumatok nang pangatlong beses si Cyrene nang makarating kami sa labas ng pintuan ng bahay na ito. Hindi naman dumaan ng ilang minuto ay bumukas ito. Tumambad sa aking harapan ang isang babaeng kakaiba.

Nahahati sa dalawa ang kulay ng kaniyang buhok. Sa kaliwa niya naman ay kulay ginto, habang sa kanan naman ay kulay asul. Bigla namang kumunot ang aking noo nang mapansin ko rin ang malaking kulay ginto niyang mga pakpak.

Ang kulay naman ng kaniyang mata ay kulay asul din.

Maputi ang kaniyang balat at mayroong matutulis na mga tenga. Naguguluhan ako. Ang nakikita ko sa kaniyang pisikal na kaanyuhan, hindi siya nalalayo sa pagiging Axphainian. Siya ba ang pinunta namin dito ni Suprema Celestia?

Subalit, napatigil ako sa pagtingin sa kaniya nang bigla siyang sumimangot habang nakatitig sa likuran naming dalawa ni Cyrene.

"Celestia . . ." Banggit niya sa pangalan ni Suprema Celestia. Naglakad naman siya papasok sa bahay habang iniwan niyang nakabukas ang pintuan.

Bigla namang may sumulpot na lalaking matangkad at matikas ang pangangatawan. Kulay kayumanggi at kulay puti naman ang kaniyang buhok. May hitsura siya't maamo ang kaniyang mukha.

"Nandito na pala ang panauh―Celestia?" Hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang makilala si Suprema Celestia.

Habang ako rito ay naguguluhan na palipat-lipat ang tingin sa kanila. Ibig sabihin, magkakakilala na sila noon pa? Ano'ng merong relasyon na namamagitan sa kanilang tatlo?

"Maari na kayong umalis." Malamig na tugon nitong babaeng nasa kalagitnaan ng apat na pung taong gulang.

"Hindi niyo po dapat sinusuway ang utos ng panginoong si Orion. Ito ay utos mula sa kaniya, alam kong alam niyo 'yon." Napatingin naman ni Cyrene 'yong babae at napaiwas ng tingin.

Napatingin naman sa kamay 'yong babaeng nagbukas sa amin ng pintaun sa kamay ni Cyrene. Napansin naman kaagad niya ang pagtitig ng babae, kaya itinago niya ito sa kaniyang likuran.

"Maari ko bang makita ang kamay mo, Binibini?" Biglang tanong nito, lumapit naman 'yong lalaki na hula ko ay asawa nitong babae.

Napaatras naman si Cyrene at hindi inaasahan na mapunta sa kaniya ang atensyon ng mga ito. Wala naman siyang nagawa at ipinakita ito. Nagsilakihan ang mga mata nilang dalawa nang makita nila ang likuran ng kamay ni Cyrene.

Mas lalo akong naguguluhan nang bigla nilang niyakap si Cyrene at nagsiiyakan. Hindi rin nakaligtas sa aking mata ang dahan-dahang pagtulo rin ng mata niya.

"Cyrene, kami ay nagagalak kang makitang muli," masayang-masayang wika nitong babaeng nagbukas sa amin ng pintuan.

Hindi ko alam kung anong meron sa kanila, pero isa lang ang aking naiintindihan. Sila ay matagal nang nawalay sa isa't-isa. Mayamaya pa ay inayos nila ang kanilang mga sarili at tiningnan kami. Nag-iba ulit ang timpla ng mukha nitong babaeng nagbukas sa amin ng pintuan.

Naglakad siya papunta sa pintuan at isinara ito.

Tinanggal naman ni Cyrene ang kaniyang suot-suot na cloak at sinenyasan din kaming tanggalin ito kaya sinunod namin siya. Napabuntonghininga ako nang maginhawa nang mailabas ko ulit ang aking mga pakpak.

Nagsilakihan naman ang mga mata ng lalaki at itong babae na hula ko na mag-asawa matapos makita ang aking mga pakpak. Subalit, hindi iyon nagtagal dahil nabalik na naman ang atensyon nila kay Suprema Celestia.

Binigyan naman nila kami ng mauupuan. Nang makaupo na ang lahat ay sumeryoso ulit ang ekspresyon ng kanilang mukha.

"Hindi namin inaasahan na ikaw ang sinasabing panauhin ni panginoong Orion, Suprema Celestia," rinig kong sabi ng babaeng nagbukas sa amin ng pinto. "Ano'ng pakay mo't naparito ka?" dugtong na tanong nito.

Napabuntonghininga naman si Suprema Celestia at medyo yumanig ang lupa nang ipinukpok niya nang mahina ang kaniyang mahiwagang tungkod sa sahig.

"Hindi ka pa rin nagbabago. Ikaw ay ma-prangka pa rin hanggang ngayon. Hindi ka ba muna magpakilala sa Binibining kasama ko?" malumanay na tanong ni Suprema Celestia.

Napaayos ako ng upo nang mapunta sa akin ang atensyon nila. Pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Kumunot ang noo ng babaeng nagbukas ng pinto kanina at tiningnan nang masinsinan ang pakpak ko. Maging buong hitsura ko.

"Ikaw ba ay kalahating Cimmerian at kalahating Axphainian?" tanong niya sa akin.

"O-opo," magalang kong sagot.

"Pamilyar ang mukha mo sa akin, Binibini. Ang ibig kong sabihin, kahawig mo ang naiwan kong kaibigan sa Axphain," komento niya.

At nagpakawala ng malalim na buntonghininga.

Nagulantang ako sa sinaad niya. Kaibigan niya? Hindi kaya siya si Priscilla? Ang dating itinakda at ang matalik na kaibigan ni ama? Wala man akong ebidensya na siya, kaya mas mabuting magtanong na lamang upang makumpirma ko.

"I-ikaw po ba si Priscilla?" nahihiya kong tanong.

Napatingin siya sa akin nang seryoso.

"Ako nga si Priscilla. Bakit mo ako kilala?" naguguluhan niyang tanong.

Bigla na lamang nagsirambulan ang puso ko. Tumulo ang aking luha dahil sa sobrang tuwa, dahilan para magulat sila. Kaya ba pumunta kami ni Suprema Celestia rito sa Cazadorian ay dahil para rito?

"Binibini, a-ayos ka lang ba?" nauutal niyang tanong.

Lumuhod ako sa harapan niya at niyuko ang aking ulo habang walang tigil sa paghikbi.

"Ginang Priscilla, ako po ay nagagalak kang makilala. Ako po si Serephain, ang anak ng inyong matalik na kaibigang si Percival," pagpapakilala ko.

Nakita ko namang napatayo siya sa kaniyang pagkakaupo at naramdaman ko namang hinawakan niya ako sa braso upang patayuin. Nang makatayo ako ay sumalubong sa akin ang nagtubig niyang mga mata.

"Kaya pala. Kaya pala sobrang kahawig mo si Percival. Nakuha mo naman ang ilong at mata ng ina mo," napapangiti naman ako sa sinabi niya. "Maging ang iyong dalawa pang pakpak at isang sungay."

"Siya rin ang bagong itinakda, Ate Priscilla," biglang sabat ni Suprema Celestia. Dahilan para mapatingin silang lahat sa akin.

Matapos akong tignan ng kaibigan ni ama na si Priscilla ay napunta naman ang atensyon niya kay Suprema Celestia. Tiningnan niya ito nang hindi makapaniwala.

"Itinakda? Alam na alam ko kung gaano mapanghusga ang mga Axphainian, Suprema Celestia. Alam na alam kong magagalit sa kaniya ang lahat kapag nalaman ng buong nasyon ang tungkol dito," puno ng pag-aalala niyang sabi.

Pero . . .

"Alam na ng buong nasyon ang tungkol sa pagiging itinakda niya," matipid na saad ni Suprema Celestia.

Napasinghap pa si Ginang Priscilla matapos marinig ang sinabi ng Suprema.

"Ano?!"

"Tama ka nang pagkakarinig, Ate Priscilla. Alam na nang lahat. Nagkakaroon ng kaguluhan at mga pagtatalo tungkol sa pagiging itinakda niya. Maraming hindi sang-ayon dahil siya ay isang kalahating Cimmerian at kalahating Axphainian. Pero, pinatunayan ni Serephain na karapatdapat siya sa ibinigay na responsibilidad sa kaniya. At ipinangako niyang babaguhin niya ang paniniwala ng ating lahi."

Bigla akong kinabahan sa naging sagot ni Suprema Celestia. Tila ba'y ang laki ng tiwala niya sa akin na magagawa ko ang lahat nang 'yon.

"Ano?! Serephain, sabihan mo ang ama at ina mo na rito kayo manirahan sa Elliome kasama kami. Dito, hindi ka huhusgahan at mamuhay ka nang payapa. Hindi mo na mararanasan ang sakit na idinulot ng mga Axphainian sa 'yo." Hinawakan naman ako ni Ginang Priscilla sa kamay at tinitigan sa mata.

Subalit, umiwas na lamang ako dahil hindi ko alam ang aking isasagot. Maganda ang alok niya, pero hindi ko pwedeng iwan ang responsibilidad na nakaatang sa akin.

Hindi ko pwedeng talikuran ang mga salitang aking binitawan sa harap ng marami. May mga bagay pa akong dapat na patunayan sa kanila.

Napabuntonghininga nang malalim si Ginang Priscilla at bumalik sa upuan niya. Tiningnan niya si Suprema Celestia at tila parang naghihintay sa sasabihin. Subalit, wala siyang narinig sa halip ay siya na lamang ang nagtanong.

"Kung ganoon, ano ang pakay mo Suprema Celestia at naparito ka? Sa pagkakaalam ko, wala akong sinabihan nang kahit na sino kung nasaan ako." Sa timbre pa lang ng boses ni Ginang Priscilla, tila ba'y ibang anghel na siya sa harapan ko.

Tila ba'y naging istrikta ito sa pananaw ko.

"Nahanap kita sa tulong ng unang banal na anghel na si diyosang Divine. Pinahanap kita sa Cazadorian, subalit hindi ka niya mahagilap. Kaya, nagpatulong naman siya sa unang mangangasong anghel na si Orion, ang inyong panginoon. Dahil sobrang liit lang ng mundo, kilala ka pala ni panginoong Orion at sinabi sa akin na nasa Elliome ka raw. Nagtungo ako sa Aragon upang kunin si Cyrene, gaya ng sinabi ni panginoong Orion," mataas na sagot ni Suprema Celestia.

Habang si Ginang Priscilla naman ay tumatango na parang walang gana. "Ano nga palang klaseng lugar 'to?" pahabol na tanong ng Suprema.

"Ito ang siyudad kung saan mararamdaman ang tunay na kapayapaan. Ang lugar na ito ay pinamumunuan noon ni Lelantos at ng asawa nitong si Kacela. Ngunit, nasawi sila kasama ang iba pa nang lusubin ang Elliome ng mga kampon ng kadiliman. Tanging kami lamang dalawa ang naiwan at ang mga nilalang na nakaranas nang karahasan mula sa mga katulad natin. Ginamit namin itong pansamantalang tirahan ni Priscilla sa permiso ni panginoong Orion. At hinihintay din namin na muling bubuhayin itong buong lugar sa pamamagitan ng tulong sa natitirang Elliomian."

Hindi ko man alam ang pangalan niya, pero alam kong siya ang asawang Cazador ni Ginang Priscilla.

"Ako naman si Amos. Nagagalak kong makilala ka, Binibining Serephain. Si Ginoong Percival lamang ang natatanging Axphainian na tumanggap sa akin noong dinala ako ni Priscilla sa Axphain," sabi niya ulit.

At inilahad ang kamay niya sa akin kaya hindi ko naman siya binigo't tinanggap ito.

Napalingon naman ako kay Suprema Celestia nang bigla na naman siyang tumahimik. Nakahawak siya sa kaniyang baba habang nag-iisip nang malalim. Pinitik niya ang kaniyang mga daliri at tiningnan si Ginoong Amos.

"Bakit walang nakakaalam tungkol sa lugar na ito?" sumang-ayon naman ako sa tanong na 'yon dahil gustong-gusto ko ring malaman.

"Dahil kay Orion, ang panginoon ng Cazadorian. Matunog noon ang nangyari sa buong Cazadorian, ang pagkuha ni panginoong Orion sa buong kakayahan ng mga hunters dahil sa pagiging sakim nila sa kapangyarihan na naging dahilan nang patayan sa buong lugar. Tanging lakas, liksi at kaalaman lamang ang ibinigay sa kanila ngunit may isang siyudad na hindi nasali sa galit ng panginoon."

Huminto muna si Ginoong Amos sa pagsasalita upang kumuha ng hangin.

"Ito ay ang Elliome, na kung saan nakatira rito ang may mga espesyal na kakayahan, katangian at mga may mabubuting instensyon sa bawat isa. Nang malaman ito ni panginoong Orion ay kaagad niyang ginawan ng selyo ang buong lugar upang hindi ito makita nang iba pa, at nagsisilbi rin itong proteksyon. Bukod doon ay ibinigay ni panginoong Orion ang isang mitikal na halimaw, ang phoenix. Ito ay nagsisilbing tagapangalaga ng buong Elliome, ngunit sa kasamaang palad ay nasali ito sa mga nasawi noong mga panahong nilusob ang lugar na ito."

Napatango naman ako sa naging sagot ni Ginoong Amos.

Ibig sabihin, ang Elliome ay itinago mula sa mga Cazadorian na nagkasala sa panginoon matapos makumpirma nito kung gaano kabusilak ang puso ng mga naninirahan dito.

"Nasagot na ang mga tanong mo, Suprema Celestia. Pero hindi mo pa nasasagot ang tanong ko. Ano ang pakay mo kung bakit kayo pumunta rito? Hindi ako naniniwalang nandito ka lang upang alamin kung anong klaseng lugar ang Elliome," diretsahang saad ni Ginang Priscilla.

Biglang bumigat ang paligid dahil sa tanong ni Ginang Priscilla. Sumeryoso na rin ang ekspresyon sa mukha ng Suprema. Subalit mabilis na napakunot ang aking noon ang makita ko siyang ngumiti nang matamis.

"Gusto ko ikaw ang magtuturo kay Serephain sa lahat ng dapat niyang malaman tungkol sa pagiging itinakda."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro