Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 45: Rehiyon ng Aragon

Nandito kaming lima sa cafeteria, kumakain. Katatapos lang ang pagsasanay at babalik na naman ulit kami mamaya. Dalawang araw na ang nakalipas matapos makumpirma na ako nga ang itinakda. Tumigil na rin ang mga mapanghusgang bulong-bulungan ng mga estudyante rito sa akademya.

Pero nandoon pa rin 'yong mga titig nila. Mga titig na parang tinitingnan nila lahat ng kilos ko. Pero ngayon ay malaya ko na ring nailabas ang aking mga pakpak at nakakalipad ako kasama ang mga kaibigan ko.

"Sana nandito si Ayleth, 'no?" biglang wika ni Borin.

"Ibig sabihin, mas gusto mo nga si Ayleth kaysa sa akin Borin? Gano'n?" Nataranta naman si Borin matapos marinig ang tinanong sa kaniya ni Collyn.

Umamin kasi kahapon si Borin sa nararamdaman niya para kay Collyn. At ganoon din naman ang nararamdaman ni Collyn para kay Borin.

"H-hindi naman ganoon ang gusto kong sabihin. Maganda kasi 'yong kumpleto 'yong grupo natin kasama siya. Kaibigan naman natin si Ayleth, 'di ba?" Depensa naman ni Borin sa sarili niya.

Hindi sumagot si Collyn sa halip ay tiningnan niya si Borin nang masama.

Napalunok naman si Borin dahilan para magtawanan kaming lahat. Tiningnan niya naman kami nang naguguluhan dahilan para maglupasay sa katatawa si Crystal.

Matapos ang tawanang 'yon ay lumabas na kami ng cafeteria at saktong paglabas ko ay nakita ko si Suprema Celestia sa hindi kalayuan mula sa kinatatayuan namin. Lahat ng nakakita sa kaniya ay nagbigay pugay sa Suprema.

Nagulat na lamang ako nang lumapit siya sa amin.

"Suprema Celestia . . ." banggit ko sa pangalan niya.

"Itinakda, panigurado'y alam mo na kung sino si Priscilla. Tama ba ako?" Mas lalo akong nagulat nang marinig ang sinabi niya.

Hindi kaagad ako nakapagsalita pero nabalik ako sa reyalidad nang sikuhin ako ni Collyn sa tagiliran.

"Ikaw ba ang naglagay ng gintong papel sa lamesa, Suprema?"

"Ako nga," pag-amin niya. "Gayong kilala mo na siya, sumama ka sa akin at may pupuntahan tayo." Mas lalo akong nagulantang sa sunod niyang sinabi.

Tinalikuran niya ako habang ako naman ay nakasunod lang sa kaniya. Kinawayan ko ang mga kaibigan ko at tinanguhan lang nila ako saka na sila umalis papunta sa bulwagan kung saan palaging ginaganap ang pagsasanay. Tahimik akong nakasunod sa kaniya kaya bumuntonghininga ako bago magtanong.

"Kumusta po si Ayleth?"

Napatigil sa paglalakad si Suprema, habang ako ay kinabahan bigla.

Humarap siya sa akin nang nakangiti.

"Talaga ngang nagkalapit ang loob niyo. Pero wala kang dapat na ipag-aalala dahil nasa maayos na kalagayan naman ang anak ko," ang sagot niya.

At napatingin sa suot-suot kong napuno ng pawis dahil kanina sa pagsasanay.

Itinutok niya sa akin ang kaniyang mahiwagang tungkod saka lumiwanag ito dahilan para mapatakip ako sa aking mata. At sa pagkawala ng nakakasilaw na liwanag ay nag-iba ang kulay ng aking suot.

Sa pagkakataong 'to, nakasuot ako ng mahabang kulay gintong damit na gawa sa sutla at mahahabang tela sa braso.

"Kailangan mong magmukhang disente sa lugar na pupuntahan natin." Hindi na ako nagsalita pa at nanatili na lamang na tahimik. "Handa ka na ba? Magte-teleport tayo papuntang Cazadorian."

Napaangat ako sa aking ulo nang banggitin niya ang Cazadorian. Isa sa nasyon ng Metanoia. Hindi ko alam kung ano'ng pakay naming dalawa sa lugar na 'yon at saka wala naman akong karapatan para magtanong o magreklamo.

"Alam kong may tanong ka, Serephain. Huwag mong pigilan ang sariling magtanong," rinig kong wika ni Suprema Celestia.

Hindi ako sumagot at iniling ang aking ulo bilang pagtugon. Bumuntonghininga si Suprema Celestia at itinaas ng bahagya ang kaniyang mahiwagang tungkod. Napatingin ako sa aking katawan nang makitang unti-unti kaming hinigop ng tungkod ni Suprema Celestia.

Sa isang iglap ay nandito na kami sa harapan ng malaking tarangkahan.

Napatingin ako sa paligid. Napagtanto kong nandito na kaagad kami sa Cazadorian. Pero nabaling ang aking atensyon sa inabot sa akin ng Suprema. Kumunot ang aking noo nang makitang isang kulay puting sobre na may dalawang pakpak.

Binuksan ko ang puting sobre at nakita ko ang kulay puting hugis pentagon na gawa sa kahoy, habang may nakaukit na Aragon sa gitna.

At ang kulay naman ng mga letrang nakaukit dito ay kulay ginto. Habang nasa kalagitnaan ng malalim na pag-iisip ay bigla ko na lamang napagtanto ang salitang Aragon.

Ibig sabihin nandito kami sa Aragon, sa gitnang bahagi ng Cazadorian. Hindi ko akalaing nandito na ako sa Cazadorian. Ang Cazadorian ay nasa hilagang-kanlurang bahagi ng Metanoia. Itinaas ko ang aking kamay upang makuha ang niyebeng walang katapusang nagsibagsakan sa langit.

Kasalukuyang taglamig ang Aragon kaya sobrang nakakatuwa dahil unang beses kong masilayan ang ganitong klima dito pa mismo sa kanilang nasyon. Ang Axphain ay tatlong klima lamang meron kami, ang tag-ulan, tag-init at taglagas.

"Para saan po ito, Suprema Celestia?" naguguluhan kong tanong sa kaniya.

"Ito ay tinatawag nilang plaka. Ito ay magagamit natin upang makapasok sa rehiyon ng Aragon. Kahapon ko lang ito natanggap mula sa Hari ng Cazadorian," nakangiti niyang sagot sa akin.

"Ano pong gagawin natin dito?" huling tanong ko sa kanya.

"Malalaman mo mamaya."

Tumango na lamang ako bilang pagtugon. Pinagaspas ni Suprema Celestia ang kaniyang mga pakpak, at sumunod naman ako. Lumapag kaming pareho nang makalapit sa tarangkahan ng Aragon.

May tatlong kawal na nakabantay doon at kitang-kitang ko sa loob ang mga karwahe. Sa karwaheng 'yon ay may iba't ibang kulay, maging ang kabayo.

"Maari ko po bang makita ang plaka ninyo?" tanong ng babaeng kawal.

Itinaas naman ni Suprema Celestia ang hawak-hawak niyang plaka na ibinigay niya sa akin. Nilingon niya naman ako dahilan para maiangat ko rin ang kamay ko para ipakita rin 'yong akin. Nagsilakihan naman ang mata ng tatlong kawal at dali-dali kaming pinagbuksan ng tarangkahan.

"Ihanda ang puting karwahe para sa pinaka-importanteng panauhin!" sigaw ng isa pang kawal.

Hindi ko alam kung ano'ng nangyayari. Dahil napapansin ko sa tatlong kawal na nagbabantay sa tarangkahan ay bigla na lamang natataranta. Siguro ay dahil kay Suprema Celestia.

"Maari ko po bang malaman ang inyong mga pangalan, panauhin?" tanong sa amin ng isang kawal dahilan para magsikunutan ang noo ko.

Akala ko ba ay nakikilala nila ang tulad ni Suprema Celestia, pero hindi pala. Pero bakit ganoon na lamang sila ganoon makakilos? Saka ko napagtanto kung ano ang ibig sabihin ng plaka na dala-dala namin. Narinig ko ring nagbanggit ang isang kawal na pinaka-importanteng panauhin daw kami.

"Ako si Suprema Celestia, ang kataas-taasang pinuno ng Axphain. At ito namang kasama ko ay ang itinakda ng aming lupain." Magalang na pagpapakilala ni Suprema Celestia.

Mas lalong magsilakihan ang mata ng kawal na nagtanong sa amin at tila parang natatakot.

"P-pasensya na po kung hindi ko kayo kaagad nakilala, Suprema Celestia," panghihingi ng paumanhin niya.

"Ayos lang. Wala kang dapat na ipagpapaumanhin." Nakangiting wika ni Suprema Celestia at idinantay ang kaniyang kamay sa balikat nito.

Niyuko niya ang kaniyang ulo matapos niyang marinig ang sinabi ng Suprema.

"Sumunod po kayo sa akin," magalang din niyang wika.

Sumunod naman kami sa kaniya at dinala niya kami roon sa puting karwahe na may puti ring kabayo. Pinagbuksan niya kami ng pintuan at pareho kaming pumasok sa karwahe. Habang tumatakbo ang karwahe ay nakatanaw lamang ako sa bintana.

Ang buong lugar nababalutan ng mga niyebe.

May napapansin din akong dalawang klaseng puno na makikita lamang sa kanilang lugar at nabubuhay lamang sa kahit na anong klima. Ang kanilang mga istrakturang gusali ay gawa sa mga ladrilyo na talaga nga namang nagpadagdag ng kagandahan sa rehiyong 'to.

Ayon sa natatandaan ko, ang Aragon ay dito matatagpuan ang mga mayroong tungkulin sa nasyon. Mga guro, orakulo, hari, reyna, prinsesa o prinsipe at marami pang iba. Dito rin matatagpuan ang akademya at ang palasyo.

Napadaan kami sa Cazadorian Academy.

Dumaan ang ilang minutong sakay ng karwahe ay huminto ito sa harapan ng paikot na gusali. Pinagbuksan kami ng pintuan. Naunang bumaba si Surpema Celestia at sumunod naman ako. Pumasok kami sa paikot na gusaling ito at hindi ko maiwasang humanga. Sobrang taas nito at hindi ko kayang hulaan kung ilang palapag ito.

Mayroong sumalubong sa aming medyo may edad na Cazadoria. At sa mga nakikita ko sa kaniyang uniporme, nasabi ko kaagad na siya ay guro sa akademya.

"Maligayang pagdating sa Aragon, mga mahahalagang panauhin. Inaasahan namin ang inyong pagdating. Ang aming punong-guro na si Ginoong Odin Grymes ay naghihintay sa kaniyang opisina. Sumunod po kayo sa akin," magalang na bati nito sa amin.

Sumunod naman kami sa kaniya, habang ako ay hindi ko mapigilang mapahanga sa istraktura. Kulay pulang ladrilyo ang mga pader. Habang nakasunod kami sa kaniya ay marami akong napapansing mga guro sa paikot na gusaling ito.

Nasa ika-sampung palapag na kami at nasa harapan ng pintuan.

Ang ika-sampung palapag ay ang huling palapag sa gusaling ito. Binilang ko kasi ito habang napapadaan kami sa bawat palapag. Narinig ko namang kinatok ng babaeng sumalubong sa amin ang pintuan. Saka niya ito pinihit at binuksan.

Pagkabukas ay nakita namin ang isang lalaking anghel na nasa kalagitnaan ng edad na apat na pu. Nakaupo kaharap ng kaniyang lamesa. Habang may kinakausap na guro. Mayroon siyang kulay itim na buhok, pero nahahaluan naman ito ng kulay kayumanggi ang iilang hibla.

Napansin ko rin ang kulay kayumanggi niyang mga pakpak.

Nang makita niya kami ay sumilay kaagad ang kaniyang matatamis na ngiti. Napatayo naman ang iyong babaeng kausap ng punong guro at nagkatitigan sila ni Suprema Celestia.

Nilapitan niya si Suprema Celestia at niyakap.

"Hindi ko akalaing dito pa tayo magkikitang muli, Celestia." Natatawang wika nito.

"Masaya akong nakita kitang muli, Ate Amandha."

Nagsilakihan ang aking mga mata nang tawagin ni Suprema Celestia ng ate itong babaeng ngayon ko lang nakita.

Nakita ko naman pinasadahan niya ng tingin si Suprema Celestia.

"Kapansin-pansin na naging kataas-taasang pinuno ka na ng Axphain, katulad ng ama mong si Supremo Silviu. Manang-mana ka talaga sa kaniya," masayang wika nito.

Ayon sa palitan nila ng salita ay kapansin-pansin na may pinagsamahan sila. Napatayo ako ng maayos nang mapatingin ito sa akin.

"Sino itong magandang dilag na kasama mo, Celestia?" Nakataas na kilay niyang tanong kay Suprema Celestia.

"Magandang araw po, ako po si Serephain. Ang—" huminto muna ako sa pagsasalita at napaiwas ng tingin.

"Ikaw ang itinakda." Napaangat ako ng tingin nang dugtungan nitong babaeng anghel na kilala ni Suprema Celestia ang gusto ko sanang sabihin.

Tiningnan ko siya nang naguguluhan.

"Kapansin-pansin ang marka mo sa kaliwang leeg." Nakangiti niyang sabi sa akin. "Ang pangalan ko naman ay Amandha." Inilahad niya naman ang kaniyang kamay dahilan para mapatingin ako roon.

Tinanggap ko naman kaagad ito at ngumiti. Si Amandha ay kapansin-pansin ang kanyang kulay puti na may halong kayumanggi niyang buhok. At ganoon din ang kaniyang mga pakpak. Habang ang kulay ng kaniyang balat ay sobrang pinong puti.

"At sobrang ganda ng mga pakpak mo, Serephain. Nararamdaman kong sobrang espesyal mo." Matapos niyang sabihin sa akin 'yon ay idinantay niya ang kaniyang mga kamay sa magkabilang balikat ko. "O, siya mauna na ako sa inyo, Celestia. Marami pa akong aasikasuhin," pagpapaalam na sabi niya.

"Binibining Amandha, maari mo bang papuntahin si Cyrene rito?" rinig naming pakiusap ng punong guro.

"Masusunod," maikling sagot nito saka umalis na ng tuluyan.

Nakita naman naming lumipad papalapit sa amin ang punong guro. Inanyayahan niya naman kaming maupo. Nakangiti pa ito, pero masasabi kong kakaiba rin ang awra niya.

"Ikinagagalak naming bumisita kayo rito sa Aragon, Suprema Celestia. Ako nga pala si Odin Grymes, ang punong guro rito sa Cazadorian Academy." Maligayang wika nito dahilan para mapangiti ako nang patago.

Hindi ko akalaing ganito pala kabuti ang mga Cazadorian. Nakakahanga sila.

"Maraming salamat, Ginoong Odin." Matapos sabihin 'yon ni Suprema Celestia ay bigla na lamang bumukas ang pintuan at pumasok ang isang babaeng anghel.

Napatayo si Suprema Celestia. Ayon sa ekspresyon niya sa mukha, mukhang siya ang aming pinunta rito. Pero bakit? Para saan? Ang masasabi ko lang sa kaniya, mukha siyang mahina pero . . . sobrang dilim ng presensya niya.

"Neth Cyrene." 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro