Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 43: Ang Pagbabagong Anyo

Biglang yumanig ang lupa nang sumigaw si Suprema Celestia. Yumanig ulit ito nang ipinukpok niya ang kaniyang mahiwagang tungkod sa lupa.

Natahimik ang lahat, at rumihestro kaagad ang takot sa kaniya-kaniyang mukha ng mga Axphainians. Maging ako ay nanginig nang masilayan ko ang galit na galit na Suprema.

Ang katawan niya ay nabalutan ng kulay gintong mahika na nagmula sa kaniyang mahiwagang tungkod. Nakalutang ang kaniyang buhok at ang kulay ginto niyang mga mata ay nanlilisik. Nagsilakihan ang aking mata sa nasaksihan.

Ang hitsura ni Suprema Celestia ay ang divine form niya. Maging ang mga kasamahan niyang mga Summa ay natakot sa pinakita niyang anyo.

"Mga hangal! Hindi ko ito ginawa ay dahil para sa aking sarili, kun'di ay para sa kapakanan ng buong lupain. Hindi na kailangang magtalo-talo dahil nandito tayong lahat upang maiintindihan ang sitwasyon. Inanunsyo ko ito ay para alam ng lahat. Kung itatago ko ba ito sa inyo, matutuwa ba kayo?! Kaya sana, hangga't maari, iiwasan nating magkakagulo at magkakainitan dahil ayokong maulit ang nangyari ng nakaraan. Nandito tayong lahat upang maiintidihan ang sitwasyon at aayusin ang gulo nang magkasama!"

Umalingawngaw ulit ang boses ni Suprema Celestia sa buong siyudad ng Luxa, dahilan para manahimik ang lahat.

"Ako bilang orakulo at sa edad kong 'to, marami na akong napagdaanang digmaan at lahat ng 'yon sobrang nakakatakot. At ang itinakda ay siya lamang ang nakatakdang makapatay sa paparating na madilim na puwersa. Ibig sabihin, siya at siya lamang ang may kakayahang talunin ang mga kalaban. Habang tayo naman ay ang kaniyang gabay at suporta patungo sa propesiyang nakasaad. Kung mawawalan tayo ng itinakda, hinding-hindi natin makamit ang ating kapayapaan mula sa kamay ng mga demonyo," rinig ko ang komento ni Ginang Paciana.

Habang nakabagsak pa rin ang kaniyang magkabilang balikat.

Ilang segundo ang namayaning katahimikan pero nabasag lamang ito nang biglang may nagdesisyong magsalita.

"Anong mangyayari sa ibang trumaydor at lumabag sa batas ng ating lupain?" Bigla ulit nagkaroon ng bulong-bulungan matapos marinig ng lahat ang tinanong ng babaeng anghel na 'to.

"Oo nga! Dapat pa rin silang maparusahan dahil sa paglabag ng batas at pagtulong sa pagtakas ng isang nilalang na bunga ng kasalanan." Sang-ayon naman ng isa pa sa mamamayan, habang ako ay nakakuyom ang mga kamao at sobrang nairita sa mga pinagsasabi nila.

"Kung hindi dahil sa dalawang 'to . . ."

Mas lalo akong nagulat saka sumunod naman ang galit na nararamdaman ko nang makita kong itinuon ni Kapitana Anil ang kaniyang espada sa leeg ni ama.

Aakma na sana niya itong pugutan ng ulo, pero mas mabilis pa ako sa alas kuwatro kong ipinagkumpas ang aking kamay. Dahilan para matanggal ang nakataling mahika sa aking kamay at ang pagtilapon ng espada ng kapitana.

Napasinghap naman ang mga nakakita sa aking ginawa at pinagbantaan si Kapitana Anil gamit ang aking mga titig. Dahil may kakayahan din si Kapitana Anil na pabilisin ang sarili niya, sumulpot kaagad siya sa aking likuran habang tinuonan ng punyal ang aking batok.

Sapilitan niya akong pinaharap sa mamamayan.

"Hindi ko alam kung anong dahilan kung bakit ikaw pa ang napili ng diyos ng kapalaran na maging itinakda at binigyan ng responsibilidad na iligtas ang kapakanan ng mundo gayong hindi ka naman isang purong Axphainian."

Sumilay naman ang aking nakakalokong ngiti sa labi dahilan para magsilakihan ang mga mata ng mamamayang nanonood sa amin.

Bigla kong naramdaman ang isang malakas na enerhiya sa katawan ko nang makitang tinuonan na rin ng espada ng ibang kapitan ang mga leeg ng mga mahal ko sa buhay.

Dali-dali kong ipinagkumpas ang aking dalawang kamay at nagmanipula ng maraming liwanag na hugis espada. Isa-isa ko ring tinuonan sina Kapitan Nile, Kapitan Kiran, Kapitana Soliel at isa pang miyembro ng kabalyero sa likuran ng kanilang leeg.

Hindi ko rin pinalampas si Kapitana Anil na nakahawak din sa leeg ko.

"Subukan mo lang galawin mga magulang ko't mga kaibigan, magkamatayan tayong lahat dito!" Sigaw ko sa kanilang lahat dahilan para mapasinghap ulit ang mga mamamayan.

Nahagilap naman ng aking mata ang pagkilos ng iba pang Summa, pero pinigilan lamang sila ni Suprema Celestia sa isang senyas.

Wala silang ibang magawa kun'di ang sumunod at tingnan na lamang ang susunod kong gagawin. Nakita ko ring nakahawak na sa kaniya-kaniyang espada ang lahat na kabalyero sa tabi-tabi.

"Siguro ako ang gagamitin ng diyos upang baguhin ang utak putik ng mga Axphainians. Siguro ako ang magiging instrumento para bigyan ng katapusan ang mapanghusgang ugali niyo! Ako siguro ang magiging daan upang ilaya kayo sa nakakasakal niyong walang kwentang batas! Mga banal na anghel, binibiyayaan ng kagandahan at sobra-sobrang kapangyarihan. Pero ugali mas masahol pa sa isang halimaw!"

Huminto muna ako sa pagsasalita at tiningnan ang lahat.

"Matagal ng natuto sa mga pagbabago ang mundo natin pero kayong lahat, mukhang nahuli kayo sa pagbabagong 'yon! At sisiguraduhin kong hangga't nabubuhay ako, magkakaroon ng kalayaang makalipad ang isang tulad ko at bibigyan ko ng kapayapaan katulad naman ng mga magulang ko. Nagmahal lang sila, pero pinagkaitan niyo ng kalayaan na ipakita sa mundo kung gaano kaganda ang kwento pag-ibig nila!"

Inilabas ko ang lahat ng hinanakit ko sa puso na matagal na panahon ko ng kinimkim sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong ni Kapitana Anil.

Sobrang natahimik ang lahat at nagsilakihan ang mga mata. May iilan namang nagdasal at humihingi ng gabay mula sa mga diyos matapos marinig ang sinabi ko.

"Ikaw ang demonyo!" Mayroong sumigaw naman sa mamamayan dahilan para ipalapit ko sa kaniya ang liwanag na hugis espada at itinuon sa leeg niya.

Naglakbay kaagad ang isang pawis sa noo niya.

At nagmamakaawang huwag siyang patayin.

"Sige, ipakita ko sa 'yo kung anong klaseng demonyo ako!" Mas lalong humigpit ang aking pagkakakuyom sa kamao dahil sa nararamdamang tensyon.

Ang puso ko ay nagrarambulan at tila ba'y parang ilabas ko lahat ng galit ko sa mundo. Lahat ng galit na idinulot nila sa pagiging kakaiba ko. Pero, hindi ako isang mamamatay anghel. Gusto ko lang ng kapayapaan at kalayaan.

Naramdaman ko kaagad ang presensya ni Kapitana Anil nang kumilos siya't itinaas sa ere ang kaniyang kaliwang braso. Habang hawak-hawak niya ang punyal. Mukhang nakapag-desisyon na siyang patayin ako.

Pero hindi pa ako pwedeng mamatay dahil alam ko na makakaya kong baguhin ang aking kinalakihang nasyon bilang isang itinakda.

Kahit na ilang ulit kong iproseso sa sistema ko ang ideyang iyon, at palaging tinatanggihan ng aking puso na tanggapin ang responsibilidad ng isang itinakda. Ngayon, tatanggapin ko na ito upang gamitin ito para baguhin ang Axphain at laban sa kasamaan.

Bago pa man ako mapuruhan ni Kapitana Anil, bigla ko namang naramdaman ulit ang malakas na enerhiya sa aking katawan nang bigyan ko siya nang isang malakas na siko sa sentro ng kaniyang tiyan. Napabagsak siya sa sahig ng entabladong 'to nang patihaya.

Babangon na sana ulit siya, pero hinawakan ko kaagad ang kaniyang magkabilang balikat at pwersahang ipinatayo. Pero laking gulat ko na lamang nang biglang mapatilapon si Kapitana Anil papunta sa dingding ng tarangkahan dito sa palasyo.

Natuptop ko ang aking ibabang labi at nanginig.

Itinaas ko ang aking dalawang kamay nang makitang nabalutan ang buong katawan ko ng mahika. Kulay ginto ito't parang pinapakalma ako sa galit at poot na nararamdaman ko kanina lang.

Bigla akong lumutang at kusang bumuka ang aking apat na pakpak. Laking gulat ko nang makitang tumubo ang isang sungay sa kaliwang bahagi ng aking noo.

Napansin ko ring biglang nag-iba ang kulay ng aking buhok. Naging kulay ginto pero may kaunting itim na humahalo sa kulay nito. Naramdaman ko ang pag-iba ng kulay ng aking mga mata.

Ito ba ang aking divine form?

Ito ba ang tunay kong kakayahan bilang isang itinakda?

Ito ba ang dahilan kung bakit ako ang napili?

"Wala kayong galawin ni isa sa mga magulang ko't mga kaibigan ko!" Bigla na lamang lumabas sa aking bibig ang mga katagang 'yon.

At lahat ng nakakita sa pagbabago ko ay nagsilakihan ang kanilang mga mata't nakaawang ang mga bibig.

⋘ • • ⧾ • • ⋙

Papunta na kami ngayon sa akademya matapos ang nangyari kaninang umaga. Ginabi kami dahil nagkaroon pa nga ng salo-salo kasama ang mga Summa at mga kapitan ng kabalyero mahiko sa palasyo.

Sobrang nakakailang nga dahil pagkatapos ng gulo at pagtatalong nangyari. Hindi ko akalaing anyayahan kami na sumama sa salo-salo kasama sila.

Pinag-usapan pa nga nila ang pagbabagong anyo ko at ang paglabas ng aking divine form. Maging ang tungkol sa mga kapangyarihan ko at ang pagkakaroon ng bihirang kapangyarihan na tinatawag nilang light magic.

Si Suprema Celestia at Supremo Alabama lamang ang mayroong light magic sa mga Summa at maging isang estudyante raw sa Axphain Academy. Hindi na rin naman ako magulat kung sino 'yon.

Ang walang iba kun'di ang trumaydor sa akin na si Caspian.

Hindi ko naman siya sinisisi kasi isa rin siyang Axphainian. Ang hindi ko lang nagustuhan ay ang mga pinangako niya sa akin at mga salitang nagpapagulo ng aking puso't isipan.

Kasama ko sina ina at ama, maging ang mga kaibigan ko pabalik sa akademya. May mga kasama rin kaming apat na kabalyero upang maging mata at tenga nila. At kahit bali-baliktarin daw ay nagkaroon pa rin kami ng kasalanan laban sa Axphain.

Naramdaman ko naman ang paglapag ng karwahe dahilan para anyayahan ko na sina ina at ama para bumaba na. Pagkalabas namin ay kalalabas lang din ng mga kaibigan ko sa isa pang karwahe. Lahat kami ay hindi alam ang sasabihin sa isa't-isa matapos ang eksena kanina sa harap ng palasyo.

Pero nang lagpasan ko ang mga kaibigan ko ay narinig ko naman ang sinabi ni Borin.

"Ang ganda mo sa bagong anyo, Serephain." Napalingon ako sa kaniya at nakita ko pang pakamot-kamot siya sa kaniyang ulo.

Hindi rin nakaligtas sa mata ko ang namumula niyang tenga.

"Salamat."

Nilapitan ko naman silang apat at niyakap nang mahigpit. Niyakap din naman nila ako pabalik dahilan para sumilay ang malapad kong ngiti sa labi.

"Masaya akong nandito pa rin kayo sa tabi ko. Salamat," wika ko.

"Palagi lang kaming nasa tabi mo, Serephain. Hindi na 'yan mababago," rinig kong wika ni Crystal. "At paano na 'yan bukas na bukas alam kong magsisimula na ang pagiging abala mo sa paghahanda bilang isang itinakda."

Napatigil ako sa sinabi ni Crystal pero ngumiti naman ako pagtapos.

"Pinapangako kong po-protektahan ko kayong lahat at babaguhin ko ang lupain natin. Alam kong malaking pangarap ito, pero ito ang sinisigaw ng puso ko. Dahil natupad ko na rin naman ang pangarap ko dahil sa inyo." Tiningnan ko naman sa mata ang mga kaibigan ko't nilingon din sina ina at ama. "Natupad ang pangarap ko nang dahil sa inyo. Kaya salamat."

Bigla namang kumawala si Borin sa pagyayakapan naming lima at ngumuso.

Nagtawanan naman kami pagkatapos marinig namin siyang nagreklamo. Na hindi ko na raw sila dapat protektahan dahil hindi naman daw sila bata. Hindi na ako nakipagtalo sa kaniya at lumapit din kina ina at ama saka niyakap nang mahigpit.

"Parang nagkakatuwaan kayo diyan, ah."

Nahinto kaming lahat nang marinig ulit ang boses ni Tita Ailia. Lumapit siya sa amin at niyakap isa-isa.

Pumasok na kaming lahat sa malaking tarangkahan ng akademyang 'to at nagpaalam na sa isa't isa. Naiwan naman kami ni ina at ama kasama ang dalawa pang kabalyero na nakasunod sa aming likuran.

Napapangiti ako nang masilayan ko na naman ulit ang kagandahan ng akademya. Nagpaalam na rin si Tita Ailia na bumalik siya sa opisina niya matapos niya kaming kamustahin.

Habang kami ay dumiretso sa kwarto ko sa dormitoryo.

Nang marating namin ay laking gulat ko nang maayos na ulit siya at binuksan ang pintuhan gamit ang susing ibinigay sa akin ni Tita Ailia. Unang pumasok si ina, kasunod naman ako at panghuli ay si ama. Habang ang dalawang kabalyero ay nasa labas ng pintuan, magbabantay sa amin.

Tiningnan naman ni ina ang hitsura ng dormitory. Habang ako naman ay dumiretso sa kusina para uminom ng tubig. Pero hindi ko natuloy ang plano ko nang may mapansing kulay gintong maliit na papel sa lamesa.

Binuksan ko ito at nakita ang isang salita. Kumunot ang aking noo dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito.

"Priscilla?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro