Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 40: Ang Pagdating ng Suprema

Napahawak ako sa aking leeg nang bigla itong sumakit. Napadaing pa ako bago idilat ang aking dalawang mga mata. Pagdilat ko ay sumalubong sa akin ang natutulog na si Nemain.

Nakaupo siya sa isang upuan, habang nakasubsob sa aking hinihigaan. Isang ngiti naman ang namutawi sa aking labi nang makita ko siyang hinihintay niya akong magising.

Ginising ko naman siya at dahan-dahan din niyang idilat ang kaniyang mga mata. Nang mapagtanto niyang gising na ako ay nataranta siyang tumayo.

"Serephain, kumusta pakiramdam mo? May masakit ba? Gusto mo ba uminom ng tubig?" sunod-sunod niyang tanong sa akin.

"Ayos lang ako," maikli kong sagot sa kaniya.

Bumagsak naman ang kaniyang balikat.

"Tatawagin ko lang si Tita Aella." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay lumabas na siya sa kwarto habang bagsak na bagsak ang balikat.

Ilang segundo ng pagkawala ni Nemain ay pumasok naman si ina, nag-aalala. Kinilatis niya naman ang aking braso at napabuntong-hininga nang wala siyang makitang kakaiba sa akin. Subalit, napatingin siya sa aking kaliwang bahagi ng leeg na parang gulat na gulat. Rumihestro kaagad sa mukha niya ang biglaang takot at pag-aalala.

"Ina? May kakaiba po ba sa leeg ko?" Tanong ko sa kaniya dahilan para umiwas siya ng tingin.

"Ah-eh, wala." Tumayo naman siya sa pagkakaupo at tumalikod.

Kumunot bigla ang aking noo dahil naguguluhan ako. Ang kaninang pananabik niyang makita ako ay napalitan ng takot at matinding pag-aalala.

Walang binitawang salita si ina na iniwan akong mag-isa. Iniling ko na lamang ang aking ulo. Isinawalang bahala na lamang ang ipinakitang kilos niya.

Nag-inat naman ako bago bumaba sa hinihigaan kong kama. Inayos ko ang kumot at unan. Nang lumabas ako ay bumungad sa akin ang mga abalang Cimmerians tuwing umaga. Hindi ko akalaing makatulog ako buong araw pagkatapos mangyari ang dwelo namin ni Nemain. Kung tutuusin, limang araw na kami rito sa Cimmeria.

Sana kahit papaano ay hindi kami mahahanap ng mga kabalyero.

• • ⧾ • •

Pareho kaming nakatanaw ni Nemain sa Fort Vinerium kung saan payapang dumadantay ang mga alon sa dalampasigan.

Ang kaninang namayaning katahimikan sa pagitan naming dalawa ay nabasag nang bigla kong narinig ang malalim na buntong-hininga niya. Dahilan para mapatingin ako sa kaniya nang naguguluhan.

"Serephain, pasensya ka na sa ginawa ko sa 'yo kahapon, ah." Nakayuko niyang humingi ng paumanhin.

Idinantay ko naman ang aking kamay sa kanang balikat niya at nginitian siya ng matamis.

"Wala kang dapat ihingi ng paumanhin, Nemain. Dapat alam mo na sa isang labanan, may masusugatan, mananalo at higit sa lahat may matatalo. Saka alam kong may pinapatunayan ka kaya ko tinanggap ang hamon mo at ng ina mo." Hinaplos ko naman ang kaniyang balikat at halos mapatawa ako nang makita kong mamula ang pisngi niya.

"Ang gandang pagmasdan ang papalubog na araw sa pwestong 'to," komento pa niya at sumilay ang matamis niyang ngiti sa labi.

Napatingin naman ako sa sinasabi niya.

Kay ganda nga talagang pagmasdan ang papalubog na araw. Sobrang nakakalma ako ng malamig na hangin na humahampas sa balat ko. Ang tunog ng mga alon na parang musika sa aking tenga.

Ang katahimikan sa paligid ay siyang nagbibigay sa akin ng kapayapaan. Ang kulay ng langit ay nababalutan ng kulay kahel dahil sa papalubog na araw. Pinikit ko ang aking dalawang mata at pinakiramdaman ang kalikasan.

"Tama ka nga," pagsang-ayon ko naman sa sinabi ni Nemain.

Dumaan ang ilang minuto ay nabalot na nga ang buong paligid ng kadiliman. Masaya kaming nagku-kwentuhan. Subalit natigil kami nang biglang mapansin kong naningkit ang dalawang mata ni Nemain.

Rumihestro kaagad sa mukha niya ang matinding takot. Bigla siyang natatarantang napatayo at maging ako rin na nag-aalinlangang nakatingin sa kaniya.

"M-may paparating," nababahala niyang sabi sa akin.

Nagkatinginan kaming dalawa. Sa isang tingin lamang ni Nemain ay nakuha ko kaagad ang ibig niyang iparating. Kapwa naming ipinagaspas ang aming mga pakpak pabalik sa kampo. Nang makalapag kaming dalawa ay natatarantang lumilingon si Nemain, na tila ba'y parang may hinahanap.

"Ina!" Nang mahagilap ni Nemain ang kaniyang ina ay tinawag niya ito.

Habang ako naman ay nagmamadaling sumunod sa kaniya. Kinabahan ako ng sobra dahil sa posibleng mangyari at parang naiiyak ako. Gustong kumawala ang mga nagbabadyang mga luha ko. Ayoko.

Ayokong mangyari na naman ang kinatatakutan ko. Ayokong makakitang nasasaktang mga anghel para sa akin, para sa amin ni ina.

"Kamahalan!" Sakto namang sumulpot din ang pinuno ng mga kawal ni Morrigan na si Hybor.

Humahangos pa nga ito habang bitbit nito ang teleskopyo.

"Ano iyon?" tanong ni Morrigan.

Napansin ko namang magkasama pala sina ina at si Morrigan. Nagkatinginan pa nga ang dalawa na parang naguguluhan.

"Kamahalan, hindi ko alam kung matutuwa ka. Ngunit sa tingin ko'y may mga bisitang paparating rito sa Cimmeria ngayong gabi. At iba ang kanilang lahi." Inabot naman ni Hybor ang hawak-hawak niyang teleskopyo kay Morrigan.

Lumapit naman si ina sa akin at niyakap ako. Matapos makumpirma ni Morrigan ay napabaling ang kaniyang atensyon sa aming dalawa.

"Nakikita kong hindi lang pagbisita ang sadya nila rito. May iba pa silang pakay," makahulugang wika ni Morrigan.

Hindi naman ako boba para hindi maiintindihan ang ibig niyang sabihin.

Hinarap ko si ina at tiningnan ko siya na parang naiiyak.

"I-ina, natagpuan na nila tayo."

Kinuha naman ni Nemain ang teleskopyo mula sa kaniyang ina at matapos niyang makita mismo ang paparating dito sa kampo nila ay naningkit ang kaniyang matang lumingon sa akin. Rumihestro sa kaniyang mukha ang matinding kaba.

"Ano na ang gagawin natin?"

"Hybor, halika na." Aalis na sana si Morrigan kasama si Hybor. Pero kaagad namang nahawakan ni ina ang braso ng kapatid para pigilan.

"Kami na lamang ang haharap sa kanila, tutal kami naman ang pakay nila." Nagulat naman ako sa sinabi ni ina kay Morrigan.

Naiintidihan ko naman kung bakit niya nasabi iyon. Ito ay dahil ayaw niyang madamay ang mga Cimmerians sa gulo naming mag-ina. Ayaw na niyang dagdagan pa ang kasalanang nagawa niya noon sa sarili niyang lupain at sa kapatid niya.

Hinawakan naman ni Morrigan si ina at tiningnan sa mata.

"Dito ka lang at ang anak mo. Hayaan mong kami ang humarap sa kanila," determinadong wika ni Morrigan.

Dahil sa naging sitwasyon ngayon ay hindi ko napigilang mapaiyak. Niyakap naman ako ng mahigpit ni ina at hinahaplos ang aking likuran.

Kapwa kami kinakabahan. Kung patas lang ang batas ng lahat, namuhay siguro kami nang walang inaalala. Namuhay kaming matiwasay na walang takot na pinapasan.

Bigla namang may lumapit sa aming kawal at dinala kami sa isang tahanan upang itago ang aming sarili. Binabantayan din kami upang maiwasang makuha nila kami.

Nang matagumpay kami nakapasok sa isang bahay ay pasimpleng sumilip si ina sa labas upang malaman kung ano na ang nagyayari.

Habang ako naman ay hindi mapakaling paikot-ikot sa loob. Halos mapatumba ako sa aking kinatatayuan nang biglang yumanig ang lupa.

"Ina? Umalis na ba sila?" Tanong ko kay ina na sumisilip pa rin sa labas.

Isang malalim na buntong-hininga ang narinig ko mula kay ina. Humarap siya sa akin at hinawakan ang aking magkabilang balikat.

"Mukhang kailangan na nating gawin ang nararapat." Kinabahan naman ako sa sinabi ni ina.

Dito na ba talaga magtatapos ang buhay ko? Hanggang dito na lang? Bumuntong-hininga ako't tumango kay ina. Mas mabuti na lang sigurong harapin ang ipaparatang na kamatayan sa amin. Mukhang wala talaga akong puwang sa mundong 'to.

Nabuhay para mamatay ng maaga. Nabuhay para magdusa. Nabuhay ako para husgahan at pandirihan ng lahat.

Hinawakan namin ni ina ang kamay ng isa't-isa at nagtinginan sa mata. Pinagaspas na namin ang aming mga pakpak, subalit hindi natuloy nang biglang sumulpot sa harapan namin si Hybor.

"Ipinag-utos ng kamahalan na tumakas na kayo ngayon din hangga't ginugulo pa niya ang atensyon ng mga tumutugis sa inyo," wika ni Hybor.

Sa sobrang kalituhan naming dalawa ni ina, hindi kaagad kami nakakilos. Pero pinaharap ko si ina sa akin at tiningnan siya ng seryoso. Hinawakan ko siya sa dalawang kamay.

"Tumakas na lang ulit tayo. Maglakbay at magtago. Huwag na tayong bumalik sa Axphain," pangungumbinsi ko kay ina.

Kahit na sabihing makasarili ako sa mga pagkakataong 'to. Dahil maaring magkagulo ang Cimmeria dahil sa aming dalawa ni ina. Pero marami pa akong pangarap na gustong tuparin. Marami pa akong gustong maranasan.

Kung ngayong binigyan ako ng pribilihiyo ni ama na masilayan ang mundo, saka lamang babawiin ito ng tadhana.

Pabalik na hinawakan ni ina ang aking dalawang kamay at ngumiti ng malungkot. Bumagsak kaagad ang aking magkabilang balikat dahil sa ngiting 'yon.

"Sumuko at sumama na tayo sa kanila."

Tinanguhan ko naman si ina at niyakap siya. Kung 'yon ang naging desisyon ni ina, sino ako para tutulan siya? Mas mabuti pa ngang sumuko na lamang at nang matapos na ang paghihirap ko, namin. Siguro ngang wala akong puwang sa mundong 'to.

Walang-wala.

Pinagaspas namin ang aming mga pakpak ni ina at lumapit sa tarangkahan ng kampo. Nang makalapit kami roon ay sumalubong sa akin ang nakangising si Suprema Celestia. Kasama pa niya sina Kapitana Anil at Kapitana Soliel at apat pang miyembro ng kabalyero mahiko.

"Sinasabi ko na nga ba at sa lupain mo pa ikaw mananatili para itago ang anak mo. Hanggang saan ba kayo aabutin ng pagtatago ninyo?"

Napalunok naman ako ng laway matapos marinig ang maootoridad na boses ni Suprema Celestia.

"Sinabi ko na sa 'yong tumakas ka na at ang anak mo! Ano na namang kahangalan ito?" Ayon sa boses ni Morrigan ay naiinis ito, pero sa kabila ng emosyong 'yon, ramdam na ramdam ko ang pag-aalala niya para sa amin.

Nginitian naman ni ina ang kapatid na parang sinasabing magiging maayos din ang lahat. Nagtama ang aming mga tingin ni Nemain at napakagat ng ibabang labi.

Umiwas naman ako ng tingin nang makitang nagbabadya ang mga luha niya sa mata.

Kahit na maikli lang ang pinagsamahan namin, pero nararamdaman kong hindi niya ako hinuhusgahan at tinanggap ng buo. Sobrang komportable niyang kasama.

"Magiging maayos ang lahat, ate. Ipinapangako ko 'yan. Sa ngayon, hayaan mo akong gawin ang tama at mas makabubuti para sa ating lahat, para sa aming mag-ina at para sa Cimmeria. Ayokong madamay na naman ang sarili kong lupain sa pinasok kong landas."

Ayon sa boses ni ina, alam kong umiiyak siya. Napakuyom ako at kinagat ang aking ibabang labi upang pigilan ang nagbabadyang mga luha ko.

"Tumakas ka na at ako na ang bahala rito!" Sigaw ni Morrigan kay ina, pero nakita kong napapikit si ina saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.

"P-patawad." Nauutal na wika ni ina at hinawakan sa kamay si Morrigan dahilan para mapapikit siya't nagtubig na ang kaniyang mata.

"Alam mo namang ayaw kang nakikitang umiiyak ni ate. Poprotektahan kita hangga't magkakaya ko." Unti-unti na ring bumibiyak ang boses ni Morrigan.

Lumapit naman sina Kapitana Anil at ang dalawa pang miyembro ng kabalyero mahiko kay ina, at sapilitang dakpin. Sinuntok naman sa sentro ng tiyan ni Kapitana Anil si ina habang tiningnan ako ng nakangisi.

"Ina!" Sigaw ko nang bumagsak siya sa lupa nang nakaluhod.

Nagkagulo na ang lahat. Nakita ko pang minapula ni Suprema Celestia ang itim na mahika ni Morrigan at itinapon ito sa kung saan-saan.

"Dakpin ang kaniyang anak!"

"Hindi! Huwag ang anak ko! Huwag mo siyang sasaktan!"

Nilapitan naman ako ni Kapitana Soliel at aakmang manlaban sa binabalak nilang pagdakip sa akin. Subalit bago ko pa man magawa ang binabalak ko ay nahawakan na ako sa dalawang kamay ng dalawang kabalyero.

Kinaladkad naman ako ni Kapitana Soliel papunta sa walang ka-ekspresyong mukha ni Suprema Celestia.

"Huwag kang umiyak dahil kasalanan mo naman talaga kung bakit ganiyan ang lahi mo." Kalmadong sambit ng kapitana dahilan para tuluyang bumagsak ang luha ko.

"Pakawalan mo sila!" Binitawan ni Nemain ang minapula niyang itim na mahika papunta kay Suprema, subalit naunahan siya.

Bumalik kay Nemain ang itim na mahika dahilan para mapatilapon siya.

"Nemain!" Sigaw ko nang makita ang kalagayan ni Nemain. Gusto ko man siyang tulungang makatayo, pero hindi ko na magawa dahil hawak-hawak na nila ako. "Tama na!" Sumigaw ako ng ubod ng lakas upang matigil na nila ang pananakit ng mga Cimmerian.

Naglabas naman ng espada si Kapitana Anil at aakma na sana akong puruhan. Subalit, pinigilan siya ni Suprema Celestia habang nakatitig sa aking leeg. Umawang naman ang bibig ni Suprema Celestia at tila ba'y parang natatakot siyang mapatay ako ni Kapitana Nozel.

Kanina gustong-gusto nila akong patayin ngayon pinapatagal nila? Hindi ko sila naiintindihan!

"Ikaw ang itinakda." Kinabahan ako sa narinig mula kay Suprema Celestia.

Nagpapatawa ba sila? Ako ang itinakda? Malabong mangyari dahil wala naman akong marka na nagsisimbolong ako ang itinakda.

"Pakawalan mo ang anak ko!" rinig kong sigaw ni ina.

Sina Kapitana Anil at Kapitana Soliel naman ay nagsilakihan ang kanilang mga mata. Iginulong ko na lamang ang aking mga mata dahil hindi ko sila naiitindihan. Itinakda? Nakakatawa.

Nabalik naman sa reyalidad si Suprema Celestia at sumeryoso ang kaniyang mukha. Ipinukpok niya ang dulo ng kaniyang tungkod dahilan para yumanig ulit ang lupa.

"Dalhin ang dalawa sa Axphain, ngayon din!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro