Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 33: Ang Sikreto ni Serephain

Malalim na ang gabi habang ako naman ay dilat na dilat pa ang aking mga mata dahil hindi ako makatulog. Bumangon ako sa pagkakahiga't dahan-dahang binuksan ang pintuan ng aking kuwarto't lumabas.

Nag-teleport ako sa lugar na aking palaging pinupuntahan, ang hardin ng paaralan. Doon lang kasi ako kumakalma kapag hindi ako makatulog.

Hindi kasi ako makatulog dahil sa mga nangyayari sa akin sa akademya. Ang dami ko ng iniisip. Tungkol sa nangyaring paglusob ng mga kalaban sa siyudad ng Terra noong mga nakaraang araw. At hanggang ngayon ay inimbestigahan pa rin kung paano ang mga ito nakapasok sa aming lupain.

Ang pag-aalala ko kay Crystal, nandito pa rin.

Dahil simula noong mamatay ang buong pamilya niya, hindi na namin siya mahagilap at parang nawawalan siya ng ganang mabuhay. At panghuli, tungkol doon sa pagbukas ng libro sa kamay ko't hinirang na ako ang itinakda.

Dahil sa mga nangyayari, hindi ko na alam kung ano ang uunahin ko. Hindi ko na alam. Kung ako ang itinakda, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita ang marka sa katawan ko?

Mukhang nagkakamali lang sa akin si Ginang Paciana.

Umupo ako sa damuhan at tiningala ang aking ulo sa kalangitan. Ano kaya masasabi ng mahal na Diyos tungkol sa pagkatao ko? Huhusgahan din ba niya ako katulad ng ginagawa sa akin ngayon ng mga taga Axphain?

Ngumiti ako at napapikit ng ilang sandali matapos maramdaman ang malamig na hangin na humampas sa makinis kong balat.

Pero, kahit na sabihin na nating tumigil na sila sa panghuhusga sa akin matapos malaman na ako raw ang itinakda. Hindi ko pa rin iyon itinuturing na doon na nga magtatapos ang panghuhusga nila sa akin.

Kung malaman nila ang tunay kong pagkatao, hindi kaya nila ako pandirihan?

Dahil balik-baliktarin man ang mundo. Hindi na mababago ang pagiging kalahating Axphainian at kalahating Cimmerian ko.

Inilabas ko ang aking pakpak dahilan para mapalingon-lingon ako sa paligid.

Wala naman sigurong makakita sa akin dahil sa lalim ng gabi at panigurado'y tulog na ang lahat. Napabuntong-hininga ako ng malalim. Matagal ko na rin kasing itinago ang aking mga pakpak sa iba, kaya tila ba'y parang ang gaan-gaan sa pakiramdam na mailabas ko siya ulit.

Subalit hindi ko rin maiwasang mapalungkot.

Dahil sa kakaiba kong pakpak, ito ang naging dahilan para pagkaitan ako ng kalayaan. Pagkaitan akong sumaya. Pagkaitan ako sa lahat ng bagay na gusto kong gawin. Bumaba ako sa pagkakalipad at itinago ulit ang aking mga pakpak saka nagdesisyong bumalik na sa dormitoryo.

Parang naging estatuwa ako sa aking kinatatayuan nang makita ko siya. Sumikdo bigla ang aking puso't nanginginig dahil sa takot. Nakita niya ako! Nakita niya ang mga pakpak ko!

Kitang-kita ko pa sa mga mata niya kung gaano siya nagulat sa nakita't parang nawalan ng boses. Dali-dali ko siyang nilagpasan, pero napahinto ulit ako sa paglalakad nang marinig ang sinabi niya.

"Sino ka?"

Hindi ko siya pinansin at diretso lang ang aking lakad.

Nag-teleport ako pabalik sa aking kuwarto habang kinakabahan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Napaluhod ako sa sahig habang hawak-hawak ang aking ulo.

"Serephain?"

Napalingon ako nang marinig ko ang boses ni Ayleth. Tatayo na sana ako, pero hindi ko kaya. Nanginginig pa rin ang mga tuhod ko, maging ang mga kamay ko.

"Serephain, ayos ka lang? Bakit ka umiiyak?" Napahawak ako sa aking mata at doon ko nga napagtanto na umiiyak nga ako na hindi ko alam.

Napalinga-linga ako't parang nababaliw. Nakita ako ni Caspian. Nakita ni Caspian ang mga pakpak ko! Paano kung sasabihin niya sa mga Summa? Malalagay sa panganib ang buhay ng pamilya ko. Mapaparusahan kaming lahat ng kamatayan!

"Nakita niya. Nakita niya. Nalaman na niya ang sikreto ko." Bumubulong-bulong kong wika at hindi rin mapanatag ang sarili ko.

"Serephain, ano'ng nakita niya? Ano'ng sikretong sinasabi mo?" Nagulat na lamang ako nang mapagtantong nasa harapan ko pala si Ayleth.

Nakahawak siya sa aking magkabilang balikat. Kaagad ko siyang iwinakli at tumayo. Subalit, bigla na lamang akong nahilo't nagdilim ang paningin ko.

⋘ • • • ⋙

Napagising ako nang maramdaman ang sinag ng araw na tumama sa balat ko. Dinilat ko ang aking mga mata at aakmang babangon. Subalit, napahiga ulit ako nang biglang kumirot ang ulo ko. Anong nangyari kagabi?

Nang maalala ay napakapit ako ng mahigpit sa kumot.

Kinabahan na naman ako dahil wala akong mukhang maihaharap kay Caspian. Gusto ko na lamang magpalamon sa lupa para matapos na ang paghihirap ko. Nakakapagod na. Ilang segundo ng pag-iisip, bumangon na ako't naghanda para sa pagpasok.

Kailangan ko lamang iwasan si Caspian.

Pagkatapos kong maghanda ay lumabas na ako sa silid-tulugan. Nadatnan ko naman si Ayleth na abala sa paghahanda sa kakainin namin ngayong umaga. Nagkatinginan naman kaming dalawa't sumilay ang kaniyang matamis na ngiti.

Wala ba siyang tanong tungkol sa nangyari kagabi? Tahimik akong umupo sa upuan at inumpisahan ng kainin ang mga hinanda niya para sa aming agahan.

Natapos naman kaming dalawa nang tahimik at ipinagkumpas ang dalawang kamay ni Ayleth saka pinalutang ang mga pinagkainan namin. Nilagay niya ito sa lababo saka niya ako inayang lumabas na sa kuwarto namin dito sa dormitoryo.

Sa mga oras na ito ay naglalakad na kami papuntang bulwagan. Dahil buong araw namin ay ihahanda ang aming sarili sa paparating na digmaan. Nanlaki naman ang aking mata.

At nanginig ang aking tuhod nang makita ko si Caspian na may kinakausap na anghel.

Tila ba'y parang pinagsabihan niya ito.

Gaya ng nakasanayan, pinagkakaguluhan na naman siya ng mga kababaihan. Nang lumingon si Caspian sa kinaroroonan namin ni Ayleth ay umiwas ako ng tingin. Mas lalong dumagdag ang aking kaba nang makita ko siyang maglakad papalapit sa akin.

Hindi na ako nagpaalam kay Ayleth at nag-teleport kaagad papuntang bulwagan.

Pagkarating ko ay nandoon na sina Borin, Collyn, Rony at . . . Crystal! Sumilay kaagad ang malawak na ngiti sa labi ko nang makita ko ulit si Crystal. Dinamba ko naman siya ng yakap dahilan para magtawanan kaming magkakaibigan.

"Ayos ka na ba?" tanong ko sa kanya.

"Oo. Salamat at naniwala kayong makakaya ko, lalo na ikaw. Salamat dahil naniwala ka sa akin." Bigla namang napakagat ako sa aking labi dahil ayokong umiyak na naman sa harapan niya. "Nandito ako para palakasin ang aking sarili. Kailangan kong magsanay upang labanan ang masamang puwersa na darating," puno ng kumpiyansa niyang sabi.

"Iyan ang Crystal na kilala ko." Pagkatapos kong sabihin 'yon ay niyakap niya naman ako nang mahigpit na ipinagtataka ko.

Kumawala na kami sa pagyayakapan at sa isang iglap ay nandito na rin si Ayleth, hinihingal.

"Anong nangyari sa 'yo?" tanong sa kanya ni Collyn.

"Ito kasing si Serephain, bigla-bigla na lang mang-iiwan. Hinanap ko siya tuloy sa buong akademya. Iniiwasan mo ba si Caspian? Nag-away ba kayo?" sunod-sunod na tanong ni Ayleth.

Napatingin naman ang mga kaibigan ko sa akin at hinintay ang sagot. Habang si Crystal naman ay tila parang ang kalma niya. Tila ba'y parang hindi siya naintriga sa sinabi ni Ayleth.

"Makakasama ulit natin ang miyembro ng kunseho ng mag-aaral sa pagsasanay natin ngayong araw?" Napantig naman ang aking tenga at natatarantang napatingin sa kararating na kasama namin ngayon sa pagsasanay.

Nagkasalubong ang aming tingin ni Caspian dahilan para ako'y kabahan ulit ng todo. Nanginig kaagad ang aking mga kamay at mga tuhod.

"Hanapin niyo na lang ako sa hardin ng akademya." Nauutal kong wika.

"Bakit ka aalis eh magsisimula pa lang ang klase ni Ginoong Alexandrio?" reklamo ni Collyn.

Hindi ko siya pinansin at nag-teleport papuntang hardin ng akademya nang hindi napapansin. Hingal na hingal akong nakarating doon at pinagpawisan sa noo.

⋘ • • • ⋙

Papauwi na ako sa kuwarto namin ni Ayleth sa dormitoryo nang mag-isa. Padilim na rin kaya hindi na ako nag-teleport pabalik. Ayoko rin namang salubungin ang mga tanong ng kasama ko sa kuwarto.

Buong araw kong iniwasan si Caspian. Maging sa kalagitnaan ng paglalakad kasama ng mga kaibigan ko't maging sa loob ng cafeteria.

Kahit saan ko siya makita magkasalubong kami, iiwasan ko kaagad siya para iwas gulo.

Alis kaya ako ng akademya at magmumukmok ulit sa mansyon namin?

Halos malaglag ang aking mga mata sa gulat nang biglang sumulpot sa harapan ko si Caspian. Tiningnan niya ako sa mata na tila ba'y parang nakagawa ako ng isang malaking kasalanan sa kaniya.

Tatalikod na sana ako't iwasan siya, pero hindi ko nagawa dahil nahawakan na niya ako sa kamay. Gusto kong magwala pero sobrang lakas ng pagkakahawak niya sa kamay ko. Pumasok siya sa ginawa niyang portal kasama ako.

At sa isang iglap, nandito kami sa loob ng isang silid-aralan.

Medyo madilim na ang loob at tanging kaming dalawa na lamang ang nandito. Tiningnan niya ako ng masinsinan. Habang ako naman ay napayuko at hindi maiwasang manginig sa takot.

"Pwede ka ng magsalita," maootoridad niyang wika.

"Wala tayong dapat pag-usapan," malamig ko namang sagot.

"Talaga? Paano mo maipaliwanag ang nakita ko kagabi? At iniiwasan mo pa ako ngayong araw. Ibig sabihin, inaamin mong hindi ka nga purong Axphainian." Napaangat ako ng ulo at naglakbay ang aking mga luha sa mata.

Napakagat ako ng aking ibabang labi nang hindi ko man lang siya mahanapan ng pagkagulat. Ng kahit na emosyon.

"Hindi naman talaga ako purong Axphainian," sabi ko't pinunasan ang aking mga luha na walang tigil sa pagragasa.

"Alam mo ba kung gaano kalaking kasalanan ito sa lupain natin?" tanong niya sa akin.

"Alam ko!" Bigla na lamang tumaas ang boses ko kaya pinakalma ko na lamang ang sarili bago magsalita ulit. "Alam kong mabigat na kasalanan ito laban sa batas ng Axphain. Alam ko, kaya mas pinili kong mamuhay kasama ninyo na parang purong Axphainian. Pilit kong isiniksik ang sarili ko sa mga nilalang na hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung saan ako nabibilang. Sige, pandirihan mo ako wala akong pakialam. At alam ko rin na bukas makalawa, dadakpin ako ng mga kabalyero mahiko at papatawan ng kamatayan sa harap niyong lahat, hindi ba? Hindi ako nandito para gumawa ng gulo, nandito lang naman ako para mamuhay ng simple, gusto kong makuha ang kalayaan na inaasam-asam ko!"

Napaluhod ako sa sahig at walang tigil sa pag-iyak.

Tumingala ako at tumingin sa kaniya, nagbabaka-sakaling makitaan ko siya ng awa sa mata niya. Pero ako ay nabigo. Binigyan niya lamang ako ng walang ka-emosyong ekspresyon.

"Ayon sa kulay ng pakpak mo, isa kang kalahating Axphainian at kalahating Cimmerian. Tama ba ako?" tanong niya sa akin.

Tinatanong niya ako ng mga ganitong klaseng tanong upang may maibigay siyang impormasyon sa mga Summa o 'di kaya'y sa mga kabalyero mahiko. Tumango naman ako sa tanong niya bilang pagtugon.

"Ina o ama mo ba ay isang Cimmerian?"

"Ina."

Tinigil ko ang aking pag-iyak at nanahimik. Naghihintay sa mga itatanong niya.

"Kung ganoon, nandito ba sa Axphain ang ina mo? Sino ang ama mo?" Walang ganang tanong ulit sa akin ni Caspian.

Siguro ayos lang na sabihin ko sa kaniya ang totoo dahil pagod na akong magsinungaling. Pagod na pagod na ako.

"Nandito ang ina ko. Ang ama ko ay si Percival." Narinig ko naman ang mahinang pagsinghap niya nang marinig ang pangalan ni ama.

"Serephain, isang kalahating Axphainian at kalahating Cimmerian. Anak ng punong mahistrado ng kunseho mahiko na si Ginoong Percival at isang inang taga Cimmeria. Mayroong apat na pakpak, dalawang puti at dalawang kulay itim. Magandang gabi sa 'yo. Ihanda mo na ang sarili mo." Walang ka-emosyong wika ni Caspian at umalis na sa silid na ito.

Habang ako naman ay naiwang mag-isa. Napahagulgol ako ng iyak at binalutan ng kaba. Kahit na ganoon ang nangyari ngayong araw, pilit ko pa ring tumayo't umuwi sa dormitoryo.

"Kailangan malaman ng mga kaibigan ko bago ako dakpin ng mga kabalyero mahiko. Kailangan nilang malaman ang katotohanan tungkol sa pagkatao ko mula mismo sa bibig ko."

Bulong ko sa aking sarili bago lumabas sa silid-aralan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro