Kalat na sa buong akademya ang tungkol sa nangyari kahapon. Kasama ko ang mga kaibigan ko't tahimik din sila. Hindi pa rin namin kasama si Crystal. Hindi ko alam kung pati ba sa labas ng akademya, kalat na rin ba ang tungkol sa pagiging itinakda ko.
Kahit wala namang kasiguraduhan.
"Serephain, malaking responsibilidad ang nakaatang sa 'yo sa pagiging itinakda. Handa ka bang harapin lahat ng 'yon?" biglang tanong ni Ayleth.
"Hindi ako ang itinakda," malamig at madiin kong sagot sa kaniya.
"Pero ang orakulo na mismo ang nagsabi." Sa pagkakataong 'to, si Collyn na ang sumabat sa usapan.
Hindi ko na lamang sila pinansin pa't mas piniling manahimik.
"Gugustuhin niyo pa rin kaya akong maging itinakda kung sakaling malalaman niyo ang pagkatao ko?" bigla-bigla kong tanong sa kanila.
Lahat sila ay napatingin sa akin at sinalubong ko naman.
"Siguro ay mas gustuhin niyo na lang na mamatay ako kaysa sa maging itinakda." Napakagat ako sa aking ibabang labi nang sabihin ko 'yon.
Hinanda ko naman talaga ang sarili ko sa ganoong sitwasyon. At kung pandirihan at gustuhin nila akong mawala, wala akong magagawa dahil 'yon ang akala nila'y tama.
Nabigla na lamang ako nang hawakan ako ni Collyn sa kamay. Tiningnan niya ako nang masinsinan. Ayon sa pamamaraan ng kaniyang pagtitig, tila ba'y parang sinasabi niya sa akin na tanggap nila ako kung sino man ako.
"Kung sino ka man, tanggap ka namin. Isa kang mabuting kaibigan at mabuting anghel, Serephain. 'Yon lang ang sigurado ako." Bigla na lamang tumulo ang luha sa kaliwang mata ko, dahilan para manlaki ang kanilang mga mata.
"S-salamat."
Niyakap naman nila ako nang mahigpit. Pero napahinto kami sa pagyayakapan nang makitang maraming anghel ang nasa harapan namin. Naglakad ako sa unahan ng mga kaibigan ko't itinaas ko ang aking dalawang kamay upang pigilan sila sa binabalak nila.
"Hindi kami nandito para gumawa ng gulo, Serephain. Gusto lang namin humingi ng pasensya sa mga nagawa naman sa 'yo at sa mga kaibigan mo. Hindi namin inakalang ikaw pa ang mismo ang pag-asa ng buong Axphain." Nakayukong wika ng isang lalaki.
"Pasensya na sa lahat ng aming nagawa." Sabay-sabay na yumuko sila sa harapan ko't sinabi ang mga katagang 'yon.
Napaiwas ako ng tingin, kasabay ng pagkagat ng ibabang labi.
"A-ayos lang," maikli kong sagot dahilan para lumiwanag ang kanilang mga mukha.
Pagkatapos magpasalamat nila ay nagpaalam na sila't pumunta na sa kani-kanilang silid-aralan. Tahimik na rin kaming pumunta sa aming silid-aralan. Nang marating na namin ay bigla kaming nanibago.
Inaasahan namin na sasalubungin nila kami ng mga mapanghusgang titig at mga masasakit na salita. Pero sa pagkakataong 'to, sobrang tahimik nila. Tahimik din kaming pumunta sa aming upuan. Sakto namang pagkakaupo namin ay siyang pagpasok din ni Ginang Sena.
Nagkasalubong pa ang mata namin at nakita ko na naman ang ngiti niya sa labi na palagi niyang pinapakita sa akin. Binati namin siya pagkapasok at ganoon din naman siya. Wala na siyang masyadong dalang mga libro, dahilan para tignan namin siya nang naguguluhan.
"Ito na ang huling pagkikita natin dahil mas magpo-pokus na kayo sa pagsasanay upang ihanda ang inyong sarili sa mangyayaring digmaan." Dahil sa sinabi ni Ginang Sena ay natahimik ang lahat at rumehistro kaagad sa mga mukha nila ang takot.
Tumikhim naman si Ginang Sena para basagin ang katahimikan.
"Saka na lamang natin pag-usapan ang tungkol sa digmaan. Pag-usapan muna natin ang tungkol sa pitong nasyon na matatagpuan lamang sa ating mundo, ang Metanoia." Huminga muna nang malalim ang aming guro't bago magsalita.
"Alam niyo na kung paano nabuo ang anim na nasyon, dahil napag-usapan na rin natin ang tungkol sa kasaysayan ng Metanoia. Anong nasyon ang kinikilalang tagapagtanggol ng kalikasan?"
Biglang may nagtaas ng kamay sa isa mga kaklase ko.
"Gwenore po, Ginang Sena."
"Tama. Ang Gwenore ay kinikilalang tagapagtanggol ng kalikasan. Ang lahi nila ay kulay berde ang kanilang mga pakpak, at maging ang kulay ng kanilang mga mata. Ang kanilang nasyon ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Metanoia. Ayon sa mga impormasyong inilathala sa libro, ang kanilang nasyon ay nahati sa limang bahagi. Una, matatagpuan ang Heleria sa hilagang bahagi ng Gwenore. Dito nakatira ang mga healers at matatagpuan sila sa kagubatan ng nasyon."
Pabalik-balik sa paglalakad sa loob ng silid-aralan si Ginang Sena, matapos niyang magsalita.
"Pangalawa, sa timog bahagi ng Gwenore matatagpuan ang Foresthia. Sila ang mga seers na Gwenorians, at kadalasan silang nakatira sa kuweba ng isang mabatong bundok. Pangatlo, sa silangang bahagi ng Gwenore matatagpuan ang Darmeria. Sila ang mga blacksmiths Gwenorians."
"Kadalasan sila matatagpuan sa tabing dagat o 'di kaya'y sa mga bukas na lugar. Pang-apat, sa kanlurang bahagi naman ng Gwenore matatagpuan ang Palaeria. Dito naman nakatira ang mga magsasakang Gwenorians. Kadalasan sila nakatira sa tabing ilog kung saan sila kumukuha ng tubig para sa kanilang mga pananim."
Huminto muna sa pagsasalita si Ginang Sena. Nagkasalubong na naman ang aming mga mata, saka sumilay ang matatamis niyang ngiti sa labi.
"Ano'ng lugar ang panghuling bahagi ng Gwenore, kung saan matatagpuan ang mga royalties at mga matataas na opisyal?" tanong ng aming guro.
Nang makita kong walang may gustong sumagot, itinaas ko ang aking kamay. Tinawag naman ni Ginang Sena ang aking pangalan at tumayo sa kinauupuan.
"Ang panghuling bahagi ay tinatawag na Center. Naninirahan sila sa isang malaki at pinakamatandang kahoy na tinatawag nilang Vita. Ang mga Gwenorians na nabibilang sa Center ay ang mga royalties at mga matataas na opisyal ng kanilang bansa."
Sumilay naman ang matamis na ngiti sa labi ni Ginang Sena matapos kong masagot ang tinanong niya.
"Tama ang iyong sagot, Serephain. Gaya ng dati, mukhang alam na alam mo ang tungkol sa ating mundo," komento pa niya.
At gaya rin ng dati, palagi ko na namang nasisilayan ang mga matatamis mong ngiti. Umupo naman ako pabalik sa aking upuan at piniling manahimik.
"At ngayon, anong nasyon ang kilala sa mga lahi ng anghel ng proteksyon?"
Sa pagkakataong 'to, may nagtaas na ng kamay.
"Auradon po," puno ng kumpiyansa nitong sagot.
"Tama. Ang Auradon ay ang lupain ng mga anghel ng proteksyon. Sila ay karaniwang may kulay ubeng mga pakpak at mga mata. Ang kulay ube ay sumisimbolo sa pagiging Auradonians. Ang kanilang nasyon ay may apat na malalaking pader."
"Ayon sa impormasyong inilathala sa libro, ang unang pader ay tinatawag nilang Infinity Silver Wall. Sabi-sabi na ang unang pader ay may barrier na bumabalot sa buong nasyon."
"Ang barrier na ito ay hugis globo at hindi ito nakikita sa mata ng isang nilalang. Sa unang pader, dito rin matatagpuan ang mga kanilang mapagkukunang mga pananim at kung ano-ano pa para mabuhay at maiwasang magutom."
Tiningnan kami isa-isa ni Ginang Sena, at nang makumpirma niyang nakikinig ang lahat ay pinili niyang magpatuloy.
"Ang ikalawang pader ay tinatawag na Outer Wall. Dito matatagpuan ang kabahayan ng mga Aurdonians at mga iba't ibang istraktura. Sa ikatlong pader ay tinatawag na Middle Wall. Dito naman matatagpuan ang kuta ng mga sundalong Auradonians. At maging ang akademya ng kanilang nasyon."
"At ang panghuli naman ay tinatawag na Inner Wall. Dito naman matatagpuan ang kanilang palasyo. Ang Auradon ay matatagpuan sa hilagang-silangang bahagi ng Metanoia."
Hindi naman maiwasan ng mga kaklase kong humanga sa mga nalaman nila tungkol sa mga bansa. Kahanga-hanga nga naman at hindi ko kayang itanggi 'yon.
Sobrang ganda lang na matutunan ang kultura ng ibang bansa.
"Ang ikatlong nasyon ang ating lupain. Pero dumako na kaagad tayo sa ikalawang uri ng ating lahi. Ang mga anghel na ito ay bahagyang nasa parehong antas sa atin ayon sa aklat ng kasaysayan." Napahinto sa pagsasalita si Ginang Sena nang biglang may magtaas ng kamay.
Siya 'yong babaeng kaklase namin na nahuhumaling sa sobrang kagandahan niya. Nakita namin siyang tumayo. Bahagya pa niyang pinagpagan ang suot-suot niyang kulay gintong damit na gawa sa sutla.
"Kung sila ay bahagyang nasa parehong antas sa atin, bakit sila tinaguriang isa sa mga mahihirap na nasyon? O aking Diyosa, isama na rin ang pagiging mahihina nila." Sikreto akong napakuyom ng aking kamao.
At nagtagis kaagad ang aking bagang matapos marinig ang mapanglait niyang mga kataga.
Narinig kong bumuntong-hininga si Ginang Sena at tinignan siya ng mapanghamong mga tingin. "Sige, kung kilala mo talaga kung sino sila. Kuwentuhan mo kami."
"Ito ay ang nasyon ng Mastromia. Matatagpuan sila sa kabila ng mga ulap sa timog silangang bahagi ng Metanoia. Sabi-sabi ay hinati sa tatlong rehiyon ang maliit nilang nasyon. Una, ito ay ang urban ng Becu."
"Sabi nila, ito raw ang pinakamayamang rehiyon. Pangalawa ay ang probinsya ng Todal, itong rehiyon na 'to ay ang mahirap na rehiyon. Pangatlo ay ang probinsya ng Wanham. Kung ang probinsya ng Todal ay tinaguriang mahirap na rehiyon, ito namang probinsya ng Wanham ay tinaguriang pinakamahirap."
Tiningnan niya muna kami sa mata sa mata bago magpatuloy sa isasagot niya.
"Tropikal naman ang klima ng kanilang nasyon. Sabi-sabi na sila ay may kulay asul silang mga pakpak at mga mata. At pangunahing ekonomiya naman nila ay ang pagsasaka. Isa sa dahilan kung bakit mahirap ang nasyon nila."
Hindi ko alam pero gusto kong sigawan siya. Gusto ko siyang pagalitan na pantay-pantay ang lahat. Kahit mahirap man o hindi, hangga't nire-respeto ang isa't isa, ayos na 'yon. Hindi basihan ang estado ng pamumuhay ng isang komunidad para masabing mayaman.
Kadalasan 'yong mga may mabuti at kapuruhan ng puso ay sila ang tunay na may toneladang ginto. Nang magtama muli ang mga mata namin ni Ginang Sena, mabilisan kong iniwas ang paningin ko. Narinig pa namin siyang tumikhim bago magpatuloy.
"Dumako naman tayo sa natitirang tatlong nasyon, ang lahi ng mga anghel na nilikha ni Gedeon. Una sa listahan ay ang Adalea, dito matatagpuan ang mga mandirigmang anghel. Hindi man sila pinagpala ng mahika, subalit pinagpala naman sila sa karunungan tungkol sa digmaan at pambihirang lakas. Sabi-sabi na ang haring araw ang siyang nagbibigay sa kanila ng lakas. Ang mga Adalean ay mayroong kulay pulang pakpak at mga mata."
Napahinto sa paglalakad si Ginang Sena nang mapansin niyang may mga kaklase akong hindi nakikinig.
Tumikhim pa ang aming guro't tiningnan ang mga ito ng masama. Humingi naman ang mga ito ng pasensya dahilan para mapailing-iling si Ginang Sena.
"Ilang rehiyon hinati ang Adalea? Ano-anong tawag sa mga rehiyon ng kanilang lupain? At ipaliwanag kung anong klaseng lugar ito." Mukhang nawalan ng gana si Ginang Sena dahil sa tatlo kong kaklase't nahuli niyang hindi nakikinig sa kaniya.
Sa mga pagkakataong 'to, wala na namang tumaas ng kamay. Hindi ko rin itinaas ang akin dahil baka sabihin lang nila na bida-bida ako't nagmamarunong.
"Serephain, masasagot mo ba ang mga tanong ko?" Napipitlag ako nang banggitin ni Ginang Sena ang pangalan ko.
Dahan-dahan naman akong tumayo at sinagot ang mga tanong niya.
"Ang Adalea ay hinati sa apat na rehiyon. Una ang Alvaro, dito matatagpuan ang akademya ng kanilang lupain. Dito rin ginaganap ang pagsasanay. Subalit, sabi-sabi ay masiyadong delikado ang lugar na ito dahil kadalasan dito naninirahan ang mga mababangis at masasamang hayop."
"Pangalawa ang Borak, dito naman matatagpuan ang mga kabahayan ng mga Adalean. Kadalasan ay mga karaniwang mamamayan lamang ng Adalea ang makikita sa rehiyong 'to. Pangatlo ay ang Cosmo, sa rehiyong 'to dito matatagpuan ang sandaling kapayapaan kung tawagin."
"Dahil dito makikita ang iba't ibang magagandang tanawin ng Adalea. At ang pang-apat ay ang Magus, dito naman matatagpuan ang mga heneral at iba pang mga matataas na opisyal ng kanilang nasyon."
Bumalik ako sa upuan matapos kong magsalita. Sunod-sunod namang namayani ang palakpakan ng lahat. Sumalubong naman sa aking mata ang mga ngiti ng mga kaibigan ko.
"Hindi mo talaga ako binibigo, Binibining Serephain." Sumilay na naman ang ngiti ni Ginang Sena na palagi niyang pinapakita sa akin.
Subalit napawi naman ang lahat ng 'yon nang sumeryoso ang kaniyang mukha.
"Tama lahat ang sinagot ni Binibining Serephain. Bawat dulo ng rehiyon ay makikita ang mga bundok at binabantayan naman ito ng mga Lochos. Ang Adalea ay mayroon ding apat na uri ng mandirigmang anghel. Una ay ang Lochos, sila ay ang mga nagbabantay sa bawat boundaries ng rehiyon."
"Ang kanilang pisikal na kaanyuan ay katulad ng mga spartano. Pangalawa ay ang mga Hoplite, sila ang mga mababang uri ng mandirigma. Kadalasan ang mga mandirigmang Hoplite ang nagbabantay lamang sa mga kababaihan at tagapagbantay sa kapatagan, pero may alam din naman sa pakikipaglaban."
Huminto muna ng ilang segundo si Ginang Sena bago ipagpapatuloy ang sasabihin niya.
"Subalit, sila ay mahihinang mandirigma kung ikukumpara sa ibang uri ng mandirigmang Adalean. Karamihang mga Hoplite ay mga manggagamot. Pangatlo ay mga Commodore, sila ang mga mandirigmang Adalean na sa katubigan kadalasan eksperto."
"Sila ay may kakayahang makipaglaban sa ilalim ng tubig. At ang panghuli ay ang mga Archers, sila ay mga mandirigmang mas bihasa sa paggamit ng mga pana't palaso. Ang Adalea ay matatagpuan naman sa kanlurang bahagi ng Metanoia."
Kahit na ilang ulit ko pa marinig ang tungkol sa Adalea, hindi ko pa rin maiwasang humanga sa pagiging malakas nila. Kahit hindi sila pinagpala ng maraming kapangyarihan.
Habang kami naman ay pinagpala ng maraming kapangyarihan at kakayahan na ipinagkaloob ng Diyos na si Akwan sa aming mga divine angels.
Pinagpala rin kami ng kagandahan at karangyaan, kaya kahit na marinig ko ang tungkol sa kanila, hindi pa rin magbabago ang tingin ko sa mga Adalean.
Hindi ko man alam kung ano ang pamamalakad ng mga pinuno nila sa kanilang lupain, pero wala akong pakialam dahil may kaniya-kaniya namang paniniwala. At pamamaraan ang bawat nasyon.
"Taga saan ang mga anghel na may itim na pakpak, mayroong sungay, matutulis na mga tenga, itim na mga buhok at maging kulay ng kanilang mga mata?" tanong ni Ginang Sena sa buong klase.
Nakita ko namang nagtaas ng kamay si Borin.
"Cimmeria po, Ginang Sena."
"Tama. Ang mga Cimmerians ay nakatira sila malapit sa Field of the Dead. Sabi-sabi na mabubuting nilalang ang mga nakatira rito, subalit kung gagalitin sila ay sobrang sagad naman. Sila ay malapit sa karagatang Ataraxia kaya mayroon silang daungan ng mga barko't bangka na tinatawag nilang Fort Vinerium."
"Ang karagatang Ataraxia ay ang pinakamalaking karagatan na matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng Metanoia. Ang karagatang ito ay pinagigitnaan ng Cimmeria at Gwenore. Kung tayo ay may Rainbow of Light, ang mga Cimmerians naman ay may Bridge of the Sword. Ito 'yong tulay papunta sa kabilang buhay."
"Sa kabilang banda, may Road of the Bones din sila, ito 'yong daan kung saan ang mga nasawing Cimmerians na nabigong makatawid papunta sa bathala. Ang Cimmeria ay matatagpuan naman sa bahaging timog ng Metanoia."
Umupo naman sa upuan si Ginang Sena nang mapagod siya't ginala ang kanyang paningin kung nakikinig pa rin ba sa kanya ang mga estudyante niya. Nang makumpirma ay nagpatuloy siya.
"Panghuli sa listahan ay ang Cazadorian. Ang tawag sa mga lalaking anghel ng Cazadorian ay Cazador, Cazadoria naman sa mga babae. Ang kanilang nasyon ay hinati rin sa limang rehiyon. Una ay ang Medria, ito ay nasa silangang bahagi ng Cazadorian na palaging malamig ang klima."
"Sa buong isang taon dalawang buwan lamang sumisikat ang araw dito. Mga nilalang dito ay puti ang mga buhok, makapal ang mga damit, at ang kanilang mga pakpak ay kulay kayumanggi na hinahaluan ng puti. Ang kanilang tahanan ay gawa sa matitibay na marbol na sa Medria lamang makukuha't makikita. Ang tawag sa mga nilalang na nakatira sa Medria ay Medrian."
Umayos ng upo si Ginang Sena at inayos ang kaniyang damit.
"Sa pagkakataong 'to, kayo na naman ang tatanungin ko. Tatawag ako ng pangalan para sa mga sasagot." Bigla namang napaayos din ng upo ang mga kaklase ko't mukhang kinakabahan. "Borin ang magpapaliwanag sa ikalawang rehiyon. Collyn naman sa ikatlo. Rony naman ang ika-apat. Ayleth naman ang pang-lima."
Mga kaklase ko namang hindi natawag ang pangalan ay napabuntong-hininga ng malalim. Tila ba'y parang nabunutan sila ng tinik sa lalamunan. Nakita ko namang tumayo si Borin ng may kumpiyansa sa sarili dahilan para ako'y mapangiti.
"Astrid naman ang ikalawang rehiyon ng Cazadorian na matatagpuan sa timog bahagi ng nasyon. May tatlong uri lamang sila ng klima, ito ay ang taglamig, tag-araw at taglagas. Sa Astrid din madalas kumukuha ang ibang lugar ng mga sandata mula sa maliliit hanggang sa malalaki."
"Marami kasing mineral na matatagpuan dito na ginagamit ng mga blacksmith sa paggawa ng mga sandata. Ang kasuotan naman nila ay yari sa sutla at ang kanilang buhok ay kulay kastanyo, habang ang kanilang pakpak ay kulay kayumanggi na may kasamang kaunting kahel sa baba. Ang tawag sa mga nilalang na nakatira sa Astrid ay Astrian."
Umupo naman si Borin pabalik sa upuan niya nang senyasan at ngitian siya ng aming guro. Sumunod naman si Collyn.
"Seriad naman ang ikatlong rehiyon na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Cazadorian. Ang rehiyong ito ay napapalibutan ng dagat, na animo'y parang malaking isla na hugis bilog kung sa himpapawid ito titignan."
"Mayaman sila sa yamang dagat at may dalawang uri lamang sila ng klima, ito ay ang tag-init at tag-ulan. Ang Seriad ay mayaman naman sa mga sangkap, mapa-pagkain man o sa paggawa ng mga kagamitan. Ang kanilang kasuotan naman ay gawa sa matibay na halaman na tinatawag nilang Galic, na sa kanilang rehiyon lamang din matatagpuan."
"Ang kanilang buhok ay kulay asul habang ang kanilang pakpak ay kulay kayumanggi na hinaluan ng kaunting asul. Ang tawag sa mga anghel na nakatira sa Seriad ay Serian."
Ganoon din ang ginawa ni Ginang Sena kay Collyn at tumayo din kaagad si Rony.
"Ika-apat na rehiyon ay ang Themios na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Cazadorian. Sa lugar na ito ay may apat na klaseng klima: tag-init, tagsibol, taglagas at taglamig. Mayaman sila sa mga karne na binibenta sa iba't ibang parte ng kanilang nasyon. Maging ang ating lupain ay bumibili rin ng karne mula sa kanila."
"Marami ring mga bundok na makikita sa rehiyong ito. Habang ang kanilang mga bahay ay gawa sa mga matitibay na kagamitan na sa kanila lang rin makikita at gawa naman sa sutla ang kanilang kasuotan. Ang kanilang buhok ay kulay dilaw, habang ang kanilang pakpak ay kulay kayumanggi na hinaluan ng kaunting kulay puti. Ang mga anghel na nakatira rito ay tinatawag na Themian."
Pagkatapos ni Rony ay kaagad din namang tumayo si Ayleth upang ipaliwanag ang panglimang rehiyon ng Cazadorian.
"Ang panghuli ay ang Aragon na matatagpuan sa gitnang bahagi ng kanilang nasyon. Ang mga nakatira lamang dito ay mga anghel na may iba't-ibang tungkulin sa buong nasyon. Halimbawa, mga orakulo, mga hukom ng kunseho, mga royalties at marami pang iba. Dito rin makikita ang prestihiyosong paaralan na tinatawag nilang Cazadorian Academy. Kung saan ang mga estudyanteng mayroong hindi pangkaraniwang kakayahan ay nag-aaral dito. Sa mga anghel na nakatira rito ay tinatawag na Aragonian."
Matapos ni Ayleth ay tumayo na sa pagkakaupo si Ginang Sena at kinuha ang kaniyang mga gamit sa lamesa. Tiningnan niya kami sa mata. Nabigla ako nang mag-iba ang emosyon niya.
Tila ba'y parang natatakot siya para sa amin.
Matapos niyang tignan ang mga kaklase ko ay nabaling naman ang kaniyang atensyon sa akin. Sa pagkakataong ito, hindi na siya nakangiti.
"Bago ako lalabas sa silid-aralan na ito, may idadagdag lang ako. Ang Cazadorian ay matatagpuan sa hilagang-kanluran ng Metanoia. Iyon lamang. Paalam at sana ay magkikita pa tayo." Lahat ng mga kaklase ko ay natakot at nag-aalala sa mga huling sinabi ni Ginang Sena.
Pero sa kaibuturan ng aking puso, nasabi ko ring . . .
Sana.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro