Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 31: Ang Propesiya ng Mundo

"Serephain, umalis na kayo!"

Narinig ko naman ang boses ni ama. Habang ang mga luha ko ay walang tigil sa pagbuhos. Tumingin ako sa aking paligid, maraming mga kabalyero mahiko na pilit kaming dinadakip. Habang si ina naman ay nakikipaglaban sa isa sa mga kapitan.

"Serephain!"

Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ko ang sigaw ni ina.

"Umalis ka na! Humingi ka ng tulong sa kapatid ko!"

Sasagot na sana ako nang makita kong itinusok ng kalaban ni ina ang espada nito sa sentro ng kanyang tiyan. Rumagasa kaagad ang aking mga luha sa nakita. Kasabay ng pagsikdo nang mabilis ang puso ko. Sinundan naman ito ng galit.

"Aella! Serephain, iligtas mo ang ina mo! Umalis na kayo ngayon din!"

Bigla na lamang ako nabalik sa reyalidad. Hindi rin ako makapagsalita dahil sa mga nakikita ko. 'Yon ba ang mangyayari sa akin sa hinaharap? Nabalik ang aking atensyon nang biglang bumukas na ng tuluyan ang libro na hawak-hawak ko.

Kinabahan naman ako, dahil hindi ko alam kung ano ang dapat kong gagawin. Napatingin naman ako kay Tita Ailia at Ginang Paciana. Pareho silang nanlaki ang mga mata't parang na estatuwa sa nakita.

"Ang libro . . ."

"Serephain . . ."

Napapikit naman ako sa aking mata dahil sa liwanag na nagmula sa libro. Pagkawala ng liwanag ay bigla na lamang lumutang si Ginang Paciana na parang wala sa sarili. Biglang lumutang papalapit ang hinahawakan kong libro sa nagmamay-ari sa kaniya.

Lalo akong nagulat nang biglang pumuti ang mata ni Ginang Paciana.

"Mga mamamayan ng Axphain at sa anim na orakulo mula sa ibang nasyon! Ako'y pakinggan ninyo!"

Halos matumba ako sa aking kinauupuan nang biglang magsalita si Ginang Paciana sa isipan ko. Tiningnan ko si Tita Ailia at tinapunan niya ako ng tingin na parang nagsasabing umayos ako ng upo.

"Makinig kayong lahat. Sa apat na pu't limang taon ang nakalipas, ngayon lang tayo binigyan ng propesiya mula sa diyos ng kapalaran."

Propesiya?

Ito ba 'yong mga mangyayari sa hinaharap?

"Matapos ang alitan sa pagitan ng dalawang magkakapatid. Nagkabuhol-buhol ang pitong nasyon na parang lubid."

Ang kataas-taasang Diyos ng Metanoia, si Akwan. At ang kapatid niyang si Gedeon. Ang kapatid niyang may galit at hinanakit sa puso dahil lang sa trono na hindi napasakanya.

"Tahimik na namuhay ang pitong lahi ng mga anghel. Pero sa napakaraming taong lumipas, ang pitong lahi ay muling makaranas ng gulo. Ang mundo ng Metanoia ay malalagay sa peligro."

Ang pitong lahi ay muling makaranas ng gulo. Nanginig kaagad ang tuhod ko dahil sa mga salitang 'yon. Ibig sabihin, hindi lang ang Axphain ang makakaranas ng kaguluhan katulad noong nangyari sa siyudad ng Terra.

Ang mundo ng Metanoia ay malalagay sa peligro. Ibig bang sabihin nito, mauulit ang nangyari noong unang digmaan? Ang tanging malinaw lang sa akin ay ang aming mundo ay malalagay sa kapahamakan.

"Subalit magdagsaan ang pitong itinakda. Mula pa sa pitong bansa. Tanging palatandaan ay siyang marka."

Magdagsaan ang pitong itinakda. Ito ba ay katulad noong nangyari apat na pu't limang taon ang nakalilipas? Sa pagkakaalam ko, nagkaroon ng pitong bayani ang Metanoia. Sila 'yong mga itinakdang mga anghel na siyang may kakayahang tatalo sa muling paghasik ng lagim ni Gedeon.

"Sila ay nakatakdang tatalo sa kalabang naghahasik ng lagim. Sa bawat nasyon, muling maranasan ang pighati ng dilim."

Sa sunod na sinabi ni Ginang Paciana ay mas lalong nagpagulo ng isip ko. Mga kalabang maghahasik ng lagim sa bawat nasyon? Tama ba ang aking pagkakaintindi? Tila ba sa mga salitang 'yon ay may dalawang posibleng ibig sabihin.

Hindi ko nga lang alam kung alin sa dalawa.

"Sa ilalim ng sinag ng buwan. Dadanak ang dugo sa bawat kalupaan."

Mas lalong nanginig ang aking tuhod matapos banggitin ni Ginang Paciana ang mga salitang 'yon. Isa lang ang naiintindihan ko sa mga salitang 'yon, mangyayari ang digmaan sa kabilugan ng buwan.

Lahat ng nasyon ay may kaniya-kaniyang mga batas at paniniwala.

Mga tradisyon at pamamaraan ng pamumuhay.

Kahit na namuhay kami sa kapayapaan, alam ko pa ring may mga kapintasan ang bawat nasyon. Isa na roon ang Axphain. Malaki ang problema ng aming nasyon ang diskriminasyon.

Kung itong digmaan ang siyang solusyon para mapagtanto ng lahat kung ano ang tama, ang pangit lang isipin. Ang pangit lang isipin na ang pitong nasyon ay magbubuklod dahil lang sa rasong 'yon?

O baka mali ako sa inaakala ko.

"Gwenore, Auradon, Axphain, Mastromia, Adalea, Cimmeria, at Cazadorian. Muling magkakaisa para sa inang bayan."

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa pagkakataong 'to. Halo-halo na eh. Ang pitong nasyon ay muling magkakaisa para sa inang bayan. Samakatuwid, kailangan naming protektahan ang aming kaniya-kaniyang lupain palayo sa madilim na puwersa.

Bigla na lamang bumagsak si Ginang Paciana matapos niyang sabihin ang lahat. Kaagad din naman siyang nasalo ni Tita Ailia, dahilan para mapabuntonghininga ako.

Bumilis ang paghinga ni Ginang Paciana at naglaho ang puting mata niya. Bumagsak din sa tabi niya ang libro. Bumangon naman siya't tiningnan ako nang seryoso. Tila ba'y parang nagkasala ako ng mabigat.

"Binibining Serephain, naiintindihan mo ba ang nangyayari?" tanong sa akin ni Ginang Paciana.

Umiling ako bilang tugon.

"May nakikita ka bang hinaharap habang hawak-hawak mo ang libro?" tanong niya ulit sa akin.

"O-opo . . ."

Bakit ba ako nauutal?!

Tiningnan ko naman si Tita Ailia, habang siya naman ay napaiwas. Kumunot bigla ang aking noo dahil hindi ko siya naiintindihan.

"Ano ang nakita mo?"

Bigla akong napayuko. Sasabihin ko ba talaga sa kaniya? Paano kung malaman niya ang sikreto ko't isumbong ako sa mga Summa?

"Hindi na importanti kung ano ang nakita mo. Kung ayaw mong pag-usapan." Napatingin ako kay Ginang Paciana at nakita ko pa siyang umayos ng upo.

Subalit, may kutob akong alam niya ang nakita ko. "Pero ikaw pa lamang ang kauna-unahang anghel na nakapagbukas ng librong 'yan maliban sa akin. Hindi ko alam, pero lahat ng mga kinuwento ng mga naunang orakulo ay biglang nagkatotoo at ikaw pa ang nagpatunay ng lahat ng 'yon."

Biglang bumalik sa alaala ko ang itinuro sa amin ni Ginang Sena tungkol sa mga orakulo at ang libro.

"Ngunit, may iilang sabi-sabi na ang librong ito ay mabubuksan din ng isang itinakda. Hindi pa naman ito napapatunayan kaya walang maibigay na ebidensya sa mga gumagawa ng haka-haka tungkol dito."

Halos mapatumba ako sa aking upuan nang mapagtanto kung ano ang pinasok ko.

Hindi lang kaya lahat ng mga sabi-sabi ay haka-haka lang?

"Hindi ko alam kung bakit nangyayari ito, pero isa lang ang ibig sabihin nito. Ikaw ang itinakda." Hinawakan naman ako ni Ginang Paciana sa magkabilang balikat at habang ako naman ay hindi alam kung ano ang sasabihin.

Ako ang itinakda?

"Serephain, nasa sa mga kamay mo ang kapalaran ng buong lupain. Malaki ang responsibilidad na nakaatang para sa 'yo dahil hawak mo kami. Nasa sa 'yo ang pag-asa ng ating nasyon." Maluha-luhang wika niya. "Alam kong malakas kang bata. Napapansin ko sa mga kilos mo't pananalita. Sana hindi mo kami bibiguin."

"H-hindi po ba sabi na malalaman kung itinakda ang isang anghel kung meron itong marka? P-pero wala po akong marka." Utal-utal kong paglilinaw sa kaniya.

Kumunot naman ang kanyang noo. Ipinakita ko sa kanya ang iba't ibang parte ng katawan ko, maliban sa likuran ko.

"Lalabas din 'yan. Maniwala ka. Naniniwala akong ikaw ang itinakda." Sabi niya at nginitian ako.

Hindi maari 'to. Kung ako ang itinakda, ano na lang sasabihin ng mga Axphainians na ililigtas sila ng isang tulad ko?

Mas lalo lang gugulo ang mundo ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro