Kabanata 28: Ang Siyudad ng Terra
Pagkapasok naming dalawa ni Caspian sa ginawa niyang lagusan ay sa isang iglap nandito na kami sa labas ng tarangkahan ng Luxa. Nakaparada rin ang isang nakalutang na barko sa harapan namin. Nakasakay na ang iba, habang kaming dalawa na lamang ni Caspian ang nahuli.
Ilulutang ko na sana ang aking katawan nang bigla akong akayin ni Caspian. Napakapit ako sa balikat niya. Dahilan para bigla akong kabahan at uminit ang aking pisngi. Napaiwas ako ng tingin.
Sobrang lapit ng aming mukha, habang amoy na amoy ko ang mabango niyang hininga niya.
Nang makasakay na kami sa lumilipad na barko ay inilapag niya ako nang dahan-dahan. Tiningnan naman ako ng mga kaibigan ko ng isang nanunuksong tingin. Umiwas ako't naglakad palayo sa kanila. Nilapitan ko naman si Ayleth nang mapansin kong nandito na rin pala siya.
"Mabuti naman at pinayagan ka ni Suprema Celestia." Napaayos siya ng tayo nang marinig niya ang aking boses.
Nilingon niya naman ako suot-suot ang kaniyang matatamis na ngiti.
"Oo nga eh," sagot niya.
Namayani naman ang katahamikan sa pagitan naming dalawa. Sa halip na makipag-usap kay Ayleth ay tinanaw ko na lamang ang magandang tanawin. Unang beses kong makalabas sa Luxa kaya sobrang manghang-mangha ako.
Tahimik din na tinabihan ako ni Ayleth at tumingin din sa magandang tanawin. Ilang segundo ng paghihintay ay sa wakas aalis na kami. Nang lumayag na ang sinasakyan naming nakalipad na barko ay ramdam na ramdam ko ang napakasariwang hangin na humahampas sa balat ko.
"Unang beses mong makalabas sa Luxa, tama ba ako Serephain?" Napatingin naman ako kay Ayleth nang magsalita siya.
Tumango na lamang ako bilang pagtugon.
"At mukhang sa lahat ng bagay unang beses mong maranasan. Bakit, Serephain?" Nagulat na naman ako sa sunod-sunod na tanong niya sa akin.
Sasagutin ko ba?
"Hindi ako lumalabas ng bahay halos dalawang dekada," walang kaemosyong sagot ko.
Natahimik bigla si Ayleth at napatingin sa akin. Iniwas ko na lamang ang aking paningin at piniling tumahimik lang ulit. Maging si Ayleth din naman ay piniling manahimik.
Ginala ko naman ang paningin ko sa aming sinasakyan. Nahagilap ng aking mata ang walang humpay sa pag-aalala na si Crystal. Habang hinahaplos naman ang kaniyang likuran ni Rony. Sina Borin at Collyn ay pinagmamasdan si Crystal, habang nakakuyom ang mga kamao.
Ang ilang mga estudyanteng taga-Terra ay ganoon din ang nararamdaman. Si Caspian naman ay abala sa pagtingin-tingin sa paligid. Naglakad ako papalapit sa kaniya, dahilan para mapatigil siya sa kaniyang ginagawa.
"May problema ba, Serephain?" tanong niya sa akin nang mapansin niya akong nasa tabi niya na ako.
"Wala naman," maikli kong sagot.
Tumingin ako sa paligid.
Sa sobrang ganda, hindi ko na alam kung ano ang dapat kong sasabihin.
May mga naglalakihang puno, natatanaw ko sa ibaba na may ilog at dagat naman sa malayo. Tanaw na tanaw ko kasi ang kabuuan ng lugar, dahil nakasakay kami ng barkong lumilipad.
"Malayo pa ba ang siyudad ng Terra?" bigla ko na lamang tinanong si Caspian.
"Maya-maya't marating na natin ito. Dahil nakasakay tayo ng sasakyang pang himpapawid, mapapadali ang pagdating natin," sagot niya naman sa tanong ko.
Tumango na lamang ako bilang pagtugon.
"Sa tingin mo, kagagawan rin ba ito ni Gedeon katulad sa nangyari noong mangyari ang unang digmaan sa mundo?" Kahit na ayaw ko mang magtanong sa kaniya, pero hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko.
Tumingin naman sa akin si Caspian.
Biglang sumeryoso ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
"Hindi natin alam kung kagagawan din ba ito ni Gedeon. Pero may posibilidad ding kagagawan niya, dahil hindi natin alam kung ano pa ang kaya niyang gawin. At saka, sabi-sabi ng karamihan na mahirap makatakas ang isang nilalang kapag naparasuhan ng walang-hanggang pagkabilanggo sa impyerno," mataas na sagot ni Caspian sa akin.
Napatingin ako sa mata niya nang idinantay niya ang kaniyang kamay sa magkabilang balikat ko.
"Takot ka ba?"
Takot nga ba ako?
Hindi ko alam. Si Gedeon ay kapatid ng kataas-taasang Diyos na si Akwan. Naging masama siya ay dahil sa trono na hindi niya makuha-kuha.
Ang buong pagkatao niya ay nababalutan ng galit at inggit. Ang antas ng kapangyarihan ni Gedeon ay hindi abot ng mga Axphainians kung sakaling dito siya maghahasik ng lagim.
Hindi namin maabot ang antas niya. Kung sakaling siya ay talagang kami ang pinuntirya niya lalo na't malapit lang ang aming lupain sa palasyo ng kapatid niya. Ano na lang ang magiging kapalaran ng aming lupain kung sakaling sasakupin niya ito?
"Huwag kang mag-aalala po-protektahan kita," bigla naman akong namula sa sinabi ni Caspian.
Binigyan niya naman ako ng kasiguruhang ngiti. Nagwala na naman ang aking puso na hindi ko malaman ang dahilan. Tinalikuran ko siya't bumalik sa tabi ni Ayleth. Hindi ako mapakali dahil pabalik-balik ang sinabi niya sa utak ko.
"Naku ha, may pagtingin ka pala kay Caspian hindi mo sinasabi sa amin, Serephain." Nanlaki naman ang aking mata sa sinabi ni Ayleth at pilit na tinatanggi.
May pagtingin ako kay Caspian? Seryoso ba siya?! Matapos akong asarin ni Ayleth kay Caspian ay namayani na naman ang katahimikan sa pagitan sa aming dalawa. Sa katunayan, ang lahat na nakasakay sa sasakyang himpapawid na 'to ay tahimik silang lahat.
Hindi ko rin naman sila masisisi dahil sa biglaang ibinalita ni Tita Noelle sa aming lahat.
♣
Napatayo kaming lahat sa pagkakaupo nang i-anunsyo ni Caspian na nandito na kami sa siyudad ng Terra. Napapasinghap ang iba. At may iba naman, maging ako, ay nagsilakihan ang mga mata sa nasilayan.
Kahit na nasa malayo pa kami ay tanaw na tanaw namin ang sirang-sirang istraktura. Lilipad na sana si Crystal nang pigilan siya ni Caspian. Sumalubong sa amin ang walang ka-emosyong mata ni Crystal dahilan para ako ay mapakuyom nang patago.
"Huminahon ka muna Crystal, hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa atin. Paano na lang kung bigla-bigla tayong atakehin ng mga kalaban na hindi natin namamalayan?" May punto naman si Caspian kaya kahit na gustong-gusto ng makalapit ni Crystal ay kinuyom niya lang muna ang kaniyang mga kamo para pigilan ang sarili.
Nang makalapit na kami't nakalapag na ang aming sinasakyan ay bumaba na kaming lahat. Todo ingat kami sa aming ginagalawan upang hindi makagawa ng ingay papalit sa nasisirang tarangkahan ng siyudad.
Nakakalungkot. Nalulungkot ako dahil sa halip na masisilayan ko ang napakagandang mga tanawin at istraktura ng Terra ay hindi na nangyari. Mas nauna ko pang masilayan na ganito na ang hitsura ng siyudad.
Pagkapasok namin ng tarangkahan ay bumuluga sa amin ang mga sirang-sirang kabahayan. May mga natutuyong dugo sa kung saan-saan at may mga patay na katawan pa akong nahagilap.
"Nandito na pala kayo." Napatili ang iba nang marinig namin ang malalim na boses sa aming likuran.
Nang lumingon kami ay sumalubong sa amin ang natatawang mukha ng isang lalaking anghel. Nakasuot ito ng magarang armor, habang napapansin ko naman ang simbolong kulay asul na dragon sa kaliwang dibdib niya.
At nakasuot din siya ng kulay asul na kapa.
Siya ang kapitan ng kabalyero mahiko sa siyudad ng Aqua.
"Ginoong Nile," rinig kong banggit ni Borin sa pangalan ng kapitan.
Napatigil naman ito sa pagpipigil sa pagtawa't napatingin kay Borin. Nilapitan niya ito't inakbayan na parang magkaibigan. Nahinto lamang sila sa pagkulitan nang mapansin ni Kapitan Nile na nakatingin kami sa kanilang dalawa.
Tumikhim muna siya't umayos ng tayo.
"Inaasahan ko na ang inyong pagdating. Natanggap ko ang mensahe ni Suprema Celestia na darating kayo rito." Napatigil ito sa pagsasalita nang mapansin niyang kasama namin si Ayleth. "Binibining Ayleth, hindi ko inaasahang sasama ka sa pagpunta rito."
"Nakiusap ako kay ina kaya ako nakasama," naiilang na sagot ni Ayleth.
Kahit na anak siya ng isang pinuno ng nasyon, hindi pa rin siya sanay na nirerespeto rin siya ng iba katulad ng kaniyang ina.
Nabaling naman ang atensyon ni Kapitan Nile sa mga kasama namin na taga-Terra, lalo na't kay Crystal. Pansin na pansin kasi ang namumugtong mga mata niya. Kaya hindi rin maiwasang malungkot ng kung sino man ang makakita sa kaniya.
"M-may nakita po kayong mga nakaligtas?" biglang tanong ni Crystal.
"Meron naman, pero malungkot kong ibalita sa inyo na hindi rin nakaligtas ang pinuno niyo." Nakayukong wika ni Kapitan Nile dahilan para mapasinghap kaming lahat.
Namatay ang pinuno ng Terra?!
"Nailigpit na namin ang halos lahat na patay na katawan sa bulwagan sa tulong na rin ng lahat ng miyembro ng kabalyero mahiko mula sa limang siyudad. Sumunod kayo sa akin." Pinagaspas naman ni Kapitan Nile ang kanyang mga pakpak at ganoon din ang iba.
Sumunod naman ako sa kanila, habang pinapalutang ang aking sarili. Nasa pinakahuli ako sa kanilang lahat habang sina Caspian at Crystal ay nakasunod sa kapitan.
Hindi ko alam kung saan kami pupunta, pero habang nakalutang sa ere, hindi maiwasang kumurot ang puso ko sa nakikita ko. At hindi ko rin maiwasang maawa sa mga inosenteng nadamay sa insidente.
Nang makarating na kami sa aming pupuntahan ay nagsipasukan kaming lahat sa bulwagan.
Hindi kaagad ako nakatingin sa mga disenyo ng bulwagan nila nang sumalubong sa akin ang sobrang daming patay na katawan. May mga bata, matatanda, at mga miyembro ng kabalyero mahiko ng Terra.
Ang bulwagan ay nabalutan ng sobrang kalungkutan at mga iyakan na sakit sa tenga't puso. Napansin ko ring hindi masyadong marami ang mga nakaligtas sa paglusob ng mga kalaban sa siyudad nila. Napalingon naman ako sa aking gilid nang marinig ko ang mga hikbi ni Ayleth.
Hinaplos ko naman ang kaniyang likuran para siya ay patahanin.
"K-kapitan Nile, nasaan po ang pamilya ko? B-bakit hindi po sila kabilang sa mga nakaligtas?" Utal-utal na tanong ni Crystal.
Napapikit si Kapitan Nile.
"Anong pangalan ng mga magulang mo?"
"Sina Jennie at Jowel po. May Lolo't Lola din po ako na sina Dina at Emilio. May dalawa naman po akong kapatid na sina Nowel at Marya po." Nanginginig na sagot ni Crystal.
Nasaktan kaagad ako para kay Crystal nang makita kong mapayuko si Kapitan Nile. Umiwas siya ng tingin at nagsimulang maglakad.
Sumunod naman kami kay kapitan. Ang puso ko ay kumabog nang mabilis, habang pinagpawisan ang aking dalawang kamay. Nagbabadya na rin ang aking mga luha sa mata. Hindi rin nakaligtas ang aking panginginig ng tuhod.
Huminto si Kapitan Nile at inutusan ang isang kabalyero na kunin ang puting tela na nakatakip sa patay na katawan ng mga anghel.
Napaluhod si Crystal nang masilayan niyang wala ng buhay ang buong pamilya niya. Dinamba kaagad niya ng yakap ang mga ito, habang walang tigil sa paghagulgol ng iyak. Nagtanong na rin ang ibang mga kasama naming taga Terra kay Kapitan Nile.
Ang ilan sa kanila ay nakaligtas ang pamilya. Habang ang ilan naman ay nawalan ng minamahal sa buhay katulad ng kay Crystal. Pero ang mas malala ay ang buong pamilya pa ni Crystal ang nawala sa kaniya.
Wala ng natitira sa kaniya.
"I-ina . . . Ama . . . Lola . . . Lolo . . . Marya . . . Nowel." Ang mga hagulgol na mga iyak ni Crystal ay tumagos hanggang sa buto ko. "Kataas-taasang Akwan, tulong . . ." Hindi matapos-tapos ni Crystal ang mga katagang gusto niyang isaboses.
Subalit, 'yong boses niya, pinangunahan ng mga hikbi.
Dinamayan namin si Crystal at unang niyakap siya ni Collyn. Niyakap naming lahat si Crystal at wala na kaming pakialam kung nakaupo na kami rito sa sahig ng bulwagan.
Subalit hindi ko na kaya.
Tumayo ako't tumalikod.
Umiyak ako nang todo.
Ang sama ko dahil hinusgahan ko kaagad si Crystal noong unang pagkita ko pa lang sa kaniya, pero ang katunayan sobrang totoo niya sa iba at maging sa akin. Hindi siya natatakot na magsabi ng totoo dahil 'yon talaga ang ugali niya.
At sobrang sakit lang na makita siyang ganito.
Sobra rin siyang mapagmahal sa pamilya niya't talagang kitang-kita ko sa mata niya ang respeto. Nasasaktan din ako. Nasasaktan akong makita ang sitwasyon niya ngayon. Si Crystal na palaging nagsasabi sa akin na wala akong dapat na ikahiya sa pagkatao ko.
Na hindi ako ang may mali, kun'di ang lipunan.
Kahit na hindi niya alam kung sino ba talaga ako. Palagi niyang sinasabi sa akin na hindi ko kailangang iyuko palagi ang aking ulo sa tuwing hinuhusgahan ako ng iba. Siya ang nagturo sa akin kung paano maglakad nang may kumpiyansa sa sarili.
Ngayon, siya na naman ang nangangailangan ng mga payo na kailangan niyang magpakatatag para sa sarili niya. Pero wala man lang lumabas na mga salita sa bibig ko. Walang lumabas kahit na ano mang pilit ko.
Paano kaya kung ako ang nasa sitwasyon niya? Paano kaya kung ang ina at ama ko ang nasa kalagayan katulad ng kaniyang pamilya?
Napatingin ako kay Caspian nang maramdaman ko ang kamay niya na hinahaplos ang aking likuran. Tiningnan niya ako sa mata at sinasabing ayos lang na ibuhos ko lahat ng 'yon. Dahil do'n, napahagulgol ako ng iyak. At napagtanto kong may natutunan na naman ako kay Crystal.
Ito ay ang kahalagahan ng pamilya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro