Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 27: Ang Masamang Balita

Kaagad namang naghilom ang aking mga sugat dahil sa nangyari kahapon sa pagsasanay. Kahit na may healing ability ako, dinala pa rin nila ako sa pagamutan dito sa loob ng akademya para raw masiguradong magamot ako nang maayos.

Naglalakad ako ng mag-isa sa pasilyo papuntang silid-aralan kahit na sinabihan akong magpahinga muna. Dahil ayoko rin namang ipagpapaliban ang klase ko, papasok pa rin ako. Maayos na rin naman ang kalagayan ko kaya wala na akong dapat na ikabahala pa.

Saka, hindi ko rin naman ikamatay ang pagtusok ng matutulis na metal ni Aki sa binti ko dahil sanay na rin naman ako. Kahit na nasa loob lamang ako ng mansyon halos magdadalawang dekada na, hindi pa rin naman ako pinapapabayaan ni ina.

Tinuturuan pa rin naman niya ako kung paano lumaban at humawak ng mga iba't ibang klaseng sandata. Habang tinuturuan ako ni ina, hindi rin naman maiwasang masugatan kaya medyo sanay na rin naman ako.

Nakahinga naman ako nang maluwag nang hindi ko nakasalamuha ang isa sa mga miyembro ng kunseho ng mag-aaral.

Pagkarating ko sa silid-aralan ay naabutan kong nagtuturo si Ginang Sena. Napalingon pa nga lahat ng kaklase ko nang mapansin nila akong pumasok.

"O, Serephain, 'di ba sabi ni Ginoong Alexandrio na kailangan mo munang magpahinga dahil sa natamo mong sugat kahapon sa pagsasanay niyo?" nag-aalalang tanong sa akin ni Ginang Sena.

Naglakad naman ako papunta sa aking upuan.

"Maayos naman po ang kalagayan ko. Wala po kayong dapat na ikabahala," sagot ko sa tanong niya.

"Sigurado ka?" Sa pagkakataong 'to, narinig ko namang sumabat sa usapan namin ni Ginang Sena si Ayleth.

Nakahawak pa nga siya sa aking dalawang kamay. Binawi ko sa kaniya ang kamay ko't tinanguhan siya bilang pagtugon.

"Sige, sabi mo eh."

Nakatingin lamang ako sa labas, pero nahagilap ng aking mga mata ang mga titig sa akin nina Borin, Crystal, Collyn at Rony sa akin. Mga titig na puno ng pag-aalala.

"Ayos lang ako." Madiin kong wika sa kanila dahilan para mapabuntonghininga sila't ibinaling kay Ginang Sena ang kanilang atensyon.

Dahil wala rin naman akong ganang makinig, pinagmamasdan ko na lamang ang tanawin sa labas ng bintana. Nabigla ako nang marinig ang tunog ng tambuli. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin niyon pero bigla akong kinabahan.

"Magsilabasan na kayo, magkita-kita tayo sa bulwagan." Napatitig naman ako kay Ginang Sena dahil sa pamamaraan ng kanyang pananalita.

Ang kaninang puno ng pananabik na makapagturo ng bagong aral at ang puno ng pag-aalala sa akin ay bigla na lamang hindi ko maramdaman. Napalitan ito ng matinding takot at pangamba.

Ano bang ibig sabihin tungkol sa tunog ng tambuling 'yon?

Naunang lumabas si Ginang Sena sa amin habang natataranta. Wala kaming ibang pagpipilian kun'di ang sundin siya. Nagkatinginan kaming lima nang naguguluhan. Habang si Ayleth naman ay hindi rin mapakali at matinding takot rin ang rumihestro sa mukha niya.

Ano bang meron?!

"Ayleth, anong ibig sabihin sa tunog ng tambuli?" Rinig kong tanong ni Collyn dahil napapansin din niyang parang wala sa sarili si Ayleth.

Kinalabit naman siya ni Crystal dahilan para mapatalon siya sa gulat.

"Ayleth, ayos ka lang ba?" tanong ni Rony.

Walang lumabas na salita sa mga bibig ni Ayleth, sa halip ay tumango na lamang siya bilang pagtugon. Hindi na lamang namin siya tinanong dahil napapansin naming wala talaga siya sa sarili't takot na takot.

Lumabas kami ng silid-aralan at nagsimula ng maglakad papunta sa bulwagan.

Tahimik kaming lahat na naglalakad dahil binabagabag kami tungkol sa pagtunog ng tambuli.

"Ano naman kaya ang ibabalita sa atin ng punong guro?"

Ibabalita? Kung may ibabalita lamang si Tita Ailia, pero bakit sa mga mukha nilang lahat ay takot na takot? Ano bang meron?

"Narinig ko rin ito sa mga kwento sa akin ng mga magulang ko. Kapag tumunog ang tambuli ng paaralan, ibig sabihin may masamang balita. May masamang ibabalita sa atin si Binibining Ailia."

Nagkatinginan naman kaming lima, habang si Ayleth naman ay ganoon pa rin. Walang gana. Biglang parang nawalan ng kaluluwa. Kinabahan din tuloy ako sa maging balita ni Tita sa amin.

Hindi naman nagtagal ay narating na namin ang bulwagan. Ang saradong bulwagan na kulay puti. Nandito na lahat ang estudyante at hinihintay ang pagdating ni Tita Ailia. Ilang sandali ng paghihintay, bumukas ang pintuan ng bulwagan at iniluwa roon ang punong guro.

Lahat ay napatingin sa kaniya. Napansin ko kaagad ang sobrang takot at hinagpis sa mukha ni Tita Ailia. Pero pilit pa rin niyang maglakad nang maayos at hindi magpakita ng kahinaan sa harap ng kaniyang mga estudyante.

Nang makapunta na siya sa entablado ay bumuntonghininga siya ng malalim at lumitaw kaagad ang orb na ginagamit pang mikropono.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Pinapatawag ko kayong lahat ay dahil sa . . ." Huminto muna siya sa pagsasalita nang mapansin niyang utal-utal na siya sa pagsasalita, ". . . ay dahil sa isang masamang balita," dugtong niya sa gusto niyang sabihin.

Napasinghap ang lahat, maging ako, sa narinig nila mula kay Tita Ailia. Nagsimula na ring nagbulong-bulongan ang iilan.

"Apat na pu't limang taon na ang nakalipas matapos maminsala sa mundo ng Metanoia ang kampon ng demonyo. At ngayon muli na naman silang nagparamdam." Lahat ay napatakip sa kani-kanilang bibig matapos marinig ang inanunsyo ng punong guro.

May iilan namang natakot at nanginginig ang mga tuhod. May mga nagyayakapan sa sobrang takot at may mga napaiyak.

Alam ko kung ano ang tinutukoy ni Tita Noelle. Apat na pu't limang taon na ang nakalipas simula noong mangyari ang unang digmaan na nangyari sa mundo namin. Alam ko ang lahat ng 'yon dahil nabasa ko lahat ang tungkol doon sa ibinigay na libro sa akin ni ama.

"Masama kong ibabalita sa inyo na ang siyudad ng Terra ay sinugod ng mga demonyo. Marami ang mga namatay sa sinapit ng ating kalahi dahil sinopresa sila ng mga atake ng kalaban. Hanggang ngayon ay hindi pa namin alam kung meron bang nakaligtas."

Nanlaki naman ang aking mata sa ibinalita sa amin ni Tita Ailia. Nakita naming napaluhod sa gulat si Crystal at hindi makapagsalita. Sunod-sunod na nagsibagsakan ang mga luha niya sa mata at nanginginig.

Bigla akong kinabahan at naalala ang mga nakita kong misteryosong anino noong nakaraang araw. May kinalaman ba sila sa insidente?

Dinamayan naman ni Rony si Crystal at niyakap ng mahigpit. Nasasaktan ako para kay Crystal. Nasasaktan ako para sa kaibigan ko. Kinagat ko ang aking ibabang labi upang hindi maiyak para kay Crystal.

Ayokong umiyak. Ayokong umiyak sa harapan niya. Kailangan kong magpakatatag para sa kaniya at maniwalang nakaligtas ang pamilya niya.

Bigla namang tumayo si Crystal at pinagaspas ang kaniyang mga pakpak papunta sa pintuan ng bulwagang ito. Sumulpot si Tita Ailia sa harapan niya dahilan para matigil sa paglipad si Crystal. At sa pagbabalak niyang umuwi sa siyudad na pinanggalingan niya.

"Saan ka pupunta, Binibini?" Sa timbre pa lang ng boses ni Tita Noelle ay kapansin-pansin ang maootoridad niya.

"Uuwi ako sa Terra. Kailangan kong mailigtas ang pamilya ko." Sinubukang ayaw mautal ni Crystal, subalit nabigo siya.

"Hindi ka pwedeng umuwi sa inyo," madiing wika ni Tita Noelle.

At lumipad pabalik sa entablado.

"Bakit ayaw niyo akong pauwiin?! Gaya nga ng sabi niyo, nilusob ang siyudad na pinanggalingan ko ng kalaban. Kailangan ko ng makauwi ngayon din dahil kung hindi, baka . . . baka huli na ako." Umiiyak na sabi ni Crystal kay Tita Ailia.

Napatigil siya sa sinabi ni Crystal at nakita ko kung paano mapakuyom ang mga kamao ni Tita.

"Ayaw kong malagay ka sa panganib, Crystal. Hindi pa natin alam kung ligtas pa ba ang siyudad ng Terra," maikling sagot ni Tita Noelle.

"Hindi natin malalaman kung hindi tayo kikilos! Kailangan kong umuwi! Kailangan ako ng pamilya ko!" Nagwala na si Crystal habang walang tigil ang pagragasa ng kaniyang mga luha.

Lumipad papalapit sina Collyn, Rony, Borin at Ayleth papalapit kay Crystal para awatin sa pagwawala si Crystal. Pinalutang ko ang aking sarili para lumapit din sa kanila.

"Crystal, huminahon ka. Pakiusap," pakiusap na wika ni Rony.

"Hayaan niyo akong makauwi sa amin. Kailangan ako ng pamilya ko . . ." pagmamakaawa ni Crystal habang rinig na rinig ang mga hikbi niya sa buong bulwagan.

Nabigla naman kami nang biglang lumipad papalapit sa amin ang mga estudyanteng katulad ni Crystal. Kitang-kita rin sa kanilang mukha ang kagustuhang makauwi sa pinanggalingan nila't walang tigil sa pag-iyak.

"Alam ko ang pakiramdam na nararamdaman niyo sa mga oras na ito, pero kung padalos-dalos tayo sa mga desisyon natin, maari tayong mapahamak. Gusto niyong umuwi nang kayo lang?! Naiintindihan niyo ba ang sinasabi niyo?! Kailangan natin ng plano bago tayo pumunta sa siyudad ng Terra. Kailangan ko rin ang kooperasyon niyo. Hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa inyo roon. Kaya huminahon muna kayo at ayusin niyo muna ang mga sarili niyo!"

Umalingawngaw ang malakas na sigaw ni Tita Ailia sa buong bulwagan at hindi rin nakaligtas sa mata ko ang mga luha niya. Kaagad niya namang pinunasan ang mga iyon at bumalik sa entablado.

May mga ipinaliwanag pa si Tita Ailia sa lahat at pinabalik na ang lahat. Pinaiwan niya naman kaming anim kasama pa ang apat na mga taga-Terra. Nagulat naman ako nang mapansin ko si Caspian na nagpaiwan din.

"Binibining Ayleth, maari na po kayong makabalik sa inyong kwarto sa dormitoryo," magalang na sabi ni Tita kay Ayleth.

"Ayoko. Gusto kong tulungan si Crystal."

"Pero baka po magalit sa akin si Suprema Celestia na pinasama kita papuntang Terra."

"Ako ang kakausap kay ina."

Gumawa ng portal si Ayleth gamit ang light magic. Hindi na ako nagulat na meron siyang kapangyarihang light magic dahil ganoon din naman ang ina niyang si Suprema Celestia.

Lumingon naman sa akin sina Borin, Collyn at Rony. Hindi sila makapaniwalang anak pala si Ayleth ni Suprema Celestia. Hindi ko kasi sinabi sa kanila dahil pinakiusapan ako ni Ayleth na huwag sabihin sa iba ang pagiging anak niya sa kataas-taasang pinuno ng Axphain.

Umiwas naman ako ng tingin dahil wala rin naman akong maisasagot.

"Sa pagkakataong ito, ang mga naiwan sa bulwagang ito ay bibigyan ko ng pribilihiyong makapunta sa siyudad ng Terra. Ipapasama ko sa inyo si Caspian. Sa pagpunta niyo roon ay maabutan niyo ang mga miyembro ng kabalyero mahiko at maging ang kapitan ng kabalyero mahiko mula pa sa siyudad ng Aqua na si Kapitan Nile. Nagpaalam na ako mula sa mga Summa ang tungkol sa pagpunta niyo roon kaya wala na kayong ikabahala."

Tumango naman sila sa sinabi ni Tita Ailia. Napatingin naman siya sa akin at isang tango lamang ang iginawad niya sa akin. Sa pamamaraan ng kaniyang pagtitig, tila ba'y parang sinasabi niyang dapat kaming mag-iingat.

Lumapit naman siya kay Crystal at idinantay ang dalawa niyang kamay sa magkabilang balikat.

"Ipagdasal ko na sana ay nasa ayos na kalagayan ang pamilya mo, Crystal." Matapos sabihin iyon ni Tita Ailia ay bumuntonghininga siya. "Pumunta kaagad kayo sa labas ng tarangkahan ng siyudad, naghihintay sa inyo ang masasakyan niyo papunta sa Terra."

Tumango naman si Caspian at gumawa ng medyo malaking lagusan gamit ang light magic niya. Naunang pumasok si Crystal kasama ni Rony. Sumunod naman sina Borin at Collyn. Hanggang sa kaming dalawa na lamang ni Caspian ang naiwan.

Nilingon ko si Tita Noelle, kitang-kita ko naman ang sobrang pag-aalala niya sa mukha niya.

"Mag-iingat kayo." 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro