Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 23: Araw ng Pag-aalay

Panibagong araw na naman ang kakaharapin ko. Sa araw na ito, walang mangyayaring klase sa halip ay ito ang araw ng pag-aalay.

Ang araw kung saan bibigyan namin ng pasasalamat pag-aalay ang kataas-taasang Diyos ng aming mundo na si Akwan, ang tagapagbantay at nagbibigay lakas ng aming lahi na Diyosang si Divine, at maging ang iba pang Diyos na pinaniniwalaan ng aming nasyon.

Lahat ng estudyante ay nandito sa loob ng bulwagan. Nandito kami sa saradong bulwagan, naghihintay sa punong guro na si Tita Ailia. Ilang sandali ng paghihintay, natahimik ang lahat nang makita namin ang pagpasok niya sa bulwagan.

Sobrang seryoso ng kaniyang ekspresyon at sobrang strikto kung kumilos. Lahat ay napatayo nang matuwid. Lahat ng atensyon ay nasa sa kaniya lang.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Alam ko na alam niyo na kung anong araw ngayon. Ito ay ang araw ng pag-aalay para sa mga Diyos na nagbibigay sa atin ng lupain, matutulugan, lakas at kapangyarihan. Ito rin ay tradisyon ng ating lahi at ginagawa taon-taon. Sana ay handa na ang inyong regalo at mga bulaklak na iaalay ninyo."

Pagkasabi ni Tita Ailia ay lahat ay nananabik, maging ako dahil unang beses ko itong maranasan. Napatingin naman kami roon sa harapan nang biglang lumitaw ang napakalaking portal na gawa sa liwanag.

Nakita ko naman na nandoon sa harapan si Caspian. Habang nakakumpas ang kaniyang dalawang kamay.

"Magkita-kita tayong lahat sa parke ng pag-aalay," pahabol na paalala ni Tita Ailia sa mga estudyante niya.

Naghintay kaming magkakaibigan hanggang sa maubos na ang mga estudyante sa pagpasok sa lagusan na ginawa ni Caspian. Nabigla naman ako nang makita kong nagpaiwan si Ayleth kasama namin. Tiningnan ko siya ng seryoso, subalit isang ngiti lamang ang kaniyang isinukli.

Nang makapasok na ang lahat ay kami na rin ang naglalakad papasok doon.

"Ayos lang naman siguro na sasama ako sa 'yo, Serephain." Biglang sulpot ni Caspian sa gilid ko.

Habang ang mga kaibigan ko naman ay umatras. Ang resulta ay kaming dalawa na lamang ni Caspian ang naiwan. Habang sila naman ay nakasunod lang sa aming likod. Rinig na rinig ko pa ang mahihina nilang mga hagikgik.

Hindi ko alam ang dahilan, pero bigla akong kinabahan.

Kinabahan ako sa presensya niya.

Hindi ko na lamang siya sinagot, sa halip ay naglakad na lamang ako kasama niya. Gusto ko mang sumama sa paglalakad sa mga kaibigan ko, pero masyado namang bastos ang kilos na 'yon. Nilingon ko silang lima, sinusundot pa nga ni Crystal ang tagiliran ko na hindi napapansin ni Caspian.

Sinamaan ko sila ng tingin dahil wala namang patutunguhan ang mga inaasar nila sa akin. Napalingon ako sa kaliwang banda ko nang maramdaman ang dalawang pares na mata na nakatingin sa akin nang masama.

Hindi na ako nagulat sa nagmamay-ari ng mga matang 'yon. Dahil siya lang naman ang babaeng anghel na isa sa mga nagkakandarapa kay Caspian. At ang babaeng anghel na handang saktan ang iba, makuha lang ang lalaking gusto niya.

Dahil mapang-asar ako, inasar ko siya gamit ang aking nakakalokong ngiti at nakataas kong kilay. Kahit na malayo siya sa amin, ramdam na ramdam ko ang galit niya nang makita ko siyang nagtiim-bagang.

Ang sarap asarin sa mga nilalang na desperada.

Nakakaawa sila.

"Dahil tahimik ka, ibig sabihin pumapayag ka," rinig kong wika ni Caspian sa aking tabi dahilan para mapatingin ako sa kanya.

Sumalubong na naman sa mga mata ko ang matamis niyang ngiti. Subalit, umiwas kaagad ako nang maramdaman ko ang pag-init ng aking magkabilang pisngi. Anong nangyayari sa akin?!

Nang makapasok na kami sa ginawang lagusan ni Caspian ay sa isang iglap ay nandito na kaagad kami sa aming pupuntahan. Ang parke ng pag-aalay.

Halos malaglag ang aking mga panga nang mahagilap ng aking dalawang mata ang ama ko, kausap niya ang mga Summa. Bigla tuloy akong kinabahan at gusto na lamang bumalik. Magiging ayos lang ba ako rito 'pag nandito ang presensya ng mga Summa, miyembro at mga kapitan ng kabalyero mahiko?

Nanginig din ako nang makita ko kung gaano karaming mga mamamayan ng Luxa ang nandirito. Halos lahat na yata. Gusto ko na lang umatras at magmumukmok sa kuwarto ko. Nabigla na lamang ako nang may humawak sa kaliwang kamay ko.

Napatingin ako kay Caspian. Tiningnan ko siya sa mata. Kitang-kita ko ang pag-aalala niya.

"Ayos lang 'yan. Nandito ako." Kahit papaano ay napagaan niya ang nararamdaman ko.

Tinanguhan ko naman siya at napakagat ng labi.

"Salamat."

Hindi na ako nakakuha ng sagot mula sa kaniya. Pero naglalakad na kami papalapit sa altar kung saan doon namin ilalagay lahat ng aming mga regalo o ialay para sa mga Diyos.

Napatingin naman ako sa gawi ni ama. Subalit, napaiwas ako ng tingin nang magtama ang mga mata namin.

"Kumilos ka lang na parang ordinaryong nilalang," rinig kong sabi sa akin ni ama sa isipan.

Pagkarinig ko ay ginawa ko na nga ang sinabi niya.

Inayos ko ang aking paglalakad, at pilit na kumilos katulad ng mga ordinaryong anghel. 'Yong mga ordinaryong anghel na walang pinapasang sikreto. Kahit na nanginginig ang mga kamay ko at tuhod ko ay sinunod ko ang sinabi sa akin ni ama.

"Gusto mo bang lumayo rito?" Biglang tanong sa akin ni Caspian nang mailapag na namin ang aming inalay para kay Divine, kataas-taasang Diyos na si Akwan at sa iba pang Diyos na pinaniwalaan ng mga Axphain.

Halatang-halata niya siguro sa panginginig ng mga kamay at tuhod ko. At ang takot sa mukha ko kaya niya nasabi iyon. Serephain, baka nakakalimutan mo isang purong divine angel 'yang kasama mo! Pero hindi ko na kaya.

Hindi ko na kayang manatili pa rito ng matagal.

"Oo, p-pakiusap," utal-utal kong sagot sa kanya.

Ayos lang naman siguro pagkatiwalaan ko si Caspian? Sabihin ko kaya sa kaniya ang sikreto ko? Ano kaya ang magiging reaksyon niya? Ririndihan at kamuhian niya kaya ako sa pagiging kakaiba ko?

Napailing kaagad ako sa aking mga naisip. Mukha yatang nawawalan na ako ng bait. Kung sasabihin ko ba, magbabago ba ang lahat? Magiging malaya na ba ako? Makakamit ko na ba ang kalayaan na inaasam ko?

Nakita ko namang patagong ikinumpas ni Caspian ang kaniyang mga kamay. Nabigla naman ako nang maglakad na kami na parang walang binabalak na pagtakas palayo rito sa parke. Tiningnan ko naman siya nang naguguluhan.

"Pagkatiwalaan mo 'ko," bulong niya sa akin dahilan para tumango ako.

Sa isang iglap ay nandito na kami sa isang lugar na napuntahan ko na dati. Ito 'yong lugar kung saan ko aksidenteng nabangga si Suprema Celestia gamit ang aking invisibility cloak.

Pero paano kami napunta kaagad rito? Naintindihan ko naman kaagad kung bakit. Gumawa si Caspian ng invisible portal gamit ang kakayahan niyang light magic.

Tiningnan ko naman si Caspian at napaiwas kaagad ako ng tingin nang makita ko siyang ngumiti sa akin. Hindi ba siya naguguluhan sa inasta ko kanina? Hindi ba niya ako tatanungin kung bakit?

"Caspian . . ."

"Hmm?"

"S-salamat."

"Walang anuman."

Pagkatapos ng maikling pag-uusap ay pareho na kaming tahimik. Subalit, nabigla na lamang ako nang bigla niya akong kaladkarin papalapit sa isang tindahan. Lumingon siya sa akin dahilan para tingnan ko siya nang naguguluhan.

"Kumakain ka ba ng inihaw na pusit?" tanong niya sa akin.

Tinanguhan ko naman siya bilang pagtugon. Ipinagkumpas niya ang kaniyang kamay at sa isang iglap ay mayroon na siyang salapi sa kamay. Si Caspian ay mayroon din palang kakayahan ng chrimatakinesis.

Ibig sabihin, sobrang yaman siguro nito.

Ang chrimatakinesis ay isang kakayahang makamanipula ng salapi o maging mga ginto. Itong klaseng kakayahan ay isa lamang ito sa mga ekstrang abilidad ng mga Axphainian.

Nang matapos maluto ang inihaw na pusit ay inabutan naman ako ng isa ni Caspian. Aalis na sana kami sa lugar na 'yon nang makita ko ulit ang dalawang anghel na nakita ko noon. Sila 'yong babae't lalaking anghel na gumagawa ng palabas rito para sa mga bata.

"Gusto mo manuod muna?" rinig kong tanong ni Caspian.

Tumango na lamang ako nang parang bata. Subalit, napatingin kaagad ako sa kaniya nang marinig ko ang kaniyang mahihinang tawa. Napaiwas pa nga siya ng tingin nang makita niya akong nakatingin sa kaniya.

Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang namumula niyang matutulis na tenga.

Napangiti naman ako nang patago, at ibinaling na lamang ang aking atensyon sa palabas.

"Ina, bilhan mo po ako ng laruan. Usto ko 'yong griffin na laruan." Napatingin naman ako sa batang umiiyak habang tinuturo ang gusto niyang laruan.

"Huwag ka ng umiyak. Bibilhan ka na ni ina." Kita ko pa ang nakangiting mga labi ng batang lalaking anghel nang abutan siya ng ina niya ng isang laruan.

Napaiwas naman ako ng tingin nang magtubig na naman ang aking mga mata. Napayuko ako't pinunasan ang aking mata nang hindi ko ito mapigilan.

Napaiyak kasi ako dahil hindi ko mapigilang maiingit sa bata. Sana naranasan ko man lang ng isang beses na bibilhan ako ng laruan ni ina. 'Yong parang ordinaryong mamamayan kami at walang panghuhusga tungkol sa pagiging kakaiba ko.

Nagulat na lamang ako nang may nag-abot sa akin ng isang laruan sa hitsura ng isang hippogriff. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko si Caspian na nakangiti sa akin ng matamis. Bumilis ang tibok ng aking puso at nagbabadya na naman ang mga luha ko.

"Alam kong gusto mo ang makatanggap ng laruan dahil kanina ka pa nakatitig sa tindahan kanina. Pagpasensyahan mo na kung hindi ako ang ina mo para bilhan ka ng ganito. Kitang-kita kasi sa mga mata mo na gusto mong maranasan na bilhan ka ng ina mo katulad ng batang 'yon, hindi ba?"

Itinuro niya naman ang batang tinitigan ko kanina. Dahil sa ginawang kabutihan sa akin ni Caspian, hindi ko na maiwasang yakapin siya ng mahigpit.

Umiyak sa mga bisig niya. Niyakap niya naman ako pabalik at hinahaplos ang aking likuran.

"Wala man ako sa posisyon para gawin ito sa 'yo pero sana tang―" Naputol naman ang kaniyang sasabihin sana nang tanggapin ko ang ibinigay niyang laruan sa akin.

Narinig ko namang tumawa siya ng mahina. Lumayo ako sa yakap ko sa kaniya at tumalikod. Hindi ko na alam kung paano ko papatigilin itong sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Hindi ko rin maiwasang mapangiti ng malapad at ang pagpula ng aking magkabilang pisngi.

"Ang ganda mo talaga, Serephain." Halos matumba ako sa aking kinatatayuan nang marinig ko ang sinabi niya sa isipan niya. Bakit ko ba naririnig sinasabi niya sa isipan niya?

Hindi ko naman ginamit ang kakayahan ko sa kaniya.

"S-salamat." 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro