Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 21: Bagong Kasama sa Kuwarto

Tapos na ang aking dalawang araw sa pagpapahinga. At panibagong linggo na naman ang aking kahaharapin. Panibagong lakas na naman para ihanda ang sarili ko sa mga panlalait ng mga estudayante sa akin. Saka makikita ko na naman ulit ang mga kaibigan ko.

Sakay ako sa pegasus ni ama na kulay puti, habang siya naman ay nakasunod lang sa akin. Siya ang maghahatid sa akin papuntang akademya dahil nagpadala ng mensahe si Tita Ailia na hindi niya ako makukuha dahil maaga siyang pumunta pabalik.

Napagala ang aking mata sa paligid. Sobrang ganda siguro sa pakiramdam na makakalipad ako rito nang walang inaalala. 'Yong lilipad na hindi hinuhusgahan. Bawal ko kasing ilabas ang aking mga pakpak, dahil baka ito pa ang ikapapahamak ko gaya nga ng sabi ni ama.

Wala naman akong problema na itago ko ang aking mga pakpak, dahil gugustuhin ko na lamang na mawalan kaysa sa meron.

Masyado pa namang maaga para bumalik sa dormitory. Pero kailangan naming umalis ni ama nang maaga para maiwasan naming merong makakitang ibang nilalang na magkasama kami. Ayaw rin naman naming mapapahamak.

Pero bilang isang anak niya, hindi ko rin maiwasang masaktan dahil labing-walong taon na kaming ganito ang sitwasyon. Wala naman na akong problema ngayon dahil sanay na rin naman na ako. Sanay na akong masaktan. Sanay na ako sa lahat.

Nabuhay ako sa kasinungalingan, kaya wala na akong dapat na ikabahala.

Wala man ako sa sitwasyong kuwestyunin si ama sa mga ginawa niya para sa pamilya. Pero hindi ko pa rin maiwasan siyang kamuhian at masaktan sa sitwasyon namin.

Dumating kami sa paaralan na walang nakapansin gaya nga ng aming plano. Bumaba na ako sa pegasus at walang pasabing tinalikuran si ama. Pero bago pa man ako makapasok sa malaking tarangkahang 'to ay narinig ko siyang nagsalita.

"Mag-iingat ka," maikli niyang habilin sa akin.

At saka umalis na nang tuluyan, habang ako naman ay ngumiti ng mapait.

Palagi na lang.

Nang makapasok na ako nang tuluyan sa akademya, nangniningning pa rin ang malagintong mga gusali. Ang buong nasyon ng Axphain ay lahat konserbatibo tungkol sa tradisyon at mga paniniwala.

Kaya nga mas pinili naming itago ang aming mga sarili sa nasa taas. Ewan ko ba hanggang ngayon, napaisip kung dito ba talaga ako nararapat. Kung saan ba talaga ako nabibilang.

Sa mga oras na 'to, naglalalakad ako sa malaking pasilyo na 'to patungo sa dormitoryo. At mas lalo ko pang binilisan ang aking paglalakad dahil ayoko rin namang may makakita sa akin o makasalubong man lang.

Dahil ayoko rin namang makita ang pagmumukha ni Caspian lalo na't wala rin naman akong ganang makipag-usap kanino man sa ngayon.

Nakahinga naman ako nang maluwag dahil hindi ko nakasalubong ang lalaking 'yon at nasa harapan na ako ng pintuan ng kuwarto ko. Subalit, napabagsak ang aking balikat nang makitang may isang magandang nilalang na nasa harapan ng kaniyang mahiwagang salamin.

"Sino ka?" walang ka-emosyong tanong ko.

Lumingon naman ito sa akin at nginitian ako.

"Magandang umaga, ako ang inyong bagong magiging kasama sa kuwarto." Nakangiti niyang sagot sa akin.

Hindi ko alam, pero natutulala ako sa kagandahan niya. Kulay puti ang kaniyang buhok, maputi rin ang kaniyang balat at itim din ang kaniyang kulay sa mata.

Kulay ginto naman ang kaniyang mga pakpak. Samahan pa ng nagniningning niyang kasuotan. Pero umiwas naman ako ng tingin matapos niya akong tignan nang naguguluhan.

"Hindi ko kailangan ng kasama sa kuwartong 'to. Kaya maari ka ng lumabas. Bilis!" malamig kong sabi saka humiga ng tahimik sa kama ko.

"Eh, sabi kasi ng punong guro, ito na lang ang may ispasyo kaya rito niya ako nilagay."

Hindi na lamang ako nakipagtalo sa kaniya dahil wala naman talaga akong balak makipag-usap sa kahit na sino, maliban sa mga kaibigan ko. Pinikit ko na lamang ang aking mga mata para matulog ng ilang sandali, pero ewan ko sa kasama ko mukha yatang wala siyang balak na papatulugin ako.

Dada kasi nang dada dahilan para mapakuyom ko ang mga kamao ko nang patago. Ayoko rin kasi sa mga maiingay lalo na't nasa kuwarto. Gusto ko 'yong tahimik kahit man lang dito.

"Taga saan ka pala?" rinig kong tanong niya.

"Malapit lang dito," walang gana kong sagot.

Hindi ba niya napapansin na ayokong makipag-usap sa kanya?

"Ay, ang detalyado ng sinagot mo ah," sarkastikong wika niya, samahan pa ng nakakarindi niyang tawa.

"Walang anuman," sarkastiko ko ring sagot saka pinikit ang aking mga mata.

Napabuntong-hininga ako ng malalim nang tumahimik na ang kasama ko. Lumingon muna ako sa kanya at nakita ko siyang nakahiga na rin sa kama niya. Napamura ako sa aking isipan sa nakita. Ang daling makatulog, ah. Habang ako naman ay dilat na dilat pa ang diwa ko.

Hanggang sa naabutan na lamang ako ng sinag ng araw dahilan para mapabangon ako sa inis at inihanda ko na lamang ang aking sarili para pumasok. Pagkatapos kong kumain ng unti ay isang pitik ko lang ng aking mga daliri ay napalitan ng kulay itim na cloak ang aking suot.

Pagkatapos kong maghanda ay lumabas na ako ng dorm at sa isang iglap lang ay nandito na ako sa pasilyo. Mas lalong kong tinago ang aking mukha nang maramdaman ko na naman ang kanilang mga nakamamatay na tingin sa akin.

Ako lang kasi ang naglalakad na estudyante rito patungo sa silid-aralan. Dahil ang iba naman ay pinagmamalaki nila ang kanilang kulay puti at gintong mga pakpak.

Hindi ko na lamang sila pinansin pa't nagpatuloy na lamang sa aking paglalakad hanggang sa makarating ako sa silid-aralan.

Nang makapasok na ako ay yumuko ako lalo para hindi makita ang mga titig nila't dumiretso na lamang sa upuan ko. Subalit, laking gulat ko na lamang nang makita 'yong babaeng bago ko raw makakasama sa kuwarto ko.

"Kaklase pala tayo?" tanong niya sa akin nang makita ako.

Hindi ko siya sinagot sa halip ay tahimik akong umupo sa upuan katabi ng sa kaniya. Napabuntong-hininga ako ng malalim dahil hindi na niya ako kinulit pa. Nang makaupo ay lumingon naman sa kinaroroonan ko sina Borin, Collyn, Crystal at Rony.

"Kumusta ang pag-uwi mo, Serephain?" tanong sa akin ni Borin.

"Mabuti naman," maikli kong wika.

"Mamaya sama tayo puntang cafeteria, ah. Nananabik na kasi kaming magkasama ulit tayo." Nakangiting wika sa akin ni Collyn.

Tumango na lamang ako bilang pagtugon habang silang apat ay walang tigil sa pagngiti. Laking gulat ko nang lumipat ng mauupuan itong babaeng makasama ko sa dormitoryo.

Tiningnan ko siya nang naguguluhan, dahil ang napili niyang upuan ay katabi pa sa akin. Wala namang umupo sa katabi ko dahil wala namang gustong makatabi ako.

"Ako nga pala si Ayleth." Nakangiti niyang pagpapakilala.

Inilahad niya naman ang kaniyang kamay upang makipagkamay sa akin. Sa mga oras na ito nakatingin na sa aming dalawa sina Borin, Rony, Collyn at Crystal. Na tila parang hinihintay kung tatanggapin ko ba ang kamay nitong babae.

At sa huli, tinanggap ko rin naman.

"Serephain."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro